You are on page 1of 3

Maki-Beki, ‘Wag Matakot!

“Bakla ka na nga, mareklamo ka pa!”

Muntikan ko na minsang ma-jombag ang kaklase ko nang marinig ko ang mga salitang
ito. Maliban sa tahasang diskriminasyon, ang pagtanaw ng iilan sa aktibismo ay isang porma ng
kapahamakan at kabalintunaan. Napapaisip na lamang akez kung kabawasan ba sa pagkatao
ang pagrereklamo. Bilang parte ng LGBTQ+, ang patuloy na pagpapalawig ng boses ng masa ay
nararapat lamang upang biguin ang balintunang pamumuno, pabagsakin ang totoong salot sa
lipunan, at itaguyod ang karapatang pantao. Habang nasa posisyon ang mapaniil na pinuno, ang
mga aktibista at kabataan na tinaguriang demonyo, salot, kanser, at pabigat ang nagtataguyod
ng kamalayang panlipunan at nagpapalakas ng panawagan para sa kapakanan ng bawat isa.

Isa sa mga malalaking hamon sa mga kabataang aktibista at mga progresibong tulad ko
ang harapin ang mga kamag-anak tuwing reunion. Maliban sa laitan ng awra at chismis sa jontis
na kapitbahay, naiiba ang ihip ng hangin kapag ang usapan ay ukol sa politika. Sa puntong ito
maririnig ang tunggalian sa ideolohiya at kadalasan ay mga walang saysay na pagtatalo at
pangangatwiran ukol sa mga napapanahong isyu sa bansa. Chovaline kyle naman ang ganap ng
iba habang nagpapakalat ng maling impormasyon at balita. Sa hapag, mas mainit pa sa mga
putaheng nakahain ang usapan na sabayan pa ng sermon ng bortang tatay na certified DDS.
Tunay na nakaka-lurky ang mga ganap kapag kasama na ang mga boomer. Hagardo Versoza
ang peg sa bawat taas ng boses at balikong katwiran. Mapapatanong ka nalang sa sarili, “Anetch
daw?”

Sa panahon ngayon, naging kultura na sa pananaw ng ilang Pilipino na ang pagpuna at


pagbatikos sa kamalian at katiwalian ng nasa kapangyarihan ay isang gawi ng terorismo. Bunsod
ng sunod-sunod na kaso ng red-tagging at pagpasa ng mapaniil na Anti-Terror Law, mas sinisikil
nito ang karapatan ng mamamayan upang makapagpahayag nang may buong laya at walang
takot sa kahit anong banta ng represyon at panganib. Dinagdagan pa ito ng kakulangan sa
edukasyon ukol sa mga kasalukuyang isyu na kinakaharap ng bansa at kung minsan pa ay
walang pagkibo ang iilan sa mga nagaganap sa kasalukuyan. Naging kaisipan na rin para sa iba
na ang pagsalungat sa gobyerno ay pagtataksil sa lipunan. Kung susumahin, ang mga salik na
ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit negatibo ang pagtanaw ng iba sa aktibismo at sosyo-
politikal na pakikilahok.

Dahil sa kagustuhan ng pamahalaan na panatilihin ang kapangyarihan nito, unti-unti


nitong dinudurog ang mamamayang sumasalungat dito. Binibigyan nito ng marungis na
depiksyon ang aktibismo na siyang nagiging pamantayan ng ilang Pilipino. Isang halimbawa ang
pagkalat ng fake news na naging daan upang tuluyang sirain ang katotohanan at ibaling ang
perspektibo ng iilan sa hindi makatuwirang pananaw at baluktot na pagdedesisyon.
Sa katunayan, napakaraming rason upang makilahok sa usaping politika. Nariyan ang
isyu ng dibisyon sa pagitan ng mayayaman at mahihirap. Sa pag-usbong ng neoliberalismo, ang
mga mahihirap ang tunay na naiipit sa laban marahil elitista ang paraan ng pamumuno at ang
nasa laylayan ang binubusalan. Kung minsan ay ginagamit pa ang mga ito sa mga politikal na
layunin sa halip na tulungan at palaguin ang paraan ng pamumuhay. Bilang mga kabataan, isa
ito sa saklaw ng ating responsibilidad. Palakasin ang boses ng mga nasa laylayan upang
pakingan ito ng mga nasa posisyon at umaksyon nang naayon sa mga daing at pangangailangan.

Nasisipat din ang ilan sa mga politiko at ang mga baluktot na hakbangin nito sa
pamamahala. Ngayong kumakaharap ang Pilipinas ng isang krisis, mas nalalantad ang ilan sa
mga depektibong aksyon ng mga pinuno ng bansa. Nagmistulang sirko ang pamahalaan sa
publiko dahil sa sunod-sunod na kapalpakan na ipinamalas nito habang nakikidigma ang bansa
sa COVID-19. Isa sa mga halimbawa nito ang isyu sa paglabag ng mga opisyal sa pandemic
protocols at ang pagsasawalang-bahala ng pangulo patungkol sa mga nasabing kaso. Maliban
pa rito ay nagmumukhang katatawanan lamang ang pagsubok na kinakaharap ng bansa para sa
mga opisyal ng administrasyon katulad na lamang ng mga pahayag ng opisina ng pangulo sa
mga usapin sa pagsugpo ng sakit. Sa mga pagkakamaling nasisipat, nararapat lamang ang
pagkibo upang maituwid ang mga nasabing pagkakamali at makamit ang hustisya para sa mga
naapektuhan ng kabalintunaan.

Maliban pa rito, sunod-sunod din ang kaso ng karahasan sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Halimbawa nito ang sektor ng mga mamamahayag sa bansa na itinuturing bilang isang
mahalagang plataporma ng demokrasya. Sa halip na palakasin ang sektor nito upang maibsan
ang pagkalat ng fake news at makapaghatid ng katotohanan sa pamamagitan ng epektibong
pagbabalita ay naging pangunahing puntirya ito ng pamahalaan.

Isa sa mga paraan upang mabura ang negatibong pananaw ng iilan sa politikal na
pakikilahok at aktibismo ay ang patuloy na pagpapataas ng kamalayan. Sa tulong ng sapat at
angkop na edukasyon ukol sa mga isyu sa bansa, mas nabibigyang-linaw ang mga bagay at
makatutulong ito upang hubugin ang opinyon ng masa. Ilang halimbawa nito ay ang pagbubukas
ng diskurso ukol sa politka, pagkakaroon ng mga diskusyon, at paglulunsad ng mga debate.

Maaari din gumamit ng iba’t ibang paraan sa pakikibaka tulad ng pagsusulat at paggamit
ng social media. Sa modernisasyon, maraming plataporma na maaring gamitin tulad ng
pagsasagawa ng mga virtual zine, paggamit ng teknolohiya tulad ng pagsasagawa videos at vlogs
na nagbabalasa ng iba’t ibang usaping politika. Sa pamamagitan nito ay mas mahihikayat natin
ang nakararami na makilahok sa tulong ng pinagkaisang interes at layunin.

Kailangan din na pagtibayin ang mga panawagan at adbokasiya upang mamulat ang mga
mamamayan ukol sa mga napapanahong kaganapan at isyu. Nararapat din na tuldukan ang
lumalalang misinformation at disinformation upang makapagbigay ng makatotohanang batayan
para sa pagbuo ng pampublikong opinyon. At ang pinakamahalaga sa lahat, ang pagtanaw sa
mamamayan bilang tagapagtaguyod ng pagbabago. Kailangan nating makibagay sa realidad ng
kanilang pamumuhay upang bumuo ng wastong ideya at mapalakas ang boses nila sa buong
bansa

Sis! Kyah! Ano na! Kailangan ng kabataan na magkaisa. Ang pagiging kritiko ng
pamahalaan ay hindi pagtataksil ngunit isang paraan upang itaguyod ang bayan dahil ang
pakikibaka ay kakayahan ng mamamayan upang alamin ang tama at mali, ituwid ang mga
baluktot, at isapuso ang pagiging Pilipino. Ang pagsalungat ay kakayahang panghawakan ang
karapatan bilang mamamayan sa bansa. Sa karimlan na tinatahak, mas kagimbal-gimbal ang
nakabibinging katahimikan.

Bilang isa sa hanay ng LGBTQ+ na nakaranas ng diskriminasyon at nakarinig ng


negatibong komento ukol sa politikal na pakikilahok at aktibismo, ang pakikibaka ay hindi ko
lamang laban ngunit laban ng sambayanan. Itaguyod natin ang panawagan ng isa’t isa at
magkaisa sa pakikibaka at paglaban para sa kapakanan ng buong bayan. Gaya nga ng sabi ni
Mamsh Lualhati Baustista, “Ang payapang pampang ay para lang sa mga pangahas na
sasalunga sa alimpuyo ng mga alon sa panahon ng unos.”

Chugug diba? Ravan na!

Gay Lingos: [1] Majombag - masapak, akez -ako


[2] awra -panlabas na anyo, damit, porma, jontis – buntis, Chovaline kyle – chika,
nakaka-lurky – nakakatakot, borta(ng) – Malaki ang katawan,
Hagardo Versoza – Haggard, anetch – ano
[11] Sis – sister, kyah – kuya, Mamsh - Nanay
Chugug – pasok sa banga, totoo
Ravan - Laban

You might also like