You are on page 1of 10

MAIKLING KUWENTO

Isang sining ang pagsulat ng maikling kuwento. Angkin ng maikling kuwento ang kaikliang
sapat upang mabasa ito sa isang upuan lamang ngunit nag-iiwan ng mabisang kakintalan sa
isipan ng mambabasa. Hindi katulad ng isang nobelang dahilan sa kawing-kawing na
pangyayaring bumabalot sa buhay ng mga tauhan ay talagang kailangang pag-ukulan ng
mahaba-habang oras ang pagbabasa. Kakambal ng kaiklian ng maikling kuwento ang
pagkakaroon ng isang kakintalang dulot ng mga tauhan, tagpuan at banghay.
Sinasabing ang maikling katha ay tumatalakay sa pagkakabalangkas ng mga pangyayari.
May isang panahong upang maituring na kawili-wili ang maikling kuwento ay kailangang matatag
at maayos ang kabanghayan nito. Sa makabagong kuwento ngayon ay hindi na ganito. Maaring
ang mga pangyayari'y ginagamit lamang upang higit na mapalutang ang katauhan ng
pangunahing tauhang iniikutan ng kasaysayan. Ang ganda ng maikling kuwento ay nababatay sa
kahusayan ng may katha sa paglalarawan ng katauhang iyon.

Layunin: Pagkatapos ng araling ito ang mga mag-aaral ay inaasahang:

1. Natatalakay ang mga halimbawa maikling kwento at nobela halaw sa magkakaibang


panahon.
2. Nailalahad ang mga bahagi ng kuwento.
3. Nalalaman ang mga pananaw sa pagkukwento
4. Naipaliliwanag ang mga sangkap ng maikling kuwento.
5. Nakalilikha ng sariling maikling kuwento.

ANG SINING NG MAIKLING KUWENTO

Maaari rin namang para sa sumusulat ng maikling kuwento ang tagpuan o kapaligiran ang
nais niyang bigyan ng lalong malawak na pansin. Halimbawa, sabihin nating ang maikling
kuwento ay tungkol sa mga Maranaw na gustong bigyang-diin ng sumusulat ang uri ng

1
pamumuhay, mga kaugalian, damdamin at kaisipan ng mga ito, hindi maiiwasang ang higit na
lulutang ay ang mga bagay na may kinalaman sa pamumuhay at kaugalian ng mga pangkat na
nabanggit. Maaari pa ngang ang pangunahing tauhan ay maging instrumento lamang tungo sa
pagpapalutang sa maikling kuwento ng mga kapaligirang ito.
May mga uri ng maikling kuwento naman na ang higit na binibigy ang diin ng sumusulat
ay maihatid sa mga mambabasaang ang mahahalagang kaisipan Sa pamamagitan ng iniisip ng
pangunahing tauhan. Sa ganitong pagkakataon hindi na mga pagkakasunud-sunod ng
pangyayari o ang kilos ng mga tauhan ang higit na mahalaga. Walang pinalulutang sa ganitong
uri ng katha kundi ang kaisipan.
May mga maikling katha ang nag-aangkin ng tinatawag na kaisahan. Halimbawa, ang
lahat ng mga pangyayari ay naganap sa loob lamang ng maghapon o ng isang magdamag Ang
buong diin at bigat ng salaysay ay napapaloob sa mga pangyayaring naganap sa loob ng
panahong iyon. O kaya naman halimbawa'y sa loob lamang ng isang tindahan naganap ang
kasaysayan o sa loob lamang ng isang silid. Ito ang tinatawag nating nagtataglay ng kaisahan ng
pook.
Katulad ng iba pang bagay sa mundo ang bawat isa ay may tinatawag na kani-kaniyang
pamamaraan na ikinaiiba sa iba. Ganoon din sa pagsulat. Bawat manunulat ay may kani-
kaniyang sariling pamamaraan at tatak. Sa mga mahahalagang sangkap ng maikling katha
bahala na ang manunulat kung ano ang nais niyang palutangin. Para sa isang nagsisimula pa
lamang sa pagsulat kailangan lamang tandaan na importanteng gawing kawili-wili ang simula.
Katulad din ng ibang anyo ng panitikan, nasa simula ang pang-akit sa bumabasa upang
magpatuloy sa pagbasa. Kapag sa pasimula pa lamang ay naakit na ang mambabasa halos hindi
na ito maawat sa pagtunghay sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayarı tungo sa isang
tinatawag na kasukdulan
Ang kasukdulang ito'y tutungo sa tinatawag na kakalasan at biglang magwawakas.
May mga maikling katha na masasabing napapanahon sapagkat ang paksa ay
napapanahon. Ang mga ganitong paksa ay kinawiwilihang basahin. Subalit higit ang kagandahan
ng mga maikling kathang lumilimot sa kanyang sariling panahon: binabasa pa rin sa kabila ng
paglipas ng mga panahon sapagkat ang panahon ang siyang pinakamakapangyarihang hukom
sa ano mang akdang pampanitikan

PAGSISIMULA:

2
Iba't ibang nilalaman ng simula ng maikling kuwento batay sa layunin at pamamaraan ng
may-akda. Maaaring ang tagpuan at panahon ay inilalahad agad: maaari rin naming ipinakikilala
agad ang mga tauhan lalong-lalo na ang pangunahing tauhan; maaari rin namang ang suliranin
ng maikling kuwento ay ipinababatid agad sa mambabasa. Ang higit na mahalagang malaman
ay ito: sa makabagong paraan ngayon ay wala na ang maraming kuskos balungos pa o mga
pasikut-sikot. Kadalasan ay tiyak at hindi malawig ang pamamaraang ginagamit.

MGA HALIMBAWA NG PAGSISIMULA:


Kung minsan dahil sa kagandahan ng kapaligiran nakaka-isip ang manunulat ng isang
kuwento. Gagamitin niya ang kapaligiran upang siyang maging simula ng kanyang pag-
kukuwento.

Dalawang araw ko nang binabantayan ang pagkawala ng ulap sa bundok


ng Apo. Nais ko itong makunan ng larawan. Napakalayo ng Maynila at maaaring
hindi na ako muling makarating sa pook na ito, kaya nais kong makunan ito ng
larawan. Nagbabakasyon lamang kami sa pook na ito at kung ito y makukuhanan
ko ng magandang larawan, pagdating ko sa Maynila ay babakasin ko na lamang
sa pamamagitan ng magandang larawang ito ng bundok ng Apo sa Mindanaw ang
masasayang araw na pinalipas namin dito.

mula sa "Ang Ulap sa Bundok"


ni L.F.G.
nalathala sa Taliba

Minsan ang kadiliman ay nagiging pamukaw-isipan din.

Tanging ang liwanag lamang ng aandap-andap na tinghoy sa altar ang


nababanaag sa kabahayan. Tahimik na ang lahat. Isang kaluluwa na lamang sa
bahay na iyon ang hindi naakit ng kapangyarihan ng daigdig ng pangarap. Ni hindi
siya nagayuma ng nag-aanyayang himlayan. Maraming alalahaning
nagsasalimbayan sa kanyang isip. Buhat sa pagkakaupo niya sa gilid ng papag
na kawayanay tinungo niya ang bintana. Bagamat makukuha lamang niya ng
dalawang hakbang ay limang hakbang ang nagawa niya sapagkat may malalim

3
siyang iniisip, Pinalibot niya ang kanyang paningin. Wari'y nais niyang sadyang
nakukumutan nito ang buong paligid. Inaaninaw niya ang mga panauhin, sa
bakuran.. .dumako ang tingin niya sa may kabundukan doon.. . doon sa malayo.sa
may paanan ng bundok...oo nga... may ilaw doon, doon sa dako roon.
Mula sa "May Ilaw
Sa Dako Pa Roon"
ni L.F.G.
nalathala sa Tagumpay

Mapapansing magkasama na sa nauuna ang paglalarawan sa kapaligiran at ang


damdamin ng pangunahing tauhan ng kuwento. Sa susunod naman agad papasok ang
pangunahing tauhan:

Tuwing hapon, makikitang naglalakad-lakad si Mang Torcuato sa may


batisan. Naging ugali na niya iyon sapul nang siya'y magbakasyon sa lalawigang
iyon. Hindi pa siya nararapat na mamahinga, subalit waring may mabigat na pataw
ang kanyang dibdib kaya't ipinasiya niyang lumayo sa mga gawaing pampaaralan.
Sa pagmamalas niya sa paligid, ang kanyang pansin ay naakit ng isang batang
naglalaro sa tubig. Nilapitan "Anong ginagawa mo, 'Totoy?" tanong niya sa wa
waluhing taong gulang na bata. Sinasarhan ko ho itong daanan ng tubig," wika ng
bata habang naglalagay ng mga bato sa dinaraanan ng umaagos na tubig.
Pawisang-pawisan ang bata.

Mula sa "Agos ng Tubig"


ni L.F.G
nalathala sa Liwayway

Isa pang buhat din sa tauhan:


Matamang pinagmasdan ni Piding ang magandang paglubog ng araw.
Wari'y binabalangkas niya sa isip ang kagandahan ng kinabukasang natatago sa
muling pagtago ng araw sa kanyang himlayan. Nais na niyang matulad sa
paglubog ng araw lumulubog upang huwag nang lumitaw. Habang naaalala niya
ang kanyang hangarin noon ay napapangiti siya. Bakit nga kaya ninais niyang
mawala na sa daigdig na ito? Bakit? Bakit?

4
Mula sa "Pinilakang Sinag"
ni L.F.G
nalathala sa Bulak lak

Matapos ninyong mabasa ang ilang halimbawa may mga nararapat tandaan sa pagsulat
ng mga katha (maaari na rin itong gamitin sa pagsulat ng nobela sapagkat ang pamamaraan
lamang naman ang ipinahahayag dito, sa nobela nama'y. kailangang may kawing-kawing na
pangyayari tungo sa isang mahalagang paksain).

PAMAMARAAN NG PAGLIKHA
Bago tuluyang sumulat ang isang nagnanais sumulat, nabubuo muna sa kanyang isipan
ang nais niyang ipahayag. Nalalarawan sa kanyang isipan kung ano ang nais niyang mangyari.
Tulad ng isang pintor, hindi niya agad malalagyan ng mga detalye ang kanyang lilikhain ngunit
ang kabuuang idea ay nasasaisip na niya. May dalawang pamamaraan ng paglikha ang mga
kathang umaakit ng intelihensya, ng panunuri, ng pag-iisip ng taong may imahinasyon at mainam
na panlasa. Iyong nagbabasa sapagkat nais nila ng malalimang mga katha. May mga katha
namang nagbigay-aliw lamang sa mga mambabasa upang may pagkalibangan sila. Kung
talagang pakasusuriin ito. may pangatlo pang pagkatha, ang pagsasama ng dalawang ito.
Ang mahahalagang elemento ng unang pamamaraan ay mahalagang ang damdamin,
kaisipan at imahinasyon. Ang mahalagang elemento naman ng pangalawa'y ang banghay,
insidente at tauhan. Kailangang pag-aralan ng susulat kung ano ang nais niyang isulat upang
siya niyang gamiting batayan sa kanyang pagsulat.

PAMAMARAAN NG PAGSISIMULA
1. Kung nais niyang buuin ang unang uri, kailangang magsimula siya sa damdamin
Maaaring magkaroon ng damdamin para sa mga kongkretong bagay tulad ng tao, tanawin,
hayop, atbp.
Paano maaaring magsimula sa damdamin? Unang-una isinasalin niya ang damdamin sa
kaisipan. Halimbawa. Masasabi niyang, "nadarama ko ang kalamigan ng marmol na gusali.
Kapag naisalin ito sa kaisipan magiging "Lahat ng marmol na gusali'y malamig."
Kapag ang damdamin nama'y para sa mga pangyayari tulad ng digmaan, halimbawa,
titiyakin ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig upang maging kongkreto ang mga paglalarawan
sa panahong iyon, kasama ang tao ng panahong iyon.
Kailangang isaisip ng susulat ang tiyak na panahon at pook na gagamitin niya sa kanyang
katha. Kailangang magkaroon ito ng kaisahan upang madama ng babasa na sila'y nakikibahagi

5
sa panahong iyon. Sa bahaging ito, napukaw na ng manunulat ang damdamin ng mambabasa.
Kailangang mabago ang damdamin ng mambabasa upang madama niya ang nais na maging
damdamin ng kumatha. Sa gayo'y malalagyan na ng mangangatha ng mga detalye ang kanyang
katha. Ang panukat ng tagumpay ng mangangatha rito'y ang pagbabago ng damdamin ng
bumabasa, halimbawa, may magandang pangarap ang isang bata para sa kanyang ama upang
ito'y lumigaya, ang ama naman pala'y bagamat sumasang-ayon sa pangarap ng anak para sa
kanila, ang sarili palang kapakinabangan ang iniisip.
Sa dakong ito ng kuwento, maaari nang pumili ng pangunahing tauhan ang sumusulat
kung iyong bata o iyong ama ang higit na bibigyang-diin. Kailangang ang pangunahing tauhan ay
magsimula sa paghahanap. Ang hinahanap ng bata'y ang tunay na pagmamahal ng ama. May
mga sagabal naman, hindi makukuha ng bata ang pagmamahal ng ama, hindi naman niya
malaman kung bakit. Ginagawa na níya ang lahat ngunit malamig pa rin ang pagtingin sa kaniya
ng ama. May ibang kinahihiligan ang kanyang ama, halimbawa, ang bisyo. Sa bahaging ito'y
magkakaroon ng mga pagsasalungatan, gagawa na ng mga panlunas pagkatapos kung paano
wawakasan ang kuwento.
Maaari ring magsimula buhat sa paksa. Kung minsan may naisip nang isulat ang
mangangatha, isang aspekto halimbawa ng buhay. Maaaring mga paniniwala at pananaw sa
buhay. Maaari ring magsimula sa tagpuan (pook at panahon) na nabanggit na mga halimbawang
nasa una.
Upang higit na mabigyang-diin uulitin ang mahahalagang hakbangin: lalagyan ng
damdamin ang tagpuan, pauunlarin ang damdamin tungo sa paksa, iisip ng mga tauhang
gagalaw sa tagpuang ito, at lilikha ng pagbabago sa tauhan na mag-uugnay sa kanyang
kapaligiran. Magsisimulang taliwas ang tauhan sa kanyang kapaligiran, kailangan niyang
umangkop dito kaya kailangan niyang magbago upang ang mga sagabal na dulot nito'y kanyang
maalpasan.

2. Maaari ring magsimula sa mga tauhan. Kailangang kaagad-agad kawili-wili ang tauhan.
Anong uri siya ng tauhan? Karaniwan ba o di-karaniwan? Bakit? Kung di-karaniwan, ano-ano ang
mga katangian niya? Higit na makikita ang tauhan kung kinakaharap na niya ang mga sitwasyong
ibinigay sa kanya ng kanyang mangangatha. Di kasi, hindi siya makaangkop sa kanyang
kapaligiran kaya gagawa siya ng mga hakbangin upang makaangkop siya rito.
3. Maaari ring magsimula sa insidente. Kung minsan may mga pangyayaring nakakatagpo
ang mga manunulat na isip niyang mainam na gawing kuwento. Maaaring nabasa ya ang isang
pangyayari o may narinig siyang kuwentong biglang nagkaroon ng karugtong sa kanyang isipan.

6
Maaari ring ay bigla siyang nakitang pangyayari sa daan o nakitang naguusap kahit hindi niya
narinig kung ano ang pinag-uusapan.
4. Maaari ring magsimula na sa banghay. May nagkuwento sa kanya ng buhay ng isa
niyang kakiala o may mga pangyayaring naganap sa kapitbahay na alam niya ang detalye. Ang
mga bagay na nabanggit ang maaaring gamiting panimula sa pagsulat ng mga kuwento. Paano
naman maaaring wakasan? Maaaring wakasan nang masaya o malungkot, ng mga di inaasahang
wakas, ng mga pagwawakas na kailangang pag-isipan pa ng mga mambabasa.

Elemento ng Maikling Kuwento

Panimula- Dito nakasalalay ang kawilihan ng mga mambabasa. Dito rin kadalasang
pinapakilala ang iba sa mga tauhan ng kuwento.

Saglit na Kasiglahan- Naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang


masasangkot sa suliranin.

Paksang Diwa- pinakakaluluwa ng maikling kuwento. Mayroon mga pagkakaiba


ang tema sa mensahe ng isang maikling kuwento. Ang tema ang pangkalahatang
kaisipang nais palutangin ng may-akda sa isang maikling kuwento. At ang kaisipang ito
ang binibigyan ng layang maikintal sa isipang ng mga mambabasa. Maaaring maging
tema ang mga sumusunod: palagay sa mga naganap na pangyayari sa lipunan,
obserbasyon ng may-akda tungkol sa pag-uugali ng tao, paniniwala sa isang katotohanan
o pilosopiyang tinatanggap ng tao sa buong daigdig sa lahat ng panahon, o ang dahilan
ng pagkakasulat ng may-akda.

Kaisipan- mensahe ng kuwento. Ang mensahe naman ang tuwirang pangangaral o


pagsesermon ng manunulat sa mambabasa

Ang tauhan ay ang bawat karakter na pinag-uukulan ng pansin sa mga kuwento. Mahalaga ang
mga tauhan dahil ito ang nagbibigay-buhay sa anumang katha sa paraang ang kanilang
damdamin, pasya, gawain, kilos, emosyon at buhay sa kuwento ay isinasaalang-alang.
Kinakailangan rin ito upang umusad ang takbo ng kuwento dahil sa mga pangarap, suliranin at
tunggalian ng mga tauhan. Hindi lamang tao ang maaaring maging tauhan sa maikling kuwento.
Maaari ring maging tauhan ang mga hayop, bagay at halaman na binigyan ng manunulat ng
katangian ng isang tao. May dalawang uri ng tauhan. Ito ay ang round charac-ter at ang flat
character. Tinutukoy ng round character ang tauhang nagbabago ng ugali, pananaw, asal, o
paniniwala sa loob ng kuwento. Samantala, ang flat character naman ay hindi nagbabago,
nananatili ang ugali, pilosopiya, pananaw mundo at paniniwala mula simula hanggang sa
katapusan ng kuwento.

Halimbawa ng mga tauhang ay ang mga antogonista o mga kontrabida sa mga katha.

7
Ang tagpo ay binubuo ng panahon na makapaglalarawan kung kailan at kung gaano katagal
naganap ang pangyayari sa katha at ng lunan na tutukoy sa mga lugar na kinatatampukan ng
mga bahagi ng salaysay.

Ang banghay - pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa kwento, ang pagkakaayos ng mga


pangyayari sa loob ng isang salaysay. Ito ang tinataguriang balangkas ng kuwento. Dito
nailalahad ang bawat pangyayaring nagaganap sa bawat tauhan ng isang partikular na panahon
at lunan. Ayon kay Alejandro G. Abadilla (1969), ang banghay ay nararapat na mapanghamon,
kagila-gilalas, makatwiran at tungo sa karurukang kailangang maabot. Ayon pa sa kanya, ito ang
mga salik sa pagbubuo ng mabisang banghay:

1. Kailangang magkaroon ng isang pangunahing tauhan na kinagigiliwan at susubaybayan


ng mga mambabasa ng kuwento.
2. Kailangang bigyan ng gawain ang pangunahing tauhan na ito tulad ng suliranin.
3. Kailangang maglagay ng mga hadlang o sagabal ang kuwentista sa landas na tinatahak
ng pangunahing tauhan.
4. Kapag natuklasan na ng pangunahing tauhan ang mga suliranin, kailangang bigyan ng
kuwentista ang pangunahing tauhan ng lakas na pangkaisipan, pandamda min at
pangkaluluwa na malutas ang suliranin na ito.
5. Kailangang magkaroon ng sukdulan o climax ang salaysay na patungo sa wakas ng
kuwento, kung saan mapagtatagumpayan o hindi ng pangunahing tauhan ang mga
hadlang. Maaari rin namang bitinin ang mga mambabasa sa pamamagitan ng hindi
paglalahad ng wakas ng kuwento, na ang mambabasa ang siyang gagawa at mag-iisip
ng sarili nilang wakas ng salaysay.

May apat na uri ng banghay na ginagamit sa modernong pagsasalaysay. Ang linear na


banghay ay nagpapakita ng pag-usad ng kuwento mula simula hanggang wakas batay sa natural
na reaksiyon sa mga aksiyon. Ang ganitong uri ng banghay ang itinuturing na kumbensiyonal,
tradisyonal at karaniwan sa lahat ng uri ng panitikang-bayan tulad ng alamat at mito. Ang
episodikong banghay ay hinahati-hati ang mga pangyayari sa daloy ng pagsasalaysay.
Gumagamit ito ng panumbalik o flashback sa mga piling mga pagkakataon. Ang paikot na
banghay ay nagpapamalas naman ng umiikot na pangyayari sa loob ng kuwento. Ibig sabihin, ito
ay magsisimula sa isang pangyayari at magtatapos rin sa natukoy na pangyayaring pinagsimulan
o pinaglunsaran ng kuwento. Ang absurdong banghay naman ay isang uri na nagpapakita ng
tila walang nangyayari, walang nagaganap, o walang patutunguhan ang mga kilos at reaksiyon
ng mga tauhan sa loob ng salaysay.

Suliranin- Problemang haharapin ng tauhan.

Tunggalian- May apat na uri: tao laban sa tao, tao laban sa sarili, tao laban sa lipunan,
tao laban sa kapaligiran o kalikasan.

Kasukdulan - Bahagi ng salaysay na unti-unting naaalis ang mga sagabal, nahaharap


sa malaking desisyon ang tauhan, nalulutas o nalalantad ang mas dambuhala pang
suliranin na maaaring magdulot ng tagumpay o kabiguan sa pangunahing tauhan.
Makakamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang
ipinaglalaban.

Kakalasan- Tulay sa wakas.

8
Pagwawakas- Ito ang bahaging nagpapatibay sa mensahe at tema ng maikling kuwento sa
paraang tago o lantad. May mga kuwento namang walang wakas at hinahayaan na lamang sa
mga mambabasa na lumikha ng mga pangyayari na magwawakas sa salaysay. Ito ang
resolusyon o ang kahihinatnan ng kuwento.

May sampung uri ng maikling kuwento:

© Sa kuwento ng tauhan inilalarawan ang mga pangyayaring pangkaugalian ng mga


tauhang nagsisiganap upang mabigyan ng kabuuan ang pag-unawa sa kanila ng isang
mambabasa.
© Sa kuwento ng katutubong kulay binibigyang-diin ang kapaligiran at mga pananamit ng
mga tauhan, ang uri ng pamumuhay, at hanapbuhay ng mga tao sa nasabing pook.
© Sa kuwentong bayan nilalahad ang mga kuwentong pinag-uusapan sa kasalukuyan ng
buong bayan.
© Sa kuwento ng kababalaghan pinag-uusapan ang mga salaysaying hindi
kapanipaniwala.
© Naglalaman ang kuwento ng katatakutan ng mga pangyayaring kasindak-sindak.
© Sa kuwento ng madulang pangyayari binibigyang diin ang kapanapanabik at
mahahalagang pangyayari na nakapagpapaiba o nakapagbago sa tauhan.
© Sa kuwento ng sikolohiko ipinadarama sa mga mambabasa ang damdamin ng isang
tao sa harap ng isang pangyayari at kalagayan. Ito ang uri ng maikling kuwentong bihirang
isulat sapagkat may kahirapan ang paglalarawan ng kaisipan.
© Sa kuwento ng pakikipagsapalaran, nasa balangkas ng pangyayari ang interes ng
kuwento.
© Sa kuwento ng katatawanan, nagbibigay-aliw at nagpapasaya naman sa mambabasa.
© Sa kuwento ng pag-ibig, tungkol sa pag iibigan ng dalawang tao

Ito ang mga bahagi at ng sangkap ng isang maikling kuwento:

Simula

At ang bahagi ng suliranin ang siyang kababasahan ng problemang haharapin ng


pangunahing tauhan. Napapasama rin dito ang pagpapakilala ng ilan sa mga tauhan at ng
Tagpuan.

Gitna

Binubuo ang gitna ng saglit na kasiglahan, tunggalian, at kasukdulan. Ang saglit na


kasiglahan ang naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa
suliranin. Ang tunggalian naman ang bahaging kababasahan ng pakikitunggali o
pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan laban sa mga suliraning kakaharapin, na minsan ay
sa sarili, sa kapwa, o sa kalikasan. Samantalang, ang kasukdulan ang pinakamadulang bahagi
kung saan makakamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang
ipinaglalaban.

Wakas

Binubuo ang wakas ng kakalasan at katapusan. Ang kakalasan ang bahaging


nagpapakita ng unti-unting pagbaba ng takbo ng kuwento mula sa maigting na pangyayari sa

9
kasukdulan. At ang katapusan ang bahaging kababasahan ng magiging resolusyon ng kuwento.
Maaring masaya o malungkot, pagkatalo o pagkapanalo.

Gayunpaman, may mga kuwento na hindi laging winawakasan sa pamamagitan ng


dalawang huling nabanggit na mga sangkap. Kung minsan, hinahayaan ng may-akda na mabitin
ang wakas ng kuwento para bayaang ang mambabasa ang humatol o magpasya kung ano, sa
palagay nito, ang maaring kahinatnan ng kuwento.

10

You might also like