You are on page 1of 6

CNF 101

ni Beverly W. Siy

Magandang araw sa inyo. Ang unang bersiyon ng akdang ito ay binigkas ko noong 28
Nobyembre 2014, sa aking talk tungkol sa CNF na inorganisa ng OMF Books at idinaos sa
Pinatubo Street, Boni Avenue, Mandaluyong City .

Ano nga ba ang CNF o Creative Non-Fiction?

Ayon kay Nick Joaquin, ito ay ang anyo ng akda na nasa pagitan ng journalism at literature.

Ito ay pagsusulat tungkol sa mga tunay na event gamit ang mga kasangkapan at elemento ng
fiction.

Ayon kay Dr. Cristina Pantoja-Hidalgo (o Mam Jing), may iba’t ibang pangalan at itsura ang
CNF: literary journalism, personal journalism, new journalism, informal essay, personal essay,
memoirs, autobiography, family history, reportage, magazine feature articles, travel essays,
reviews, at biographies.

Bago pa dumating ang mga Hapon, may tinatawag na tayong essays. Nakasulat sa Ingles ang
itinala ni Mam Jing Hidalgo sa sanaysay niyang Breaking Barriers: The Essay and the
Nonfiction Narrative. Karamihan sa mga essay na ito ay inilathala sa mga diyaryo at magasin.
Ang unang aklat ng sanaysay sa Ingles (na isa lamang ang awtor) na gawa ng Filipino ay may
pamagat na The Call of the Heights. Isinulat ito ni Alfredo Gonzales noong 1937. Sa Filipino
naman, uso na noon ang dagli. Ang dagli ay maikling akda na maaring maging fiction o essay.
Ito ay namayani noong panahon ng Amerikano.
Sa ngayon, ang mga inirerekomendang babasahin ni Mam Jing para sa genre na ito ay ang
mga libro nina National Artist for Literature Nick Joaquin, Pete Lacaba, Sheila Coronel, Jose
“Butch” Dalisay, Randy David, Conrado de Quiros, Kerima Polotan, at Jessica Zafra.
Idinadagdag ko rito ang mga CNF nina Marra Lanot-Lacaba at RJ Ledesma.

Sa Filipino, inirerekomenda ko ang mga aklat ng sanaysay ni National Artist for Literature Rio
Alma (yes, meron at marami!), Genoveva Edroza-Matute, Rene Villanueva, Lamberto Antonio ,
Fanny Garcia, Sol Juvida (investigative journalism), Rosario Torres-Yu, Ferdinand Pisigan
Jarin, at Bob Ong.

Maikli ang listahang ito kaya inaanyayahan ko kayong magdagdag ng mga paborito ninyong
manunulat ng CNF mula sa ating bansa, sa kahit na anong wika.

Ngayon, tutuon tayo sa personal essays at memoirs.


Mag-umpisa tayo sa pamamagitan ng pagsagot sa tanong na: bakit nga ba tayo magsusulat
ng CNF? (Bukod sa ito ang isa sa mga requirement ng Tuklas-Pahina Book Project!)

1. Para sa Atin
Ang pagsusulat tungkol sa ating sarili, sa pamilya natin, at sa mga bagay na importante sa
atin ay nakakatulong na maproseso ang damdamin natin tungkol sa mga ito. Nakakatulong
din ito na maunawaan pa nating lalo ang ating mga sarili. Palagay ko, mahina tayo diyan
ngayon, sa introspection. Sa sobrang dami ng nangyayari sa atin, araw-araw, minu-minuto,
minsan, hindi na natin napoproseso ang mga bagay-bagay. Minsan, nagmamadali tayong
makausad, mag-move on, magpunta sa next level. Nakakalimutan natin na ang buhay ay
isang proseso. Kailangan talagang may daanan na step by step. Kailangang inaaral natin at
sinusuring maigi ang bawat hakbang, sinisiyasat, binubutingting para siguradong walang
naiiwan sa dinadaanan o di kaya, para siguradong wala tayong nabibitbit na damdaming
mabigat.

So, para sa atin talaga ito. Ang pagsusulat tungkol sa sarili. We wish to know more about our
strengths, our weaknesses. We want to discover more about ourselves. Gusto nating
malaman, ano ang dapat bitbitin, ano ang dapat pakawalan? Ano-ano ang paraan para tayo
ay maging malaya o manatiling malaya?

Naikuwento sa akin ng asawa kong si Ronald Verzo ang ibinahagi ni Gang Badoy sa session ng
Literature as Advocacy sa Philippine International Literary Festival 2014 na ginanap sa
Bayanihan Center, Pasig City. Sabi raw ni Gang Badoy, natuklasan niya na noong nagsagawa
sila ng volunteer work sa Bilibid, marami sa mga nakakulong doon, akala ay kapag
nakapagbalik-loob na sa Diyos, okey na sila. Pero iba raw ang nagagawa ng panitikan o ang
pagsusulat ng mga tao sa “loob”. Natututo silang iproseso ang mga bagay. Nagiging short at
easy escape ang pagbabalik-loob. Ang hindi nila alam, dapat silang dumaan sa proseso.
Dapat maging praktikal ang pagbabalik-loob na ito, dapat maunawaan nila na may
prosesong pinagdadanan. Sa ganoong paraan ay mabubuo o magbabalik ang tiwala nila para
makalikha ng tunay na pagbabago sa sarili at sa paligid.

Kahit hindi tayo preso, puwede tayong makinabang sa pagsusulat tungkol sa ating mga sarili.
Dahil ang sinumang dumadaan sa proseso, tumatatag ang paniniwala sa sarili.

2.   Para sa Iba
Sa pamamagitan ng experiences mo, naunawaan din ng iba ang kanilang sarili. Natutulungan
mo silang maproseso ang sarili nilang damdamin. Damdamin na maaaring noon pa ay nasa
dibdib na nila o di kaya ay kasalukuyang nararamdaman. Sumasabay sila sa tauhan ng aklat
na kanilang binabasa. Kaya sa pagbabahagi at sa pagsusulat, iwasan nating mag-preach. Kasi
sumasabay sa atin ang mambabasa, hindi sumusunod.
Para sa kapwa ang gagawin nating pagsusulat. Ayon sa editor ng isang aklat ng
kontemporanyong sanaysay na si Donald Hall, “we read to become more human.” (p. xvi, On
Reading Essays)
Kung pareho kayo ng pinagdaanan ng mambabasa o may similarity ang inyong nakaraan at
nakita niyang nakaalpas ka doon at pinagtatawanan mo na lang ito ngayon, chances are,
mai-inspire ang mambabasa na harapin din ang challenge na kanyang nararanasan.
Masasalok niya ang moral lesson na: kung kaya mo, kaya niya rin.

Marami sa mambabasa ng It’s A Mens World (o IAMWorld) at It’s Raining Mens ang


nagpapadala sa akin ng email, PM at text para magkuwento ng mga pinagdaanan nila,
particularly iyong tungkol sa sexual abuse na naranasan nila noon, at sa mga kirot na
pinagdaanan nila sa failed relationships. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang silang
napapakuwento sa akin. Pero palagay ko, pagkabasa nila ng aking mga libro, nakakaramdam
sila ng emotional release at nagiging ganap ito kapag naikukuwento nila sa akin ang
mismong napagdaanan nila. Catharsis ang tawag dito sa Ingles. Emotional cleansing.
3.  Legacy
Kung nais mong maalala ka ng susunod na henerasyon, mag-iwan ka ng isang piraso ng iyong
sarili. Pinakamaganda at mas lasting na paraan ay ang pagsusulat at paglalathala ng akda.
Siguradong makikilala ng susunod na henerasyon ng mga mambabasa ang lessons na
maaaring makuha sa buhay mo o karanasan.

4.  Livelihood
“Often, one literary form dominates an era,” sabi pa rin ni Donald Hall. Lipas na nga siguro
ang sa tula, ang sa kuwento, ang sa nobela. Ito na ang panahon ng creative non-fiction. Ayon
pa kay Mam Jing Hidalgo sa isang panayam ng Varsitarian ng UST, “It is the most popular
form right now.”

Iyon nga lang, sa mundo ng panitikan, hindi pa rin CNF ang tawag dito. As of 2015 ng Carlos
Palanca Memorial Awards, ang pinaka-prestihiyosong parangal para sa mga manunulat na
Filipino, sanaysay at essay pa rin ang tawag sa kanilang kategorya o anyo na maituturing na
CNF.

Ngunit sa National Book Awards naman, as of 2015, kinikilala ng National Book Development
Board at Manila Critics Circle ang CNF at pinararangalan nila ang pinakamahuhusay na aklat
na may ganitong anyo. Mayroon silang award para sa Best Book in Nonfiction in Filipino and
in English.

Mabentang-mabenta rin ang mga CNF books, lalo na ang mga self-help na aklat. Halimbawa
nito ay ang mga aklat ni Bo Sanchez, at ang kay Noreen Capili o Noringai. Ang mga aklat ni
Noringai na Parang Kayo Pero Hindi at Buti pa ang Roma, May Bagong Papa ay kumita na ng
P600,000 sa royalties pa lang. Mula 2011 ay mahigit 40,000 copies na ng mga aklat na ito ang
nabenta.
Ayon sa NBDB National Readership Survey noong 2012, ang bilang ng Filipino adult readers
na nagbabasa ay 88% o 49.2 milyon. Halos kalahati ng ating populasyon! Iyon nga lang,
pababa nang pababa ang bilang ng adult readers sa Pilipinas kung ikukumpara ang bilang sa
mga naunang national survey. Ang isang paraan para pigilin ang pagbaba ng bilang na iyan ay
ang magdagdag pa ng mas maraming babasahin para sa lahat. At trabaho nating mga
manunulat iyon, ang magsulat pa nang magsulat, at magsulat nang mas mahusay.

Bakit? Ang dami na rin kasi ng activities na puwedeng gawin ng isang tao ngayon, kaya
competitive na rin dapat ang books.

Sabi pa ni Donald Hall, “Nowadays, We read for information and pleasure together. We read
to understand, to investigate, to provide background for decision, to find confirmation, to
find contradiction.”

Dapat bukod sa informative ang aklat ay pleasurable din ito. Meaning, bukod sa pleasurable
ito, dapat ay informative din ito. Enjoyable and functional. ‘Yan ang binibili ngayon.

Sa dami ng readers, anuman ang ma-produce ninyo sa Tuklas-Pahina Book Project ay may
mambabasa, may kalalagyan. Sa Pilipinas pa nga lang, e.
Ngayon, dumako na tayo sa Top 5 Tips sa Pagsusulat ng CNF.

5. Be brave.
Sabi nga ni James Alexander Thom, “stories with happy endings can teach and inspire just as
well as those ending ‘happily ever after.’  And usually, they work better, because they’re more
true to life.”(Mula sa The Art and Craft of Writing Historical Fiction.)
Huwag mahiya sa mga naging maling desisyon. Huwag mahiya sa mga naging kapalpakan.
Ang pagkatuto mula sa mga ito ang maibabahagi mo na hindi maibabahagi ng iba.

Para naman sa mga walang sad story o kapalpakan sa buhay, be brave din. Be brave to write
anything that is significant to you. Bear in mind that you have something to write about,
maging sino ka man.

Ayon kay Melissa Hart na Amerikanong manunulat ng Gringa, isang nakakatuwang memoir,
hindi lang mga sikat o kaya mga kriminal ang may karapatang sumulat tungkol sa sarili. Sabi
rin ni Ricky Lee, hindi kailangang may painful tayong karanasan para makapagsulat tungkol
sa sarili. ‘Yong iba nga raw, nagagahasa pa pero hindi nakakasulat ng tungkol dito. Maraming
dahilan kung bakit hindi ito naisusulat.  Ang isa sa mga requirement para maisulat ang
anumang nangyari sa atin ay ang maging observant tayo sa ating mga dinadanas.
Tayong mga karaniwang tao, may karapatan ding magbahagi ng experiences natin sa iba.
Sabi pa ni Melissa Hart,  ang kailangan lang nating gawin ay pumili ng mahahalagang
pangyayari sa ating buhay, tapos bigyan ng karampatang respeto ang mga karanasang ito.
Kasi kung wala ang mga event na ‘yan, hindi ganito ang pagkatao natin ngayon.

6. Be Yourself.
Sabi ni Williman Zinsser sa On Style na matatagpuan sa On Writing Well (Second Edition), An
Informal Guide to Writing Nonfiction, “Be yourself. If you try to garnish your prose, you lose
whatever it is that makes you unique. The readers will notice it.” Gusto raw ng mambabasa,
genuine, totoo ang kausap niya,  kaya relax lang, and have confidence.
Kung wacky ka sa totoong buhay, gamitin mo rin iyon bilang estilo mo. Kung seryoso ka,
seryoso rin. Kung adventurous ka, gawin mo ring adventurous ang estilo ng pagsulat mo.

Sa wika naman, pansinin ninyo ang pinakakamahal nating mga manunulat, ang pinakagusto
nating mga aklat, ‘di ba, ang gamit nila, mga simpleng salita lang? Hindi nagpapa-impress
with words, kundi sa pamamagitan ng kabuuan ng kanilang akda. Ang impact  sa atin ng
kanilang akda, iyon ang nakaka-impress, hindi ba? Kaya ‘wag gagamit ng mga salita na hindi
mo naman usually ginagamit sa totoong buhay. Once or twice, puwede, sige, gumamit ka.
Pero ‘wag na itong ulitin pa sa iisang akda.

Kung nahihirapan ka naman na isulat ang gusto mong isulat, para bang wala kang
maipanumbas na salita sa mga gusto mong sabihin, isipin mo, nagkukuwento ka lang sa
isang kaibigan. Iyong mismong wika na gagamitin mo sa pakikipag-usap sa kaibigan, iyon
ang gamitin mo sa iyong akda.

At kung walang panumbas na salita sa gusto mong sabihin, mag-imbento ka.

May mga bagay at damdamin na wala talagang katumbas na salita. Huwag tayong
mahihimpil dahil lang kulang ang nakalista sa mga diksiyonaryo. Puwedeng-puwede tayong
mag-imbento!

7. Gumamit ng Ibang Form o Device mula sa Ibang Form


Puwede itong makatulong upang maging mas malikhain at ma-break ang monotony ng isang
full narrative.

Sa isang kabanata ng Erick Slumbook Paglalakbay Kasama ang Anak kong Autistic ni Fanny
Garcia, nagtanghal ang awtor ng palitan ng liham. Doktor ang kanyang kausap sa liham.
Mayroon ding diary entries sa loob ng libro. Ang buong libro nga pala ay parang slumbook.
Nahahati ito sa mga bahaging makikita rin sa slumbook tulad ng: Describe Yourself, Ambition,
Unforgettable experiences, Define Love.
Huwag makulong sa isa. Find the form that will best express your thoughts.
Sa IAMWorld at It’s Raining Mens, halo-halong genre ang ginamit ko. May tula, radio drama,
maikling kuwento, email, at iba pa.
Invent another genre kung kaya mo.

8. Laging Alalahanin ang Dalawang Persona.


Ang ikaw noon, at ang ikaw ngayon. Dapat malinaw kung sino ang nagsasalita kapag
ipinapasok mo na ito sa naratibo.

9. Basa pa More.
“We also read in order to learn how to write,” sabi ni Donald Hall. Sabi rin niya, para
makapag-aral ng architecture, dapat laging titingin sa architecture na ginawa na. Sa mga
building, simbahan, at iba pa. Para makapag-aral ng basketball, dapat manood ng game, ng
pag-dribble, at iba pa.

Ganon din tayo bilang mga manunulat. Mahalagang magbasa ng mga nauna sa atin.
Mahalagang magbasa ng kasabayan natin, mahalagang magbasa ng mula sa ibang gender,
propesyon, kultura, relihiyon, wika, bansa, uniberso. Sa ganitong paraan, mas dumarami ang
natututuhan nating teknik. Mula sa mga teknik na iyan, uusbong ang sarili mong
kombinasyon ng teknik sa pagsulat ng CNF.

Maraming salamat sa inyong pagbabasa sa maikling kasaysayan ng CNF sa ating bansa at sa


ilang pangkalahatang tip sa pagsusulat nito. Magpapaskil pa ako ng iba pang tips sa
pagsusulat ng CNF at ang mga ito ay nakatuon sa ating paksa sa Tuklas-Pahina Book Project.
Abang-abang lang po rito. Hanggang sa muli!
-Binibining Bebang

You might also like