You are on page 1of 7

ANG PRAKTIKA NG RETORIKA

PALIHAN O WORKSYAP SA PAGSULAT


Ayon kay Bob Ong, “Kung nais mong maging manunulat, magsulat ka, simple!” Subalit
tandaan natin na ang sinumang nangangarap na maging manunulat, kinakailangang magsimula
sa pagbabasa ng mga aklat, dyornal at iba pang babasahin. Dapat na maging katangian ang
pagiging wide reader.
Hindi mapapasubalian ang katotohanang isa sa mga katangian ng mga mahusay na
manunulat ay ang pagiging mahilig sa pagbabasa. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat,
malilinang ng baguhan ang ideya at makatutuklas ng mga hakbang na mas magpapakomportable
sa kanya para magsulat.
Dagdag pa rito, kinakailangang niyang magbasa gamit ang analytical mind o pagbabasa
bilang manunulat at ang critical eye na kinakailangang maging mapagmasid siya sa mga bagay na
nasa kanyang paligid.
Ang hakbang o proseso ay hindi batas o Bibliya na kailangang lagging sundin. Ito ay gabay
lamang para sa mga nagsisimula pa lamang. Kung sa palagay ng isang baguhang manunulat ay hindi
ito aplikable, Malaya niyang sundin ang sarili niyang batas sa lalong ikahuhusay ng kanyang
Sulatin.

A. Bago Sumulat
Sa pangkalahatang paliwanag, ang prosesong ito ng pagsulat ay pagpili ng paksang
isusulat at ang pangangalap ng mga datos o impormasyong kailangan sa pagsulat.

Paglinang ng Ideya at Pagtuklas ng Paksa


Sa aklat na Palihan: Hikayat sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat nina Eugene Evasco at Will Ortiz
(2008), mahusay at detalyadong inilahad nila ang mga sumusunod na gabay sa pagpili ng paksa:

1. Isaalang-alang ang personal na interes. Ano ba ang mga bagay na alam na alam mo? Malapit
bas a puso mo ang napiling paksa? Kung ang napiling paksa ay hindi mo pa gaanong alam,
interesado ka bang magsaliksik? Interesado ka bang alamin ang bagay na hindi mo pa batid? Kaya
mo bang ilaan ang iyong panahon sa paksang napili? Sa pagiging interesado sa napiling paksa,
hindi magiging parusa ang proseso ng pagsusulat.

2. Itala ang lahat ng ideyang iyong naiisip. Itala ang mga ito sa isang papel. Kapag nailista na
lahat ng naisip, pumili ng tatlong pinakamalapit sa iyong puso. Itala ang dalawang natitirang paksa
bilang alternatibong paksa kapag hindi umubra ang isang napili.

3. Isulat ang nalalaman o alamin ang isusulat. May dalawang posibilidad sa pagpili ng paksa o
tatangkaing isulat. Karamihan sa mga nagsisisulang manunulat ay nagsusulat ng mga bagay na
alam na alam na nila. Karanasan o gunita sa kanilang buhay ang nagiging materyales nila sa
pagsusulat. Halimbawa nito ay mga personal na sanaysay, personal na  tula, at mga kuwentong
tumatalakay sa pang-araw-araw na pamumuhay, sariling pagkabata, o gunita ng mga nakaraang
bakasyon kapag tag-init.
Gayunpaman, may isang landas na tinatahak ang manunulat. Pipili siya ng paksang wala siyang
kalam-alam ngunit interesado siyang pag-aralan o saliksikin. Hamon ito sa kanyang
pagkamalikhain. Aalamin niya ang kanyang isusulat. Mananaliksik siya sa aklatan, magsasagawa
siya ng interbyu, sasadyain niya ang mga eksperto sa paksang napili, o kaya’y magsasagawa siya
ng fieldwork o pagbisita sa isang lugar. Tulad ng isang antropologo, magsasagawa siya ng pag-
aaral na etnograpiya at pag-aaral ng kultura sa paraang participant observation. Para sa manunulat
na ito, ang pagsusulat ay isang proseso ng malikhaing pag-uulat ng imbestigasyon.
4. Magsagawa ng diskusyon sa kaibigan, kaklase o kamag-anak. Brainstorming ang tawag
dito. Makatutulong sa paglinang ng ideya ang pakikipagpalitan ng opinion sa mga taong malapit sa
iyo. Sila ang mga taong higit na nakakilala sa iyo kaya mahalagang malaman ang kanilang kuro-
kuro sa isasagawa mong proyekto. Higit pa rito, sila rin ang maaari mong kapanayamin o maging
katulong sa pananaliksik tungo sa pagsasakatuparan ng iyong proyekto.

5. Alamin ang mga susing konsepto sa paksang napili. Sa pamamagitan ng mga susing
konseptong ito, higit na lilinaw ang tema ng inyong pagsusulat at magiging gabay rin ito sa iyong
pananaliksik sa internet o sa aklatan.

6. Magsagawa ng panimulang pananaliksik. Kailangang magbasa ng mga napapanahong balita


o lathain kaugnay sa paksang napili. Maaari ring magsagawa ng imbestigasyon sa aklatan o sa
internet para matiyak kung ano-ano ang posibleng material na magagamit sa isusulat. Suriin ang
mga babasahin na makatutulong sa pagpapaunlad ng iyong kaalaman sa paksa. Pilii ang mga
impormasyon na may interes ka.

7. Magtala at sumangguni sa mga eksperto. Kaugnay pa rin ito sa panimulang imbestigasyon sa


iyong napiling paksa. Kailangang matukoy mon a ang mga posibleng impormante sa isasagawang
proyekto. Makatutulong na maghanda ng isang kuwadernong sisidlan ng iyong mga tala. Maaaring
makahanap ng eksperto mula sa mga manunulat o mananaliksik ng mga akdang iyong nabasa.
Maaaring kumonsulta sa iyong guro at baka may kakilala siyang maalam sa napili mong paksa.
Maari ring sumangguni sa mga propesyonal na organisasyon at humingi sa kanila ng panimulang
impormasyon.

8. Pumili ng bago at napapanahong paksa. Mahalaga ang pagbabasa ng dyaryo at ang


pagmamasid sa paligid. Napapansin mob a ang sobrang init ng klima kumpara noong bata ka?
Kung gayon, isang napapanahong paksa ang global warming o climate change na epekto ng
walang pakundangang paggamit sa mga fossil fuel. Ano ang mga nagbabagang usapin sa
telebisyon? Kadalasan, ang mga napapanahong paksa ay makabuluhan. Tila ba nakikisangkot ang
manunulat sa nabubuong diskurso at palitan ng kuro-kuro kaugnay sa  isang suliraning pambansa.
Kinakailangan ding magbasa ng mga kaugnay na literature ang manunulat. Sa pamamagitan nito,
mababatid ng manunulat kung ano pa ang hindi natatalakay ng mga katulad na akda batay sa
paksa. Sa natukoy niyang pagkukulang o mga espasyo sa pagpapaunlad, makalilikha ng akdang
makabuluhan at hindi lamang inuulit ang mga nasabi ng ibang tekstong pampanitikan.
Makadaragdag pa ito sa yaman ng panitikan ng bansa.

9. Iwasan na ang pagtalakay sa gasgas na paksa. Halimbawa nito ay ang sawing pag-ibig,
kahirapan sa tambakan, romantikong representasyon sa bukid o sa nayon, at ang diskriminasyon
sa mga babaeng nagbebenta ng sariling katawan. Dahil gasgas na ang paksang ito, may
posibilidad na gasgas din ang paraan ng pagkakasulat.

Pagtiyak sa Mambabasa o Tagapakinig, Layuni at Tono

Hindi maitatanggi na mayroon nang nakaranas sa atin na makadalo sa isang seminar o


nakapakinig ng isang tekstong hindi angkop sa atin. Maaaring hindi tayo nagkamali sa okasyong ating
dinaluhan kudi nagkulang sa paghahanda ng teksto o sulatin ang manunulat. Kaya naman,
mahalagang matiyak ng sinumang manunulat kung sino ang kanyang target na mambabasa o
tagapakinig. Dahil ditto, nararapat na isaalang-alang ang mga demograpiko nilang katangian tulad ng
edad, kasarian, edukasyong natamo, hanapbuhay, paniniwala at iba pa.
Bukod pa rito, mahalagang matukoy ng sinumang susulat kung bakit siya nagsusulat. Alisin sa
kaisipan na kaya nagsusulat ay upang magkaroon lamang ng mataas na marka o makapagyabang.
1. Alamin ang layunin sa pagsusulat. Magsusulat ka ba bilang kahingian sap ag-aaral?
Magsusulat ka ba para sa sarili? O para sa trabaho? Kung para sa pag-aaral ang pagsusulat,
kadalasa’y nagiging limitado ang paksaing maaari mong piliin. Kailangan ng pagsang-ayon ng
propesor at guro. Kadalasan, sila ang namimili ng paksa para sa iyo. Gayundin ang kaso sa
pagsusulat bilang trabaho. Kung personal na proyekto ang pagsusulat, mas higit na magiging
malay ang manunulat sa pagpili ng kanyang tatalakayin.
2. Pagtukoy sa kabuluhan ng paksa. Ano ang posibleng ambag ng iyong isusulat sa
Panitikang Filipino at Lipunang Pilipino? May bago bai tong maidaragdag sa namamayaning
diskurso sa lipunan? May maitutulong ba ito sa pagtataguyod ng isang mahalagang layunin?
Makalipunan ba ang iyong isusulat? O personal lamang ito? Hindi ba masasayang ang oras ng
mambabasa sa iyong susulating proyekto? Sa palagay mob a, makatutulong ang iyong akda
sa pagpapahusay sa napili mong anyo?

Samantala, ang tono naman ng manunulat ay tumutukoy sa damdamin ng awtor nan ais
niyang maikintal sa mga mambabasa na maaarig nangangaral, nagagalit, nagtuturo o
nanlilibang. Tandaan natin na maaaring ang tono ng manunulat ay higit sa isa.

Pagpaplano sa Pagsulat/ Organisasyon ng Teksto (Pagtiyak sa Porma ng Isusulat)


Ayon kina Evasco at Ortiz (2008), karugtong ng inihain nilang gabay sa pagsulat:

1. Pagpili ng Akmang Anyo. May mga pagkakataong napakalawak at napakaraming datos


ang nakalap ng isang manunulat sa prosese ng kanyang imbestigasyon at pananaliksik. Kung
mangyayari ito, sapat kaya ang anyo ng tula o kaya’y ang maikling kuwento sa antas ng
kanyang pananaliksik? Baka naman mas akma ang anyo ng nobela o naratibong tula.
Samakatuwid, dapat isaalang-alang ang anyo sa pagpili ng paksa.

B. Habang Sumusulat

Ang ideya ay kailangan nang maisalin sa pasulat na dokumento na maaaring rebisahin nang paulit-ulit
ayon sa pangangailangan o kung hinihingi ng pagkakataon. Pagpapahayag ng Tiya na Tesis na may
Pagsaalang-alang sa Layunin ng Sulatin, Tono at Estilo para sa Mambabasa
Sa pagpapahayag ng tesis, kailangang maisaalang-alang ang mga sumusunod:
a. Layunin ng Sulatin para sa mambabasa. Bakit kailangang magsulat?
b. Tono ng sulatin para sa mambabasa. Anong emosyon ba ang dapat maramdaman ng
mambabasa? Malungkot ba o masaya?
c. Estilo ng sulatin para sa mambabasa. Pormal o di-pormal ba ang pagtalakay?

1. Gawing limitado ang sinasaklaw ng paksa. Masyadong malawak ang paksa tulad ng
kahirapan, katarungan, kapaligiran, o kaya’y pag-ibig sa bansa. Napakalawak nito at
napakaabstrakto sa sinumang mambabasa. Tinatawag na delimitasyon ang ganitong proseso
----- lumilikha ng hangganan ang isang manunulat sa kanyang papaksain, sasaklawin, isusulat,
at pag-aaralan.

Sumulat ng isang pahayag kaugnay sa paksang napili. Magsisilbing gabay ang pahayag
(research statement) na ito sa isasagawang pananaliksik o kaya’y pangangalap ng datos mula
primarya o sekondaryang sangggunian. Dadgdag pa, ang pahayag na ito ang magsisilbingpahayag na
rin ng iyong isusulat na malikhaing akda.
Pangsulat ng Introduksyon, Nilalaman at Kongklusyon
Ang introduksyon ay maituturing na pinakaimportanteng bahagi ng isang sulatin. Sa bahaging
ito, dapat makuha na ng manunulat ang atensyon ng tagapakinig o mambabasa. Maaaring matamo ito
sa pamamagitan ng iba’t-ibang pamamaraan. Maaaring gumamit ng mga tayutay tulad ng retorikal na
tanong, pagtutulad at iba pa. Maaari ring maglahad ng mga quotation o pahayag ng isang sikat na
personalidad, magbigay ng joke, linya ng kanta, mga talata sa Bibliya o iba pa na maaaring
makapukaw sa damdamin at kamalayan ng mambabasa o tagapakinig.
Ang nilalaman naman ay maituturing na pinakamalaking bahagi ng isang sulatin. Inilalahad sa
bahaging ito ang mga ideyang nais talakayin na maaaring gamitan ng iba’t-ibang pamamaraan sa
pagsasaayos ng ideya tulad ng pagbibigay ng depinisyon, pagsusunod-sunod o order, paghahambing
at pagkokontras, suliranin at bunga, at iba pa.
Tulad ng introduksyon, ang kongklusyon ay kailangang magkintal ng mga kaisipan sa
mambabasa o tagapakinig. Ang bahaging ito ay maituturing ding oportunidad upang:
1. Mabuod at mabigyang diin ang mahahalagang ideys sa sulatin;
2. Makapaglahad ng mga pagkaing pangkaisipan; at
3. Makapag-iwan ng positibo o magandang alaala sa sulatin.

C. Pagkatapos Sumulat
Pagkatapos ng sulatin, maaaring mamahinga muna at palipasin ang isa o dalawang araw bago
ito balikan, sa gayon higit na makikita ang kakulangan o kahinaan nito. Iminumungkahi rin na basahin
ito ng maraming ulit at hangga’t maaari ay malaks upang higit na malaman ang dapat
pang baguhin.

Rebisyon ng mga Draft


Bahagi ng pagkatuto ang pagkakamali. Kaya naman, ang rebisyon ay normal o pangkaraniwan
lamang para sa isang manunulat. Ang mahalaga ay makita ang mali at Maitama ito sa paraang alam
niya.

Editing ng Final na Draft na may Pagwawasto ng Gramatika, Estruktura ng Pangungusap at


Pararelismo, Ispeling at Bantas
Tinitiyak sa bahaging ito ang pagtatama sa mga maling Nakita particular na ang gramatika,
estruktura ng pangungusap ata pararelismo, gayundin sa ispeling at bantas. Tulad ng nasabi na,
normal lang ang magkamali subalit sikaping huwag ipagpaliban kapag may nakita ng pagkakamali
upang maging mabilis ang pagtatama. Sa punto naman ng paggamit ng mga salita, maaaring
makapagbigay ng mungkahi para sa ikabubuti ng sulatin. Maging handa lamang sa negatibong puna
at magkaroon ng bukas na kaisipan.

Muling Pagsulat, Pokus sa Nilalaman, Organisasyon, Kalinawan at Estilo


Sa bahaging ito, kailangang isulat o ipasok na ang mga pagtatamang ginawa na nakapokus na
mismo sa nilalaman, organisasyon, kalinawan at estilo. Samakatuwid, sapat ba ang impormasyong
inilahad? Hindi ba sabog ang mga ideya? Malinaw bang nailahad? Kung oo ang sagot sa mga
katanungang inilatag, maaari mon ang sabihing mayroon ka ng natapos na isang sulatin.

ANG PAGSULAT NG REPLEKSYON, REAKSYON AT PAGSUSURI NG AKDA


ANG PAGSULAT NG REPLEKSYON
Kahulugan at Layunin
Ang repleksyon ay mula sa salitang latin na reflexion na nangangahulugan ng pag-uulit at
pagbabalik-tanaw. Ito ay isang uri ng panitikan na nakapasailalim sa anyong tuluyan o pros ana
karaniwang nakasulat sa paraang pasanaysay na nangangailangan ng opinion at riserts o
pananaliksik ng isang manunulat. Ito rin ay masining na pagsulat na may kaugnayan sa pansariling
pananaw at damdamin sa isang particular na pangyayari batay sa napanood, napakinggan at
natunghayan o nababasa alinmang uri ng pamamahayag sa telebisyon, radio, dyaryo at panitikan.
Ang pagsulat ng repleksyon ay pagsasaalang-alang ng sariling pilosopiya’t imahinasyon.
Nailalahad ng manunulat ang kanyang punto de vista ayon sa kanyang karanasan, nabasa, napanood
at narinig na humahantong sa isang pilosopiyang kanyang pinanghahawakan at pinaninindigan sa
paraang pasulat. Ang pangunahing layunin ng isang replektibong sanaysay ay hindi lamang
matalakay ang natutuhan at maisapapel, bagkus, iparating ang pansariling karanasan at natuklasang
resulta sa isang ispesipikong paksa.

Naglalayon ding maipabatid ang mga nakalap na impormasyon at mailahad ang pilosopiya at
karanasan sa pamamagitan ng paglalagay ng batayan o talasanggunian.

Mga Konsiderasyon sa Pagsulat ng Replektibong Sanaysay


Sa panimulang pagbuo ng isang replektibong sanaysay, mahalagang bigyan ng
konsiderasyon ang mga sumusunod na punto:
1. Ang isang makabuluhang replektibong sanaysay ay nararapat maglahad ng interpretasyon sa
anumang paksang tinatalakay;
2. Bago sumulat ng replektibong sanaysay, ikonsidera ang paglakap ng mga datos, materyales at
batayan na kakailanganin. Mapadadali rin kung gagawa ng plano at balangkas upang higit na
magiging organisado;
3. Mahalaga na sa panimula pa lamang ay maipaliwanag na ang dahilan ng pagpili ng paksa at ang
importansya nito sa manunulat nang sa gayon ay magkaroon ng agarang interes at ideya ang
mambabasa at maiiwasan ang panghuhusga;
4. Ang nilalaman ng replektibong sanaysay ay nararapat na magtalakay ng iba’t-ibang aspeto ng
karanasan;
5. Sa kongklusyon ng replektibong sanaysay na lilikhain, nararapat na magkaroon ng repleksyon
sa lahat ng tinalakay. Maaari ring maglagay ng ilang pangungusap ukol sa pilosopiya na maaaring
makaapekto sa mambabasa;
6. Ang damdamin at karanasan ng manunulat sa kanyang sanaysay ay nararapat na nakabatay sa
sariling persepsyon at lubos itong naiintindihan ng mambabasa. Samakatuwid, kinakailangang
mailahad ng manunulat ang mga dahilan ng mga argumento, pananaw at rebelasyon na
nakaangkla sa katotohanan, may katanggagtanggap na datos at malawak na saklaw; at
7. Mas makabubuting rebyuhin o basahin ng ilang ulit ang iyong nagawang repleksyon bago ito
ipasa sa iyong guro. Ang isang mabuting manunulat ay nagagawang ipabasa ito sa iba at humingi
ng kanilang komento at tumanggap din ng pagbabago.

Paraan ng Pagsulat ng Repleksyon sa Nabasa


Ang replektibong sanaysay ay kombinasyon ng kritikal na analisis at ang pansariling
karanasan ayon sa epekto ng isang literature. Ang sulating ito ay higit na pampersonal at maaaring
Haluan ng nasaliksik na datos na may tuwirang kaugnayan sa tinatalakay. Higit na nagkakaroon ng
Kalayaan ang manunulat sa isinasagawang pagtatasa o ebalwasyon sapagkat napalalawak niya ang
kasiningan sa paglalahad ng sariling reaksyon at karanasan na tulad ng isang normal na sumusulat
ng diary o talaarawan sa paraang pormal (Sachs, 2010).
Narito ang mga paraan sa pagsulat ng repleksyon sa nabasa:
1. Matapos maunawaan ang esensiya at pagsusuri ng iyong nabasa, mahalagang gumawa ng
isang balangkas ukol sa mahalagang puntos na gusto mong maisama sa replektibong sanaysay.
Ang kuwento ay hindi na kailangang ibuod kung hindi naman hinihingi ng iyong guro. Samantala,
kung ito naman ay kinakailangan, ang buod ay inilalagay sa unahang bahagi ng pagpapakilala o
panimula;

2. Tukuyin ang mga konsepto at teorya na may kaugnayan sa iyong paksa sa hulihang bahagi ng
iyong talata sa panimula. Ang pagsama ng mga nabanggit na konsepto at teorya ay makatutulong
sa kritikal na pagsusuri na bahagi ng replektibong sanaysay. Maaari ring magbasa ng iba pang
artikulo, dyornal at iba pang aklat na pang-akademiko sa paguugnay;
3. Sa katawan o nilalaman ng iyong sanaysay, ipaliwanag kung paanong ang iyong sariling
karanasan o maging ang iyong pilosopiya ay nakaapekto sa iyong pag-unawa sa tekstong binasa;
kung ikaw ay sumang-ayon o sumalungat batay sa iyong repleksyon sa paksa. Sa pamamagitan ng
paghahambing ay maisasama ang iyong personal na karanasan habang napananatili ang
organisadong estruktura ng iyong papel.

4. Sa kongklusyon o huling bahagi, talakayon ang iyong inaasahan at kinahinatnan ng iyong


repleksyon. Maaari ring mag-iwan o magbahagi ng katanungan sa mambabasa at masinig na
pagtalakay upang mahikayat basahin din ng iba ang paksa ng iyong replektibong sanaysay.

ANG PAGSULAT NG REAKSYON


Kahulugan at Layunin

Pinaniniwalaang sa kalagitnaan ng ika-16 hanggang ika-20 siglo nagsimula ang pagsulat ng


reaksyong papel sa pangunguna ni Jean Starobinski. Ito ay nagmula sa salitang Latin na reaction na
nauna nang ginamit ni Isaac Newton, isang tanyag na pisiko, matematiko, astronomo, pilosopo at
alkimiko. Siya ang itinuring ng karamihan na isa sa pinakamaimpluwensyang siyentista sa kasaysayan
ng agham. Nang buuin niya ang theories and Law of Motion, kanyang sinabi na “To every action there
is always opposed an equal reaction: or, the mutual actions of two bodies upon each other are always
equal and directed to contrary parts.”
Bagamat ang punto ni Newton ay nasa linya ng agham; may malaking kaugnayan ito sa
pagsulat at katuturan ng reaksyong papel. Ang bawat kaganapan, batay sa napanood, narinig o
nabasa ay magkakaroon ng iba’t-ibang reaksyon mula sa tagatanggap ng mensahe.
Ang reaksyong papel ay naglalayong maipaliwanag ang personal na reaksyon sa napanood,
nabasa at narinig. Hindi nito nilalayong makakumbinse ng iba kundi makapagpahayag ng sariling
pananaw, kuru-kuro o opinion at naramdaman. Higit na epektibo ang pagsulat na ito sa mga
napapanahong isyu o samu’t saring kaganapan sa mundo particular sa mga interesanteng paksa
(Ireland, 2011).
Ang pagsulat ng reaksyong papel ay isang uri ng pagpapahatag ng reaksyon ng manunulat sa
mga mambabasa ukol sa kaganapang siya mismo ang nakaranas o nakatunghay. May iba’t-ibang uri
ng reaksyong papel, gaya ng reaksyon sa kasaysayan, sa pelikula at literature. Ito ay maaaring
maging komplikado o komprehensibong pagsulat kung hindi sapat ang pagkakaunawa at
interpretasyon ng isang manunulat, ang sapat na atake sa bawat pangungusap ay makatutulong
upang gumaan ang trabaho.

Mga Konsiderasyon sa Pagsulat ng Reaksyong Papel


1. Ihanda ang iyong reaksyong papel sa pamamagitan ng pagbabasa, panood at pakikinig na may
kinalaman sa inaatas ng iyong guro.Isulat ang mga nais bigyan ng reaksyon.

2. Maging tapat sa sarili. Wika nga ng isang manunulat, “Write to express and not to impress.”
Siguruhing ang iyong mabubuong reaksyon ay nakasuhay sa katotohanan.

3. Ibalangkas ang mga reaksyon at i-organisa sa pamamagitan ng isang sanaysay.

4. Sagutin ang mga sumusunod na katanungan; Ano ang iyong naramdaman? Ano ang iyong
pagkakaunawa? Ano ang iyong opinyon? Paano mo mabibigyang kongklusyon ang iyong
reaksyon?

5. Matapos isaayos at pagsunod-sunurin, simulant ang introduksyon sa kung ano ang iyong
reaksyon sa paksa; sundan ito ng kasagutan kung bakit nabuo ang iyong reaksyon at lagyan ito ng
paliwanag sa nilalaman.
6. Sa kongklusyon, maaaring maglagay ng mga linya, bahagi na mula sa iyong batayang hanguan
at tukuyin ang pinanggalingan ng reaksyon. Maaari ring tukuyin ang pagbabago at pananatili ng
iyong paniniwala o reaksyon sa napanood, nabasa at narinig.

Paraan sa Pagsulat ng Reaksyong Papel sa Nabasa

1. Sa pagbibigay ng reaksyon sa anumang literaturang nabasa, mahalagang kunin ang diwa nito.
Kung ang bibigyan ng reaksyon ay tula o mga piyesang may mga nakatagong simbolo o
kahulugan, nararapat na suriin muna ito bago magbigay ng iyong sariling opinyon.
2. Kung natukoy na ang tunay na kahulugan ng kuwento sa iyong nabasa, gumawa ng isang
balangkas na naglalaman ng pagkasunod-sunod ng pangyayari ayon sa iyong pagkakaunawa ang
mga naging pokus ng iyong reaksyon.
3. Hindi na kailangang ibuod ang kuwento kung hindi naman hinihingi ng iyong guro. Simulan
kaagad ang iyong papel sa pamamagitan ng iyong paglalahad ng iyong naramdaman sa nabasa.
Maaari nang isama ang mga dahilan kung bakit ganoon na lamang ang nabuong pagpapasya.
4. Sa nilalamang bahagi ng mahalagang talakayin, ang iba pang naging dahilan ng iyong reaksyon
sa pamamagitan ng paglalagay ng mga linya at bahagi sa kuwento na nagustuhan o hindi
nagustuhan.
5. Ang kongklusyon ay nararapat maglaman ng kinahinatnan ng kuwento sa iyong sariling opinyon
at pagkakaunawa. Kung lubos kang naapektuhan ay maaari mo itong talakayin. Gayundin kung
paanong ang piyesa ay nakaapekto sa iyong paniniwala at pilosopiya.

ANG PAGSUSURI NG AKDA


Isa sa pinakamasustansya sa kalinangan ng kaisipan at hamon sa sarili ay ang pagsusuri ng
mga sulatin. May mga matitibay tayong opinyon at malalim na paghuhusga sa mga nababasa natin
ngunit hindi lamang ito ang ating puhunan upang matawag tayong isang mahusay na kritiko.
Ang pagsusuri sa mga sulatin ay isang paglalarawan, kritikal na analisis at ebalwasyon sa
kalidad, kahulugan at katuturan ng isang babasahin. Hindi ito pagkukuwentong muli kung ano ang
akda. Nararapat itong magpokus sa layunin, nilalaman at estilo ng pagkakasulat ng akda.
Ang pagsusuri ay mas malalalim pa sa iniisip nating pagtukoy sa kung anong mali, masama o
kulang. Hindi nito layuning magbanggit lamang ng mga kamalian bagkus magkaroon ng malalim at
kritikal na impormasyon at opinyong nabasa at ang paglikha ng makatuturan at makabuluhang
ebalwasyon at hatol.
Ang sinumang magsusuri ng anumang artikulo, dyornal, sanaysay, nobela at anumang anyo
ng literature ay kinakailangang tumingin sa iba’t-ibang lente ng pagkakalikha nito, relasyon ng mga
teorya, balangkas at layunin.

Layunin sa Pagsusuri ng mga Sulatin:


1. Upang matukoy ang hindi nakamit o nagawa ng manunulat at nararapat na solusyon dito.
2. Upang matuklasan ang mahalagang aspeto ng kaugnay na pag-aaral.
3. Upang makakalap ng bagong perkpektibo.
4. Upang matukoy ang relasyon ng bawat ideya at konsepto.
5. Upang mapaunlad ang bokabularyo at kahusayan sa gramatika.
6. Upang maging bihasa sa pagsusuri at pagiging matapat sa ebalwasyon at hatol.
7. Upang maging kritikong mapagbuo.

Sa ikadadali ng pagsusuri ng akda o aklat, maaaring maging gabay ang balangkas na ito na
nilikha upang magsilbing gabay sa panimulang pagsusuri at maging salalayan ito tungkol sa mas
kritikal na pagtingin sa iba’t-iabng akda.

You might also like