You are on page 1of 4

Hinahadlangan ng kawalan ng paniniwala ang ating kakayahang makakita ng mga

himala, samantalang binubuksan naman ng pananampalataya sa Tagapagligtas ang


mga kapangyarihan ng langit.

Paano maapektuhan ng mga hamon sa buhay ang ating pananampalataya kay Jesucristo? Ano
ang magiging epekto ng ating pananampalataya sa kagalakan at kapayapaang dinaranas natin sa
buhay na ito?
Ang taon ay 1977. Tumunog ang telepono, at nawasak ang aming puso sa mensahe. Lilipat na
sina Carolyn at Doug Tebbs sa bago nilang tahanan dahil nagtapos na sila sa graduate school.
Nagdatingan ang elders quorum para tumulong magpasok ng mga kagamitan sa van na
gagamitin sa paglipat. Sumulyap si Doug sa huling pagkakataon, na tinitiyak na walang
nakaharang sa daan bago umatras. Hindi niya nakita na tumakbo ang maliit niyang anak na si
Jennie sa likod ng trak sa maling sandali. Sa isang iglap, nawala ang pinakamamahal nilang si
Jennie.
Ano ang susunod na mangyayari? Lilikha kaya ng malaking hidwaan sa pagitan nina Carolyn at
Doug ang sakit na matindi nilang nadama at ang di-maisip na kawalan, o patatatagin nito kahit
paano ang kanilang relasyon at patitibayin ang kanilang pananampalataya sa plano ng Ama sa
Langit?
Ang naranasan nilang mga paghihirap ay naging mahaba at masakit, ngunit mula sa kung saan
ay dumating ang espirituwal na lakas na huwag mawalan ng pag-asa kundi “maging matatag sa
[kanilang] landas.”1 Kahit paano ay naging higit na katulad ni Cristo ang kahanga-hangang
mag-asawang ito. Mas tapat. Mas mahabagin. Naniwala sila na, sa Kanyang panahon, ilalaan ng
Diyos ang kanilang mga paghihirap para sa kanilang kapakinabangan.2
Bagama’t hindi mawawala at hindi maaaring lubos na mawala ang sakit at kawalan, napanatag
sina Carolyn at Doug sa katiyakan na kapag nanatili silang matatag sa landas ng tipan,
mapapasakanila ang pinakamamahal nilang si Jennie magpakailanman.3
Ang kanilang halimbawa ay nagpalakas sa aking pananampalataya sa plano ng Panginoon.
Hindi natin nakikita ang lahat ng bagay. Nakikita Niya iyon. Sinabi ng Panginoon kay Joseph
Smith sa Liberty Jail na “lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa
iyong ikabubuti. Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y
nakahihigit sa kanya?”4
Kapag tinatanggap natin ang kalooban ng Panginoon, tinuturuan Niya tayo kung paano lumakad
na kasama Niya.5 Noong binata akong missionary sa Tahiti, hinilingan akong magbasbas sa
isang sanggol na maysakit. Ipinatong namin ang aming mga kamay sa kanyang ulunan at
binasbasan siya upang gumaling. Nagsimulang bumuti ang kanyang lagay, ngunit muli siyang
nagkasakit. Sa ikalawang pagkakataon, binasbasan namin siya ngunit gayon din ang nangyari.
Dumating ang ikatlong kahilingan. Isinamo namin sa Panginoon na masunod ang Kanyang
kalooban. Di-nagtagal, umuwi ang munting espiritung ito sa kanyang tahanan sa langit.
Ngunit napayapa kami. Ginusto naming mabuhay ang sanggol, ngunit iba ang plano ng
Panginoon. Ang pagtanggap sa Kanyang kalooban kaysa sa sarili nating kalooban ang susi sa
pagkakaroon ng kagalakan anuman ang ating sitwasyon.
Ang simpleng pananampalataya natin kay Jesucristo habang nagsisimula tayong matuto tungkol
sa Kanya ay maaaring manatili sa ating puso habang dumaranas tayo ng mga hamon sa buhay.
Ang ating pananampalataya sa Kanya ay magagabayan at gagabayan tayo sa mga kumplikasyon
ng buhay. Tunay ngang makasusumpong tayo ng kasimplehan sa kabila ng mga kumplikasyon
ng buhay6 habang nananatili tayong “[matatag] kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng
pag-asa.”7
Bahagi ng layunin ng buhay ang tulutan ang potensyal na mga katitisurang ito na maging mga
tuntungan habang umaakyat tayo sa tinatawag kong “hagdan ng pananampalataya”—isang
hagdan dahil nagpapahiwatig ito na ang pananampalataya ay pabagu-bago. Maaari itong
umakyat o bumaba ayon sa ating mga pagpapasiya.
Habang nagsisikap tayong magkaroon ng pananampalataya sa Tagapagligtas, maaaring hindi
natin lubos na naiintindihan ang pagmamahal ng Diyos sa atin, at maaaring sinusunod natin ang
Kanyang mga utos dahil obligado tayo. Maaari pa ngang maging pangunahing dahilan ang
bagabag ng konsiyensya kaysa pagmamahal. Maaaring hindi pa natin nararanasang tunay na
makipag-ugnayan sa Kanya.
Habang hinahangad nating palaguin ang ating pananampalataya, maaari tayong malito sa itinuro
ni Santiago. Ipinaalala Niya sa atin na “ang pananampalataya na walang mga gawa ay
baog.”8 Maaari tayong matisod kung iniisip natin na lahat ng bagay ay nakadepende sa atin.
Ang sobrang pagdepende sa ating sarili ay maaaring makahadlang sa kakayahan nating matamo
ang mga kapangyarihan ng langit.
Ngunit habang nagkakaroon tayo ng tunay na pananampalataya kay Jesucristo, nagsisimulang
magbago ang ating pag-iisip. Kinikilala natin na ang pagsunod at pagsampalataya sa
Tagapagligtas ay pinagigindapat tayong sumaatin ang Kanyang Espiritu sa tuwina.9 Kapag
ginawang layunin ang pagsunod, hindi na ito kaiinisan.10 Nauunawaan natin na sa pagsunod sa
mga utos ng Diyos, pinagkakatiwalaan Niya tayo. Ang Kanyang pagtitiwala ay naghahatid ng
dagdag na pang-unawa. Ang liwanag na ito ay gumagabay sa ating paglalakbay at hinahayaan
tayong makita nang mas malinaw ang landas na dapat nating tahakin.
Ngunit may karagdagan pa. Habang lumalago ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas,
nadarama natin ang bahagyang pagbabago na kinapapalooban ng banal na pag-unawa sa ating
kaugnayan sa Diyos—isang matibay na determinasyon na isipin kung “Ano ang gusto ng
Diyos?” kaysa kung “Ano ang gusto ko?” Tulad ng Tagapagligtas, nais nating kumilos “ hindi
… ayon sa ibig ko, kundi … ayon sa ibig mo.”11 Nais nating gawin ang gawain ng Diyos at
maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay.12
Walang hanggan ang ating pag-unlad. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na napakarami
pang nais ipaalam sa atin ang Ama sa Langit.13 Habang umuunlad tayo, mas nauunawaan natin
ang itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith: “Sapagkat kung inyong susundin ang aking mga
kautusan ay tatanggapin ninyo ang kanyang kaganapan, at maluluwalhati sa akin; … sinasabi ko
sa inyo, kayo ay makatatanggap nang biyaya sa biyaya.”14
Tayo ang magpapasiya kung gaano kataas ang aakyatin natin sa hagdan ng pananampalataya.
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen na “ang pananampalataya ay hindi matatamo kung wala
munang pagpiling gagawin.”15 Mapipili nating gumawa ng mga pagpiling kailangan para
lumago ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas.
Isipin ang epekto ng mga pagpiling ginawa nang bumaba ng hagdan ng pananampalataya sina
Laman at Lemuel samantalang umakyat naman si Nephi. May mas lilinaw pa ba kaysa sa
pagkakaiba ng tugon ni Nephi na “hahayo ako at gagawin [ko]”16 sa tugon nina Laman at
Lemuel, na gayong kakakita pa lang sa isang anghel ay nagsabing “Paano mangyayaring
ibibigay [siya] ng Panginoon?”17
Hinahadlangan ng kawalan ng paniniwala ang ating kakayahang makakita ng mga himala,
samantalang binubuksan naman ng pananampalataya sa Tagapagligtas ang mga kapangyarihan
ng langit.
Kahit kapag mahina ang ating pananampalataya, laging unat ang kamay ng Panginoon.18 Ilang
taon na ang nakararaan, natanggap ko ang tungkuling i-reorganize ang isang stake sa Nigeria.
Sa huling sandali, nagkaroon ng pagbabago sa petsa. May isang lalaki sa stake na nagpasiyang
lumipat ng bayan sa unang petsa ng kumperensya. Gusto niyang iwasan na matawag na stake
president.
Habang nasa malayo siya, nagkaroon siya ng matinding aksidente, ngunit hindi siya nasaktan.
Naging dahilan ito para isipin niya kung bakit hindi siya namatay. Muli niyang pinag-isipan ang
desisyong ginawa niya. Nagsisi siya at mapagkumbabang dumalo sa bagong petsa ng
kumperensya. At tama, siya ang tinawag na bagong stake president.
Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Tanging sa pag-aayon lamang ng ating kalooban sa
kalooban ng Diyos matatagpuan ang ganap na kaligayahan. Anumang mas mababa rito ay
nagreresulta sa mas mababang bahagi.”19
Matapos gawin ang “lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya,” oras na para “[tumayong]
hindi natitinag … na[ng] makita ang pagliligtas ng Diyos.”20 Nakita ko ito habang naglilingkod
ako bilang ministering brother sa pamilya McCormick. Kasal na nang 21 taon, tapat na
naglingkod si Mary Kay sa kanyang mga calling. Hindi miyembro ng Simbahan si Ken at hindi
siya interesadong sumapi, ngunit dahil mahal ang kanyang asawa, pinili niyang samahan itong
magsimba.
Isang araw ng Linggo nadama kong ibahagi ang patotoo ko kay Ken. Tinanong ko siya kung
maaari kong gawin iyon. Simple at malinaw ang tugon niya: “Huwag na, salamat.”
Naguluhan ako. Nadama ko ang pahiwatig at sinikap kong sundin iyon. Nakatutuksong ipasiya
na nagawa ko na ang aking bahagi. Ngunit matapos manalangin at magnilay, nakita ko na kahit
tama ang mga intensyon ko, umasa akong masyado sa sarili ko at di-gaano sa Panginoon.
Kalauna’y bumalik ako ngunit iba na ang pag-iisip ko. Pupunta ako bilang isang kasangkapan
lamang sa mga kamay ng Panginoon, na walang ibang hangarin kundi sundin ang Espiritu.
Kasama ang aking tapat na companion na si Gerald Cardon, pumasok kami sa tahanan ng mga
McCormick.
Hindi nagtagal, nadama ko ang pahiwatig na ipakanta kay Gerald ang “Buhay ang Aking
Manunubos.”21 May pagdududa ang tingin niya sa akin, ngunit dahil may pananalig siya sa
aking pananampalataya, kinanta niya iyon. Napuno ng sigla ang silid. Dumating ang pahiwatig
na ipabahagi kay Mary Kay at sa anak nilang si Kristin ang kanilang patotoo. Nang gawin nila
iyon, lalong lumakas ang Espiritu. Sa katunayan, matapos magpatotoo si Kristin, tumulo ang
luha sa mga pisngi ni Ken.22
Ang Diyos ang gumawa ng paraan. Hindi lang naantig ang mga puso kundi nagbago
magpakailanman. Pinalis ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ang dalawampu’t isang taon ng
kawalan ng paniniwala. Makalipas ang isang linggo, nabinyagan si Ken. Makalipas ang isang
taon, nabuklod sina Ken at Mary Kay sa bahay ng Panginoon para sa panahon at sa buong
kawalang-hanggan.
Magkakasama naming naranasan ang kahulugan ng palitan ng kalooban ng Panginoon ang ating
kalooban, at lumago ang aming pananampalataya sa Kanya.
Mangyaring pag-isipan ang ilang bagay na itinanong ng mga banal na propeta ng Diyos habang
sinisikap ninyong umakyat sa inyong hagdan ng pananampalataya:
Nawala na ba ang aking kapalaluan?23
Binibigyan ko ba ng puwang sa puso ko ang salita ng Diyos?24
Tinutulutan ko bang mailaan ang aking mga paghihirap para sa aking kapakinabangan?25
Handa ba akong ipasakop ang aking kalooban sa kalooban ng Ama?26
Kung nadama ko nang kantahin ang awit ng mapagtubos na pagmamahal, nadarama ko ba iyon
ngayon?”27
Hinahayaan ko bang manaig ang Diyos sa buhay ko?28
Kung makita ninyo na salungat sa inyong pananampalataya sa Tagapagligtas ang landas ninyo
ngayon, hanapin ang inyong daan pabalik sa Kanya. Nakasalalay roon ang kadakilaan ninyo at
ng inyong mga inapo.
Nawa’y itanim natin nang malalim ang mga binhi ng pananampalataya sa ating puso. Nawa’y
mapangalagaan natin ang mga binhing ito habang ibinibigkis natin ang ating sarili sa
Tagapagligtas sa paggalang sa mga tipang nagawa natin sa Kanya. Sa pangalan ni Jesucristo,
amen.

You might also like