You are on page 1of 12

Banghay Aralin sa Filipino 7

Inihanda nina:
Ani, Marcel
Bazar, Luxa Pearl
Cahutay, Roenah

Layunin
Pagkatapos ng talakayan at gamit ang pabulang “Nainggit si Kikang Kalabaw”,
inaasahang 80% ng mga mag-aaral sa ikapitong baitang ay:
A. Naisasawalat ang kahulugan ng pantukoy at ang mga uri nito
B. Natutukoy at naiisa-isa ang mga pantukoy na ginamit sa kwento
C. Naiuugnay sa totoong buhay ang kahalagahan ng pantukoy
D. Nagagamit ang tamang pantukoy sa pagbuo ng isang pangungusap
E. Nakabubuo ng isang malikhaing sulatin na naglalaman ng dalawa o tatlong talata
na ginamitan ng wasto at angkop na pananda sa pagtukoy ng tao, bagay, lunan
o pangyayari.

Paksang Aralin
Paksa: Pantukoy
Konsepto: Pagbasa: Nainggit si Kikang Kalabaw
Wika: Paggamit ng wasto at angkop na pantukoy
Kasanayan: pagtukoy, pagbuo, pagsawalat, paggamit, pag-ugnay sa totoong buhay
Sanggunian:
Julian, Lontoc, Esguerra. (2012). Pinagyamang Pluma - Grade 7. Phoenix Publishing
House. Lapu-Lapu City, Cebu
https://hunterswoodsph.com/filipino-quiz-worksheets-mga-pantukoy/
https://www.youtube.com/watch?v=P2SWxii-KbI
https://www.youtube.com/watch?v=mm8BpeuP_eQ
Kagamitan: Laptop at Bluetooth speaker (sa pagganyak), Flashcard (sa paglalahad),
Visual aid, tsart, libro sa pinagyamang pluma (sa pagtatalakay)
Pamamaraan

A. Panimulang Gawain

 Panalangin
 Pagbati
 Pagtala sa mga lumiban
 Pagbabalik-aral

B. Pagganyak
Sa pang araw-araw na pamumuhay ng tao, lingid sa ating kaalaman na gumagamit
tayo ng mga pantukoy para tukuyin ang partikular na tao, bagay, lunan o pangyayari.
Gamit ang inihandang laptop at Bluetooth speaker, ipaparinig sa mga mag-aaral ang
kantang “Ang mga Ibon na lumilipad” kasabay ng pag paskil sa harapan ng mga
estudyante ng liriko ng kanta kung saan ang mga pantukoy ay nakasulat sa Bold na
paraan. Itatanong ng guro ang sumusunod:
https://www.youtube.com/watch?v=msH4pxQbyPo
1. Tungkol saan ang kanta , ano ang mensaheng ibig ipahiwatig sa kanta?
2. Ano-ano ang inyong napapansin sa mga liriko ng kanta?
3. Bakit kaya naka bold ang mga salitang iyan? Ano-ano ang mga pagkakatulad nila?
4. Ano-ano at sino-sino ang tinutukoy ng kanta?

Paglalahad
Ipapakita ng guro ang isang visual aid kung saan nakalagay ang mga salitang
tatalakayin sa susunod na mga minuto, ngunit para mas maging kawili-wili ang
kaganapan ay huhulaan ng mga estudyante ang nawawalang letra sa visual aid.
1. P__NT__K__Y
2. __AM__AL__NA
3. I__A__A__
4. MA__A__IHA__
5. P__N__ANG__
Pagkatapos nila itong mahulaan ay ipapakita ng guro ang inihandang mga flashcard at
itatanong ang mga sumusunod:

Ang Ang Mga Mga Si

Sina Ni Nina Kay

Kina Ng Sa Ng Mga

Sa Mga

1. Sa iyong palagay ano kaya ang mga panandang ito?


2. Ano sa iyong palagay ang pantukoy?
3. Saan sa mga panandang iyan ang sa tingin mo nabibilang sa isahan at
maramihan?
4. Saan kaya sa mga panandang ito ang pambalana at saan ang pantangi?
Ang mga katanungan ay mabibigyang linaw pagkatapos ng buong talakayan

C. Pagtatalakay
 Ilalahad ng guro ang kahulugan ng pantukoy. Ang Pantukoy ay ang katagang
ginamit sa pagpapakilala sa pangngalan. Maaaring ngalan ng tao, bagay, hayop,
lugar at pangyayari.
 Ipapaliwanag ng guro na nahahati ang mga pantukoy sa isahan o maramihan.
 Ipapaliwanag din niya ang mga uri ng pantukoy sa tulong ng visual aid na inihanda
kung saan nakalagay ang mga uri ng pantukoy at ang mga halimbawa nito.
 Idadagdag ng guro na ang pantukoy ay binabase sa dami at anyo ng tinutukoy.
Sa dami ng tinutukoy, maaaring isahan ito kapag isa lamang ang binibigyang tukoy.
Halimbawa nito ay ang mga panandang "si, ni, kay, ang, ng, at sa". Samantalang
maramihan naman kapag dalawa o higit pa ang tinutukoy. Halimbawa nito ay ang
mga salitang "sina, nina, kina, mga, ang mga, ng mga, at sa mga".

Kapag ang pantukoy naman ay binabase sa anyo ng tinutukoy, maaaring ito ay


pantangi kapag tao o pangalan ng tao ang tinutukoy. Ang mga halimbawang
panandang gagamitin naman ay "si, ni, kay, sina, nina, at kina". Samantalang
pambalana naman ito kapag bagay, lugar, o pangyayari ang tinutukoy.
Halimbawang mga pantukoy na gagamitin ay "ang, ng, sa, mga, ang mga, ng mga,
at sa mga".

Ang mga pantukoy na "si, ni, at kay" ay ginagamit sa pagtukoy ng pang-isahan na


pangngalang pantangi (tiyak na tao).
Mga halimbawa:
1. Si Bb. Weng ay napakasungit.
2. Kinuha ni Luke ang Libro ko.
3. Ibinahagi ni Stef ang kanyang keyk kay Gabb.

Ang mga pantukoy na "sina, nina, at kina" naman ay ginagamit kapag


pangmaramihan o tumutukoy sa dalawa o higit pang tao o tumutukoy sa mga
pangngalang pantangi.
Mga halimbawa:
1. Sina Pedro at Paul ay kambal.
2. Hindi ikinatuwa ng guro ang pag-aaway nina Anna at Elsa.
3. Nakipagsundo na si Aljon kina Mark at Michael.
Samantalang "ang, ng, at sa" naman ang gagamiting pantukoy kapag ang
binibigyang tukoy ay isang bagay, lugar, kilos o pangyayari lamang o tumutukoy sa
pangngalang pambalana.
Mga halimbawa:
1. Ang Italya ay isang napakagandang bansa.
2. Ang mahal ng gasolina ngayon.
3. Sa bakuran kami nag lalaro at nag-usap usap.

Panghuli ay ang mga pantukoy na gagamitin sa pang maramihan na pangngalang


pambalana; "mga, ang mga, ng mga, at sa mga".
Mga Halimbawa:
1. Mga mag-aaral sa Class A ang kumakain sa canteen.
2. Ang mga prutas na dala ni Nanay ay matamis.
3. Pupunta kami ng mga kaibigan ko sa Mall.
4. Ito ay para sa mga taong aking tutulungan.
 Gamit ang librong pinagyamang pluma babasahin ng buong klase ang pabulang
“Nainggit si Kikang Kalabaw”.
 Tutukuyin at iisa-isahin ng mga mag-aaral ang mga pantukoy na ginamit sa kwento.
Nainggit si Kikang Kalabaw
Sa isang malayong nayon sa bayan ng Maribojoc sa lalawigan ng Surigao ay may
isang masipag na magsasakang nagngangalang Mang Donato. Si Mang Donato ay
tahimik na namumuhay kasama ang kanyang pamilya at dalawang alagang hayop,
sina Kikang kalabaw at Basyong Aso. Si Kikang Kalabaw ang katuwang ni Mang
Donato sa bukid. Masipag ito sa pag-aararo at wala ring reklamo sa pagbubuhat ng
mabibigat na bagay kaya naman mahal na mahal siya ng kanilang amo. Laging may
nakahandang sariwang damo at malinis na tubig para sa kanya si Mang Donato.
Binibigyan din siya ng pagkakataong magloblob sa putikan lalo na kapag kainitan
ng araw upang maginhawahan ang kanyang katawan. Sa gabi naman ay
pinagpapahinga siya sa isang kubong malapit sa bahay ng mag-anak.Sa kabila ng
maayos niyang kaligayahan ay hindi masaya si Kikang Kalabaw. Nakikita niya kasi
kung panano tratuhin ni Mang Donato si Basyong Aso. Kasama siya ng kanilang
amo sa loob ng bahay. Wala ring ginagawa ang aso kundi kumahol at kumawag
ang buntot kapag dumarating sila ni Mang Donato mula sa bukid. Tuwang-tuwa
namang hahaplusin ni Mang Donato ang mga tainga ng aso. Magpapakandong
ang aso kay Mang Donato at saka siya hahalik-halikan nito na labis namang
ikinatuwa ng amo.“Buti pa si Basyong Aso,” madalas maibulong ni Kikang Kalabaw
sa sarili. “Nasa bahay lang siya at hindi nahihirapan sa bukid katulad ko subalit mas
mahal pa siya ni Mang Donato kaysa sa akin,”dagdag na himutok pa nito.Habang
tumatagal ay lalong lumalaki ang inggit ni Kikang Kalabaw sa kapwa alagang si
Basyong Aso. Paano ba naman kasi’y madalas niyang makitang binibigyan ni Mang
Donato ng pagkain mula sa kanyang sariling pinggan si Basyong Aso. Tuwang-
tuwa rin ang buong pamilya sa pagsayaw-sayaw ng aso at pagkawag-kawag ng
buntot nito kapag ito’y tinatawag. “Paano kaya ako mapapansin at mamahalin din ni
Mang Donato? Kung gagayahin ko kaya ang ginagawa ni Basyong Aso ay
mapamamahal na rin ba ako sa kanila? tanong nito sa sarili habang nalulumbay na
napapahinga. Mga lamok na umuugong sa kanyang tainga ang kasama niya sa
mga tahimik na gabing katulad nito samantalang si Basyong Aso ay natutulog sa
isang malambot na higaan sa ibaba ng kama ni Mang Donato. Nakatulugan na ni
Kikang Kalabaw ang kanyang mga sama ng loob. Medyo nababawasan lang ito
kapag muli siyang papuntahan ni Mang Donato sa umaga at saka siya tatapik-
tapikin nito bago bigyan ng almusal niyang damo at tubig. Subalit hindi nawawala sa
kanya ang pag-iisip ng paraan kung paano niya mahihigitan ang pagtingin ng amo
kay Basyong Aso. Isang araw, nakaligtaang itali ng katiwala ni Mang Donato si
Kikang Kalabaw sa posting nasa bungad ng kanyang kubo. Tuwang-tuwa si Kika.
“Ito na, ito na ang pagkakataon ko!” ang halos pagsigaw na wika nito. “Gagayahin
ko ang mga ginawa ni Basyong Aso para kay Mang Donato. Tingnan ko lang kung
hindi matuwa at mas mahalin pa ako ng amo ko,” ang tila tiyak na tiyak na wika pa
nito. Patakbong pumasok si Kikang kalabaw sa loob ng kusina nina Mang Donato.
Nadatnan niya itong mag-isang kumakain ng tanghalian. Dali-dali siyang sumugod
sa kinauupuan ng magsasaka at kinawag-kawag ang kanyang buntot tulad ni
Basyong Aso habang patalon-talon at patakbo-takbo. Sa katatalon niya ay natabig
niya ang mesa kaya’t naglaglagan ang mga pagkain at nangabasag ang mga
pinggan,baso, at iba pang bagay na Donato habang walang humpay niya itong
hinalik-halikan. “Tulong! Tulungan ninyo ako!” Dahil sa malakas na sigaw ni Mang
Donato ay nagtakbuhang pumasok sa kusina ang kanyang buong pamilya at mga
katiwala. Dali-daling hinatak ng isang katiwala ang tali ng kalabaw at dinala ito sa
kalapit na kubo.“Anong pumasok sa utak mong kalabaw ka? Muntik mo nang
mapatay si Mang Donato sa ginawa mo! Magtanda ka ngayon at hindi mo
malilimutan ang araw na ito! Ang galit na galit na sigaw ng katiwala habang
pinapalo ang kalabaw dahil sa ginawa nito. Tunay ngang ang pagiging mainggitin
ay hindi nagbubunga ng mabuti.
 Gamit ang inihandang dalawang tsart na may katagang “Isahan” at “Maramihan”,
magtatawag ang guro ng estudyante. Kukuha ang estudyante ng flashcard na
ginamit kanina sa paglalahad at titingnan kung saan doon ang mga pantukoy na
ginamit sa kwento. Ilalagay ng estudyante ang flashcard sa tsart kung saan ito
nabibilang at sasang-ayunan o itatama ng buong klase ang pagkakalagay nito.
 Pagkatapos ay papalitan naman ang mga katagang “Pambalana” at “Pantangi” ang
tsart, pipili ulit ng estudyanteng maglalagay ng flashcard sa tamang pwesto nito at
titingnan ulit ng buong klase kung tama o mali ba ang pagkakalagay nito.

D. Paglalahat
Pagkatapos ng talakayan, pipili ang guro ng mga mag-aaral na sasagot sa mga
katanungan:

1. Bakit kaya mahalaga ang pantukoy sa ating buhay?


2. Sa iyong palagay, ano ang mangyayari sa buhay ng tao kung walang pantukoy?

E. Pagsasanay
-Maghahanap ng kapares ang bawat estudyante. Bubuo ang bawat kapares ng
limang pangungusap na may tamang paggamit ng mga pantukoy. Pagkatapos ay
magbubunotan kung sino ang maglalahad ng kanilang nagawa sa klase.
F. Ebalwasyon
Gawain 1: Subukan Nga Natin!
Panuto: Sa loob ng limang minuto sagutan ang mga katanungan. Isulat sa ¼ na
papel ang letra ng tamang sagot. 15 puntos.
1. Nakipagkasundo na si Mario _____ Juan at Pedro.

A. Sina
B. Nina
C. Kina
D. Ni

2. ____ Rizal at Bonifacio ay ang ating magigiting na mga bayani.

A. Si
B. Nina
C. Sina
D. Kina
3. ____ buhay ko’y nag-iba buhat nang makilala ka.

A. Si
B. Ang Mga
C. Ang
D. b at c

4. Handa na ang mga gamit ____ Ana at Maria para sa kanilang bakasyon.

A. Sina
B. Ang
C. Kina
D. Nina

5. Si Luis ay nagtatanim _____ halaman sa bakuran.

A. ng
B. nang
C. ni
D. Kay

6. _____ basurang iyan ay maari pang iresiklo.

A. ang mga
B. Iyan
C. ay
D. ng
7.Natutulog _____ bata sa ilalim ng puno.

A. Si
B.Sina
C. Ang
D. Ang mga

8. Mali ang iyong akala, ang kwintas na ito’y ____ Jessa!

A. Si
B. Kang
C. Kay
D. Para kay

9. Kinuha _____ nanay ang mga gamit ko

A. Si
B. Ni
C. Nina
D. Kay

10. Ibinigay ni James ____ Juan ang sapatos

A. Si
B. Nina
C. Kina
D. Kay
11. ___ malayong lugar na titira ang buong pamilya.

A. Kay
B. Si
C. Doon
D. Sa

12. Sa mansyon ___ Dave at Manuel ay may malaking larawan.

A. Ni
B. Sa
C. Nina
D. Ng Mga

13. _____ pawang matatalino lamang ang nakakapasok sa paaralang iyan.

A. Ang
B. Mga
C. Sa
D. Kay

14. Doon _____ James muna ako titira.

A. Kay
B. Kina
C. Sina
D. Sa
15. ______ ibon na nagliliparan ay napakaganda.

A. Ang
B. Mga
C. Ang mga
D. Si

Gawain 2: Nakinig Ka Ba?


Panuto: Sa loob ng limang minuto ibigay ang kahulugan ng pantukoy at ang mga uri
nito. Magbigay din ng tatlong halimbawa sa bawat uri. Ilagay ang iyong sagot sa
likurang bahagi ng iyong ¼ na papel. 20 puntos.

G. Takdang Aralin
Panuto: Bumuo ng isang malikhaing sulatin na naglalaman ng dalawa o tatlong
talata na ginamitan ng wasto at angkop na pananda sa pagtukoy ng tao, bagay,
lunan o pangyayari. Ilagay ito sa isang short bond paper at sundin ang rubrik bilang
batayan sa pagmamarka ng gawain. 50 puntos.

Rubrik sa Pagmamarka

Pamantayan Puntos
15
Organisasyon

Maayos ang kaisipan, nakapaglalahad ng mahusay at


angkop na detalye.
15
Nilalaman

Wasto ang pantukoy na ginamit sa pagbuo ng sulatin


at sumunod ng maayos sa panuto
10
Teknikalidad
Ginagamitan ng wastong baybay at maayos ang
pagkakabuo ng mga pangugusap.
10
Malikhain

Nakakuha ng atensyon ang sulating ginawa

You might also like