You are on page 1of 3

Republic of the Philippines

Department of Education
REGION X-NORTHERN MINDANAO
SCHOOLS DIVISION OF ILIGAN CITY
ILIGAN CITY NATIONAL HIGH SCHOOL
SENIOR HIGH SCHOOL DEPARTMENT

PAGBASA AT PAGSUSURI SA IBA’T IBANG TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK


IKALAWANG SEMESTRE
Self-Learning Activity Sheet No. 4

Deskripsyon ng Kurso : Pag-aaral sa proseso ng pagbasa at pagsusuri ng iba’t ibang anyo at uri ng teskto
na nakatutulong sa pagbuo at pagsulat ng sistematikong pananaliksik.
Pamantayang : Nasusuri ang iba’t ibang uri ng binasang teksto ayon sa kaugnayan nito sa sarili,
Pangnilalaman pamilya, komunidad, bansa at daigdig.
Pamantayan sa Pagganap : Nakasusulat ng isang panimulang pananaliksik sa mga penomenang kultural at
panlipunan sa bansa.
Paksa : Ang Pagsulat ng Halimbawa ng Iba’t Ibang Uri ng Teksto

Kasanayang Pampagkatuto : Nakasusulat ng ilang halimbawa ng iba’t ibang uri ng teksto (F11PU-IIIb-89).

Sa pagbuo ng tekstong impormatib, mahalagang isaalang-alang ang katumpakan ng nilalaman. Ang mga
sumusulat nito ay kinakailangang may sapat na kaalaman sa paksa, kung kaya’t dapat sila ay may mga sangguniang
pinagbabasehan. Dagdag pa, ang sanggunian o pinagkukunan nila ng datos ay kailangang mapapagkatiwalaan at may
kredibilidad. Makabubuti rin kung ang paksa ay napapanahon sapagkat ito ay maaaring makatulong upang maunawaan
ng mambabasa ang mga isyu sa lipunan. Ang ilan sa mga halimbawa ng tekstong impormatib ay diksyunaryo,
ensayklopedya, almanac, pamanahong papel o pananaliksik, siyentipikong ulat, at mga balita sa pahayagan. Narito
naman ang mga katangian ng isang mahusay na pagsulat ng tekstong impormatib:
Kalinawan: Hindi mauunawaan ng nakikinig o bumabasa ang anumang pahayag kung hindi malinaw ang
paliwanag. Dapat isaisip na ang kakulangan ng kalinawan ay maaaring magbunga ng di pagkakaunawaan.
Katiyakan: Ang katiyakan ay matatamo kung malalaman ng nagpapaliwanag ang kaniyang layunin sa
pagpapaliwanag.
Diin: May diin ang isang akda o talumpati kung naaakit ang nakikinig o bumabasa na ipagpatuloy ang pakikinig
o pagbasa. Ito’y kinakikitaan ng diwang mahalaga.
Kaugnayan: Dapat na magkakaugnay ang diwa ng lahat ng sangkap ng pangungusap at talata sa loob ng isang
akda upang maging mabisa ang pagpapahayag.
Ano-ano ang mga bahagi ng tekstong impormatib?
Ang SIMULA higit na dapat bigyang pansin sapagkat ito ang magpapasya kung ipagpapatuloy ng bumabasa ang
pagbasa isang katha. Dapat ito’y makaakit sa kawilihan ng bumabasa.
Sa bahaging KATAWAN O PINAKAGITNA naman ay natitipon ang lahat ng ibig sabihin ng sumusulat ng
paglalahad. Dapat magkaroon ng kaugnayan at kaisahan ang mga kaisipang ipinahahayag upang hindi malito ang
bumabasa. Ang WAKAS ay ang bahagi ng paglalahad na nag-iiwan ng isang kakintalan sa isip ng bumabasa. Katulad ng
simula, ang wakas ay maaaring isang parirala, isang
pangungusap, o isang talata.
Ang paglalarawan o ang tekstong deskriptib ay ang pagpapahayag ng ating nakikita, naririnig, at nadarama.
Pangunahing layunin ng paglalarawan ay ang pagbuo ng isang malinaw na larawan sa isip ng mga mambabasa o
tagapakinig. Ang sumusulat ng isang paglalarawan ay maihahambing sa isang pintor na gumuguhit ng mga tanawin at
mga larawan; kung ang pintor ay pinsel at pintura ang ginagamit, ang isang manunulat ng tekstong deskriptib naman na
nagpapahayag ng pasulat o pasalitang paraan ay salita ang ginagamit upang ilarawan ang kaniyang paksa na maaaring
masining o karaniwan. Upang maging mabisa ang paglalarawan, ang mga sumusunod ay dapat isaalang-alang.
Maingat na pagpili ng paksa: Piliin ang paksang may lubos na kaalaman ang mga mag-aaral sapagkat ito’y
palagi nilang nakikita at may kaugnayan sa kanilang karanasan.
Pagpili ng sariling pananaw: tinutukoy nito ang pagtingin ng isang naglalarawan sa paksang kaniyang
inilalarawan.
Pagbuo ng isang pangunahing larawan: Ito’y nangangailangan nang maingat at masusing pagmamasid. Ito ang
unang kakintalan ng paksang inilalarawan. Ang tao at bagay, kakayahan, at ang naturang kakayahang ikinaiiba nito ay
dapat na bigyang-diin na batay sa pagmamasid ng naglalarawan.
Wastong pagpili ng mga sangkap: Ang mga sangkap na isasama ay tiyaking makatutulong sa pagpapakilala ng
kaibahan o katangian ng inilalarawan. Hindi dapat isama ang napakaraming sangkap na walang kaugnayan sa
inilalarawan. Maingat na pagsasaayos ng mga sangkap: Ang pangunahing larawan ay dapat mapalitaw sa pamamagitan
nang maingat na pagsasama-sama ng mga sangkap. Naiiba ang paglalarawan sa pagsasalaysay na kailangang sunod-
sunod ang pangyayari kaya ang isang naglalarawan ay malayang pumili ng paraang sa palagay nya’y magiging mabisa sa
pagbuo ng kakintalang nais niyang mapalitaw sa kaisipan ng bumabasa o nakikinig. Piliin lamang ang mga sangkap na
magiging kapansin-pansin at makapagbibigay nang malinaw na larawan.
Ang pagsulat ng paglalarawan ay nauuri sa dalawa; Unang uri ay maaaring maging pangkaraniwan - ang uring
ito’y nagbibigay lamang ng kabatiran sa inilalarawan, hindi ito naglalaman ng damdamin at kurokuro ng naglalarawan.
Ang ibinibigay lamang nito ay ang karaniwang anyo ng inilalarawan ayon sa pangmalas na panlahat.
Sa halimbawang ito pansinin ang mga salitang matitingkad at may salungguhit: “Noong huli akong dumalaw sa
tahanan ni Tiya Pilar sa lalawigan ay ganito rin ang ayos ng bakuran nila. Sariwa at malago ang mga halaman,
naghuhunihan ang mga ibon sa sanga ng punong kahoy at nalalanghap sa hangin ang mabangong halimuyak ng
bulaklak. Ang kanilang bahay sa loob ng bakod na mga alambreng may tinik ay halos wala pa ring ipinagbago. Naroon
din ang mga hawla ng kanaryo na nagsabit sa bintana. Naroon din ang mga puno na may malalagong halamang
nakahalayhay sa may pagpanhik ng hagdanan. Kaytulin ng mga araw! Isang buong
taon na ang nakalipas ay parang hindi ko napansin.” Mula sa: Amado V. Hernandez, Panata ni Pilar Quezon City: Ateneo
de Manila University Press, 1969.
Hindi ba’t ang mga salitang sariwa, malago, mabango, may tinik, halos wala, malalago ay kay dali mong
naunawaan? Dahil ang mga ito ay may mababaw lamang na pakahulugan at tiyak ko na madalas mo din itong ginagamit
sa iyong pakikipagtalastasan. Ang ikalawang uri naman ng paglalarawan ay ang masining na paglalarawan: dito ang
guniguni ng bumabasa ay pinagagalaw upang makita ang isang buhay na
buhay na larawan. Naglalaman ito ng damdamin at pananaw ng sumulat. Ibinibigay niya ang isang buhay na larawan
ayon sa kaniyang namalas at nadama. Sa halimbawang ito: “Si Ina ay hindi palakibo: siya ay babaeng bilang at sukat
ang pangungusap. Hindi niya ako inuutusan. Bihira siyang magalit sa akin at kung magkakaganyon ay maikli ang
kaniyang pananalita: Lumigpit ka!... at kailangang di na niya ako makita. Kailangang di ko na masaksihan ang kikislap
na poot sa kaniyang mga mata. Kailangang di ko na mamalas ang pagkagat niya sa kaniyang labi. Kailangang di ko na
makita ang panginginig ng kaniyang mga daliri. Ito rin ang katumbas ng kaniyang mariing huwag kung mayroon siyang
ipinagbabawal. Mula sa: Liwayway Arceo, Uhaw ang Tigang na Lupa at Iba Pang Katha. Manila: Pioneer Press,1968.
“Ang ngiti ni Ina ay patak ng ulan kung tag-araw: ang bata kong puso ay tigang na lupang uhaw na uhaw…”
Sa halimbawang ito mauunawaan sa kaisipang nakapaloob sa teksto na ang ina ay inilarawan bilang isang
tahimik at hindi palakibo na kung magalit ay tiyak na nakatatakot ang kaniyang nagiging itsura. Masasalamin sa teksto
ang pananabik ng bata sa pagmamahal ng kaniyang ina. Mapapansin na ang mga salitang matingkad at may salungguhit
ay may higit na malalim na kahulugan kaysa sa karaniwang kahulugan nito.
Ang tekstong prosidyural ay isang uri ng paglalahad na kadalasang nagbibigay ng impormasyon at instruksiyon
kung paano isinasagawa ang isang tiyak na bagay. May layunin itong makapagbigay ng sunod-sunod na direksiyon at
impormasyon sa mga tao upang matagumpay na maisagawa ang mga gawain nang ligtas,
episyente at angkop sa paraan. Ang pagsulat ng tekstong ito ay binubuo ng apat na bahagi, tulad ng mga sumusunod:
1. Inaasahan o Target na Awtput – tumutukoy sa kung ano ang kalalabasan o kahahantungan ng proyekto ng
prosidyur.
2. Mga Kagamitan - Maaaring ilarawan sa bahaging ito ang mga tiyak na katangian ng isang bagay o kaya ay ang
katangian ng isang uri ng trabaho o ugaling inaasahan sa isang mag-aaral kung susundin ang gabay. Nakalista ito sa
pamamagitan ng pagkasunod-sunod kung alin ang gagamitin. Maaaring hindi Makita ang bahaging ito sa mga uri ng
tekstong prosidyural na hindi gagamit ng anomang kagamitan.
3. Metodo – ito ay nagsasaad ng serye ng mga hakbang na isinasagawa upang mabuo ang proyekto.
4. Ebalwasyon - Naglalaman ng mga pamamaraan kung paano masusukat ang
tagumpay ng prosidyur na isinagawa. Ito ay sa pamamagitan nang mahusay na paggana ng isang bagay, kagamitan o
makina o di kaya ay mga pagtataya kung nakamit ang kaayusan ng layunin ng prosidyur.
Mahalaga ang paggamit ng heading, subheading, numero, dayagram, at mga larawan upang maging mas malinaw
ang pagpapahayag ng instruksiyon. Mahalagang alamin at unawain kung sino ang nakikinig o nagbabasa ng teksto
upang mapagdesisyunan kung anong uri at antas ng wika ang gagamitin. May mga tiyak na katangian ng wikang
madalas gamitin sa tekstong prosidyural.
1. Nasusulat sa kasalukuyang panahunan.
2. Nakapokus sa pangkalahatang mambabasa at hindi sa iisang tao lamang.
3. Gumamit nang tiyak na pandiwa para sa instruksiyon.
4. Gumamit nang malinaw na pang-ugnay at cohesive device upang ipakita ang pagkasunod-sunod at ugnayan ng mga
bahagi ng teksto. Mahalaga ang detalyado at tiyak na deskripsiyon tulad ng hugis, laki, kulay, dami,
atbp. Pag-aralan ang teksto sa ibaba na naglalaman ng isang plano para sa pagpapaunlad ng isang negosyo.

Hakbang sa Pagpaplano:
Una, isipin mo kung paano mo ito sisimulan, pababa o pataas? O gusto mong simulan ito sa itaas kaagad. Ikalawa,
ano ba ang layunin mo sa itatayo mong negosyo? Layun mo ba agad na kumita at mabawi ang iyong ipinuhunan o
nais mo munang mapalago ito hanggang sa tuluyan na itong makilala. Ikatlo, sino ang makakatuwang mo sa iyong
planong negosyo? Napagpasyahan mo ba kung ikaw lang ang mamamahala o may iba ka pang nais makasama sa
iyong plano. Kaya mo bang mag-isa o kinakailangan mo ang tulong ng iyong kamaganak bilang sekretarya,
manananggol, at iba pang sasalo sa ibang tungkulin sa negosyo mo? Sa iyong palagay, kakayanin mo bang
magtagumpay mag-isa sa negosyo o talagang kakailanganin mo ang tulong nila? Ikaapat, napagpasyahan mo na rin
ba kung ano ang iyong nais unahin o dapat pagtuunan ng pokus sa iyong negosyo. Ang pangangailangan ng
kostumer, ang lokasyon ng iyong negosyo, ang iyong kasanayan o kahusayan, ang iyong kapital. Ikalima, isipin mo
ang paghahanap ng mga taong puwede mong pagkatiwalaan, may kakayahan at karunungan, at may
responsibilidad habang ikaw ay namamahala ng ibang trabaho? Iayos mo ang mga patakarang dapat sundin ng
iyong tauhan upang maging matagumpay ang operasyon ng iyong negosyo.

Pagsasaayos ng mga Talatakdaan sa Planong Negosyo


1. Magsagawa ng iskedyul maikling panahon (6-10 buwan) at mahabang panahon (1-2 taon).
2. Maging tiyak at detalyado.
3. Ipakita mo ang iyong produkto sa mga napili mong pahayagan, radyo, telebisyon, at midya.
4. Magbigay ng araw at oras kahit na ito’y pansamantala lamang
5. Magbigay rin ng mga calling cards o mga taong dapat lapitan kasama na rito ang mga numero ng telepono, pagers,
cellphones, value message at e-mail.
6. Magkaroon ng mga promo para makaiwas sa mga hindi inaasahang pagkakataon.
7. Isaayos ang perang nakalaang gugugulin. Magpasya ka kung magkano ang gugugulin sa mga promosyon. Kung ikaw
ay nababahala sa pag-aanunsiyo, mabuti pang itigil ang iyong negosyo. Sabi nga nila “no gain no risk.”
8. Iwasan mo ang manggaya sa iba. Pag-aralan ang mga istratehiya ng iyong kakumpetensiya.
9. Upang makatipid sa badyet, palitan ang mga istratehiyang hindi nagpapakita ng magandang resulta.
10. Simulan mo na ang iyong plano.
Gawain 1.
Batid kong alam na alam mo na ang tungkol sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19). Ito ay tumutukoy sa kumpol ng
mga kaso ng viral pneumonia na naganap sa Wuhan, Lalawigan ng Hubei, simula noong Disyembre 2019. Ayon sa
imbestigasyon ng mga awtoridad at eksperto sa kalusugan ng Mainland, China ang isang novel coronavirus ay napag-
alamang mikrobyong sanhi ng sakit na sa kasalukuyan ay lumaganap na hindi lang sa ating bansa kundi sa buong
mundo kaya naman tinagurian itong isang pandemya. Basahin mong mabuti ang susunod na teksto upang lubos mo pa
itong maunawaan.
Ang Corona Virus na nagmula sa bansang Tsina at lumalaganap na sa buong mundo. Noong
umpisa ay tinawag itong novel dahil ito ay itinuturing na pinakabagong sakit sa pamilya ng virus na
kinabibilangan MERS at SARS. Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang natutuklasan na gamot upang
magsilbing lunas ng sakit na ito. Dahil dito hinihikayat ang publiko na manatili sa loob ng kanilang
tahanan, subalit kung hindi maiiwasan ang paglabas ay kinakailangang magsuot ng mask. Ang Virus
ay pinaniniwalaang may inkubasyon na tinatayang sumasaklaw na mula 1 hanggang 14 na araw, na
kadalasan ay humigit-kumulang sa 5 araw. Upang maproteksiyunan ang sarili, ang pamilya, at kapwa
sa sakit na dulot ng corona virus kung uubo ay kinakailangang magtakip ng bibig o kaya naman
umiwas sa taong bumabahing o umuubo dahil sa mga nauna nang ulat na ang taong kinakapitan ng
sakit na ito ay maaaring wala o hindi kakikitaan ng anomang sintomas ng nakababahalang sakit.
Panuto: Piliin ang titik ng tamang sagot. Isulat ito sa sagutang papel.
1. Ang teksto ay tungkol sa __________.
A. AIDS B. MERS C. SARS D. CORONA
2. Ang corona virus ay nagmula sa _____________.
A. America B. Bangkok C. Pilipinas D. Tsina
3. Pinaniniwalaang ang virus ay may inkubasyon na sumasaklaw mula ______.
A. 1 – 7 araw B. 1- 10 araw C. 1-14 na araw D. 1-30 araw
4. Ang novel ay nangangahulugang ____________ sa pamilya ng mga virus na MERS at SARS
A. Bago B. Dati na C. Napapanahon D. Luma na
5. Ang teksto ay isang halimbawa ng tekstong ____________
A. Deskriptib B. Impormatib C. Persweysib D. Prosidyural
Gawain 2.
Basahing mabuti ang mga sumusunod na talata at kilalanin kung pangkaraniwan o masining ang paglalarawan na
ginamit sa mga talata. Kung masining, isulat ang MP at KP naman kung pangkaraniwan ang paglalarawang ginamit sa
bawat bilang.
___1. Ang bata ay nakapantalon ng maruming maong na sa kahabaan ay pinailanglilis ang laylayan. Nakasuot ito ng
libaging kamiseta, punit mula sa balikat hanggang pusod na ikinalitaw ng kaniyang butuhan at maruming
dibdib. Mula sa: Ang Kalupi (ni: Benjamin P. Pascual) Pinagkunan: Consolacion P. Sauco, Iluminada C. Santos, and Remedios S.
Rodriguez,Masining na Pagpapahayag: Pang-antas Tersyaryo Las Piñas City: Booktime Publication, 2014. 103.
___2. Ang ningning ay nakasisilaw at nakasisira ng paningin. Ang liwanag ay kinakailangan ng mga mata upang
mapagwari ang buong katunayan ng mga bagay -bagay. Mula sa: Liwanag at Dilim (ni: Emilio Jacinto) Pinagkunan: Consolacion
P. Sauco, Iluminada C. Santos, and Remedios S. Rodriguez, Masining na Pagpapahayag: Pang-antas Tersyaryo Las Piñas City: Booktime
Publication, 2014. 104.
___3. Nabaling ang kaniyang paningin sa nahihimbing niyang mga mahal sa buhay. Namasdan niyang mabuti sa liwanag
ng ilawan ang ayos ng mga yaon. Sa katauhan ng kaniyang panganay ay nakakintal ang ugat ng katotohanan kung bakit
dapat na mabuhay. Ang pasusuhin ay tila pinilas na larawan ng kaniyang ina. Hindi nakaila kay Mang Milyo ang
maganda pa ring hubog ng katawan ng kaniyang asawa. Mula sa: Biyaya ng Tag-ulan (ni: Anacleto L. Dizon)
Pinagkunan: Consolacion P. Sauco, Iluminada C. Santos, and Remedios S. Rodriguez, Masining na Pagpapahayag: Pang-antas Tersyaryo
Las Piñas City: Booktime Publication, 2014. 100.
___4. Ang silid na pinagmumulan ng liwanag ay maluwang at maliwalas. Dalawang malaking pinto ang nagdurugtong ng
silid na ito sa mga karatig na silid. Ang isa sa mga pinto ay nakapinid; ang isa ay nakabukas nang
bahagya; ang pintong ito ang nagdurugtong sa silid sa tulugang walang ilaw. Ang bintana ay mahahaba at makikitid
maliban sa isa na pinaglalagusan ng liwanag na nagmumula sa loob. Mula sa Bahay sa Dilim (ni: Alfredo S.
Enriquez Pinagkunan: Consolacion P. Sauco, Iluminada C. Santos, and Remedios S. Rodriguez, Masining na Pagpapahayag: Pang-antas
Tersyaryo Las Piñas City: Booktime Publication, 2014. 97.
___5. Nang bumaba ka sa sinakyan mong kalesa ay palubog na ang araw at ang maputlang silahis nito’y malungkot na
ring nagpapaalam. Mahahabang anino na rin ang nakikita sa maruming lansangan. Mula sa: May Gunita Pa
ang Bulaklak (ni: Jose Flores Sibal) Pinagkunan: Consolacion P. Sauco, Iluminada C. Santos, and Remedios S. Rodriguez, Masining na
Pagpapahayag: Pang-antas Tersyaryo Las Piñas City: Booktime Publication, 2014. 96.
Gawain 3.
Piliin ang tamang sagot. Isulat ang A kung tama ang pahayag at B naman kung mali. Isulat ang iyong sagot sa sagutang
papel.
___1. Ang tekstong prosidyural ay isang uri ng paglalahad na kadalasang nagbibigay ng impormasyon at instruksiyon
kung paano isinasagawa ang isang tiyak na bagay.
___2. Hindi na kailangang alamin kung sino ang nagbabasa ng teksto upang mapagdesisyunan kung anong uri at antas
ng wika ang gagamitin.
___3. Nakapokus sa pangkalahatang mambabasa at hindi sa iisang tao lamang.
___4. Gumamit ng malinaw na pang-ugnay at cohesive device upang ipakita ang pagkasunod-sunod at ugnayan ng mga
bahagi ng teksto.
___5. Hindi mahalaga ang tiyak na deskripsyon tulad ng hugis, laki, kulay, at dami sa paglalahad ng tekstong
prosidyural.

Gawain 4.
Dahil alam mo na ang pagkuha ng mga impormasyon, ngayon ay simulan mo nang bumuo ng tekstong impormatib.
Sundin ang mga sumusunod na paalala:
a. Sumulat gamit ang iyong sariling pangungusap
b. Alalahanin ang mga elemento at bahagi sa pagbubuo ng isang mahusay na tekstong impormatib
c. Isulat ito sa malinis na papel.

Gawain 5.
Sumulat ng isang tekstong prosidyural.
1. Pumili ng dalawa sa sumusunod na mga paksa.
2. Gamitin ang unang paksa na iyong napili sa pagsulat ng tekstong prosidyural sa anyong may bilang.
3. Ang isa pang paksa naman na iyong mapipili ay ilahad sa anyong patalata.
4. Isulat ito sa malinis na papel.
Mga Pagpipiliang Paksa:
1. Mga konsiderasyon sa pagpili ng presidente
2. Pagluluto ng pagkain
3. Pasisimula ng isang maliit na negosyo
4. Paggawa ng isang email account

You might also like