Puno na naman ng tao ang maliit na pwesto ng tuhugan sa bungad ng kantina sa
sekondaryang paaralan ng Inaon. Kalahati ay dahil sa masarap na mga tindang bagong ahon lamang mula sa mantika, habang ang kalahati ng mga estudyante naman ay nandoon dahil sa masarap sa matang si Calya. Bagong lipat lamang sa barangay ang dalaga kasama ang kanyang ina mula sa maliit na barangay sa Capiz. Wala namang nagtakha sa biglaang paglipat ng mag-ina bagaman wala silang kakilala sa lugar sapagkat sino ba naman ang mag-uusisa sa dalawang mala-diyosang kababaihan? Bulag at walang puso na lamang ang magtataboy sa mahinhin na mag-ina. Kabilang sa kumpol ng mga kabataang bulgarang nagmamasid sa dalaga ay ang sikat na basag-ulong si Gilbert, mukhang hindi nga mawawalan ng mga patapon ang bawat paaralan at isang magandang halimbawa noon ay ang binatang si Gilbert. Noong nakaraang taon na nasa ikalimang taon ng hayskul ang binata ay naipakulong na ito sa barangay dahil sa halos pagpatay nito sa nakasuntukang kamag-aral. Ngunit katulad ng palaging pagiging matatag ng mga basura at pagtutol na mabulok ay ganoon din si Gilbert sapagkat katulad din ng isang mambubusura ay niresikolo siya ng kanyang mga magulang sa pamamagitan ng pakikipag kamay ng mga ito sa kapitan na may kasamang ilang asul na papel. Nakita ng isang tsismosang may baon na bokya sa lotto ang pagka kamayan kaya naman kumalat sa barangay ang nangyari. Subalit katulad ng mga maraming tsismis ay isa lamang din iyong panibagong istorya at katatawanan para sa mga walang magawang maganda sa buhay na mga ina. Kaya ngayon sa kasalukuyan ay nagmamadali na maglakad pauwi si Calya dahil sa malaya siyang sinusundan ng basurang binata pauwi sa bahay nila, noong nakaabot ito sa dalaga ay kamalas-malasang nasa gitna sila ng tuyong bukid. Singkit ang matang todo ngiti ang makikita sa mukha ni Gilbert matapos niyang mahawakan sa magkabilang balikat si Calya at magaspang na iniharap sa kaniya, “Kanina pa kita tinatawag sa may gate ng school hindi ka man lang huminto at bumati classmate.” Hindi sigurado si Calya kung paano niya aayusin ang kasalukuyang kalagayan ngayong nakaninginig na ng kalamnan ang itsura ng kanyang kaklase. “‘Lika muna sa’min, Calya, magk-kwentuhan lang tayo para naman hindi ka naninibago dito sa barangay,” sabi pa nito habang sinisipat ng tingin ang dibdib at leeg ng dalaga na patuloy lamang sa pag-iling. Muli namang tinignan ni Calya ang paligid kung wala talagang tao na maaaring makakita sa ginagawang pagpigil sa kanya. Ngunit tirik ang araw at kalagitnaan ng hapon, ang mismong oras kung kailan nagsisiyesta o kaya ay nagpapahinga sa lilim ng bahay ang mga tao. Hahawiin na sana ni Calya ang pagkakahawak sa kanya noong may grupo ng kabataan na katulad nila ang uniporme ang nagtatawanang nagawi sa kalsadang katabi ng bukid. Gulat pang napahinto ang mga ito nang masaksihan ang kaganapang nasa bukid pero agad ding nagpatuloy sa paglalakad ng makitang si Gilbert na naman ang gumagawa ng kababalaghan. Napabuntong-hininga na lamang si Calya nang mapagtantong takot nga talaga ang mga kabataan sa lalaking nagbabalak sa kaniya ng masama. Ngunit siya at si Gilbert naman ang nagulat ngayon nang may isa sa grupo kanina ang bumalik na may hawak na walis tingting. “Gilbert, tumakbo na sila Jason papuntang barangay. Kapag nahuli ka sa akto, hindi na magagawan pa ng paraan ng magulang mo.” Naningkit lamang lalo ang mata ni Gilbert ngunit ilang saglit pa ay marahas nitong binitawan ang balikat ni Calya at umalis. “Bukas na lang, Calya.” Pahabol pang sigaw nito at malaswang sumenyas sa dalaga gamit ang mga daliri. Matapos mawala sa paningin nila si Gilbert ay nanatili pa ring nakatayo doon ang dalawa ng ilang minuto at hinintay kung babalik ito, nang masiguradong wala na itong balak bumalik ay hinarap ni Calya ang kamag-aral niya na hanggang ngayon ay hawak pa rin ang tingting. “Salamat,” simpleng turan niya. Tumango lamang ang binata at tinignan ang walis na hawak,” Sabihin mo na lang sa magulang mo para masabihan nila ang school. Babalikan ka ni Gilbert, panigurado ‘yon.” Tumalikod na ito upang umalis na rin. Pinanood lang din muli ni Calya ang pigura ng binata sa pag-alis nito, hindi niya maiwasang mapangiti nang maalala ang kayumanggi at makinis nitong kutis na halata kahit pa ilang metro rin ang layo nito sa kanya kanina. Inalala niya rin ang mahabang mga pilik-mata nito, may katangusang ilong, at mapulang labi. Sa bukiring barangay na ito ay hindi niya inasahang may ganoon siyang kaguwapo na makikilala, kung hindi rin makinis at maganda ang kanyang mukha ay baka mainggit pa siya sa lalaki pwera na lang sa hawak nitong tingting. Duda si Calya na may laban ang lalaking iyon sa malaki at malaman na katawan ni Gilbert ngunit mabuti na lamang at may konsensya ang mga kamag-aral niya at ginawa pa rin ang makakaya nila upang makatulong. Lumipas ang gabi at sa pagsapit ng umaga ay nalaman na lamang ng paaralan mula sa magulang ni Gilbert na lumipat na sa ibang paaralan ang binata upang doon magpatuloy. Ang mga linggong sumunod ay naging madali at masaya para kay Calya dahil naipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral ng wala nang problema katulad ng binatang minsang nagtangka sa kanya. Mas sumaya din ito dahil natuklasan niya na nasa iisang klase sila ng tumulong sa kanyang lalaki na si Ruel. Sa panahon ng kanilang huling taon ng hayskul ay naging magkasintahan ang dalawa hanggang sa pagtatapos nila ng kolehiyo at kasunod noon ay ang kanilang pagpapakasal. Lubos ang saya ng dalawa pati na ang kanilang mga kakilala na ang bukang-bibig ay ang pagiging magkasintahan nila mula pa hayskul at kung gaano katatag ang kanilang relasyon sa lahat ng nagdaang taon. Iba rin ang galak na dama ng pamilya at mga magulang ni Ruel dahil sa mga nagdaang taon ay naging sakitin ito ngunit nanatili pa rin si Calya at matapat na minahal ang kasintahan. Sariwa pa sa kanilang mga kakilala at pamilya noong isugod sa ospital si Ruel ilang taon nang nakararaan dahil sa mahinang pangangatawan nito. Subalit sa gitna ng lahat ng pangyayari sa pagsasama ng dalawa ay nanatili pa rin ang kanilang pagmamahalan hanggang sa tumuntong na sila sa simbahan. “Calya…” Kinakabahang tinawag ni Ruel ang asawa nang makita nitong may gumuhit na dugo sa hita ng buntis na misis. Agad silang pumunta sa ospital ngunit katulad ng dalawang naunang pagbubuntis ni Calya ay nabigo muli silang iligtas ang sanggol sa sinapupunan niya. Pagkapasok ni Ruel sa kwarto ay lumapit kaagad ito at niyakap ang umiiyak na asawa upang aluhin sa muli nanaman niyang nabigong pagdadalang-tao. Pinunasan niya ang magaganda nitong mga mata na puno ng luha at panghihinayang. “I’m sorry, Ruel. Pangako, nag-iingat naman ako… hindi ko alam kung bakit palagi– “ nanginginig ang boses nito bago tuluyang sakupin ng mga hikbi ang silid. Patuloy naman sa pagbulong ng malalambing na mga salita ang kanyang asawa sa kanya na makikitaan ng pag-intindi at paghihinagpis ang boses. Hindi nagkakalayo ang mga bagay na tumatakbo ngayon sa isip ng mag-asawa, parehong binisita ng kanilang isip ang mga ala-ala kung kailan sabik na sabik silang magpakasal at bumuo ng sariling pamilya. Mga panahon kung saan pati ang mga mahal nila sa buhay ay hindi matigil sa pagpuri sa pagmamahalan ng dalawa at patuloy sa pagsasabing paniguradong magiging mga munting anghel ang kanilang mga anak dahil sa kagandahan ng hindi lamang panloob na katauhan ng mag-asawa kundi pati na rin ang kanilang magandang panlabas na kaanyuan. Makalipas ng ilang araw ay umuwi na sa bahay ang dalawa mula sa ospital na tinuluyan ni Calya. Inihiga ni Ruel ang natutulog na asawa sa kanilang kama at bumalik mula sa kanilang sasakyan upang kunin ang ilang gamit mula sa ospital. Sa pagbukas niya ng pintuan ng kotse ay nahulog ang bag ni Calya kasama na ang mga gamit dito. Nang pulutin niya ang mga nahulog na gamit ay napansin ni Ruel ang isang pakete ng tsaa, naalala niya kung gaano kagusto ng asawa ang mga tsaa nito at napagpasyahang ipaghanda ito upang gumanda ang pakiramdam mula sa mahabang biyahe bago tuluyang ipagpatuloy ang pagtulog. Nagtungo si Ruel sa kusina upang hanapin ang garapon ng tsaa na paborito ng asawa. Nasa dulo ang lalagyan na kailangan niya dahil ayon sa asawa ay dapat nasa kulob na lugar ang tsaa niyang iyon. Nang pilit abutin ni Ruel ang dulong bahagi ng aparador at naramdaman nga niya ang malamig na babasaging garapong sa tingin niya ay ang tsaa ni Calya. Pagkahugot mula sa dulong bahagi ay nabitawan niya ang garapon dahil sa likidong nasa loob nito. Isang maliit na kumpol na laman ang nakababad sa matingkad at malapot na dugo ang nasa loob ng akala niya ay garapon ng tsaa. Samu’t saring pangit na mga ideya at imahe ang umikot sa utak ni Ruel kasama na ang nakakapagtakhang tatlong beses na bigong panganganak ng asawa. Paglingon niya sa pinto ng kusina ay nandoon nakatayo ang galit na asawa. “Shhh… sana naman hindi ka maging kasing ingay ni Gilbert, Ruel.” Walong taon… walong taon na unti-unti lamang ang pag-inom ni Calya ng nutrisyong kailangan at lubos na lamang ang saya niya at ang lungkot dahil sa wakas ay makakakain na siya ng marami. Ngunit malungkot din dahil ngayon ay mawawala na ang sana ay walang katapusan niyang pagkain. Kawawang Calya.