You are on page 1of 3

“Pinili naming tahakin ang daang hindi karaniwan—

At nagmumula roon ang lahat ng kaibahan.”


— Emmanuel Lacaba, An open letter to Filipino Artists

Dalawang taon na mula nang pirmahan ng pasistang si Duterte ang Executive Order 70 o
“whole-of-nation approach to end the local communist insurgency” na naging tulay upang
konsolidahin at ituon ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at mga rekurso nito sa mga
operasyong kontrainsurhensya. Binigyan nito ng malawak na kapasyahan ang berdugong
Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na tukuyin o i-“tag”
ang mga organisasyon, indibidwal at iba pang grupo na kumikilos para ipaglaban at itaguyod ang
mga karapatan ng maralita sa kanayunan bilang mga “lawless elements” o mga “terorista.”
Naging layunin din nito na normalisahin ang pakikiisangkot ng militar sa mga sibilyang usapin at
gawain, at busalan ang sinumang nagpapahayag o sumasalamin sa tunay na kalagayan ng lipunan
at ng sambayanang Pilipino.
Susi rin ang EO70 sa pagbubuo sa National Task Force to End the Local Communist Armed
Conflict (NTF-ELCAC) na nakikinabang sa P19 bilyong budget na dapat ay napunta sa mga
serbisyong panlipunan tulad ng mass testing at ayuda. Ngunit imbis na tugunan ang
pangangailangan ng sambayanang Pilipino sa gitna ng pandemya at sunud-sunod na mga
kalamidad, lantarang panunupil ang inatupag ng pasistang rehimeng Duterte laban sa mga kritiko
nito. Kitang-kita sa walang-habas na “red-tagging,” iligal na pag-aresto, at pagpaslang sa mga
human rights defender, lider, aktibista at mga organisador na nakikibaka lamang para sa mga
batayang karapatan ang desperasyon ng estado na itago ang umaalingasaw na kabulukan nito.
Kabilang sa mga target ng pasistang estado ay ang mga progresibong artista ng bayan. Nitong
ika-2 ng Disyembre ay ilegal na inaresto ng pinagsamang elemento ng 77th Infantry Battalion ng
Philippine Army, PNP, at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Amanda
Lacaba Echanis at ang isang buwang gulang na anak nito. Maaalalang ilang buwan pa lamang
ang nakalilipas noong brutal na pinaslang ng mga ahente rin ng estado ang ama ni Amanda na si
Ka-Randy Echanis, lider ng Anakpawis at isang NDFP Peace Consultant. Ayon sa mga pulis,
hinuli nila si Amanda dahil sa illegal possession of firearms, ammunition, at explosive device.
Pinaratangan din siya ng NTF-ELCAC bilang isang “Finance Officer” ng CPP-NPA-NDF.
Ngunit taliwas sa walang basehang mga paratang ng estado, si Amanda ay isang aktibista at
organisador na miyembro ng AMIHAN-Cagayan. Ang AMIHAN ay organisasyong
kinabibilangan ng mga kababaihang pesante na nanawagan para sa tunay na reporma sa lupa at
pambansang industriyalisasyon, at nakikibaka laban sa lahat ng porma ng pagsasamantala at
diskriminasyong nararanasan ng mga kababaihan sa kanayunan. Si Amanda ay aktibong
nakikilahok sa mga kampanya na nagsusulong sa kapakanan ng mga maralitang magsasaka at sa
mga isyung kinakaharap ng mga ito, katulad ng panawagan sa pagdagdag ng presyo ng palay at
ang pagbabasura sa Rice Liberalization Law.
Bukod sa pagiging organisador sa hanay ng kababaihang magsasaka, si Amanda ay isa ring
manunulat. Bago siya nagpasyang maglingkod sa hanay ng masang magsasaka, naging
miyembro at organisador siya ng mga pangkulturang oroganisasyong Sining na Naglilingkod sa
Bayan (Sinagbayan) sa UP Diliman at Sining Kadamay (SIKAD). Bilang isang artista ng bayan
na direktang nakikipamuhay sa piling ng masang api, nakalikha si Amanda ng iba’t-ibang
akdang sining na sumasalamin sa tunay na kalagayan ng sambayanang inaapi, tulad ng dulang
“Nanay Mameng,” kung saan tampok ang laban ng masang maralitang tagalungsod.
Hindi na bago sa rehimeng Duterte ang pagsupil at pag-aresto sa mga artista-aktibista. Ang
gasgas na gasgas nang estilo ng “red-tagging” at “tanim ebidensya” rin ang ginamit ng pasistang
estado upang ikulong batay sa mga gawa-gawang kaso sina Alvin Fortaliza, isang choreographer
at direktor ng Bansiwag Cultural Network sa Bohol noong 4 Marso 2019; apat na miyembro ng
Teatro Obrero sa Escalante City noong 18 Setyembre 2019; at mahigit 20 miyembro ng Teatro
Obrero at Teatro Bungkal noong 31 Oktubre 2019 sa Bacolod City.
Tulad nina Fortaliza at iba pang miyembro ng Sining Banwa at Teatro Obero, ginawang
tungkulin ni Amanda bilang artista ang ilantad ang mga pagsasamantalang nararanasan ng
sambayanang Pilipino sa isang malapyudal at malakolonyal na lipunan, lalo na ang malubhang
kawalan ng lupa ng mga magsasaka. Itinatampok din ng kanilang mga likha’t akda ang paglaban
at papgbalikwas ng mamamayan. Isinusulong ng kanilang sining at praktika ang adihakin para sa
tunay na repormang agraryo, kasegurahan sa pagkain, at panlipunang hustisya. Higit sa lahat,
mababatid sa kanilang mga obra ang pagtanaw sa isang kinabukasang malaya mula sa
pagsasamantala at pang-aapi.

Ang pag-aresto at pagta-target sa mga artista at likhang sining na nanawagan para sa hustisya sa
lupa ay hindi lang atake sa kalayaang mamahayag. Atake rin ito laban sa panawagan para sa
hustisya. Atake ito sa adhikaing mabuhay nang malaya mula sa pagsasasamantala. Atake ito
laban sa pagmumulat sa katotohan ng hirap na dinadanas ng kalakahan ng masang Pilipino.
Atake ito laban sa paglikha ng lipunang malaya sa gutom, pananakot, paninindak, pagiging
sunod-sunuran at kimi. Higit sa lahat, atake ito laban mismo sa demokrasya.

Palayain ang mga artista-aktibistang nakikibaka sa hanay ng mga magsasaka!


Layunin ng “Free the Artists Campaign: Stop the political persecution of artists for democratic
rights” na itaguyod ang kawastuhan ng ipinaglalaban ng mga artista-aktibista para sa
panlipunang hustisya at proteksyon ng mga demokratikong karapatan. Aabutin ito sa
pamamagitan ng:
Pagpapalaganap ng mga progresibong akda at likhang sining na isunusulong ang paglilinang ng
isang lipunang malaya mula as pagsasamantala, pang-aapi, at panunupil;
Lalong pagpapalakas at paglikom ng pampublikong suporta para sa tunay na reporma sa lupa,
kasegurahan sa pagkain, paglinang sa lokal na agrikultura at pambansang industriyalisasyon;
Pagpapakilos ng suporta para sa mga artista-aktibistang nakakulong at itaguyod ang kawastuhan
ng kanilang praktika at panawagan bilang hakbang sa paghuhubog ng makabayan, makamasa at
siyentipikong kultura, at;
Pagkulumpon ng iba’t-ibang mga inisiyatiba para sa pagkilala ng demokratikong adhikain ng
mga nakakakulong na artista-aktibista mula sa uring magsasaka

You might also like