You are on page 1of 14

LEYTE COLLEGES

Tacloban City

Modyul 6
sa
Masining na Pagpapahayag
Filipino 3

Inihanda ni:

JEFREY B. VERGINESA
Instructor
FB name: Jefrey B. Verginesa
Gmail account: jefreyvergin20@gmail.com
Mobile #: 09174417025
Panimula
MGA BARAYTI NG WIKA
Ang wikang Filipino ay buhay. Bilang isang wikang buhay, natural lamang na ito'y
umusbong tulad ng halaman, lumaganap at magkaroon ng iba't ibang anyo tulad ng anumang
bagay na may buhay. Dahil nga buhay, dinamiko ang wikang ito.
Sa araw-araw ng ating buhay, iba't ibang tao ang ating nakakaharap na nagbibigay
naman ng samu't saring mensahe Huwag nating isipin, pagkat iyon ang malaki nating
pagkakamali, na iisa lamang ang wikang kanilang ginagamit. Maaaring isiping tama ito, lalo
pa't hindi lamang Filipino ang wikang ginagamit ng iyong mga kausap. Maaaring may Ingles
o Intsik kaya, o maging katutubong Bisaya o Ilokano. Ngunit kung lilimitahin lamang natin
sa wikang Filipino, aayon ka kaya kung sasabihing may mga barayti rin naman ito?

Layunin

Ang mga mag-aaral ay inaasahang:


 Nailalahad ang pagkakaiba ng barayti at antas ng wika.
 Natutukoy ang mga salik o factor na batayan ng Barayti ng Wika.

Alamin

Barayti ng Wika
Ano ba itong Barayti ng Wika? Ang tinatawag na barayti ay iyong pagkakaiba-iba ng
anyo ng wika. Ayon sa librong Pulitika ng Wika (Fortunato at Valdez, 1995), pasulat man o
pasalita, may mga factor ito na nagiging sanhi upang maiba ang isang barayti: relasyong
pantao, layunin at paksa ng komunikasyon, katangian ng gumagamit ng wika at lugar o
seting. Maaaring kaugnay ngunit masasabing kakaiba ito sa kaantasan ng wika, sa dahilang
ang kaantasan ay nababatay sa istandard na ginagamit ng lipunan: halimbawa'y kung
pambansa, pampanitikan, kolokyal, probinsyal o balbal kaya. Maaaring pumasok ang isang
barayti ng wika sa alinman sa mga antas na ito.
Limitado naman ang kahulugan ng rejister kung ihahambing sa barayti pagkat ayon pa
rin sa librong nabanggit, katawagan lamang ito na tumutukoy sa mga barayti ayon sa gamit
(Halliday, Stevens in Hudson, 1990)
Kikilalanin natin sa bahaging ito ng pag-aaral ang iba't ibang barayti ng wika ayon sa
mga salik/factor na nabanggit nina Fortunato at Valdez sa dakong una, sa tulong ng mga
piling teksto sa iba-ibang disiplina tulad ng Humanidades. Agham Panlipunan at maging ng
Sayans at Teknoloji.
2
Relasyong Pantao
Sa librong Ang Pilipinas at ang Pilipino: Noon at Ngayon (Agoncillo, 1980).
nabanggit na may tatlong antas ang pagkamagalang ng mga Pilipino. Ang una rito ay ang
simpleng paggamit ng po at opo Higit na mataas kung gumagamit ang nagsasalita/sumusulat
ng mga panghalip na nasa ikalawang panauhan at pangmaramihan, tulad ng kayo at inyo.
Pinakamataas ang paggamit ng mga panghalip na nasa ikatlong panauhan at maramihan,
tulad ng sila at kanila. Gamitin natin sa pangungusap
Opo, Salamat din po at wala pong anuman yon.
Kayo po ba ay bago lamang dito? Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo?
Maupo po sila. May maitutulong po ba ang inyong lingkod sa kanila?
Kung susuriin, mapapansin dito ang pagiging "kimi" ng mga Pilipino. Ang
ikalawang antas ay ginagamit (kahit isa lamang ang kausap) na waring higit sa isa ang
kausap. Lalo naman ang ikatlo na bukod sa parang marami ang kausap ay nagpapahiwatig
na hindi niya kaharap mismo ito, Gayunman, maraming eksperto sa wika ang nagsasabing
totoo lamang ito sa wikang Tagalog, pagkat walang po at opo sa ibang wikang katutubo.
Ang mapapansin lamang sa mga wikang ito ay ang paggamit ng mga panghalip.
Bukod din syempre sa mga marker o tandang nabanggit, matutukoy din ang
relasyon ng nagsasalita/sumusulat sa nakikinig/bumabasa sa pamamagitan ng tono (kung
nagsasalita) at sadyang pagbanggit ng palayaw o mga terminong panlipunan ukol sa
paggalang, tulad ng kuya, ate, nanay, tatay, sir, ma'am at iba pa.

Layunin at Paksa ng Komunikasyon


Alinman sa mga sumusunod, maaaring isa-isa o magkakahalo, ang mga layunin
ng isang komunikasyon: magbigay ng impormasyon at/o paliwanag, mang-akit o
manghikayat, manlibang, magkintal sa isipan at magpakilos. Ang istilo ng paghahatid ng
mga nabanggit na layunin ay maaaring formal naman o informal. Ano pa man ang
layunin at istilo, makikita ang iba't ibang barayti ng wika ayon sa mga paksang
tinatalakay na kaugnay din naman ng akademikong disiplinang kasangkot. Basahin at
pansinin bilang halimbawa ang teksto sa ibaba. Isang bahagi ito ng lektyur ni Dr. Maxima
J. Acelajado na may pamagat na Ang Pagtuturo ng Matematika sa Wikang Filipino
(Malay, 1994)

3
Mga Kompleks na Fraksyon
Ang mga fraksyon tulad ng 3/5.4/2x+1, 5/x+1 ay sinasabi nating payak o simpleng
fraksyon. Subalit kapag ang nyumereytor o denamineytor ng isang fracsyon ay nasa
anyong fraksyon din, ito ay tinatawag nating fraksyon na kompleks. Ang mga sumusunod
ay pawang halimbawa nito:

⸏2⸏ = ⸏7 ⸏ ⸏3⸏⸏ ⸏ ⸏3x⸏⸏⸏ +⸏


⸏1
¾ 10/2 -10/x+2 4x2/1-9x

Mayroon ding mga fraksyon na ang nyumereytor o denamineytor ay nasa anyo na


kailangan pang kunin ang kabuuan o kaibahan upang maging isang payak na fraksyon.
Paminsan-minsan ito ay tinatawag na kompawnd na fraksyon.

Kitang-kita sa halimbawang nabasa ang kaibhan ng barayti ng wikang ginamit sa


disiplina ng Matematika. Hindi maikakaila na ang mga ginamit na salita ay eksklusibo
lamang sa larangang nabanggit. Matutukoy mo ba ang mga salitang ito?
Dumako naman tayo sa isa pang larangan, ang ekonomiks. Ang mababasang
halimbawa ay isang bahagi ng panayam profesoryal ni Dr. Tereso S. Tullao, Jr. na may
pamagat na Ekonomiks sa Diwang Pilipino: Halo-Halo, Tingi

Pamamahagi at Alokasyon ng mga Yamang Bayan


Dumako tayo sa pinatampok na konsepto sa diwa ng ekonomiks - ang
pamamahagi. Ito ang pamamaraan ng isang lipunan kung paano pinaghahati-hati ang mga
yaman nito upang gamitin sa produksyon ng mga bagay at serbisyo na makapagbibigay
ng kagalingan sa mga myembro ng lipunan. Ipinahihiwatig sa prosesong ito ang mga
pamantayan ng isang lipunan sa pagsagot sa mga pangunahing katanungan sa
produksyon at distribusyon....
Ang anumang ekonomiya, payak man o malawak, ay gumagamit ng dalawang
daan patungo sa pagbuo ng isang panlipunang mekanismo ng pamamahagi. Ang una ay
tungkol sa wastong paggamit at pagpapalawak sa mga limitadong yamang-bayan. Ang
ikalawa ay nakatuon sa pagkontrol ng dumaraming hilig ng tao.
Sa naunang bahagi ng sanaysay na ito, tinalakay na natin ang papel ng teknoloji at
pangangapital sa pagpapalawak ng mga limitadong yamang bayan. Sa bahaging ito,
.
susuriin natin kung paano mapalalawak ang mga yamang ito sa pamamagitan ng wastong
paggamit. Kinakailangan dito ang. pagbubungkal ng mga nararapat na pagpapahalaga sa
mga yamang-bayan. Sa yamang-pantao, dapat pakahalagahan ang wastong pagkain,
malinis na pangangatawan, pag-aaral, wastong paggamit ng oras, pangangalaga ng
kalusugang mental at pisikal at iba pang pamamaraan na makapagdudulot ng malakas,
malusog, matalino, kreeytiv at produktibong hukbong manggagawa na siyang
makapagbibigay ng ibayong sigla sa pagpapalawak

4
Kitang-kita kaagad sa binasa ang pagkakaiba ng mga barayti ng salitang ginamit
laban sa naunang halimbawa. Hindi mapagkakamaliang pang-Matematika ang una at
pang-ekonomiks naman ang ikalawa. Upang higit pang malinawan ang mga barayti ng
wika sa larangang akademiko, pansinin pa ang dalawang kasunod na halimbawa. Ang
ikatlong halimbawa ay sa larangan naman ng pilosopiya. Hango ito sa isang artikulo sa
librong Buhay at Lipunan: Filipino para sa mga Agham Pantao (1998) na sinulat ni Dr.
Teresita F. Fortunato.

Pilosopiyang Filipino
Si Ramon C. Reyes ay dalubguro ng Pilosopiya sa Pamantasang Ateneo de
Manila. Ayon sa kanya, may dalawang uri ng pagtuklas sa pananaw ng Pilipino. Isa'y
matatawag na vital thought (pambuhay na pag-iisip) at pangalawa'y reflexive thought
(repleksivong pag-iisip). Ang una'y siyang nananaig sa ating alamat, kanta, ritwal, wika,
kwentong-bayan, pananalinhaga, kasabihan, salawikain, katutubong batas, pampulitika't
panrelihiyong alintuntunin. Sa pangalawang uri nama'y kabilang ang pagsusuri,
pagsasaayos, pangangatwiran, at pamumula….
Ang pilosopiyang Pilipino, para kay Emerita S. Quito, ay maituturing na isang
lahatang pananaw, isang diwa, isang paninindigan, isang pagpapakahulugang likas na
Pilipino na siyang nananaig sa kanyang panitikan at sining, mga pagpapahalaga, at
ugaling bayan; sa isang salita.
Sa hangad niyang mabigyan ng kaukulang halaga ang mga kasalukuyang
kalakaran ng pananaliksik sa kaisipang Pilipino, binanggit ni Quito ang dalawang antas
ng pampilosopiyang talakayan sa Pilipinas: Antas Pang-akademya at Antas ng
nakararami.
Naghayag si Romualdo Abulad ng dalawang opinyon o pagpipilian para sa
artikulasyon ng pilosopiyang Pilipino: regresivo at progresivo. Ang una, sa kanyang
pananaw, ay isang paraang pilosopiko na naghahangad na tuklasin ang pag-iisip na umiral
na, maging ang mga ito ay maaring isagawa sa paraang palahad o ekspositori,
antropolohiko, at historikal. Lahat ng pilosopiyang eksposisyon (gawa, akda,
pananaliksik) ay sunod sa regresivong opsyon.

Pag-ukulan naman ng pansin ang mga terminong ginamit ni Dr. Carlito M.


Salazar, maging ang kanyang mga mungkahi. Hinango ang halimbawang ito sa kanyang
artikulong Ang Filipino sa Inhenyeriya na mababasa sa librong Ang Filipino sa Mundo
ng Syensya at Inhenyeriya ni Dr. Magdalena S. Sayas (1998).

5
Sa aking pagtuturo, halos ang kabuuan ng aking lektyur ay isinasagawa ko sa
Filipino. Sa unang araw ng klase, ipinaliliwanag ko sa aking mga estudyante na hangga't
maaari ay Filipino ang gagamitin ko sa lektyur. Ikinakatwiran ko lamang na ako'y
nahihirapang mag-Ingles. Wala namang reaksyong sumasalungat. Mandi'y tinatanggap
nila ito. Sa totoo lang, lumalabas ding bilinggwal ang pagsasakatuparan ng lektyur ko. At
sa kurso ng mga diskusyon, karaniwang Ingles pa rin ang aming ginagamit para sa mga
terminolohiyang pang-inhenyeriya. Sa katunayan, ang mga profesor na panig sa paggamit
ng Filipino sa inhenyeriya ay nagmungkahing Ingles ang gamitin sa mga sumusunod na
terminolohiya.

adiabatic - adiabatic o adyabatik


chemical reaction - reaksyong kemikal
combustion - makina o engine
enthalphy - enthalphy o entalfi
entrophy - entrophy o entropy
equilibrium - equilibrium o eqwilibryum
fluid - fluid o fluwid
free energy - free energy
liquefaction - liquefaction
pipeline - pipeline o payplyan
pressure - pressure o presyur o presyon
pump - pump o pamp
refrigeration - refrigeration o refrigeresyon
reversible process - reversible proseso o reversibol na proseso
turbine - turbine, turbayn, o turbino

Sa aking pagtuturo ay napapansin ko na mas nalilito at nahihirapan ang mga


estudyante kung bababaybayin pa sa Filipino ang mga salitang nabanggit sa itaas. Ang
opinyon ng ilang guro ay bakit pahihirapan pa ang mga mag-aaral kung mas
maiintindihan at matatandaan naman ang mga terminolohiya sa orijinal na baybay ng mga
ito.

Sa mga halimbawang inihanay, walang dudang ang isang barayti ng wika ay


makikita batay sa larangang kinabibilangan ng sumulat o nagsasalita, at siyempre pa, sa
kanyang paksa o layong ipinahahatid.

6
Katangian ng Gumagamit ng Wika
Ang salik/factor na ito ang waring salamin ng taong sumusulat/nagsasalita pagkat
sa pamamagitan ng kanyang mga piniling salita. hahatulan siya, hindi man sinasadya ng
kanyang mga mambabasa o nakikinig. Lilitaw, sa ayaw man niya o hindi, ang kanyang
personalidad, karanasan at maging ng kanyang mga pananaw batay sa barayti ng wikang
kanyang gamit.
Isa sa mga popular na barayti sa ngayon ang nauukol sa gay lingo. Ito ang barayti
ng wikang nagmumula sa mga taong nasa ikatlong kasarian. Iyon nga lamang,
mapapansing ang nakalilikha lamang ng ganitong barayti ay ang mga bakla, hindi ang
mga tomboy. Kung mayroon man, marahil ligtas sabihin na higit na magiging popular at
aktibo ang mga bakla sa pagpapalaganap ng kanilang wika, lalo pa't waring naging tatak
na ito ng industriya ng pelikula o showbiz.
Pansinin natin ang isang bahagi ng kwento ni Jose A. Arrogante na may pamagat
na Sumisigaw na Dugo (Pagbasa at Pagsulat: Pangkolehiyo, 2000) upang higitt na
maunawaan ang tinatawag na gay lingo

Umi-entrance fee pa lang ako sa Gethsemane Garden ng ever loving sisters


noong pwede ang burahan sa kalendaryong Biyernes nang umagang yon na pagkatagal-
tagal ng brown-out, shock na ako sa eksena: sa may hagdan ng veranda ng kawalang pag-
ibig, nagbubuhat ang Jacoba ng isang case ng softdrinks para palamigin sa ref na nasa
kusina pa, samantalang ang Caina, kampante sa upong nakataas sa dirty white na sopang
plastik ang dalawang paa- nakatiklop ang kanang binti pailalim sa kaliwang nakatukod sa
baba habang tinatanganan ng kaliwang kamay ang hinlalaki nito sa pagni-nail cutter. Wa
siyang paki sa mundo, Dedma lang silang dalawa.
Wis ko kuno sila pansin, "Hallow madirs!"
Notisung n'yo? Pareho ko silang madir para wa intrigue sa mga beauty nila. Itits
kasi ang tip and top ng lahat ng pagwa-war and peace nila sa buhay.

Madalas na kinatutuwaan ang ganitong uri ng barayti pagkat bukod sa kakaiba ay


talaga namang naghalu-halo ang mga wikang katutubo, Ingles at maging, Kastila na
inayon sa sistemang kanilang-kanila. Mapapansin din naman ang kanilang paraan ng
pagsasalita sa sistema ng kanilang pagsulat. Paano ba sila magsalita? Hindi nga ba't
kilalang-kilala ang mga bakla sa walang humpay na pagrepeke ng bibig? Kitang-kita ito
sa halos kawalan ng bantas na tuldok at kuwit sa kanilang mga pangungusap.
Bagamat sa iba ay hindi tinatanggap, marami rin namang nag-aaral ng wika ang
nagsasabing ang gay lingo ang nagsisilbing paraan upang magkaroon ng eupemismo sa
ilang delikadong salita. Alam ng mga kabataan sa ngayon na mas madaling sabihin ang
mga salitang nota (para sa ari ng lalaki), dyug (para sa sekswal na pagtatalik) at marahil
ang salitang syota (para sa short time). Sinabi kong marahil pagkat may mga nagsasabing
higit na balbal daw ang huling salita kaysa maging salitang bakla.
7
Pinag-uusapan na rin lang ang mga kabataan, nitong mga huling dekada hanggang
maging itong unang pasok ng milenyo, ang mga kabataan ay gumamit ng isang barayti ng
wika na kilala sa tawag sa Taglish. Mas popular na tawagin itong Taglish kaysa Engalog
pagkat kung susuriin, ang batayan pa rin ay ang sintaks ng Tagalog na nilalahukan ng
manaka-nakang Ingles. Sa ilang linggwist, dahil sa patuloy na pagtangkilik sa ganitong
uri ng barayti, nagkakaroon na raw tuloy ng isang uri ng Filipino English. Mga salitang
Ingles ngunit sahol sa tamang gramar ng tunay na Ingles. Sa kabila nito, tinatanggap at
naiintindihan pa rin ito ng maraming Pilipino. Kabilang sa mga ganitong halimbawa ay
ang mga sumusunod:
Ladies and gentlemen, lets welcome the presidentiables together with the 15
senatoriables who will debate on the issue of graft and corruption…
You know class, there are several factors affecting our economy, like for
example.....
May I borrow your scotch tape and pental pen? Oh yes, may I also borrow your
liquid paper since I have some corrections to make?
Sa unang halimbawa, tanggap na ng maraming Pilipino ang mga salitang
nabanggit bilang Ingles ng mga kandidato para sa presidente at senador, gayong walang
mga ganitong salita sa diksunaryong Ingles at maging ang mga kompyuter ay hindi
matatanggap na may mga ganitong salita. Kaugnay pa rin nito ang maling pag-inbento ng
salitang votation (para sa botohan). Muli, walang salitang tulad nito sa Ingles.
Ang ikalawa naman ay halimbawa ng pag-inbento ng istrukturang Ingles na ang
takbo ng parirala ay literal na salin ng pariralang Pinoy. Kung sa Filipino ay may tulad
halimbawa, hindi dapat isalin ito sa like for example. Sa kasong ito, kung gagamit ka ng
like, huwag mo nang isunod ang for example, at kung for example naman ang gusto mo,
huwag mo nang dagdagan pa ng like.
Ang ikatlo naman ang grabeng sakit ng mga Pinoy. Sa halip na ang produkto, ang
brand o pangalan nito ang sinasabi o binabanggit. Ang dapat ay cellulose tape, marking
pen at correction fluid ang ginagamit at hindi masking tape, pentel pen at liquid paper.
Sa kabila ng lahat ng ito, paborito pa ring gamitin ang Taglish ng mga estudyante,
mga taong nagpapaka-intellectual kuno at maging ng maraming kolumnista. Patunay nito
ang mababasa sa ibaba. Bahagi ito ng siniping kolum ni Dr. Ponciano BP Pineda (1980)
sa kanyang librong Ang Panitikang Pilipino sa Kaunlarang Bansa:

Mula sa Ngongong Pag-ibig


ni Nonoy Marcelo
Ang pinakahuli pong tadyak ng tadhana at nagpasemplang sa ating bida e naganap
two years ago nang iniwan siya ng kanyang waswit na si Moises for a 60-year old hostess
(opo, sisenta nga ang basa n'yo) ng Paradise Club sa España. Ito, ayon kay Menggay, ang
kasalukuyang "sugar mommy" ng kanyang absentee husband Moses.

8
Kung sa bibliya man ay si Moses ang sumagip sa mga Hebrews mula sa kanilang
pagkakapiit sa Ehipto, ".....ang Moses ko naman ang sumagip sa aking pagkakapreso sa
trabaho. Nagsisilbi ako noon bilang katulong sa isang mayaman ngunit malupit na mag-
asawa." Dahil sa wala na sigurong mapaglibangan ang mag-asawa, nakagigiliwan na nilang
pagmumurahin at pagsasabunutan si Menggay sa bawat wrong move ng kawawa. And so she
was liberated by Moses from tsimay to housewife....

Medyo naiiba nga lamang ang pagsasalita ng Ingles sa Filipino/Tagalog ng


halimbawa sa itaas pagkat wala namang maling gramar na mapapansin. Iyon nga lamang,
Taglish pa rin pagkat ang mga iningles niya, maliban sa pangalan ng club ay maaari naman
isa-Filipino.

Lugar o Seting ng Gumagamit ng Salita


Ang huling salik ng sang baryti ng wika ay ang lugar o pook na pinagmulan taong
nagsasalita o sumusulat. Masasabing malapit ito kaugnay ng antas na lalawiganin at ang
pagiging bernakular ng isang wika. Sa pamamagitan ng barayti ng wikang kanyang gamit,
mapapansin kung saang lugar nagmula ang isang manunulat/mambibigkas at dahil dito,
malalaman din kung anong wika ang kanyang kinamulatan kahit pa Filipino ang kanyang
ginagamit sa ngayon. Isang magandang halimbawa nito ang sinipi nina Dr. Teresita F.
Fortunato at Dr. Estella S. Valdez (1995) kanilang librong Pulitika ng Wika. Ito ay bahagi ng
artikulo ni Leoncio Deriada (1998). Pansinin ang mga salitang kanyang gamit.
Aywan ko kung ano ang reaksyon ng mga makabasa nito. Ang salin bang ito'y insulto
kay Rizal o isang pagtangkang mabasa siya ng marami pang ordinaryong Pilipino?
(Patungkol ito sa kanyang saling "Huwag Mo Akong Tandugin para sa Noli Me Tangere.
Kayo ang maghatol kung ang mga tulang ito ay totoong may kontribusyon sa pag-
uswag o pag-unlad ng literaturang Pilipino.
Walang dudang hindi Tagalog ang nagsasalita pagkat ang paggamit nya ng kanyang
bernakular at maging ang pagbabanghay ng ilang pandiwa ay salaming nagpapatunay.
Gayunman, hindi raw ito problema ayon sa pananaw Dr. Rosario Cruz Lucero, Sa kanyang
artikulong Ang Pagsasalin ng Panitikang Rehyunal Tungo sa Pambansang Panitikan
(LAGDA 1996), tahasan niyang sinabi na para sa nakararami, Isang “kumbesyong komiko”
ang paghaluin ang Bisaya (Hiligaynon) at Tagalog, tulad ng kanyang salin sa ibaba.
Ay, buhay, ang impo kaligayahan, imo katiwasayan at imo kasadya'y nilalaan mo sa
mga taong dati nan… may kasadya sa kanilang buhay. Subalit ika'y malupit sa mga
nagkalisud, nagdudusa't may pighati sa kanilang puso... Ay, pay, Ikaw na lamang iyon…
Subalit Charing, mahal kong kaibigan. wala na bang ibang paraan upang ako'y makalaya sa
pagdurusa, sa tanikala ng mabangis kong bana?
Para kay Lucero, maaari ngang katawa-tawa ang epekto nito para sa mga kababayan
nilang halu-halo kung magsalita. Pero, hindi ba ito ang Filipino?" Oo nga naman, ang tunay
na konsepto ng Filipino ay hindi ang dalisay na pananagalog kundi ang magkaroon ng tunay
na wikang pambansa at hindi lamang ng isang rehiyon.

9
Sa pagtalakay natin sa iba't ibang salik na kasangkot ng barayti ng wika.
mapatutunayang hindi lamang sa pasalitang komunikasyon nagkakaroon ng ganitong proseso
o anyo. Masasabi ring kahit sa pasulat na paraan, ang isang barayti ng wika ay lalabas at
lalabas nang hindi sinasadya pagat umaakma lamang sa sumulat, sa paksa at kanyang layunin
at sa larangang kinabibilangan ng kanyang artikulo, Mahigpit ang ganitong sitwasyon pagkat
tulad ng nabanggit na sa dakong una isa sa pangunahing layunin ng komunikasyon ay ang
magpabatid. Paano maipapabatid kung lihis sa akmang wikang nagsisilbing midyum?

Isagawa

Panuto: Basahin ang mga sumusunod sa teksto. Tukuyin ang barayti ng wikang ginamit
sa bawat isa. Salungguhitan ang mga salitang nagpapakilala sa barayti ng wika nito.

Sa kanyang Solo Movie…


Vina Morales, Handa nang Maghubo't Hubad?
Nasa Tate ngayon si Vina Morales for a series of concert. We heard na susunduin siya
ng kanyang foreigner boyfriend, si Roy Osek who has a business trip in China. Malamang na
sabay na ang lovers pag-uwi rito.
Punado pala ng mga malalapit kay Vina ang isang bagay. Mula nang maging steady
sila ni Roy ay nahilig na nang husto ang singer-actress sa mga negosyo. Anila, marami kasing
natutuhan si Vina sa nobyo on how to run properly a business kahit gaano kaliit ang capital.
Its not surprising kung may joint venture sila sa business, for worldwide consumption.
We don't know kung tatanggapin ni Vina ang isang solo starrer. Paano, very daring
ang magiging role ng dalaga, with nude scenes, torrid love sequences. Pero multi-awarded
megman ang magdidirehe kaya it's a right career move sana kay Vina. Right time nang mag-
grow up as an actress si Vina, 'di ba? (SNAP SHOTS ni Nap Alip, Bulgar, 23 Perbrero 2001)

Barayti ng wika sa larangan ng peoikula

10
4th Straight Win, Asam ng Red Bull
Ikaapat na diretsong panalo upang mapanatiling solido sa Segunda puwesto.
Ito ang puntiryang maisukbit ngayon ng Batang Red Bull sa pakikipagtipan nito sa
nangungulelat na Tanduay Gold Rhum ngayong gabi sa pagpapatuloy ng eliminasyon ng
PBA All Filipino Conference sa Yñares Sports Center, Antipolo City.
Bago ito, magpapang-abot muna ang Shell Velocity at Alaska Aces sa 5:15 ng hapon.
Tangay ng Turbochargers ang 3-2 baraha sa ikatlong posisyon, kasalo ang pahinangang
Ginebra, Pop Cola at Purefoods, habang nanghihina naman ang Aces sanhi ng 1-3 record
lamang.
Matatag naman sa kasalukuyan ang kampanya ng Thunder bunga ng 3-1 (win-loss)
slate. Nasa likuran sila ng namamayagpag na SMB na bitbit naman ang 4-0 malinis na
baraha.
Minalas ang Photokina franchise sa kanilang debut game sa konferensya noong
Pebrero 2 kontra Pop Cola (77-88) ngunit agad namang bumawi ang tropa matapos igupo ang
Shell (76-60), Mobiline (80-68) at Alaska (72-73) para mahablot ang naturang puwesto.
Determinado ang pangkat ni Coach Yeng Guiao na nakapanalasang muli sa tulong
nina 2000 ROY Davonn Harp, Lowell Briones, top rookie pick Willie Miller, Kerby
Reynaldo at 1992 MVP Ato Agustin na inaasahan tatakip sa butas na pansamantalang iniwan
ni Jimwell Torion at Mike Pennisi na kapwa mayroong injury. Nagpapagaling na si Torion
matapos operahan sa kanyang balikat, habang may injury naman sa kaliwang bukung-bukong
si Pennisi.
Sisikapin naman ng Rhum Masters na makaahon sa masamang pakikibaka. Lugmok
man sa 1-4 kartada, hindi basehan iyon upang panghinaan sila ng loob. Tiwala ang lahat na
makakaahon sila sa tulong nina Jason Webb, Dondon Hontiveros, 1995 ROY Jeff Cerizo,
Bong Hawkins at Noli Locsin.

ni Gertudes Turno
mula sa "BULGAR",
23 Pebrero 2001

Barayti ng wika sa larangan ng sports.

11
Tayahin

A. Panuto: Sagutin ang sumusunod na mga katanungan.

1. Sa sariling pamamaraan at halimbawa, ilahad ang pagkakaiba ng barayti sa


antas ng wika
Ang ating wika ay may iba’t-ibang barayti. Ito ay sanhi ng pagkakaiba
ng uri ng lipunan na ating ginagalawan, heograpiya, antas ng edukasyon,
okupasyon, edad at kasarian at uri ng pangkat etniko na ating kinabibilangan.
Dahil sa pagkakaroon ng heterogenous na wika tayo ay nagkaroon ng iba’t-
ibang baryasyon nito, at dito nag-ugat ang mga variety ng wika, ayon sa
pagkakaiba ng mga indibidwal. Ang antas ng wika na madalas na ginagamit
ng isang tao ay isang mabisang palatandaan kung anong uri ng tao siya at kung
sa aling antas-panlipunan siya kabilang.
2. Paano matutukoy ang relasyon ng dalawa o higit pang nag-uusap? Bakit
masasabing mas madali ito kung kapwa Tagalog ang nag uusap?
Sa pamamagitan ng paraan ng kanilang pag-uusap. Dahil mas
madaling maioorganisa sa isipn ang kanilang usapan at makikita mo ditto ang
kanilang relasyon.

3. Bakit halos hindi mapaghihiwalay ang layon ng nagsasalita/ sumulat sa


paksang kanyang tinatalakay?
Dahil karamihan sa my manunula/ mananalita ay sumusulat o
nagbabahagi ng kanilang sariling eksperyensa sa isang paksa. Sila ay
nagbabahgi ng kaalaman kung saan sila lubusangmaalam dahil itk ay kanilang
napagaralan o Kaya naman ay naeksperyensahan sa buhay.

4. Isa-isahin ang mga bagay na maaaring maging dahilan kung bakit sa kabila ng
pagiging kakaiba, tinatanggap ng lipunan ang gay lingo?
1. Nakakaaliw ang kanilang lengwahe.
2. Masasabing kanila.
3. Nakakaakit ng interes.
4. Mahusay ang pagkakagawa.
5. Respeto sa miyembro ng LGBTQ+

5. Pangatwiranan kung dapat ba o hindi na pagtawanan ang Isang di Tagalog sa


kanyang madalas na pagkakamali sa pagpili ng mga salita at kanyang
pagbigkas.
Hindi sapagkat siya nanunobok pa lamang na matutunan ang
lenggwahe kung kaya’t ang kaniyang pagkakamali ay di dapat na pagtawanan
bagkus dapat siyang itama upang sa susunod na gagamitin niya ang salitang
iyon sa parehong sirkumstansiya ay Hindi na siya magkakamali pa.

12
6. Sang-ayon ka ba o hindi sa mga terminong gamit sa pagtuturo ng Matematika
sa Filipino? Anu-ano ang iyong mga mungkahi at ipaliwanag kung bakit?
Sang-anon ako sapagkat ang Matematika at Filipino ay may sariling
mga terminong ditto lang pwede magamit at sa pamamagitan ng mga
terminong ito ay mas naiintindihan o nauunawaan ng mga mag-aaral maging
ng guro ang mga leksiyon at mas nagiging maayus at maganda ang takbo ng
pagtuturo.

7. Higit bang naging malinaw sa iyo ang mga larangang Ekonomiks at


Pilosopiya dahil sa pagkaka-Filipino? Sa paanong paraan?
Oo dahil sa pgkakaka-Filipino ng mga larangang ito ay mas nababatid
ko ang tunay at angkop na pagkakahulugan ng mga terminong minsan ko Lang
makasagupa. Mas nabibigyang linaw din ang asking tingin sa mga larajgang
ito sa tulong ng pagkaka-Filipino ng mga ito.

8. Magbigay ng sariling observasyon kung bakit nananatili pa ring tinatangkilik


ng marami ang Taglish sa kabila ng mahigpit na pagtutol doon ng maraming
guro ng wika.
Naniniwala ako na may mga taong hindi mapipigilanang magsalita ng
Taglish sapagkat ito ang natatakbuhan nila Kung mayroon silang mga
terminong di malamn sa purong Filipino o purong Englis habang nagsasalita.
Nakatutulong ang pagsasalita ng Taglish upang mas madaling masabi o
maisulat ang nails na sabihin sa oras.

9. Kailan nagiging nakakatuwa at kailan naman nagiging pagsalaula ang


paghahalo ng Filipino at English?Nakakakatuwa ito Kung ang iyong
paghahalo ay naangkop sa sirkumstansiya ngunit lubha itong nagsalaula kung
ito ay ginagamit mo ng Hindi binabatayan ang sirkumstansiya at purong
sailing interes lamang ng pagpapakita ng kagalingan.

Cebrano, Joana Mae Lagumbay


GE284

Sanggunian

Arrogante, Jose A., “Retorika sa Mabisang Pagpapahayag”, National Book store,


Manila, 2000

13
Arrogante, Jose A., “Retorika sa Mabisang Pagpapahayag” Binagong Edisyon,
National Book Store, Manila, 2003

Bernales, Rolando A, et.al., “Mabisang Retorika sa Wikang Filipino” Batayan at


Sanayang-Aklat sa Filipio 3, Antas Tersyaryo, Mutya Publishing House,
Valenzuela City, 2002.

14

You might also like