You are on page 1of 17

Teorya ng Dapit-Hapon

(Spoken Poetry)
Sandra:
Mahal. Hindi masagot ng ilang bucket.
Hindi masagot ng ilang bucket, ang libo libong bakit.
Paano ko to sisimulang ikwento eh hirap na hirap akong magsimula.
Paano ko ba to babalikan kasi mahal hindi ko alam kung bakit ko pa ikukwento ang ayoko ng
balikan at bakit ko babalikan kung pwede naman ng kalimutan?
Pero hindi ko makalimutan. Mahal hindi ko makalimutan kung gaano ko naramdaman ang sakit.

Sa bawat pag indayog


Maiingay at masasayang tugtog
Babalikan ko ang lahat hanggang sa ako ay mauntog
Sa alak na lagi kong maalala
Dahil doon tayo nagsimula
Sa aksidenteng tiyak na tadhana ang nagdala.
Nagdala ng sobra sobrang sakit
At maraming bakit.
Katulad na lamang ng bakit,
Mahal bakit mo itinago ang iyong sakit?

Magtiwala, yan ang una mong itinuro.


Mahal magtiwala at oo nagtiwala ako na okay ka sa iyong mga ngiti ako’y kumalma kaya bakit
ako magaalala?
Sabi mo pa nga walang taguan.
Pero leche walang taguan bakit kita hinahanapbakit ako tumatakbo.
Tumatakbo ng pag aalala at bakit sa lahat ng madadatdan ko, nanay mo pang muntik ko ng
kasuklaman.
Muntik ko pang sigawan ng BAKIT?
Bakit sya humuhikbi habang pinipirmahan ang pirasong papel na naglalaman ng euthanasia?
Natulala nalang sa kinakatatayuan.
Mga luha’y sadyang bumabagsak.
Nanghihinayang. Sobrang panghihinayang ang nadama.
Isip at puso’y namanhid.
Namanhid sa katotohanang di kana babalik.
Mahal.
Mahal?
Sagutin mo ako bakit? Bakit mo ako iniwang mulala, walang ka alam alam, hindi mo sinabing
ika’y may sakit.
Na hindi na muling mahahagkan ang iyong mga labi, hindi na muling mayayapos ang iyong
mainit na katawan, hindi na matutupad ang pnagarap na kasal. Mahal sagutin mo ako kung
bakit?
Dahil hindi ko alamang sagot sa lahat ng bakit. At hindi kayang sagutin ng ilang bucket, ang libo
libong sakit.

Kabanata 1
Unang Tagpo (Sa paaralan)
Tagapagsalaysay:
Ngayong araw ilalabas ang resulta ng kanilang ranggo sa paaralan, araw na pinakahihintay ni
Sandra. Umaasa siyang mananatiling una sa kanilang klase sapagkat doble ang pagsisikap na
ginawa niya ngayong unang semestre ng klase.
Idinikit na sa dingding ang kapirasong papel na hinihintay niya. Dali-dali siyang pumunta sa
harapan para tignan kung nanatili siya sa kanyang puwesto ngunit agad siyang nanlumo ng
makita ang resulta. Nasa ikalawa na lamang ang kaniyang pangalan.
Sandra: Estrella, Jayson P.? Sino naman kaya ito?
Tagapagsalaysay:
Nagulat si Sandra nang biglang tumabi sa kanya ang isang estrangherong lalaki.
Jayson: Hi Sandra. Binabati kita at pangalawa ka.
Sandra. Salamat. Pero sino ka ba?
Jayson: Jayson. Jayson Estrella.
(Iniabot ni Jayson ang kanyang mga kamay habang nakangiti ngunit dali-dali itong tinalikuran ni
Sandra)
Ikalawang Tagpo (Sa bahay)
Tagapagsalaysay:
Ilang linggo na ang dumaan at hindi inaasahang tagpo ang magaganap na magpapabigat sa
damdamin ni Sandra.
Amanda: Sandra. Bakit naging pangalawa ka lang sa inyong klase? Pinapabayaan mo na ang
pag-aaral mo. Ano bang nangyayari sayo? Diba ang kabilinbilinan ko na iayos mo ang pag-aaral
mo. Iyan na nga lang ang tangi mong ginagawa, hindi mo pa magawa ng ayos.
Sandra: Patawad po Ma. Pangako po babawi po ako.
Ikatlong Tagpo (Sa paaralan)
Tagapagsalaysay:
Dahil pursigidong makabawi sa pag-aaral si Sandra ay sumali na rin s’ya sa Organisasyon ng
Sayaw sa kanilang paaralan. At kagaya ng inaasahan ay natanggap siya.
Jayson: O Sandra anong ginagawa mo dito?
Sandra: Ikaw na naman. Ako dapat ang magtanong sa’yo niyan. Anong ginagawa mo dito?
Jayson: Ah…
Cindy: Okay, simulan na natin ang praktis. Marami pa tayong dapat ituro lalo na sa mga
baguhan. Ikaw Jayson, ikaw na ang bahalang umalalay kay Sandra. Ikaw ang magiging guro niya
hanggang matuto siya ng husto.
Tagapagsalaysay:
Hindi na nakaimik si Sandra. Kahit gustong ipagsigawan ang matinding pagtutol nito ay hindi na
niya magawa.
Sandra: Sandra, ano ba tong pinasok mo? (Pabulong niyang wika)
Jayson: May sinasabi ka?
Sandra: Wala. Sabi ko simulan mo na akong turuan kahit alam kong mas magaling naman ako
sayong sumayaw.
Jayson: Sabi mo e.
(Matapos ang praktis)
Cindy: Okay. Hanggang dito na lang muna ang praktis natin sa araw na ito. Bukas ay
ipagpapatuloy natin.
Jayson: Uuwi ka na?
Sandra: Anong pakialam mo?
Jayson: Pinaglihi ka ba sa sama ng loob?
Sandra: Oo. Tsaka pwede ba wag mo akong kausapin dahil naiirita lang ako.
Jayson: Bakit may gusto ka ba sa akin kaya naiirita ka. Wag ka na kasing magpakipot.
Sandra: Hindi ako nakikipagbiruan sa’yo. Ikaw ang dahilan kung bakit ngayon galit sa akin ang
Mama ko dahil ikaw ang dahilan kung bakit hindi ako ang naguna sa klase. Kaya pwede ba
layuan mo na lang ako.
Jayson: Pero…
Tagapagsalaysay:
Hindi na natapos magsalita si Jayson dahil nagmamadaling umalis si Sandra.
Sandra: Akala ata niya okay na kami dahil lang magkasama na kami sa iisang org.
Tagapagsalaysay:
Nang mapalinga saglit si Sandra sa kanyang likuran ay nagulantang siya ng tumambad ang
pagmumukha ng kinasusuklaman niyang lalaki. Si Jayson…
Sandra: Sinusundan mo ba ako?
Jayson: Ba’t naman kita susundan. D’yan ako nakatira o.
Tagapagsalaysay:
Hindi na muling nakaimik si Sandra at bagkus ay nagmadali na lamang umuwi sa kanilang
bahay. Araw-araw na nagpatuloy ang ganoong tagpo. Naging magkakalse na rin si Sandra at
Jayson dahil patagong hiniling ni Jayson na ilipat siya sa sa seksyon kung saan naroroon si
Sandra.
Ikaapat na Tagpo (Sa paaralan)
Sandra: Anong ginagawa mo sa upuan ko?
Jayson: Ay, upuan mo ba to pasensya na.
(Dali-daling lumipat si Jayson sa katabing upuan nito)
Sandra: Ano bang ginagawa mo dito?
Jayson: Dito na ako ngayon dahil inilipat ako. Simula ngayon magkaklase na tayo.
Sandra: Nananadya ka ba?
Jayson: Oo. Kasi gusto kita. (Pasigaw na banggit ni Jayson)
Tagapagsalaysay:
Nagulantang ang lahat sa silid ng marinig nila ang seryosong sigaw ng bumubugsong damdamin
ni Jayson.
Jayson: Noon pa lang gusto na kita. Noon pa lang sa’yo na laging nakabaling ang mga mata ko.
Patawarin mo ako kung naagaw ko sayo ang unang puwesto nung unang semestre pero alam ko
mas karapat-dapat sayo iyon. Sana hayaan mo akong ligawan ka.
Tagapagsalaysay:
Nang banggitin ng binata kay Sandra ang mga salitang ito ay salungat ang sinasabi ng kanyang
puso sa sinasabi ng kanyang isip. Sa loob-loob ng dalaga ay nag-uumapaw ang saya ngunit hindi
ito mababakas sa pagmumukha niya dahil ikinukubli ito ng nakakunot niyang noo at bagsak na
labi.
Sandra: Edi subukan mo. Wala kang mapapala.
Jayson: Gagawin ko ang lahat para mapatunayan sa ’yong tunay ang mga sinasabi ko.
Ikalimang Tagpo (Sa bahay ni Jayson at sa paaralan)
Simula ng panibagong umaga matapos sabihin ni Jayson ang nararamdaman niya kay Sandra.
Minda: Aba anak, bat parang napakaaliwalas ng mukha mo ngayon.
Sheena: Oo nga kuya. Kakaiba ang porma mo ngayon ah.
Jayson: Si Mama talaga. Wag niyo nga akong tuksuhin. Agang-aga pinagtutulungan niyo ako ha.
Tagapagsalaysay:
Hindi sukat akalain ni Sandra na seseryosohin ng binata ang sinabi nito. Nagulat nalang sya ng
pagpasok niya ng kanilang silid ay may nakalagay na isang rosas at sulat sa kanyang upuan.
Sandra: Magandang umaga sa pinakamagandang babae sa buong mundo? Kanino naman kaya
manggagaling ito?
Tagapagsalaysay:
Luminga-linga ang dalaga upang hanapin kung sino ang nag iwan nito sa kanyang upuan.
Ginala nya ang kanyang paningin hanggang sa makita niya ang nakangiting si Jayson.
Tagapagsalaysay:
Araw-araw na sinuyo ni Jayson ang dalaga. Tuwing umuuwi sa hapon galing sa praktis ng sayaw
ay inihahatid na nito pauwi si Sandra kahit labag ito sa kalooban ng dalaga. Dahil dito unti-
unting lumambot ang kalooban ni Sandra para sa binata. Di tulad dati na puro masasakit na salita
ang natatanggap ni Jayson, nakilala na niya ang tunay na Sandra. Ang Sandra na matalino,
mabait, maaalalahanin at mabuting kaibigan. Nagsimula na din silang magpalitan ng mensahe sa
telepono na nagbigay daan upang mas makilala pa ng dalawa ang isa’t-isa. Hanggang sa…
Mensahe:
Sandra: Sinasagot na kita.
(Napasigaw sa sobrang tuwa ang binata dahil sa natanggap niyang mensahe.
Minda: Anong nangyari sa’yo at sumisigaw ka?
Jayson: Wala po Ma.
Tagapagsalaysay:
Naging madalas ang pagkikita ng dalawa. Naging mas malalim ang pagtitinginan at hindi na
mababakas ang madilim na pinagsimulan ng kanilang relasyon.
Ikaanim na Tagpo (Sa parke)
Jayson: Mahal, tayo na ang magpapakasal ha. Balang araw ipangako natin sa isa’t-isa na
magpapakasal tayo kahit yung simple lang.
Sandra: Hindi naman tayo ang makapagsasabi niyan.
Jayson: Basta ipangako mo, magpapakasal ka sa akin.
Sandra: Oo na. Sige na Mahal.
(Biglang mapapahawak sa ulo si Jayson)
Sandra: Bakit? Okay ka lang?
Jayson: Oo medyo sumasakit lang ang ulo ko.
Sandra: Ikaw naman kasi. Itigil mo na ang pagpupuyat ng sobra.
Jayson: Pano naman ako hindi magpupuyat e diba pangako ko sa’yo pagbubutihan ko ang pag-
aaral ko para sabay tayong aakyat sa entablado at sasabitan ng gintong medalya.
Sandra: Ano ka ba. Hindi naman na mahalaga iyon. Ang mahalaga e yang kalusugan mo.
Jayson: Para sa akin napakalaking halaga ng isang pangako.
Ikapitong Tagpo (Sa paaralan)
Tagapagsalaysay:
Dumating na ang araw ng rekognisyon sa paaralan ni Sandra at Jayson. Dahil sa lubos na
pagsisikap ng dalawa ay nakamit ni Sandra ang unang karangalan habang si jayson naman ang
nasa ikalawang karangalan sa kanilang klase. Naging masaya ang mga tagpo habang paparating
ang bakasyon ngunit lingid sa kaalaman ng dalawa ay simula pa lamang ito ng lahat.
(Dumating na ang bakasyon)

Kabanata 2
Unang Tagpo (Sa bahay nila Jayson)
Tagapagsalaysay:
Isang gabi bigla na lamang nakaramdam ng sakit ng ulo si Jayson. Sakit na parang unti-unting
nabibiyak ang kanyang ulo, ngunit di n’ya na lamang ito ininda at pinilit na lamang magpatuloy
sa pagtulog.
Kinabukasan, sa hapag kainan napansin ng kanyang ina ang tamlay sa kanyang mga mata na tila
ba may nararamdaman itong matinding sakit.
Minda: May nararamdaman ka ba anak? Napakatamlay naman ng iyong imahe, nasa harap pa
man din tayo ng hapag kainan.
Jayson: Kagabi pa po kasi ako nakakaramdam ng sakit ng ulo. Hindi na nga po ako nakatulog ng
maayos.
Minda: Uminom ka na ba ng gamot?
Jayson: Opo pero wala naman pong pagbabago.
Sheena: Mabuti pa siguro, ipatingin mo na sa doktor yan Kuya. Baka kung ano na yan.
Tagapagsalaysay:
Napabalikwas sa pagkakaupo si Minda nang biglang humandusay ang patpating pangangatawan
ng kanyang anak sa sahig. Di niya mawari ang gagawin.
Minda: Jayson, Anak. Gumising ka.
Sheena: Kuya!
Jayson: Nahihilo po ako Ma.
Minda: Halika’t dadalahin na kita sa doktor upang maipatingin natin at malaman kung ano ba
talaga ang nangyayari sa iyo. Sheena tulungan mo ako.
Ikalawang Tagpo (Sa ospital)
Tagapagsalaysay:
Agad na isinugod ni Minda ang anak sa pinakamalapit na ospital. At nang makarating sa ospital
ay agad silang inalalayan ng nurse.
Nurse: Ano pong nangyari sa kanya?
Minda: Nahihilo siya at ang sakit sakit daw ng ulo niya.
Nurse: Dok, may pasyente po kayo.
Doktor Ricardo: Pasok po kayo. Anong nararamdaman mo hijo?
Jayson: Ilang araw napo kasing nasakit ang aking ulo at nahihilo. Umiinom naman po ako ng
gamot pero walang epekto.
Doktor Ricardo: Sobrang sakit ba ang nararamdaman mo o katulad lang kapag nilalagnat ka?
Jayson: Hindi po, sobrang sakit po talaga. Para pong binibiyak ang ulo ko.
Doktor Ricardo: Hindi po biro kapag sa ulo nararamdaman ang sakit. Maaari pong sa utak
nagmumula ang nararamdaman niya kaya’t iminumungkahi ko pong isailalim natin sa MRI at
ilang pang pagsusuri.
Minda: Mabuti nga po Dok.
Tagapagsalaysay:
Pumayag si Minda na isailalim sa pagsusuri si Jayson upang malaman kung ano nga ba ang ugat
ng matinding sakit na nararamdaman ng binata.
Doktor Ricardo: Bumalik na lang po kayo makalipas ang limang araw at malalaman ninyo po
ang resulta.
Minda: Sige po Dok.
Doktor Ricardo: Sa ngayon bibigyan muna kita ng pain killer upang maibsan kahit papaano ang
sakit.
Ikatlong Tagpo (Sa bahay at sa ospital)
Mensahe:
Sandra: Kamusta ka na? Bakit hindi ka man lang nagpaparamdam. Inaasam asam kong muli
tayong magkita. Ilang linggo mo na akong hindi pinupuntahan o tinatawagan man lang.
Jayson: Pasensya na. Masyado lang akong abala sa ibang bagay.
Tagapagsalaysay:
Habang umuusad ang araw ay patindi ng patindi ang pagsakit ng ulo ni Jayson, madalas na
nahihilo at nahihimatay ang binata. Labis ang pangamba ni Minda at ng kapatid n’yang si Sheena
sa kalagayan ni Jayson. Bago pa man lumabas ang resulta ay ilang beses ding nagpabalik-balik
sa ospital ang mag-iina. At dumating na nga ang araw na magpapaguho ng mundo ni Jayson, ang
araw kung saan malalaman n’ya ang resulta ng pagsusuri.
Minda: Magandang umaga po dok. Kamusta po ang resulta ng dayagnosis ni Jayson?
Doktor Ricardo: Hindi ko po alam kung saan ito sisimulan ngunit ihanda ninyo po ang inyong
saril lalo ka na Jayson. Medyo maselan ang kalagayan mo ayon sa resulta ng MRI.
Tagapagsalaysay:
May pangambang iniabot ng doktor kay Minda ang resulta ng pagsusuri.
Minda: Ano pong ibig sabihin nito?
Doktor Ricardo: Masyado mong inabuso ang kalusugan mo. Dahil dito naapektuhan ang isa sa
pinakamahalang bahagi ng iyong katawan. Mayroong kang malignant brain tumor na tinatawag
na Gliobastoma multiforme at ito ay nasa ikatlong estado na.
Tagapagsalaysay:
Nakapanlulumo ang tagpong iyo kay Minda, Sheena at higit lalo kay Jayson. Tila ba itinatwa sila
ng langit sa pagkakataong iyon.
Minda: (Nangingilid ang luha sa mga mata) Ano pong maaaring mangyari? Ano pong maaaring
gawin?
Doktor Ricardo: Kung sasailalim s’ya sa radio therapy baka sakaling masunog ang mga cancer
cells sa kanyang utak ngunit napakaliit ng porsyentong makarecover s’ya dahil napakaselan ng
prosidyur na ito. Sa ngayon ang maibibigay ko lamang ay pain killer para kung umatake muli
ang sakit mabawasan nito ang nararamdaman ni Jayson. Iminumungkahi ko sa inyo na manatili
muna s’ya sa ospital upang maobserbahan ang pagkalat ng cancer sa buong utak niya.
Jayson: Ma, ayokong manatili dito. Lalo lang akong magkakasakit.
Sheena: Pero kuya, kailangan mo para mamonitor ng mga doktor ang kalagayan mo at upang
hindi na lumala.
Minda: Tama si Sheena anak. Ayaw naman naming lumala pa ang kalagayan mo.
Tagapagsalaysay:
Nagmatigas si Jayson na umuwi at hindi manatili sa ospital. Kaya’t napagdesisyunan ni Minda
na isailalim ito sa radio therapy at sumugal sa napakaliit na tsansa na gumaling ang binata.
Dalawang beses nagpapabalik-balik sa ospital sa loob ng isang linggo ay mag-ina upang
ipagpatuloy ang therapy.
Ikaapat na Tagpo (Sa bahay nila Jayson)
Tagapagsalaysay:
Nakakabinging katahimikan ang bumabalot sa bahay ng pamilya. Lahat ay tila ba nagluluksa na.
Nang biglang binasag ng winika ni Jayson ang katahimikan.
Jayson: Ma…Sheena…Wag muna natin iparating kay Sandra ang tungkol sa kalagayan ko.
Tagapagsalaysay:
Walang imik lang na nakikinig si Minda at Sheena sa mga sinasabi ni Jayson.
Jayson: At Ma, salamat po sa lahat. Sheena ikaw na ang bahala kay Mama. Kahit anong
mangyari wag mo s’yang iiwanan. Wag mo kaming gagayahin ni Papa. Tandaan niyo po na
mahal na mahal ko kayo ni Sheena pero mukhang ganoon talaga ang nakatadhanang mangyari.
Tagapagsalaysay:
Nagmistulang agos ng ilog ang pagbugso ng luha mula sa mga mata nina Minda at Sheena.
Sheena: Kuya ano bang pinagsasabi mo?
Jayson: Kayo na po ang bahalang magpaliwanag ng lahat kay Sandra.
Minda: ITIGIL MO NGA YANG PINAGSASASABI MO. (Pagalit na sinigaw ni Minda)
Tagapagsalaysay:
Mahigpit na niyakap ni Jayson ang kanyang ina.
Ikalimang Tagpo (Sa bahay nila Jayson)
Tagapagsalaysay:
Hanggang ngayon ay wala pa ding ideya si Sandra sa nagaganap sa buhay ng kanyang
kasintahan at ito nga ang bumabagabag sa isip ni Jayson. Natatakot siyang malaman ni Sandra
ang kalagayan niya.
Mensahe:
Jayson: Cindy, maaari ka bang dumaan sa bahay kahit saglit? Nais lang kitang makausap.
Cindy: Oo sige. Intayin mo na lamang ako.
Tagapagsalaysay:
Naging palaisipan kay Cindy ang biglang pagpapapunta sa kanya ni Jayson. Dali-daling umalis
ang dalaga upang puntahan si Jayson.
Tok…Tok…Tok…
Minda: Sheena buksan mo nga ang pinto.
Sheena: Ate Cindy, mabuti at napadalaw ka.
Cindy: Pinapunta kasi ako ni Jayson. Nasaan ba s’ya?
Sheena: Pasok ka na lang sa kwarto niya.
Cindy: Sige. Salamat.
Cindy: Bakit mo ako biglaang pinapunta?
Jayson: Hindi ko alam kung gaano pa katagal ang ilalagi ko rito. Kaya sana ay tulungan mo
akong ihanda si Sandra. Ayokong lubusan siyang masaktan.
Cindy: Ano bang pinagsasabi mo? Wag ka ngang magbiro ng ganyan. Hindi ka nakakatuwa.
Jayson: Nasa ikatlong estado na ang malignant brain tumor ko. Therapy na lamang ang
nagpapatagal ng buhay ko. Maaaring isa sa mga araw na ito ay bigla na lang akong mamatay.
Cindy: Alam na ba ni Sandra ang lahat?
Jayson: Hindi pa at wala akong balak sabihin sa kanya ang kalagayan ko.
Cindy: Pero kailangan niyang malaman ito.
Jayson: Ayoko. Ayoko siyang mag-alala sa akin.
Cindy: Anong plano mo?
Jayson: Makikipaghiwalay na ako sa kanya.
Tagapagsalaysay:
Sa kalagitnaan ng pag-uusap ni Cindy at Jayson at sandaling nagpaalam si Minda at Sheena sa
dalawa upang bumili ng gamot.
Tagapagsalaysay:
Sa kabila ng mga pangyayari, nananatiling walang alam si Sandra sa lahat. Buong pagtataka pa
rin ang naglalaro sa isipan niya kung bakit mahigit tatlong linggo nang di nagpaparamdam si
Jayson sa kanya. Kaya naman tinawagan nya ito ngunit… (Tunog ng operator ng telepono na
nagpapahiwatig na hindi sinasagot ng tinatawagan ang tawag). Dahil dito nagdesisyon siyang
puntahan si Jayson sa bahay nito.
Tok…Tok…Tok…
(Paulit-ulit na pagkatok ni sandra ngunit walang nagbubukas ng pinto kaya’t binuksan niya ito at
nagdire-diretso upang hanapin si Jayson)
Tagapagsalaysay:
Pagbukas niya ng pinto ay ng kwarto ni Jayson ay nakita niya itong may kasamang ibang babae.
Sandra: Anong ginagawa n’yo?
Cindy: Mauna na ako Jayson. Mukhang may importante kayong pag-uusapan.
Tagapagsalaysay:
Dali-daling lumabas si Cindy ng kwarto upang bigyang daan ang pag-uusap ng dalawa.
Sandra: Kaya ba dalawang araw ka nang hindi nagpaparamdam sakin dahil sa kanya. Ha?
Sagutin mo ako.
Jayson: Oo tama ka, siya nga ang dahilan. Mag-break na tayo. Tapusin na natin ang lahat dito.
Sandra: Ano? Matapos ang lahat, ganito na lang. Iyan ang isasagot mo sakin. Ano bang ginawa
ko? Hindi mo na ba ako mahal? Bakit pangit na ba ako? Ano? Ano?
Tagapagsalaysay:
Hindi na nakatanggap ng sagot mula kay Jayson si Sandra. Nanginginig ang mga labing
nagpapahiwatig ng pagpipigil niya ng kanyang pag-iyak. Bago tuluyang umalis si Sandra ay
malutong na sampal ang iniwan niya kay Jayson.
Ikaanim na Tagpo (Sa bahay nila Jayson)
Tagapagsalaysay:
Magdadalawang buwan nang sumasailalim si Jayson sa therapy. Ipinapahiwatig ito ng
nakakalbong buhok ng binata dala ng radiation. Magsisimula na rin ang pasukan ngunit di tulad
dati ay hindi na naging kapanapanabik ang bagong taon ng eskwela para kay Jayson. Habang si
Sandra ay nalulugmok pa rin sa matinding kalungkutan dala ng nangyari at pilit na magpatuloy
sa buhay.
Ikapitong Tagpo (Sa bahay at sa ospital)
Tagapagsalaysay:
Nagsimula na nga ang pasukan at kagaya ng inaasahan, walang Jayson ang makikita sa
eskwelahan. Nagtataka si Sandra kaya’t inisip na lamang niya na baka lumipat na ito ng
eskwelahan.
Sheena: Maaaaaaaaa!
Tagapagsalaysay:
Malakas na palahaw ni Sheena na nagpabilis ng tibok ng puso ni Minda. Dumating na nga ang
kinatatakutan nila. Ang tagpong magpapadilim ng buhay ni Jayson.
Minda: Anong nangyari?
Sheena: Ma, si kuya ayaw gumising.
Minda: Tumawag ka ng ambulansya.
Tagapagsalaysay:
Agad namang tumawag si Sheena ng ambulansya at nang makarating sa ospital ay agad
binigyang pansin ang nangyari kay Jayson.
(Makalipas ang ilang minuto ay lumabas ang doktor dala ang masamang balita)
Minda: Dok, ano pong nagyari kay Jayson? Kamusta po siya?
Doktor Ricardo: Komatos po ang anak ninyo at di po namin tiyak ang paggising niya o kung
magigising pa siya. Sa ngayon po ay kinabitan po muna namin siya ng aparato upang mapanatili
siyang buhay at maging normal ang kanyang mga vital signs.
Tagapagsalaysay:
Wala nang nagawa ang mag-ina kundi ang umiyak habang mahigpit na nakayakap sa katawan ni
Jayson.
Ikawalong tagpo (Sa ospital)
Sheena: Ma, siguro panahon na para ipaalam natin kay Ate Sandra ang nangyayari kay kuya.
Malamang ay labis na ang pagaalala niya.
Minda: Tama ka.
Kring...Kring…Kring
(Sa linya ng telepono)
Minda: Hello Sandra, si Tita Minda ito. Maaari ka bang pumunta dito sa ospital?
Sandra: Po? Bakit po tita, ano pong nangyari?
Minda: Dito ko na lang ipapaliwanag sa’yo. Hanapin mo na lang ang ika-207 na kwarto ng
ospital.
Sandra: Sige po tita, papunta na po ako.
Tagapagsalaysay:
Agad binitawan ni Sandra ang mga ginagawa niya at kumaripas ng pagpunta ng ospital upang
masagot ang mga tanong at pangamba na naglalaro sa kanyang isipan ng mga oras na iyon.
Tok…Tok…Tok…
Minda: Mabuti at nakapunta ka Sandra.
Tagapagsalaysay:
Hindi nakaimik sa pagkabigla ang walang kamuwang-muwang na dalaga.
Sandra: Ano pong nangyari Tita?
Tagapagsalaysay:
Ipinaliwanag ni Minda ang lahat-lahat kay Sandra. Walang nagawa si Sandra kundi palayain ang
mga luhang nagpupumilit kumawala sa mga mata niya sa oras na iyon. Simula noon ay may mga
araw na hindi na pumapasok si Sandra upang manatili sa tabi ni Jayson at tuwing umuuwi sa
hapon galing eskwela ay dumidiretso na s’ya sa ospital.
Sandra: Patawarin mo ako dun sa nagawa ko nung huli nating pagkikita. Kung alam ko lang ang
lahat. Ikaw naman kasi ang daya-daya mo. Diba tutuparin pa natin ang mga pangarap natin.
Paano na yung pangako nating magpapakasal tayo? Gumising ka na diyan. Ang tagal-tagal mo
nang natutulog e.
Tagapagsalaysay:
At nagpatuloy ang ganoong tagpo sa ospital.

Kabanata 3
(Makalipas ang 2 taon)
Unang Tagpo (Sa ospital)
Tagapagsalaysay:
Habang lumalakad ang panahon ay paikli ng paikli ang tsansang muli pang gigising si Jayson.
Ang mga ari-arian at salapi ay unti-unti nang nauubos katulad ng pag-asang pinanghahawakan
ng pamilya ni Jayson at maging ni Sandra. Hanggang sa isang masamang tagpo ang mangyayari
na tiyak ay magpapaluwag ng mga puwang sa mga mata nila at patutuluin ang mga luhang dala
ng sakit at pighati.
Tok…Tok…Tok… (Papasok ang doctor)
Doktor Ricardo: Maaari ko po ba kayong makausap?
Minda: Tungkol saan po dok?
Doktor Ricardo: Tatapatin ko na po kayo tungkol sa kalagayan ni Jayson. Mahigit 2 taon na rin
po na aparato na lamang ang nagdidikta ng buhay niya. Pinag-aralan po ulit namin ang kalagayan
niya at ikinalulungkot ko pong ipaalam sa inyo na napakaliit na lamang ng tsansa na mabuhay pa
si Jayson.
Sandra: Hindi totoo yan. Bakit Diyos ka ba para sabihing mamamatay na siya. Wala kayong
alam sa mga sinasabi ninyo. (hahawakan ni Minda ng mahigpit ang mga kamay ni Sandra)
Minda: Dok paano niyo naman nasabi yan?
Doktor Ricardo: Ang resulta po ng mga pagsusuring muli naming isinagawa ay walang
pagbabago sa kalagayan ni Jayson. Kung ako po ang tatanungin ay ito na ang tamang oras upang
palayain natin ang pasyente. Sa inyo pa rin po manggagaling ang desisyon kaya bibigyan ko po
kayo ng pagpipilian. Aalisin na po ba natin ang aparato o patuloy pa rin po ba tayong aasa sa 6
na % posibilidad na gigising pa si Jayson?
Minda: Pag-iisipan po naming dok.
Doktor Ricardo: Sige po. Uulitin ko po ikinalulungkot ko po itong ibalita sa inyo. Mauna na po
ako.
Tagapagsalaysay:
Walang nagawa si Sandra kundi humagulgol dahil sa masamang balitang inihatid ng doktor.
Ikalawang Tagpo (Sa ospital at sa bahay ni Sandra)
(Lumipas ang ilang mga araw)
Tagapagsalaysay:
Naging napakahirap kay Sandra at sa pamilya ni jayson ang naging sitwasyon nila. Tila ba naipit
sila sa dalawang nag-uumpugang bato kung saan kahit anong desisyon ang gawin nila ay alam
nilang kalungkutan at sakit ang daranasin nila. Sa bawat pag-ikot ng oras ay walang tumatakbo
sa isipan ni Sandra kundi ang sinabi ng doktor tungkol sa maaari nilang gawin.
Sheena: Ate Sandra, magpahinga ka muna, ako na muna ang magbabantay kay kuya.
Sandra: hindi na, okay lang ako, dito lang ako sa tabi nya hanggang gumising sya.
Sheena: Pero ate napapabayaan mo na ang sarili mo. Alam naman naten na ayaw ni kuya na
nakikita ka na ganyan.
Minda: Tama si Sheena hija, magpahinga ka na muna at bumalik ka na lang ulit kapag maayos
ka na.
Tagapagsalaysay:
Umuwi muna si Sandra at sa kanyang paglalakad palabas ng ospital at pauwi ay tila ba wala
siyang nakikita at naririnig sa paligid niya. Pagkarating niya sa bahay ay tumambad sa kanya ang
mala-agilang tingin ni Amanda, ang kanyang ina.
Amanda: Hanggang kailan mo ba pahihirapan ang sarili mo para sa lalaking wala ng pag-asang
mabuhay. Pati pag-aaral mo ay pinapabayaan mo na. ayusin mo nga ang sarili mo Sandra.
Sandra: Bakit po ba kayo ganiyang magsalita. Mahal ko po si Jayson at iyon po ang dahilan kung
bakit hanggang ngayon ay kumakapit ako sa pag-asang gigising s’ya.
Amanda: Paano mo naman nasasabi yan. Diba nga niloko ka n’ya. Itigil mo na ang pagpunta
punta mo sa ospital ha! Ang pag-aaral mo ang pagtuunan mo ng pansin hindi yung taong wala
nang pag-asa pang mabuhay. Gumising ka sa reyalidad ng buhay Sandra.
Sandra: Nasasabi n’yo yan dahil hindi n’yo alam ang salitang pagmamahal dahil kahit kailan
hindi ko naramdaman mula sa inyo yon. Wala kayong inisip kung hindi ang sarili n’yo. Kaya nga
tayo iniwan ni Papa dahil sa inyo.
(Malutong na sampal ang isinagot ni Amanda sa sinabi ni Sandra, kaya naman bigla na lamang
itong umalis)
Ikatlong Tagpo (Sa simbahan at sa ospital)
Tagapagsalaysay:
Habang naglalakad papalayo sa bahay nila ay dumaan siya sa simbahan upang manalangin.
Sandra: (taimtim na nagdadasal)
“Panginoon ano bang nagawa ko? Bakit n’yo po ako pinaparusahan ng ganito? Sana po ay
bigyan n’yo pa ako ng pag-asang babalik ang lahat sa dati. Punan ninyo po ng panibagong ngiti
ang natutuyo kong mga labi. Bigyan ninyo po ako ng maraming dahilan upang magpatuloy sa
buhay. Ipaunawa ninyo po sa akin kung bakit nangyayari ang mga bagay na ito. Sa ngayon po ay
wala akong mahihiling kundi muling mabuksan ang mga mata ni Jayson.”

Kring…Kring…Kring… (Lalabas si sandra ng simbahan upang sagutin ang tawag sa kanyang


telepono)
Sandra: Hello po tita.
Minda: Sandra pwede ka bang bumalik dito?
Sandra: sige po. Papunta na po ako.
Tagapagsalaysay:
Nagitla si Sandra pagdating niya sa ospital nang matunghayan niya si Minda na tumutulo ang
mga luha.
Sandra: Bakit po kayo umiiyak tita?
Minda: Sandra, siguro nga panahon na para pagpahingahin natin si Jayson. Matagal na rin siyang
lumalaban at nagtitiis sa sakit at ganun din tayo.
Sandra: Pero tita, diba gigising pa siya? Diba magpapakasal pa kami at tutuparin pa namin ang
mga pangarap namin ng magkasabay? Diba tutuparin nya ang mga pangako nya? Bakit naman
po ganun?
Minda: Anak, Sandra makinig ka sa akin. Lahat ng nangyayaring ito ay may dahilan. Siguro para
matuto tayo na di mawalan ng pag-asa at huwag nating tanawin ang kamatayan bilang katapusan
bagkus isang pagsisimula.
Sandra: Pero…
Minda: Oo masakit, alam kong napakasakit, pero hindi matatapos tong nararamdaman natin na
ito hangga’t nakikita natin ang bawat isa sa atin na nahihirapan. Siguro ito na ang panahon para
magdesisyon tayo.
(Sandaling natahimik ang buong silid)
Sandra: Tama po kayo tita. Naging maramot po ako sa pagpapalaya kay Jayson. Pero bago po
ang lahat, maaari po bang matupad ang isa sa mga pangako namin sa isa’t isa?
Ikaapat na Tagpo (Sa bahay nila Sandra)
Sandra: Ma, may sasabihin ako sayo. Napagdesisyunan na namin ni Tita na tanggalin na ang
aparato na nakakabit kay Jayson. Ngunit nais ko munang tuparin ang pangako namin sa isa’t isa.
Amanda: Anong pangako naman iyon?
Sandra: Ma gusto ko pong pakasalan si Jayson bago matapos ang lahat.
Amanda: Hindi ka ba nag-iisip na bata ka? Magpapakasal ka talaga? Itigil mo yang kahibangan
mo ha!
Sandra: Ma! Desidido na po ako.
Amanda: Pero Sandra! Magiging miserable ang buhay mo.
Sandra: Handa akong harapin ang mangyayari sa oras na pakasalan ko sya.
Amanda: Hindi kita susuportahan sa gagawin mo. Pag sinuway mo ako, kalimutan mo nalang na
may nanay ka pa!
Ikalimang Tagpo (Sa ospital)
Tagapagsalaysay:
Sa kabila ng pagtutol ng kaniyang ina ay ipinagpatuloy pa rin ni Sandra ang pagpapakasal niya
kay Jayson na sa sandaling oras ay mamamatay na.
Minda: Napakaganda mo ngayon anak.
Sandra: Salamat po tita.
(Nagsimula na ang seremonya ng kasal sa silid ni Jayson sa ospital)
Pari: Naririto tayo upang tunghayan ang isang pambihirang pag-iibigan sa pagitan ng buhay at
kamatayan.
Tagapagsalaysay:
Magkahalong saya at lungkot ang naglalarawan sa mukha ni Sandra ng mga oras na iyon.
Ipinangako niya sa kanyang sarili na si Jayson na ang una at huling lalaking mamahalin niya.
Pari: Sa kapangyarihang ipinagkaloob sa akin. Itinatalaga kita Jayson P. Estrella at Sandra M.
Madrigal bilang ganap na mag-asawa.
Tagapagsalaysay:
Matapos ang ilang minutong kasiglahan…
Dr. Ricardo: Minda, Sheena at Sandra, narito nga pala si Dra. Sanchez. Siya ang magsasagawa
ng prosidyur, siya na lamang ang magpapaliwanag sa inyo ng lahat. Sige Dra. Maiwan na kita.
Dra. Sanchez: Bago natin simulan ang euthanasia, nais kong basahin ninyo ang nilalaman ng
papel na ito at pirmahan ninyo upang magpatibay ang desisyon ninyong isagawa ang prosidyur
na ito.
Tagapagsalaysay:
Nanginginig na pumirma si Minda at Sandra sa kasunduan. Itong tagpong ito na ang
magsasabing dapit-hapon na sa buhay ni Jayson.
(Isinagawa na ni Dra. Sanchez ang euthanasia)
(Mag-iiyakan ang lahat at mahigpit na yayakapin ni Sandra ang malamig na katawan ni Jayson)
Ikaanim na Tagpo (Sa seminteryo)
Tagapagsalaysay:
Dumating na ang araw na inihatid na si Jayson sa huli nitong hantungan.
(Nakatayo si Sandra sa harap upang magsalita ngunit nagulat ang lahat nang lukutin at itapon
niya ang inihanda niyang sulat at huling pamamaalam)
Sandra: Una sa lahat, nagpapasalamat ako at nakilala kita. Ikaw na ngayo’y patuloy pa ring
magpapasaya sa akin. Hindi mapipigilan ng kamatayan ang ugnayan natin sa isa’t-isa. Salamat sa
pagtuturo mo sa aking magpalaya, magpatuloy sa buhay at bigyang halaga ang mga bagay. Hindi
ko kailanman sasabihin sa’yo ang salitang paalam, dahil alam ko ay hindi pa ito ang huli ang
walang matatawag na huli. Sa muli nating pagkikita. (Humihikbing binabanggit ni Sandra ang
mga salitang galing sa puso niya)
Tagapagsalaysay:
Ito ang teorya ng dapit-hapon na nagpapaliwanag na ang buhay ay wala talagang katapusan.
Hindi dapat tayo matakot sa kamatayan, ang ikatakot natin ay ang malimutan ang mga ala-alang
nagbibigay ng tunay nating buhay. Matuto tayong magising sa reyalidad ng buhay at magpatuloy
na sumunod sa agos ng buhay.
(Spoken Poetry)
Sandra:
At dito na nagtatapos
Ang kuwentong sana’y tumagos
Sa mga puso’t isip
Ng mga taong nakikinig.

—Wakas—

You might also like