HALALAN
“Mga mamamayan din ang mga bumubuo ng gobyerno at sila ang higit na nakapag-
aral.”
“Ngunit tulad po ng ibang tao, nagkakamali kaya hindi dapat maging bingi sa kuro-kuro
ng iba.”
- Dr. Jose P. Rizal
Kay iingay ng kalsada ngayon. “Iboto niyo si Juan bilang ating Mayor”, “Pedro po
para sa senado”, “Basilio bilang Pangulo”. Kabilaan ang mga nakapaskil na mukha ng
mga kandidatong kay tatamis ng mga ngiti. Panahon na naman sa pagpili ng mga
pinuno sa ating bansa. Panahon na naman upang mamili tayo ng mga taong gustong
maglingkod sa bayan. Kanya-kanya silang plataporma, ideya, plano at pangako para sa
bayan. Ilang eleksyon na kaya ang aking nadatnan at ganitong-ganito rin ang eksena.
Ano nga ba ang pinagkaiba? Patalbugan ng bibong-bibong musika upang
makapanghikayat at madaling tandaan ng mga botante. Mga slogan na nakakatawag
pansin dahil sa tugma ang pangalan ng kandidato sa kanyang iminumungkahing
serbisyo. Nagpapatingkaran naman ang bawat kulay na dala ng isang kandidato, mapa
kulay asul, berde, pula o dilaw depende na sa gusto mo. Paligsahan ng magandang
solusyon sa hindi matapos-tapos na kahirapan at problema ng Pilipinas. Lagi naming
ganito ang eksena tuwing halalan, nakakaumay. Siguro ay ang nakakapanabik na lang
ay kung ilan ang bigay sa atin ng kanilang mga bagman at kung sino-sino ang mga
bagong nahalal na maglingkod kuno sa ating bansa.
Walang pagkakaiba ang mga halalan na nadatnan ko mula noong unang beses
akong bumuto hanggang sa pinakahuling eleksyon dahil lahat ng mga ipinangako ng
binoto ko ay hindi naman natupad. Ang pinagtataka ko bakit sila pa ang nahalal, dahil
ba sa maimpluwensya sila o sadyang kay yaman na nila? Sinasabing kay lupit ng ating
gobyerno sa maling pamamalakad nito. Sinisisi natin ang mga nakaluklok sa
katungkulan at binabato ng kung ano-anong kontrobersiya. Hindi ba ninyo alam na tayo
ang may pakana niyan? Oo, tayo. Sino ba ang bumuto sa kanila, diba tayo? Kaya
walang ibang sisisihin sa patuloy na kahirapan natin kundi ang mga sarili rin natin. Hindi
nagbabago ang sistema ng ating kahirapan dahil sa mga maling tao ang naiboboto
natin.
Baguhin sana natin ang sistema ng ating pamumuhay sa pamamagitan ng
pagbabago sa ating mga sariling sistema. Simulan sa sariling pagpapatibay ng
prinsipyo na hindi magpapabili at hindi ipagbibili ang boto tuwing halalan. Ang
demokrasyang ipinagkaloob sa atin ay nararapat nating gamitin at huwag
magpapabayad sa mga kandidatong may masamang intensiyon. Huwag sana tayong
magpasilaw sa kaunting halagang ibinibigay sa atin ng mga kandidatong iyan kung ang
kapalit naman nito ay ang pagkasira ng ating bayan. Gawin natin ang tama para sa
halalan 2022. Para sa ating magandang kinabukasan. Ang ating boto ang susi sa
bagong mukha ng Pilipinas. Gawin nating mas produktibo pa ang ating bayan dahil ang
boto mo ngayon ay napakahalaga tungo sa ating pag-unlad. Muli pinapaalalahanan ko
ang nakararami sa atin, may kasabihan man na “masama ang tumanggi sa grasya”,
maaari sigurong tanggapin, nasa sa iyo na rin yan. Pero huwag kalimutan na iboto ang
mga pulitikong sa tingin mo ay mas karapat-dapat.