You are on page 1of 8

ARALIN 24

Makapangyarihan ang isip. May kakayahan itong baguhin ang mundo. Ang kalagayang kinasadlakan ng mga Pilipino sa
kamay ng mananakop na Kastila ay nagsilang ng maraming kadakilaan-adakilaan ng isip, kadakilaan ng panulat, at
kadakilaan ng pag-ibig.
 
Pansinin sa sumusunod na mga kabanata ang paglalaban ng maraming ideya at kaisipan ng mga tauhan. Salaminin ang
kanilang pananaw, damdamin, at saloobin na mababakas sa kanilang mga pagpapahayag.
 
 
 
Himagsik ng Isip at Kapangyarihan ng Global na Pagwawastong Panlipunan
Kabanata XI-XX
 
 
Samantala, nang huling araw ng Disiyembre, dumalaw ang Kapitan Heneral sa Buso-Buso kasama ang mga prayle at ilang
kawani upang mangaso. Ngunit dahil may kasamang banda ng musiko, wala siyang nahuli kahit isa. Sa halip na ikainis ng
Heneral ang kawalan ng usa sa gubat, ikinatuwa pa niya ito dahil mababawasan ang kaniyang dangal kung hindi siya
makakaasinta kahit isa man lamang. Naglaro na lamang ng tresilyo ang kataas-taasan kasama sina Padre Irene, Padre
Sibyla, at Padre Camorra na inis na inis dahil maraming ulit na nananalo ang Kapitan Heneral. Sa katotohanan, sinasadya
ni Padre Irene na magpatalo upang mas madaling maidulog sa Kapitan Heneral ang kaniyang mga hiling. Gayundin si
Padre Sibyla, upang mabulungang huwag katigan ang usapin ukol sa paaralang magtuturo sa mga Pilipino ng wikang
Kastila. Kung nalaman lamang sana nang maaga ng galit galit na si Padre Camorra ang iniisip ng mga kasama, hindi sana
nito nilisan ang pakikipaglaro.
 
Pinalitan siya ni Simoun na ipupusta ang mga alahas para sa mga kakaiba at mararahas na kapalit mula sa mga
katunggali. Ngunit dahil sa kagaspangan ng ugali at pang-aalipusta niya sa mga prayle na ikinainis na naman ni Don
Custodio, nahinto ang laro. Nauwi na lamang ito sa pagpapasiya sa ilang usaping marapat solusiyunan ng Kataas-taasan
na inilahad ng Mataas na Kawani. Ilan sa mga usapin ay tungkol sa armas de salon na nabigyan ng solusyon dahil sa ideya
ni Simoun. Sumunod ang tungkol sa maestro sa Tiyani na humihingi ng bubong para sa paaralan. Ikinagalit ito ni Padre
Camorra dahil masiyado raw mareklamo ang guro, kaya ipinasiyang suspendihin ang kawawang guro. Nahabag man sa
guro ang Mataas na Kawani, wala siyang nagawa. Nagmungkahi si Don Custodio na gawing paaralan ang mga sabungan
sa mga araw na walang sabong ngunit hindi ito kinatigan. Ipinagpatuloy ng Mataas na Kawani ang paglalatag ng mga
usapin. Ang isa ay tungkol sa dalagang humihiling na palayain ang kaniyang lolo na ikinulong dahil hindi nadakip ng mga
guwardiya sibil ang kaniyang ama. Sa kabutihang-palad, ipinasiyang pawalan ang kaawa-awang matanda. Sa pagtatapos
ng araw na iyon, hindi nadesisyunan ang pinakahihintay na usaping may kaugnayan sa hiling ng mga estudiyante. Iniutos
na ipagpaliban ang pagpapasiya ukol sa pagtatatag ng Akademya ng Wikang Kastila.
 
Sa kabilang dako, isang mag-aaral na nagngangalang Placido Penitente ang ipinakilala. Matalino ang binata at itinuturing
na isa sa pinakamahuhusay sa pinanggalingang paaralan sa Tanauan. Ikinabigla ng lahat ang pagnanais nitong iwan ang
pag-aaral at magtrabaho na lamang. Walang makapagsabi ng dahilan kahit na ang kaniyang mga kaibigan. Maging ang
kaniyang ina na paulit-ulit na nagpapaalala na magtiis upang di masayang ang gastos sa apat na taong pag-aaral ay hindi
matukoy kung bakit nais niyang tumigil sa pag-aaral. Nang araw na iyon, matamlay na naglalakad patungong Unibersidad
ng Santo Tomas si Placido. Nakasalubong niya ang kamag-aral na si Juanito Pelaez, ang pilyo, bolero, mapanukso ngunit
paborito ng mga propesor. Matapos magkuwento ito tungkol sa bakasyon kasama si Padre Camorra, nagtanong siya ng
mga ginawa sa paaralan nang mga nakaraang araw. Pagkatapos, niyaya si Placido na lumiban sa klase na hindi naman
sinang ayunan ng huli. Habang naglalakad, humingi si Juanito ng kontribusyon para sa pagpapatayo ng rebulto ni Padre
Baltasar. Nagbigay si Placido ng apat na piso.
 
Habang naglalakad, nakita nilang bumaba mula sa kaniyang karuwahe si Paulita. Binati ng dalaga ang kasintahang si
Isagani na nasa di kalayuan, habang ang tiyahin namang kabuntot ay buong giliw na kinakausap si Juanito. Pagkakita sa
dalaga, si Tadeo, na pumapasok lamang upang alamin kung may pasok at nagtataka kung mayroon, ay naglakad upang
sundan si Paulita na pumasok sa simbahan. Nang makarating si Placido sa silid-aralan, hinarang siya ng mga kaklase
upang papirmahin sa isang petisyon sa pagpapatupad ng Akademya ng Wikang Kastila. Tumanggi siya dahil hindi pa niya
nababasa nang buo ang kasulatan. Sa kapipilit ng kamag-aral, nahuli siya sa klase. Dahil siguradong mamarkahan siya ng
liban, maingay na pumasok si Placido sa silid na nakatawag naman ng pansin ng propesor.
 
Ang klase sa pisika na pinasukan ni Placido ay isang malaking parihabang silid na may malalaking bintanang may rehas,
may pisara na hindi halos nagagamit at mga aparatong nakalagay sa mga estante na madalang mahawakan ng mga mag-
aaral. Punong-puno ng mga estudyante ang silid-aralan. Nasa unahan ang gurong si Padre Millon, isang paring
Dominikong mahusay sa pilosopiya ngunit nagtuturo ng agham. Pagkabanggit ng pangalan, ipinabigkas sa mga mag-aaral
ang isinaulong leksiyon mula umpisa hanggang dulo na animo ponograpo. Pagkaraan, nagsimula siyang magtanong.
Ginawa niyang katatawanan ang mga hindi nakasasagot kabilang si Placido. Napagdiskitahan niya ang binata matapos
mahuling bumubulong ng sagot kay Juanito. Ginawa siyang katatawanan sa klase. Minarkahan ng labinlimang liban at
hinamak-hamak ng pari ang pagkatao ng binata. Hindi na kinaya ni Placido ang ganoong pang-iinsulto, sinagot niya ang
guro, tinalikuran at saka nagmamadaling lumisan sa silid.
 
Samantala, nagtipon-tipon ang mga estudyante sa bahay na kanilang tinutuluyan. Isa itong malaking bahay na
pagmamay-ari ng mayamang si Makaraig. Dito ginagawa ang malalaking pagpupulong, pagkakasiyahan, paglalaro, pag-
aaral o simpleng pagpapahinga ng mga mag-aaral na nagmula sa iba't ibang unibersidad.
 
Sa araw na iyon, hinihintay nila si Makaraig na nakipagkita kay Padre Irene upang makibalita sa inilalakad na akademya.
Habang hinihintay, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang mga mag-aaral na optimistang tulad nina Isagani at Sandoval,
at ang pesimistang si Pecson. Malaki ang tiwala ng mga mag-aaral na nasa positibong panig na kakatigan sila sa
magandang hangaring ito. Samantala, inilahad naman ni Pecson ang lahat ng posibilidad na matatalo ang panukalang ito.
Maganda ang punto ng bawat isa at walang gustong magpatalo ng kanilang panig. Natigil lamang ito nang dumating si
Makaraig na siyang namumuno sa kilusan. Isa siyang mayamang binatang nag-aaral ng batas. Ibinalita ni Padre Irene ang
mga kaganapan sa Los Baños. Aniya, isang linggong pinagtalunan ang usapin. Nakatakda na raw sanang matulog ang
panukala nang ilang buwan nang iminungkahi niyang ibaba ang pag-aaral at pasiya sa Lupon ng Primaryang Pampaaralan
na pamumunuan ni Don Custodio. Iminungkahi raw ni Padre Irene na hikayating pumanig si Don Custodio sa mga
kabataan. Magagawa raw ito sa pamamagitan ng paghingi ng tulong kay Pepay, ang bailerinang matalik na kaibigan ni
Don Custodio. Maaari ding magpatulong kay G. Pasta na abogadong tagapayo ni Don Custodio. Mas pinili nilang unahin
ang mas marangal na pakikipag-usap kay G. Pasta na gagawin ni Isagani nang hapon ding iyon.
 
Ang sumunod na kabanata ay nagpakilala kay Ginoong Pasta. Pinuntahan ni Isagani ang abogado sa tanggapan nito.
Tinanggap naman ng abogado ang binata lalo pa't nakilala siya nito bilang pamangkin ng isa sa mga kaibigang pari, si
Padre Florentino. Nabuhayan ng loob si Isagani. Malakas ang kutob niyang magiging maganda ang bunga ng kaniyang
sadya sa matanda. Maraming puting buhok at halos kalbo na ang abogado. Matamang nakinig si G. Pasta sa inilalahad ng
binata tungkol sa pagtatatag ng Akademya ng Wikang Kastila. Sinabi niyang umaasa silang mga kabataan na siya ay
papanig sa kanila sa oras na sumangguni sa kaniya si Don Custodio. Subalit buo na ang pasiya ng matandang abogado.
Hindi siya makikialam sa usaping iyon, kapanalig man o hindi. Sa halip, pinayuha niya si Isagani na asikasuhin ang
kaniyang pag-aaral at huwag makialam sa usaping iyon kung nais niyang hindi malagay sa panganib ang buhay. Matapos
magpalitan ng mga pananaw at paniniwala ukol sa tungkulin ng pamahalaan, umalis si Isagani. Naiwan ang abogadong
humanga sa kaisipan ni Isagani ngunit nanghihinayang sa binata sa kabila ng kaniyang paghanga. Alam niyang walang
mangyayari sa ipinanunukala nilang akademya.
 
Nang gabi ring iyon sa bahay ni Quiroga, naroon si Simoun at ang ilang kilalang tao sa lipunan. Malaki ang handaan kaya
naroon ang mga taong-pamahalaan at taong-simbahan. Ibig ni Quiroga na magtatag ng konsulado ng mga Intsik para sa
ikabubuti ng kaniyang negosyo. Kapansin-pansin na ang mga imbitadong nakikisaya sa hapunan ay tahasan o patagong
nililibak ang Intsik na nagnanais na maging konsul. Pagkakita ni Quiroga kay Simoun, buong pagpapakumbabang bumati
ito. Niyaya niya ang mag-aalahas sa isang silid at dumaing ukol sa pagkalugi ng kaniyang mga negosyo. Kumuha siya
noon ng tatlong pulseras kay Simoun para gawing pansuhol sa kaibigan ng isang senyor na kailangan niya para sa
kaniyang negosyo. Balak niyang papiliin lamang ng isa ang magandang dilag ngunit sa kaniyang pagkadismaya, naibigan
ng babae ang tatlo at kinuhang lahat. Idinaing din ng Intsik ang hindi pagbabayad ng mga may utang sa kaniya. Nag-alok
ng tulong ang alahero sa kondisyong itatago sa tindahan ng Intsik ang mga baril na darating nang gabing iyon. Tiniyak
niyang hindi ito magiging problema dahil unti-unti itong kukunin at itatago sa silong ng maraming bahay. Hindi man
sang-ayon si Quiroga, wala siyang nagawa kundi magpatianod dahil kung hindi, sisingilin siya si Simoun sa kaniyang mga
inutang na pulseras.
 
Naging paksa sa hapunang idinaos ni Quiroga ang tungkol sa isang pagtatanghal sa Quiapo. Kinabukasan, minarapat ng
mga panauhin namakita nang personal ang pinag-uusapang palabas. Pagkarating doon, samot-saring mga bagay at
laruan ang makikita sa nakahanay na mga tindahan. Maligayang-maligaya si Padre Camorra nang makita ang
napakaraming dalaga. Sinasadya niyang bungguin ang mga ito, kikindatan at tititigan nang buong kapilyuhan. Ben Zayb
na nasa tabi niya ay nakukurot o naitutulak niya dahil sa pagkaligalig dulot ng pagtingin niya sa magagandang dalagang
naroroon. Abala naman si Padre Salvi na waring hindi nakikita ang kilos ng kasamang pari. Dumating si Paulita Gomez na
naging sentro ng paghanga ng lahat. Kasama niya sina Isagani at Donya Victorina. Nang makita ng ginang si Juanito
Pelaez, buong tamis niya itong binati. Halatang mas gusto niya para kay Paulita si Juanito kaysa kay Isagani.
 
Itinuloy ng mga namamasyal ang kanilang paglalakad nang mapukaw ang atensiyon sa isang tindahang puno ng mga
estatwang kahoy. Nakatawag ng pansin ni Ben Zayb ang larawan ng isang payat na paring nakaupo sa tabi ng mesa at
animo nagsusulat ng sermon. Anang manunulat, kamukha ito ni Padre Camorra na nakapagpatawa sa maraming
naroroon. Ilan pang mga pigura ang kanilang napansin gaya ng La Prensa Filipina, larawan ng isang matandang babaeng
pisak ang mata at namamalantsa. Napansin din ang Bayan ng Abaka na larawan naman ng isang lalaking nakagapos at isa
pang pigurang kamukha raw ni Simoun. Nang lumingon sila para hanapin ang mag-aalahas, wala na ito roon.
 
Samantala, tinungo ng mga panauhin ang tunay na dahilan ng kanilang pagpunta roon. Ibig nilang saksihan ang palabas
at patunayang puro panlilinlang lamang ang pagtatanghal ng isang pugot na ulong nakapagsasalita. Tinanggap naman
sila ng Amerikanong si Mr. Leeds na siyang namumuno sa naturang palabas. Pinahintulutan niyang siyasatin ang mga
kagamitan upang matiyak na wala itong anumang daya. Madilim sa loob ng tanghalang nababalutan ng mga itim na tela.
Tanging mga antigong lampara ang nagbibigay ng liwanag dito. Puno ang tanghalan ng mga silyang para sa mga
manonood. May isang mesang natatakpan ng mantel sa gitna. Nababalot ng amoy ng insenso't kandila ang buong lugar.
Bago magsimula, ininspeksiyon ni Ben Zayb ang paligid upang hanapin ang mga salaaming itinuturo niyang dahilan ng
mga panlilinlang ng palabas, ngunit bigo siyang bumalik sa kaniyang upuan. Wala siyang nakita.
 
Nagsimula ang pagtatanghal sa pagsasalaysay ni Mr. Leeds. Lumitaw sa kahon ang ulo at nagsalita. Nagpakilala ito bilang
si Imuthis. Isinalaysay niya ang kaniyang mga pinagdaanan at naging mga kasawian. Tumuklas daw siya ng karunungan sa
ibang bayan, nagbalik sa kaniyang bayan at nakatuklas ng isang lihim. Sa takot na mabunyag ang lihim ng mga saserdote,
ginamit nila ang kanilang kapangyarihan upang siya ay ipahamak. Minahal daw niya ang dalagang anak ng saserdote na
pinagnanasahan din ng isang kabataang saserdote. Sinira nito ang kaniyang pangalan hanggang sa mabilanggo ngunit
siya ay nakatakas. Tinugis siya at napatay sa lawa ng Moeris. Ayon sa pugot na ulo, bumalik siya upang ibunyag ang mga
kabuktutan ng saserdote. Habang nagsasalita si Imuthis, titig na titig ito kay Padre Salvi na sinaklot ng matinding takot at
nagsisigaw. Mayamaya pa'y hinimatay ang pari at nagkagulo sa loob ng tanghalan. Kinabukasan, ipinatigil na ang palabas
ngunit huli na, dahil umalis na si Mr. Leeds patungong Hong Kong.
 
Samantala, galit na galit na umalis si Placido Penitente sa kaniyang klase. Labis niya ikinabigla nang mabungaran ang
kaniyang ina sa bahay na tinutuluyan. Sinabi niya sa ina na ibig na niyang tumigil sa pag-aaral. Nakiusap ang matanda na
maging mapagpasensiya na lamang at hinimok na ipagpatuloy ng anak ang pag-aaral. Kakausapin daw niya ang
prokurador ng mga Augustino. Lalong nakadama ng galit si Placido at umalis ng bahay. Naglakad-lakad at nakarating siya
sa daungan ng mga bapor. Inisip niyang magtungo sa Hong Kong, magpayaman at saka bumalik upang maghiganti.
Nagpatuloy siya sa paglalakad at nakita niya si Simoun sa perya na may kausap na dayuhan. Narinig niya ang salitang
Hong Kong. Nakita siya ni Simoun at isinama sa Kalye Iris. May ilang lugar silang pinuntahan. Sa isang bahay, naroon ang
isang dating maestrong naging kaibigan ng sawimpalad na si Ibarra.
 
Napatalsik at ipinatapon ang guro sa salang panggugulo sa katahimikan. Kinuha siya ni Simoun at sinanay na maging
pirotekniko. Narinig nang malinaw ni Placido ang mga balak ni Simoun na paglusob kasama ang mga tauhan ni Kabesang
Tales at iba pa. Nasa tinig ng mag-aalahas ang pagmamadali dahil kung patatagalin pa, mamamatay na raw si Maria
Clara. Pinuntahan nila ang isa pang bahay. Inutusan ang isang Espanyol na maghanda sa darating na linggo para sa
paglusob. Pagkaraan, nagtungo ang dalawa sa bahay ni Simoun. Makalipas ang dalawang oras, umalis na si Placido.
Naiwan si Simoun na naglilimi at nag-iisip ukol sa kaniyang plano. Kinabukasan, masayang nakinig si Placido sa sermon ng
ina at sinabing siya na lamang ang kakausap sa prokurador ng mga Augustino upang makabalik sa pag-aaral.
 
Ang sumunod na kabanata ay higit na nagpakilala kay Don Custodio na nakatakdang magbigay ng pasiya sa malaking
usapin ukol sa Akademya ng Wikang Kastila. Binansagan siyang Buena Tinta o mapagkakatiwalaan ang lahat ng
sasabihin. Siya ang kinikilalang nagpapalagay at sanggunian ng lahat. Hinirang siyang pinuno ng Lupon ng Primaryang
Paaralan. Isinalaysay sa bahaging ito kung paanong ang isang karaniwang Kastila'y naging tanyag at naging isa sa
pinakapinagkakatiwalaan sa mga panukala at batas. Sinuwerte siyang magkaroon ng mabuting trabaho at makapag-
asawa ng isang mestisang nanggaling sa nakaririwasang pamilya. Ginamit niya ang salapi ng asawa upang higit na
yumaman at maging tanyag. Nagbunga ang lahat. Si Don Custodio ay pinagkatiwalaan at binigyan ng napakaraming
tungkulin sa pamahalaan. Sa araw na iyon, nakatakda siyang magbigay ng pasiya sa isang napakaselang usapin. Nais
niyang gumawa ng pasiya na makikinabang ang parehong panig. Nag-ukol siya ng mahabang oras ng pag-iisip at
pagsangguni sa pasayaw-sayaw na si Pepay at kay G. Pasta. Naiwan siyang tulala. Sa wakas, nakaisip na si Don Custodio
ng isang mahusay na pasiya.
 
  
 
Hudyat sa Pagpapahayag ng Saloobin at Damdamin
 
Sa pagsulat ng mabisang sanaysay na repleksiyon, kinakailangang gumamit ng mga hudyat sa pagpapahayag ng saloobin
at damdamin. Pag-aralan natin ang ilan dito:
 
1. Ginagamit ang pangungusap na padamdam upang magpahayag ng matinding damdamin. Tapusin ang
pangungusap sa bantas na padamdam (!) at maaari ding sa bantas na pananong (?) upang maging hudyat ng
masidhing damdamin.
 
Halimbawa:
 
Ikaw, ikaw ang dahilan ng aking pagkabilanggo!
 
Bakit nila aagawin, hindi ba't ako at ang pamilya ang naghawan ng lupang ito?
 
2. Upang ipahayagang iniisip, sinasabi, o pinaniniwalaan mo o ng iba, maaaring gamitin ang ayon, batay, sang-ayon
sa, akala ko/ni, sa paniniwala ko/ni, sa tingin ko/ni, sa palagay ko/ni, pinaniniwalaan ko/ni, iniisip ko, sa ganang
akin at iba pa.
 
Halimbawa:
 
Akala ko ang katarungan ay para sa lahat.
 
Sa ganang akin, tama ang ginawa ni Kabesang Tales.
 
3. Sa pagpapahiwatig ng pagbabago ng paksa o pangkalahatang pananaw maaaring gamiting hudyat ang mga
ekspresyong tulad ng sa isang banda, sa kabilang dako, sa kabilang panig, samantala, habang, kung tutuusin, at
iba pa.
 
Halimbawa:
 
Mararahas nga ang mga hakbang ni Simoun ngunit sa isang banda, may dahilan kung bakit siya nagkaganito.
 
Tama ang iyong sinabi subalit kung tutuusin, lagi nang may pagkakataong magbago ang tao.
ARALIN 25
Ang tunay na karakter ng isang tao ay higit na nakilala sa panahon ng kagipitan, sa panahon ng kasawian, at sa panahong
pinanghihinaan siya ng loob. Doon makikita kung paano niya haharapin ang mga pagsubok. Babangon ba siya o tuluyang
ilulugmok ang sarili?
 
Ang mahahalagang tauhan ng nobela ay nahaharap sa malalaking hamon at pagsubok. Masusubok at malalaman natin
ang tunay na kulay ng mga tauhang tulad nina Simoun, Basilio, Isagani, Juli, Quiroga, mga pirayle, at maging ang mga
karaniwang estudyante sa gitna ng mga kaguluhan at kalituhan. Suriin natin ang himagsik ng kanilang pag-ibig at ang
kapangyarihan ng matibay na pananalig.
 
Himagsik ng Pag-ibig at Kapangyarihan ng Pananalig
Kabanata XXI-XXX
 
Isang malaking pagtatanghal sa Teatro Variadades ang umagaw ng atensiyon ng kalakhang Maynila. Ipalalabas kasi ang
isang operang pinamumunuan ng pangkat ni Mr. Jouy. Nagkaubusan ng tiket dahil halos lahat ay gustong masaksihan
ang palabas kaya ikapito pa lamang ng gabi ay wala nang mabili. Ipinakilala ng sinong kabanatang ito ang iba't ibang uri
ng tao sa Maynila, ang kanilang mga ugali at paraan ng pamumuhay. Gaya ni Camaroncocido, isang Kastila ngunit kaiba
sa kaniyang mga kalahi, nagsusuot siya ng gula-gulanit na damit. Kabaligtaran naman si Tiyo Kiko, isang Pilipinong higit
na mas maayos ang bihis, nakasuot ng lebita at sombrerong de-kopa. Naroon din sa umpukan sa labas ng teatro si Tadeo
kasama ang isang kababayan. Ipinakikila niya sa mga kaharap ang kahit na nagdaraan na animo'y kilalang-kilala niya ang
lahat. Ang kasama niyang baguhan ay paniwalang-paniwala sa pambobola niya. Naroroon din si Ben Zayb na kritiko ang
tawag sa sarili. Makikita rin ang mga mag-aaral na sina Makaraig, Pecson, at Sandoval na naroroon sa ibang kadahilanan.
Nahati ang opinyon ng Maynila sa naturang palabas. May mga sumasang-ayon gaya ng mga opisyal ng hukbo, kawani at
matataas na empleyado. Tumututol naman si Don Custodio, ang mga prayle at ang mga babaeng may kasintahan at
asawang natatakot mahumaling sa naggagandahang artista.
 
Ipinahayag na sisimulan nang ikawalo at kalahati ang pagtatanghal ngunit labinlimang minuto bago mag-ikasiyam ay
hindi pa itinataas ang telon. Wala pa kasi ang kaniyang Kataas-taasan at bakante pa ang ilang palko. Naiinip na ang mga
naroroon. Kabilang sa mga naroon ang mga estudyanteng nakaupo sa palkong katapat ni Pepay na kanilang kinasapakat
upang mapapanig si Don Custodio na naparoon din upang husgahan ang opereta. Hindi naman nagkamali sina Makaraig
at ang kaniyang mga kasama dahil tiniyak maging ni Sandoval na iginawad sa kanilang panig ang pasiya. Binati nina
Sandoval at Makaraig ang isa't isa liban kay Isagani na bahagya lamang ngumiti. Nakita kasi niya si Paulita na kausap si
Juanito Pelaez gayong napagkasunduan nilang dalawa na siya muna ang pupunta sa teatro upang alamin kung walang
anumang mahalay sa palabas.
 
Sa pag-uutos ni Padre Salvi na tiktikan ang palabas, pinapunta nito si Padre Irene na hindi naitago ang sarili ng kaniyang
huwad na bigote na agad nakilala nina Tadeo at Sandoval. Samantala, hindi nakapunta sa teatro si Simoun. Ayon sa
kaniyang mga katulong, umalis siya ng bahay nang ikapito ng gabi kasama ang iba-ibang tao. Ikawalo nang makasalubong
siya ni Makaraig na naglalakad sa kalye Ospital, malapit sa kumbento ng Sta.Clara. Kasalukuyang tinutugtog noon ang
agunyas ng batingaw ng simbahan. Nang ikasiyam ay nakita siya ni Camaroncocido sa tabi
 
ng teatro na nakikipag-usap sa isang mukhang estudyante na bigla ring nawala. Tulad ni Simoun, hindi rin pumunta si
Basilio sa teatro. Ayon kay Makaraig, matapos magbalik buhat sa San Diego upang tubusin sa paninilbihan ang
kasintahang si Juli, hinarap ni Basilio ang mga aklat. Sinisikap niyang gamutin si Kapitan Tiago sa sakit nito na noo'y
lumulubha.
 
Sa gitna ng katahimikang namayani sa bahay ni Kapitan Tiago, narinig ni Basilio ang marahang mga yabag sa hagdanan
na papalapit sa kinaroroonan niya. Nakita niya sa malaking pagtataka, lumitaw ang mapanglaw na anyo ng alaherong si
Simoun na agad kinumusta ang maysakit. Ipinaalam ni Basilio ang kalagayan ng matanda na tinugon naman ni Simoun.
Itinulad ito ni Simoun sa Pilipinas at gobyerno. Sa pagkakataong iyon, inalok ni Simoun si Basilio na sumama sa kanilang
gagawing himagsikan nang gabi ring iyon. Binalaan din niya ito na ituturing nilang mga kaaway ang sinumang hindi
tumulong gayong may maitutulong. Hindi man makapagpasiya nang sandaling iyon, itinanong ni Basilio kung ano ang
kaniyang gagawin. Itinakda siyang pamunuan ang pagliligtas kay Maria Clara na nasa kumbento ng Sta.Clara sapagkat
maliban kay Simoun, tanging siya ang higit na nakakikilala sa dalaga. Napabulalas ang binata nang malaman kung sino
ang kaniyang dapat iligtas. Ipinaalam niya kay Simoun na ang babaeng kaniyang binanggit ay namatay na nang alas-sais
ng gabi nang araw ding iyon. Namutla si Simoun dahil sa masamang balitang narinig. Hindi niya agad ito mapaniwalaan.
Ipinakita ni Basilio ang sulat ni Padre
 
Salvi na inihatid ni Padre Irene. Nang matiyak ni Simoun ang katotohanan, matulin niyang nilisan ang silid. Narinig ni
Basilio ang pagpanaog ni Simoun sa hagdan. Ang mga yabag niya ay hindi magkakapantay, natatalisod. Narinig din niya
ang isang nalulunod na sigaw mula kay Simoun. Natapos ang gabi sa isang kakila-kilabot na unos, isang unos ng ipo-ipo
at kulog na wala ni isang patak ng ulan.
 
Kinabukasan ng hapon matapos ang pagtatanghal, nagtagpo sina Isagani at Paulita sa Paseo de Maria Cristina. Kasama
ng dalaga sina Donya Victorina at Juanito. Sa pag-uusap ng magkasintahan, sinabi ni Isagani ang nakikini-kinita niyang
nalalapit na pagbabago at pag-unlad sa kaniyang bayan. Ayon sa kaniya, sa madaling panahon ay magkakaroon ng mga
daang-bakal, daungan at hukbong dagat dahil sa lakas at sigla ng bayang nagigising pagkatapos ng daantaong
pagkakahimbing. Ngunit sinagot ito ni Paulita na ang mga pangarap niyang ito ay mga pangarap lamang.
 
Samantala, labing-apat na kabataan na mula sa iba't ibang panig ng kapuluan ang nagtipon-tipon sa Panciteria Macanista
de Buen Gusto nang sumunod na hapon. May mga Indio at peninsularna nagkaisang idaos ang bangkete. Ipinayo ni
Padre Irene ang nasabing pagdiriwang dahil sa nakikitang kalutasan ng usapin hinggil sa pagtuturo ng Kastila.
Nagtatawanan sila, nagbibiruan bagaman pilit ang kasiyahan. Inihandog nila ang mga pagkaing inihanda kina Don
Custodio, Padre Irene, sa mga prayle, sa gobyerno, at maging sa bayan. Hiniling ni Makaraig na magtalumpati si Tadeo
sapagkat alam niyang bihasang oradorang binata ngunit tulad ng dati, walang inihanda si Tadeo. Bumigkas siya mula sa
pahayag ng presidente ng Liceo na agad namang pinutol ni Sandoval. Hinilingan ding magsalita si Pecson na tinumbok
ang mahalagang papel ng prayle sa buhay ng taumbayan. May nakapansing tinitiktikan sila ng mga tauhan ni Padre
Sybila.
 
Walang kaalam-alam si Basilio sa hapunang nangyari nang sinundang gabi. Kinabukasan, maaga siyang nagbangon at
nagtungo sa ospital upang dalawin ang kaniyang pasyente. Pumunta siya sa Unibersidad pagkaraan upang mag-usisa sa
lisensiyatura at makipagkita kay Makaraig para sa kakailanganin niyang panggastos. Habang nalilibang sa ganoong isipin,
hindi niya napansin ang mga pangkat ng estudyanteng maagang nag-uuwian, balisa, paanas na nag-uusap at
nagpapalitan ng mahihiwagang senyas. Nalaman ni Basilio mula sa isang katedratiko ng klinika ang mga pangyayari.
Pinayuhan siya nitong itapon ang anumang makasasamang papeles na may kinalaman sa asosasyon ng mga estudyante.
Sinasabing may natagpuang mga subersibong paskin na ibinintang sa mga nagsama-samang estudyante nang
 
nagdaang gabi. Ipinadala ng Bise Rektor ang mga paskin sa Pamahalaang Sibil na hitik sa pagbabanta, pagpugot,
pananalakay, at iba pang pagtatapang-tapangan. Nagpatuloy si Basilio sa bahay ni Makaraig upang manghiram ng pera
ngunit pagdating doon, may mga guwardiya sibil na sumalubong at maging siya ay dinakip.
 
Sa kabilang dako, sa pagtatalumpati ni Isagani sa harap ng mga kaibigan, ipinatawag siya ni Padre Fernandez, isang
katedratiko ng mataas na kurso. • Itinuturing siya ni Isagani na iba sa binabatikos na mga prayle. Sa paghaharap nila,
sinabi ng prayle na narinig niya itong nagtalumpati kaya ipinatawag siya upang kausapin. Nagkaroon ng mahaba ngunit
mahalagang pag-uusap ang dalawa. Ilan sa mga ito ay may kinalaman sa inaasal ng mga estudyante, mga tungkulin at
pananagutan ng mga estudyante, karunungan at edukasyon at usaping may kinalaman sa pamahalaan at simbahan.
Malaya namang nakapagpahayag ang bawat isa ng kanilang mga pananaw at kuro-kuro. Umalis ang binata sa tanggapan
ni Padre Fernandez. Nalungkot ang pari sa naging daloy ng kanilang pag-uusap. Nahahabag siya sa maaaring sapitin ni
Isagani. Higit siyang nalungkot nang marinig ang tinig ng binata mula sa ibaba habang sinasabi sa isang kasama na
pupunta siya sa kuwartel upang tingnan ang mga paskin. Makikiisa siya sa mga estudyanteng hinuli. Para sa pari, isang
hakbang iyon ng pagpapakamatay ngunit labis na hinangaan ng pari ang katapangang ito.
 
Samantalang nagkakagulo ang buong Maynila dahil sa mga balita ukol sa paskin, ilang pangyayari sa mga piling tauhan
ang isinalaysay. Dahil sa takot, ipinagbawal ni Quiroga ang pagpasok ng mga hindi kilalang tao sa kaniyang pasugalan.
Ipinasara niya ang tindahan at nagtungo sa bahay ni Simoun na hindi naman siya hinarap dahil sa malubhang
karamdaman. Nagtungo na lamang siya kay Don Custodio upang sumangguni kung marapat bang armasan ang tindahan
niya ngunit ayaw ring tumanggap ng bisita ng ginoo. Nagkakagulo ang kalakhang Maynila ukol sa iba't ibang haka-haka at
pagkalat ng masasamang balita. Ayon sa ilan, may mga grupo ng estudyanteng mula sa San Mateo ang nagtangkang
dumukot sa Kapitan Heneral. Nagtungo si Padre Irene sa bahay ni Kapitan Tiyago upang balitaan ito. Dahil sa
pagkabilanggo ni Basilio at paghahalughog sa tahanan ng maysakit, lalong lumubha ang kalagayan nito na dinagdagan pa
ng mga dala dalang balita ng pari. Dala ng matinding takot, nanginig, hindi nakapagsalita, napamulagat, nagpawis ang
noo at namatay nang nakadilat ang kaawa-awang si Kapitan Tiyago. Hintakot na tatakas sana si Padre Irene ngunit
namatay na nakakapit ang matanda sa bisig niya. Nakaladkad ang bangkay hanggang sa
 
gitna ng silid. Nagsara ang ilang tindahan habang ang mga bahay, maaga pa'y nagsipagsarado na. Isang balita pa ang
kumalat. Nahuli si Tadeo habang si Isagani ay kusang nagpahuli dahil sa pakikisama. Si Simoun ay napabalitang
nagkasakit na ikinalungkot pa ng ilan.
 
Sa mga huling sandali ni Kapitan Tiyago sa lupa, binigyan siya ng isang marangal na libing sa pamamahala ni Padre Irene
na nagsilbing tagapamahala ng mga naiwang yaman ng matanda. Binigyan ng bahagi ang Sta. Clara, ang Papa, ang
Arsobispo, at ang korporasyong relihiyoso at nag-iwan ng dalawampung piso para sa matrikula ng mga dukhang mag-
aaral. Ayon kay Padre Irene, binawi raw ni Kapitan Tiyago ang pamana kay Basilio dahil sa kawalan nito ng utang na loob.
Ngunit, ayon din sa pari, dahil nahabag siya sa binata, binigyan niya ito ng dalawampu't limang piso na galing umano sa
sarili niyang bulsa. Samantala, sa bahay ng yumao, naging usapan naman ang himalang pagpapakita nito sa mga mongha
sa sandali ng paghihingalo. Nakita raw ang kasuotan nito at maging ang pakikipagsabong umano ng dating Kapitan kay
San Pedro. Dahil sa magarang libing ni Kapitan Tiyago, nainggit ang mga katunggali niyasa pagiging deboto lalo na si
Donya Patrocinio. Ninais na ring mamatay ng matandang babae upang mahigitan ang libing ni Kapitan Tiyago.
 
Mabilis na kumalat sa bayan ng San Diego ang dalawang balita, ang pagkamatay ni Kapitan Tiyago at ang pagkabilanggo
ni Basilio. Mas dinamdam ng mga karaniwang mamamayan sa nayon ang huling balita. Labis din itong ikinalungkot ng
mga kakilala ngunit ikinatuwa ni Hermana Penchang na dating amo ng kaniyang kasintahang si Juli. Labis na dinamdam
ng hermana ang pagkakatubos kay Juli kaya't galit na galit siya kay Basilio.
 
Ibinalita ni Hermana Bali kay Juli ang sinapit ni Basilio. Hinimatay ang kaawa-awang dalaga. Nang balikan siya ng malay,
tahimik na umiyak at inisip ang kalagayan ng kasintahan. Alam niyang wala na itong ibang malalapitan dahil wala na si
Kapitan Tiyago. Alam ng lahat na kakailanganin ng binata ng padrino upang makalaya. Iniwasan niyang lumapit kay Padre
Camorra na siyang lumakad sa pagpapalaya sa kaniyang Lolo Selo. Batid niyang hindi ito nasisiyahan sa simpleng
pasasalamat lamang. Alam ng lahat na mahilig sa babae si Padre Camorra at ayaw niyang mahulog sa bitag nito. Nawala
ang ningning ng mata ng dalaga. Lumapit sila ni Hermana Bali sa eskribyente at Juez de Paz, ngunit walang nagawa ang
mga ito. Itinuro ng dalawa si Padre Camorra na makapagliligtas kay Basilio ngunit nagmatigas pa rin ang dalaga dahil sa
takot sa maaaring maganap sa paglapit sa kura.
 
Isa pang masamang balita ang dumating. Ipatatapon si Basilio sa Carolinas. Dahil wala nang ibang magagawa, nagpasama
na si Juli kay Hermana Bali kay Padre Camorra upang humingi ng tulong. Litong-lito man, inaliw niya ang sarili,
nagpabago bago ang kaniyang isip, ngunit napilitan pa rin siyang lumapit sa kura. Nang gabing iyon, isang nakagigimbal
na sigaw ang narinig sa labas ng kumbento mula sa isang matandang babaeng animo nababaliw. Matapos iyon, may
isang dalagang tumalon mula sa bintana ng kumbento, bumagsak sa batuhan at namatay. Pagkaraan, isang matandang
lalaking buhat sa nayon ang kumatok nang kumatok sa pinto ng kumbento. Panay ang ungol sapagkat hindi
makapagsalita. Itinaboy ang matanda at umuwi ito sa kaniyang nayon. Sa kalaliman ng gabi, narinig ang pagpalahaw ng
matandang lalaking ito na parang bata.
 
Salitang Hiram sa Wikang Espanyol
 
1. hermana - kapatid na babae; karaniwang ginaga mit sa pagtukoy sa mga babaeng aktibo sa gawaing
pansimbahan
2. opereta - isang maikling pagtatanghal na karaniwang may pabiro o nakatatawang mga eksena
3. liceo - isang paaralang naghahanda sa mga estudyante sa mas mataas na pag-aaral na akademiko
4. Teatro Variadades - isang tanghalang nagpapalabas ng sari saring programang nang-aaliw sa mga manonood
5. kuwartel - isang gusali kung saan nakatira at may tanggapan ang mga sundalo ng pamahalaan
 
 
Mga Salitang Naghahambing
 
Sa paghahambing ng magkakaibang tao o bagay, mahalagang matiyak ang pagkakaiba at pagkakapareho ng mga
ilalarawan. Balik-aralan natin ang mga salita at pariralang ginagamit sa paghahambing.
 
1. Paghahambing na Magkatulad. Ginagamit ito kung ang dalawang pinaghahambing ay may patas o pantay na
katangian. Ginagamitan ito ng mga panlaping kasing-, sing-, magsing-, magkasing- o kaya ay ng mga salitang
gaya, tulad, paris, kapuwa at pareho.
 
Halimbawa:
 
a. Magkasintatag ng paninindigan ang mga pangunahing tauhan sa dalawang nobela.
 
b. Si Basilio ay gaya rin ni Simoun na nakikipagtunggali sa mga hamon ng buhay.
 
2. Paghahambing na Di-magkatulad. Ginagamit ito kung ang pinaghahambing ay may magkaibang katangian.
Dalawa ang uri nito:
 
a. Pasahol. Pasahol ang pang-uri kung ang inihahambing ay may mas maliit o mas mababang katangian.
Gumagamit ito ng mga salitang tulad ng di gaano, di-totoo, di-lubha, o di-gasino.
 
Halimbawa:
 
a.1. Di-lubhang mapusok ang karakter ni Crisostomo tulad ni Simoun.
 
a.2. Di-gasinong apektado ng masamang kapalaran si Isagani gaya ni Basilio.
 
b. Palamang. Ginagamit ang pahambing na palamang kung ang ikinokompara ay may mas mataas o nakahihigit na
katangian. Gumagamit ito ng mga salitang higit, lalo, mas, labis at di-hamak.
 
Halimbawa:
 
b.1. Di-hamak na matapat ang pag-ibig ni Juli kaysa kay Paulita.
 
b.2. Naniniwala akong higit namadamdamin ang nobelang El Filibusterismo kaysa sa Noli Me Tangere.
 

You might also like