You are on page 1of 3

AKO, ANG DAGAT AT ANG BASURA

Ni: Czarina D. Altea

Ituon ang paningin sa mga mata

Masisilayan ang katotohanan

Hindi sa ngiti ng mga labi

Nakangiti

Malaya ang mga paang inilapat sa dalampasigan

Dama ko ang malamig na tubig na dumarampi sa aking balat

Sa bawat hakbang,

bahagyang lumulubog ang mga paa sa buhangin ng dagat

Tahimik ang paligid

Tanging saliw lamang ng hangin na sumasagimbay sa akin ang maririnig

Payapa ang dagat

Tila ba isang natutulog na sanggol sa piling ng butihing Ina

Ngunit ang puso ko’y taliwas sa aking nakikita

Ito’y nagsusumigaw

Na walang tunog na maririnig

Ibinaling ang tingin sa dalampasigan

Kalungkutan ang aking nasilayan

Batid kong

Dalampasigan ay pagod na

Pagod sa paulit-ulit na pagsalo ng samo't saring basura


Nanlulumo akong naupo

Dinamayan sa kalungkutan ang pag-iisa ng dagat

Sa mga nakaumang na problema

Ang kaninang sariwang hangin

Ngayo’y nag-iba na

Nahaluan ito ng polusyon

Sanhi nang kawalang disiplina

Maraming basura ang kasama ko sa dalampasigan

Ang mga ito’y may klasipikasyon

NABUBULOK

Na pag-asang kalinisan ay makakamit

PLASTIK

Na pagtrato sa kalikasan

NARERESIKLO

Ngunit nananatiling bilanggo sa pag-iisa

Sa kabilang banda

Walang kasalanan ang mga basura

Sapagkat, wala itong mga paa upang pumunta sa itinalagang lugar na himlayan

Hindi ko rin masisisi ang mga alon ng dagat

Na paulit-ulit itinataboy ang mga basura patungong dalampasigan

Habang nagsusumamo ang dalampasigan

Dumaraing ito sa mabigat na pasaning dala


Bago ko lisanin ang dagat

Bahagya akong pumuwesto upang kumuha ng letrato

Pilit na mga ngiti ang nakarehistro sa larawan

Makikita ang repleksyon ng kapaligiran sa aking mga mata

Ang palumpon ng basura’y nakatingin sa akin

Gayon din ang malalaking alon ng dagat

Alam ko ang kanilang nais

HUSTISYA

Ako at ang nakangiti sa larawan ay nagkatinginan

Mata sa mata

Taliwas ang mata sa ipinapakita ng mga labi

May lungkot sa mata ng aking kaharap

Ito’y kasing lungkot ng hangin at ng dagat

Ngunit mas mababanaag dito ang kumikislap na pag-asa

Kagyat kong napagtanto

AKO

Ang hinihintay ng dagat at ng basura

Ang aking pagkilos

Ang pagtalima

Ang respeto

At disiplina

Kaya IKAW

MAG-ISIP KA

Maaari bang samahan mo akong tuparin

Ang pinakamimithi ng dagat na…

PAG-ASA

Uri ng Teoryang Pampanitikan: IMAHISMO/REALISMO/MARKSISMO

You might also like