You are on page 1of 3

DUGO ANG INILULUHA NG MGA BULAKLAK

Tula ni Ka Rogelio Ordonez


Musikang Daglian ni Joel Costa Malabanan
Ika-7 ng Abril, 2016 10:15 ng Gabi

namumulaklak na ang cadena de amor

sa lapidang lata ni ka pedrong magsasaka

na pumanaw na ang plema'y kasingpula ng gumamela

sa bawat pagdahak kung umaga

kulubot ang mukha't maalipunga ang paa.

ilang gabi rin siyang pinaglamayan

ng mga alitaptap sa punong akasya

tinangisan ng uugud-ugod na kalabaw

sa lilim ng punong mangga

inalayan siya ng kapeng barako

ng galyetas at biskotso

beninditahan ng sampagita't ilang-ilang

at ng mga luha ng kandila ng kaalipinan.

kupasing pantalong maong

polong pinaglaruan ng panahon

at mga alaala ng abuhing kahapon

ang kasama niyang ibinaon

sa piling ng itim na daigdig ng palotsinang kabaong.


nakaluhod ngayon ang araro

sa silong ng bahay kubo

nagdarasal sa pilapil ang talahib at amorseko

sa tarundon at tumana ay nalugmok ang pag-asa

sa pagyao ni ka pedrong magsasaka

agunyas sa karimlan ang awit ng mga maya

hininga ng dapithapo'y kasingsangsang ng pulbura

mga buhay na kalansay sa bukiri'y naglipana

mga nota ng araro hinihimig ay plegarya.

dugo ang iniluluha ng mga bulaklak

sa bawat paghibik ng buong magdamag

sa mga bukiring adhika'y naglatak

kailan itititik ng talim ng tabak

sa dibdib ng lupa ang layang mailap?

kailan aanihin ng lingkaw at karit ang laksang pangarap

upang di dugo ang siyang iluha ng mga bulaklak?

matagal nang naglalaba't naglalampaso

ang anak na dalaga ni ka pedro

sa mansiyon ng propiyetaryo!

dugo ang iniluluha ng mga bulaklak

sa bawat paghibik ng buong magdamag

sa mga bukiring adhika'y naglatak


kailan itititik ng talim ng tabak

sa dibdib ng lupa ang layang mailap?

kailan aanihin ng lingkaw at karit ang laksang pangarap

upang di dugo ang siyang iluha ng mga bulaklak?

You might also like