You are on page 1of 2

Aralin 8: TULA

Ang tula ay isang akdang pampanitikang naglalarawan ng buhay, hinango sa guniguni, pinararating
sa ating damdamin, at ipinahahayag sa pananalitang may angking aliw-iw. Ito ay naiiba sa ibang sangay ng
panitikan sapagkat ito ay nangangailangan ng masusing pagpili ng mga salita, pagbilang ng mga pantig, at
paggamit ng magkakatugmang salita upang madama ang isang damdamin o kaisipang nais ipahayag ng isang
manunulat.

Mga Elemento ng Tula

1. Sukat- Isang mahalagang elemento ng tula ay ang sukat o ang bilang ng mga pantig sa bawat
taludtod ng saknong. Karaniwang gamitin ang labindalawa, labing-anim, at ang labingwalong pantig.
Tunghayan ang halimbawa sa ibaba.

I / pa / han / dog / -han / dog / ang / bu / ong / pag / -i / big


1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12
At / hang / gang / may / du / do’y / u / bu / sing / i / ti / gis
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12
Kung / sa / pag / ta / tang / gol / bu / hay / ay / ma / pa / tid
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12
I / to’y / ka / pa / la / ran / at / tu / nay / na / la/ ngit.
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12

2. Tugma- Isa sa pinakamahalagang elemento o sangkap ng tula ay ang pagkakaroon ng pare-


parehong tunog sa dulo ng mga panghuling salita ng taludtod.Tinatawag itong tugma. Ang
panghuling pantig sa dulo ng taludtod ay maaaring nagtatapos sa patinig at binibigkas nang mabilis,
malumanay, o may impit sa lalamunan. Ito ay may dalawang uri. Ito ang tugmang ganap at di-ganap.

A. Ganap ang tugma kapag magkakapareho ang tunog o titik ng huling salita sa bawat
taludtod.
Halimbawa:
Bakit? Alin ito na sakdal ng laki
na hinahandugan ng buong pagkasi,
na sa lalong mahal na nakapangyayari
at ginugugulan ng buhay na iwi?

B. Di-ganap ang tugma kapag magkapareho lamang ng tunog ang huling salita sa bawat
talutod, ngunit magkakaiba ang titik.
Halimbawa;
Walang mahalagang hindi inihandog
ng mga pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo,yaman, dunong, katiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

3. Talinghaga ( Paggamit ng Tayutay )


Ito ay sadyang paglayo sa paggamit ng mga pangkaraniwang salita upang maging kaakit-akit
at mabisa ang pagpapahayag. Ang mga sumusunod ay uri ng patalinghagang salita.

A. Pagtutulad (Simile) -paghahambing ng dalawang magkaibang bagay na ginagamitan ng


mga pariralang katulad ng, gaya ng, at iba pa.
Halimbawa: Bayang Pilipinas katulad ng mamahaling hiyas
Ang iyong kalayaan ay ingatan kapag ito’y namalas

B. Pagwawangis (Metaphor)-Naghahambing din ito tulad ng pagtutulad ngunit ito ay


tiyaking naghahambing at hindi gumagamit ng pariralang tulad ng, gaya ng, at iba pa.
Halimbawa: Ang Pilipinas ay perlas sa kagandahan.
C. Pagmamalabis (Hyperbole) lubhang pinalalabis o pinakukulang ang tunay na kalagayan
ng tao, bagay o pangyayari.
Halimbawa: Bumaha ng dugo
nang ang bayan ay lumaya

D. Pagbibigay-katauhan (Personification)- pagbibigay-katangian ng isang tao sa isang


bagay na walang buhay.
Halimbawa: Ang baya’y umiiyak dahil ito’y may tanikala.

E. Pagpapalit-saklaw (Synechdoche) -Ito ay pagpapahayag sa pamamagitan ng


pagbanggit sa bahagi bilang pagtukoy sa kabuoan.
Halimbawa: Maraming puso ang nadurog
Nang ang Pilipinas ay masakop.

F. Pagtawag (Apostrophe)-Ito naman ay ang tila pakikipag-usap sa karaniwang bagay na


malayo o wala naman.
Halimbawa: O aking Bayan, ang kaunlaran mo,
ang madalas sa Diyos isinasamo.

G. Pag-uyam (Irony)-Ito ay isang pangungutya sa pamamagitan ng paggamit ng mga


salitang kapuri-puri ngunit kabaligtaran naman ang kahulugan.
Halimbawa: Ang ating bayan ay malaya,
Kaya’t mga dayuhan ang namamalakaya.

4. Larawang-diwa (Imagery)- Ito ay mga salitang binabanggit sa tula na nag-iiwan ng malinaw at tiyak
na larawan sa isipan ng mambabasa.
Halimbawa:
Kung ang bayang ito’y mapapasa-panganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik,
ang anak, asawa, magulang, kapatid,
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

5. Simbolismo (Symbol)- Ito ang mga salita sa tula na may kahulugan sa mapanuring isipan ng
mambabasa.
Halimbawa:
puno- buhay
ilaw- pag-asa
tinik-pagsubok/hirap
Bathala- Panginoon

6. Kariktan- Ayon kay Julian Balmaceda, maaaring bigkasin ang isang hanay-hanay ng mga talatang
tugma-tugma ang mga dulo at sukat-sukat ang mga bilang ng pantig ngunit di pa rin matatawag na
tula kung hindi nagtataglay ng kariktan. May mga tulang walang sukat at tugmang sinusunod subalit
matatawag pa ring tula sapagkat pilimpili ang mga salita, kataga, imahe o larawang-diwa, tayutay o
talinghaga, at mensaheng taglay na siyang lalong nagpapatingkad sa katangian nito bilang tula at
pumupukaw sa mayamang imahinasyon.

You might also like