You are on page 1of 11

Week 1

Unang Markahan - Unang Linggo


Pagpapahalaga at Mga Aral: Susi ay ang Pamilya

Pamilya ang tawag sa pinakamaliit na pangkat sa lipunan. Lahat ng tao ay may pamilyang
kinabibilangan. Ito ang itinuturing nating pinakamalapit nating kapuwa dahil dito umiikot ang ating mundo
lalo na ng isang kabataan na tulad mo. Ito ang naghuhubog sa pagkatao ng isang indibidwal. Dito rin
sumisibol ang isang huwarang mamamayan. Kung kaya’t napakahalaga ang turing natin sa ating pamilya.
Kagiliw-giliw pag-usapan ang tungkol sa ating pamilya. Bilang isang Pilipino, may malaking
puwang sa puso at isipan ang ating pamilya. Sa pamilya natututuhan ang lahat ng mga pagpapahalaga na
kakailanganin sa buhay ng isang tao lalo na sa kanyang pakikipag-ugnayan sa araw-araw.
Sa loob ng pamilya unang natututuhan ng bawat indibidwal ang iba’t ibang mga pagpapahalaga na
makatutulong upang mahubog ang kaniyang pagkatao. Ang pagiging mabuting tao ng isang indibidwal ay
nakasalalay sa paraan ng pagpapalaki ng mga magulang.
Ang mga mabubuting halimbawa at impluwensiya ng mga magulang ang magsisilbing gabay ng mga
anak sa kanilang pamumuhay sa araw-araw. Ang mga magulang ang ibinigay na instrumento ng Diyos
upang tayo ay mabuhay at mamuhay nang tama.
Maraming layunin ang pamilya, ang ilan sa mga ito ay ang pangalagaan, palakihin nang tama, at
turuang maging responsableng indibidwal ang lahat ng kanilang kasapi lalo na ang kanilang mga anak.
Ang susi sa isang matatag na pamilya ay nagmumula sa mga pagpapahalagang dapat na ituro sa loob
ng tahanan.
Simulan ang paglinang sa isip at puso ng mga anak mula sa pagkabata, dapat ay maging sagana ang
kaniyang kamusmusan sa pagmamahal, pag-aaruga, pag-aantabay, at pagsusumikap na mabigyan ng
magandang kinabukasan ang mga anak sapagkat nakasalalay ang pag-asa ng isang maunlad na bansa sa
maayos na pagpapalaki ng magulang sa anak.
Kung ang bawat isa sapamilya ay nagmamahalan, sabay-sabay sa pagdarasal at pagsisimba,
nagkakaroon ng oras para sa isa’t isa ay kapupulutan ng aral at positibong impluwensiya ng bawat
miyembro.
Narito ang ilang gawain na maaaring kapulutan ng aral o positibong impluwensiya at magpapaunlad
ng pagmamahalan, pagtutulungan, at pananampalataya:
1. Bukas na komunikasyon
2. Pagkakaroon ng pagmamahalan at paggalang
3. Matatag na pananampalataya sa Diyos
4. Buong pusong ginagampanan ang tungkulin
5. Pagkakaroon ng disiplina
6. Pagpapakita ng mabuting halimbawa
7. Magsabi ng anumang positibong sa bawat miyembro araw-araw
Maraming mga gawi ang kailangang paunlarin sa loob ng pamilya upang makalikha at kapulutan ng
mga aral at positibong impluwensiya ng bawat kasapi. Kung mayroong bukas na komunikasyon sa loob ng
pamilya, anumang pagsubok ang dumating ay madaling masosolusyunan. Kung may paggalang, walang
alitan, hindi pagkakaunawaan at hidwaan ang sisira sa ugnayan ng bawat isa. Iparanas kung paano mahalin
upang ganap na matutuhan kung paano ang magmahal.
Ang pagmamahalan, pagtutulungan, at pananampalataya ay mga birtud na dapat taglayin sa loob ng
pamilya. Kung lahat ng mga miyembro ay nagkakaisa sa pagsasabuhay ng mga ito ay makatutulong sa
paghubog ng mga positibong impluwensiya sa bawat miyembro na magagamit sa makabuluhang
pakikipagkapuwa.
Kung tama at mabuti ang naipunlang karanasan at gawi sa mga miyembro ng pamilya magiging
maganda din ang ibubunga nito. Sabi nga sa Kawikaan 22:6, “Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang
lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.” Lahat ng mga aral at positibong
impluwensiya na napulot sa mga karanasan at gawi sa loob ng pamilya ay dadalhin ng mga bata hanggang sa
kanilang paglaki.

1
Week 2
Unang Markahan - Ikalawang Linggo
Pagmamahalan at Pagtutulungan: Pagtibayin
Ang pamilya bagamat itinuturing na pinakamaliit na institusyon sa lipunan ay masasabing mayroong
pinakamahalagang papel na ginagampanan sa buhay ng isang indibidwal. Ito ang dahilan kung bakit
sinasabing ang pamilya ang itinuturing na una at pinakamahalagang bahagi ng lipunan.
Ang pakiramdam na ligtas at payapa ka sa pamilya ang magbubuklod ng ugnayan sa bawat isa na
humarap sa mga pagsubok na dumarating sa buhay. Gayon din sa pamilya makakaramdam ng
pagmamahalan at pagtutulungan. Mahalaga na mapagtibay ang mga ito upang mas mapatatag ang pamilya
sa mga gawi na dapat isagawa ng bawat kasapi. Mapagtitibay at malilinang lamang ang mga gawing ito
kung isinasabuhay ang mga angkop na kilos sapagpapakita ng pagmamahalan at pagtutulungan sa pamilya.
Ang pamilya ay natural na institusyon ng pagmamahalan sapagkat dito nagsisimulang matuto ang isang
indibidwal kung paano ang magmahal. Ang pamilya bilang orihinal na paaralan ng pagmamahal ay
binibigyang-halaga nito ang mga kasapi ng importansiya. Sa pamilya ipinaparanas sa tao kung paano
mahalin upang ganap na matutuhan kung paano ang magmahal. Ito ang kauna-unahang lugar kung saan
natututuhan ng tao ang tunay na kahulugan ng pagiging tao – ang isang tao na binibigyang halaga para sa
kaniyang sariling kapakanan at nakakamit ang kaganapan sa pamamagitan lamang ng matapat na pag-aalay
ng sarili para sa kapuwa.
Hindi lamang naipapakita ang pagmamahal sa pagbibigay ng mga materyal na bagay kundi sa mga
pagpapahalaga. Ito ay hindi lamang mararamdaman at makikita ang pagmamahal sa loob ng tahanan maaari
ring maramdaman ito sa Panginoon at kapuwa.
Naipapakita at naipadarama ang pagmamahalan kung naisasagawa ang mga angkop na kilos tulad ng
mga sumusunod:

1. Paggalang sa bawat isa.


Isa sa mga utos ng Dakilang Lumikha ay ang igalang ang kasapi ng pamilya. Kung nagagawang
igalang ang bawat isa, tanda lamang na may pagmamahal ka sa iyong pamilya. Sabi nga sa Mateo 16:16
”Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili”.

2. Maglaan ng oras at panahon sa pamilya.


Ang “oras at panahon sa pamilya” ay isang mahalagang paraan upang mapagtibay ang relasyon ng
bawat isa sa pamilya. Ang paggawa sa mga gawaing bahay kagaya ng paglilinis, paglalaba, pagluluto
kasama ang miyembro ng pamilya ay magandang oportunidad upang sulitin ang oras at panahon na
makapiling sila. Oportunidad din ito upang makipag-usap sa kanila sa mga bagay-bagay na nangyayari sa
araw-araw. Sa pamamagitan nito mas lalong napapalapit sa isa’t isa at tumatatag ang ugnayan sa kanila.

3. Pagtupad sa kanilang mga itinakdang alituntunin at mga ipinag-uutos.


Walang magulang na gustong mapahamak ang mga anak. Lahat ng ginagawa nila ay para sa
kapakanan ng mga anak. Kaya kung nagtakda ng mga alituntunin at may ipinag-uutos ang mga ito matutong
irespeto at huwag abusuhin. Sa pamamagitan nito naipapakita ang pagmamahal sa pamilya.

4. Humingi ng kapatawaran at matutong magpakumbaba.


Ang paghingi ng kapatawaran sa mga nagawang kamalian ay hindi kaduwagan kundi tanda ng
pagpapakumbaba. Walang taong perpekto, may mga pagkakataong tayo ay nakakagawa ng mga mali at
pagkakasala, walang masama rito, ang mahalaga ay tanggapin ang kamalian, iwasang maisagawa ulit at
handang magbago.

5. Pahalagahan ang mga kabutihang nagagawa ng bawat isa.

2
Napakasarap sa pakiramdam kung may pagpapahalaga ang pamilya sa mga nagagawang mabuti.
Ipadama na pinahahalagahan natin ang kanilang mga napagtagumpayan. Ang simpleng pagsabi ng
“mahusay ang iyong ginawa, ipinagmamalaki kita” ay ilan lamang sa pagpapakita ng pagpapahalaga sa mga
nagawang mabuti.
Kaakibat ng pagmamahal ay ang pagpapakita ng pagsuporta sa pamamagitan ng pagtutulungan.
Ang pamilya ay natural na institusyon dahil rin sa pagtutulungan. Ang pagtutulungan sa pamilya ay
natural na dumadaloy sapagkat isa ito sa nakagisnan at naituro sa bawat kasapi, ang tulong-tulong upang
mapabuti ang kalagayan ng bawat isa.
Anumang gawain ay napapadali kung may pagtutulungan. Sa pagtulong, laging tandaan na huwag
maghintay ng anumang kapalit. Kailangang maging bukal ito sa puso lalo na’t kung ito’y para sa pamilya.
Katulad ng ibang pagpapahalaga, ang pagtutulungan sa pamilya ay itinanim ng magulang sa kanilang anak.
Mula pa pagkabata ay tinuruan na silang magtulungan sa lahat ng bagay at sa lahat ng oras. Kaya naman
hanggang pagtanda ay dala-dala pa rin nila ito. Halimbawa, kapag nakikitang nahihirapan sa kalagayan sa
buhay ang isa sa kanilang kapatid, hindi mag-aatubiling tumulong ang bawat isa.

Ano-ano nga ba ang mga ankop na kilos upang lalong mapagtibay ang pagtutulungan sa pamilya?
1. Makiisa sa mga gawaing bahay
Mahalaga sa pamilya ang may pagkakaisa lalo na sa mga gawaing bahay. Kahit gaano karami ang
mga gawaing bahay kung may pagkakaisa ang bawat miyembro ay madaling matapos ang mga ito. Sabi nga
sa kasabihan sa Ingles “One for all, all for one”. Ang pagkakaisa ang susi sa mabilis at maayos na trabaho.

2. Pagsasakripisyo para sa kapakanan ng pamilya


Ang pagsasakripisyo para sa pamilya ay hindi lamang pananagutan kundi ito rin ay dedikasyon sa
bawat kasapi na magtulungan sa araw-araw na hamon ng buhay. Lahat ng miyembro ay may kakayahang
magsakripisyo at tumulong sa kani-kanilang mumunting paraan. Unahin at isipin muna ang pamilya bago
ang mga pansariling kagustuhan. Kung alam na mas higit na kailangan ng pamilya, matutong magparaya,
matutong magpaubaya.

3. Pagpapakita ng suporta sa bawat isa


Ang pagsuporta sa bawat isa ay nagpapakita ng pagtulong at pagmamahal. Nakapagbibigay ito ng
pag-asa lalo na sa mga kapamilya na may kahinaan at kakulangan. Ito ang paraan na magpapakita sa kanila
na sa bawat umaga ay may pag-asang masusumpungan.

4. Pagtulong na makamit ang minimithing pag-unlad ng pamilya


Bawat pamilya ay may mga pangarap, mithiin na mapaunlad ang kanilang pamilya. Bilang mga
kasapi ng pamilya, tumulong na maabot ang mga mithiing ito. Gumawa ng paraan sa abot nang makakaya.
Sinasabing ang pagmamahal ang pinag-uugatan ng lahat ng mga pagpapahalaga kagaya ng
pagtutulungan. Kung ang bawat isa ay nagmamahalan tiyak may pagtutulungan. Ayon nga kay Sto. Thomas
Acquinas, ang pagmamahal ay naipadarama hindi lamang sa salita kung hindi sa gawa. Ibig sabihin, bilang
tao ay napakahalagang pairalin ang pagmamahalan para magkaroon ng makabuluhang pakikipagkapuwa
ganun din ang pagkakaroon ng matatag at masayang ugnayan sa loob ng pamilya.

Week 3
Unang Markahan - Ikatlong Linggo
Ang Tatlong Pinakamahalagang Misyon ng Pamilya
Narinig mo na ba ang pahayag na “sirang plaka”? Ganito ilarawan ng ilang mga anak ang kanilang
magulang maging ng mga nakatatandang kapatid. Kung mapapansin, ang mga magulang at mga
nakatatandang kapatid, walang sawa kung magpaalala ang mga ito sa mga anak at nakababatang kapatid.
Naisip niyo ba kung bakit ganito sila sa inyo?

3
Napakahalagang magampanan ng magulang ang mga tungkulin na nakaatang sa kanila bilang
instrumento ng Diyos sa pagtupad ng mga napakahalagang misyon para sa mga anak. Tandaan, ang mga
anak ay itinuturing na regalo para sa pamilya. Kaya kailangang mahubog ng mga magulang ang paniniwala,
pagpapahalaga at mga gawi ng kanilang mga anak. Ang mga misyon katulad ng pagbibigay ng edukasyon,
paggabay sa pagpapasiya at paghubog ng pananampalataya ay itinuturing na pinakamahalagang misyon na
dapat maisakatuparan ng mga magulang.
Ikapitong dahilan kung bakit likas na institusyon ang pamilya ay ang pagkakaroon ng misyon nito sa
pagbibigay ng edukasyon, paggabay sa pagpapasiya at paghubog ng pananampalataya. Ito ang mga dahilan
kung bakit paulit- ulit ang mga paalala ng mga magulang maging ng mga nakatatandang kapatid sa kanilang
mga anak at kapatid. Ito rin ang pinakamagandang gantimpla o regalo na maaaring ibigay ng anak sa
kanyang mga magulang dahil ito ay nagsisilbing isa sa mga batayan upang masabi na naging wasto at
makabuluhan ang pag-aaruga, pagpapalaki at paggabay sa mga anak mula pagkasilang hanggang ito ay
humantong sa wastong gulang.
Subalit sa pagganap ng mga nasabing misyon ay hindi ganoon kadali. Maraming mga pagsubok at
banta ang maaaring kaharapin habang isinasakatuparan ang mga ito.

Pagbibigay ng Edukasyon
Bukod sa mahalin, arugain at ibigay ang mga pangunahing pangangailangan ng mga anak, gampanin
din ng magulang ang pagbibigay ng wastong edukasyon sa mga ito. Ang karapatan para sa edukasyon ng
mga bata ay orihinal at pangunahing karapatan. Ibig sabihin, pagsapit ng bata sa tamang edad ay kailangang
pag-aralin ang mga ito. Katuwang ng mga magulang ang institusyon sa lipunan na tinatawag na paaralan. Ito
ang lugar kung saan pinapaunlad ang kaalaman at hinuhubog ang iba’t ibang aspekto ng pagkatao ng isang
indibidwal. Kaakibat ng karapatan ng mga anak na ito ay ang tungkulin ng mga magulang na sila ay turuan.
Ito ang sinasabing dahilan kung bakit itinuturing na una at pangunahing guro ng mga anak ang kanilang mga
magulang.
Edukasyon ang tanging maipapamana ng mga magulang sa kanilang mga anak na magagamit nila upang
maging handa sa hinaharap. Ang misyon na ito ng mga magulang ay kailangang maisakatuparan nang buong
husay. Sa kasalukuyan, mahalagang handa ang mga anak na harapin ang mga iba’t ibang hamon ng buhay sa
gabay at tulong ng mga magulang. Isa ang edukasyon sa mga hindi naging ligtas sa mga bantang ito.

Ang ilan sa mga bantang ito ay ang mga sumusunod:


1. Kahirapan
Ito ang pinakamabigat at pinakamalalang banta sa pagganap ng pagbibigay ng edukasyon. Dahil dito
napipilitan ang mga magulang na pahintuin ang kanilang mga anak dahil hindi masusuportahan ang mga ito.
Maaaring mapagtagumpayan ang bantang ito kung may pagtutulungan at pagsasakripisyo ang bawat isa.
Ang magbebenipisyo kapag nakapagtapos ang mga anak ay ang buong pamilya kaya mahalagang maibigay
ang karapatang ito sa mga anak.
2. Masamang barkada o kaibigan
Isa sa mga banta na maaaring kaharapin sa pagbibigay ng edukasyon ay ang mga kaibigan. Maaari
itong makaimpluwensiya sa positibo o negatibong paraan. Malaki ang maaaring maging impluwensiya nito
sa buhay ng isang indibidwal. Subalit kung hindi tama ang mga napiling kaibigan ay maaaring makaapekto
sa pag-aaral ng isang bata. Kaya mahalaga na makakilala ng isang kaibigan na maaasahan, masasandalan,
malalapitan sa oras ng kagipitan at higit sa lahat makatutulong sa pagtupad ng mga pangarap.
3. Nasasayang na oras o panahon
Ang oras o panahon kapag nasayang o lumipas na ay hindi na muli pa itong maibabalik. Katulad ng
pera, ang oras ay limitado at napakahalaga. Maraming mga mag-aaral ang nalilihis ng pokus. Imbes na ituon
sa paggawa ng mga takdang-aralin, proyekto at pagrerebyu ay sa paglalakwatsa at paglalaro ng online
games ang pinagkakaabalahan. Kailangang gamitin ang oras nang tama at gugulin ito sa mga makabuluhang
bagay.
Paggabay sa Pagpapasiya

4
Maliban sa pagbibigay ng edukasyon, isa rin sa pangunahing dapat na maisakatuparan ng isang
indibidwal ay ang paggabay sa pagpapasiya. Makatutulong ito upang maging matagumpay, matiwasay at
may tiyak na patutunguhan ang isang tao.
Mahalagang sa murang edad pa lang ay maturuan na ang bawat isa kung paano ang magpasiya. Ituro sa
kanila kung bakit kailangang magpasiya nang tama at ano ang magiging kahihinatnan kung hindi tama ang
nagawang desisyon. Subalit sa paglipas ng panahon, nahaharap ang bawat isa sa mas mabigat na suliranin.
May mga pagkakataon na nakagagawa ng pasiya na pagsisisihan sa bandang huli. Tandaan, ang pagsisisi ay
bunga ng mga maling pagpili. At anumang kahihinatnan ng iyong ginawang pasiya ay ikaw lamang at
walang iba na dapat masisi.
Ang ilang mga banta kaugnay ng paggabay sa pagpapasiya ay ang mga sumusunod:
1. Kawalan ng oras at panahon sa mga anak
Ang kawalan ng oras at panahon para sa mga anak ay nangangahulugan ng kawalang paggabay sa
kanilang pagpapasiya. Madalas abala ang mga magulang sa pagtatrabaho kaya hindi na natututukan ang mga
anak kung nakakagawa ba sila ng tama o maling desisyon. Madalas nakakapagpasiya ang mga anak base sa
kanilang mga natutuhan sa kanilang mga nakakasama. Kaya nga kapag mali ang mga napulot na aral o turo
ay makagagawa ng mga maling pasiya ang mga anak.
Ang paglalaan ng oras at panahon sa mga anak ay napakahalaga. Tiyakin na kahit gaano kaabala ay
nakapaglalaan ng oras at panahon sa kanila upang matiyak na makagawa sila nang tama at mabuting
pagpapasiya.
2. Malayo ang loob ng isa’t isa
Ang pagiging malayo ng loob ng mga miyembro sa isa’t isa ang isa sa mga banta kung bakit hindi
nababantayan ang bawat isa sa paggawa ng pasiya. Nakahahadlang ito sapagkat hindi kailanman magsasabi
ng nasasaloob ang mga anak sa kanilang magulang maging sa ibang kasapi ng pamilya. Dahil dito, hindi
malalaman ng mga magulang kung ang mga anak ba ay nakagagawa ng tamang pasiya o hindi.
Bilang kasapi ng pamilya, maging bukas sa bawat isa upang magabayan nang tama at maiwasang makagawa
ng mga bagay na pagsisisihan sa huli.
3. Sobrang paggamit ng social media
Hindi maipagkakaila na sa panahon ngayon halos lahat ng bagay at mga impormasyon ay makikita
online. Bagamat maraming positibong naidudulot ito, mayroon ding mga masasamang epekto. At isa nga
rito ay hindi makatutulong sa pagkaroon ng magandang pagpapasiya lalong-lalo na sa mga bata. Hindi
nahihikayat ang mga batang mag-isip nang mabuti at pagsasaalang-alang sa mga bagay bago bumuo ng
desisyon.
Ang social media ay hindi magiging banta kung ituturo ang pagiging responsable sa paggamit nito.
Siguraduhing magtakda ng limitasyon sa paggamit nito.

Paghubog ng Pananampalataya
Kilala ang pamilyang Pilipino sa pagiging relihiyoso at maka-Diyos. Ang paniniwala at
pananampalataya sa Kaniya ang magiging sandigan upang hindi tayo mawalan ng pag-asa at hindi sumuko
sa mga pagsubok na dumarating sa buhay.
Sa pananampalataya humuhugot ng lakas ang mga magulang upang mapalaking maayos at puno ng
kagandahang asal ang mga anak. Sapagkat ang mga turo at utos ng Diyos ang magsisilbing gabay upang
mamuhay nang tama at mabuti ang isang nilalang.
Makatutulong din ang pananampalataya na makapagnilay ang pamilya sa mga maling nagagawa
kung saan nangingibabaw ang pagpapatawad nang may pagpapakumbaba.
Ang pangunahing makatutulong upang mahubog ang mga birtud ng pananampalataya ay ang mga
magulang. Ngunit ang paghubog na ito ay hindi madali sapagkat may mga banta na nagiging balakid. Ang
ilan sa mga banta ay ang mga sumusunod:

1. Kawalan ng tiwala sa Diyos


Marami ang mga nawawalan ng tiwala sa Diyos marahil sa mga pagsubok na dumarating sa kanilang
buhay. Hindi nila naisip na ang pagkakaroon ng tiwala sa Kaniya ay dapat na walang pag-aalinlangan
sapagkat sa pamamagitan nito ay maiingatan ang ating sarili gayundin ang pamilya sa mga hamon sa buhay.
2. Mga tukso at paggawa ng kasalanan

5
Ang mga tukso ay mga kasalanan na dapat iwasan at huwag gawin. May mga pagkakataon sa buhay
na hindi maiiwasan ang mga tukso at makagagawa ng mga kasalanan. Malalabanan ang mga ito sa
pamamagitan nang buo at matatag na pananampalataya. Walang maidudulot na kabutihan ang mga tukso
sapagkat dahilan lamang ang mga ito kung bakit nakagagawa ng kasalanan.
3. Kakulangan ng oras ng bawat kasapi ng pamilya
Isang banta sa paghubog ng pananampalataya ay ang kakulangan sa oras. Kapag ang bawat isa, lalo
na ng mga magulang, ay nawalan ng oras sa isa’t isa sa paghubog ng pananampalataya kagaya ng sama-
samang pagsisimba at pagdarasal, hindi matututukan ang mga kasapi, lalo na ang mga anak, na magsabuhay
ng kanilang pananampalataya. Pero kung ang bawat isa ay maglalaan ng oras para sa isa’t isa mas lalong
titibay ang relasyon nila.
Bagamat maraming mga banta ang kakaharapin ng pamilya sa pagtupad ng kanilang mga misyon, mahalaga
pa rin na masuri ang mga ito upang makahanap ng mga solusyon. Pagkakataon din ito upang mas lalong
patibayin ng pamilya ang kanilang ugnayan sa isa’t isa.

Week 4

Unang Markahan – Ikaapat na Linggo


Angkop na Kilos sa mga Gawi sa Pag-aaral at Pananampalataya: Isagawa

Ang pamilya ang pinakamaliit na yunit ng lipunan subalit ito ang may pinakamahalagang gampanin
sa buhay at pagkatao ng isang indibidwal. Napatunayan ang kahalagahan ng pamilya sa mga nagdaang
aralin. Sa pamilya, unang hinihubog ang magagandang katangian at pagpapahalaga ng isang tao at ang
bawat kasapi ay may tungkulin na dapat gampanan bilang kasapi ng kaniyang pamilya.
Isa sa pito at pinakamahalagang dahilan kung bakit tinaguriang likas na institusyon ang pamilya ay ang
pagkakaroon ng misyon ng pamilya sa pagbibigay sa edukasyon, paggabay sa pagpapasiya at ang paghubog
ng pananampalataya. Ito ang mga misyon na pangunahing dapat na magampanan ng mga magulang sa
kanilang mga anak. Mga misyon na hindi madali subalit sa tulong ng mga anak sa mga gagawing angkop na
gawi at kilos ay magiging maayos at makakamit ang tagumpay.
Ang mga anak ay napakahalagang regalo para sa pamilya. Kaya nga hindi lamang nagtatapos sa
ipanganak, bigyan ng makakain, maiinom at masusuot ang mga ito ng mga magulang kundi gampanan din
ang tungkulin na arugain, mahalin, pag-aralin, gabayan at hubugin ang pananampalataya nila.
Ang pagiging mapanagutan ng mga magulang ay nangangahulugang pagganap nang buong husay sa mga
tungkuling nakaatang sa balikat nila. Ang pagpasok sa buhay pamilya ay marami- raming mga hamon ang
haharapin at ilan nga sa mga ito ay ang pagbibigay edukasyon, paggabay sa pagpapasiya at paghubog ng
pananampalataya ng bawat kasapi ng pamilya.
Ang paghuhubog at pagpapaunlad sa mga wastong gawi sa pag-aaral at pagsasabuhay ng
pananampalataya ay nagmumula sa pamilya. Sa pagtupad ng mga ito, kailangan ang maayos na pakikipag-
ugnayan sa mga kasapi sa pamilya. Maisasakatuparan lamang ang mga ito kung ang sandigan ay ang mga
angkop na kilos sa pag-aaral at pananampalataya.
Ano-ano nga ba ang mga angkop na kilos na makatutulong sa pamilya pagdating sa pag-aaral at
pananampalataya?
Narito ang ilang mga angkop na kilos sa pag-aaral:
1. Maglaan ng oras
Mahalaga ang oras at panahon, kapag lumipas na ito hindi na muling maibabalik. Mahalaga ang
maglaan ng oras sa pag-aaral upang mapagtuunan ng pansin ang mga aktibidad na dapat gawin. Gumawa ng
timetable upang maplano nang tama ang oras at panahon.
2. Magtakda ng mga layunin
Kailangang magtakda ng sariling layunin sa pag-aaral. Mahalaga ito upang makita at masubaybayan
ang sariling pag-unlad sa pag-aaral at kung may natututuhan.
3. Makinig sa mga guro
Mahalaga ang pakikinig sa mga guro habang sila ay nagtuturo upang may matutunan sa mga aralin.
4. Umiwas sa mga sagabal
6
Ilaan ang oras at panahon sa pag-aaral. Iwasan ang mga bagay na magiging sagabal sa iyong pag-
aaral kagaya ng paglalaro ng online games, paglalakwatsa, at pasama sa mga barkada sa bisyo.
5. Pagiging aktibo sa klase
Lumahok sa talakayan ng inyong guro. Gumawa at magpasa ng mga pagsasanay at pagsusulit sa
takdang oras.
Malaki ang maitutulong ng mga angkop na kilos na ito sa pag-aaral. Lalawak ang iyong kaalaman at
magtatagumpay ka sa iyong mga minimithing pangarap kung hindi kinakalimutan ang pagsasagawa ng mga
nasabing angkop na kilos.
Kaakibat ng mga gawing ito, mahalaga na lakipan ng pagkapit sa Poong Maykapal. Kahit ano pang mga
pagsubok at tagumpay ang marating sa buhay mahalaga na humingi ng gabay sa Diyos.
Narito naman ang ilang mga angkop na kilos sa paghubog ng pananampalataya.
1. Sama-samang pagdarasal
Ang pagdarasal ay paraan upang makipag-usap sa Diyos. Mahalaga ito sapagkat nakatutulong ang
mga dasal sa pagpapatatag ng pamilya. Sabi nga sa kasabihang Ingles “The family that prays together stays
together.”
2. Pagbabasa at pagbabahagi ng mga salita ng Diyos
Napakahalaga ng mga salita ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ang sandata laban sa paggawa ng
mga kasalanan. Ito ang ating magiging gabay sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.
3. Gawing sentro ng buhay pampamilya ay ang Poong Maykapal
Kung ang sandigan ng pamilya ay ang Diyos at ang matibay na pananampalataya sa Kaniya
magreresulta ito sa matatag at matiwasay na pagsasama ng pamilya.
4. Magsimba kasama ang lahat ng miyembro ng pamilya
Ang pagsisimba ay nakatutulong din sa pagpapatibay ng samahan ng pamilya. Paraan din ito upang
makapagpasalamat at makapagpuri sa Dakilang Lumikha.
5. Pagsunod at pagsasabuhay sa mga utos ng Diyos
Mahalagang sumunod at isabuhay ang mga utos ng Diyos dahil ito ang magsisilbing gabay sa buhay.
Sa totoong buhay, hindi ganoon kadali ang pagsunod at pagsasabuhay ng mga angkop na kilos na ito,
maaaring sabihin na imposibleng maisagawa subalit kailangang pagsikapan na magampanan ang mga ito
nang buong husay. Malaki ang tulong ng mga angkop na kilos na ito sa bawat isa. Ito ang maghahatid at
tutulong sa pagkamit ng mga pangarap at mabuhay nang may takot sa Diyos.

Week 5
Unang Markahan – Ikalimang Linggo
Mga Uri ng Komunikasyong Pampamilya
Sa pamilya unang natuto ang isang indibidwal ng mga bagay-bagay maging ang pakikipag-ugnayan
at kung paano magsalita. Ibig sabihin ang mga unang salita natin ay sa pamilya natutuhan. Ang pamilya ang
nagpapaunlad sa kasanayan sa komunikasyon.
Ang komunikasyon ay mga simbolo na ginagamit ng mga tao sa pakikipag-ugnayan. Mahalaga ito
kahit saan mang aspeto ng buhay. Hindi posibleng mamuhay at makipag-ugnayan ang isang tao ng walang
komunikasyon, ng walang salita o wikang ginagamit.
Mapalad ang isang tao kung lumaki siya sa pamilyang may pagkakaunawaan. Naibabahagi kung
ano-ano ang kanyang mga ideya, opinyon at pangangailangan. Ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon
ay magiging susi upang magkaroon ng pagmamahalan, pagkakaisa at pagkakaunawaan sa pamilya.
Gayundin, kailangang matutuhan ang ibat’t ibang uri ng komunikasyon na makatutulong sa pamilya at ng
bawat isa upang mapaunlad at mahubog nang tama ang kaniyang pagkatao.
Gaano man kahirap, importanteng magkaroon ang pamilya ng komunikasyon. Kailangan ng bawat isa ang
mapakinggan, maunawaan at makausap. Kailangan nating may mapagsabihan ng mga nararamdaman, ideya,
opinyon, at problema.
Mahalagang masuri ng bawat miyembro ng pamilya ang mga karanasan sa pagkakaroon ng bukas o kawalan
ng komunikasyon sapagkat nakasalalay sa kanila ang magiging solusyon.

7
Ang kawalan ng komunikasyon sa pamilya ay nakaaapekto sa pakikipag-ugnayan ng bawat isa. Ito
ay isang napakahirap na hamon sa bawat pamilya. Maaaring magdulot ito ng away o samaan ng loob, hindi
pagkakaunawaan at paglayo ng loob sa bawat isa. Halimbawa nito sa isang pamilya na laging abala ang mga
magulang sa trabaho, nawawalan ng panahon na kumustahin at kausapin ang mga anak. Dahil dito
nawawalan ng mabuting koneksyon ang bawat isa.
Sa madaling salita, mahalaga ang bukas na komunikasyon sa pamilya. Ang pagkakaroon ng bukas na
komunikasyon sa pamilya ay nakatutulong upang magkaroon ng pag-uunawaan, pagkakaisa,
pagmamahalan, at pagtutulungan. Paraan din ito upang maipadama ang nasa isip o oipinyon at damdamin sa
bawat miyembro na kung saan ito ay magiging tulay sa maayos at matiwasay na pamilya.
Ang pamilyang may oras para sa isa’t isa ay naglalaan ng makabuluhang oras. Maaaring gawin ang
pagkukwentuhan habang nanonood ng telebisyon, sama-samang nagsisimba at namamasyal, sabay-sabay
kumakain at nagdadamayan sa tuwing may pagsubok na dumarating.
Ang komunikasyon ay makatutulong upang magkaisa subalit maaari ding makapag-wasak ng
pamilya kaya nga mahalagang matukoy at masuri kung anong mga uri ng komunikasyon ang kailangang
umiral sa pamilya.
Mayroong karaniwang mga uri ng komunikasyon, ang pasalita, pasulat, pasenyas, at paggamit ng
modernong teknolohiya.
1. Pasalita
Ito ang madalas na ginagamit upang makipag-ugnayan. May mga salitang lumalabas mula sa bibig
ng isang tao.
2. Pasulat
Ang pasulat ay ginagamit sa pagpapahayag ng nararamdaman sa pamamagitan ng pagsulat.

3. Pasenyas
Ito ay pagpapahayag ng damdamin sa pamamagitan ng paggamit ng mga senyas ng katawan tulad ng
mga body language, pagpalakpak, pagkindat, at marami pang iba.
4. Paggamit ng modernong teknolohiya/virtual
Komunikasyon na kung saan gumagamit ng iba’t ibang teknolohiya kagaya ng laptop, cellphone,
radyo, telebisyon, at iba pa.

Mayroon ding komunikasyong umiiral sa pamilya tulad ng consensual, pluralistic, protective at


laissez-faire na komunikasyong pampamilya.
1. Consensual na Komunikasyong Pampamilya
Ito ay uri ng komunikasyong umiiral sa pamilya na kung saan ay tinatanong ng magulang ang mga
anak subalit sila pa rin ang masusunod. Sa komunikasyong ito, kinukumbinsi ang anak na magsalita ng nais,
nararamdaman at mga iniisip subalit ang magpapasiya pa rin sa bandang huli ay ang mga magulang.
2. Pluralistic na Komunikasyong Pampamilya
Sa paraang ito mayroong bukas na komunikasyon na kung saan ang bawat miyembro ay hinihikayat
na magsabi ng kanilang mga ninanais, opinyon, ideya, pangangailangan, iniisip, at nararamdaman. At dahil
dito, anumang hidwaan at samaan ng loob ay madaling masosolusyunan.
3. Protective na Komunikasyong Pampamilya
Uri ng komunikayong pampamilya na hindi pinapahalagahan ang bukas na komunikasyon. Bihira
lamang ang pag-uusap ng bawat miyembro ng pamilya sa ganitong uri ng komunikasyon.
4. Laissez-Faire na Komunikasyong Pampamilya
Ito ang uri ng komunikasyon na kung saan ginagawa ng anak ang lahat ng kanyang gustong gawin.
Kaunti lamang ang kanilang oras pagdating sa pag-uusap. At dahil ginagawa lahat ng anak ang gusto niyang
gawin maging sa pagpapasiya ay gumagawa siya ng sarili niya. Mahirap makakuha ng suporta ang anak
mula sa mga magulang maging sa iba pang kasapi ng pamilya.
Bawat pamilya ay magkakaiba ng komunikasyong ginagamit, ang mahalaga ay ang pagkakaroon ng
bukas na komunikasyon upang mapatatag pa lalo ang ugnayan sa isa’t isa. Bagamat mahirap ang
pagkakaroon ng makabuluhang komunikasyon sa kasalukuyan, pagsikapan na mapairal at magkaroon ng
oras para rito.

8
Week 6
Unang Markahan – Ikaanim na Linggo
Angkop na Kilos na Magpapaunlad sa Komunikasyong Pampamilya
Ang tao ay nilalang ng Diyos na makabuluhan kaya nararapat ang pagpapahalaga sa isa’t isa. Dahil
dito, likas sa kaniya ang mamuhay nang may kapuwa. Hindi mabubuhay ang tao na nag-iisa, tinagurian
siyang panlipunang nilalang. Ang patunay na ang tao ay panlipunang nilalang ay ang kakayahan niya sa
pakikipagkomunikasyon. Ang komunikasyon ay paraan ng pakikipag-ugnayan sa pamilya at sa kapuwa. Ito
ang proseso kung paano maipapahayag ng bawat isa ang kanilang mga pangangailangan, ideya, opinyon, at
mga nararamdaman.
Ang pakikipag-ugnayan ay nagsisimula at nahuhubog sa pamilya. Ito ang magiging daan upang
malinang ang mga pagpapahalaga at mga mabubuting asal na natututuhan sa sariling pamilya. Habang
nakikipag-ugnayan ang isang tao mahalaga na alam niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng bukas na
komunikasyon at ang maaaring maging epekto kung wala naman ito.
Ang komunikasyon ay mga senyas o simbolo na ginagamit ng tao upang ipahayag ang kanyang
iniisip at pinahahalagahan, kabilang dito ang wika, kilos, tono ng boses, katayuan, uri ng pamumuhay, at
mga gawa. Ito ang ating sandata sa ating pakikipag-ugnayan sa ating pamilya at kapuwa.
Ang bukas na komunikasyon ay kailangang paunlarin ng mga kasapi ng pamilya sapagkat malaki
ang maitutulong nito para malinang ang pang- unawa at kakayahan sa pakikikinig. Kung ang kakayahang ito
ay naituro sa tahanan pa lamang ay may malaking posibilidad na magiging kaaya-aya ang pakikipag-
ugnayan niya sa kaniyang kapuwa.
Ang komunikasyon ay ang pagpapalitan ng mga pasalita, di-pasalita at virtual na impormasyon sa
pagitan ng bawat miyembro ng pamilya at mga kapuwa sa ating lipunang kinabibilangan. Sa pamamagitan
nito, naipapahayag ng indibidwal ang mga ideya, opinyon, pangangailangan, at nararamdaman nila. Ang
mga komunikasyon pasalita ay ang madalas na uri ng komunikasyong ginagamit upang maipahayag ang
kanilang mga nasa sa loob. Ang di-pasalita naman ay ang pagpapahayag ng mga nararamdaman at
pangangailangan sa pamamagitan ng senyas, ekspresyon ng mukha, body language at iba pa. Samantalang
ang mga virtual naman ay komunikasyong ginagamitan ng makabagong teknolohiya kagaya ng facebook,
messenger, google meet, e-mail at iba pa. Mahalagang masuri ng bawat isa ang mga komunikasyong ito
upang makatulong sa pagpapaunlad ng pakikipag-ugnayan.
Ang komunikasyon ay maaaring hatiin sa limang antas. ( Reusch at Baterson)
1. Intrapersonal
Tumutukoy sa komunikasyong pansarili. Mula sa limang antas, ito ang itinuturing na
pinakamababang antas sapagkat ang komunikasyon ay ginagawa lamang ng nag-iisa, ang sarili mismo.
Halimbawa nito ay ang pagninilay-nilay, personal na repleksiyon, at marami pang iba.
2. Interpersonal
Ang komunikasyong nagaganap sa pagitan ng dalawa o higit pang tao. Halimbawa naman nito ay
pakikipag-usap sa magulang, kaibigan, at marami pa.
3. Pampubliko
Ito ay ang komunikasyon sa pagitan ng isang tao at malaking grupo ng tao. Halimbawa, kapag may
seminar (ang speaker at mga grupo ng tagapakinig).
4. Cross-cultural
Komunikasyong ipinakikilala ang isang bansa o isang lugar. Halimbawa, ang komunikasyong
namamagitan sa tuwing may lakbay-aral.
5. Pang-midya
Pinagmumulan ng mensaheng ginagamitan ng midya.
Ang kaayusan at kaaya-ayang ugnayan ay mangingibabaw kung naipapahayag ng bawat kasapi ng pamilya
ang kanilang mga nararamdaman at pangangailangan.

9
Magagawa lamang na mapagtibay ang samahan kung isasagawa ang mga sumusunod na angkop na kilos sa
pagpapaunlad ng komunikasyon sa pamilya at kapuwa.
1. Maging tapat sa isa’t isa
Isa ito sa mga sangkap ng mabisang komunikasyon. Ginagawa ito upang maiwasan ang
kasinungalingan at pandaraya sa pamilya maging sa kapuwa. Sa pamamagitan nito, umaani ang isang tao ng
tiwala mula sa pamilya at kapuwa.
2. Magpakita ng pag-aalala at malasakit sa iyong kausap
Sa tuwing makikipag-usap, magpakita ng pag-aalala at malasakit, sinuman o anuman ang kaniyang
kalagayan sa buhay. Huwag mamimili o titingin sa estado sa buhay, mayaman man o mahirap, bata man o
matanda, babae man o lalaki , lahat ay pantay-pantay.
3. Maging bukas o hayag
Sa pakikipag-usap, kailangang maging bukas o hayag. Unawain ang sinasabi bago magsalita o
manghusga.
4. Magpakita ng paggalang
Ang pagpapakita ng respeto o paggalang ay nakabubuti at nararapat ibigay kahit na kanino pa man.
Napakahalaga nito sa pakikipagtalastasan upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan at samaan ng loob.
5. Magpakita ng pagiging malikhain sa pakikipag-usap
Kailangang gamitin ng tao ang kaniyang talento upang makapag-isip ng mga paraan kung paano
makapagpapahayag ng kaniyang opinyon, nararamdaman at mga pangangailangan.
6. Mayroong isang salita
Ang mga salitang binibitawan ay maaaring makapagbuklod o makapagwasak kaya mahalagang sa
tuwing makikipag-usap o maglalahad ng saloobin ay tumutupad ka sa iyong mga sinasabi.
7. Maging alerto sa mga di-pasalitang mensahe
Ang isa sa mga uri ng komunikasyon ay ang mga di-pasalita. Mahirap man unawain kung minsan
ang mga ito, kailangang maging alerto upang maintindihan ang mensaheng nais iparating ng iyong kausap.
Mahirap mang isakatuparan ang ating mga nabanggit na angkop na kilos subalit kailangang maging
matatag sa pagsasabuhay ng mga ito upang mapaunlad ang bukas na komunikasyon hindi lamang sa ating
mga sariling pamilya maging sa kapuwa. Ang pagmamahal ang pinakamabisang paraan ng komunikasyon
sapagkat ang tunay na pagmamahal ay ang pagkakaisa ng isip at puso ng dalawang tao. Ibig sabihin hindi ito
nangangailangan ng mga salita. Kung ang lahat ng tao ay nagmamahalan tiyak magiging panatag, payapa at
tahimik ang ating mundong ginagalawan.

Week 7
Unang Markahan – Ikapitong Linggo
Panlipunan at Pampolitikal na Gampanin ng Pamilya
“No man is an island”. Walang taong nabubuhay mag-isa. Bilang tao, kailangan natin ang tulong at
ang makisalamuha sa ating kapuwa. Ito ang dahilan kung bakit lahat ng indibidwal ay ipinanganak sa
pamilya na itinuturing na pinakamalapit na kapuwa. Kailangan ang pamilya upang may mag-aruga,
magmahal, gumabay at magturo ng mga pagpapahalaga kagaya ng kakayahan sa pakikipag-ugnayan.
Hindi nilikha ang pamilya para lamang sa kapakanan ng kaniyang miyembro kundi para na rin sa kaniyang
kapuwa. Mayroon itong tungkulin sa lipunang kaniyang kinabibilangan. Ibig sabihin, ang pamilya ay may
panlipunan at pampolitikal na gampanin.
Lahat ng tao ay isinilang sa isang pamilya sapagkat ito ang magsisilbing kaniyang taga-akay at
tagahubog sa pang-araw-araw niyang pamumuhay. Ang tao ay ipinanganak ng walang kakayahan kaya nga
hindi siya mabubuhay ng walang nag-aaruga, nagpapakain, at nagbibigay ng kaniyang pangangailangan.
Ang pamilya ang magpupuno sa mga pangangailangang ito habang siya ay bata pa hanggang sa kaniyang
paglaki. Subalit hindi lahat ng pangangailangan ng isang bata ay maaaring mapunuan ng pamilya kaya
mahalaga rin ang gampanin ng ating kapuwa. Ang ating kapuwa ang tutulong upang mapuno at mahubog
ang pagkatao ng isang indibidwal.

10
Ang pamilya ay may gampaning panlipunan at pampolitikal sa kaniyang lipunang ginagalawan.
Hindi mabubuhay ang isang tao ng walang tulong mula sa kapuwa. Kailangan natin ang bawat isa.
Isa sa pinakadakilang utos ng Diyos mula sa Mateo 22: 37-39 “Ibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng
iyong sarili”, ipinapakita lamang dito na kailangang mahalin ang ating kapuwa kagaya ng pagmamahal sa
ating mga sarili. Paano nga ba maipapakita ang pagmamahal sa ating kapuwa? Paano makatutulong ang
pamilya sa ibang tao?
Ang ilan sa mga halimbawa ng panlipunang ginagawa ng pamilya sa kapuwa ay ang mga
sumusunod:
1. Bayanihan
Ito ay kaugaliang Pilipino na kung saan naipapakita ang pagtutulungan at pagkakaisa. Noong unang
panahon, ito ay ang sama-samang pagbubuhat ng isang bahay mula sa isang lugar patungo sa ibang lugar. Sa
kasalukuyan, ito ay naipapakita sa pamamagitan ng pakikiisa at pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad.
2. Pagiging Bukas Palad
Ito ay ang pagiging matulungin at mapagbigay sa kaniyang kapuwa na hindi naghihintay ng kapalit.
Ang pagiging bukas palad ay maipapakita ng pamilya sa pamamagitan ng mga gawaing panlipunan. Maaari
itong makilahok sa mga samahan na boluntaryong naglilingkod sa pamayanan o kaya’y tumutulong sa mga
kapus-palad.
3. Magiliw na Pagtanggap ng Bisita
Isa sa ipinagmamalaki nating katangiang Pilipino ang magiliw na pagtanggap ng mga panauhin
(hospitality) . Inihahain ang pinakamasarap na pagkain para sa mga bisita, ipinagagamit ang mga
magagandang kasangkapan at pagpapahiga sa mga pinakamainam na higaan. Subalit ang pinakamalalim na
kahulugan nito ay ang pagbubukas ng ating pintuan sa mga higit na nangangailangan.
Ang pagtulong, pagmamalasakit, at paglilingkod sa kapuwa ay dapat na bukal sa puso at hindi
naghihintay ng kahit na anumang kapalit.
Ang panlipunang gampanin ng pamilya ay hindi lamang nagtatapos sa pagtulong at pakikiisa kundi maging
sa pakikisangkot sa politika. Maging alerto at mapagmatyag sa mga batas na ipinatutupad. Marapat na ang
pamilya ang manguna sa pagsasakatuparan ng mga ito at hindi dapat na taliwas at lumalabag sa tinatawag na
kabutihang panlahat.
Ang mga sumusunod ay ang mga karapatan ng pamilya:
1. Ang karapatang umiral at magpatuloy bilang pamilya.
2. Ang karapatang isakatuparan ang kaniyang pananagutan sa pagpapalaganap ng buhay at pagtuturo sa mga
anak.
3. Ang karapatan sa pagiging pribado ng buhay mag-asawa at buhay pamilya.
4. Ang karapatan sa pagkakaroon ng bigkis at institusyon ng kasal.
5. Ang karapatan sa paniniwala at pagpapahayag ng pananampalataya at paglaganap nito.
6. Palakihin ang mga anak ayon sa tradisyon, pananampalataya at pagpapahalaga, at kultura.
7. Magtamo ng pisikal, panlipunan, pampolitikal, at pang-ekonomiyang seguridad.
8. Ang karapatan sa tahanan o tirahang angkop sa maayos na buhay pamilya.
9. Ang karapatan upang makapagpahayag at katawanin sa harap ng mga namamahala o namumuno kaugnay
ng mga usaping pang-ekonomiya, panlipunan, at kultural.
10. Magbuo ng asosasyon.
11. Mapangalagaan ang mga kabataan.
12. Ang karapatan sa kapaki-pakinabang na paglilibang.
13. Ang karapatan ng mga matatanda sa karapat-dapat na pamumuhay at kamatayan.
14. Mandayuhan sa ibang probinsiya o bansa para sa mabuting pamumuhay.
Mahalagang matutuhan ang pagtulong at pagtupad sa mga politikal na gampanin ng pamilya.
Lahat tayo ay nakatulong na sa ating kapuwa. Bagaman iba-iba ang pamamaraan, maliit man o
malaki ang naitulong ang mahalaga ay nakapagpasaya tayo ng taong nangangailangan.

11

You might also like