You are on page 1of 4

Ikatlong Pangkat April 12, 2022

X – Agoncillo A.P. Q4: Sanaysay

Tema: Pagpapakita ng kahalagahan ng pagiging isang aktibong mamamayan.

Aktibong Mamamayan, Lipunang Progresibo

Kay sarap ngang pakinggan ng isang aktibong mamamayan, ano nga ba ang mga

pamantayan upang matawag na aktibo ang isang mamamayan?

Una sa lahat, ano nga ba ang kahulugan ng pagiging aktibo? Matatawag bang aktibo

ang isang taong kumikilos subalit walang nagagawang positibo? Wari’y pag-isipan natin

kung ang bilang isang mamamayang kumikilos ay sapat nang pamantayan upang

maisakatuparan ang pagiging isang aktibong mamamayan sa lipunan. Sa salitang aktibo,

ang unang papasok sa ating kaisipan ay ang salitang pag-kilos. Ang isang mamamayang

marunong makiramdam sa kanyang kapaligiran, sa mga kaganapan at sa lipunan ay ang

tunay na nagpapakita ng isang aktibong miyembro ng mamamayan. Kakambal ng pagiging

aktibo ang produktibidad, at ang lahat ng pamantayang nararapat taglayin ng isang

aktibong mamamayan ay ang susi tungo sa isang lipunang mahusay.

Walang makapagdidikta sa isang tao kung ano ang nais niyang isakatuparan, kung

kaya’t tayo mismo ang may kakayahan upang gawin ang kung anong nararapat. Kung

pag-iisipan natin nang maigi’t puspusan ang maaaring kahantungan ng pagkakaroon ng

isang aktibong mamamayan, masasaksihan natin ang isang produktibong lipunan kung

saan ang bawat miyembro ng pamayanan ay progresibo’t masagana, walang pamilyang

hindi namumunga ang bawat hirap at tyaga sapagkat mayabong ang lipunang aktibo’t
laging may ginagawa.

Bilang isang aktibong mamamayan, magdadala ng malaking pagbabago sa isang

pamayanan ang pansariling pagbabagong iyong isasakatuparan, dahil kung ikaw ay isang

aktibong mamamayan, mas malinaw ang isang maunlad na kinabukasan sa isang

komunidad. Maraming paraan upang ikaw ay maging aktibo, isa na rito ay ang paglahok

sa mga proyektong ipinatutupad ng barangay. Halimbawa ay ang paglahok sa proyektong

paglilinis at pagpaparami ng halaman sa inyong pamayanan, dito palang ay maipapakita

mo na ang pagiging aktibo. Sa simpleng paglahok lamang ay malaki na ang hatid nitong

ambag sa komunidad. May pagkakataong nag-aalinlangan tayo sa mga bagay-bagay at

mapapa-isip kang: “Paano naman naging kontribusyon ang aking pagiging aktibo? Kung

sa i-isa lamang ako’t hindi pa malaki ang naitulong ko?” Ipalagay ang ganitong sitwasyon,

ang pagiging aktibo mo’y nakapanghikayat pa ng ibang kabataan o mamamayan upang

mamuhay na rin ng positibo’t progesibo, mula sa isa ay namunga ito ng labing-dalawa,

ang iyong nahikayat ay posibleng makapanghikayat rin. Mula sa isa, mamumunga ito ng

isang komunidad na nais maging produktibo’t walang sinasayang na pagkakataon sa

pananatili nang walang ginagawa.

Ang aktibong mamamayan ay sumasalamin sa isang aktibong bansa. Kung saan lahat

ay nagtutulungan upang mas mapabuti ang kanyang nasasakupan. Mula sa lumalawak na

kalagayan ng komunidad, ang pagiging isang aktibong miyembro ay sumasalamin sa

panglahat na pagtingin. Ang bawat gawain, maliit man o hindi, ay nagiging repleksyon din

ng pagkakatantya sa hubog ng pamamayanan. Mapapanatili natin ang pagiging aktibong

mamamayanan sa pamamagitan ng ilang mga bagay; ang ating pagsunod sa mga batas

na inilunsad at inilulunsad ng barangay o gobyerno, ang pagkakaisa at pagtugon ng bawat

isa sa mga inilulunsad na mga proyekto, pakikipag-ugnayan sa mga opisyal, pagtulong at

pagmamahal sa kapwa tao at iba pa. Sa paraang ito maipakikita natin na tayo ay
disiplinadong mamamayan at may malasakit sa bansa na may hinahangad na magandang

kinabukasan para sa ating bansa. Sa pagkakataon na ito, mapapanatili ang kaayusan,

katapatan at pagpupunyagi sa mga gawain, maging sa responsibildad na nakaatang sa

bawat isa.

Ating laging tatandaan na ang pagiging aktibong mamamayan ay di lamang nag-uugat

mismo sa salitang “aktibo”, ngunit ito ay umiikot rin sa linyang ating binibitawan tuwing

ating binibigkas ang panatang makabayan. Bilang mga kabataan na pinaniniwalaang pag-

asa ng bayan ay patunayan natin ang titulong ibinigay at ipinagkatiwala sa atin, kaya

siguraduhin nating angkop ang mga kilos na ating isinasagawa. Ang pagiging

responsableng mamamayan ay isa rin sa magiging daan para ating tuldukan ang mga

isyung ating hinaharap. Ang mga ito'y sumasalamin sa mga Pilipino bilang kabuuan.

Isapuso at isaisip natin ang pagiging aktibo sa ating komunidad. Makasisiguro tayong

aangat ang ating bansa at ang bawat-isa kung magtutulong-tulong tayo para makamit ang

minimithing lipunang masagana.

You might also like