You are on page 1of 7

Maikling kwento: Luha ng Kahapon

Akda ni Ian Fiedalan

Unang inilathala sa publikasyong pangmag-aaral sa isang unibersidad, ang kwentong ito ay repleksyon
ng kasalukuyang suliranin sa paglabag sa karapatang-pantao. Ang mga tauhan, lunan at pangyayari ay
kathang-isip lamang. Si tandang Ador, isang tauhan sa kwento ay sumasalamin sa patuloy na suliranin sa
extra-judicial killings. Ang akdang ito ay para sa mga taong nagbuwis ng kanilang buhay para sa
ikabubuti ng marami. Ang tumayo at ipaglaban ang tamang katwiran. Isang pagbubunyi sa karapatang
pagpapahayag ng ekspresyon at ikondena ang mali.

Marso noon. Nakakapaso ang init ng kapahunan. Maalinsangan din ang hanging dumadampi sa aking
balat. Ang panahon ay nakikisimpatya sa kalungkutan na bumabalot sa kanayunan. Lungkot na
nakakabagabag.

Hindi lang pala ako ang nagbalik sa lugar ng aking pagkabata. Isa-isa ring nagbalikan sa aking gunita ang
mga alaala ng lumipas na panahon— ang mga lunan, pangyayari at mga personahe ng nakaraang
kabanata ng istorya ng aking kahapon.

Sa batis na iyon madalas akong tumungo at magmuni-muni. Ang lagaslas ng tubig ay himig ng
kapayapaan. Ang himig na binigyan pa ng buhay mula sa tunog ng langitngit ng kawayan at ingay ng mga
kulisap. Dito ang aking takbuhan kapag ako'y may problema. Sa lugar kung saan nagiging panatag ang
aking kalooban. Malayo sa ingay at kaguluhang likha ng tao. Paraiso kung maituturing.

Doon ay aking isinasagawa ang kakaibang ritwal upang mawala ang anumang problemang aking
pinapasan. Uupo sa batuhan dala ang kapirasong papel at panulat. Matiyaga ko’ng isusulat sa papel ang
mga ito at nang matapos ay ginagawa ko namang mumunting bangka. Dahan-dahan akong lalapit sa
batis at ipaaanod ito. Kung saan man tumungo ang bangkang papel kasama rin ang aking dala-dalang
mga suliranin...
Marami na ngang pagbabago. Ang daan tungo sa dating masukal na lugar na madalas kong sinusuyod
tuwing dapit-hapon ay maaliwas na at natabasan. Wala na ang dating malawak na parang kung saan ako
at aking mga kaibigan ay madalas na nagpapalipad ng guryon. Pumalit dito ang mangilanngilang bahay
na nakapalibot sa kampo ng sundalo.

Matatag pa ring nakatayo ang puno ng akasya sa gawing kanluran ng parang. Para bagang ito lamang
ang nag-iisang saksi sa anumang kaganapang hindi kayang itala sa gunita.

Bigla ko ring naalala si Lina. Noong nasa ikalimang baiting ako, doon ko inukit ang kanyang pangalan. Ang
paghanga sa kanya ay hindi ko maitago. Mahaba ang kanyang buhok, mapupungay ang mata at
napakabait pa. Sayang, hindi ko na s’ya nakita pa matapos ang pagtatapos sa paaralan. Nasan na kaya
s’ya ngayon?

“O iho, kailan ka pa dumating mula sa lungsod?” Si tandang Ador pala. Bahagya ko pang ikinagulat ang
kanyang pagtatanong na pumutol sa daloy ng mga gunita.

Bata pa kami’y iyon na ang nakagawian tawag sa kanya— tandang Ador. Ang matanda’y tila hindi
tumatanda. Sa katunayan, sa sampung taon na nakalipas ay halos walang nagbago sa itsura niya maliban
sa ilang marka ng guhit sa noo.

“Aba’t natatandaan n’yo pa po pala ako?,” tugon ko.

“Ay lintik na batang a-re, paanong hindi ay madalas mong kunin ang mga bungang kakaw sa likodbahay.
Saan ka ba nagpunta at ang putik ng iyong mga paa?”

Pilit kong hinagilap ang iba pang gunita ng aking kabataan na may kinalaman kay tandang Ador ngunit
liban sa kanyang paminsan-minsang kwento tuwing tanghali at manaka-naka ring pananaway ay wala na
akong maalala.

Tanging ang boses na kakakakitaan ng tapang ang siyang tumanin sa aking isipan. Tapang na hindi ko
maramdaman ngunit aking nababatid sa kanyang mga kwentong punong-puno ng pakikipagsapalaran.
Mga kwento iyon na naglalarawan ng kagitingan alang-alang sa pagtatanggol sa kapwa at sa bayan. Sa
murang gulang ay naintindihan ko ang ibig sabihin ng mga labanan na nagaganap sa pagitan ng mga
sundalo at NPA. Kung anumang pagsasalarawan sa mga nangyayaring putukan, takot pa rin ang
nangibabaw sa akin. Takot na sa bawat engkwentro, may mamamatay.

Ngunit ang pilit ko pa ring inuunawa ay kung bakit nagagalit si tatay sa akin tuwing darating ako nang
halos takip-silim na.

“Ikaw bata ka, bakit hinapon ka na naman? Di ba’t sabi ko’ng ‘wag kang pupunta sa burol?” Bulyaw ni
tatay sa akin isang hapon.

“Hindi naman po. Dumaan lang ako kina tandang Ador. May binigay s’yang tirador sa akin. Tingnan n’yo
po, ang ganda ng pasanga na napili n’ya. Yari sa punong bayabas.” Nangatwiran pa ako sa pag-aakalang
makaliligtas ako sa nagbabadyang galit ni tatay. Akala ko ay ayaw lamang talaga niyang aabutin ako ng
dilim sa labas lalo pa nga at nasa burol ako. Sa aking pakiwari’y lalo pa siyang nagalit nang malamang
galing ako kay tandang Ador.

“Hoy Arnel, hindi ka na kumibo?”

“Ah, diyan pos a batis nagpahangin..”

“Balita ko sa iyong ina ikaw daw ang magsasalita sa darating na pagtatapos ng mga mag-aaral bukas?”

“Opo munting mensahe para sa mga bata.” Muli kong tugon.

“Hintayin mo ako ha? Huwag kang magsisimula hangga’t wala ako doon.” Pangiting biro niya.

Nagpaalam ako sa kanya ng hapon ding iyon. Madilim na ang kapaligiran nang marating ko ang bahay
mula sa maghapong pag-iikot. Pinuntahan ko rin kasi ang aking mga kabarkada na karamiha’y may
kanya-kanya na ring pamilya.
Nakakatawang isipin ngunit parang kalian lamang nang naliligo kami sa ulan habang nagtitiliw ng palaka.
Halos mamatay sa takot si Hector nang akmang dadakmain ang napagkamalang palaka na isa palang
bayawak.

Kinabukasan, nakita ko’ng bakante ang kanyang upuan.

“Absent si Hector. May liham ang kanyang ina at nabanggit na itong si Hector ay nagbabad sa paliligo sa
ulan kaya nagkasakit. Kayo, mga bata huwag kayong magbababad sa ulan. Baka matulad kayo kay
Hector,” wika ni Bb. Cruz, ang aming maestra.

Hindi kaya sa takot kaya nilagnat itong si Hector at hindi sa paliligo sa ulan?

___________

Tahimik ang gabing iyon. Nakakabingi ang tunog ng bawat tik-tak mula sa orasan. Alumpihit sa higaan,
muli akong bumangon upang tunguhin ang kusina. Sa sobrang alinsangan ay halos matuyo ang aking
lalamunan.

Binuksan ko ang bintana upang makapasok ang hangin sa silid. Mula roon natatanaw ko ang kalangitang
namumulaklak ng mga bituin. Maliwanag sa labas bagama’t hindi kabilugan ng buwan.

Sa kalayuan ay may natanaw akong parang gumagalaw. Anino ng tao? Multo? Hindi.. matanda na ako
para maniwala sa mga maligno at anu-ano pang kwentong halimaw. Marahil ay guni-guni ko lang iyon.
Muli akong bumalik sa pagkakahiga at pinasadahan ng pagbabasa ang talumpating aking bibigkasin
kinabukasan.
“..Ngayon ay panibagong simula. Unti-unti n’yong buuin ang inyong pangarap. Sapagkat ang buhay ay
isang napakahabang paglalakbay..”

Bakit wala si tandang Ador? Akala ko ay manonood s’ya ng pagtatapos ng mag-aaral? Siguro’y dahil sa
katandaan, nakalimutan na nya na ngayon ang araw na ito.

Natapos ako sa talumpati at bumaba ng entablado.

“Arnel.. Arnel! Nabalitaan mo nab a ang nangyari kagabi sa bahay ni tandang Ador?” Si Hector.

“Bilis halika, puntahan natin!”

Nakita si tandang Ador kaninang mag-uumaga na wala ng buhay. Kwento ni Mang Simon, papunta s’ya
sa bahay ni Tandang Ador upang humiram ng lagari ngunit nang ilang mga minutong walang sumasagot,
nalamang bukas ang pinto at nang buksan tumambad sa kanya ang walang buhay na si Tandang Ador.

Nakahandusay ang katawan na tadtad ng saksak. Nakatali ang kamay. Mangitimngitim na pasa sa
mukha. Sino ang maaaring gumawa nito? Walang kagalit ang matanda…

Si tatay ang nagpaliwag sa naguguluhan kong isipan. Ayon sa kanya, si Tandang Ador ang namumuno sa
mga mamamayang tumututol sa pagtatayo ng minahan sa bayan ng San Martin. Marahil dito, iniuugnay
sya ng mga sundalo sa opensiba ng NPA laban sa kanila. Marami pang kwento si tatay patungkol sa
matanda. At wala naman akong nakikitang masama sa ginawa ni tandang Ador. Para sa kanyang kapwa
rin ang isinusulong nyang pakikibaka.
Kung walang nagsalita laban sa pagmimina noon marahil tuluyan nang nasira ang mga burol. Marahil
nadaluyan na rin ng nakalalasong kimikal ang batis. O naligwakan ng putik ang daloy ng mga patubig sa
kabukiran. Marahil dumalaw din ang delubyo ng baha na kikitil sa ilang buhay dulot nang patuloy na
pagpuputol sa kakahuyan sa kabundukan.

Kung totoong sangkot nga sya sa mga NPA, ang pinakatamang gawin ng mga awtoridad ay sampahan
s’ya ng kaso at litisin ng patas sa harap ng hukuman. Hindi ba’t batas naman dapat ang umiral? Ang
batas na dapat ipinatutupad ng mga alagad ng pamahalaan.

Bakit pinapatay ang nagtatanggol sa katwiran? Bakit siniselyohan ang bibig ng mga taong nagsasalita
laban sa pamahalaan at maling pamamalakad nito? Maraming tanong na nanuot sa aking kamalayan.
Isang kaganapan na di ko maiwaksi sa aking pag-iisip.

Walang malapit na kamag-anak si tandang Ador. Upang mabigyan ng maayos na libing,


pinagtulungtulungan ng mga kababaryo ang mga bayarin. Si nanay na mismo ang nag-asikaso sa lahat
nang dapat gawin. Nais din ng aking magulang na mabigyan sya ng marangal na burol.

Ngayon ko lang napasok ang kabuuan ng loob ng bahay. May ilang kasangkapan, bilang ng mga libro at
baul. Madilim at masalimoot ang paligid. Pinagkaitan ng liwanag. Sa isang sulok ay may maliit na mesa.
Maalikabok. Madumi.

Heto, ang aklat ay buhay pa rin. Lipunan at Rebolusyong Pilipino? Eto ang madalas niyang basahin sa
akin tuwing dumaraan ako sa bahay niya. Habang iniisa-isa ko ang pahina, isang pirasong papel ang
nalaglag sa sahig. Dali-dali kong pinulot ito. Isang liham. Manilawnilaw na sa kalumaan. Umupo ako sa
gilid ng tarangkahan at binasa:

Aking anak, patawad ngunit kailangan kitang ipaalaga sa ibang tao.Hindi ko gustong mapahamak ka.
Mahirap ang sitwasyon natin. Alam kong di mo maiintindihan ang ginagawa ko sa ngayon. Darating din
ang panahon at mauunawaan mo ang prinsipyong ipinaglalaban ko. Basta’t tatandaan mo na lagi akong
narito Abner. Anak ko, para sa iyo rin at sa mga batang tulad mo kung bakit ko ito ginagawa. Gusto ko
sana paglaki mo ay manaig ang na ang katwiran, wala nang pang-aapi..
“O Arnel bakit nariyan ka? Tulungan mo ako ditto. Pakidala ng mga baso dito sa labado. Ang hiyaw ni
nanay.

Lumapit ako kay nanay habang nangingilid ang aking luha.

“Nay nabasa ko po ang sulat ni tandang Ador. Naiintindihan ko.. Hindi po ako nagagalit.”

You might also like