You are on page 1of 1

Kumbensiyóng Tejéros

Noong 22 Marso 1897, nagkaroon ng pagpupulong sa Tejeros, isang baryo sa San


Francisco de Malabon, Cavite, ang dalawang paksiyon ng Katipunan sa lalawigan—
ang Magdíwang na pinamumunuan ni Mariano Alvarez, tiyuhin ni Andres Bonifacio,
at ang Magdaló na pinan- gungunahan ni Baldomero Aguinaldo, pinsan Heneral
Emilio Aguinaldo. Ito ang tinatawag ngayong Kumben siyóng Tejéros (Te·hé·ros).
Layunin ng kumbensiyong ito na bumuo ng mga plano at pagkilos upang palakasin
ang depensa sa Cavite. Gayunman, sa halip na talakayin ang nasabing dahilan ng
pagpupulong, nagdesisyon ang mga lider ng Katipunan sa naturang probinsiya na
magtatag ng bagong rebolusyonaryong gobyerno kapalit ng Katipunan at maghalal ng
mga opisyal para dito.
Tinutulan ni Bonifacio ang inisyatibang ito at ipinuntong may konstitusyon at
gobyernong kasalukuyang umiiral—ito ay ang Katipunan. Gayunman, nanaig ang
kagustuhan ng mga Kabitenyong Magdalo. Bagama’t atubili, pinanguluhan ni
Bonifacio ang eleksiyon sa garantiyang igagalang ng nakararami kung anuman ang
maging resulta nitó. Sa halalang ito lumabas sina Emilio Aguinaldo bilang presidente;
Mariano Trias, bise-presidente; Artemio Ricarte, kapitan-heneral; Emiliano Riego de
Dios, direktor ng digma; at si Andres Bonifacio, bilang direktor ng interyor. Gaya ng
pambabalewala sa orihinal na adyenda ng kumbensiyon, ang pagkakahalal kay
Bonifacio ay inusisa ni Daniel Tirona at sinabing tanging may pinag-aralan lámang
ang maaaring mag-okupa sa nasabing posisyon. Bunga ng pambabastos na ito,
idineklara ni Bonifacio bilang tagapangulo ng pagpupulong at supremo ng Katipunan
na walang bisà ang nasabing halalan.
Gayunman, buo na ang loob ng mga Kabitenyong Magdalo at itinuloy ang
pagpapairal sa halalan sa Tejeros. Mabilisang pinanumpa si Aguinaldo bilang bagong
pinunò. Pagkaraan, itinuring na hadlang si Bonifacio sa bagong gobyernong
rebolusyonaryo kayâ ipinadakip bago makalabas ng Cavite, nilitis, at hinatulan ng
kamatayan. 

You might also like