You are on page 1of 9

Florante at Laura

Ikaapat na Markahan sa Filipino 8


Mga Tauhan sa Florante at Laura
• Florante- magiting na mandirigma ng kahariang Albanya, anak nina Duke
Briseo at Prinsesa Floresca ng kahariang Crotona.
• Laura- prinsesa ng kahariang Albanya na anak ni Haring Linseo.
• Konde Adolfo- isang masamang anak ng mabunying si Duke Silano.
• Aladin- gererong moro na sunud-sunuran sa amang Sultan ng Persiya na si
Ali-Adab. Kasintahan ni Flerida.
• Haring Linseo- dakila at makatarungang hari ng kahariang Albanya.
• Duke Briseo- dakilang ama ni Florante. Tagapayo ni Haring Linseo.
• Prinsesa Foresca- butihing ina ni Florante na nagmula sa kahariang Crotona.
• Menandro- tapat at matalik na kaibigan ni Florante. Ang nagligtas sa kanya sa
unang kapahamakang idinulot ni Adolfo.
• Antenor- guro ni Florante sa Atenas. Amain ni Menandro.
• Sultan Ali-Adab- mabangis na ama ni Aladin na Sultan ng Persiya, ang nag-
utos na papugutan ng ulo si Aladin.

Aralin 1
Mapanglaw na Gubat
Sa isang madawag na gubat na malapit sa kahariang
Alberno,matatagpuan ang isang mala-adonis na lalaki na nakatali sa malaking
punong Higera. Ang lalaki ay ang mandirigmang si Florante ng kahariang
Albanya. Makinis ang balat na halos hindi nadapuan ng langaw ngunit ngayo’y
hindi lamang ang katawan ang ang sugatan kundi pati ang nagdurusang
kalooban. Madilim at masukal ang kapaligiran at halos hindi nasisikatan ng
araw bunga ng malalagong dahon ng matitinik na punong kahoy.
Ang huni ng ibon ay kalunos-lunos at higit na napapanglaw ng buong paligid.
Maraming gumagalang hayop sa gubat tulad ng hiyena at tigre. Maging mga
Syerpe at Basilisko. Subalit hindi lamang ang nag babantang kamatayan ang
labis na ipinagdaramdam ni Florante kundi ang kinahantungan ng bayang
Albanya na kanyang pinaglingkuran at maging ng kasintahang si Laura.
Nalinlang siya ng mga pagtataksil at pagbabalatkayo.
Aralin 2
Laura, Bakit ka nagtaksil?
Sa pagitan ng mga paghihirap at pagtitiis ng nakataling si Florante ay
nakakintal sa kanyang alaala ang napakagandang kasintahang si Laura.
Ipinagkaloob niya ang karangalan upang ipagtanggol ang kahariang Albanya
na pinamumunuan ni Haring Linseo na butihing ama ni Laura. Ipinagkaloob
din niya ang karangalan at kayamanan ng kanyang dukeng ama. Subalit sa
kabila ng lahat ay nanaig ang kasamaan ni Konde Adolfo. Paulit-ulit na
nanalangin si Florante sa diyos upang siya’y kahabagan at bigyan ng
katarungan ang sinapit.
Makailang ulit na siyang panawan ng ulirat at kulang nalang ay
panawan na rin siya ng bait dahil sa labis na paghihirap. Ngunit sa tuwing
magmumulat siya ng mga mata, si Laura ang nakikita niya sa kaniyang
balintataw. Naalala niya ang pangako ng kanilang mga puso bago pa siya
tumulak patungong digmaan. Pinabaunan siya ni Laura ng maraming luha at
pinahiyasan ang kanyang turbante na pinalamutian ng perlas, topasyo,
maningning na rubi, at pinalibutan ng batong diyamante ang sagisag na
letrang L.
Halos madurog ang puso ni Florante sa labis na pagdaramdam kay Laura
subalit patuloy siyang nanawagan at nanaghoy na tanging si Laura lamang
ang makapagbibigay lunas sa kanyang kaluluwa’t pusong sugatan. Matinding
panibugho ang kanyang naramdaman sapagkat tuluyang naagaw ng taksil na
si Adolfo ang pag-ibig ni Laura. Hanggang tuluyang igupo ng paghihirap ang
kanyang katawan at nagmistula siyang bangkay na napayukayok.
Aralin 3
Pag-ibig na Makapangyarihan
Sa gubat ding iyon ay dumating ang isang matikas na gerero. May putong na
turbante at may kasuotang moro na buhat pa ng Persiya. Sa lugar na iyon siya
itinaboy ng kapalaran. Tumigil sa paglalakad ang moro at naghanap ng
punongkahoy na mapagpapahingaan. Umupo siya sa ilalim ng puno at doon
nagmistulang magmuni-muni ng kanyang nakaraan. Lumuha ang moro nang
sumagi sa isipan ang kasintahang si Flerida. Labis ang kanyang pagdaramdam
sa naging kataksilan ng sukab na ama dahil inagaw ang pinakamamahal
niyang babae sa balat ng lupa.
Aralin 4
Gererong Bayani
Ang gererong moro ay walang iba kundi si Aladin na isa ring sawing palad sa
pag-ibig. Sa kanyang pagmumuni ay may narinig siyang tinig na nananaghoy.
Hinanap niya ang pinagmulan ng tinig at kanyang natagpuan na nakatali sa
puno ang mandirigmang si Florante. Narinig ng moro ang lahat ng daing ni
Florante. Nalaman niya ang ginawang pagtataksil ni Konde Adolfo at
pananakop sa bayan ng Albanya. Natiyak ng morong si Aladin na
magkapareho ang sinapit nilang kapalaran ng lalaking nananaghoy.
Ang bayang pinagmulan nito’y pinagtaksilan ng isang konde at inagaw ang
kasintahan samantalang siya ay biktima ng pag-iimbot ng sariling amang
umagaw ng kanyang tanging kaligayahan. Muli niyang narinig ang mga
panaghoy ni Florante na sinasambit na ang pangalang Laura. Nagpaalam na
ang lalaking nananangis. Napatda si Aladin ng makitang may dalawang leon
na nais sumila sa lalaking nakagapos sa malaking puno.

Aralin 5
Paalam Bayan ng Albanya
Nang makita ni Florante ang dalawang hayop noonniya nasabi sa sariling
katapusan na ng kanyang buhay kaya’t tuluyan nang nagpaalam sa
pinakamamahal na bayang Albanya. Nanambitan at tinawag din ni Florante
ang kanyang mahal na ama at humuhingi ng awa sa gitna ng kanyang pag-
aalala sa masasayang nagdaan ng kanilang buhay. Nagpaalam siya sa
kasintahang si Laura na pinaniniwalaan niyang nagtaksil sa kanilang pag-ibig,
nagpaalam din siya sa malupit na Konde Adolfo na umagaw ng trono at puso
ng babaing pinakaiibig.
higit sa lahat ay nagpaalam siya sa bayang kanyang ipinagtanggol sa digmaan
na ngayon ay magdiriwang dahil sa kanyang sinapit. Ngunit sa kabila ng lahat
ng kanyang pagdaramdam ay namumutawi parin kay Florante ang labis na
pag-ibig kay Laura at sa kanyang bayang tinubuan.
Aralin 6
Ang Kaligtasan ni Florante
Sa narinig ni Aladin, lubos niyang napagtanto na kailangan niyang iligtas si
Florante sapagkat nadudurog ang puso ng gerero sa labis na habag. Hinanap
niya ang nanaghoy na tinig. Napahindig ang moro nang makita niyang
umaaligid ang dalawang leon at handa nang silain ang nakagapos na si
Florante. Labis na nahabag si Aladin sa naging kalagayan ni Florante na
walang lakas ipagtanggol ang nakagapos na sarili laban sa dalawang mabangis
na leon. Noon din ay hinarap niya ang mababangis na hayop para iligtas si
Florante. Pinagtataga ni Aladin ang dalawang leon hanggang sa maigupo niya
ang mga ito. Nang matiyak na patay na ang dalawang leon ay saka niya
kinalagan ng gapos si Florante. Inalalayan niya ang nanlulupaypay na si
Florante at dinala sa isang ligtas na lugar. Pinagmasdang mabuti ng gerero ang
matikas na anyo at maamong mukha ng bayani ng Albanya. Unti-unting
nagkamalay si Florante at nagbukas ng mga mata.
Aralin 7
Ang Kristiyano at ang Muslim
Sa unang pagmulat ng mga mata ni Florante ay una niyang binigkas ang
pangalan ni Laura. Hinanap niya ang kasintahan sa gitna ng kahabag-habag
na kalagayan. Patuloy siyang nanambitan kaya’t pinayapa ng gererong moro
ang kanyang kalooban. Napatda si Florante ng makilala ang naging
tagapagligtas. Natiyak niyang isang kaaway ang kanyang bayaning
tagapagligtas, isang morong maraming ulit na niyang nakaengkuwentro sa
gitna ng mga labanan sa digmaan. Ipinaliwanag ni Aladin ang naging pakay ng
pagtulong kay Florante. Nagawa niya itong iligtas dahil sa matinding habag at
dahil na rin sa nakaambang kamatayan sa mga gutom na leon.
Nag-alangan si Florante sa naging pagtulong sa kanya ni Aladin. Sa kanilang
mga ayos at pananamit, nakatitiyak si Florante na kalaban niya ang gererong
moro. Ito’y taga-Persiya at siya’y taga-Albanya.
Pero tiniyak ni Aladin na hindi sa kinabibilangang sekta nakasalalay ang
pagsaklolo sa isang tao. Muling tinulungan ni Aladin si Florante upang dalhin
sa isang malapad at makinis na bato. Doon siya ginamot at pinagpahinga ng
gererong moro. Binigyan din siya ng baon nitong pagkain upang maibalik ang
nawalang lakas. Sa kabila ng maraming pag-aalangan ay nagpatuloy ang moro
na kupkupin at alagaan si Florante. Nakatulog ito habang patuloy na
nagbabantay ang moro. Sa paggising ni Florante ay nanumbalik na ang
kanyang lakas. Labis-labis ang kanyang pasasalamat sa moro na naging
tagapagligtas.
Aralin 8
Ang Alaala ng Kamusmusan
Labis na nagalak ang gererong moro dahil sa panunumbalik ng lakas ni
Florante. Sinabi ni Aladin kay Florante na narinig niyang lahat ang mga
panaghoy nito. Ikinuwento naman ni Florante ang kahabag-habag niyang
sinapit bunga ng isang kataksilan. Sinimulan niya ang pagkukuwento sa
alaala ng kamusmusan. Siya’y hinirang na anak ni Duke Briseo mula sa bayan
ng Albanya. Ang kanyang ina ay si Prinsesa Floresca na mula naman sa bayan
ng Crotona. Si Duke Briseo ay tagapayo at sanggunian ni Haring Linseo ng
Albanya. Sanggol pa lamang siya ng unang manganib ang kanyang buhay sa
isang dambuhalang buwitre habang siya’y natutulog. Nasaksihan ng kanyang
ina ang nakaambang panganib at dahil sa malakas nitong tili ay agad
nakasaklolo ang pinsan niyang si Menalipo na noon ay may dalang pana at
panudla. Agad nitong natudla ang buwitre at siya’y nakaligtas. Isang araw
naman, habang siya’y nasa gitna ng salas, isang alko naman ang sumila sa
kanyang suot na kuwintas na may palawit na kupidong diyamante. At nang
sumapit na siya sa edad na siyam na taon, nakagiliwan naman niyang
magpunta ng burol para mamana at manghuli ng hayop. Sa batis naman ay
nawiwili siyang pakinggan ang lagaslas ng tubig na tila may mga nayadas na
umaawit. Nauulinigan niya ang taginting ng lirang katono ng awit. Ikinuwento
ni Florante kay Aladin ang kanyang masayang paglaki at kabataan sa piling ng
inang kalikasan.
Aralin 9
Ang Pag-aaral sa Atenas
Ipinadala ni Duke Briseo sa Atenas si Florante upang doon mag-aral. Lumuha
ang kanyang ina dahil sa kanilang paghihiwalay. At labis din iyong
ipinagdamdam ni Florante. Ang mabait na gurong si Antenor ang
tumulong sa kanya upang mawala ang lumbay sa loob ng ilang buwang
pananatili sa Atenas. Ilang buwan siyang hindi makakain at madalas na
umiiyak dahil sa matinding kalungkutan. Isa sa kanyang kababayan ang doon
din nag-aaral. Si Konde Adolfo na anak ni Konde Silano. Labing tatlong gulang
na si Adolfo samantalang siya’y labing isa. Mabait at marunong makisama si
Adolfo sa mga kamag-aral kaya’t labis siyang kinagigiliwan. Mahinhin ang asal
ni Adolfo at hindi marunong makipagtalo. Hindi kakikitaan ng kagaspangan ng
ugali o pagiging lapastangan. Si Adolfo ay larawan ng isang huwarang mag-
aaral. Subalit sa kabila ng lahat, maging ang mga guro nila’y hindi matarok
ang lalim ng pag-iisip ng malihim na si Adolfo.
Aralin 10
Ang Pagbabalatkayo
Sa kabila ng lahat ay hindi lubusang mapaniwalaan ni Florante ang uri ng
kagandahang asal na ipinapakita ni Adolfo. Lalo’t may tagubilin sa kanya ang
ama tungkol sa bait na di paimbabaw. May kung anong lihim na gawi ni Adolfo
na naririmarim si Florante at sa tingin niya’y may gayon ding pakiramdam sa
kanya nito. Lumipas ang mga araw at naging bihasa sa pag-aaral si Florante.
Sa loob ng anim na taong pag-aaral ay naging dalubhasa siya sa pilosopiya,
matematika at astrolohiya dahilan ng kanyang pangunguna sa klase. Napag-
iwanan na niya si Adolfo at kumalat sa buong Atenas ang kanyang angking
talino. Higit na naging popular sa mga guro at kapwa mag-aaral si Florante.
Lahat ay sambit-sambit ang pangalan ni Florante. Dito lumabas ang tunay na
anyo ng nagbabalatkayong si Adolfo. Napuno ng ngitngit at inggit ang puso
nito dahil sa nakamit na tagumpay ni Florante. Marami na ang nakahalata sa
unti-unting pagbabago ni Adolfo at may nagsasabing ang pagiging mahinahon
nito ay hindi na bukal sa kalooban.
Aralin 11
Ang Dula-dulaan
Sa isang Dula-dulaang trahedya, kabilang sa mga tauhan si Florante sa papel
na Etyokles, si Polinese naman ang papel ni Adolfo, ang kaibigang matalik ni
Florante na si Menandro ang gumanap sa papel na Reyna Yokasta. Naging
totoo ang ginawang pakikipaglaban ni Adolfo kay Florante sa isang bahagi ng
dula-dulaan. Marami ang nagtataka dahil iba na ang mga salitang binibigkas ni
Adolfo at hindi na ang dayalog sa dula. Bumagsak sa entablado si Florante nang
daluhungin siya ni Adolfo. Nawalan siya ng kahandaan. Akmang tatagain ni Adolfo si
Florante nang salagin ito ng espada ni Menandro.
Nabigla ang lahat sa itinakbo ng dula sapagkat batid nilang naging totohanan
iyon. Umawat na rin ang maestro at walang kibong umalis na si Adolfo sa
entablado. Hindi na nakagisnan kinabukasan si Adolfo. Tumakas na siya nang
gabi ring iyon dahil batid nitong siya’y litisin sa ginawang kapangahasan kay
Florante. Nagbalik na ito sa bayan ng Albanya.
Aralin 12
Ang Pangungulila ni Florante
Isang taon ang lumipas nang makatanggap ng sulat si Florante mula sa
kanyang ama na namatay na ang kanyang inang si Prinsesa Floresca.
Pinanawan siya ng ulirat sa unang pagkatalos sa nangyari. Tiyaka lamang siya
nagkaroon muli ng malay pagkatapos ng dalawang oras. Mabuti na lamang at
nandyan palagi ang kanyang maestro na siyang nagbibigay ng aliw sa kanya sa kabila
ng pighating kanyang nadarama dulot ng pangungulila niya sa kanyang butihing ina.
Pilit siyang tinulungan ng kanyang maestro upang aliwin sa gitna ng
kapighatian subalit patuloy ang kanyang naging pagdurusa.
Dalawang buwan siyang nanangis hanggang sa dumating ang ikalawang liham
mula sa ama at pinasusundo na siya upang ibalik sa Albanya.
Nagpaalam na si Florante sa kanyang maestro. Pinagbilinan naman siya ng
maestro na mag-ingat kay Adolfo sapagkat tiyak na ito’y nagbabadya ng
paghihiganti.
Aralin 13
Ang Tagubilin ng Guro
Pinag-ingat ng maestro si Florante sa tiyak na kakabakahin sa oras na
makaharap si Adolfo. Sinabing huwag siyang magpahalata na batid niyang
sila’y magkaaway na lihim ni Adolfo. Ang mahalaga’y ang gagawing paghahanda
ni Florante sa isang napipintong labanan nila ni Adolfo. Nagpaalam na rin si Florante
sa matalik na kaibigang si Menandro. Labis ang kalungkutan ni Menandro sa pag alis
na iyon ni Florante. Nakita iyon ng maestro na isa ring amain ni Menandro kaya’t
pinahintulutan itong sumama kay Florante sa bayan ng Albanya. Dumating na ng
Albanya sina Florante at Menandro at dali-daling binagtas ni Florante ang papasok na
daan patungo sa kanilang tahanan. Dinatnan niyang may sakit ang ama na lubhang
lumalala sa pagyao ng asawa niyang kanya namang butihing ina. Hinagkan niya ang
kamay ni Duke Briseo. Nagyakap ng mahigpit ang mag-ama at siya namang pgdating
ng embahador ng Crotona dala ang sulat mula sa hari na humihingi ng saklolo.
Aralin 14
Ang Pinakamamahal na Bayan ng Albanya
Nasa gitna ng panganib ang bayang pinagmulan ng kanyang inang si Prinsesa
Floresca, ang bayang Crotona. Sinalakay sila ng hukbong pinamunuan ni Heneral
Osmalik ng Persiya at ng bantog na morong gererong si Aladin. Dahilan upang
lumapit si Duke Briseo sa hari ng Albanya na si Haring Linseo upang humingi ng
tulong. Isinama ni Duke Briseo si Florante sa pagpunta ng palasyo. Agad ipinakilala
ng duke ang kanyang bunying anak. At sinabi pa ng hari sa kanyang panaginip, ang
makisig na lalaki’y kanyang napangarap bilang tagapagmana ng kanyang setro’t
reyno. Noon din ay ginawang heneral ng hukbo si Florante na sasaklo sa bayan ng
Crotona na kinubkob ng moro. Sinabi rin kay Florante na nuno niya ang hari ng
bayang Crotona na kailangang iligtas at katungkulan niyang ibalik ang dangal at
kapayapaan dito. Tinanggap ni Florante ang malaking hamon ng hari na siya’y gawing
heneral ng hukbo.Pinagplanuhan nila ang mga dapat gawin at pinag-usapan din ang
mga pinagdaanan niyang karanasan sa Atenas sa panahon ng kanyang pag-aaral.
Aralin 15
Pag-Ibig sa unang pagkikita
Sa gitna ng pakikipagtalamitam ni Florante sa hari ay nakita ni Florante ang isang
dilag na diyosa at may mala-Venus sa kagandahan. Mahaba ang nakalugay na buhok
at ang mga mata’y mahinhing nakatitig sa kanya. Nabighani agad si Florante sa
kagandahan ni Laura nang ipakilala ni Haring Linseo ang anak.
Pakiwari ni Florante ay ikakasira ng kanyang isip ang labis na kagandahan ni Laura.
Agad niyang ipinagtapat sa hari ang kanyang matapat na pagsuyo at ang pag-
aalinlangang siya’y nababagay sa puso ng dalaga.
Pinahihintulutan ng hari ang kanyang paninikluhod at ipinangakong hindi magiging
talusira ang anak na si Laura sakaling ibigin si Florante.
Aralin 16
Ang Pangako ng Puso
Sinabi ni Florante na nangungulila pa rin siya sa kanyang ina subalit ang lumbay na
iyon ay pinawi ng pag-ibig na ukol para kay Laura. Nangako si Florante ng tapat na
pagsuyo bagama’t wala siyang maiaalay na yaman at kamaharlikaan.
Tatlong araw siyang nanatili sa palasyo real ng Albanya hanggang sa dumating ang
takdang araw ng kanyang paglisan patungong digmaan sa Crotona. Bago umalis ay
nagkaroon ng pagkakataong mag-usap sina Florante at Laura.
Muling nanikluhod ng pag-ibig si Florante kay Laura sabay ang pamamaalam ng
binata sa dalagang nililiyag. Noon tinugon ni Laura ang kanyang pag-ibig sa
pamamagitan ng pabaon na luha. Labis na nalumo si Florante sapagkat iiwan niya si
Laurang umiiyak para tumungo sa digmaan ngunit ang pabaong luha ni Laura ang
higit na nagpatapang sa kanya.
Dumating sila sa Crotona at nakipagdigma. Batid ni Florante na kung hindi sa
pabaong pag-ibig ni Laura ay baka nasawi na siya sa labis na pagdurusa.
Aralin 17
Ang Magiting na Mandirigma
Nilusob ng hukbo nina Florante at Menandro ang mga kuta ng kalaban. Maging si
Menandro bihasa rin sa pakikipaglaban. Nasaksihan ni Heneral Osmalik ang
kakayahan sa pakikidigma ng hukbo ni Florante sapgkat ang bawat hanay na
sumusugod ay para lamang mga kawayang tinatapyas ng mga ito.
Limang oras ang naging labanan hanggang sa sumuko ang mga kaaway nina
Florante. Napasok na nila ang siyudad at sinimulan na nilang tugisin ang tumatakas
na kaaway at agawin ang mga itinayong kampo. Sinalubong sila ng hari ng Crotona
matapos ang malaking tagumpay sa digmaan.
Nagsigawan ang mga tao sa ginawang pagpapalaya ng apo ng Monarka. Pumanhik ng
palasyo ang hukbo ni Florante at doon sila napahinga. Muling nanariwa ang alaala ng
ina ni Florante ng makaharap niya ang nuno niyang hari na ama ng kanyang inang si
Prinsesa Floresca. Limang buwan na nanatili ang hukbo ni Florante sa Crotona
upang tiyaking hindi na ito sasalakayin ng hukbo ng mga moro. Nagpasya na siyang
magbalik ng Albanya upang muling makita ang kasintahang si Laura.
Ngunit sa kanilang pagdating ng Albanya, nakita niya ang nakawagayway na bandila
ng mga moro sapagkat lumusob na ang mga ito sa pamumuno ng gererong si Aladin.
Natanawan ni Florante na nasa paanan ng bundok ang hukbo ng mga moro.
Aralin 18
Ang Bayaning Iniibig
Nakita ni Florante ang isang babaeng na binihag at iginapos ng mga moro. Laking
pangamba niya na si Laura ang bihag na pupugutan ng ulo. Hindi nag-aksaya ng
panahon si Florante at nilusob niya ang mga morong kaaway para puksain.
Matapos iligtas ay tinanggal ni Florante ang takip sa mukha ng babaeng bihag at
laking gulat niya nang makita si Laura. Agad na nasambit ni Laura ang pangalan ng
kasintahang si Florante. Maingat na kinalagan ni Florante ang gapos ni Laura.
Matapos iligtas ay tinanggal ni Florante ang takip sa mukha ng babaeng bihag at
laking gulat niya nang makita si Laura. Agad na nasambit ni Laura ang pangalan ng
kasintahang si Florante. Maingat na kinalagan ni Florante ang gapos ni Laura.
Nakatakdang pugutan ng ulo si Laura dahil sa pagtutol sa masamang balak ng Emir
na si Aladin. Nalaman ni Florante na bihag din si Haring Linseo at kanyang amang si
Duke Briseo kaya’t agad siyang nagpasiyang pasukin ang palasyo upang tuluyang
palayain ang Albanya sa mga nanalakay na moro.
Nabawi ng hukbo ni Florante ang kaharian ng Albanya. Agad tinungo ang bilangguan
at pinalaya ang nakabilanggong hari at duke. Naroon din at kabilang sa mga bihag si
Konde Adolfo.

Aralin 19
Ang Mapanibughong Puso ni Adolfo
Matinding pagkatuwa ang naramdaman ng hari dahil sa ginawang pagliligtas ng
hukbo ni Florante sa kahariang Albanya. Habang nagdiriwang sila sampu ng mga
maharlika’t kamahalan ay lihim namang naninibugho si Konde Adolfo dahil sa
tinamong tagumpay at kapurian ni Florante.
Lalong tumindi ang galit ni Adolfo nang ipagbunyi sa buong Albanya ang tagumpay na
iyon at tanghaling bayaning tagapagtanggol si Florante. Sumidhi ang panibugho ni
Adolfo nang ianunsyo ang pag-iisang dibdib nina Florante at Laura at ang korona’y
nakatakdang isalin kay Florante. Ang galit ni Adolfo na nagmula pa sa panahon ng
kanilang pag-aaral sa Atenas ay nagbunga na naman ng masamang balak na
ikinapahamak ng Kahariang Albanya at ni Florante.
Aralin 20
Ang Pananalakay ng mga Moro
Ilang buwan ang lumipas na namuhay ng tahimik at payapa ang kaharian ng
Albanya. Subalit muling nagbanta ng digmaan ang hukbo ng mga Turkong
nangangamkam nang manalakay sila sa mga bayan-bayan.
Muling inatasan ang hukbo ni Florante na tugisin ang mga morong maghahasik ng
lagim. Muling nangamba si Laura sa pag-alis ni Florante lalo’t naudlot ang kanilang
pag-iisang dibdib. Lingid sa kaalaman ng lahat ay pain lamang ni Adolfo ang lahat at
ito’y nakipagsabwatan sa mga moro upang umalis ng Albanya ang hukbo ni Florante.
Nasupil ni Florante ang hukbo ni Miramolin subalit nagbabanta ng panganib ang
hukbo ng mga turko para salakayin ang Albanya.
Aralin 21
Ang Muling Pakikidigma ni Florante
Nakipagtuos ang hukbo nina Florante at Menandro sa mga Moro.
Sunod-sunod na tagumpay sa digmaan ang tinamo ng hukbo nina Florante at
Menandro. Dumating ang hukbo nila sa siyudad ng Etolya at doon siya nakatanggap
ng sulat mula sa hari ng Albanya na siya'y pinauuwi na. Iniwan ni Florante ang
hukbo sa pamumuno ni Menandro at mag-isang naglakbay pabalik ng Albanya.
Madilim at malalim na ang gabi nang siya'y dumating sa palasyo. Nabigla at hindi
inaasahan ni Florante nang bigla siyang huliin.
Nakita niya ang may tatlumpung libong sandatahan na kumubkob sa kahariang
Albanya.
Aralin 22
Ang tagumpay ng kataksilan
Sa loob ng palasyo ay hinuli na ng mga kawal si Florante na pinamumunuan ng taksil
na si Adolfo. Ni hindi nagawang bunutin ni florante ang hawak na sandata at siya’y
iginapos kaagad. Dinala siya sa Karsel at doon ibinilanggo.Hindi makapaniwala si
florante nang matuklasang pinatay ni Adolfo si Haring Linseo at pati ang kanyang
amang si Duke Briseo. Labis-labis ang naramdaman niyang lumbay at pighati dahil
sa madilim na kinahantungan ng kahariang Albanya sa pagtataksil ni Adolfo
.Nalaman din niya ang nakatakdang pagpapakasal nina Adolfo at Laura na lalong
nagpasidhi ng sakit na nararamdaman. Labing walong araw siyang ibinilanggo at
pinarusahan. Minabuti pa ni Florante na siya’y mamatay na lamang subalit higit na
pagpapahirap ang nais ipadanas
sa kanya ni Adolfo. hanggang Sa isang gabi ay nagising siyang nakagapos sa isang
malaking puno sa gitna ng madawag na gubat. Dito siya nanaghoy at nanambitan
nang mapait na sinapit ng kanyang buhay, ang paglililo ni laura at ang kataksilan at
pag-iimbot ni Adolfo na naghasik ng lagim sa kahariang Albanya.
Aralin 23
Ang sawimpalad na moro
Si Aladin naman ang nagkuwento kay Florante nang mapait na sinapit. Siya’y taga-
Persiya, anak ni Sultan Ali-Adab.
Nakarating siya sa gubat kung saan natagpuan si Florante sapagkat tumakas siya sa
amang sukab at sa taksil na kasintahang si Flerida. May limang buwan siyang
naglakbay hanggang sa mapadpad sa gubat na iyon upang aliwin ang sarili.
Ikinuwento ni Aladin ang kanyang kagitingan pagdating sa pakikidigma dahil hindi
siya kayang talunin ninuman. Subalit labis siyang nalumbay at lumuha dahil sa
kasintahang si Flerida. Ipinadala siya ng amang sultan sa digmaan upang ilayo kay
Flerida. Nang matalo siya sa digmaan laban sa Albanya ay agad siyang ipinabilanggo
ng ama at pinapuputulan ng ulo. Sa takdang araw na siya’y pupugutan ng ulo ay
pumasok ang isang heneral sa loob ng kanyang karsel at sinabing siya’y pinapatawad
na subalit kailangan na niyang lisanin ang Persiya.
Mapait sa kalooban na sinunod niya ang utos ng amang sultan at mula noon ay
nagpalabuy-laboy na siya.
Aralin 24
Ang Tinig sa Gubat
NAGLILIBOT SA KAGUBATAN SINA FLORANTE AT ALADIN NANG MARINIG NILA ANG
DALAWANG TINIG NG BABAE NA PAANAS NA NAG-UUSAP. NAGKUWENTO SI
FLERIDA KAY LAURA KUNG PAANO SIYANG NAPADPAD SA KAGUBATANG IYON.
NAKIUSAP SI FLERIDA KAY SULTAN ALI-ADAB NA HUWAG PUPUGUTAN NG ULO
ANG KASINTAHANG SI ALADIN. PUMAYAG ANG SULTAN KAPALIT SA PAGPAYAG NI
FLERIDA NA MAGING ASAWA NITO. WALANG NAGAWA SI FLERIDA KUNG HIDI ANG
SUMANG-AYON SA UTOS NG HARI PARA MAKALIGTAS SI ALADIN. SA TUWA NG
SULTAN AY AGAD INIUTOS NA PAKAWALAN SI ALADIN NGUNIT AGAD DING
PALAYASIN SA PERSIYA. MATINDING LUMBAY ANG IDINULOT KAY FLERIDA NANG
PAGLISAN NI ALADIN NA HALOS UMUBOS SA LAHAT NG KANYANG LUHA.
Aralin 25
Tapat na Pagsuyo
Itinakda ang araw ng kasal nina Sultan Ali-Adab at Flerida kasabay ng paggayak sa
buong palasyo
Hindi maatim ni Flerida ang gagawing pagpapakasal sa ama ng lalaking iniibig niya
kaya’t nagpasya siyang takasan ito
Tumakas si Flerida sa pamamagitan ng bintana ng palasyo.
Nagkubli siya sa dilim na suot ang damit mandirigma upang siya’y hindi mapansin
ninuman
Nagkubli siya sa dilim na suot ang damit mandirigma upang siya’y hindi mapansin
ninuman
Mula ng siya’y makatakas kay Sultan Ali-Adab ay hinanap na niya si Aladin.
Kung saan-saang pook siya napadpad, kung ilang gubat na ang kanyang napuntahan
hanggang sa makarating siya sa kagubatan iyon at nasaksihang pinagtatangkaang
halayin ng isang lalaking sukab si Laura.
Hindi nagdalawang isip si Flerida na iligtas si Laura sa kamay ng buhong si Adolfo
Aralin 26
Sanga- Sangang Landas ng Puso
Natigilan sa pagsasalita si Flerida nang makita ang pagdating nina Florante at Aladin.
Lumantad ang dalawang mandirigma matapos makilala ang boses ng dalawang
babaing pinakaiibig at marinig ang buong katotohanan. Labis ang kaligayahan ng
apat ng magkadaupang palad sila. Hindi makapaniwala si Florante na pagkatapos
niyang dumanas ng laksa-laksang hirap ay muli niyang masisilayan ang walang
kupas na kagandaan ni Laura.
Pakiramdam niya'y naging paraiso ang gubat na iyon. Nakalimutan na niya na sa
pook na iyon ay muntik na siyang abutin ng kamatayan. Naglaho ang lahat ng
kanyang panibugho at pagdaramdam. Nalaman na ni Florante ang buong pangyayari
mula sa mismong bibig ni Laura. Noong umalis si Florante kasama ang kanyang
buong hukbo ay noon nanalakay ang mga Turko at sinimulang sakupin ang buong
kaharian ng Albanya .
Aralin 27
Ang Pagpapalaya ng Albanya
Sinalakay ng mga moro ang palasyo at hiningi ang kamatayan ng hari ng Albanyang si
haring Linseo. Pinapugutan ito ng ulo kasama ang buong konseho. Umupo sa trono si
Adolfo at nagsimulang maghari-harian. Hinangad ni Adolfo na makamit ang puso ni
Laura kahit sa sapilitang pamamaraan at pagbabanta ng kamatayan sa prinsesa kung
hindi tutugunin ang pag-ibig nito.
Nagkaroon ng pagkakataon si Laura na sumulat habang nasa Etolya si Florante at
kung hindi tutugon ang kasintahan ay mas pipiliin pa niyang mamatay kaysa
makasal kay Adolfo. Lihim niyang ipinadala ang sulat sa isang tapat na kawal upang
makarating kay Florante.
Ngunit nang dumating si Florante ay agad naman itong hinuli sapagkat nag-iisa at
walang kahandaan. Ang sulat palang natanggap ni Florante na may huwad na pirma
ng hari ay galing kay Adolfo at siya’y pinauuwing mag-isa upang linlangin.
Nang nalaman ni Laura na ang nangyari kay Florante ay minabuti niyang
magpatiwakal subalit siyang pagdating ng hukbo ni Menandro ng nakatunog na
nakaambang panganib.
Si Menandro ang nakatanggap ng sulat ni Laura na naglalaman ng katotohanang
sinapit ng Albanya. Pinalaya ng hukbo ni Menandro ang kahariang Albanya sa
pamamagitan ng pagsalakay sa mga kaaway na mananakop.
Aralin 28
Ang Wakas ni Adolfo
Natalo ang mga kawal ni Adolfo sa hukbo ni Menandro kaya’t nagpasya na itong
tumakas. Isinakay nito sa kabayo ang nakagapos na si Laura at dinala sa kagubatang
madawag.
Pagdating sa gubat ay doon pingtangkaang halayin ni Adolfo si Laura. Noon dumating
si Flerida na nasaksihan ang nais gawing panghahalay ng buhong na si adolfo.
HINDI NAGDALAWANG ISIP SI FLERIDA NA ILIGTAS SI LAURA SA KAPAHAMAKAN SA
PAMAMAGITAN NG PAGTUDLA NG PALASO. TINAMAAN NG PALASO SI ADOLFO NA SIYANG
NAGING SANHI NG KAMATAYAN NITO. NATAPOS ANG PAG-UUSAP NG APAT NANG
DUMATING SI MENANDRO SA GUBAT KASAMA ANG KANYANG HUKBO.
LAKING TUWA NITO NANG MAKITANG NAKALIGTAS SINA FLORANTE AT LAURA AT
MALAMANG ANG BUHAY NG BUHONG NA SI ADOLFO AY NAUTAS NA. MULA SA
KAGUBATAN AY LIGTAS NA IBINALIK NG HUKBO NI MENANDRO SINA FLORANTE AT LAURA
KASAMA ANG KANILANG NAGING TAGAPAGLIGTAS NA SINA ALADIN AT FLERIDA.
NAGSIGAWAN SA TUWA ANG BUONG KAHARIAN SAPAGKAT DUMATING NA ANG KANILANG
TUNAY NA HARI AT REYNA. PINABINYAGAN SINA ALADIN AT FLERIDA KASABAY ANG
PAGDARAOS NG MABUNYING KASAL SA APAT.
Aralin 29
Ang Hari at Reyna
Matapos maikasal ang apat ay nagbalik sina Aladin at Flerida sa Persiya. Namatay na
si Sultan Ali-Adab at si Aladin ang hinirang na bagong hari. Umupo naman sa trono
ng kahariang Albanya bilang hari si Florante kasama ang kaninyang reynang
minumutya na si Laura. Nagbalik ang kapayapaan sa Albanya sa pamumuno ni
Florante.Nakabangon na ito mula sa pagkalugami at nagbalik na ang tuwa’t
kaligayahan sa buong kaharian.

You might also like