You are on page 1of 8

YUNIT 1: ANG PAG-AARAL NG KASAYSAYAN

Aralin 1: Introduksiyon sa Pag-aaral ng Kasaysayan

Oras na Ilalaan: 6 oras

Panimula

Karaniwang kasagutan sa tanong na ano ang kasaysayan ay ang pag-aaral ng


nakaraan. Ngunit kung ito ay lilimiing mabuti ay higit pa rito ang kahulugan nito. Para sa
mga mag-aaral, ang pag-aaral ng kasaysayan ay karaniwang pagmememorya ng tao,
petsa, lugar at pangyayari. Kaya karaniwang para sa kanila ay nakakaantok at isang
asignatura lamang ito na kailangang ipasa at hindi naisasabuhay. Sa yunit na ito ay ating
bibigyang higit na malalim na kahulugan ang kasaysayan at ipapakita kung paano
nakaaapekto ito sa ating pang-araw–araw na pamumuhay. Mahalaga ring maiugnay ang
ating mga sarili sa mga kaganapan sa nakaraan upang magkaroon ng halaga ang mga
bagay na ito sa ating kasalukuyan.

Sa pagtatapos ng aralin, ang mga mag-aaral ay inaasahang:

1. Naipaliliwanag kung ano ang kahulugan ng kasaysayan;


2. Natutukoy ang pagkakaiba ng primarya at sekondaryang batis, gayundin ang mga
halimbawa nito;
3. Nasusuri ang kaibahan ng kritikang panlabas sa kritikang panloob;
4. Nabibigyang ebalwasyon ang kredibilidad, awtentisidad, at pinanggalingan ng
mga primaryang batis.
5. Natutukoy ang mga lugar na maaaring pagkunang dokumento at impormasyon
sakaling gumawa ng isang saliksik na may kaugnayan sa kasaysayan
6. Naiaangkop ang aralin sa mga kaganapan sa sariling paligid

KASAYSAYAN

Ang salitang “history” sa payak na pagbibigay kahulugan ay kadalasang


sinasabing pag-aaral sa ating nakaraan. Subalit hindi dito nagtatapos ang kahulugan nito.
Kung uugatin, ito ay nagmula sa salitang Griyegong “historia” na nangangahulugang
pagsisiyasat (inquiry). Sa tala ni Louis Gottschalk, sang-ayon kay Aristotle, ito ay isang
maayos na pagtatala gamit ang mga pangyayari o penomenon maging ito man ay sunod-
sunod o hindi.

Ayon kay Dr. Zeus Salazar na kinikilalang “Ama ng Pantayong Pananaw”, ang
kasaysayan ay salaysay ukol sa nakaraan na may saysay para sa sariling grupo na
isinasalaysay gamit ang sariling wika at kalinangan. Ibig sabihin, hindi lamang ito basta-
basta pagtatala ng mga pangyayari sa nakaraan bagkus, kailangan ang nakaraang ito ay
mayroong saysay o halaga sa isang grupo ng tao. Sa ganitong paraan, lumalabas na
hindi lamang ito pagsasalaysay bagkus, tayo ay nagsasalaysay ukol sa ating mga sarili.

Ganito rin ang naging pakahulugan ni Dr. Augusto de Viana sa salitang


kasaysayan, inugat niya ito at hinati sa tatlo: Ka-, saysay, at –an. Ang salitang ugat ay
salitang saysay na maaaring bigyang kahulugan kagaya ng mahalaga, may kwenta,
importante at iba pa. kung ito naman ay dadagdagan ng hulaping –an, nagkakaroon ng
saysayan na kung bibigyang kahulugan ay nagkakaroon ng talastasan, kwentuhan,
pagbabahagi ng mga ideya o kuro-kuro (nagsasaysayan). Mahalagang tandaan na ang
bagay na pinag-uusapan ay mayroong kabuluhan at hindi lamang basta nangyari. Ang
huling bahagi at ang pagdagdag ng unlaping Ka- na kung saan ay tumutukoy sa relasyon
o pagbubuklod. Halimbawa nito ay ang mga salitang kaibigan, kasintahan, kaanak at iba
pa. Ang Ka- ay maaaring makapagbuklod, maaari ring mag-ipon ng mga bagay. Sa
makatuwid, ang kasaysayan ay kalipunan o koleksyon ng mga salaysay na may saysay.

Kung ating bubuuin ang ideya, ang kasaysayan ay pagtalakay sa mga


mahahalaga, may kwenta at importanteng mga pangyayari sa nakaraan sa pamamagitan
ng pagbabahagi maging ito man ay pasulat o pasalaysay. Mula sa pagbabahaging ito ay
nagiging kabilang sa kasaysayan ang mga tao na makababasa at makaririnig nito.

Para naman kay Constantino, ang kasaysayan ay hindi lamang limitado sa


pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari; hindi rin ito limitado sa mga tala ng
kabayanihan ng mga sikat na tao, bagkus ito ay ang mga tala ng kolektibong pagtutulong-
tulong ng mga karaniwang mamamayan upang magkaroon ng kaginhawahan. Para sa
kaniya, ang “masa” o karaniwang mamamayan ay may kapasidad na lumikha ng
kasaysayan.

BATIS

Lubhang napakahalaga ng batis o sources sa pag-aaral ng kasaysayan sapagkat


sa pamamagitan ng mga ito, mapapatunayan na ang isang tala ay nangyari o naganap
sa mga nakalipas na panahon. Sa katunayan, mayroong panahon sa pag-aaral ng
kasaysayan na kinonsidera ng mga eksperto o historyador na kung walang dokumento
ay walang kasaysayan (no document, no history) sang-ayon ito sa pahayag ni Leopold
Von Ranke na isa ring historyador. Subalit sa paglipas ng panahon, maging ang mga
bagay na hindi naman ginagamit bilang dokumento ay naging batayan na rin ng
pagsasakasaysayan. Nakatutulong ang dokumento upang magkaroon tayo ng sulyap sa
nangyari sa nakaraan ngunit mahalaga ring tandaan na hindi nito maibabalik ang buong
pangyayari na ating tinitingnan.

Nabanggit ni Louis Gottschalk sa kanyang aklat na Understanding History na


lubhang mahalaga ang batis sa pag-aaral ng kasaysayan, aniya:
Ibinahagi ni Gottschalk sa itaas na hindi lamang limitado sa mga aklat ang mga
batis bagkus ay makikita rin ito sa mga lugar na hindi natin inaasahan na mapagkukunang
batis kagaya ng mga museo, simbahan at iba pa.

Mahahati sa dalawang bahagi ang pag-uuri sa batis, maaaring ito ay primarya o


sekundaryang batis at nakasulat at hindi nakasulat.

Primaryang batis

Ang primaryang batis ay karaniwang mga tao o maaari ring mga bagay na
mismong naging saksi habang nagaganap ang isang mahalagang pangyayari.
Kadalasang sila ay malapit sa mga pangyayari at nagagamitan ng pandama– maaaring
kanilang nakikita, nadarama, naririnig, naaamoy ang mga pangyayari habang ito ay
nagaganap. Ilan sa mga halimbawa ng primaryang batis na nakasulat ay:

a. Talaarawan- tinatawag din itong diary o journal. Ang mga ito ay naratibo ng
mga kaganapan na inakda ng mga tao na mismong nakaranas at nakasaksi sa
mga pangyayari. Kadalasan na ito ay isinusulat ng may-akda araw-araw. Isang
halimbawa nito ay ang diary ni Hen. Gregorio del Pilar na naglalarawan ng
kanyang karanasan sa pakikibaka sa mga Amerikano. Nagtapos ang kanyang
pagsusulat nang siya ay mapaslang ng mga Amerikano sa Pasong Tirad.

b. Awtobiograpiya- tinatawag din itong talambuhay na isinulat ng may-akda na


pumapatungkol sa kanyang sarili. Mahahalagang mga kaganapan, lugar, tao at
mga pangyayari ang kadalasang paksa ng nasabing akda.

c. Liham- ito ay ang mga sulat ng may-akda na naglalaman ng mensahe,


pananaw o damdamin na nais niyang iparating sa taong kinauukulan. Halimbawa
nito ay ang Liham ni Rizal sa Kadalagahan ng Malolos na may petsang Pebrero
22, 1889. Dito pinapurihan ni Rizal ang kagitingan at katapangan na ipinamalas
ng kadalagahan ng Malolos na umalpas mula sa pagkaalipin ng kamangmangan
sa pamamagitan ng paghiling nila sa gobernador-heneral na makapagtayo ng
isang paaralan na magtuturo ng wikang Espanyol.

d. Diyaryo/Pahayagan- isang dokumento na inilathala at inilimbag kaalinsabay


ng mga isyung panlipunan na tinatalakay sa mismong pahayagan. Maaari rin itong
maglaman ng ulat ukol sa mga kaganapang pulitikal, pang-ekonomiko at
panlipunan. Tumatalakay din ang mga pahayagan sa mga opinyon at pananaw ng
mga eksperto sa isang partikular na isyu. Isang halimbawa ng pahayagan ay ang
Diariong Tagalog, na pinamatnugutan ni Marcelo H. del Pilar. Ito ang kauna-
unahang bilingguwal na pahayagan na nasusulat sa wikang Tagalog at
Espanyol.Isiniwalat ng nasabing pahayagan ang pang-aabuso ng mga prayleng
Kastila at ang pagmamalabis ng mga opisyal ng gobyernong kolonyal.

e. Memoir- isa itong uri ng primaryang batis na naglalarawan ng mga pangyayari


habang bumabanggit ng kanyang sariling kuro-kuro ang may-akda.
Ipinapaliwanag ng may-akda ang isang kaganapan sa paraang naratibo gayundin
ang paglalahok niya ng kanyang opinyon base sa kanyang paniniwala. Isang sikat
na memoir ay ang The Philippine Revolution o ang La Revolucion Filipina na
inakda ni Apolinario Mabini. Tinalakay niya rito ang pagtatagumpay ng
Himagsikang Pilipino laban sa mga Espanyol gayundin ang pagtatatag ng isang
Republika na kinikilala ng mga bansa sa Asya at sa Europa noong 1899.

f. Mga Ulat- Kadalasang mga opisyal na dokumento ang mga ulat na nanggaling
sa isang grupo ng tao na naglalayong maghatid ng impormasyon ukol sa isang
partikular na kaganapan. Ginagamit ang mga ulat sa mga imbestigasyon o sa mga
pagdinig upang magamit na basehan ng hakbangin ng pamahalaan. Halimbawa
ng ulat ay ang dokumento na inilabas ng Agrava Fact-Finding Commission na
nagsiyasat sa mga kaganapan ukol sa pagpaslang kay dating Senador Benigno
Aquino Jr. noong 1983. Ginamit ang ulat ng Komisyong Agrava sa pagsasampa
ng kaukulang asunto sa Sandiganbayan laban sa mga opisyal na pinaniniwalaang
sangkot sa nasabing pagpaslang. Ilan pang halimbawa ng ulat ay ang mga ulat ng
lupon na ginagamit ng mga mambabatas sa pamahalaang lokal bilang basehan
ng mga ordinansa at gawaing lehislasyon.

g. Mga Talumpati- isa ring uri ng primaryang batis ang mga talumpati. Ito ay
ang mga pahayag na binigkas sa mga mahahalagang okasyon, pagtitipon,
gawaing panrelihiyon o pulitikal. Mahalagang nakalathala ang mga nasabing
talumpati bago mauri bilang nasusulat na primaryang batis. Sa bisa ng Artikulo 2
ng Kodigong Sibil ng Pilipinas, minamandato ang paglalathala ng mga
mahahalagang talumpati sa Official Gazette, ang opisyal na pahayagan ng
pamahalaan ng Pilipinas. Ilan sa mga nalathala ay ang mga talumpati ng Pangulo
sa ilang mahahalagang pagdiriwang. Maaari ring isama sa mga talumpati ang mga
privilege speech ng mga mambabatas na nailalathala naman sa mga dokumento
ng Kongreso na tinatawag na journal.
h. Opisyal na mga Dokumento- bahagi ng gampanin ng pamahalaan ang
maglathala ng mga opisyal na dokumento na naglalaman ng mga mahahalagang
kalatas, anunsyo o mandato. Dahil dito, nagagamit ang mga opisyal na dokumento
bilang primaryang batis. Ilan sa mga ito ay ang mga orihinal na kopya ng mga
batas na ginawa ng Kongreso at pinirmahan ng Pangulo gayundin ang mga
desisyon ng hudikatura, kalatas ng mga administratibong ahensya ng gobyerno,
at iba pang mga katulad nito. Halimbawa ng mga opisyal na dokumento ay ang
Acta de la Proclamacion de la Independencia del Pueblo Filipino na inakda ni
Ambrosio Rianzares Bautista at binasa kaalinsabay ng deklarasyon ng kalayaan
ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898. Isa ring primaryang batis ang Proclamation
No. 1081 ni dating Pangulong Marcos na nagdedeklara na ang buong bansa ay
nasa ilalim ng Batas Militar.

i. Mga Kasunduan- kinokonsidera ring primaryang batis ang mga kasunduan


na nilagdaan ng mga pinuno ng pamahalaan o ng mga samahan. Isang halimbawa
ng kasunduan ay ang Kasunduan sa Biak-na-Bato na nilagdaan ng mga kinatawan
ng pamahalaang rebolusyonaryo at gobyernong kolonyal ng mga Espanyol.

Mayroon din namang primaryang batis na hindi nakasulat kagaya ng:

a. Artipakto- ito ay tinatawag ding liktao na halaw sa aklat ni Prop. Zeus


Salazar na nalathala noong 2004. Ito ay mga bagay na nahukay ng mga
arkeologo mula pa sa unang panahon na ginamit at hinubog ng tao ayon sa
kanilang kultura. Ilan sa mga halimbawa ng artipakto ay ang balangay, isang uri
ng sinaunang sasakyang pandagat na nahukay at natagpuan sa lungsod ng
Butuan noong 1978. Ang balangay ay isang katunayan na may kakayahan at
kahusayan na ang mga sinaunang Pilipino sa paggawa ng malalaking sasakyang-
pandagat na sumasalamin sa kabihasnang maritimo bago pa man ang pagdating
ng mga Europeo. Isa rin halimbawa ng artipakto ang hikaw na natagpuan sa
Yungib Duyong ng Palawan na tinatawag na Lingling-o na sumisimbolo sa
karangyaan ng sinaunang pamayanang Pilipino.

b. Relikya- ito ay mga labi ng mga bagay na may buhay gaya ng tao, hayop,
halaman at iba pa. Ito ay maaaring mga buto ng hayop at tao o mga bakas
(imprints) ng mga halaman sa mga yungib o bato. Ilan sa mga halimbawa nito ay
ang buto ng daliri sa paa (metatarsal) ng Taong Callao na natagpuan sa Yungib
Callao sa Cagayan. Ayon sa mga eksperto, ito ay tinatayang may 67,000 taon na.
Isa pa ring halimbawa ng relikya ay ang natagpuang bagang (molar) ng stegodon
luzonensis. Ito ay isang uri ng elepante na tinatayang nabuhay sa Pilipinas. Ang
nasabing relikya ay natagpuan sa Hilagang Luzon.

c. Kasaysayang Oral- isang uri ito ng primaryang batis na ‘di-nakasulat. Ito


ay ang mga sali’t saling pahayag, kwento, o salaysay na maaaring tiyak o hindi
tiyak ang pinagmulan. Halimbawa ng mga kasaysayang oral ay ang mga alamat,
epiko, sawikain, bugtong, at kwentong bayan. Halimbawa ng mga ito ay ang Biag
ni Lam-ang, isang Ilokanong epiko na binigyang bikas ni Pedro Bukaneg.
d. Larawan at dibuho- Ang mga ito ay nagsisilbing primaryang batis. Ito ay
bunga ng mga likha ng tao sa pamamagitan ng dunong at teknolohiya. Ebidensya
ang mga larawan sa pagpapatibay na ang mga tao ay naroon nga sa binabanggit
na lugar o pagtitiyak na naganap nga ang isang pangyayari. Ilan sa halimbawa ng
dibuho ay ang Spoliarium ni Juan Luna na nakatanghal ngayon sa Pambansang
Museo ng Pilipinas. Ginamit na simbolismo sa dibuhong ito ang mga nasawing
gladyador bilang mga Pilipino na inaalipin at pinahihirapan ng mga
Espanyol.Ipinapakita ng dibuhong ito ang karahasan at pang-aabuso ng mga
mananakop na Espanyol sa mga Pilipino. Isa namang halimbawa ng larawan ay
ang larawan ng tatlong propagandistang sina Dr. Jose P. Rizal, Marcelo H. del
Pilar at Mariano Ponce habang sila ay nasa Europa.

Sekundaryang Batis

Sekundaryang batis naman mabibilang ang mga batis na hindi “saksi” sa mga
pangyayari ngunit naglalahad ng impormasyon kaugnay ng primaryang batis. Ayon kay
Gottschalk, ito ay mga testimonya ng mga hindi saksi sa pangyayari subalit nagbabangit
ng mga bagay na may kaugnayan dito. Karaniwang nagbibigay komentaryo o paliwanag
sa isang pangyayari ang mga batis na kaugnay nito. Pinakamagandang halimbawa ay
ang mga teksbuk sa paaralan. Hindi man nito nasaksihan ang pangyayari, ipinaliliwanag
naman dito ang mga interpretasyon sa primaryang batis ng mga may-akda. Halimbawa
ng teksbuk ay ang History of the Filipino People at Revolt of the Masses ni Teodoro
Agoncillo, A Continuing Past at Past Revisited ni Renato Constantino at marami pang
iba. Ilan pang halimbawa ng sekundaryanng batis ang mga brochure, magazine,
gayundin ang mga nailathalang artikulo sa internet.

KRITISISMO

Nabanggit sa mga naunang pahina ang hindi pagkakabuo ng ganap na pangyayari


sa nakaraan at tanging sulyap lamang ang ating magagawa. Para kay John Tosh,
tungkulin ng historyador na mapagtagpi-tagpi ang mga pangyayari mula sa limitadong
mga batis. Hindi sapat na mayroong primaryang batis na susuriin kailangan din ng
kritisismo ng mga dokumentong ito upang higit na mapalabas ang katotohanan ng mga
pangyayari sa nakaraan. Gayundin, hindi rin naman maipaliliwanag mag-isa ng
dokumento ang kanyang sarili, kailangan ng taong magsusuri sa kanya upang mapalabas
ang tunay na katotohanan sa mga bagay na mahalaga sa nakaraan. Sa ganitong banda,
kailangan nang masusing pagsisiyasat ng mga historyador sa mga dokumento upang
masiguro ang otentisidad ng kanilang mga batis at dito papasok ang kritisismo. Ito ay
nahahati sa dalawa: Kritisismong Panlabas at Kritisismong panloob.

Kritikang Panlabas

Ang Kritikang Panlabas o Kritika ng katunayan at kapanalinagan ay may


kinalaman sa pagkilala kung tunay o di-tunay ang batis. Sumasailalim sa restitusyon o
pagwawasto ng batis upang maibalik ito sa orihinal. Mahalaga rin ang pagtatakda ng
kapanaliganan at saligan batay sa pinanggalingan ng batis – panahon, lugar at may-akda,
bago makatiyak kung maaring gamitin ang batis para sa pananaliksik. Kailangan ang
lahat ng ito upang maipakita ang tunay at hindi huwad o peke ang batis. Halimbawa, kung
magsusuri ng isang primaryang dokumento kaugnay ni Rizal, mahalaga na suriin ang uri
ng papel, ang tintang ginamit at estilo ng pagsulat upang mapatunayan ang katotohanan
ng batis.

Kritikang Panloob

Ang Kritikang Panloob ay ang higit na malalim na pagsusuri ng dokumento.


Sinusuri na dito ang mismong nilalaman ng akda upang tuklasin ang tiyak at tunay na
kahulugan ng sinusuring dokumento. Mahalaga na nauunawaan ang wikang ginagamit
ng may-akda upang mapalabas ang tunay na pakahulugan dito. Lalo’t higit kung paano
ginagamit ang wika sa panahon ng pagkasulat. Isang maaaring halimbawa nito ay ang
“And Dapat Mabatid ng mga Tagalog” bagamat nakasulat sa lengwaheng Tagalog, iba
na ang maaaring gamit ng ilang salita rito sa kasalukuyan. Kaya’t kung hindi magiging
maingat ang nagsusuri ay maaaring hindi maipalabas ang tunay na pakahulugan ni
Andres Bonifacio sa panahong kanya itong isinusulat.

REPOSITORYO NG MGA SANGGUNIANG BATIS

Ang mga sangguniang batis na ito ay tinipon at kinalap ng mga mananaliksik,


historyador at mga arkeologo. Ang mga ito, maaaring primarya o sekondaryang batis man
ay maaaring matagpuan sa mga sumusunod na repositoryo sa Pilipinas:

1. Pambansang Museo ng Pilipinas (National Museum of the Philippines) -


matatagpuan sa Lungsod ng Maynila at dating gusaling lehislatibo ng
pamahalaang Komonwelt. Nakalagak dito ang mga sikat na primaryang batis gaya
ng bahagi ng balangay mula sa Lungsod ng Butuan, ang dibuhong Spoliarium ni
Juan Luna, ang bangang Manunggul, at ang hikaw na Lingling-o.
2. Pambansang Sinupan (National Archives of the Philippines) - Nakalagak dito ang
mga opisyal na dokumento gaya ng mga dokumento noong panahon ng Kastila.
3. Gusali ng National Historical Commission of the Philippines- kinalalagakan
ng mga mahahalagang pahayagan, peryodiko at mga aklat na mga
mapagkakatiwalaang manunulat ng kasaysayan ng Pilipinas.
4. Pambansang Aklatan ng Pilipinas (National Library of the Philippines) – tahanan
ng mga mahahalagang aklat, dokumento, artikulo, pahayagan at peryodiko
kagaya ng mga orihinal na kopya ng mga nobela ni Rizal na Noli Me Tangere at
El Filibusterismo.
5. Intramuros Administration- isang ahensya na nasa ilalim ng Tanggapan ng
Pangulo ng Republika ng Pilipinas na nangangalaga ng mga dokumento at gamit
na gumanap ng malaking papel sa kasaysayan ng Intramuros.
6. Mga museo at aklatang lokal- karaniwan na may mga aklatan at museo ang mga
lalawigan at bayan sa Pilipinas. Isang halimbawa nito ang Aklatang Panlalawigan
ng Bulacan na naglalaman ng mga aklat, peryodiko at artikulo na may kinalaman
sa kalinangan at kasaysayan ng Lalawigan ng Bulacan. Gayundin ang Museo ng
Kasaysayang Pampulitika ng Pilipinas na nasa Dambana ng Casa Real sa
Lungsod ng Malolos. Itinatanghal ng nasabing museo ang iba’t ibang tagpo sa
kasaysayang pampulitika ng Pilipinas mula sa pagtatatag ng mga kabihasnan sa
ilaya at ilawud hanggang sa pagkakamit ng soberanyang tinatamasa ng bawat
mamamayang Pilipino sa kasalukuyan.
7. Pambansang Dambana- ang mga dambana ay lugar kung saan nakahimlay ang
mga labi ng mga kinikilalang bayani ng bayan. Kadalasan na may mga museo rin
na matatagpuan sa mga ito. Isang halimbawa ng dambana ay ang Dambana ni
Gat. Marcelo H. del Pilar na matatagpuan sa Brgy. San Nicolas, Bulakan,
Bulacan.

Nagsisilbing lagakan ng mga primarya at sekondaryang batis ang mga gusaling ito.
Itinuturing na yaman ng bayan ang mga primaryang batis pati ang mga repositoryo
kung saan ito matatagpuan. Kung kaya, masidhi ang pag-iingat na hinihingi ng
pamahalaan sa mga mag-aaral, mananaliksik at historyador na nagsasadya sa mga
lugar na ito.

You might also like