You are on page 1of 3

Source: https://tl.wikipedia.

org/wiki/Ikatlong_Republika_ng_Pilipinas
ARALING PANLIPUNAN Knowledge Dump: Ikatlong Republika
1. Ikatlong Republika ng Pilipinas
Ang Ikatlong Republika ng Pilipinas ay tumutukoy sa kasaysayan at pamahalaan ng
Pilipinas mula Hulyo 4, 1946 hanggang Setyembre 21, 1972. Ito ay ang pinakamatagal
na republika sa kasulukuyan, na tumagal ng 26 na taon, tagal na hindi pa narating
ng kasalukuyang republika – ang ikalimang republika na 20 taon pa lamang ngayon.
Nagsimula ito sa isang masayang seremonya sa Luneta at natapos sa isang malungkot
na pangyayari, na ang patagong pagdedeklara ng Batas Militar. Sa lahat ng naging
republika noon, ito lamang ay masasabing malaya sapagkat ito ay opisyal na kinilala
ng maraming bansa. Bagamat ang unang republika ni Emilio Aguinaldo ay masasabing
malaya sa ibang aspeto, ito'y hindi kinilala ng ibang bansa at gaya na rin ng kay
Jose P. Laurel (ang ikalawang republika) na binuo at kinilala lamang ng alyansang
Axis (Hapon, Alemanya, at Italy) habang hindi kinilala ng mga ibang bansa.

Ang Ikatlong Republika ng Pilipinas ay batay sa Saligang Batas ng 1935 (isinulat


noong 1934) at pinagtibay ng Komonwelt ng Pilipinas (1935–1946). Ito'y inspirasyon
ng mapanlinlang na "benevolent assimilation" na patakaran ng Amerika bilang
transisyon ng Pilipinas mula direktang kolonya patungong kasarinlan. Itinadhana ang
orihinal na Saligang Batas ng 1935 para sa isang Kongreso na may isang Kapulungan
ng mga Kinatawan at nirebisa ito noong 1940 para bigyang-daan ang kongresong may
dalawang kapulungan: Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan (Kamara de
Representantes) at para baguhin din ang termino ng pangulo. Sa saligang batas na
ito, may hangganan ang Pangulo sa terminong apat na taon at maaari lamang maupo ng
dalawang termino, ngunit isang Pagpupulong ng Saligang Batas (Constitutional
Convention) ang ginanap noong 1971 upang baguhin ang Saligang Batas ng 1935.
Nabahiran ang pagpupulong ng mga pagsuhol at korupsiyon. Marahil ang
pinakakontrobersiyal ang usapin ng pagtanggal sa hangganan ng termino ng isang
pangulo dahil sa gayon maaaring tumakbo si Ferdinand Marcos sa ikatlong taning. Sa
anumang usapin, sinuspinde ng pagpapahayag ng batas militar ang Saligang Batas ng
1935, na gaya nang nasabi, siyang naging katapusan ng Ikatlong Republika. Sa
kabilang banda naman, isa pa sa pinakamalaking bagay na nagpabago sa Saligang Batas
ng 1935 ay ang pasasalaksak ng tinatawag na "American Parity Rights" na nagbigay sa
mga Amerikano ng mga karapatang laan lamang sa mga Pilipino, lalo na sa
pagnenegosyo at paglilinang ng yamang-likas ng bansa. Ito raw ang pagtulong ng mga
Amerikano sa Pilipino, ngunit ginawang monopolyo ng mga banyagang ito ang lahat ng
negosyo sa Pilipinas, at sa mahabang panahon ay mga Amerikano (at Tsino) ang
nagkontrol ng ekonomiya ng Pilipinas. Puro sila ang nag-may-ari ng karamihang
kompanya gaya ng sa kuryente, sa telekomunikasyon, kompanya ng pagmimina and marami
pang iba, kaya ang Pilipino na ang mga may-ari ng bansa ay sila ring nagtrabaho
para sa mga banyagang nagnenegosyo.

2. Ang Mga Pangulo ng Ikatlong Republika


A. Manuel Roxas (1946–1948)
Bago pa man din siyang maging unang pangulo ng Ikatlong Republika, si Manuel Roxas
ang naging huling pangulo ng Commonwealth. Isang estadista ng Capiz (sa lungsod na
ipinangalan sa kanya nang siya ay mamatay, ang Lungsod ng Roxas), si Roxas ang
nagsimulang magtayo ng ekonomiya ng isang bansang winasak ng digmaan. Kaniyang
ipinatupad ang ibang pangunahing mga prayoridad ng kaniyang administrasyon gaya ng:
ang industrialisasyon ng Pilipinas, ang pagpapatagal ng malapit na kooperasyon at
ispesyal na relasyon sa Estados Unidos (dahilan kung bakit sa panahon niya'y isang
pampublikong kaalaman na siya'y isang "Pro-American"), ang pagpapanatili ng batas
at kaayusan at ang pagpasa sa kongreso ng batas na magbibigay sa magsasaka ng 70%
ng kabuuang kinitang ani (30% lamang sa panginoong maylupa). Ngunit noong gabi ng
Abril 16, 1948, si Roxas ay namatay sa isang atake sa puso sa Clark Field, Pampanga
matapos magbigay ng talumpati sa mga sundalong Amerikano at tagasuportang Pilipino.

B. Elpidio Quirino (1948–1953)


Ang pangalawang pangulo ng Pilipinas sa administrasyon ni Roxas na si Elpidio
Quirino ang siyang pumalit matapos ang kaniyang pagpanaw. Siya ang unang Ilokanong
pangulo na nagtapos sa 4 na taong termino ni Roxas at nanalo sa halalan noong 1949.
Sa kaniyang administrasyon, pinakamalaki niyang pinagtuunan ng pansin ang
pagpapatuloy ng pagbabago at rehabilitasyon ng ekonomiya & ang pagpapanumbalik ng
tiwala at kooperasyon ng marami sa pamahalaan. Kinaharap ng kaniyang administrasyon
ang isang malubhang banta ng kilusang komunistang Hukbalahap (Hukbo ng Bayan laban
sa Hapon), isang pulang komunista. Pinasimulan niya ang kampanya laban sa mga Huk,
at bilang pangulo, nagawa niya ang mga sumusunod na karaniwang ipinapatungkol sa
kaniya. Una, ang paglikha ng PACSA (President's Action Committee on Social
Amelioration), na layuning tulungan ang masa mula sa pagbagsak ng ekonomiya.
Pangalawa, ang paglikha ng ACCFA (Agricultural Credit Cooperative Financing
Administration) para tulungan ang magsasaka na magamit ng pautang na may mababang
interes mula sa pamahalaan. At panghuli, ang pagtayo ng mga bangkong rural at Labor
Management Advisory Board, isang pampangulong lupong tagapayo. Ang administrasyon
niya ay nagtagumpay sa pakikipagugnayan sa ibang bansa. Kasama nang kaniyang pagka-
estadista, kaniyang napahanga ang ilang mga pinuno ng estado at banyagang mga
diplomatic corp at sa kaniyang opisyal na biyahe sa labas ng bansa, siya ang sugo
ng mabuting pakikisama at pakikipagkaibigan. Namatay siya sa atake sa puso noong
Pebrero 29, 1956 sa gulang na 66.

C. Ramon Magsaysay (1953–1957)


Si Ramon Magsaysay ang kalihim ng Tanggulang Pambansa sa ilalim ng administrasyong
Quirino. Kaniyang iniligtas ang demokrasya sa Pilipinas. Ito ang kaniyang
pinakamahalagang nagawa. Pinigil niya ang paghihimagsik ng Huk o ng komunista.
Sumuko sa kaniya si Luis Taruc, ang Supremo ng Huk o ang pinakamataas na lider ng
komunista. Kaya si Magsaysay ay tinawag na "Tagapagligtas ng Demokrasya" na naging
sanhi ng kaniyang pagiging tanyag. Ilan sa kaniyang mga nakamit ay ang mga
sumusunod: Ang pagpapabuti ng pamantayan ng pamumuhay sa pamamagitan ng paggawa ng
mga sistemang patubig, tulay, balon at kalsada; pagsasakatuparan ng paggamit ng
Barong Tagalog sa mga opisyal at sosyal na gawain na dati ay itinuturing na damit
ng mahirap, pagtatatag ng SEATO (Southeast Asia Treaty Organization), isang
panrehiyon na politiko-militar na agregasyon, noong Setyembre 18, 1954; negosasyon
sa Hapon ukol sa kasunduan ng bayad-pinsala sa digmaan kung saan ay huling
nilagdaan sa Maynila (ang bansang Hapon ay magbabayad ng bayad-pinsala sa digmaan
nagkakahalaga ng $300,000,000 sa loob ng 25 taon) at ang Kasunduang San Francisco,
kung saan opisyal na nagpawakas sa bansang Hapon at Pilipinas mula sa estado ng
digmaan. Siya ang "pinakamamahal" na Pangulo ng Pilipinas dahil ibinalik niya ang
tiwala ng marami sa pamahalaan. Subalit nagwakas ito nang mamatay siya dahil sa
isang pagbagsak ng eroplano na bumangga sa Bundok Manunggal malapit sa Balamban,
Cebu noong Marso 17, 1957.

D. Diosdado Macapagal (1961–1965)


Kahit siya ay kilala bilang "batang dukha" mula sa Lubao, si Diosdado Macapagal ay
isang bar topnotcher, isang respetadong abogado at manunulat at epektibong
manunulat. Kaniyang pinangako ang "Bagong Panahon" ("New Era") sa bansang Pilipinas
sa pamamagitan ng mga sumusunod: paggamit ng pambansang wika (Filipino) sa mga
pasaporte, selyo, palatandaang trapiko, pangalan ng mga bagyo, diplomang
pampaaralan at iba pang mga katibayang diplomatiko; paglipat ng Araw ng Kalayaan ng
Pilipinas sa Hunyo 12 mula Hulyo 4; paghahain ng opisyal na pag-aari ng Pilipinas
sa Sabah noong Hulyo 22, 1962; ang pagkakalikha ng samahang Mapilindo (Malaysia,
Pilipinas, Indonesya) na isang pagkakaisang pang-ekonomiya at ang pagpasa sa
kongreso ng Agricultural Land Reform Code noong 1963. Humalili rin siya bilang
pangulo ng Kumbensiyong Konstitusyonal noong 1971 para sa pagpapabago ng saligang
batas. Namatay siya sa atake sa puso, pulmonya at sakit sa bato sa Ospital ng
Makati noong Abril 21, 1997 makaraan ang isang taon, ang kaniyang anak na si Gloria
Macapagal-Arroyo ay ipinroklamang ikaapat na pangulo ng Ikalimang Republika ng
Pilipinas dahil sa EDSA II.

E. Ferdinand Marcos (1965–1972)


Si Ferdinand Marcos ay isang Pangulo ng Senado mula pa noong 1963 at matagal na
panahon siyang naging kasapi ng Partido Liberal. Hiningi niya ang nominasyon ng
partido bilang kandidato sa pagkapangulo noong 1965, ngunit ang kasalukuyang
pangulo na si Diosdado Macapagal ang pinili ng partido. Tumiwalag si Marcos sa
Partido Liberal at lumipat siya sa Partido Nacionalista, kung saan nakuha niya ang
kanilang nominasyon. Nanalo siya at si Fernando Lopez, ang kandidato ng Partido
Nacionalista sa pagka-pangalawang pangulo, laban kay Macapagal at Gerardo Roxas sa
isang landslide victory na dala-dala ang islogan na "This nation can be great
again." Sa kaniyang paglilingkod bilang pangulo sa unang termino, siya ang
pinakamaraming nagawang kalsada, tulay, paaralan, gusali ng pamahalaan, sistemang
patubig (kasabay ng pagpapakilala ng "Miracle Rice"), at marami sa mga ito ay
nananatiling nakatayo pa gaya ng Tulay ng San Juanico sa pagitan ng Samar at Leyte;
ang Pan-Philippine Highway mula Laoag hanggang Lungsod ng Zamboanga; ang Sentrong
Pangkultura ng Pilipinas, Sentrong Pangkumbensiyong Pandaigdig ng Pilipinas,
Tanghalan ng Katutubong Sining at ang Sentrong Pampelikula ng Maynila; at pati na
rin ang pag-aayos ng Pambansang Daambakal ng Pilipinas (PNR). Dagdag pa rito ang
pinansyal at teknikal na pagtulong sa mga magsasaka, ang epektibong pangongolekta
ng buwis, ang malawakang pagpapataboy sa mga mamumuslit, organisadong krimen at ang
komunistang Bagong Hukbong Bayan at ang matagumpay na pagdaos ng Manila Summit
Conference noong Oktubre 24–25 na dinaluhan ng maraming mga pinuno ng estado.
Kaakibat dito at dahil na rin sa dami ng kaniyang mga nakamit noong unang termino
niya, siya'y naging pangulo muli sa ikalawang pagkakataon, iyon ang unang
pagkakataon sa Pilipinas na mahalal muli ang isang pangulo, at dahil doon, siya'y
natala bilang pangulo na may pinakamahabang taon na pinaglingkuran. Ngunit, sa
kabila ng kaniyang magandang unang termino, dumanas ng malubhang krisis na pang-
ekonomiya ang Pilipinas dahil sa na rin pagtaas ng presyo ng langis sa
pandaigdigang pamilihan. Ang pagtaas ng presyo ng langis ang naging sanhi upang
tumaas ang presyo ng pangunahing bilihin at maraming Pilipino ang nawalan ng
trabaho. Ang floating peso ay patuloy na bumababa laban sa dolyar. Ang kaniyang
pangalawang termino ay napuno ng graft at korupsiyon sa pamahalaan; ang paglayo pa
lalo ng mahirap at mayaman na naging dahilan ng paglaganap ng maraming krimen,
kaguluhan at pagbabanta ng komunista. Sa kaniyang konsensiya, ang mga pagbabantang
ito sa seguridad at katatagan ng bansa ay namataan ni Marcos na ito'y mapagtuunan
ng isang hakbang na makakapagpabago ng lahat. Para kay Marcos, ang tanging paraan
para mapanumbalik ang tiwala ng marami sa pamahalaan ay ang pagdedeklara ng batas
militar. Katulong nito, sinabing ang pagligtas ng estado ay ang kaniyang dahilan,
si Marcos ay nagpahayag ng Proklamasyon Blg. 1081 noong Setyembre 21, 1972, at
nalagay ang buong Pilipinas sa ilalim ng batas militar, na siyang pumatay sa
demokrasya at sa Ikatlong Republika ng Pilipinas.

You might also like