You are on page 1of 3

DOMINYO JEJEMON

ni Roberto Añonuevo
Hunyo 14, 2010
http://alimbukad.com

Sirkulo ng mga Jejemon ang pinag-iinitan ngayon ng mga awtoridad, at kabilang na rito
ang Kagawaran ng Edukasyon. Portmanteau, o pinagsanib na mga salita ang “jejemon.” Mauugat
ito sa “jeje-” (na katumbas ng mahinang pagtawa at binibigkas sa Espanyol na “hehe,” gaya ng
Espanyol na “jefe” na “hepe” sa Filipino) at “-mon” na mula sa Ingles na “monster” na ang isa
pang inimbento’t tinipil na anyo ay ang “pokémon” [pocket+monster] na pinasikat sa mga palabas
na animé ng Hapones.
Ayon sa Urban Dictionary. Com, ang “jejemon” ay mga tao na nasa mga networking site
na gaya ng Friendster at Multiply na “may mababang IQ na nagpapakalat ng katangahan” sa
pamamagitan ng pagtipa ng mga salitang may pambihirang ispeling at sintaks. Isang halimbawa
nito ang “a person WhO tyPeZ lYKeS tH1s pfOuh… whether you are RICH, MIDDLE CLASS or POOR
ifpK eU tYpE L1K3 tHiS pfOuh..eU are CONSIDERED AS JEJEMON.” Ang nasabing paraan ng
pagsasakataga ay tinatawag na “jejenese” na maituturing na isang bago’t malusog na wika ng
isang subkultura.
Sumasaklaw din ang jejemon sa moda, at kinikilala siya sa pagsusuot ng makulay na
ballcap o sombrero na halos nakapatong lamang sa ulo, at hindi inilalapat nang ganap. Nagsusuot
siya ng maluluwang na tisert at pantalong maong, at kung umasta’y maangas na tambay na kung
hindi nagpipilit na rakista ay alagad ng hip-hop at rap. Para sa ibang fashionista, ang jejemon ay
reenkarnasyon ng “jologs” ngunit ang pagkakaiba lamang ay higit na adik at marunong kumalikot
ng kompiyuter ang mga jejemon.
Mabalasik ang pagtanaw sa mga jejemon at ang hanay nila ay sinisipat ng mga maykaya
at awtoridad na mababang uri. Ngunit kung susuriin nang maigi, ang jejemon ay isang anyo ng
rebelyon ng subkultura, at ang rebelyong ito ay may kaugnayan sa laro ng kapangyarihan sa
lipunan.
Ang mismong paraan ng pagsasakataga ng jejemon ay hindi basta paglalaro lamang ng
salita. Ito ay mauugat sa Hypetext Markup Language (HTML) na pangunahing wika ng
pagpopoprograma sa Internet. Lumilikha ng sariling kodigo ang mga jejemon, at ang mga
kodigong ito ay isang anyo ng paglilihim upang ikubli ang mga pakahulugan at paghihiwatigan
nang hindi madaling maunawaan ng nakatataas o awtoridad, gaya ng magulang at guro. Sa
madali’t salita, ang wika ng jejemon ay hindi panlahat. Isinasaalang-alang ng gumagamit nito ang
angking posisyon sa ugnayan ng mga tao o pangkat sa loob ng lipunan. Ang jejenese ay para sa
isang uri ng subkultura na may angking konsepto at diskurso, at bagaman umiiral sa kasalukuyang
realidad ay nakakayang tumawid at magpabalik-balik sa mala-realidad o hiperrealidad na likha ng
Internet at World Wide Web.
Mauugat ang ganitong asta ng mga jejemon sa konsepto ng “tayo-tayo” at “kami-kami” ng
mga Filipino. Para sa mga Filipino, may tinatawag na “malalapit na tao” na tumutukoy sa matatalik
na kaanak, kaibigan, at kakosa. Kabaligtaran nito ang “ibang tao” na malayo sa kalooban ng
nagsasalita. May mukhang inihaharap sa malalapit na tao, samantalang iba ang mukhang
inihaharap sa ibang tao. Ang paraan ng komunikasyon ng mga Filipino ay isinasaalang-alang ang
kausap at hindi itinuturing na isang malamig na bagay, ayon na rin sa pag-aaral ng sosyo-
antropologong si Dr. Melba Padilla Maggay, at kung gaano ito kalapit o kalayo sa kalooban ng
nagsasalita ang magpapabago ng timbangan ng usapan.
Kung babalikan ang kaso ng jejemon, ang kaniyang pagsasakataga ay nagsasaalang-alang na
malapit sa kaniyang sirkulo ang kausap, at ang sirkulong ito ay maaaring esklusibo sa kung anong
dahilan. Kapag ginamit ng jejemon ang kaniyang wika sa labas ng kaniyang sirkulo, may panganib
na maisantabi siya dahil ang pamantayan at panuto ng komunikasyon ay nakakiling sa
kumbensiyon ng gramatika at sintaks ng nakababatid ng wikang Ingles. Ngunit sa oras na pumasok
sa sirkulo ng jejemon ang sinumang tuwid magsalita ng Ingles, lilitaw naman siyang katawa-tawa
at maaaring hindi tanggapin sa sirkulo dahil iba ang kaniyang pinagmumulang wika at diskurso.
Ito ay dahil hindi tanga o gago ang jejemon na ibubunyag ang identidad nang basta-basta.
Malaya ang sintaks at gramatika ng jejenese, ngunit habang lumalaon ay napupulido ito
sa paraan ng pagsasanib ng patinig at katinig; sa kombinasyon ng mga salita at tunog; sa
pagpapantig, pagpapahaba ng pantig, at paglalagay ng mga panlapi [i.e., unlapi, gitlapi, at hulapi];
at sa pagsasaad ng dalasan [frequency] ng malaki at maliit na titik sa loob ng isang salita o parirala
o pangungusap na mahuhugot muli sa wika ng kompiyuter. Humihiram ang jejenese sa paraan ng
paggamit ng pandiwa [verb] ng Tagalog, kahit nilalahukan ng Ingles ang pangungusap o parirala;
at makikita ang paggamit ng pandiwang Tagalog sa transpormasyon ng mga pangngalan [noun]
at pang-uri [adjective] tungo sa pagiging pandiwa sa ilang pagkakataon. Ang wika ng jejemon kung
wawariin ay wika ng mga hacker at spamer; at ang paglihis nito sa kumbensiyon na itinatakda ng
pormal na edukasyon ay masisipat na isang uri ng subersiyon at pagpapanatili ng seguridad at
kaayusan ng subkultura. Niyayanig kung hindi man iniinis ng mga jejemon ang karaniwang
konsepto sa komunikasyon ng malawak na publiko, at ang pagpasok nila sa eksena sa gaya ng
Facebook sa paraang kakatwa ay parang asta ni Joker na lumiligalig sa estado ng Gotham City.
Dapat bang katakutan ang mga jejemon? Ang tanong na ito ay depende sa tumitingin.
Para sa mga awtoridad, ang jejemon ay waring salot na dapat sawatain o supilin para mapanatiling
matatag ang puwesto ng Ingles sa herarkiya ng mga wika; ngunit para sa iba’y ang penomenon ng
jejemon ay pagbabalikwas sa kumbensiyon ng wikang itinatakda ng lipunan. Ang mabababang uri
ay kailangang patayin sa pagpukol ng mararahas at makukulay na taguri. Kailangang hiyain ang
jejemon upang siya mismo ay itakwil ang sarili at ikahiya ang inimbentong wika at diskurso ng
isang subkultura.
Kailangang pasunurin ang jejemon sa kumbensiyon ng Ingles sa pamamagitan ng mga
“jejebuster” at “grammar nazi” na pawang mga pulis sa pagpapairal ng tumpak na paggamit ng
Ingles sa lipunan. Ngunit ang ganitong paraan ng pamimilit ay sinauna at laos na. Kailangang
unawain ang mga jejemon, at nang mabatid kung ano ang kanilang iniisip at niloloob, maging
yaon ay sa usaping personal o panlipunan. Nililibak ang mga jejemon, ngunit ang pinakamasiglang
pakikilahok nila sa usaping panlipunan ay noong nakaraang pambansang halalan, at ang
pagsuporta nila kay Jejomar Binay ang naghatid ng maraming boto para sa naturang kandidato.
Ang wika ng jejemon ay hindi malalayo sa mga usapang bakla [gay lingo], usapang doktor, usapang
abogado, at iba pa. Bawat pangkat ay may angking jargon, at ang jargong ito ay nagsisilbi para sa
kapakinabangan ng mga nakauunawa at kasapi ng isang pangkat. Ito ang pangyayaring dapat
mabatid ng lahat. Sa oras na tanggapin sa malawak na lipunan ang jejemon, ang kaniyang wika,
diskurso, at pagkatao ay hindi na magiging palaisipan at kakatwa; maaaring mapalis ang
prehuwisyo laban sa kanilang uri at anyo ng komunikasyon; at higit na lulusog ang ating
pagkaunawa sa ugnayan ng mga Filipino saanmang dako sila naroroon.

You might also like