You are on page 1of 2

Ang Alibughang Anak

May isang mayaman na may dalawang anak na lalaki.

Ang bunso ay hiningi na sa kanyang ama ang parte ng kanyang kayamanan.

Kaya naman hinati ng ama sa dalawa ang lahat ng kanyang yaman. Pagkalipas ng ilang araw ay umalis na
ang bunso at nagtungo sa malayong lupain dala ang lahat ng kanyang mana.

Nilustay niya ang lahat ng kanyang ari-arian. Nang magugol na niya ang lahat ng kanyang yaman ay saka
naman nagkaroon ng matinding taggutom sa lugar na kanyang pinuntahan.

Nakahanap siya ng trabaho bilang tagapag-pakain ng baboy. Sa sobrang gutom ay pati ang kaning-baboy
ay kanya na ring kinakain.

Nang makapag-isip-isip ang bunsong anak ay naalala niya na sa lugar ng kanyang ama ay maraming
upahang mga utusan. Ang mga iyon ay sagana sa tinapay samantalang siya ay mamamatay na dahil sa
gutom.

Naisip niyang bumalik sa kanyang ama kahit bilang utusan na lamang at siya’y hihingi umano ng tawad.

Tumayo siya sa kinauupuan at naglakbay pabalik sa kanyang ama.

Malayo pa’y natanawan na siya nito at naawa sa sinapit ng anak. Niyakap niya ang anak at hinagkan.

Sinabi ng bunsong anak, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyong paningin. Hindi na ako karapat-
dapat na tawaging anak mo.”

Gayunpaman ay tinawag ng ama ang kanyang mga utusan at sinabing, “Madali! Dalhin ninyo ang
pinakamainam na kasuotan at isuot ninyo sa kaniya. Magbigay kayo ng singsing para sa kaniyang kamay at
panyapak para sa kaniyang mga paa. Magdala kayo ng pinatabang guya at katayin ito. Tayo ay kakain at
magsaya. Ito ay sapagkat ang anak kong ito ay namatay at muling nabuhay. Siya ay nawala at natagpuan.”

Pag-uwi galing sa bukirin ay narinig ng panganay na anak ang kasiyahan sa kanilang bahay. Itinanong niya
sa isa nilang alipin kung anong mayroon doon.

Anang alipin ay dumating na umano ang bunso niyang kapatid. Nagpapatay ng guya ang kanyang ama
dahil umuwing malusog at walang sakit ang kapatid niya.

Nang marinig ito ay nagalit ang panganay at ayaw pumasok ng sa kanilang bahay.

Dahil dito’y lumabas ang kaniyang ama at inamu-amo siya.


Anang panganay, “Naglingkod ako sa iyo ng maraming taon. Kahit minsan ay hindi ako sumalangsang sa
iyong utos. Kahit minsan ay hindi mo ako binigyan ng maliit na kambing upang makipagsaya akong kasama
ng aking mga kaibigan. Nang dumating itong anak mo, nagpakatay ka para sa kaniya ng pinatabang guya.
Siya ang nag-aksaya ng iyong kabuhayan kasama ng mga masasamang babae.”

Tumugon ang ama at sinabing, “Anak, lagi kitang kasama at lahat ng akin ay sa iyo. Ang magsaya at
magalak ay kailangan sapagkat ang kapatid mong ito ay namatay at muling nabuhay. Siya ay nawala at
natagpuan.”

Aral:

 Nagagalak ang Diyos sa tuwing nagbabalik-loob ang mga anak Niya sa kanya. Maging
mapagpakumbaba, aminin ang mga kasalanan, at magbalik-loob sa Diyos.
 Iwasan ang pagiging mainggitin. Ang nais ng Diyos ay matuwa ka sa tuwing may magandang nagyayari
ito man ay sa iyong kapwa o sa sariling kapatid dahil ang disenyo ng Diyos sa tao ay ang magmahalan at
hindi ang magsakitan.
 Tunay nga na walang magulang na makatitiis sa anak. Gayundin naman, hindi kayang titiisin ng Diyos
ang mga anak niya.

You might also like