You are on page 1of 20

Filipino

Ikaapat na Markahan – Modyul 7:


NOLI ME TANGERE
Ang Kasaysayan ni Elias
Filipino– Grade 9
Alternative Delivery Mode
Ikaapat na Markahan– Modyul 7: Noli Me Tangere: Ang Kasaysayan ni Elias

Isinasaad sa Batas Republika 8293, Seksiyon 176 na: Hindi maaaring magkaroon ng
karapatang-sipi sa anomang akda ang Pamahalaan ng Pilipinas. Gayunpaman, kailangan muna ang
pahintulot ng ahensiya o tanggapan ng pamahalaan na naghanda ng akda kung ito ay pagkakakitaan.
Kabilang sa mga maaaring gawin ng nasabing ahensiya o tanggapan ay ang pagtakda ng kaukulang
bayad.

Ang mga akda (kuwento, seleksiyon, tula, awit, larawan, ngalan ng produkto o brand name, tatak
o trademark, palabas sa telebisiyon, pelikula, atbp.) na ginamit sa modyul na ito ay nagtataglay ng
karapatang-ari ng mga iyon.Pinagsumikapang matunton ang mga ito upang makuha ang pahintulot
sa paggamit ng materyales.Hindi inaangkin ng mga tagapaglathala at mga may-akda ang karapatang-
aring iyon. Ang anomang gamit maliban sa modyul na ito ay kinakailangan ng pahintulot mula sa mga
orihinal na may-akda ng mga ito.

Walang anomang parte ng materyales na ito ang maaaring kopyahin o ilimbag sa anomang
paraan nang walang pahintulot sa Kagawaran.

Inilathala ng Kagawaran ng Edukasyon


Kalihim: Leonor Magtolis Briones
Pangalawang Kalihim: Diosdado M. San Antonio

Bumuo sa Pagsusulat ng Modyul


Manunulat : Angelicar B. Figues
Tagasuri : Aida T. Tabañag
Tagawasto : Marianne C. Aguilar
Tagaguhit : Jiemond D. Catam-isan
Tagalapat : Radino Bryan C. Sardido, Rollynda Ruth T. Dacillo, Wendie C. Ferolino

Tagapamahala
Schools Division Superintendent:
Marilyn S. Andales
Assistant School Division Superintendents:
Anelito A. Bongcawil
Fay C. Luarez
Lorenzo M. Dizon
Chief, CID : Mary Ann P. Flores
EPSVR, LRMDS : Isaiash T. Wagas
EPSVR, Filipino : Araceli A. Cabahug

Inilimbag sa Pilipinas ng:


Kagawaran ng Edukasyon – Region VII, Division of Cebu Province
Tanggapan: IPHO Bldg., Sudlon, Lahug, Cebu City
Telefax :( 032) 255-6405
E-mail Address: cebu.province@deped.gov.ph

Grade 9 Filipino ii
9
Filipino
Ikaapat na Markahan – Modyul 7:
NOLI ME TANGERE
Ang Kasaysayan ni Elias

iii
Grade 9 Filipino
Alamin

Maligayang pagbabalik mga mag-aaral. Sa Modyul 6, napag-aralan natin kung


paano maipaliliwanag ang kaugaliang nabanggit sa kabanata at ang mga iba’t ibang
paraan sa pagbibigay pahiwatig sa kahulugan. Malinaw na tinalakay at binahagi roon ang
mga paraan sa pagpapaliwanag ng mga kaugaliang binanggit na nakatutulong sa
pagpapayaman ng kulturang Pilipino at ang mga paraan kung paano mabibigyan ng
pahiwatig sa kahulugan ng mga salita.
Sa bahaging ito, makikita mo ang nais maipabatid ng akda sa mga mambabasa.
Maiuugnay mo ang mga tiyak na karanasan sa akda sa pansariling karanasan.
Mapapatunayan mo rin na sa pamamagitan ng akda, ang kahirapan at pagsisikap ay ang
dahilan na makapagpapaunlad sa tao at sa bayan.

Sa pag-aaral ng modyul na ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang:


 napapangkat ang mga salita ayon sa antas ng pormalidad ng gamit nito
(F9PT-IVd-59); at
 naibabahagi ang sariling damdamin sa tinalakay na mga pangyayaring
naganap sa buhay ng tauhan (F9PT-IVd-58).

Sa huling bahagi ng modyul na ito, inaasahang matamo ang kaalaman sa


mga sumusunod na layunin:

 natutukoy ang mga salita ayon sa antas ng pormalidad ng gamit nito mula
sa akdang binasa
 napapangkat ang mga salita ayon sa antas ng pormalidad ng gamit nito; at
 naibabahagi at naiuugnay ang sariling damdamin sa tinalakay na mga
pangyayaring naganap sa buhay ng tauhan.

1
Grade 9 Filipino
Subukin
Panimulang Pagtataya
Panuto: Basahing mabuti ang bawat aytem. Piliin at isulat ang titik ng tamang sagot sa
bawat bilang sa inyong sagutang papel.

1. Ang salita ay napapangkat ayon sa antas ng pormalidad ng gamit nito. Anong uri
ng salita ang karaniwang ginagamit sa pang-araw-araw na usapan?
a. balbal b. kolokyal c. lalawiganin d. pormal
2. Ang mga pormal na salita ay karaniwang ginagamit sa __________.
a. kanto c. paaralan
b. partikular na pook d. lalawigan
3. Alin sa sumusunod na mga salita ang nabibilang sa salitang kolokyal?
a. lespu b. pinoy c. dehins d. mandirigma
4. Ang mga salitang kaon, biag, at ngarud ay nabibilang sa mga salitang ________.
a. balbal b. kolokyal c. lalawiganin d. pormal
5. Huwag na natin siyang abalahin. Moment niya ito eh. Ang sinalungguhitang mga
salita ay halimbawa ng mga salitang __________.
a. balbal b. kolokyal c. lalawiganin d. pormal
6. Alin ang tamang pagkakaayos ng mga salita ayon sa antas ng pormalidad?
a. misis, maybahay, asawa c. maybahay, misis, asawa
b. asawa, maybahay, misis d. misis, asawa, maybahay
7. “Labis na lumuha ang kapatid kong babae. Sa kabila ng patong-patong na
kalungkutan at kasawiang-palad na dumating sa buhay namin ay hindi pa rin niya
malimot ang lalaking kanyang minahal.” Anong damdamin ang namayani sa
pahayag?
a. pagkabalisa b. umaasa c. nangungulila d. natatakot
8. “Kaibigan, gustuhin man nating gawin iyan ay kapwa tayo hindi magtatagumpay.’’
Anong damdamin ang namayani sa pahayag?
a. nadidismaya b. nalulungkot c. nababahala d. nagsisisi
9. “Salamat po, ginoo, sa pakikitungo ninyo sa akin.” Ano ang damdamin sa
pahayag?
a. nasiyahan b. namangha c. nabigla d. nainis
10. Ano ang angkop na gagawin kung ikaw ay pinagbintangan sa kasalanang hindi mo
nagawa?
a. Lisanin ang lugar at manirahan sa ibang bansa.
b. Kakausapin nang maayos at lulutasin sa wastong paraan.
c. Hihingi ng tulong mula sa mga kapamilya at mga kaibigan.
d. Maninindigang hindi ko ginawa ang ibinintang na kasalanan.

2
Grade 9 Filipino
Balikan
Panuto: Balikan ang isang karanasan sa iyong buhay. Ilahad ang kahulugan ng
karanasan na ito sa iyo at ang iyong natutunan mula rito. Gamitin ang
graphic organizer sa ibaba na gagawin sa sagutang papel.

Ang Aking Karanasan Kahulugan Nito sa Aking Ang Aking Natutunan


Buhay

3
Grade 9 Filipino
Tuklasin

Ang Kasaysayan ni Elias

“Nanirahan ang lolo ko sa Maynila may animnapung taon na ang nakalilipas.


Namasukan siya bilang bookkeeper sa opisina ng isang mayamang Kastila. Batang-
bata pa noon ang lolo ko ngunit may asawa na siya at may isang anak na lalaki. Isang
gabi ay nasunog ang bodega ng negosyante sa hindi alam ang dahilan. Lumaganap
ang apoy at lumipat pa sa ibang lugar. Napakalaki ng napinsala. Kailangan may
managot sa sunog na iyon, kaya’t pinagbintangan ng negosyante ang aking lolo. Sinabi
ng lolo na wala siyang kasalanan ngunit hindi siya pinakinggan. Dukha siya at hindi
nakakuha ng mahusay na abogado.
Dahil dito ay kinondena siya at inilibot sa Maynila habang patuloy na nilalatigo. Ang
kahiya-hiyang parusang ito ay masahol pa sa kamatayan ay kailan lamang natigil. Ang
aking lolong itinakwil ng lahat maliban sa kanyang maybahay ay ipinahila sa kabayo at
hinagupit ng latigo sa daan sa harap ng dati niyang mga kaibigan, sa malapit na
tahanan ng Diyos ng Pag-ibig.
“Nang magsawa na ang malulupit na berdugo sa pagdanak ng kanyang dugo, sa
nakabibinging mga sigaw at paghihirap ay kinalag siya sa pagkakatali sa kabayo
pagkat nawalan na rin lamang siya ng malay-tao. Pinalaya siya. Ang kanyang ginang
na buntis noon ay dumulog sa bawat tahanan alang-alang sa may sakit niyang asawa
at nagugutom na anak ngunit walang naawang magbigay ng limos. Sino nga naman
ang magtitiwala sa maybahay ng isang kondenadong manununog? Dahil dito ang
babae ay naging isang puta!”.
Nagulumihanan si Ibarra.
“O… huwag po kayong mabahala. Para sa kanya at sa kanyang asawa, ang
prostitusyon ay hindi na isang kasiraang-dangal. Wala nang halaga sa kanila ang
karangalan at kahihiyan.
“Gumaling ang mga sugat ng lalaki at nagtago sila ng kanyang maybahay at anak
sa kabundukan ng lalawigang ito. Doon ipinanganak ng babae ang isang kulang sa
buwan at may diperensiyang sanggol na sa kabutihang-palad ay namatay. Dito ay ilang
mahahabang buwan silang nanirahan sa gitna ng paghihirap, umiiwas sa namumuhing
mga mamamayan. Nang hindi na matiis ng lolo ko ang mga kasawi-ang palad,
sapagkat mas duwag siya kaysa sa kanyang maybahay, ay nagbigti siya. Itinulak siya
sa gayong desisyon nang hindi na niya matagalan ang paghihirap ng may sakit niyang
ginang at ang labis na paghihikahos.

4
Grade 9 Filipino
“Naagnas at nabulok ang kanyang bangkay sa harap ng kanyang anak at ng
kanyang may sakit na maybahay. Ang pangangamoy ng bangkay ay nakarating sa mga
maykapangyarihan. Inusig ang aking lola dahil sa hindi pagbibigay alam sa mga
awtoridad. Nagharap ng mga sakdal laban sa kanya at siyang napatunayang nagkasala
sa hindi pagpapatalastas sa maykapangyarihan. Isinisi rin sa kanya ang pagkamatay
ng lolo ko. Pinaniwalaan naman ang bintang…sapagkat para sa kanila ang may bahay
ng isang kondenado na naging isang puta ay may kakayahang gumawa ng krimen.
Kapag nanumpa ang lolo ko, lalo lamang niyang idinidiin ang kanyang sarili at
sinasabing nagsisinungaling. Kapag umiyak siya, nagbubulaan. Pag binanggit niya ang
pangalan ng diyos, pinalilitaw na panlalait.
“Gayunman, kinaawaan din siya sapagkat buntis siya- uli- at hindi na muna siya
hinagupit hanggang sa makapanganak. Alam naman ninyong pinalaganap ng mga pari
ang paniniwalang dapat lamang pakitunguhan ang mga Indio sa pamamagitan ng
latigo. Basahin ninyo ang sinabi ni Padre Gaspar tungkol doon.
“Sa ilalim ng hatol na ito, susumpain ng isang ina ang araw ng pagsilang ng
kanyang anak…na hindi lamang nagpapahaba sa kanya paghihirap kundi nagbibigay-
dahas lamang sa pagmamahal ng isang ina. Sa kasamaang palad, nagsilang siya ng
isang malusog na sanggol na lalaki. Pagkaraan ng dalawang buwan ay ipinatupad ang
parusa sa babae sa gitna ng kasiyahan ng mga tao na akala nila ay nakatupad sila sa
kanilang tungkulin. Tumakas at umalis sa kabundukan ang ginang na kasama ang
dalawa niyang anak na lalaki. Lumipat sila sa karatig-lalawigan at doon ay namuhay
sila tulad ng mga hayop. Namumuhi at kinamumuhian. Ang nakatatanda sa
magkapatid, na nakagugunita sa matatamis na panahon ng kabataan sa kabila ng
paghihirap, ay naging tulisan at lumakas. Di naglaon ay kumalat sa lahat ng lalawigan
ang bansag na Balat, ang kilabot ng mga bayan, isang lalaking sa udyok ng
paghihiganti ay nanunog at pumatay. Ang nakababata niyang kapatid na likas na may
mabuting kalooban ay nanatili sa piling ng kanyang ina. Kung ano ang inihahandog ng
kagubatan ay kanilang ikinabubuhay. Ang isinusuot nila’y mga basahang itinatapon sa
kanila ng mga manlalakbay. Nakalimutan na ang pangalan ng babae. Kilala lamang
siya bilang puta at isang babae na nahatulang hagupitin ng latigo sa publiko. Nakilala
lamang siya bilang ina ng kanyang anak, sapagkat dahil sa kabaitan ng bata ay
nagdududa tuloy ang lahat kung anak nga siya ng isang manununog, at dahil din sa
ang moral ng mga Indio ay laging pinagdududahan. Sa wakas ay nahulog ang bantog
na si Balat sa kamay ng batas at sa katarungang pantaong wala naman naiturong
mabuti sa kanya, kundi mahigpit pang hiningi ang pagdurusa niya sa kanyang
kasalanan. Isang araw ay hinahanap ng kababatang kapatid ang kanyang ina na
nagtungo sa bukid upang manguha ng kabute ngunit hindi na umuwi. Natagpuan niya
ang inang nakahiga sa may lansangan, sa ilalim ng punong kapok. Nakatingala ito sa
langit, luwa ang mga mata, nakadakot ang mga kamay sa duguang lupa. Sinundan ng
anak ang tinitigan ng mga mata ng kanyang patay na ina, at nakita niyang nakabitin sa

5
Grade 9 Filipino
sanga ng isang kahoy ang isang basket na kinaroroonan ng pugot at tigmak sa dugo
na ulo ng nakatatandang kapatid.”
“Diyos ko!” bulalas ni Ibarra.
“Iyon ang sabi ng ama ko,” malamig na pagpapatuloy ni Elias.” Pinagputol-putol
ng mga tao ang bangkay ng tulisan. Ang katawan ay ibinaon, ngunit ang mga kamay
at paa ay hiwa-hiwalay na ibinitin sa iba’t-ibang bayan. Kung madaraan sa pagitan ng
Calamba at Santo Tomas ay makikita pa ninyo ang punong lomboy na pinagbitinan at
kinabulukan ng isa sa mga paa ng amain ko. Sinumpa iyon ng kalikasan at ang
nasabing punungkahoy ay hindi na lumaki at hindi na rin namunga. Ganoon din ang
ginawa sa iba pang mga kamay at paa niya, ngunit ang ulo, ang pinakamahalagang
bahagi ng isang tao at siyang pinakamadaling pagkakakilanlan, ay ibinitin sa malapit
sa bahay ng kanyang ina.”
Nagyuko ang ulo si Ibarra.
“Buong panghihilakbot na tumakbong palayo ang nakababatang kapatid patuloy ni
Elias. “Nagpalipat-lipat siya sa iba’t-ibang bayan, sa mga bundok at kapatagan. At nang
inaakalang wala nang makakikilala sa kanya ay namasukan sa bahay ng isang
mayaman sa probinsiya ng Tayabas. Dahil sa kanyang sipag at kabaitan ay napamahal
siya sa lahat ng taong hindi nakakaalam ng kanyang kahapon.
“Bunga ng pagiging dumog sa trabaho at kahirapan ay nakaipon siya ng malaking
halaga. At yamang nakalipas na ang malulungkot na kahapon at bata pa naman siya
kaya’t nangarap siya ng kaligayahan. Makisig siya, bata at may naimpok kaya’t madali
niyang napaibig ang isang dalaga roon.
Gayunman ay hindi niya mapangahasang hingin ang kamay nito para pakasalan
sa takot na baka matuklasan ang kanyang nakaraan. Ngunit higit na makapangyarihan
ang pag-ibig. Nakalimot sila sa sarili. At upang maibangon ang kapurihan ng dalaga ay
hinamak niya ang panganib at lakas-loob na hiningi ang kamay nito. Nabunyag ang
kanyang kahapon nang halungkatin ang kinakailangang mga kasulatan. Mayaman ang
ama ng dalaga. Nagtagumpay ito na makagawa ng paratang sa binata. Isinakdal niya
ito at hindi man lamang ipinagtanggol ng binata ang kanyang sarili. Inamin ang lahat
hanggang sa siya ay makulong.
“Nagsilang ng kambal na babae’t lalaki ang dalaga. Nagsilaki na ang paniwala ay
patay na ang kanilang ama. Bata pa sila nang mamatay ang kanilang ina at hindi na
nagsiyasat pa kung sino talaga ang ama nila. At sapagkat mayaman ang aming lolo
kaya’t maligaya ang aming kabataan. Sabay kaming nag-aral ng kapatid kong babae.
Nagmahalan kami ng kakambal ko bilang ulirang magkapatid. Pumasok ako sa
paaralan ng mga Heswita. Ang kapatid kong babae ay ipinasok naman sa La Concordia
upang hindi kami gaanong magkalayo. Sandali lang halos kaming nag-aaral. Ang nais
lamang naming magkapatid ay maging magsasaka kaya’t umuwi kami upang
pamahalaan ang lupain ng aming lolo.

6
Grade 9 Filipino
Maligaya kami. May ngiti ang aming kinabukasan. Marami kaming utusan. Sagana
ang ani ng aming bukid. At ang kapatid kong babae ay umibig at handang magpakasal
sa isang naibigang binata. “Dahil sa usapin sa pananalapi at gawa rin ng aking
pagmamataas ay nagalit sa akin ang isa naming malayong kamag-anak. Isang araw
ay ibinunyag niya ang pagiging iho de bastardo ko gayon din ang pagiging kriminal ng
aking angkan. Akala ko’y sinisiraan lamang ako. Humingi ako ng paliwanag hanggang
sa matuklasan ang karumal-dumal na kahapon ng aking angkan. Ang lalong masakit,
may utusan kaming matandang lalaking nagtiis ng pagmamalupit ko ngunit hindi niya
kami iniwan. Lumuluha na lamang siya at nagbubuntong-hininga sa gitna ng
pangungutya ng kapwa niya mga utusan. Hindi ko alam kung paano natuklasan ng
napagalit kong kamag-anak, pero naipatawag at naimbestiga sa hukuman ang
matandang lalaking ito.
“Ang matandang yaon ay siya ko palang ama. Nagtiis na mamasukang utusan
mapalapit lamang sa kanyang mga anak. 6 At madalas ko pa naman siyang saktan!
Gumuho ang kaligayahan namin. Itinakwil ko ang aming kayamanan. Hindi natuloy ang
kasal ng kapatid kong babae. At kasama ng aming ama, kaming magkakambal ay
lumayas. Bunga ng labis na sama ng loob dahil sa inaakala niyang paghahatid ng
kasawiang-palad sa aming magkakapatid ay nagkasakit at namatay ang matanda.
Ipinagtapat niya bago namatay ang napakasaklap naming kahapon. Naulila kaming
magkapatid.
“Labis na lumuha ang kapatid kong babae. Sa kabila ng patong-patong na
kalungkutan at kasawiang- palad na dumating sa buhay namin ay hindi pa rin niya
malimot ang lalaking kanyang minahal. Sinarili niya ang kapighatian nang magpakasal
sa ibang babae ang kanyang kasintahan. Nahulog nang nahulog ang kanyang
kalusugan sa bawat araw na nagdaan. Wala naman akong magawa upang maaliw siya.
“Isang araw ay bigla na lamang siya nawala. Hinanap ko na siya kung saan-saan
ay hindi ko pa rin matagpuan. Nagtanong-tanong ako. Ngunit pagkaraan lamang ng
anim na buwan mula noon, pagkaraan ng isang malaking baha, saka ko nalaman na
may isang bangkay ng babaing natagpuan sa dalampasigan ng Calamba. Nalunod o
pinatay. May nagsasabing isang patalim ang nakabaon sa kanyang katawan.
Pinatalastasan ng maykapangyarihan ng bayan-bayan tungkol sa pagkakatagpong ito
sa bangkay. Ngunit wala isa mang kumuha rito. Wala raw nawawalang babae. Ngunit
sa paglalarawan ng kanyang kaanyuan, sa kanyang suot, sa kanyang mga alahas, sa
kanyang malagong buhok, at sa kanyang magandang mukha ay nakilala ko siya nga
ang kapatid ko.
“Mula noon ay nagpalipat-lipat ako sa mga lalawigan. Maraming nakakaalam sa
pangalan at kasaysayan ko. Sinasabi nilang marami akong nalalamang gawin…at kung
minsan ay hindi na totoo. Ngunit hindi ko pinapansin ang mga tao. Nagsasarili ako ng
lakad. Sa madaling sabi ay iyan ang kasaysayan ng buhay ko …at kasaysayan ng isa
sa mga katarungan ng lipunan.”

7
Grade 9 Filipino
Tumigil sa pagsasalaysay si Elias at saka sumagwan.
“Nagsisimula na akong maniwala na hindi ka nagkamali nang sabihin mong dapat
gantimpalaan ng batas ang mabubuti at repormahin ang kriminal,” usal ni Crisostomo.
“Ang hirap lamang ay imposible ang gayong Utopia. Saan manggagaling ang gayong
karaming salapi at mga pinuno?”
“Kung gayon ay ano ang halaga ng mga paring nagpapanggap na ang misyon nila
ay kapayapaan at pag-ibig? Higit bang mabuti ang magbuhos ng tubig sa ulo ng
sanggol at magpakain ng asin sa pagbibinyag kaysa gisingin sa nadirimlang
konsiyensiya ng kriminal ang natatagong kislap na kaloob ng Diyos sa bawat tao upang
mapatnubayan siya sa landas ng kabutihan? Mas makatao pa bang ihatid sa bibitayan
ang isang nilikha kaysa akayin siyang manalunton sa tuwid na landas? Hindi ba
ginugugulan ng salapi ang mga espiya, ang berdugo, at mga sundalo? Hindi lamang
nagpapasama ang mga ito kundi magugol pa!
“Kaibigan, gustuhin man nating gawin iyan ay kapwa tayo hindi magtatagumpay.”
“Totoo kung tayo lamang ay hindi nga. Ngunit taglayin natin ang karaingan ng
mamamayan. Sumanib tayo sa kanila. Huwag tayong magbingi-bingihan sa daing nila.
Bigyan ninyo ng halimbawa ang iba. Bigyan ninyo kami ng ideya sa kahalagahan ng
pagkakaroon ng isang bayan.”
“Imposible ang hinihingi ng mamamayan. Kailangang maghintay.
“Maghintay? Ang maghintay ay pagdurusa.”
“Kung ako ang hihingi ng mga repormang ito ay pagtatawanan lamang ako.”
“Kung nasa likod ninyo ang mga mamamayan?”
“Hindi! Kailan man ay hindi ko pangungunahan ang pangkat ng mga taong ibig
kunin sa dahas ang mga bagay na ipinalalagay ng gobyerno na hindi pa napapanahon.
Kapag nakita ko na sa sandatahan ang mararahas na ito, papanig pa ako sa gobyerno
at sasagupain sila sapagkat hindi ko kikilalanin ang aking bansa na may mga gayong
uri ng mamamayan. Ang hangad ko ay kabutihan ng aking bayan, kaya naman tinatayo
ko ang paaralan. Hinahangad ko ito sa pamamagitan ng edukasyon…ng pag-unlad.
Hindi natin makikita ang ating landas kung walang tanglaw ng karunungan.”
“Hindi matatamo ang kalayaan nang walang pakikipaglaban! Agaw ni Elias.
“Ngunit ayoko ng gayong kalayaan.”
“Kung walang kalayaan ay walang liwanag,” ganting tugon ng bangkero. “Ang sabi
ninyo ay kaunti ang nalalaman ninyo tungkol sa iyong bayan. Naniniwala ako roon.
Hindi ninyo nakikita ang inihandang pakikibaka, ni ang mga ulap sa langit. Ang
pagbabalikwas ay nagsimula sa larangan ng kaisipan ngunit magwawakas sa duguang
arena ng sagupaan. Naririnig ko ang tinig ng Diyos: kahabag-habag ang mga tatalikod
sa kanya. Hindi sinulat ang kasaysayan para sa kanila.”

8
Grade 9 Filipino
Ibang-iba na ang anyo ni Elias. Tumayo siya sa Bangka. At ang mabalasik niyang
mukha, walang takip at natatanglawan ng sinag ng buwan, ay may hindi
pangkaraniwang tigas. Ipinilig niya mahahabang buhok at nagpatuloy:
“Hindi pa ba ninyo nakikita kung paano nagising ang lahat? Daan-daang taong
nakatulog ang mamamayan. Ngunit isang araw ay namilantik ang kidlat…at kahit na
napatay niyon sina Burgos, Gomez, at Zamora ay binuhay naman ang ating bansa.
Mula noon, may mga bagong pagnanasang nagsisupling sa aming mga isipan. At ang
mga pagnanasang ito na nakakalat na ngayon ay namumuklod pagdating ng araw sa
ilalim ng pamamatnubay ng Diyos. Hindi pinabayaan ng Diyos ang mga mamamayan
ng ibang bansa. Hindi rin niya pababayaan ang ating mamamayan. Ang
ipinakikipaglaban nila ay simulain para sa kalayaan.”
Namagitan ang banal na katahimikan. Samantala, ang bangka na inaanod sa
agos ay napalapit sa pampang. Si Elias ang unang bumasag sa katahimikan.
“Ano po ang sasabihin ko sa mga nagsugo sa akin?” tanong niya sa ibang himig.
Sinabi ko na…labis kong dinaramdam ang kanilang kalagayan…ngunit kailangan
nilang mahintay, sapagkat ang kamalian ay hindi maitutuwid ng panibagong kamalian,
at sa ating mga kasawiang-palad ay pare-pareho tayong dapat sisihin.”
Hindi tumugon si Elias. Nagyuko siya ng ulo, nagpatuloy sa pagsagwan, at nang
sumapit sa pampang ay nagpaalam kay Ibarra:
“Salamat po, ginoo, sa pakikitungo ninyo sa akin. Para sa inyong kabutihan,
hinihiling kong kalimutan na ninyo ako mula ngayon at ni huwag ninyong babatiin kahit
saan tayo magkita.”
“Pagkasabi nito ay lumisan na siya. Sumagwang papalayo. Habang naglalayag
ang bangka ay wala siyang imik. Parang wala siyang nakikita liban sa tila mga butil ng
brilyanteng tubig na likha ng kanyang pagsagwan. Tumaas-bumabang mga butil ng
tubig na muling nagbabalik at mahimalang nawawala sa pisngi ng mangasul-ngasul na
alon.
Sinapit niya ang patutunguhan. Isang lalaki sa kadawagan ang sumulpot at lumapit.
“Ano ang sasabihin ko sa komander?” tanong nito kay Elias.
“Sabihin mong paninindigan ni Elias ang kanyang salita,” malungkot na tugon ni
Elias. “Kung hindi pa siya mamamatay agad.”
“Kailan kayo sasanib sa amin kung gayon?”
“Kung kailan inaakala ng komander ninyo na dumating na ang panahon ng
panganib.”
“Sasabihin ko…Paalam!

9
Grade 9 Filipino
Tanong sa Pagpapahalagang Pampanitikan

Panuto: Balikan ang akdang binasa at sagutin ang mga tanong sa inyong sagutang
papel.

1. Anong trahedya ang nangyari sa lolo ni Elias?


2. Anu-ano ang mga naging bunga ng pangyayaring ito sa lolo ni Elias?
3. Naging mabuting magulang ba ang mga ninuno ni Elias? Bakit?
4. Kung ikaw si Elias, kamumuhian mo ba ang iyong pinagmulan? Bakit?
5. Kung isa ka sa mga tauhan na nakikinig kay Elias, ano ang mararamdaman mo
habang isinasalaysay niya ang mga trahedya ng kanyang angkan?

Suriin
Ngayon ay ating tuklasin ang mga salita ayon sa antas ng pormalidad ng gamit
nito.

Mga Salita Ayon sa Antas ng Pormalidad ng Gamit Nito


Ang salita ay mapapangkat ayon sa antas ng pormalidad nito. Ang wikang
Filipino ay napapangkat sa dalawa: ang mga salitang impormal at ang mga pormal
na salita.
May ilang uri ang mga impormal na salita:
1. Salitang balbal o salitang kalye – ang tawag sa mga salitang karaniwang
ginagamit sa mga kalye
Halimbawa: olats – talo parak – pulis
2. Kolokyal – ang mga ginagamit sa pang-araw-araw na usapan; bahagi ng kolokyal
ang pagpapaikli o pagkakaltas at pagsasama ng mga salita
Halimbawa: kelan – kailan te’ na – tara na
3. Lalawiganin – mga salitang ginagamit mula sa lalawigan o partikular na pook
kung saan ito nagmula
Halimbawa:
higala – salitang Cebuano na ang ibig sabihin ay ‘kaibigan’
daghan – salitang Cebuano na ang ibig sabihin ay ‘marami’
Ang mga pormal na salita naman ay ginagamit sa paaralan, panayam, seminar,
mga aklat, at iba pang usapan at sulat pang-intelektwal. Kabilang din dito ang mga
tayutay na lalong nagpapaganda sa pagkakagamit ng wika.

10
Grade 9 Filipino
Pagyamanin
Pagsasanay 1
Panuto: Ang bawat bilang ay may pangkat na salita. Iantas ang mga ito ayon sa
antas ng pormalidad ng gamit nito. Isulat ang bilang 1-3 sa patlang. Ang bilang na tatlo
ang may pinakamataas na antas at bilang isa ang may pinakamababang antas. Isulat
ang sagot sa inyong sagutang papel.

1. _____ talo _____ olats _____ bigo


2. _____ kapusod _____ kapatid _____ utol
3. _____ anda _____ pera _____ salapi
4. _____ umamin _____ kumanta _____ nagtapat
5. _____ bebot _____ dalaga _____ binibini

Pagsasanay 2
Panuto: Basahin ang talata sa ibaba. Pansinin ang mga sinalungguhitang salita at
isulat sa hanay kung saan ito nabibilang ayon sa antas ng pormalidad nito sa
inyong sagutang papel.
Hamon ng Pandemya
Walang sinuman ang nag-aakala na mararanasan natin ang isang malaking dagok
na sumubok sa ating katatagan. Sinubok ang lahat ng aspeto ng ating pagkatao. Ngunit,
sa kabila ng paghihirap na ito, sa panahon na akala nati’y olats na tayo sa laban, ay
lumabas ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga pinoy. Ang mga lespu, militar, mga
health workers, at iba pang ahensiya ng gobyerno ay buwis-buhay sa kanilang
pagtatrabaho malagpasan lamang ang pagsubok na ito. Kapwa Pilipino, kitang tanan,
hawak-kamay natin itong haharapin sa tulong ng ating pinakamalakas na sandata – ang
ating pananalig sa Kanya.

Balbal Kolokyal Lalawiganin Pormal

11
Grade 9 Filipino
Isaisip

Panuto: Sa ibaba ay isa sa mga pangyayari sa tauhan sa akda na nabasa. Sa hindihihigit


sa limang pangungusap, ipahayag ang iyong damdamin sa pangayayaring ito.
Gamitin ang salita ayon sa antas ng pormalidad ng gamit nito. Isulat ang sagot
sa inyong sagutang papel.

“Nang magsawa na ang malulupit na berdugo sa pagdanak ng kanyang dugo, sa


nakabibinging mga sigaw at paghihirap ay kinalag siya sa pagkakatali sa kabayo pagkat
nawalan na rin lamang siya ng malay-tao. Pinalaya siya. Ang kanyang ginang na buntis
noon ay dumulog sa bawat tahanan alang-alang sa may sakit niyang asawa at
nagugutom na anak ngunit walang naawang magbigay ng limos. Sino nga naman ang
magtitiwala sa maybahay ng isang kondenadong manununog?”

Pahayag ng damdamin: __________________________________________________


______________________________________________________________________
______________________________________________________________________
______________________________________________________________________
______________________________________________________________________

12
Grade 9 Filipino
Isagawa
Panuto: Suriin ang pormalidad ng wikang ginamit ng bawat tauhan sa usapang
naganap sa isang pamilya sa hapag-kainan. Kilalanin at isulat sa
inyong sagutang papel kung ang nakadiin ay balbal,
kolokyal,lalawiganin, o pormal.

______ 1. Ama: Ang pagdating ng pandemya na ito ay tinik sa lalamunan.


______ 2. Ina: Kaya dapat tayong magdoble ingat. Ang pag-emote emote ay
hindi nakatutulong sa problema.
______ 3. Ate: Dapat ugaliing maghugas ng kamay at kumain ng
masustansyang pagkain.
______ 4. Lola: Totoo iyan. Ang kalusugan ang tunay na kayamanan sa biag
ng tao.
______ 5. Lolo: Naku mga apo! Huwag kayong gumala upang makaiwas sa
sakit.
______ 6. Ama: Tandaan ninyo na ang sinumang lalabag sa health protocols
ay huhulihin ng mga lespu.
______ 7. Ina: Paano na iyan. Mayroon pa ba tayong sapat na datung para sa
ating pangangailangan?
______ 8. Dahil sa lockdown na ito, kailangan kong kumayod kalabaw sa
pagtatanim ng mga gulay upang may makain tayo.
______ 9. Kuya: Tutulong ako sa iyo itay. Hawak-kamay tayo sa paglutas sa
suliraning ito.
______10. Ina: Naniniwala ako na matatapos din ito. Kaya ito nating mga
pinoy.

13
Grade 9 Filipino
Tayahin
Panuto: Basahing mabuti ang bawat aytem. Piliin at isulat ang titik ng tamang
sagot sa bawat bilang.

1. Ang salita ay napapangkat ayon sa antas ng pormalidad nito. Anong uri ng salita
ang karaniwang ginagamit sa pang-araw-araw na usapan?
a. balbal b. kolokyal c. lalawiganin d. pormal
2. Ang mga pormal na salita ay karaniwang ginagamit sa __________.
a. kanto c. paaralan
b. partikular na pook d. palengke
3. Alin sa mga sumusunod na mga salita ang nabibilang sa salitang kolokyal?
a. lespu b. pinoy c. dehins d. mandirigma
4. Ang mga salitang kaon, biag, at ngarud ay nabibilang sa mga salitang ________.
a. balbal b. kolokyal c. lalawiganin d. pormal
5. Huwag na natin siyang abalahin. Moment niya ito eh. Ang sinalungguhitang mga
salita ay halimbawa ng mga salitang __________.
a. pormal b. kolokyal c. balbal d. lalawiganin
6. Ano ang tamang pagkakaayos ng mga salita ayon sa antas ng gamit nito?
a. misis, maybahay, asawa c. maybahay, misis, asawa
b. asawa, maybahay, misis d. misis, asawa, maybahay
7. “Labis na lumuha ang kapatid kong babae. Sa kabila ng patong-patong na
kalungkutan at kasawiang-palad na dumating sa buhay namin ay hindi pa rin niya
malimot ang lalaking kanyang minahal.” Anong damdamin ang namayani sa
pahayag?
a. pagkabalisa b. umaasa c. nangungulila d. natatakot
8. “Kaibigan, gustuhin man nating gawin iyan ay kapwa tayo hindi magtatagumpay.’’
Anong damdamin ang namayani sa pahayag?
a. nadidismaya c. nawawalang ng pag-asa
b. nalulungkot d. nagsisisi
9. “Salamat po, ginoo, sa pakikitungo ninyo sa akin.” Ano ang damdamin sa
pahayag?
a. nasisiyahan b. namangha c. nabigla d. nainis
10. Ano ang angkop na gagawin kung ikaw ay pinagbintangan sa kasalanang hindi
mo nagawa?
a. Lisanin ang lugar at manirahan sa ibang bansa.
b. Kakausapin nang maayos at lulutasin sa wastong paraan.
c. Hihingi ng tulong mula sa mga kapamilya at mga kaibigan
d. Maninindigang hindi ko ginawa ang ibinentang na kasalanan.

14
Grade 9 Filipino
Karagdagang Gawain

Panuto: Gumawa ng isang sanaysay na nagpapahayag ng iyong damdamin


tungkol sa mga nangyayari ngayon. Gamitin ang antas ng Pormalidad
ng wika. Kailangang hindi hihigit sa sampung pangungusap ang iyong
sanaysay. Gawing gabay ang pamantayan sa susunod na pahina. Isulat
ang gawain sa bondpaper.

Rubric Para sa Pagsusuri ng Sanaysay

Mga Pamantayan 5 4 3 2 1
Nagagamit ang mga angkop na salita ayon sa antas ng
pormalidad ng gamit nito, bantas at baybay
Naipapahayag nang wasto ang damdamin tungkol sa paksa
Naipapakita ang iba’t-ibang bahagi ng sanaysay
Kabuuang Puntos

15
Grade 9 Filipino
Susi sa Pagwawasto

16
Grade 9 Filipino
Sanggunian:
K-to-12 Most Essential Learning Competencies (MELCs)

Dayag, Alma M. et.al (2017). Pinagyamang Pluma 9 Aklat 2. Phoenix Publishing


House, Inc., Quezon City, pp. 970-977, 982.

Dayag, Alma M. et.al (2017). Pinagyamang Pluma 7. Phoenix Publishing House, Inc.,
Quezon City, pp. 160-162.

https://www.slideshare.net/JenitaGuinoo/barayti-ng-wika-gr-7-filipino

Para sa mga katanungan o puna, sumulat o tumawag sa:

Department of Education - Bureau of Learning Resources


(DepEd-BLR)
IPHO Bldg., Sudlon, Lahug, Cebu City, Philippines 6000
Telefax: (032) 255-640
Email Address: cebu.province@deped.gov.ph

17
Grade 9 Filipino

You might also like