You are on page 1of 2

Banagan, Dwayne James L.

Filipino

10 - Descartes

Talambuhay ni Jose Rizal at


kaligirang pangkasaysayan ng El Filibusterismo
Si Dr. Jose Protacio Rizal ay ang Pambansang Bayani ng Pilipinas. Siya ay isinilang sa
Calamba, Laguna noong Hunyo 19, 1861. Ang kanyang mga magulang ay sina G. Francisco
Mercado at Gng. Teodora Alonzo. Ang kanyang ina ang naging unang guro niya, maaga siyang
nagsimula ng pag-aaral sa bahay at ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Biñan, Laguna.
Nakapag tapos siya ng Batsilyer sa Agham sa Ateneo de Manila noong Marso 23, 1876 na may
mataas na karangalan. Noong 1877 ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Unibersidad ng
Santos Tomas at Unibersidad Central de Madrid hanggang sa matapos niya ng sabay ang
medisina at pilosopia noong 1885. Natuto rin siyang bumasa at sumulat ng iba’t ibang wika
kabilang na ang Latin at Greko. At nakapagtapos siya ng kanyang masteral sa Paris at
Heidelberg. Ang kanyang dalawang nobela “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo.”
naglalahad ng mga pang-aabuso ng mga prayle sa mga Pilipino at mga katiwalian sa pamahalaan
ng Kastila.

Ang ikalawang nobela ni Dr. Jose Rizal na El Filibusterismo, ang sikwel o karugtong ng
Noli Me Tangere, ay sinimulan niyang isulat sa kaniyang tinubuang Calamba noong Oktubre
1887, sa kaparehong taon kung kailan natapos ang manuskripto at naipalimbag ang kaniyang
unang nobela. Makalipas ang halos isang taon, 1888, nirebisa ni Dr. Rizal sa London ang halos
lahat ng naisulat na niya sa ikalawang nobela. Gayunman, may mangilan-ilang sanggunian ang
nagsasabing nasimulan niyang isulat ito sa London habang tinatapos pa niya ang pagsusulat ng
Noli Me Tangere. Kung pagbabatayan naman ang talambuhay ni Dr. Rizal, tumataliwas ang
pahayag na ito dahil hindi man lámang nabanggit ang London sa mga bayang pinuntahan ni Dr.
Rizal hábang sinusulat pa niya ang kaniyang unang nobela. Ayon sa aklat na “Rizal’s Life,
Works, and Writings” ni G. Gregorio F. Zaide, sinimulang isulat ni Dr. Rizal ang unang mga
kabanata ng Noli Me Tangere sa Madrid, Espanya noong 1884; ipinagpatuloy niya ito sa Paris,
Pransiya; maging sa Wilhelmsfeld, Alemanya sa mga buwang Abril–Hunyo; at tinapos sa Berlin,
Alemanya sa hulíng mga buwan ng 1886 at ipinalimbag sa Berliner Buchcdrukrei Actien
Gesselchaft noong 29 Marso 1887 sa halagang Php300 para sa 2,000 kopya. Samantalà,
ipinagpatuloy naman niya ang pagsusulat ng El Filibusterismo sa Paris, Madrid, at Biarritz,
Pransiya. Mapapansing iba-ibang lugar ang napuntahan ni Dr. Rizal hábang sinusulat pa niya ang
kaniyang mga nobela. Para sa Noli Me Tangere,

ang mga dahilan ay may kinalaman sa kaniyang pamamasyal sa iba’t ibang bansa at sa
kaniyang propesyon. Samantalà, mula sa Biarritz, Pransiya kung saan niya tinapos ang
pagsusulat ng ikalawang nobela ay lumipat naman siya sa Ghent, Belgium dahil sa dalawang
bagay: makaiwas kay Suzanne Jacoby na kaniyang sinisinta nang mga oras na iyon, at higit na
mababà ang halaga ng palimbagan sa nasabing lugar. Bakit niya iniiwasan si Suzanne Jacoby sa
mga sandaling iyon kung tunay niya itong sinisinta? Sa kabila ng silakbo ng pagmamahal,
kinailangan niyang pigilin ang kaniyang damdamin para kay Suzanne Jacoby alang-alang sa
maalab niyang pag-ibig sa Filipinas. Isinakripisyo ni Dr. Rizal ang kaniyang nararamdaman sa
isang babae―ang kaniyang personal na pangangailangan―dahil higit na kailangan siya ng
kaniyang mga kababayang patuloy na nagtitiis sa panlalapastangan ng mga Espanyol. Dahil na
rin sa nagsilbing aral para sa kaniya ang masaklap na mga karanasan sa pagpalalathala ng Noli,
nanirahan siya sa masikip na kuwarto ng kaniyang kaibigang si Jose Alejandrino para lámang
maipalimbag ang kaniyang El Filibusterismo sa F. Meyer-Van Loo Press, No. 66 Viaanderen
Street, Ghent, Belgium. Ayon sa isa sa mga anekdota ni Jose Alejandrino para kay Dr. Rizal,
labis-labis ang pagtitipid na ginawa nito para lámang maging matagumpay ang pagpapalimbag
ng El Filibusterismo. Ayon kay G. Alejandrino, sang-ayon sa aklat muli na “Rizal’s Life, Works,
and Writings” ni G. Gregorio F. Zaide, ang tinutuluyan nilang apartment ay may sariling canteen
pero sa halip na kumain doon, dahil sa mas mapapamahal sila, ay bumili na lámang si Rizal ng
isang latang biskuwit at ilang kape para sa mga almusal nilang dalawa sa loob ng isang buwan.
Ang ginawa pa ni Dr. Rizal, hinati niya nang pantay para sa kanilang dalawa ang mga biskuwit.
Si G. Alejandrino, dahil sa hindi nakasusunod sa kaniyang rasyon o kung ilang biskuwit lámang
ang kaniyang kailangang kainin sa isang araw ay halos maubos na ang kaniyang mga biskuwit sa
loob lámang ng kalahating buwan. Samantalà, si Dr. Rizal ay nagawa mismong tipirin ang sarili
sa pagkain para lámang maipalimbag ang kaniyang nobela. Subalit sa hindi magandang palad,
tulad sa mga nangyari sa kaniya hábang ipinapalathala ang unang nobela, muli na namang
kinapos sa salapi si Dr. Rizal. Naubos na ang perang nakuha mulâ sa pagsangla niya sa kaniyang
mga alahas. Hindi lámang nabanggit kung may kinita siya mulâ sa mga pinagbilhan ng kaniyang
unang nobela.

Muli na naman siyang humingi ng tulong sa kaniyang mga kaibigan ngunit natalagan
bago dumating kaya noong 6 Agosto 1891 ay itinigil ang paglilimbag sa nobela na noo’y nasa
ika-112 pahina na. Hindi nagtagal, tulad muli sa mga nangyari hábang ipinapalimbag ang Noli,
ay dumating ang salaping kailangan ni Dr. Rizal mulâ sa isa sa kaniyang mga kaibigan na si
Valentin Ventura na noo’y nása Paris. Sa tulong ng sugo ng Diyos, ang ikalawang nobela ni Dr.
Rizal ay natapos sa pagpapalimbag noong 18 Setyembre 1891.

You might also like