You are on page 1of 6

Tuazon, Paul Anthony S.

KAS 398

Talang Konsepto
Introduksyon

Isa sa mga hinahangang Cebuano noong unang kalahati ng ika-20 siglo ay si Vicente

Sotto o kung tawagin ay “Nyor Inting” dahil sa kanyang mga ambag sa lokal na kultura at

politika ng Cebu. Marami na rin ang mga pagkilala na ginawad at na igawad sakanya katulad ng

taunang seremonya ng kanyang kapanganakan na ginugunita sa Plaza Sugbu (kung saan naroon

din ang kanyang bust sculpture) at pati na rin ang “The Vicente Sotto Lecture Series” na

pinasimulan ng “Cebuano Studies Center” ng University of San Carlos. Kung kaya nais ng papel

na ito na mas pagtuunan pa ng pansin ang naging makulay na buhay ng dating Senador upang

mas mabigyan ng linaw kung ano ang mga naging katayuan at paniniwala niya sa politika na iba

sa mga naging kasabayan nyang politiko.

Katawan

I. Vicente Y. Sotto, Sr., naiibang politico sa kanyang panahon

Tinaguriang “pinaka militante at agresibo” (Mojares, Vicente Sotto: The Maverick

Senator 2021), iyan ang mga salitang naigawad kay Vicente Sotto, Sr. na lubhang naging aktibo

noong kanyang panahon sa pagtataguyod na makamit ang independensiya mula sa Estados

Unidos. Bagaman naging kasabayan niya ang mga kilalang indibidwal sa kanyang larangan gaya

nina Manuel L. Quezon, Sergio Osmeña Sr., Claro M. Recto, at iba pa, mababanaag kung bakit
siya katangi-tangi kapag nasuri ang kanyang mahaba at makulay na buhay. Sisimulan sa

kanyang mga naging karanasan noong sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Pilipinas at Estados

Unidos, hanggang sa siya ay maging aktibo sa pagsulong ng kalayaan ng Pilipinas, at sa huli ay

ang pagiging isang politiko bago at pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig. Ang kanyang

mga naging desisyon at nagawa ay kakikitaan ng paninindigan, bagay na magpapatunay na siya

ay may naiibang adhikain at paniniwalang sinusunod na hindi madaling mabuwag para sa

kasiguruhang manatili sa kapangyarihan.

Kung kaya ang talang konsepto na ito ay pagtutuonan ng pansin kung paano siya naiiba

sa mga naging kapanahon nyang politico sa larangan ng pampolitikal na ideolohiya at paglahok

sa mga eleksyon. Pagtutuonan din ng talang konsepto na ito ang kanyang mga nagawa at

naiambag sa paghahangad ng isang malayang bansa noong panahon ng Amerikano dahil

nakasaad sa mga sekondaryong batis na naisulat na mainam kung bibigyan ng mas karagdagang

pansin ang mga nagawa ng katulad nya sa usapin ng kalayaan noong panahon ng Amerikano.

Sapagkat na sentralidad ng naratibo ay madalas naka sentro lamang sa mga nakamit ng

tambalang Manuel Quezon at Sergio Osmeña.

II. Tungo sa pagsagot ng suliranin

Matatandaan na ang suliranin ay ang pagbibigay importansya sa ideya na si Vicente Y.

Sotto, Sr. ay iba sa kanyang mga naging kasabayan na politiko noong panahon ng Americano.

Kung kaya ay mainam na talakaying ang mga naging dimension o aspeto ng kanyang buhay,

mga naging karanasan bilang isang estudyante, bilanggo, periodista, manunulat ng literatura,

politiko, political exile sa Hongkong, at pagiging isang Senador ng malayang Republika.


Mainam rin na talakayin ang mga naging pampolitikal na katayuan ng mga kasabayan

nyang kilalang tao sa larangan ng politika gaya nila Manuel L. Quezon, Sergio Osmeña, Claro M.

Recto, at iba pa. Maari ding tingnan ang katayuan ng mga nasabing tao sa paksa ng pagkamit ng

kalayaan ng bansa kung saan nakasentro madalas ang pamamayagpag ng tambalang Quezon –

Osmeña. Isa pa rito ay ang mga naging pahayag ng mga kilalang ka-edad o mas bata pang tao na

naging kasabayan ni Vicente Sotto sa polítika sa larangan man ng lokal o nasyunal na antas.

Bagaman isa siya sa mga hindi gaanong kilala na personalidad sa pampolitikang larangan

noong panahon ng Amerikano, marami parin syang nagawang mga aktibidad habang sya ay

isang halal na opisyal ng gobierno at ordinaryo ngunit responsableng mamayan noong mga

panahong natalo sya sa halalan. Kung kaya ay mapapalitaw rin ang pagiging iba nya sa

karamihan ng kasabayan nyang politiko sa pamamagitan ng pagtalakay ng kanyang mga naihain

at naipasang batas, mga pampersonal nyang gawain na naglalayong isulong ang makatarungang

pagtrato sa mga periodista, unionista, magsasaka, at manggagawa.

Maari rin na suriin kung ano ang estado ng pampolitikal na galaw ng bansa noong

panahon na aktibo si Vicente Sotto bilang isang halal na opisyal ng gobyerno upang mas lalong

maintindihan kung ano ang nilalaman ng kanyang mga plataporma, hinanaing sa kanyang

periódico, at galaw bilang isang abogado. Isa na rito ay ang naging reaksyon nya sa mga

misyong pangkalayaan sa Estados Unidos nila Manuel Quezon at Sergio Osmeña. Isama narin

ang naging relasyon nya sa partido Komunista ng Pilipinas sa liderato ni Crisanto Evangelista. Sa

pamamagitan nito, makikita ang kanyang mga pagtatagumpay at pagkakabigo na kanyang

naranasan sa politika.
Karagdagan pa ay pwede rin isama sa tala ang mga naging pananaw ni Vicente Sotto

tungkol sa bansang Japan. Dahil ang panahong 1920s-1930s ay importante sa kanyang

character development dahil sa nangyayaring digmaan sa Europa at Silangang Asya na

mayroong koneksyon sa magiging desisyon at aksyon niya noong dumating ang ikalawang

digmaang pandaigdig sa Pilipinas. Ang pag-iiba ng kanyang pang politika at pang pilosopiyang

pananaw ang isa sa maaring mas magbigay diin kung bakit iba sya sa mga naging kasabayan nya

sa politika.

III. Pagmumulan ng Batis

Pagdating sa mga impormasyon at pagmumulan ng primerong batis, maaring

mapagkunan ang mga nailimbag na periodico ng The Independent, Progress, Bag-ong Kusog, at

iba pa noong panahon ng 1920s – 1930s. Sa mga periodico na ito ay maraming mga naisulat na

personal na pahayag si Vicente Sotto na tumatalakay sa kanyang impresyon at pananaw tungkol

sa mga issue ng Hare-Hawes-Cutting Act at iba pang mga naging aktibidad nila Quezon at

Osmeña sa kanilang misyong pangkalayaan sa Estados Unidos.

Maari ring pagmulan ng impormasyon ang mga naging salaysay ni Vicente Sotto Sr.

noong siya ay nahalal bilang Senador ng Republika, taong 1946. Bilang senador, marami siyang

iminungkahi na batas na sumasalamin sa kanyang pagkatao at ideolohiya na kung ibabatay sa

kanyang pananaw ay naghahangad ng pangkabutihang epekto sa buhay ng mga Pilipino. Isa sa

kanyang mga naipasang batas ay ang Press Freedom Law o Sotto Law na nagpoprotekta sa mga

periodista. Ito ay maaring makuha sa mga online website ng Senate.gov.ph.


Bukod pa rito, maari ring pagkuhaan ng impormasyon ang mga salaysay o testimonya ng

mga taonog ka-edad o mas bata pa na naging malapit kay Sotto at naging kakilala niya mismo sa

larangan ng politica, periodico, literatura, abogasya. Isa na rito ay si Dating Pangulong Elpidio

Quirino na nagpadala ng sulat ng pakikiramay noong si Sotto ay pumanaw sa taong 1950, sa

edad na 73. Ang mga testimonya o salaysay ng mga taong kanyang nakasalamuha ay maaring

mabigay daan upang lubos na makilala kung ano ang pagkakaiba ni Vicente Sotto Sr. sa mga

naging kapanahon niya bilang isang kongresista, senador, manunulat, abogado, at periodista.

Makakatulong rin ang mga nauna nang naisulat na libro at mga artikulo na tumatalakay

tungkol sa buhay at karanasan ni Vicente Sotto. Isa na rito ang libro na ang may akda ay si Resil

Mojares na pinamagatang “Vincente Sotto: The Maverick Senator” kung saan ito ay ang pinaka

unang libro na tumalakay sa kasaysayan ng buhay ni Vicente Sotto bilang isang manunulat

noong panahon ng digmaang Pilipino - Amerikano, hanggang si Sotto ay maging isang Senador

ng Republika ng makamit nito ang kasarinlan noong taong 1946. May mga mapagkukuhaan rin

na mga batis sa Jstor.org kung saan ang mga artikulo na nailathala ng ibat ibang akademiko ay

tumatalakay sa unang taon ng buhay ni Sotto bilang isang manunulat sa larangan ng literatura.

Konklusyon

Maaring may mga nagawa nang mga pagsusuri at pananaliksik sa buhay at nagampanan

ni Vicente Sotto sa kasaysayan ng Pilipinas ngunit naipakita sa talang konsepto na ito na may

puwang pa at kaya pang dagdagan ang mga nalaman na at nalalaman sa kanyang pananaw at

pampolitikang katayuan. Itong papel na ito ay mag sisilbi upang mas lalo pang mapatingkad ang

pagiging iba ni Vicente Sotto sa kanyang mga naging kasabayan.


Reference
Churchill, Bernardita Reyes. The Philippine Independence Missions to the United States. Manila: National
Historical Institute, 1983.

Cruz-Lucero, Rosario. "THE "NATION" IN VICENTE SOTTO'S LITERARY IMAGINATION: A STUDY OF


THIRTEEN CEBUANO STORIES." Philippine Quarterly of Culture and Society, 2003: 291-306.

Go, Fe Susan. "THE PHILIPPINE INDEPENDENT CHURCH: RELIGIOUS CONVERSION AND THE SPREAD OF
AGLIPAYANISM IN CEBU PROVINCE." Philippine Quarterly of Culture and Society, 1980: 150-167.

Mojares, Resil B. "VICENTE SOTTO AND THE RISE OF REALISM IN CEBUANO LITERATURE." Philippine
Quarterly of Culture and Society, 1976: 101-109.

—. Vicente Sotto: The Maverick Senator. Cebu City: University of San Carlos Press, 2021.

Progress. "The Visit of Hare." Philippine Civic Union Presents Resolution to American Congressman,
October 30, 1932: 9.

Sotto, Vicente. "Osmena Refuted by His Allies in Imperialism." Progress, August 13, 1933: 19.

—. "POLITICAL BUBBLE IN OUR MIDST." Progress, July 3, 1932: 8.

You might also like