You are on page 1of 19

Noli Me Tangere

the live performance


Adapted to stage by ___________ of Grade ______ – ____
Songs composed and written by _______ & Other Artists of the
Philippines
Originally written by Dr. Jose P. Rizal
ACT TWO: Ang Pagsisiwalat ng mga Katotohanan

SCENE ONE – SECOND FLOOR OF THE CHURCH – EVENING


NARRATOR:
Samantala, sa ikalawang palapag ng kampanaryo ng simbahan ay makikita sina Crispin at Basilio,
magkapatid na sakristan ng simbahan. Sampung taong gulang si Basilio, habang pitong taong gulang
si Crispin.

BASILIO:
Crispin, hilahin mo nang mabuti ang tali. (tunog ng batingaw)

CRISPIN:
Magpahinga naman tayo, Kaka. Kanina pa tayo nakatayo at nagpapatunog ng kampana. (tunog ng
batingaw)

BASILIO:
Hindi pa pwede. Papagalitan tayo ng Sakristan Mayor.

CRISPIN:
Oo nga pala. Ilan daw ang susuweldohin mo ngayon buwan?

BASILIO:
Dalawang reales na lamang, Crispin.

CRISPIN:
Bayaran mo na kaya yung sinabi nila na ninakaw ko na ginto sa simbahan? Sige na, para hindi na sila
manggulo at maka-uwi na ako.

BASILIO:
Naku, Crispin! Dalawang multa na ang inabot ko sa Sakristan Mayor. At ang sinasabi nilang ninakaw
mo ay dalawang onsa ng ginto. Tatlumpu’t dalawang reales iyon! Kumbaga’y tatlumpu’t dalawang
kamay. Hindi sasapat ang suweldo ko sa hinihingi nila.

CRISPIN:
Natatakot na kasi ako, eh. Napakasama kasi ng Kura at lalo na ng Sakristan Mayor. Napakasinungaling
nilang lahat. umuwi ka na lang ngayon, Kaka. Sabihan mo si Inang na ayaw na nating mag-sakristan.
alam ko naming paniniwalaan ka ni Inang kaya ikaw na lang ang magsabi sa kanya. Sabihin mo sa
Inang na may sakit ako. Kaya hindi ako maka-uwi.

BASILIO:
Huwag kang magsalita ng ganyan, Crispin.

NARRATOR:
At dumating ang itinuturing nilang berdugo ng simbahan: ang Sakristan Mayor.

SAKRISTAN MAYOR:
Mga pasaway na bata! Kahit kalian kayo, wala na kayong magawang tama sa simbahan! Ikaw Basilio!
Magmumulta ka ng dalawang reales dahil sa hindi magandang tunog ng kampana! Hindi ka rin uuwi
ng alas-otso kundi alas-diyes na ng gabi!
BASILIO:
Ngunit huhulihin na ako ng gwardya…

SAKRISTAN MAYOR:
Wala akong pakialam! Sasagot ka pa? (aambang sasampalin si Basilio) At ikaw Crispin! Hindi ka uuwi
hangga’t hindi mo inilalabas ang dalawang onsang gintong ninakaw mo! Kahit kailan mga wala
kayong galang! Pati simbahan pinagnanakawan ninyo!

CRISPIN:
Hindi ko naman po iyon ninakaw eh. Wala po akong ninakaw na kahit ano.

SAKRISTAN MAYOR:

At sumasagot ka pa? Ito ang sa iyo! (pinagsusuntok at kakaladkarin na si Crispin)

CRISPIN:
Aray ko po, tama na po! (namimilipit na at naiiyak sa sakit)

BASILIO:

(umiiyak) Tama na po! Maawa na kayo!

SAKRISTAN MAYOR:
Huwag mo akong pigilan! (sinampal at natumba si Basilio)

CRISPIN:
(umiiyak) Kaka, huwag mo akong iwan! Huwag mo akong iwan!

BASILIO:
Crispin!

NARRATOR:
Wala nang nagawa pa si Basilio para sa kapatid. Tanging mga hambalos, impit na sigaw, at daing na
lamang ang kanyang narinig. Pagkatapos noon ay nakabibinging katahimikan. Pagdating ng ikasampu
ng gabi ay nakapinid na ang buong simbahan. Kaya’t kinalag niya ang tali ng batingaw upang
makapadausdos siya mula sa bintana ng kampanaryo. May maririnig na dalawang putok ng baril sa
lansangan, ngunit walang sinuman ang pumansin.

SCENE TWO – INT. – THE HOME OF SISA – EVENING

NARRATOR:

Samantala, sa labas ng bayan ay makikita ang maliit na dampa nina Sisa, ang ina nina Basilio at
Crispin. Masaya siyang nagluluto ng tuyong tawilis, tapang baboy-ramo, at isang hita ng patong-
bundok na nahingi niya kay Pilosopo Tasyo. Nagsaing din siya ng maputing kanin at namitas ng
kamatis sa kanyang bakuran upang gawing sawsawan.

SISA:
Naku! Sigurado akong matutuwa ang mga anak ko sa inihanda kong ulam. Nakikita ko nang gutom na
gutom sina Crispin at Basilio mula sa simbahan. Siguradong magugustuhan ni Crispin ang tuyong
tawilis na pinakapaborito niya habang pinipigaan ng kamatis! At, buti na lang nakahingi ako kay
Pilosopo Tasyo ng tapang baboy-ramo at hita ng patong bundok. Siguradong maglalaway si Basilio
kapag nakita ito!
NARRATOR:
Habang naghahanda si Sisa ay siya naming pagdating ng kanyang asawa, si Pedro.

PEDRO:
Nagugutom ako, Sisa. Aba, ang sarap ng hinain mo ah. Matikman nga.

SISA:
Pero, Pedro sa mga….

Narrator:
Bago pa matapos ni Sisa ang sinsasabi ay nakain na ng kanyang sugapang asawa ang ulam.
Pakiramdam niya ay siya ang kinakain nito. Wala na lang siyang magawa kundi ang pigilan ang luha.

PEDRO:
Aalis na ako. (kinuha ulit ang panabong na manok)

SISA:

Hindi mo man lang hihintayin ang pagdating ng mga anak mo? Alam ko ay susweldo si Basilio
ngayong araw.

PEDRO:

Ah, ganun ba? Ipagtabi mo ako ng isang reales. Sige na at baka mahuli ako sa sultada ng tinali ko.

NARRATOR:

Wala nang nagawa pa si Sisa. Sobra ang kalungkutan niya kaya’t pinasaya na lamang niya ang sarili sa
pagkanta. Nagluto na lamang siya ng natirang tatlo pang tawilis at tiniis ang kanyang gutom, dahil
alam niyang hindi na kakasya pa ang ulam sa tatlong katao. Nagulat na lamang siya dahil sa sumunod
na nangyari. Dumating si Basilio na humahangos.

BASILIO:
Inang! Inang! buksan po ninyo ang pinto!

SCENE THREE– IN THE DINING ROOM LEADING UP TO BASILIO AND SISA’S BEDROOM – NIGHT

NARRATOR:
Nanginig sa takot si Sisa nang marinig ang tinig ng kanyang anak na parang humahangos. At mas lalo
pa siyang natakot noong makita niya ang anak na tigmak ng dugo ang mukha.

SISA:
Hesusmaryosep! anong nangyari sa iyo, Basilio?

BASILIO:
Huwag kayong mag-alala Inang. Naiwan si Crispin sa kumbento.

SISA:
Naiwan? At siya ba’y buhay?

BASILIO:
(tititigan ang ina at tatango ng bahagya)
SISA:
Salamat at buhay siya. Bakit ka duguan? Naku naman…

BASILIO:
Ako po’y tumakas sa kumbento. Ngayon lamang ako pinauwi ng Sakristan Mayor dahil hindi daw ako
makauuwi kundi alas-diyes ng gabi. Bawal nang maglakad ng alas-nuwebe kaya’t noong
nakasalubong ko ang mga guardia civil sa bayan at sinigawan ako ng “quien vive” ay nagtatakbo ako.
Pinaputukan po nila ako at isang punglo ang dumaplis sa aking noo.

SISA:
Walang hiya talaga ang mga guardia civil. Sadyang wala silang puso. Halika anak at gamutin natin ang
sugat mo.

NARRATOR:
Hinugasan ni Sisa ang sugat ng anak at nilagyan ng pampahilom. Hiniling ni Basilio sa ina na ilihim ang
nangyari sa kanya. Pinakain na niya ang anak ng iniluto niyang tawilis.

SISA:
Pasensya ka na anak at tawilis lamang ang natira sa inyo. Naghanda ako ng masarap na ulam ngunit
kinain itong lahat ng inyong ama. Pagpasensyahan mo na lamang din siya.

BASILIO:
Hindi ka po ba niya sinaktan? (hahawakan at titingnan ang mga braso ng nanay)

SISA:
Huwag kang mag-alala. Hindi naman niya ako ginawan ng masama. Bakit daw hindi makauuwi si
Crispin?

BASILIO:
Pinarusahan po siya ng Sakristan Mayor dahil nagnakaw daw siya ng dalawang onsa ng ginto. Hindi
naman siya nagnakaw talaga, ngunit hindi daw siya pauuwiin hanggang hindi niya daw iyon
ibinabalik.

SISA:

Mahabaging panginoon, kawawa naman ang aking bunso. Hindi naman ganoong tao ang anak ko.
Hayaan mo anak at kakausapin ko ang kura bukas. Dadalhan ko siya ng gulay bukas at hihilingin ang
kalayaan ng iyong kapatid. Matulog ka na at huwag mo nang isipin pa iyon.

NARRATOR:

Natulog na ang mag-ina sa kanilang papag. Naglalaro pa rin sa isipan ni Basilio ang sinapit ni Crispin
sa sulok ng kumbento habang takot na takot. Umuukilkil sa isipan niya ang mga daing at sigaw ni
Crispin habang wala siyang magawa dahil sa sariling takot. Sa kapaguran, nakatulog si Basilio. Saglit
pa lamang nakaiidlip ay nanaginip si Basilio tungkol sa kapatid.

THE BEDROOM OF BASILIO AND SISA

BASILIO:
(nakakunot ang noo at pailing-iling habang natutulog kasama ang nanay)

P. SALVI:
(may hawak na yantok) Walang galang na bata! Magnanakaw!
CRISPIN:
(umiiyak at natatakot) Kura, maawa na po kayo sa akin. (magtatago sa likod ng Sakristan Mayor)

SAKRISTAN MAYOR:

(ilalantad ang bata sa kura) Huwag kang magtago, hangal! Kasalanan mo iyan!

(Galit na galit ang Kura kaya’t pinaghahampas ang bata ng yantok.)

P. SALVI:
(pinapalo ang bata) Lapastangan ka, ha. Tingnan natin kung hindi mo pa ibalik nang ninakaw mo!

CRISPIN:
Hindi po ako ang nagnakaw! Maawa na po kayo! Ang Sakristan Mayor po ang nangnakaw!

SAKRISTAN MAYOR:
(sasama na rin sa pagpalo) Huwag kang magbintang! Kahit kalian talaga ay napakasama mo.
Napakasama ninyong magkapatid!

CRISPIN:
Inay! Kuya! Tulungan niyo ako! Maawa na kayo sa akin! Inay! (hindi na makatiis at kinagat ang kamay
ng Kura)

P. SALVI:
(nabitawan ang yantok) Aray! Walang hiya kang bata ka!

Sakristan Mayor:
(pinulot ang yantok at pinalo sa ulo ang bata)

Crispin:
(nabuwal at napahiga)

P. SALVI & SAKRISTAN MAYOR:


(sinipa-sipa ang bata ngunit hindi na ito gumagalaw)

(Kakaladkarin si Crispin ng dalawa at aalis. Maririnig na lamang ang putok ng isang baril sa panaginip)

BASILIO:

(magigising at sisigaw) Crispin! (maiiyak ng sobra na ikinagising ni Sisa)

SISA:

Diyos ko, anak. anong nangyari sa iyo? May problema ba?

BASILIO:

(umiiyak pa rin) Inay, ayoko na pong magsakristan. Sunduin niyo na po si Crispin bukas sa kumbento
at kunin ang aking huling sahod. Ipakikiusap ko po kay Don Ibarra na tanggapin akong tagapastol ng
hayop nila. Paaralin niyo po si Crispin kay Pilosopo Tasyo. Mabait si Don Crisostomo. Baka bigyan pa
po niya ako ng gatas na gustong-gusto ni Crispin o kaya ay isang batang kalabaw. Pag malaki na ako ay
magsasaka ako at mag-aararo. Di ba mainam iyon, Inang? Pumayag na kayo, huwag nyo na po akong
gawing sakristan.

SISA:
Oo, anak. Sige na, tumahan ka na. (yayakapin ang anak)
SCENE FOUR – THE MORNING AFTER LAST NIGHT

NARRATOR:
Kinaumagahan ay maagang namitas si Sisa ng mga pinakahinog at pinakaberdeng gulay sa kanyang
gulayan. Inilagay niya ito sa isang bakol at saka umalis upang pumunta sa simbahan at kausapin ang
Kura. Sa kumbento ng simbahan…

SISA:
Tao po, magandang araw po.

KUSINERA:
(mataray) Sino kayo?

SISA:
Ako po si Sisa, ang ina ng sakristan na si Crispin. May dala ho akong mga gulay para sa Kura. (iaabot
ang basket)

KUSINERA:
(hahawakan at susuriin ang mga gulay) O, sige. Ilagay mo na lang diyan.

SISA:
Saan ho?

KUSINERA:
Kahit saan diyan.

SISA:
Maaari ko ho bang makausap ang kura?

KUSINERA:
Hindi maari. May sakit ang Kura.

SISA:
Kung gayon ay kahit makausap ko na lamang ang anak kong si Crispin.

KUSINERA:
Huwag ka nang magkaila. Alam ng lahat na si Crispin ay nasa inyo nang bahay.

SISA:
Si Basilio ho ay nasa bahay ngunit si Crispin ay naiwan dito. Ibig ko sanang makita…

KUSINERA:
Naiwan nga ngunit tumakas din pagkatapos magnakaw ng maraming bagay. Baka nga hinahanap na
siya ng mga guardia civil sa inyo, eh. Alam mo, napakabuti mong asawa ngunit masasama naman ang
mga anak mo tulad ng kanilang ama. Lalo na yung maliit? Naku! Baka higitan pa niya ang ama niya.

SISA:
(mapapaupo sa bangko ng kusina at mapapaiyak)

KUSINERA:
Hindi mo ba naintindihan? May sakit ang Kura! (itutulak si Sisa palabas) Hala, doon kayo humagulgol
sa lansangan! Sulong!
SISA:
(sa pagkapahiya ay tatakpan ng panyo ang mukha at mabilis na umalis)
SCENE FIVE – OUTSIDE - NOON

NARRATOR:
Tumatakbo na si Sisa dahil sa takot na mahuli ang kanyang mga anak dahil sa kasalanang hindi nila
ginawa. sa kalituhan ay halos madapa-dapa siya sa daan.

SISA:
O Diyos ko, huwag po ninyong pababayaan ang aking anak!

NARRATOR:
Pagdating sa kanilang dampa ay nagulat siya sa nakita. May mga guardia civil na naghahanap sa
kanilang bahay, tila may hinahanap na tao. Nagtago muna siya, ngunit nakita rin ng mga ito.

GC 1:
Ikaw ba si Sisa ang ina ng mga magnanakaw na bata?

SISA:
Opo, ako si Sisa. Ngunit hindi mga magnanakaw ang aking mga anak.

GC 2:
Huwag ka nang magmaang-maangan pa. Ilabas mo ang iyong mga anak! Nakatakas ang
nakatatandang anak mo. Nasaan yung mas bata?

SISA:
Hindi ko alam dahil hindi pa siya umuuwi simula kahapon!

GC 1:
Kung gayon ay ikaw ang isasama naming. Hindi ka makalalabas ng kwartel habang hindi mo itinuturo
ang mga anak mo!

NARRATOR:
Dinala na ng mga guardia civil ang kaawa-awang si Sisa sa kuwartel ng mga guardia civil. Doon siya
ikinulong habang hindi niya itinuturo ang mga anak.

GC 2:
(itinulak si Sisa sa kulungan) Iyan, diyan ka nababagay. Mabubulok ka sa bilangguan na iyan
hanggang sa ituro mo ang iyong mga anak.

NARRATOR:
Walang magawa si Sisa kundi ang umiyak. Nakarating sa Alperes ang balita kaya’t nagdesisyon itong
palayain si Sisa, dahil na rin sa kawalan ng katibayan.

ALPERES:
(kausap ang isang guardia civil) Ang krimeng iyan ay kasalanan ng kura! Pakawalan ang bihag at
huwag na siyang abalahin kailanman! Kung gustong makuha ng kura ang nawalang ginto, sabihin mo
ay manalangin siya kay San Antonio! Pari siya ay hindi niya alam ang bagay na iyon? Huh!

GC 3:
Si, Señor Alperes. (aalis at pupuntahan ang selda ni Sisa) O, makakalaya ka na daw. Wala nang
ipapakain sa iyo ang gobyerno dito! (tatawa)

GC 1:
Kasi naman eh. Mag-aasawa na lang yung wala pang kwenta. Tapos mag-aanak pa ng magnanakaw!
Tsk. Tsk. Tsk.
NARRATOR:
Mabilis na tumakbo papalayo ng kuwartel si Sisa habang umiiyak. Gula-gulanit na ang kanyang damit
dahil sa pangit na kondisyon sa kulungan. Hindi na ininda ni Sisa ang nangyari sa kanya, bagkus ay
hinanap na lamang niya ang kanyang mga anak. Nagpunta siya sa kanilang dampa upang tingnan
kung nandoon si Basilio.

SISA:
(nasa dampa, sumisigaw) Basilio! Crispin! Mga anak ko! Nasaan na kayo?

BASILIO:
(hinahanap ang ina sa lansangan) Inang! Inang! Nasaan na kayo, Inang? Inang!

NARRATOR:
Pumunta si Sisa sa bahay ni Pilosopo Tasyo, ngunit wala siyang nadatnang tao.

SISA:
Basilio! Crispin! Mga anak ko! Nandyan ba kayo? Tandang Tasyo! Andyan ho ba ang mga anak ko?
Wala atang tao. (iiyak)

BASILIO:
(Uuwi sa dampa) Inang! Inang! Nandyan ba kayo, Inang? Inang! (sumilip sa bangin malapit sa bahay)

GC 3:
Hoy! Ikaw yung hinahanap naming bata ah. Huwag kang gagawa ng masama!

Narrator:
Sa takot ni Basilio ay napatakbo siya at di sinasadyang napunit ang tela ng kanyang damit na may
bahid na ng dugo at nasabit sa sanga ng isang malagong halaman malapit sa bangin. Nakarinig si Sisa
ng putok ng baril mula sa kanilang bahay kaya’t pinuntahan niya iyon.

(hindi na naabutan ni Sisa ang guardia civil at si Basilio)

SISA:
Diyos ko po! Mga anak ko! Crispin, Basilio! (titingin sa may bangin at makikita ang piraso ng damit ni
Basilio na may dugo) Basilio? Basilio! Damit ito ni Basilio! May dugo. Mapula. (tatawa at ngingiti)
Damit ni Basilio may dugo! (tatawa ng malakas)

NARRATOR:
Kinaumagahan, makikita na si Sisa na pagala-gala sa lansangan, kinakausap ang lahat ng lalang ng
kalikasan.

BASILIO:
Nasa bahay, sa labas ng Bayan

SISA:
(nakatingala) Crispin! Basilio! Nasan na kayo? Mahal kong mga anak! Hangin, nakita mo ba ang mga
anak ko? Hindi? (iiyak at tatawa ulit) Ikaw puno, nakita mo ba ang mga anak ko? Hindi rin? (iiyak at
tatawa ulit) (haharap sa audience) Kayo? Nakita niyo ba ang anak ko? Nakita niyo ba siya?
(kakausapin ang mga naglalakad na extra sa set) Kapag nakita niyo ang mga anak kong sina Basilio at
Crispin, sabihan ninyo ako ha? (tatawa at maiiyak)

BASILIO:
(Hinahanap ang nanay sa dampa) Inang! Inang! Nandito na ako Inang! Inang! Inang! (maiiyak)
SCENE FIVE – THE HOUSE OF ALPERES AND IN THE HOUSE OF THE IBARRAS

NARRATOR:
Lumipas ang ilang lingo, o ilang buwan na dumating na sa puntong ito ay nagsisiwalat at
nagsisilabasan na ang mga sikreto na itinatago sa bayan ng San Diego. At gayon paman, Si Padre Salvi
ay nagmamadaling tumungo sa tahanan ng alperes.

P.SALVI:
Ngayon ninyo mapapatunayan ang kahalagahan ng mga prayle. Isang babae ang nangumpisal na
ngayong gabi, ganap na ikawalo ay sasalakayin ang kwartel, papasukin ang kumbento at papatayin
ang mga Kastila. Magkakaroon ng isang malaking pag-aalsa.

ALPERES:
[kinuha ang rebolber] Sino ang taong huhulihin ko?

P.SALVI:
Huminahon kayo. Ang dapat ay paghandaan ninyo ang pagsalakay nila. Padalhan ninyo ako ng apat
na guwardiya sibil at pasabihan din ang mga bantay sa mga daungan. Kailangang maging maingat
kayo upang sila’y mahuli. Tungkulin ninyo iyan at sapagkat kayo ang tatanggap ng medalya sakaling
magtagumpay kayo, sana’y hindi ninyo malimutang banggitin ang aking ginawa.

NARRATOR:
Dali dali namang pumunta si Elias sa bahay ni Ibarra

ELIAS:
Natuklasan na magkakaroon ng isang malaking pag-aalsa at kayo ang nakatakdang mapahamak
sapagkat isisigaw ang inyong pangalan ng mga manghihimagsik na bayaran. Huwag na kayong mag-
alinlangan pa, Ginoo. Anumang oras ay maaaring sumiklab ang pag-aalsa! Kailangan na ninyong
umalis.

IBARRA:
Saan ako pupunta? May naghihintay sa akin?

ELIAS:
Kahit saang lugar..sa Maynila o sa bahay ng isang makapangyarihan upang hindi nila masabing
totoong may kinalaman kayo dito.

IBARRA:
Paano kung ako ang magsuplong ng pag-aalsa?

ELIAS:
Iisipin nila kayo’y taksil at ipinain sila para mahuli. Sunugin ang mga kasulatan, tumakas at maghintay
kung ano ang mangyayari yan ang dapat mong gawin.

IBARRA:
Si Maria Clara? Hindi..mabuti pang mamatay na lang. Tulungan mo ako Ginoo. Diyan nakatago ang
kasulatan ng aming pamilya. Ibukod ninyo ang sulat ng aking ama na lalong magpapahamak sa akin.

NARRATOR:
Kumilos sina Elias at Ibarra. Pinunit ang ilang kasulatan at itinago ang iba.

ELIAS:
Nakikilala po ba ninyo si Don Pedro Eibarramendia?
IBARRA:
Siya ang lolo ko sa tuhod.

ELIAS:
Siya ang dahilan ng kasawian ng aming angkan. Kayo ang itinuro sa akin ng Diyos para
makapaghiganti. (Niyugyog ang balikat ni Ibarra) Tingnan ninyo akong mabuti! Tingnan ninyo ang
mukhang ito na punung-puno ng pagtitiis! Samantalang kayo’y nabubuhay..umiibig…may
kayamanan…kinikilala…nabubuhay! Nabubuhay!

NARRATOR:
Nakita ni Elias ang iba’t ibang armas at bumunot siya ng dalawang balaraw. Pagkasabi ni Elias ng
“anong gagawin ko?” ay nagtakbong bumaba ng bahay ito at iniwan si Ibarra.

SCENE SIX – THE HOUSE OF KAPITAN TIAGO(?) - NIGHT

NARRATOR:
Oras ng hapunan at magkakasalo sina K.TIAGO, T.ISABEL, at LINARES ngunit nagdahilan si Maria na
wala siyang ganang kumain kaya niyaya niya ang kaibigang si Sinang sa piyano. Nasa bulwagan at
hindi mapakali si P.SALVI. Tumugtog ang orasan at sumapit na ang ganap na ikawalo ng gabi.
Nangangatog na napaupo sa isang sulok ang Pari. Pumasok ng bahay si Ibarra na nakasuot pangluksa
at bakas ang matinding kalungkutan. Tinangkang lapitan ni Maria Clara ang kasintahan ngunit narinig
ang magkakasunod ng putok ng baril. Naglabasan mula sa komedor sina K.TIAGO,T.ISABEL & LINARES.
Nagyakapan sina Maria Clara & Sinang habang panay ang usal ng dasal ni Tiya Isabel.

ALPERES:
Padre kura, manaog kayo! Wala ng panganib.

NARRATOR:
Pinapasok ni T.Isabel ang mga dalaga sa kwarto. Napilitang manaog si Padre Salvi. Nanaog din si
Ibarra kahit na pinigilan ni T.Isabel. Nagmadali sa paglalakad si Ibarra hanggang sa nakarating sa
kanyang bahay.

IBARRA:
Ihanda ang aking pinakamabilis na kabayo at pagkatapos ay matulog na kayo.

GS:
Sa ngalan ng Hari ng España, buksan ninyo ang pinto.

NARRATOR:
Sumilip sa bintana si Ibarra at nagkasa ng baril. Saglit pa ay pinagbuksan niya ng pinto ang mga ito.

GS:
Hinuhuli namin kayo sa ngalan ng hari!

IBARRA:
Bakit?

GS:
Sa kwartel na kayo magtanong. Kung nangangako kayong hindi kayo tatakas ay hindi naming kayo
igagapos. Ito’y kaluwagang ibinibigay sa inyo ng alperes.

NARRATOR:
Naisipan ni Elias na bumalik sa bahay ni Ibarra. Nalaman niya sa mga utusan ang nangyari sa kanilang
amo. Nagkunwari siyang umalis ngunit ang totoo ay umikot lamang at dumaan sa bakod. Umakyat si
Elias sa bintana at pumasok ng silid ni Ibarra. Kinuha niya ang baril at mahahalagang bagay at isinilid
sa sako at inihulog sa bintana. Kinuha din nito ang larawan ni Maria Clara. Kumuha siya ng papel at
binuhusan ng gaas mula sa ilawan at sinilaban. Tumalon si Elias mula sa bintana.

SCENE SEVEN – IKAKASAL SI MARIA CLARA

NARRATOR:
Nag-uusap sina Tiya Isabel at K.Tiago ng biglang dumating ang mga Espadaña.

DONA VICTORINA:
Malaki talaga ang nagagawa ng isang may kamag-anak na nanunugkulan sa pamahalaan, di ba? Dahil
diyan ay nakakapaglabas-masok siya palagi sa loob ng palasyo ng Kapitan-Heneral. Una ko pa lamang
nakita iyang si Ibarra ay naniwala na akong isa siyang Pilibustero.

KAPITAN TIAGO:
Ano pala ang sabi ng Kapitan-Heneral sa kalagayan ni Crisostomo Ibarra?

DONA VICTORINA:
Iminugkahi ng pinsan kong si Linares na siya’y bitayin.(sabay tawa)

LINARES:
Hindi.. (tututol pa sana siya, ngunit di siya binigyan ng pagkakataong magsalita ng donya)

DONA VICTORINA:
Wag mo nag ipaglihim sa amin, pinsan. Ikaw ang tagapayo ng Kapitan at..

NARRATOR:
Nakita ng Doña na paparating si Ma. Clara

DONA VICTORINA:
Clarita, iha. Ikaw talaga ang dinadalaw namin. Mabuti naman at nakita kita. Kaya kami nagpunta rito
ay upang mapag-usapan na ang mga hindi natapos na pag-uusap noon.

MARIA CLARA:
Mawalang galang na po..babalik na po muna ako sa aking silid. (Tiningnan lang siya ng Donya habang
papasok siya sa silid)

DONA:
O siya Tiago, dapat nang matuloy ang kasalan ni Ma. Clara at ng aking pinsan. (Tumingin si kapitan
tiago kay tiya Isabel)

KAPITAN TIAGO:
Ipagsabi mong magdaraaos tayo ng isang piyesta. (napangiti ang Donya sa narinig)

DONA:
Maganda yan! O siya, mauuna na kami!

KAPITAN TIAGO:
Sige. Salamat sa pagdalaw.

NARRATOR:
Kinabukasan, ganap na ikawalo ng gabi ay napuno ng panauhin ang bulwagan ng bahay ni Kapitan
Tiago. Nangunguna sa mga bisita sina Padre Salvi, Padre Sibyla. Kasali din si Tinyente Guevarra.
Nagpahuli ng dating sina Donya Victorina at Alfonso sa paniniwalang sila’y importanteng tao. Sa
umpukan ng kalalakihan ang usapan ay tungkol sa paglipat ng kura sa Maynila

KALALAKIHAN:
Kura, bakit po pala kayo napalipat sa Maynila?

KURA:
Ako’y wala nang gagawin dito kayat minarapat kong maglagi sa Maynila.

ALPERES:
Ako man ay aalis na rin sa bayang ito upang pamunuan ang isang pangkat na magyayao’t parito sa
iba’t ibang lalawigan para puksain ang rebelyon at pag-aalsa.

KALALAKIHAN:
Ano nga po pala ang mangyayari sa pilibustero?

ALPERES:
Kung si Crisostomo Ibarra ang iyong tinutukoy, sa paniniwala ko’y dapat siyang bitayin gaya ng mga
salarin noong himagsikan sa taong 1872.

TENYENTE:
Ang sa aki’y dapat siyang ipatapon. Masyado syang nanalig sa kanyang iniharap na kasulatan. Kung
ang mga tagausig ay hindi nagbigay ng ibang pakahulugan sa mga kasulatan at ebidensyang iniharap
niya, naniniwala ako na maaring mapawalang sala si Ginoong Crisostomo.

LALAKE:
Ano ang nais ninyong ipakahulugan?

TENYENTE:
Sinabi ng manananggol na ayon sa salaysay ng mga tulisan na kailanman ay hindi nakipag-unawaan
sa kanila si Ginoong Crisostomo manapa’y kaaway niya ang taong nagngangalang Lucas. Isang sulat
lamang ang naging batayan ng mga tagausig laban kay Crisostomo Ibarra. Kinilala niya na kanya ang
sulat na ito. Ang sulat ay ibinigay sa isang babae bago siya pumunta ng Europa. May malabong mga
pahayag at talata na ipinagpapalagay na ito’y naglalaman ng mga pagbabanta laban sa pamahalaan.

PADRE SALVI:
Paano nakarating ang sulat sa mga tagausig?

LALAKE:
Malamang ay natakot ang babaeng binigyan at kusang isinuko ang sulat sa mga tagausig. Marahil
naman ay nalaman ng pamahalaan ang tungkol sa sulat at pinuntahan nila ang napagkamalang
binigyan.

NARRATOR:
Biglang nilapitan ng tinyente ang papalapit na si Ma. Clara.

TENYENTE:
Mabuti ng ginawa niyang pagbibigay ng sulat. Nakatitiyak kayo ng magandang kapalaran.

(Napatingin ang mga lalaki sa dalaga. Biglang nakaramadam ng pagkahilo si Ma. Clara at nagpahatid
sa kanyang silid.)
MARIA CLARA:
Mawalang galang na po.

Narrator: Patuloy na kumakatok si Kapitan Tiago sa pintuan ng silid ngunit ayaw itong pagbuksan ng
dalaga. Tumayo siya at pumunta sa asotea, nakita ang bangka malapit sa kanilang bahay at nagulat
siya ng makita ang isang lalaking papalapit sa kanya.

MARIA CLARA:
Crisostomo!

IBARRA:
Ako nga. Sa bangkay ng aking ina ay nangako akong paliligayahin kita anuman ang aking maging
kapalaran. Nagpunta ako rito para tuparin ang pangakong iyon bagama’t ikaw ay hindi tumupad sa
ating sumpaan. Palalayain na kita.

Maria Clara:
Patawarin sana ako ng alaala ng aking ina sa sasabihin ko sayo. Natuklasan ko sa gitna ng aking
karamdaman ang aking tunay na pagkatao. Ang kinikilala kong ama ay hindi ko tunay na ama. Hindi
ako maaaring magpakasal sa iyo sapagkat ibubunyag ang lihim na iyan. Matutuklasan ang naging
kataksilan ng aking ina at masisira ang dangal ng kinikilala kong ama.

IBARRA:
Kailangan mo ng katibayan.

MARIA CLARA:
Totoo ang lahat ng aking sinabi. May sulat na iniwan ang aking ina. Ibinigay sa akin ng taong
nakakabatid ng aking lihim ang sulat na ito kapalit ng sulat mo sa akin. Totoong pinagtaksilan kita.
Ngunit alang-alang sa alaala ng aking ina, napilitan akong ipagpalit ang sulat mo nang hindi ko
nalalaman kung saan nila iyon gagamitin. Wala akong maaring gawin kundi ang magtiis upang
patuloy na maitago ang lihim ng aking pagkatao. Kailangan kong makipag-isang dibdib upang hindi
maibunyag ang aking lihim. Ngayon, magagawa mo pa kaya akong libakin?

IBARRA:
Maria, isa kang anghel.

MARIA CLARA:
Maligaya akong marinig na pinaniniwalaan mo na ako.

IBARRA:
Ikakasal ka na.

MARIA CLARA:
Oo. Iyon ang gustong mangyari ng kinikilala kong ama. Minahal at inalagaan niya ako kahit hindi niya
tungkulin kaya’t bilang ganti ay kailangang sundin ko siya. Ngunit hindi ko malilimot ang naging
sumpaan natin.

IBARRA:
Ano’ng ibig mong mangyari?

MARIA CLARA:
Madilim ang hinaharap. Ngunit gusto kong malaman mo na minsan lamang ako umibig at hindi na ito
maaangkin ninuman. Ano ang manyayari sa iyo?
IBARRA:
Tumakas lang ako, Maria. Hindi magtatagal malalaman nila ito.

MARIA CLARA:
Paalam na, Crisostomo, at sana’y maalala mo palagi na sa puso mo ay ikaw lang palagi ang pipiliin ng
puso ko, Crisostomo.

NARRATOR:
Ayaw niyang iwan ng kasintahan ngunit kailangan na niyang umalis. Nagbalik na siya sa bangka kung
saan naghihintay si Elias para itakas siya.

SCENE SEVEN – ANG PAMAMARIL SA LAWA

NARRATOR:
Mabilis na sumasagwan si Elias patungong San Gabriel.

ELIAS:
Dadalhin ko kayo sa bahay ng isa kong kaibigan sa Mandaluyong. Ihahatid ko doon ang salapi ninyo
na itinago ko. Magagamit ninyo iyon sa pangingibang bansa.

IBARRA:
Mangingibang bansa?

ELIAS:
Sa ibang bansa ay makakapamuhay kayo ng tahimik. Marami kayong kaibigan sa Espanya at
matutulungan kayo para kayo’y mapatawad.

IBARRA:
Iniligtas mo ang buhay ko ng dalawang beses sa kabila ng kasawian ng iyong angkan sa aking angkan.
Marapat lamang na ibalik ko sa iyo ang inyong yamang nawala. Sumama kayo sa akin sa ibang bansa
at magturingan tayong magkapatid. Tayo’y kapwa sawimpalad sa sarili nating bayan.

ELIAS:
Hindi ako magiging maligaya sa ibang lupain. Dito ko nais magtiis at mamatay.

IBARRA:
Pero bakit pinaaalis n’yo ako?

ELIAS:
Sa ibang bansa ay maari pa kayong magtagumpay. Kung daranasin ninyo ang ibayong hirap ay baka
dumating ang araw na itakwil ninyo ng sariling bayan.

IBARRA:
Hindi totoo ‘yan! Wala akong ibang inisip kundi ang kapakanan ng bayan.

ELIAS:
Hindi ninyo ko nauunawaan. Naniniwala ako na iniibig ninyo ang bayan sapagkat wala pa kayong
dinaranas na paghihirap. Subalit isang araw na maranasan ninyo ang hirap, gutom at pag-uusig,
naniniwala akong itatakwil ninyo ang bayang ito. Humingi ako ng tulong sa inyo para sa mga
sawimpalad, ngunit hindi ninyo ako pinakinggan. Sila ang inyong pinanigan. Ngayon ay tinutugis na
nila kayo at itinuturing na kaaway.
IBARRA:
May katwiran ka, Elias. Ako’y taong umaayon sa takbo ng panahon. Malinaw na sa akin ang lahat
ngayon na ang ating bayan ay may nabubulok na sakit na kailangan ng panlunas. Isang kanser ng
lipunan na kailangang gamutin at sugpuin. Akong nagtatanggol sa bayan ay isa na ngayong
pilibustero. Tatlong daan taong silang nagpasasa sa atin habang tayo’y naging sunud-sunuran sa
kanilang pang-alipusta. Nagyaon ay halos nawawalan na tayo ng pagasa…nawawalan na tayo ng
pananalig sa Diyos. Wala nang natitira kundi hingin natin ang ating karapatan at lakas.

NARRATOR:
Nakita nila sa harapan ng palasyo na nagkakagulo ang mga kawal.

ELIAS:
Natuklasan na nila ang iyong pagtakas.

NARRATOR:
Pinahiga ni Elias sa bangka si Crisostomo at tinakpan ng maraming damo..napadaan sila sa harap ng
polvorista. Sila’y pinatigil ng bantay.

BANTAY:
Saan ka nanggaling?

ELIAS:
Nirasyunan ko po ng damo ang kura at ang hukom sa Maynila.

BANTAY:
Sige,maari ka nang magpatuloy. Huwag ka lamang magsasakay ng maski na sino sapagkat may isang
bilanggong nakatakas na ngayon ay pinghahanap. Kung siya’y iyong mahuhuli tiyak na magagawaran
ka ng gantimpala.

ELIAS:
Pano ko siya makikilala?

BANTAY:
Nakalebita at mahusay magsalita ng wikang Kastila. Kaya huwag kang pakakatiwala.

ELIAS:
Sige po, Salamat.

NARRATOR:
Nagpatuloy na sa pagsasagwan si Elias at saka lumihis ng landas. Pumasok ang bangka sa may Ilog
Beata.

ELIAS:
Liliwas tayo para mapagkamalan akong taga-Peñafrancia.

IBARRA:
Marapat siguro na tayo’y maghimagsik.

ELIAS:
Makinig kayo sa aking sasabihin. Mayaman kayo at maaari kayong makapagbayad ng iyong
makakasama. Ngunit baka ang maliliit na tao lamang ang masaktan. Kaunting kalayaan at katarungan
lamang ang hinihingi ng mga sawimpalad at hindi ang pagtatakwil sa Espanya.
IBARRA:
Kung ganoon ay gagawin ko itong mag-isa, Elias. Hindi ako papayag na matapos akong maging
matapat sa bayan at naghangad ng kagalingan ay ito ang igaganti sa akin. Kailangang mailantad ko sa
bayan ang kaapihang ito kung hindi’y walang kabuluhan ang paghahangad ng kalayaan. Maaari ba
ninyo akong ihatid sa bundok?

NARRATOR:
Nagpatuloy sa pagsagwan si Elias.

ELIAS:
Andito na po tayo sa Sta. Ana. Ito ang lugar kung saan ginugol ko ang maraming masasayang araw.
Ang lahat ng alaalang iyon ay hindi na maibabalik pa.

NARRATOR:
Nakarating sila sa malapad na bato at magbubukang liwayway na nang marating nil ang lawa.

ELIAS:
Iyan ang palwa. Humiga kayo at tatakpan ko kayo ng bayong.

NARRATOR:
Nagpatuloy sila sa pamamangka hanggang sa marinig nila na may isang tinig na sumisigaw. Hinahabol
sila ng isang palwa. Nakita ni Elias ang isang bangka na papalapit sa kanila lulan ang mga guwardiya
sibil.

ELIAS:
Crisostomo, mahuhuli tayo. (Mas mabilis na ang pagbangka ni Elias) Kayo na ang mamangka sapagkat
tatalon ako. Lulundag ako sa tubig para ako ang kanilang tugisin..ililigaw ko sila.

IBARRA:
Huwag kang umalis. Lumaban na lang tayo.

ELIAS:
Hindi tayo magtatagumpay..wala tayong sandata.

(Isang punglo ang humaging sa tubig. Sinundan pa iyon ng isa pang putok.)

ELIAS:
Magkita na lamang tayo sa Noche Buena, sa libingan ng inyong nuno.

NARRATOR:
Pagkasabi niyon ay tumalon na sa tubig si Elias. Nakita ng palwa at guwardiya sibil ang naglalangot na
si Elias at kanilang tinugis. Sunod na putok ang pinakawalan ng mga ito kay Elias. Sumisid si Elias at di
na muli pang lumitaw. Makalipas ang ilang oras ay umalis na ang palwa at mga sibil. Nakita nilang
may bahid ng dugo sa tubig baybayin ng pampang.

SCENE EIGHT – ANG PAGPAPALIWANAG NI PADRE DAMASO


(Nakatingin si Maria Clara sa pahayagan na nagbabalitang nalunod si Ibarra. Ang isip ay nasa kawalan
ng sandaling iyon. Dinatnan siya ni Padre Damaso sa ganoong kalagayan.)

PADRE DAMASO:
Natakot ka ano? Hindi mo inaasahan ang aking pagdating. Nandito ako para masaksihan ang kasal
mo. (Inabot ang kamay para hagkan ng dalaga) May sakit ka na naman ba, anak? Bakit namumutla
ka?
[Walang imik si Maria Clara]

PADRE DAMASO:
Wala ka na bang tiwala sa akin na inaama mo? Sabihin mo sa akin kung ano ang nangyayari sa’yo.

MARIA CLARA:
Mahal pa ba ninyo ako? (lumuhod sa harap ni Padre Damaso) Tulungan ninyo ang aking ama para di
matuloy ang aking kasal! Noong buhay si Ibarra, gusto kung lumaban, umasa at manalig. Ibig kong
mabuhay para marining kahit paano ang mga bagay tungkol sa kanya pero ngayon patay na siya.
Bakit pa ako mabubuhay at magtitiis?

PADRE DAMASO:
Hindi hamak na nakahihigit si Linares kay…

MARIA CLARA:
Maaari akong magpakasal kaninumang noong nabubuhay pa si Crisostomo. Wala namang gusto ang
ama ko kundi malalaking ugnayan sa mga nasa poder. Pero ngayong patay na siya, walang sinumang
tatawag sakin ng asawa. Kumbento o sementeryo lamang ang aking pagpipilian.

PADRE DAMASO:
Anak ko patawad. Hindi ko sinasadya ang kalungkutan mong ito. Ibig ko lang mabigyan ka ng
mabuting kinabukasan, ng kaligayahan. Ito’y dahil mahal kita.

MARIA CLARA:
Mahal mo palay ako’y wag mong hayaang ako’y malungkot habambuhay. Patay na siya. Ibig ko na ring
mamatay o maging madre.

PADRE DAMASO:
Isang madre! Isang Madre! Hindi mo lamang alam, anak ko, ang buhay na misteryong nakakubli sa
mga pader ng kumbento. Matanda na ako, Maria. Hindi na kita mapangangalagaan, pati ng
kaligayahan mo. Humiling ka ng iba pa. Mahalin ang binata kahit sino man sya.. wag lang ang
kumbento..

MARIA CLARA:
Ang kumbento o ang kamatayan!

PADRE DAMASO:
Diyos ko! Diyos ko! Pinarurusahan mo ako. Pagpalain mo ang anak ko! (sigaw ni Padre Damaso)
Ayokong mamatay ka… magmamadre ka! Diyos ko! Talagang narito ka nga nagpaparusa ka. (umalis
nang malungkot)

SCENE EIGHT – ANG NOCHE BUENA

BASILIO:
Gantihan po sana kayo ng Diyos sa inyong kabutihang loob. Ngayong Pasko po ay gusto ko sanang
umuwi para makita ang aking ina at kapatid.

MATANDA:
Hindi ka pa lubusang magaling at lubhang may kalayuan ang inyong bayan. Mahihirapan ka pang
makauwi sa inyo.

BASILIO:
Tiyak na naghihintay ang kalooban ng aking ina sa paghahanap sa akin. Kayo po ay maraming anak
subalit kami’y dadalawa lamang na magkapatid. Babalik po ako dito at ipagsasama ko ang aking
kapatid. (Mabilis na umalis si Basilio bagama’t may tali sa paa at paika-ika kung maglakad]

FINAL SCENE – ATOP OF A HILL SIDE BEHIND THE MONASTERY

[Tumayo si Maria Clara sa dulo ng Burol. Hawak hawak ang liham na isinulat niya para kay
Crisostomo ng huling beses, umiiyak]
[A soft, melodic piano version of “Palaging Ikaw, Crisostomo” plays.]

MARIA CLARA (crying):


Ang Minamahal Kong Crisostomo. Naalala mo pa ba ang una nating pagkikita nung bumalik
ka sa akin? Di ko makakalimutan ang mga matamis mong tingin sa akin. Hinding hindi ko
makakalimutan ang lahat ng iyon, pero ngunit bakit ayaw tayo ng tadhana? Sa lahat ng
pagsasama natin ay palagi tayong nahihiwalay. Patawarin mo ako, Crisostomo. Ipapakasal
ako sa ibang lalake, pero ikaw parin ang hahanapin ng puso ko. Palaging ikaw, Crisostomo.
Hinding-hindi ako matututo kung paano mag mahal ng iba kasi ikaw lang ang pipiliin ng puso
ko. Ikaw lang talaga ang hahanapin ng puso ko.

[Maria Clara continues crying, gripping the letter harder than she should be. The letter starts
to deform, the rays of the sunset lands on her teary face. The soft, red light of the sun tries
to comfort her, but it couldn’t.]

MARIA CLARA:
Palaging ikaw, Crisostomo.

WAKAS.

You might also like