You are on page 1of 10

Kabanata 16: Si Sisa

Narrator: Samantala, sa labas ng bayan ay makikita ang maliit na dampa nina Sisa, ang ina nina Basilio at Crispin. Masaya
siyang nagluluto ng tuyong tawilis, tapang baboy-ramo, at isang hita ng patong-bundok na nahingi niya kay Pilosopo
Tasyo. Nagsaing din siya ng maputing kanin at namitas ng kamatis sa kanyang bakuran upang gawing sawsawan.

Sisa: Naku! Sigurado akong matutuwa ang mga anak ko sa inihanda kong ulam. Nakikita ko nang gutom na gutom sina
Crispin at Basilio mula sa simbahan. Siguradong magugustuhan ni Crispin ang tuyong tawilis na pinakapaborito niya
habang pinipigaan ng kamatis! At, buti na lang nakahingi ako kay Pilosopo Tasyo ng tapang baboy-ramo at hita ng
patong bundok. Siguradong maglalaway si Basilio kapag nakita ito!

Narrator: Habang naghahanda si Sisa ay siya naming pagdating ng kanyang asawa, si Pedro.

Pedro: Nagugutom ako, Sisa. Aba, ang sarap ng hinain mo ah. Matikman nga.

Sisa: Pero, Pedro sa mga…..

Narrator: Bago pa matapos ni Sisa ang sinsasabi ay nakain na ng kanyang sugapang asawa ang ulam. Pakiramdam niya ay
siya ang kinakain nito. Wala na lang siyang magawa kundi ang pigilan ang luha.

Pedro: Aalis na ako. (kinuha ulit ang panabong na manok)

Sisa: Hindi mo man lang hihintayin ang pagdating ng mga anak mo? Alam ko ay susweldo si Basilio ngayong araw.

Pedro: Ah, ganun ba? Ipagtabi mo ako ng isang reales. Sige na at baka mahuli ako sa sultada ng tinali ko.

Narrator: Wala nang nagawa pa si Sisa. Sobra ang kalungkutan niya kaya’t pinasaya na lamang niya ang sarili sa
pagkanta. Nagluto na lamang siya ng natirang tatlo pang tawilis at tiniis ang kanyang gutom, dahil alam niyang hindi na
kakasya pa ang ulam sa tatlong katao. Nagulat na lamang siya dahil sa sumunod na nangyari. Dumating si Basilio na
humahangos.

Basilio: Inang! Inang! buksan po ninyo ang pinto!

Kabanata 17: Si Basilio

Narrator: Nanginig sa takot si Sisa nang marinig ang tinig ng kanyang anak na parang humahangos. At mas lalo pa siyang
natakot noong makita niya ang anak na tigmak ng dugo ang mukha.

Sisa: Hesusmaryosep! anong nangyari sa iyo, Basilio?

Basilio: Huwag kayong mag-alala Inang. Naiwan si Crispin sa kumbento.

Sisa: Naiwan? At siya ba’y buhay?

Basilio: (tititigan ang ina at tatango ng bahagya)

Sisa: Salamat at buhay siya. Bakit ka duguan? Naku naman…


Basilio: Ako po’y tumakas sa kumbento. Ngayon lamang ako pinauwi ng Sakristan Mayor dahil hindi daw ako makauuwi
kundi alas-diyes ng gabi. Bawal nang maglakad ng alas-nuwebe kaya’t noong nakasalubong ko ang mga guardia civil sa
bayan at sinigawan ako ng “quien vive” ay nagtatakbo ako. Pinaputukan po nila ako at isang punglo ang dumaplis sa
aking noo.

Sisa: Walang hiya talaga ang mga guardia civil. Sadyang wala silang puso. Halika anak at gamutin natin ang sugat mo.

Narrator: Hinugasan ni Sisa ang sugat ng anak at nilagyan ng pampahilom. Hiniling ni Basilio sa ina na ilihim ang nangyari
sa kanya. Pinakain na niya ang anak ng iniluto niyang tawilis.

Sisa: Pasensya ka na anak at tawilis lamang ang natira sa inyo. Naghanda ako ng masarap na ulam ngunit kinain itong
lahat ng inyong ama. Pagpasensyahan mo na lamang din siya.

Basilio:Hindi ka po ba niya sinaktan? (hahawakan at titingnan ang mga braso ng nanay)

Sisa: Huwag kang mag-alala. Hindi naman niya ako ginawan ng masama. Bakit daw hindi makauuwi si Crispin?

Basilio: Pinarusahan po siya ng Sakristan Mayor dahil nagnakaw daw siya ng dalawang onsa ng ginto. Hindi naman siya
nagnakaw talaga, ngunit hindi daw siya pauuwiin hanggang hindi niya daw iyon ibinabalik.

Sisa: Mahabaging panginoon, kawawa naman ang aking bunso. Hindi naman ganoong tao ang anak ko. Hayaan mo anak
at kakausapin ko ang kura bukas. Dadalhan ko siya ng gulay bukas at hihilingin ang kalayaan ng iyong kapatid. Matulog
ka na at huwag mo nang isipin pa iyon.

Narrator: Natulog na ang mag-ina sa kanilang papag. Naglalaro pa rin sa isipan ni Basilio ang sinapit ni Crispin sa sulok ng
kumbento habang takot na takot. Umuukilkil sa isipan niya ang mga daing at sigaw ni Crispin habang wala siyang
magawa dahil sa sariling takot. Sa kapaguran, nakatulog si Basilio.

Saglit pa lamang nakaiidlip ay nanaginip si Basilio tungkol sa kapatid.

(role-play sa malapit sa hinihigaan nina Basilio)

Basilio: (nakakunot ang noo at pailing-iling habang natutulog kasama ang nanay)

P. Salvi: (may hawak na yantok) Walang galang na bata! Magnanakaw!

Crispin: (umiiyak at natatakot) Kura, maawa na po kayo sa akin. (magtatago sa likod ng Sakristan Mayor)

Sakristan Mayor: (ilalantad ang bata sa kura) Huwag kang magtago, hangal! Kasalanan mo iyan!

(Galit na galit ang Kura kaya’t pinaghahampas ang bata ng yantok.)

P. Salvi: (pinapalo ang bata) Lapastangan ka, ha. Tingnan natin kung hindi mo pa ibalik nang ninakaw mo!

Crispin: Hindi po ako ang nagnakaw! Maawa na po kayo! Ang Sakristan Mayor po ang nangnakaw!

Sakristan Mayor: (sasama na rin sa pagpalo) Huwag kang magbintang! Kahit kalian talaga ay napakasama mo.
Napakasama ninyong magkapatid!

Crispin: Inay! Kuya! Tulungan niyo ako! Maawa na kayo sa akin! Inay! (hindi na makatiis at kinagat ang kamay ng Kura)

P. Salvi: (nabitawan ang yantok) Aray! Walang hiya kang bata ka!

Sakristan Mayor: (pinulot ang yantok at pinalo sa ulo ang bata)


Crispin: (nabuwal at napahiga)

P. Salvi & Sakristan Mayor: (sinipa-sipa ang bata ngunit hindi na ito gumagalaw)

(Kakaladkarin si Crispin ng dalawa at aalis. Maririnig na lamang ang putok ng isang baril sa panaginip)

Basilio: (magigising at sisigaw) Crispin! (maiiyak ng sobra na ikinagising ni Sisa)

Sisa: Diyos ko, anak. anong nangyari sa iyo? May problema ba?

Basilio: (umiiyak pa rin) Inay, ayoko na pong magsakristan. Sunduin niyo na po si Crispin bukas sa kumbento at kunin ang
aking huling sahod. Ipakikiusap ko po kay Don Ibarra na tanggapin akong tagapastol ng hayop nila. Paaralin niyo po si
Crispin kay Pilosopo Tasyo. Mabait si Don Crisostomo. Baka bigyan pa po niya ako ng gatas na gustong-gusto ni Crispin o
kaya ay isang batang kalabaw. Pag malaki na ako ay magsasaka ako at mag-aararo. Di ba mainam iyon, Inang? Pumayag
na kayo, huwag nyo na po akong gawing sakristan.

Sisa: Oo,anak. Sige na, tumahan ka na. (yayakapin ang anak)

Kabanata 18: Mga Kaluluwang Nagdurusa

Narrator: Kinaumagahan ay maagang namitas si Sisa ng mga pinakahinog at pinakaberdeng gulay sa kanyang gulayan.
Inilagay niya ito sa isang bakol at saka umalis upang pumunta sa simbahan at kausapin ang Kura. Sa kumbento ng
simbahan…

Sisa: Tao po, magandang araw po.

Kusinera: (mataray) Sino kayo?

Sisa: Ako po si Sisa, ang ina ng sakristan na si Crispin. May dala ho akong mga gulay para sa Kura. (iaabot ang basket)

Kusinera: (hahawakan at susuriin ang mga gulay) O, sige. Ilagay mo na lang diyan.

Sisa: Saan ho?

Kusinera: Kahit saan diyan.

Sisa: Maaari ko ho bang makausap ang kura?

Kusinera: Hindi maari. May sakit ang Kura.

Sisa: Kung gayon ay kahit makausap ko na lamang ang anak kong si Crispin.

Kusinera: Huwag ka nang magkaila. Alam ng lahat na si Crispin ay nasa inyo nang bahay.

Sisa: Si Basilio ho ay nasa bahay ngunit si Crispin ay naiwan dito. Ibig ko sanang makita…

Kusinera: Naiwan nga ngunit tumakas din pagkatapos magnakaw ng maraming bagay. Baka nga hinahanap na siya ng
mga guardia civil sa inyo, eh. Alam mo, napakabuti mong asawa ngunit masasama naman ang mga anak mo tulad ng
kanilang ama. Lalo na yung maliit? Naku! Baka higitan pa niya ang ama niya.

Sisa: (mapapaupo sa bangko ng kusina at mapapaiyak)

Kusinera: Hindi mo ba naintindihan? May sakit ang Kura! (itutulak si Sisa palabas) Hala, doon kayo humagulgol sa
lansangan! Sulong!
Sisa: (sa pagkapahiya ay tatakpan ng panyo ang mukha at mabilis na umalis)

Kabanata 21: Kasaysayan ng Isang Ina

Narrator: Tumatakbo na si Sisa dahil sa takot na mahuli ang kanyang mga anak dahil sa kasalanang hindi nila ginawa. sa
kalituhan ay halos madapa-dapa siya sa daan.

Sisa: O Diyos ko, huwag po ninyong pababayaan ang aking anak!

Narrator: Pagdating sa kanilang dampa ay nagulat siya sa nakita. May mga guardia civil na naghahanap sa kanilang
bahay, tila may hinahanap na tao. Nagtago muna siya, ngunit nakita rin ng mga ito.

GC 1: Ikaw ba si Sisa ang ina ng mga magnanakaw na bata?

Sisa: Opo, ako si Sisa. Ngunit hindi mga magnanakaw ang aking mga anak.

GC2: Huwag ka nang magmaang-maangan pa. Ilabas mo ang iyong mga anak! Nakatakas ang nakatatandang anak mo.
Nasaan yung mas bata?

Sisa: Hindi ko alam dahil hindi pa siya umuuwi simula kahapon!

GC 1: Kung gayon ay ikaw ang isasama naming. Hindi ka makalalabas ng kwartel habang hindi mo itinuturo ang mga anak
mo!

Narrator: Dinala na ng mga guardia civil ang kaawa-awang si Sisa sa kuwartel ng mga guardia civil. Doon siya ikinulong
habang hindi niya itinuturo ang mga anak.

GC 2: (itinulak si Sisa sa kulungan) Iyan, diyan ka nababagay. Mabubulok ka sa bilangguan na iyan hanggang sa ituro mo
ang iyong mga anak.

Narrator: Walang magawa si Sisa kundi ang umiyak. Nakarating sa Alperes ang balita kaya’t nagdesisyon itong palayain si
Sisa, dahil na rin sa kawalan ng katibayan.

Alperes: (kausap ang isang guardia civil) Ang krimeng iyan ay kasalanan ng kura! Pakawalan ang bihag at huwag na
siyang abalahin kailanman! Kung gustong makuha ng kura ang nawalang ginto, sabihin mo ay manalangin siya kay San
Antonio! Pari siya ay hindi niya alam ang bagay na iyon? Huh!

GC 3: Si, Señor Alperes. (aalis at pupuntahan ang selda ni Sisa) O, makakalaya ka na daw. Wala nang ipapakain sa iyo ang
gobyerno dito! (tatawa)

GC 1: Kasi naman eh. Mag-aasawa na lang yung wala pang kwenta. Tapos mag-aanak pa ng magnanakaw! Tsk. Tsk. Tsk.

Narrator: Mabilis na tumakbo papalayo ng kuwartel si Sisa habang umiiyak. Gula-gulanit na ang kanyang damit dahil sa
pangit na kondisyon sa kulungan. Hindi na ininda ni Sisa ang nangyari sa kanya, bagkus ay hinanap na lamang niya ang
kanyang mga anak. Nagpunta siya sa kanilang dampa upang tingnan kung nandoon si Basilio.

Sisa: (nasa dampa, sumisigaw) Basilio! Crispin! Mga anak ko! Nasaan na kayo?

Basilio: (hinahanap ang ina sa lansangan) Inang! Inang! Nasaan na kayo, Inang? Inang!

Narrator: Pumunta si Sisa sa bahay ni Pilosopo Tasyo, ngunit wala siyang nadatnang tao.
Sisa: Basilio! Crispin! Mga anak ko! Nandyan ba kayo? Tandang Tasyo! Andyan ho ba ang mga anak ko? Wala atang tao.
(iiyak)

Basilio: (Uuwi sa dampa) Inang! Inang! Nandyan ba kayo, Inang? Inang! (sumilip sa bangin malapit sa bahay)

GC 3: Hoy! Ikaw yung hinahanap naming bata ah. Huwag kang gagawa ng masama!

Narrator: Sa takot ni Basilio ay napatakbo siya at di sinasadyang napunit ang tela ng kanyang damit na may bahid na ng
dugo at nasabit sa sanga ng isang malagong halaman malapit sa bangin. Nakarinig si Sisa ng putok ng baril mula sa
kanilang bahay kaya’t pinuntahan niya iyon.

(hindi na naabutan ni Sisa ang guardia civil at si Basilio)

Sisa: Diyos ko po! Mga anak ko! Crispin, Basilio! (titingin sa may bangin at makikita ang piraso ng damit ni Basilio na may
dugo) Basilio? Basilio! Damit ito ni Basilio! May dugo. Mapula. (tatawa at ngingiti) Damit ni Basilio may dugo! (tatawa ng
malakas)

Narrator: Kinaumagahan, makikita na si Sisa na pagala-gala sa lansangan, kinakausap ang lahat ng lalang ng kalikasan.

Basilio: Nasa bahay, sa labas ng Bayan

Sisa: (nakatingala) Crispin! Basilio! Nasan na kayo? Mahal kong mga anak! Hangin, nakita mo ba ang mga anak ko? Hindi?
(iiyak at tatawa ulit) Ikaw puno, nakita mo ba ang mga anak ko? Hindi rin? (iiyak at tatawa ulit)

(haharap sa audience) Kayo? Nakita niyo ba ang anak ko? Nakita niyo ba siya? (kakausapin ang mga naglalakad na extra
sa set) Kapag nakita niyo ang mga anak kong sina Basilio at Crispin, sabihan ninyo ako ha? (tatawa at maiiyak)

Basilio: (Hinahanap ang nanay sa dampa) Inang! Inang! Nandito na ako Inang! Inang! Inang! (maiiyak)

Kabanata 22: Liwanag at Dilim

Ibarra: Ipapahanda ko ang lahat ng kailangan bago magbukangliwayway

Maria Clara: Ayokong makasama ang kura.

Ibarra: Bakit? (nagtataka)

Maria Clara: Pakiwari ko’y binabantayan niya ang lahat ng kilos ko. Natatakot ako sa kanyang mga tingin.
Kinikilabutan ako sa tinig niya na waring napakahiwaga. Madalas ay hindi ko maunawaan ang kanyang mga sinasabi.
Itinatanong niya sa akin kung hindi ko raw ba napapanaginipan ang sulat at ang aking ina. Maging sina Sinang at Andeng
ay nakababalitang hindi raw masyadong kumakain ang kura at tila napapabayaan ang sarili. (takot)

Ibarra: Ngunit hindi maaaring hindi natin siya kumbidahin. May kaugalian tayo dito. At isa pa’y narito na siya.

Narrator: Papunta si Padre Salvi kina Crisostomo Ibarra at Maria Clara. Napipilitan ang ngiti nito.

Padre Salvi: Malamig ang hangin dito sa labas, baka kayo magkasakit. Hindi ba kayo natatakot magkasakit o magkasipon?
(Nginig ang tinig ng kura at hindi siya makatingin ng diretso sa dalawa)

Ibarra: Maganda ang gabi, Padre. Napakasarap lumanghap ng sariwang hangin.

Ibarra: Isang kasiyahan sa bukid ang inihanda naming ang aking mga kaibigan. Maaari po ba kayong dumalo?
Padre Salvi: Saan magaganap ang kasiyahan?

Ibarra: Sa may batis po sa gubat idaraos, malapit sa puno ng balite. Iyo po ang napiling lugar ng mga dalaga.

Padre Salvi: Para patunayan na ako’y walang sama ng loob sa iyo dahil sa nangyari, malugod kong tinatanggap ang iyong
paanyaya.

Ibarra: Maria Clara, aalis na ako. Magkita nalang tayo bukas. Padre Salvi mauna na po ako sa inyo.

Narrator: Isang lalaki ang sumalubong kay Ibarra habang siya’y naglalakad.

Lalaki: Hindi po ninyo ako nakikilala, ginoong Crisostomo. Subalit may dalawang araw ko ng hinihintay ang iyong
pagdating ditto sa bayan ng San Diego.

Ibarra: May kailangan kayo sa akin?

Lalaki: Tinatawag nila akong tulisan kaya’t wala isa mang nagnanais tumulong sa akin. Nawawala po ang aking mga anak
at nabaliw ang aking asawa.

Ibarra: Anong kailangan ninyo sa akin, ginoo?

Lalaki: Nais ko pong humingi ng tulong sa inyo.

Ibarra: Sumabay kayo sa akin sa paglalakad at saka ninyo sabihin ang inyong pakay.

Narrator: Naglakad na ang dalawa hanggang sa tuluyang nawala.

Kabanata 23: Ang Pangingisda

Narrator: Naglalakad na patungo sa lawa ang magkakaibigan, kadalagahang kasama ang kanilang mga ina at mga tiyahin.
Kasama ang mga katulong na babae na may dalang baong pagkain at kagamitan para sa piknik. Sinaway sila ni Tiya Isabel
sa kanilang kaingayan.

Tiya Isabel: Baka nakakabulabog ang ingay ninyo sa mga natutulog pa. Huwag kayong maingay. Hindi ganyan ang
dalagang Pilipina noong kapanahunan namin.

Narrator: Natanawan nila ang paparating ng mga kalalakihan at ang isa’y tumugtog pa ng gitara. (naglalakad na rin ang
mga lalaki)

Sinang: Tila may ibig mamalimos (pabiro)

Narrator: Nagbigay galang ang mga binata samntalang naging pino na ang kilos ng mga dalaga ng nasa harapan na nila
ang mga ito.

Ina1: Hindi kaya umulan? (nag-aalala)

(dumating si Ibarra at nakihalubilo. Sasakay na ng Bangka. Sumakay na sila sa Bangka [2 bangka meron: isa sa mga babae
at isa sa mga lalaki])

Tiya Isabel: Magsipagdasal tayo.

Narrator: Samantala, ay kinausap ni albino ang katabing binata.

Albino: Takpan mo ang tapal sa tapat sa tabi ng paa mo at may butas. Delikadong mapasukan ng tubig.
Narrator: Nagsigawan ang mga babae nang malaman na may butas ang Bangka nila lumipat ang ilang mga lalaki sa
Bangka ng mga babae. Si Ibarra ay tumala kay M. Clara. Si Albino lumapit kay Victoria. Naging pares-pares ang
magkakatala sa bangka. Ang bangkero ay tahimik lang na nagsasagwan. Papunta sila sa baklad ni Kapitan Tiago. Di
naglaon ay dumating din sila sa isa sa mga baklad.

Tiya Isabel: Ihanda na ang paasim sa sabaw, kailangang maihulog na ang mahuhuling isda sa kumukulong sabaw.

Narrator: Si Andeng ang sumunod sa utos. Nilagyan niya ng paasim na kamyas at kamatis ang sabaw. Si Iday ang
tumugtog ng alpa. Hiniling niya si Victoria na awitin ang kundiman ng pinag-iisang dibdib.

Iday: Victoria, maaari mo bang awitin ang kundiman ng pinag-iisang dibdib?

Victoria: Paumanhin, pero ayaw ko.

Iday at mga kasamahan: Sige na Victoria…… (kinukulit)

Victoria: (tumatanggi)

Sinang: Si Maria Clara na lang. Maria Clara, maaari ka bang umawit?

Lahat: Oo nga. Sige na. (pinipilit)

Maria Clara: Malulungkot ang aking mga awit.

Lahat: Ayos lang yan.. Pumayag ka na.. sige na..!

Narrator: Napapayag nila si Maria Clara. Kumanta na siya. Tahimik na nakinig ang lahat. Walang pumalakpak. Natulala
ang mga nakatingin. Nagulantang sila ni Albino dahil sa pag-ihip nito na ubod ng lakas sa tambuli. Nagbalik ang tawanan
ng mga tao.

Andeng: Kumukulo na ang sabaw!

Narrator: Isang mangingisda ang nagsalok ng isda sa baklad. Wala siyang nahuli ni isang isda kahit paulit-ulit na siyang
nagsasalok. Nagulat ang mga tao.

Mangingisda: Nakapagtataka, bago pa mag-undas huling pinandaw ito.

Narrator: Si Leon ay tumulong sa pagsalok ngunit nagulat siya dahil ang tumambad sa kanya ay isang buwaya.

Leon: Buwaya? May buwaya sa baklad na ito?

Narrator: Ang bangkero ay kumuha ng lubid at tumalon sa tubig. Nagsigawan at natakot ang mga nanduon.

2 kasamahan: Sino ang binatang iyon?

Narrator: Saglit na lumitaw ang ulo ng bangkero na hatak ang dulo ng lubid. Nagpalakpakan ang lahat. Naiahon ng
bangkero ang buwaya sa baklad pero habang tinatalian na ang bunganga, lumaban ito kaya nahulog sa tubig ang buwaya
kasama ang bangkero. Nagsigawan ang lahat. Tumalon si Crisostomo na may hawak na patalim. Nagulat ang lahat.
Pumula ang tubig. Tumalon na rin ang ilang mga lalaki para tulungan ang dalawa pero bago pa man sila makalapit sa
dalawa, napatay na rin sa wakas ang buwaya. Si Maria Clara ay hindi halos makahinga dahil sa ginawa ni Ibarra. Ang
lahat ay natuwa sa pagkaligtas ng dalawa – ang iba’y nagtawanan, ang iba naman napaiyak.

Bangkero: Utang ko sa inyo ang aking buhay.


Ibarra: Hindi kayo dapat naging mapusok. Hindi ninyo dapat biruin nang ganoon na lamang ang kamatayan. (mababa ang
tinig).

Maria Clara: Paano kung ikaw ang napahamak?!

Ibarra: Kung napahamak ako at sinundan…. (natigilan si Ibarra dahil bigla niyang naalala ang amang itinapon ang
bangkay sa ilog.)…Nasa piling na ako ng aking pamilya. Siya nga pala, ano ang pangalan mo, magiting na bangkero?

Bangkero: Elias, Elias po, Señor.

Kabanata 25: Sa Bahay ng Pilosopo

Narrator: Nang sumunod na umaga, Si Ibarra ay humingi ng payo kay Pilosopo Tasyo.

Pilosopo Tasyo: Nariyan pala kayo, ginoo!

Ibarra: Naabala ko po ata kayo.

Pilosopo Tasyo: May maipaglilingkod ba ako sayo?

Ibarra: May nais lamang po akong isangguni sa inyo. (hangang-hanga habang tinitingnan ang isinusulat ni Pilosopong
Tasyo) Bakit po kayo nagsusulat ng isang heroglipiko?

Pilosopo Tasyo: Dahil hindi ako sumusulat sa aking panahon kundi nagsusulat ako para sa hinaharap. Ha! Sa panahon
ngayon na mababasa ang aking mga sinusulat, hay, tiyak na hindi ito pahahalagahan at susunugin pa ito. Ngunit ang
susunod na salinlahi'y higit na matatalino at kung ito'y kanilang mababasa ay sasabihin nilang hindi pala lahat ay
natutulog sa panahon ng kanilang mga ninuno.

Ibarra: Anong wika po kayo sumusulat?

Pilosopo Tasyo: Sa sariling wika natin na tagalog.

Ibarra: Maari po bang gamitan ng heroglipiko ang wikang tagalog?

Pilosopo Tasyo: Maari. Higit na mabuti ang alpabetong tagalog kaysa wikang Latin. Nga pala, natatandaan mo ba yung
pagkapatay sa buwaya? Opinyon ko lang naman, subalit, tingin ko'y sinadya niyang gambalain ang inyong kasiyahan
sapagkat hindi siya imbitado at dumating pang lasing ang kanyang asawa.

Ibarra: (napangiti) Nais ko po sanang humingi ng payo sa inyo gaya ng ginagawa ng aking ama noong siya'y nabubuhay
pa. Nais ko pong magpatayo ng isang paaralan at bilang pag-alala na rin ito sa aking kasintahan.

Pilosopo Tasyo: (napangiti) Ah, matagal ko nang pinangarap iyan. Pangarap ng isang baliw. At iisipin din ng mga tao baliw
kayo dahil humihingi kayo ng payo sa isang taong napagkakamalan nilang baliw. Ha! Para sa kanila, ang matatalino'y mga
kapitan kahit walang pinag-aralan at walang ginawa kundi maging sunud-sunuran sa kura. Bakit hindi kayo humingi ng
payo sa kura, o sa kapitan o sa iba pang may tungkulin? Maari nyo silang sundin, maari rin hindi.

Ibarra: Naniniwala ako na mangyayari ang aking plano na walang sagabal.

Pilosopo Tasyo: Matutuloy ang plano ninyo kung kayo'y makikipagtulungan sa mga taong sinasabi ko.

Ibarra: Totoong makapangyarihan ang kura subalit hindi ako lubusang naniniwala sa mga mapang-abusong lakas at
kapangyarihan. Ang taong bayan ay maniniwala sa katuwiran at pamahalaang may mabuting hangarin.
Pilosopo Tasyo: Ang pamahalaan ay walang ibang pinakikinggan kundi ang kura. Sumusunod lamang ang kamay sa
idinidikta ng isip.

Ibarra: Parang isang pagmamalabis ang inyong pahayag. Sa katunayan ay wala pa pong bayang dumaraing.

Pilosopo Tasyo: Pipi ang bayan kaya hindi dumaraing. Ngunit hindi magtatagal ay darating din ang panahong iyon.
Malalaman ninyo ang kanilang mga pagtitiis.

Ibarra: Nauunawaan ko ang inyong ibig sabihin. Ngunit dapat ninyong malaman na ang mga nanggagaling sa utos sa itaas
ay hindi ipinatutupad pagdating na sa ibaba. Ang nanunungkulan ay mapang-abuso. Dalawa lamang ang maaari ninyong
gawin, ang yumukod sa mga makapangyarihan o hindi yumukod na kapalit ay kapahamakan. Hindi ko ba maaaring
mahalin ng sabay ang Espanya at ang aking bayan? Bakit ako yuyukod kung hindi kailangan?

Pilosopo Tasyo: Sapagkat ang lupang iyong tinatakpan ay nasa kapangyarihan ng mga taong nagpapahalik ng kanilang
mga kamay.

Ibarra: Nagpapahalik ng kamay? Nalimutan po ba ninyong sila ang may kagagawan ng pagkamatay ng aking ama? Hindi
ko nais ipaghiganti ang aking ama alang-alang sa kapakanan ng relihiyon.

Pilosopo Tasyo: Hay, iho. Huwag muna ninyong gawin ang inyong plano hangga't hindi ninyo lubusang natatanggap ang
kasawian ng inyong ama.

Ibarra: Matutulungan kaya nila ako at paniwalaang ang paaralang ipatatayo ko ang magiging tulay upang lumaya sa
kamangmangan ang bayang ito at matuklasan nila ang pangangamkam ng kumbento?

Pilosopo Tasyo: Mabigo man kayo, nakakatuwang ginawa ninyo ang nararapat ninyong gawin.

Ibarra: Naniniwala na ako sa inyong sinasabi. Ngayon din ay pupuntahan ko ang kura at sana'y hindi siya katulad ni Padre
Damaso. Salamat po ginoo. Ako'y papatungo na.

Kabanata 32: Ang Panghugos

Narrator: Sinunod ni Ibarra ang payo sa kanya ng pilosopo. Sa kabutihang palad ay nagtagumpay ang proyekto. Nakapag-
ipon sila ng puhunan sa paggawa ng paaralan. Isang araw, bago gawin ang nasabing proyekto ay idinaos ang paglalagay
ng palitada at pundasyon ng paaralan. Kinausap ni Ñol Juan ang Taong Madilaw, na siyang humihila sa panghugos.
Tinanong niya ito kung paano iyon gumagana.

Ñol Juan: Paano gumagana ang panghugos na iyan?

Taong Madilaw: Ganito ho iyon. Kahit na sa kaunting pwersa lamang ay kaya kong maitaas at maibaba ang mabigat na
batong ito. Isang tao lamang ang kailangan upang mailinya ng maayos ang batong ito!

Ñol Juan: Mahusay, bata. saan ka natuto ng ganitong arkitektura?

Taong Madilaw: Namatay po ang aking ama sa pagtatrabaho sa mga Ibarra, Señor. Sa kanila ko po ito natutunan.

Narrator: Sa malapit ay matatanaw ang isang dulang ang makikita na naglalaman ng mga pahayagan, sulatin, medalya at
iba pang mga dokumento. Ilalagay ito sa mga silindrong kaha at ibabaon kasama ang mga panulukang bato para sa mga
susunod na henerasyon.

Pagkatapos mailagay ang mga mahahalagang bagay sa silindrong kaha, ay binigyan ng alkalde si Ibarra ng isa sa mga
ito.
Alkalde: Señor, baka gusto ninyong maglagay ng kaha sa uka ng bato.

Ibarra: Hindi na, alkalde. Bayaan niyo na ang eskribano sa kanyang trabaho.

Inilagay na ng eskribano ang mga kaha sa uka. sinunod naman ang paglalagay ng palitada. Pinangunahan ito ng Alkalde,
sumunod ang Kura, ilang kawani, prayle at ni Kapitan Tiago. Iuutos na sana na ibaba ang panghugos nang maalala ng
Kura na hindi pa naglalagay ng palitada si Ibarra.

Alkalde: Bumaba na kayo, Señor! Kung hindi ay hindi ko ipag-uutos na ihugos ang bato.

Narrator: Napilitan si Ibarra na bumaba. Kinakabahan si Ibarra sa pagbaba, habang ang Taong Madilaw ay tila
nababagabag at pinagpapawisan ng malamig. Nagbabantay si Elias sa malayo, at bahagyang kinindatan si Ibarra.
Hanggang sa nagulat na lamang ang lahat dahil sa isang malakas na ugong. Nabalot ng makapal na alikabok ang paligid.
Nagsigawan ang lahat dahil nalansag ang panghugos ng hindi inaasahan. Mabuti at nailigtas ni Elias si Ibarra, na bigla na
ring nawala.

Ibarra: Huwag mag-alala, ligtas ako!

M. Clara: (hinimatay)

Tao 1: Ang taong naghuhugos!

Tao 2: Naku! Nahulugan siya ng mga bato.

Ibarra: Madali kayo! hanguin niyo ang bangkay niya dito. Ako na ang bahala sa kanyang libing. Napakasawimpalad.

Alkalde: Kailangang maimbestigahan ang pangyayaring ito!

Ibarra: Huwag na, mahal na Alkalde. Kahit na gumawa tayo ng pagsisiyasat ay wala nang mangyayari. Papatayin niya
sana ako ngunit napatay niya ang sarili niya. Hayaan na lamang natin siya at bigyan ng maayos na libing.

Tao 1: Kahit na pumuti na siguro ang aking buhok ay wala na tayong makikita pang taong singbait ni Don Ibarra!

Tao 2: Siyang tunay. Isa talaga siyang napakabait at napakapitagang tao.

Pilosopo Tasyo: Naku! Tsk. Tsk. Tsk. Masamang simula.

Kabanata 33: Malayang Isipan

Narrator: Nang sumunod na gabi…

Utusan: Señor, may gusto pong kumausap sa inyo sa labas.

Ibarra: Sino siya?

Utusan: Hindi po siya nagpakilala, pero ang sabi niya ay kilala mo daw siya.

Ibarra: Sige, papasukin mo siya.

Narrator: Pinapasok ng utusan ang panauhin at tumambad kay Ibarra si Elias.

Ibarra: Elias! Tuloy ka. Hindi ko inaakala na ikaw ang darating. Tara mag-usap tayo.

Elias: Patawad, Señor. Pero dapat talaga ay mag-ingat na kayo. Marami kayong lihim na kaaway!

You might also like