You are on page 1of 5

ARALIN 2:

MGA KASANAYAN SA MAPANURING PAGBASA NG TEKSTO

ELEMENT 2: TECHNOLOGY ENHANCEMENT


Suriin ang layunin, pananaw, at damdamin ng sumusunod na seleksiyon.

Si Macli-ing Dulag

Itinuturing si Macli-ing Dulag na isa sa mga pangat ng Kalinga. Ang pangat


ay isang matandang miyembro sa tribu na pinipili ng mga Kalinga upang maging
pinuno nila. Sa ilalim ng diktaduryang Marcos, lumitaw si Macli-ing Dulag bilang
isang magiting na bayaning nagtanggol sa karapatan ng mga mamamayan ng
Cordillera sa mapayapang pamumuhay at nakipaglaban upang hindi wasakin
ang kalikasang pinagmumulan ng kanilang kabuhayan.

Noong 1974, isa sa mga proyekto ng dating Pangulong Ferdinand Marcos


ang pagpapatayo ng hydroelectric power plant sa kahabaan ng Chico River.
Bahagi ng proyekto ang pagtatayo ng mga dam na makaaapekto sa 1,400
kilometro kuwadradong pinaninirahan ng mga Kalinga na kinalalagyan ng mga
payew (rice terraces), malalawak na taniman, at libingan ng mga taga-Cordillera.
Sa kabuoan, maaapektuhan ng proyekto ang pamumuhay ng 100,000 kataong naninirahan sa kahabaan
ng ilog kasama na ang pamilya ni Macli-ing Dulag.

Naging malakas na lider si Macli-ing Dulag. Pinangunahan niya ang pakikibaka ng mga maliliit na
mamamayan ng Cordillera laban sa makapangyarihang rehimen ng Martial Law. Pinagkaisa niya ang mga
lider ng Kalinga at Bontoc na patuloy na ginugulo at tinatakot ng mga makapangyarihan upang pumayag
sa proyekto.
Nang minsang hanapan ng mga militar ang mga tribu ng titulo ng lupang kinatitirikan ng kanilang
tahanan, ito ang kaniyang tinuran: “Itinatanong ninyo sa amin kung pag-aari namin ang lupa. At kinukutya
kami, ‘Nasan ang inyong titulo?’ Kahambugan ang pag-angkin sa lupa, sapagkat tayo ang pag-aari ng lupa.
Paano natin aariin ang isang bagay na mananatiling nariyan kahit tayo’y wala na?”

Dahil sa walang takot na paglaban ni Macli-ing Dulag, walang habas siyang pinagbabaril sa kaniyang
tahanan noong Abril 24, 1980 na kaniyang ikinasawi. Ngunit hindi nagtapos dito ang ipinaglalaban
ni Macli-ing sapagkat lalong pinagkaisa ng kaniyang pagkamatay ang iba’t ibang lider na lumaban sa
mapagsamantalang proyekto. Dahil sa lakas ng pagkakaisa ng mga tao, maging ang World Bank na
magpopondo dapat sa proyekto ay umatras, kung kaya’t hindi na ito itinuloy ng gobyerno. Naparusahan din
ang mga militar na pumatay kay Macli-ing.

1
Sa binasang seleksiyon, maaaring matukoy na ang layunin ng manunulat ay magsalaysay
at magbigay ng impormasyon tungkol sa pakikibaka ni Macli-ing Dulag para sa lupa. Nasa ikatlong
panauhan ang pananaw ng teksto na maaaring magpakita ng pagiging obhetibo at walang kinikilingan
ng salaysay. Ngunit maaari ding ipagpalagay na ang mismong pamimili ng paksang tatalakayin ay
isang porma ng pagkiling. Hindi tuwiran ang damdaming nais ipahayag ng teksto, ngunit sa piniling
paraan ng paglalahad ng impormasyon, maaaring ipagpalagay na gusto niyang makisimpatiya ang
mambabasa sa paglaban at kabayanihan ni Macli-ing Dulag. Ano sa iyong tingin ang layunin, pananaw,
at damdamin ng teksto?
Halimbawang Abstrak:

Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) Bilang Praktika ng Ingklusibong


Edukasyon: Simulain at mga Hamon
Crizel P. Sicat-De Laza
Abstrak

Ang pandaigdigang mga kasunduan sa karapatang pantao ay nagbabawal sa anumang porma ng


eksklusyon o limitasyon sa oportunidad sa edukasyon na nakabatay sa mga pagkakaibang itinatakda ng
lipunan tulad ng kasarian, lahi, etnikong pagkakakilanlan, wika, relihiyon, politika at opinyon, nasyonalidad,
ekonomikong kondisyon, ari-arian, kapansanan, at ang istatus, aktibidad, paniniwala ng mga magulang
o sinumang kaanak ng bata. Sa isang ingklusibong edukasyon, kailangan ng handang kapaligiran at
malalim na kamalayang uunawa sa pagkakaiba-iba at susi sa pagkakaunawaang ito ang wika. Malawak
at malalim na ang mga pananaliksik na nagpapakitang mas epektibo at komprehensibo ang kognitibong
pagkatuto ng bata kapag ginamit sa pagtuturo ang kaniyang unang wika, isa sa mga pangunahing dahilan
sa pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa Pilipinas (DepEd
Order No.74, S. 2009). Bukod dito, nakikita sa iba’t ibang modelo ng MTB-MLE sa buong mundo, na
nababawasan ang mardyinalisasyon at diskriminasyon sa pagitan ng mga kultura dahil itinatanghal bilang
epektibong wika ng pagkatuto ang iba’t ibang rehiyonal na wika, na isa sa mga mithiin ng Education for
All (EFA). Mula sa ganitong saligan, sisikapin ng papel na itong ipakita ang diwa at posibleng pundasyon
ng ingklusibong edukasyon mula sa mga simulain ng MTB-MLE. Susuriin nito ang ilang mga nasimulang
praktika at pinagbatayang pananaliksik sa pagbabago sa wika ng sistema ng edukasyon at hihimayin
ang ingklusyon mula sa mga karanasang ito. Gayundin, ipakikita ng papel ang mga posibleng hamon sa
pagpaplano at implementasyon ng kautusan batay rin sa mga naunang pananaliksik na nakakonteksto sa
kultural, politikal, at pang-ekonomikong kalagayan ng lipunang Pilipino.

Mga Susing Termino: Mother Tongue-Based Multilingual Education, Ingklusibong Edukasyon, wika ng
pagkatuto

Sanggunian:

Department of Education. (2009). Institutionalizing Mother Tongue-Based Multilingual Education. Nakuha


mula sa http://www.deped.gov.ph/orders/do-74-s-2009.

*Ang pananaliksik na ito ay ibinahagi sa Philippine Association of Language Teachers (PALT) International
Conference sa University of San Jose Recoletos, Lungsod ng Cebu noong Disyembre 5–7, 2013.

2 PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK


Narito ang halimbawang rebyu sa aklat ni Renato Constantino:

Ang Tatak ni Constantino sa Historyograpiyang Pilipino:


Rebyu ng “Neo-Colonial Identity and Counter-Consciousness”
ni Renato Constantino

Ang mga koleksiyon ng sanaysay ni Renato Constantino sa aklat na “Neo-Colonial Identity and
Counter-Consciousness” ay mahalagang pag-ukulan ng pansin ng sinumang nais mag-aral ng kasaysayan
ng lipunang Pilipino. Kaiba sa ibang nagsalaysay ng kasaysayan, isa si Constantino sa nagbigay ng
pinakamatalas at pinakaakmang metodo at pananaw kung paanong titingnan at pag-aaralan ang
historyograpiya sa Pilipinas.

Hindi man tuwirang sinasabi sa mga sanaysay ni Constantino na Marxistang metodo ng pagtingin sa
kasaysayan ang kaniyang nilangkap ay malinaw itong matutukoy sa mga pananalita at kategorisasyon na
kaniyang ginamit tulad ng kahalagahan ng pagsusuri ng mga uri sa lipunan, pagbanggit sa pinakaubod ng
teorya ni Marx na diyalektikong materyalismo, at paglalapat nito sa historikong materyalismo.

Batay sa metodong ito, tinitingnan ni Constantino na ang kasaysayan ay binubuo at maaaring sumahin
sa serye ng mga tunggalian sa pagitan ng mga uri sa loob ng lipunan (class conflict). May isang nagbibigkis
sa lahat ng ito na mas kilala sa tawag niyang connecting thread. Para sa kaniya, maging ang mga naunang
pag-aalsa na may milenyal o milinaryong katangian (halimbawa ay ang pakikibaka nina Papa Isio) ay hindi
ispontanyo, isporadiko, at hiwa-hiwalay na pag-aalsa lamang kung hindi, may iisang pakikibakang nagtatahi
rito sa mas mga dakilang rebolusyon ng Katipunan. Lagi’t lagi ang lahat ng pakikibaka ay tinitingnan ni
Constantino na bahagi ng pagtatangka ng mga pinagsasamantalahang uri na umigkas at labanan ang mga
nagsasamantalang uri. Binigyang-diin ito sa introduksiyon ni Istvan Meszaros sa kaniyang akda:
“Constantino is not simply a nationalist. He is one who is anxious to define the class
basis of the movement for national emancipation in precise, and also organizationally
realistic terms, seeing that colonial domination was traditionally inseparable from the
willing submission of the indigenous ruling class to the colonial master in the interest of
his own class.”

Bukod sa kahalagahan ng pagtingin sa tunggalian ng mga uri sa loob ng lipunan, binigyang-halaga


rin ni Constantino sa kaniyang pagsasakasaysayan ang papel ng kamalayan. Para sa kaniya, mahalagang
sandata ang kamalayan upang mapanatili ng mga mapagsamantalang uri ang kanilang kinalulunanan
sa lipunan. Dahil sa sila ang may hawak sa mga daluyan ng kultura na may direktang koneksiyon sa
kamalayan ng tao, ay hinuhulma nila ang mga utak nito upang magsilbi sa kanilang interes. Malinaw ang
ganitong proposisyon ni Constantino sa kaniyang mga akdang “Miseducation of the Filipino People”, “Mga
Sanhi ng Pagkakanluranin ng mga Pilipino,” at “Veneration Without Understanding.” Para sa kaniya, ang
ipinalaganap na kamalayan ng mga kolonisador at lokal na naghaharing uri sa Pilipinas ay pawang mga
kamalayang iginiit upang mapanatili ang dominanteng kaayusan ng lipunan o mas kilala sa tawag niyang
false consciousness. Naniniwala si Constantino na ang demistipikasyon ng ganitong mga pananaw at
kamalayan ang pangunahing papel ng historyograpiya para sa lipunang Pilipino.
“…from ‘historical mission’ to ‘true history’ – clearly indicate that the development of an
adequate form of historical consciousness, in place of a mystifying false consciousness,
is vital to any radical critique of the prevailing structure of domination.”

YUNIT I KAALAMAN AT KASANAYAN SA PAGBASA: PAGSUSURI AT PAGSULAT NG IBA’T IBANG TEKSTO 3


Mula sa ganitong pananaw, nagpanukala si Constantino ng isang kontra-kamalayan o counter-
consciousness na siyang palalaganapin at tutunggali sa dominanteng kamalayan sa kasalukuyan. Ang
kamalayang ito ay nakabatay sa uri at magpapalaganap ng interes ng mga pinagsasamantalahang uri. Ang
isang tunay na istorikong kamalayan, para sa kaniya, ay makakamit kung mamumulat ang mamamayan
sa isang istratipikadong lipunan at ang kaniyang kinalulunanan dito. Ang tunay na kasaysayan ay saka
lamang maisusulat kung mulat na makikibaka ang mamamayan upang baguhin ang kanilang kalagayan at
mapagsamantalang dominasyon. Masa ang pangunahing bubuo ng reinterpretasyon ng kasaysayan ayon
sa kaniya.

Bagaman namatay na si Constantino at hindi na naipagpatuloy ang kaniyang dakilang mithiin, hindi
pa rin matatawaran ang naging ambag niya sa pagsasakasaysayan ng kasaysayan ng lipunang Pilipino. Sa
tingin ko, hanggang sa ngayon ay hindi nakakamit ang kontra-kamalayang ipinapanukala ni Constantino,
ngunit maraming iskolar, palaisip, at progresibong elemento ng lipunan sa kasalukuyan ang patuloy na
naniniwala at nagpapaunlad ng kaniyang mga kaisipan. Naniniwala akong ang pagtatangka ni Constantino
na ipaliwanag ang esensiya ng tunggalian sa loob ng lipunang Pilipino ay hindi maaaring isantabi hangga’t
nananatili ang pandaigdigang pagsasamantala at makauring dominasyon.

Sanggunian:

Constantino, R. (1978). Neo-Colonial Identity and Counter-Consciousness. London: Merlin Press.

PAGSASANAY C
Gabay na Rubrik

1. Pagsulat ng Rebyu ng Isang Aklat


Nilinaw ng aralin kung ano ang rebyu ng isang aklat at ang nilalaman nito. Nagbigay rin ng
tiyak na halimbawa ng isang rebyu.
Gumawa ng rebyu ng anumang aklat na natapos mo nang basahin. Pumili ng anumang
aklat, Ingles o Filipino, na nais mong gawan ng rebyu. Ang rebyu ay kailangang hindi hihigit sa
500 salita, kompyuterisado, at naglalaman ng mga sangguniang ginamit sa teksto.

Batayan ng Grado Kaukulang Puntos Grado


Naipakita ang malalim na 10
ebalwasyon sa akda

Nasuri ang nilalaman, anyo, at 10


halaga ng aklat

Maayos ang sistema at malinaw ang 10


paglalahad ng mga bahagi ng papel

Kabuoan: 30

4 PAGBASA AT PAGSUSURI NG IBA’T IBANG TEKSTO TUNGO SA PANANALIKSIK


2. Pagbibigay ng Opinyon sa Isang Isyung Pambansa
Tinalakay sa aralin ang pagtukoy sa katotohanan at opinyon. Humanap ng kapareha at
kumalap ng impormasyon tungkol sa anumang isyung pambansa sa pamamagitan ng pagbabasa
ng balita at iba pang artikulo. Suriin ang mga impormasyon tungkol sa isyu at magpalitang-
kuro sa kapareha upang magbigay ng opinyon hinggil dito. Mula sa matutuklasan, gumawa
ng presentasyon gamit ang slideshow na magpapakita ng mga impormasyong nakalap at mga
opinyon ninyo sa usapin.
Maging handa na talakayin sa klase ang presentasyon. Tatayain ito batay sa sumusunod
na batayan:

Batayan ng Grado Kaukulang Puntos Grado


Nasuri ang nilalaman ng mga 10
artikulo at nakapagtala ng
mahahalagang impormasyon tungkol
sa isyu
Nagbigay ng matalas na opinyon 10
at angkop na pagsusuri sa
impormasyon
Malinaw at sistematiko ang 10
paglalahad ng ideya sa
presentasyon
Kabuoan: 30

YUNIT I KAALAMAN AT KASANAYAN SA PAGBASA: PAGSUSURI AT PAGSULAT NG IBA’T IBANG TEKSTO 5

You might also like