You are on page 1of 2

GAWAIN #3: PAGGAWA NG TALUMPATI/TULA

"TSUPER AKO"

Tsuper ako
Nariyang minamaniobra ang manibela sa kaliwa habang inaabot ang bayad ng mga pasahero sa
kabila
Sa madaling-araw ay handa nang pumasada, bitbit ang saliw ng musika ng dekada nobenta at
pagluluksa sa mahal ng gasolina, saka lilibot sa iba't-ibang ruta, huminto sa mga magpapara para
makapulot ng pera
Sa mga lansangan na nagtatahulan, pilit na makalusot ang waluhan, tirikan sa gitna ng daan,
nanlilimahid man, dyipni ang aking sandalan at trapiko ang aking tahanan para matustusan ang
saligang pangangailangan

Tsuper ako
Kumakayod sa tulong ng transportasyon, hindi alipin ng modernisasyon
Hindi elitista na kayang magyari ng milyong salapi, para pikit-matang gastusin ang mga bagong
makinarya
May pamilya akong itinataguyod, ni aspalto ay iniluluhod
Di sapat ang subisidiya para makapulot ni lukot na mukha ng mga presidenteng ninais kami na
serbisyuhan ang mga komyuter hindi para bilhin ang kapitalistang imbensyon ng mga kompyuter
Di sapat ang mga mabulaklak na salita para pagaanin ang mga danasin ng mga taong marangal
na trabaho na binabaon sa utang sa makabagong sasakyan na hindi magsisiguro sa aming
kinabukasan

Tsuper ako
Tawel at kahirapan ang bitbit ng aking balikat
Isang kahig, isang tuka ang nakaukit sa aking balat
Salat para marating ang pangarap ng gobyerno na umangat
Mga pangakong walang trapik at polusyon ay di sapat para idahilang ang hangarin ay para sa
lahat
Tila robot kami kung ituring para asahan na makasabay kami sa modernisasyon
Ni hindi alam na ang mga problemang binibigyang-solusyon ay di lang kami ang
nagkokontribusyon
Apektado ang buong nasyon sakaling ituloy ang pagtapon sa tradisyon
Ni pagbiyahe ay bubuo ng komusyon dahil bilang ng mga pampublikong transportasyon ay
hinihila pababa ng inobasyon

Tsuper ako
Pinapatay ang oras para magtawag ng mga sasakay, hindi magpatay ng mga araw na walang
makain dahil ang hanapbuhay ay binaon sa hukay
Di ako edukado pero kinakalkulado ang mga diskwento para di kulangin ang sustento
Di para lalong mahunhon sa salimuot ng mundo
Ninais mang magretiro, sa tanda kong ito, alam kong ito lang ang ikinabubuhay ko
Desperado na kung desperado, ngunit kami ang napeperwisyo
Tanging hiling ay pag-aabot-kamay namin at nang gobyerno
Kapasidad at abilidad namin ay konsiderahin ang perspektibo
Pagpantay-pantayin ang mga makakamit na benepisyo nang walang naaagrabayado
Kung tanging nais ay ang Pilipinas ay yumabong at umasenso

Tsuper ako
Nagmamaneho ng dyip na ang mga hinaing na kinikipkip ay unti-unting nilalabas ng dibdib
Suportado namin ang layon ng pamahalaan na kabutihan lamang ang lakip basta ba't aming
hanapbuhay ay hindi mahahagip
Nakaparada ang aming sasakyan, hawak ang mga kartel na nakahilera sa inyong harapan
Tangan ang aming pangamba at lakas ng loob na lumaban
Pamahalaan, para sa panlahat na kaunlaran, pakiusap, huwag kaming kalimutan o tapak-tapakan,
amin kaming buhatin at tulungan
Tsuper ako, tsuper kami, hindi tsuper lamang

You might also like