You are on page 1of 5

Kaugnayan ng Teksto sa Malikhaning Sulatin

Isa sa mga mabisang paraan upang matuto ng mga bagong kaalaman ay sa pamamagitan ng
pagbabasa. At mga mga babasahin, tulad ng aklat at mga pahayagan ay nagtataglay ng mga
teksyo.

Ano ang Teksto?

Tinatawag na teksto ang mga pangunahing salita sa anumang babasahin na nagtataglay ng iba’t
ibang impormasyon. Maaari din itong nagbibigay ng mensahe o damdamin ng sinuman sa
paraang pasulat o nakalimbag.

Matutukoy ding teksto ang orihinal na mga salita o pahayag ng isang awtor sa isang dokumento
kabilang ang kaniyang mga paliwanag, puna, pagsasalaysay ng karanasan, paglalarawan ng mga
bagay, pagbibigay ng pagtataya o paglalahad ng impormasyon o pag-aanalisa.
Sa akademikong uri ng pag-aaral, ang teksto ay maaari ding sumaklaw sa ilan pang isinusulat na
akda katulad ng mga pelikula, programa sa telebisyon, awitin, patalastas, at iba pang nakalimbag
na paalala.

Iba’t Ibang Uri ng Teksto

May iba’t ibang uri ng teksto ayon sa impormasyon o mensaheng nais nitong ibigay sa
mambabasa. Ang ilan ay ang mga sumusunod.

Tekstong Impormatibo
Layunin nitong magbigay ng konkretong impormasyon tungkol sa isang tao, bagay, lugar, hayop,
o pangyayari. Sinasabing ‘objective’ ang mga tekstong impormatib dahil walang halong
anumang opinyon ang pagsasalaysay sa uri ng tekstong ito. Kabilang sa mga ito ay ang mga
kuwentong nagsasalaysay ng mga tunay na pangyayari at mga babasahing mayroon tayo sa
paaralan tulad ng mga teksbuk o batayang aklat. Kadalasang sinasagot nito ang mga tanong na
ano, sino, at paano.

5 Halimbawa ng Tekstong Impormatibo


1. Sampaguita ang pambansang bulaklak ng Pilipinas.
2. Si Catriona Grey ang itinanghal na Miss Universe 2018.
3. Mapapanood ang Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo ng gabi.
4. Nagpunta sina Marian at Dingdong sa kaarawan ni Karylle.
5. Pinasimulan ng pamahalaang Duterte ang laban kontra iligal na droga.

Tekstong Deskriptibo
Isa namang uri ng naglalarawang babasahin ang tekstong deskriptiv o deskriptibo. Ito ay
nagtataglay ng mga impormasyong may kauganyan sa katangian ng mga tao, hayos, bagay,
lugar, at mga pangyayari. Dahil naglalarawan ang mga tekstong deskriptib, mayaman ang mga
ito sa mga pang-uri at pang-abay. Maaari din itong maging tekstong nagpapahayag ng
pagkakatulad o pagkakaiba ng mga bagay. Ito rin ay isang paraan ng masining na pagpapahayag
ng paghanga sa ilang bagay.

5 Halimbawa ng Tekstong Deskriptibo


Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng tekstong deskriptiv.

1. Mahalimuyak ang mga bulaklak sa hardin ni Aling Martha.


2. Napakabilis umiyak ng batang si Marco kapag inaasar.
3. Tila isang abandonadong lugar ang kaniyang silid dahil sa sobrang dumi.
4. Kumukutitap na ang mga ilaw sa napakagandang bahay nina Jonas.
5. Malulusog at masasarap kumain ang pamilya Sanchez.

Tekstong Naratibo
Isang uri naman ng teksto na nagsasalaysay ng serye ng mga pangyayari ay ang tekstong narativ
o naratibo. Katulad ng tekstong impormatib, ang layunin ng tekstong naratibo ay magbigay ng
impormasyon. Ang kinaibahan lamang, ito ay nakatuon sa kung paano nangyari ang mga tagpo,
kompleto sa panahon, tagpuan, at mga tauhan. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga
talambuhay, anekdota, o epiko. Maaari din itong piksyon at di piskyon.

5 Halimbawa ng Tekstong Naratibo


1. Ipinanganak si Jose P. Rizal noong Hunyo 19, 1861 sa Calamba, Laguna. Kinitil siya
ng mga Espanyol noong Disyembre 30, 1896 sa Bagumbayan.
2. Ipinalabas noong Hulyo 31, 2019 ang pelikulang Hello, Love, Goodbye na
pinagbibidahan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo. Ito rin ang itinanghal na
pinakapinanood na pelikulang Pilipino sa kasaysayan.
3. Nagtapos ng pag-aaral si Alyssa Valdez sa Ateneo de Manila University. Ngayon ay
naglalaro siya para sa Creamline Cool Smashers at Philippine National Team.
4. Matapos ang halos dalawang dekada sa GMA Network, lumipat na sa ABS-CBN si
Regine Velasquez. Naganap ang contract signing niya noong Oktubre 2018.
5. Naganap daw ang pambubugbog ni Alyas Linda sa kaaawa-awang matanda gabi ng
Miyerkules habang nakasakay sila sa dyip. Ngayon ay nasa radio show na ni Tulfo
ang kaso.
Tekstong Prosidyural
May uri naman ng teksto na nakatuon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari o mga
hakbang sa paggawa ng mga bagay. Ito ay tinatawag na tekstong prosidyural. Kilala rin bilang
teksto ng pagkakasunod-sunod, sumasagot ito sa mga tanong na paano—paano nabubuo ang
isang bagay, paano iluto, paano isinasagawa ang isang proseso, o paano naganap ang isang
pangyayari.

5 Halimbawa ng Tekstong Prosidyural


1. Ihalo ang itlog sa giniling at haluin gamit ang ispatula. Haluin nang maigi at ihulma
nang pabilog gamit ang mga kamay.
2. Hatiin sa apat ang papel at gupitin nang maliliit na piraso. Idikit ito sa isang malinis
na bond paper upang makabuo ng mosaic.
3. Pumunta sa website ng DOLE at hanapin ang forms. I-click ang complaints form at i-
download ito. Punan ang mga patlang at ipadala sa e-mail ng DOLE.
4. Pindutin ang windows icon at i-type sa search bar ang Microsoft Office. Piliin ang
Word at maaari nang gumawa ng dokumento.
5. I-click ang rescan at hintaying matapos ang search. I-refresh ang device at maaari
nang mapanood ang paborito mong TV channel.

Tekstong Persweysib
Ang tekstong persweysiv ang isang uri ng tekstong naglalayong manghikayat ng mga
mambabasa. Ginagamit ito sa mga pahayagan, telebisyon, at radyo. Karaniwang ginagawa ang
tekstong persuweysib upang mapukaw ang interes ng mga tao at maniwala sa sinasabi nito.
Nagagamit ito sa mga advertisements o mga patalastas sa TV o radyo. Maaari din itong gamitin
sa mga kampanya o pag-aalok ng mga serbisyo.

5 Halimbawa ng Tekstong Persweysiv


1. Laking mahirap, may malasakit sa kapuwa. Laging maaasahan. Iboto! Juan dela Cruz
para Mayor.
2. Mas makapagpapaputi ng damit kaysa sa Brand X. Gumamit na ng Tide Clean Plus.
Para sa puting walang katulad.
3. Ang surf ay nagbibigay ng todong linis at todong bango. Surf with fabcon. Todo sa
linis, todo sa bango.
4. Kung barado na ang inidoro, lumapit na sa lagi ninyong malalapitan. Malabanan
septic tank cleaner. Palaban sa bara.
5. Gumamit nan g Eskinol with papaya extract. Para sa linis-kinis na walang katulad.

Tekstong Argumentatibo
Ito naman ay uri ng teksto na nakatuon sa paglalahad ng mga opinyon, paniniwala o kuro-kuro sa
mga mahahalagang isyu o iba pang bagay. Katulad ng tekstong Persweysib, layunin din nito na
manghikayat ng mga mambabasa. Gayunman, gumagamit ito ng mga argumento at mga
pangangatuwiran. Karaniwang sinasagot ng mga tekstong argumentativ ang tanong na ‘bakit?’
Bagaman nais nitong makapaglahad ng damdamin, kailangan pa ring suportado ito ng
katotohanan o facts.

5 Halimbawa ng Tekstong Argumentatibo


1. Dapat nang itigil ang laban kontra droga ng administrasyong Duterte dahil marami
nang mga inosenteng buhay ang nadadamay.
2. Maraming Pilipino ang nakararanas ng hirap dahil sa angking katamaran at hindi
dahil walang oportunidad dito sa bansa.
3. Para mapanatiling maayos at malinis ang mga karagatan at ilog, kinakailangan nang
tanggalin ang mga illegal settlers sa paligid ng mga ito.
4. Nararapat lamang na parusahan ng mga magulang ang mga anak nilang pasaway
upang maturuan ng displina at maging mabuti.
5. Hindi totoo ang mga nanghuhula sa Quiapo dahil lumabas sa pag-aaral ng mga
eksperto na raket o modus lamang ito ng mga manloloko.

Tekstong Humanidades
Kapag sinabing humanidades, tumatalakay ito sa disiplina sa pag-aaral na tumutukoy sa mga
sining na biswal kabilang ang mga pinta, awitin, arkitektura, dula, sayaw, o anumang akdang
pampanitikan. Sa madaling sabi, ang tekstong humanidades ay isang uri ng teksto na
tumatalakay sa opinyon, nadarama, adhikain, o pangamba ng isang tao sa mga akdang nabanggit.

Tekstong Propesyonal

Ang uri naman ng tekstong ito ay isang komprehensibo at organisadong pagkakalahad ng mga
impormasyong isinulat ng isang may-akadang mayroong mahusay at sapat na kaalaman tungkol
sa isang paksa. Kumbaga, isang pagsasaliksik itong ginawa ng isang tao mula sa isang larangan
at inilimbag sa isang uri ng babasahin o dokumento. Hindi maligoy at direkta ang paglalahad ng
mga impormasyon sa tekstong propesyonal. Layon lamang nitong magbigay ng isang konkretong
pag-aaral at kaalaman tungkol sa isang paksa at hindi ang bigyan ng aliw ang mga mababasa.
Kilala rin ito bilang tekstong akademiko.

5 Halimbawa ng Tekstong Propesyonal


1. Ang sakit na dengue ay nakukuha mula sa mga lamok na aedes aegypti. Naisasalin
ang virus kapag nakagat ng lamok ang isang tao. Maaaring magkalagnat,
magkapantal, o sumakit ang tiyan kapag dinapuan ng dengue fever.
2. Ayon sa pag-aaral ng mga eskperto sa kalusugan mula sa United Kingdom mas
mahaba raw ang life expectancy ng mga taong mabibilis lumakad dahil mas aktibo
raw ang mga ito kaysa sa mga mababagal maglakad.
3. Isang senyales daw na mas matlino ang isang tao kapag mas makalat ang lamesa nito
sa trabaho. Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, mas lumalabas daw kasi na mas
malikhain at mas madiskarte ang mga magugulo ang lamesa kaysa sa mga
organisado.
4. Mas alerto raw ang mga late gumising at matulog kaysa sa mga maaagang matulog
dahil lumabas sa pag-aaral na mas kaya nilang gumawa ng mga bagay nang mas
matagal. Hindi raw umano inaantok agad ang mga ito at kayang tumagal sa mga
gawain.
5. Ipinahayag ng journalist na si Kara David na sa pagsusulat daw ng balita, kailangan
ang matinding pokus sa mga detalye at impormasyon. Kailangan daw malaman ang
mga mahahalagang detalye na dapat ilagay sa isang balita.

Mga Katangian ng Teksto

Binubuo ang katangian ng teksto ng mahahalagang elemento. Kabilang dito ang pagtataglay ng
mga mahahalagang impormasyon o datos. Katangian din nito ang maayos na pagkakasulat ng
mga impormasyon kabilang ang pagkakasunod-sunod nito. Mayroong diwa o kaisipan din ang
mga teksto at mayroong nais ipahiwatig.

You might also like