You are on page 1of 6

Teksto - Isa sa mga mabisang paraan upang matuto ng mga bagong kaalaman ay sa pamamagitan

ng pagbabasa. At mga mga babasahin, tulad ng aklat at mga pahayagan ay nagtataglay ng mga
teksyo.
Ano ang Teksto?
Tinatawag na teksto ang mga pangunahing salita sa anumang babasahin na nagtataglay ng
iba’t ibang impormasyon. Maaari din itong nagbibigay ng mensahe o damdamin ng sinuman sa
paraang pasulat o nakalimbag.
Matutukoy ding teksto ang orihinal na mga salita o pahayag ng isang awtor sa isang
dokumento kabilang ang kaniyang mga paliwanag, puna, pagsasalaysay ng karanasan, paglalarawan
ng mga bagay, pagbibigay ng pagtataya o paglalahad ng impormasyon o pag-aanalisa.
Sa akademikong uri ng pag-aaral, ang teksto ay maaari ding sumaklaw sa ilan pang isinusulat na
akda katulad ng mga pelikula, programa sa telebisyon, awitin, patalastas, at iba pang nakalimbag na
paalala.
May iba’t ibang uri ng teksto ayon sa impormasyon o mensaheng nais nitong ibigay sa
mambabasa. Ang ilan ay ang mga sumusunod.

Tekstong Impormatibo
Layunin nitong magbigay ng konkretong impormasyon tungkol sa isang tao, bagay, lugar,
hayop, o pangyayari. Sinasabing ‘objective’ ang mga tekstong impormatib dahil walang halong
anumang opinyon ang pagsasalaysay sa uri ng tekstong ito. Kabilang sa mga ito ay ang mga
kuwentong nagsasalaysay ng mga tunay na pangyayari at mga babasahing mayroon tayo sa
paaralan tulad ng mga teksbuk o batayang aklat. Kadalasang sinasagot nito ang mga tanong na ano,
sino, at paano.
Tinatawag na tekstong impormatib ang mga babasahin at akdang nagbibigay ng
impormasyon, kaalaman, at paliwanag tungkol sa isang tao, bagay, lugar, hayop, o pangyayari.
Karaniwang sinasagot nito ang tanong na ‘ano,’ ‘sino,’ at kung minsan ay ‘paano.’ Pawang
impormasyon at katotohanan lamang ang taglay ng tekstong impormatibo at hindi naglalaman ng
anumang opinyon o saloobin.
Karaniwang makikita o mababasa ang mga tekstong impormatibo sa mga babasahing tulad ng
teksbuk o batayang aklat, magasin, pahina ng balita sa mga pahayagan, encyclopedia, almanac,
maging mga sanaysay.
Kapag nakababasa ng isang tekstong impormatibo, mayroon laging nadaragdag na kaalaman
sa isang mambabasa.

5 Halimbawa ng Tekstong Impormatibo


1. Sampaguita ang pambansang bulaklak ng Pilipinas.
2. Si Catriona Grey ang itinanghal na Miss Universe 2018.
3. Mapapanood ang Kapuso Mo, Jessica Soho tuwing Linggo ng gabi.
4. Nagpunta sina Marian at Dingdong sa kaarawan ni Karylle.
5. Pinasimulan ng pamahalaang Duterte ang laban kontra iligal na droga.
Mga Uri ng Tekstong Impormatibo

Mayroong tatlong uri ang tekstong impormtibo. Ang bawat isa ay nagtataglay ng iba’t ibang paraan ng
pagbibigay o paglalahad ng impormasyon upang maging epektibo ang isinusulat na teksto.

Naglalahad ng totoong pangyayari o kasaysayan


Ito ay sumasaklaw sa mga paglalahad ng mga pangyayari sa nakaraan, kasalukuyan, o iba pang
panahon. Nakatuon ito sa pagsasalaysay ng mahahalagang kaganapan tulad ng mga nababasa sa
mga pahayagan, almanac, at aklat sa kasaysayan.
Halimbawa
 Naganap ang Bataan Death March noong Abril 1942 sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang
Pandaigdig.
 Ginawa ang 2019 Midterm election noong Mayo 13, 2019 at idineklara ni Pangulong Duterte
bilang non-working holiday.
 Gagawin ang Miss Universe 2019 Pageant sa United States. Ang unang inanunsyong petsa ay
sa Disyembre 8.
 Ibinenta ng mga Espanyol ang Pilipinas sa mga Amerikano sa halagang $20,000,000. Ito ang
laman ng Kasunduan sa Paris.
 Nagdiwang ng ika-10 anibersaryo ang noontime show na It’s Showtime kahapon sa Resorts
World Manila.
Pag-uulat ng Impormasyon
Nakatuon naman ang uring ito sa pagbibigay ng kaalaman tungkol sa tao, bagay, hayop, at lugar.
Kinakailangan ng pananaliksik sa pagbibigay ng kaalaman sa uring ito ay madalas na bagong
impormasyon para sa maraming mambabasa.
Halimbawa
 Natagpuan ng mga mananaliksik ang isang antigong bowl o mangkok ng noodles sa China na
sinasabing pinakamatanda sa buong mundo.
 Ayon sa mga historyador, nagmula ang pangalang Bulacan sa ‘bulak’ dahil laganap daw noon
sa lalawigan ang puno ng bulak.
 Mula sa Pampanga ang pagkaing sisig. Likas na maasim daw ang orihinal na recipe nito dahil
pagkain daw ito ng mga naglilihi at lasing.
 Si Marian Rivera ang ipinalit kay Angel Locsin sa role na MariMar. Lumipat kasi sa kabilang
network si Angel kaya naghanap ang GMA ng bagong gaganap.
 Francisco Domagoso ang tunay na pangalan ni Isko Moreno. Naging tanyag lamang siya sa
kaniyang screen name kaya ito na rin ang naging pangalan niya bilang politiko.
Pagpapaliwanag
Sumasagot sa tanong na ‘paano’ ang ikatlong uri. Ipinaliliwanag nito kung paano naganap ang isang
bagay. Hindi man ito nagpapakita ng prosedyur o pagkakasunod, nagbibigay naman ito ng
kaliwanagan sa kung paano nangyari ang isang insidente.
Halimbawa
 Nahulog ang bata dahil iniwan siya ng tiyahin niya sa upuan.
 Nanalo si Pacquiao sa bisa ng isang unanimous desisyon.
 Nakuha ang pera sa ginang nang papasukin niya ang mag-asawa sa kaniyang bahay.
 Bumaba ang mga marka ni Leni dahil hindi siya nakakuha ng pagsusulit.
 Bumaha sa kabilang barangay dahil nasira ang malaking tubo ng tubig doon.
Layunin ng Tekstong Impormatibo
Ang sumusunod ay ang layunin ng pagsusulat at pagbabasa ng tekstong impormatib.
1. Nagbibigay ng impormasyon at kaalaman
2. Nagbibigay ng linaw sa kung paano nangyayari o nangyari ang isang bagay
3. Pinauunlad ang pagsusuri sa detalye at impormasyon

Tekstong Deskriptibo
Sa mga kuwentuhan at mga tekstong nababasa natin sa iba’t ibang babasahin, hindi maaaring
walang bahagi kung saan inilalarawan natin ang isang tao o bagay. Ito ang dahilan kung bakit
naisusulat ang tekstong deskriptibo.
Ano ang Tekstong Deskriptibo?
Sinasabing ang teksto ay deskriptibo kung ito ay uri ng tekstong naglalarawan. Naglalaman ito ng
impormasyong ginagamitan ng mga salitang pantukoy sa katangian ng isang tao, bagay, hayop,
lugar, o pangyayari. Mayaman sa mga salitang pang-uri o pang-abay ang mga tekstong deskriptibo.
Nakatutulong kasi ito sa malinaw na pagtukoy sa mga katangian.
5 Halimbawa ng Tekstong Deskriptibo
Ang mga sumusunod ay mga halimbawa ng tekstong deskriptiv.

1. Mahalimuyak ang mga bulaklak sa hardin ni Aling Martha.


2. Napakabilis umiyak ng batang si Marco kapag inaasar.
3. Tila isang abandonadong lugar ang kaniyang silid dahil sa sobrang dumi.
4. Kumukutitap na ang mga ilaw sa napakagandang bahay nina Jonas.
5. Malulusog at masasarap kumain ang pamilya Sanchez.

Tatlong Uri ng Tekstong Deskriptibo


Nahahati sa tatlong uri ang mga tekstong deskriptiv ayon sa ginagamit at sinusunod na paraan ng
pagbibigay katangian sa isang bagay, tao, lugar, o pangyayari.
1. Deskripsyong Teknikal
Ito ay naglalayong magbigay ng paglalarawang detalyado at gumagamit ng mga eksaktong salita sa
pagbibigay ng katangian.
Halimbawa
 Tatlong piraso na lamang ng tsokolate ang laman ng pulang kahong ibinigay ni Benedicto.
 Si Aling Cora ay ang babaeng kulot ang buhok at mayroong tindahan ng school supplies sa
kanto ng Mabini.
 Hinahanap niya si Josie, ang batang mula sa ikapitong baitang na ipinaglaban sa patimpalak
sa pagsulat ng sanaysay.
2. Deskripsyong Karaniwan
Ito naman ay uri ng paglalarawan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyong pangkalahatan
at marami tao o bagay ang nagtataglay ng ganoong katangian.
Halimbawa
 Si Benedicto ay mapayat na matangkad.
 Ang eskinita na iyon ay masikip, madilim, at mayroong hindi magandang amoy.
 Dumalaw ang isang kulot na lalaki sa anak mo kanina.
3. Deskripsyong Impresyonistiko
Ito ay pagbibigay ng paglalarawan sa pamamagitan ng pansariling pananaw, opinyon, o saloobin sa
isang tao. Ito ay karaniwang iba sa kaniyang kapuwa at hindi itinuturing na lubhang totoo dahil ito
subhektibong pananaw lamang.
Halimbawa
 Namamalditahan ako sa anak na panganay ni Aling Marta dahil ramdam kong hindi totoo ang
kaniyang pagngiti sa atin.
 Minamalas ang mga taong iyan dahil hindi sila marunong magbigay ng biyaya sa kanilang
kapuwa at madadamot sila.
 Naku, bagay na bagay talaga sina Alden at Maine dahil pareho silang mabait sa kanilang mga
fans.
Layunin at Kahalagahan ng Tekstong Deskriptibo
Katulad ng ibang uri ng teksto, mayroong mahalagang layunin ang tekstong deskriptibo para sa mga
manunulat at mababasa. Ito ay ang iparating ang katangian ng isang tao, bagay, hayop, pangyayari,o
lugar. Ang pagkilala sa katangian ng mga ito ay nakatutulong upang mas matandaan ang mga ito.
Mahalaga ring pag-aralan at mabasa ang mga tekstong deskriptiv sapagkat malaking bahagi ng ating
pag-unawa sa kapuwa ay pag-alam sa mga katangian nito. Kapag nalaman o natukoy ang katangian,
magbubunga ito ng mas malawak na pang-unawa sa iba.
Tekstong Naratibo
Isang uri naman ng teksto na nagsasalaysay ng serye ng mga pangyayari ay ang tekstong narativ o
naratibo. Katulad ng tekstong impormatib, ang layunin ng tekstong naratibo ay magbigay ng
impormasyon. Ang kinaibahan lamang, ito ay nakatuon sa kung paano nangyari ang mga tagpo,
kompleto sa panahon, tagpuan, at mga tauhan. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga talambuhay,
anekdota, o epiko. Maaari din itong piksyon at di piskyon.
5 Halimbawa ng Tekstong Naratibo
1. Ipinanganak si Jose P. Rizal noong Hunyo 19, 1861 sa Calamba, Laguna. Kinitil siya ng mga
Espanyol noong Disyembre 30, 1896 sa Bagumbayan.
2. Ipinalabas noong Hulyo 31, 2019 ang pelikulang Hello, Love, Goodbye na pinagbibidahan nina
Alden Richards at Kathryn Bernardo. Ito rin ang itinanghal na pinakapinanood na pelikulang
Pilipino sa kasaysayan.
3. Nagtapos ng pag-aaral si Alyssa Valdez sa Ateneo de Manila University. Ngayon ay naglalaro
siya para sa Creamline Cool Smashers at Philippine National Team.
4. Matapos ang halos dalawang dekada sa GMA Network, lumipat na sa ABS-CBN si Regine
Velasquez. Naganap ang contract signing niya noong Oktubre 2018.
5. Naganap daw ang pambubugbog ni Alyas Linda sa kaaawa-awang matanda gabi ng
Miyerkules habang nakasakay sila sa dyip. Ngayon ay nasa radio show na ni Tulfo ang kaso.
Tekstong Prosidyural
May uri naman ng teksto na nakatuon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari o mga hakbang
sa paggawa ng mga bagay. Ito ay tinatawag na tekstong prosidyural. Kilala rin bilang teksto ng
pagkakasunod-sunod, sumasagot ito sa mga tanong na paano—paano nabubuo ang isang bagay,
paano iluto, paano isinasagawa ang isang proseso, o paano naganap ang isang pangyayari.
5 Halimbawa ng Tekstong Prosidyural
1. Ihalo ang itlog sa giniling at haluin gamit ang ispatula. Haluin nang maigi at ihulma nang
pabilog gamit ang mga kamay.
2. Hatiin sa apat ang papel at gupitin nang maliliit na piraso. Idikit ito sa isang malinis na bond
paper upang makabuo ng mosaic.
3. Pumunta sa website ng DOLE at hanapin ang forms. I-click ang complaints form at i-download
ito. Punan ang mga patlang at ipadala sa e-mail ng DOLE.
4. Pindutin ang windows icon at i-type sa search bar ang Microsoft Office. Piliin ang Word at
maaari nang gumawa ng dokumento.
5. I-click ang rescan at hintaying matapos ang search. I-refresh ang device at maaari nang
mapanood ang paborito mong TV channel.
Tekstong Persweysib
Ang tekstong persweysiv ang isang uri ng tekstong naglalayong manghikayat ng mga mambabasa.
Ginagamit ito sa mga pahayagan, telebisyon, at radyo. Karaniwang ginagawa ang tekstong
persuweysib upang mapukaw ang interes ng mga tao at maniwala sa sinasabi nito. Nagagamit ito sa
mga advertisements o mga patalastas sa TV o radyo. Maaari din itong gamitin sa mga kampanya o
pag-aalok ng mga serbisyo.
5 Halimbawa ng Tekstong Persweysiv
1. Laking mahirap, may malasakit sa kapuwa. Laging maaasahan. Iboto! Juan dela Cruz para
Mayor.
2. Mas makapagpapaputi ng damit kaysa sa Brand X. Gumamit na ng Tide Clean Plus. Para sa
puting walang katulad.
3. Ang surf ay nagbibigay ng todong linis at todong bango. Surf with fabcon. Todo sa linis, todo
sa bango.
4. Kung barado na ang inidoro, lumapit na sa lagi ninyong malalapitan. Malabanan septic tank
cleaner. Palaban sa bara.
5. Gumamit nan g Eskinol with papaya extract. Para sa linis-kinis na walang katulad.
Tekstong Argumentatibo
Ito naman ay uri ng teksto na nakatuon sa paglalahad ng mga opinyon, paniniwala o kuro-kuro sa
mga mahahalagang isyu o iba pang bagay. Katulad ng tekstong Persweysib, layunin din nito na
manghikayat ng mga mambabasa. Gayunman, gumagamit ito ng mga argumento at mga
pangangatuwiran. Karaniwang sinasagot ng mga tekstong argumentativ ang tanong na ‘bakit?’
Bagaman nais nitong makapaglahad ng damdamin, kailangan pa ring suportado ito ng katotohanan o
facts.
5 Halimbawa ng Tekstong Argumentatibo
1. Dapat nang itigil ang laban kontra droga ng administrasyong Duterte dahil marami nang mga
inosenteng buhay ang nadadamay.
2. Maraming Pilipino ang nakararanas ng hirap dahil sa angking katamaran at hindi dahil walang
oportunidad dito sa bansa.
3. Para mapanatiling maayos at malinis ang mga karagatan at ilog, kinakailangan nang tanggalin
ang mga illegal settlers sa paligid ng mga ito.
4. Nararapat lamang na parusahan ng mga magulang ang mga anak nilang pasaway upang
maturuan ng displina at maging mabuti.
5. Hindi totoo ang mga nanghuhula sa Quiapo dahil lumabas sa pag-aaral ng mga eksperto na
raket o modus lamang ito ng mga manloloko.
Tekstong Humanidades
Kapag sinabing humanidades, tumatalakay ito sa disiplina sa pag-aaral na tumutukoy sa mga sining
na biswal kabilang ang mga pinta, awitin, arkitektura, dula, sayaw, o anumang akdang pampanitikan.
Sa madaling sabi, ang tekstong humanidades ay isang uri ng teksto na tumatalakay sa opinyon,
nadarama, adhikain, o pangamba ng isang tao sa mga akdang nabanggit.
5 Halimbawa ng Tekstong Humanidades
1. Ang kantang Anak ni Freddie Aguilar ay salamin ng realidad ng buhay ng mga pamilya.
Mayroong mga pinagdaraanang pagsubok ang bawat pamilya ngunit nagsisisi rin sa huli.
2. Ang wikang Filipino ay yaman ng bansang Pilipinas. Ito ang nagiging pakakakilanlan ng mga
Pilipino saanmang panig ng mundo kaya naman nararapat lamang itong pagyamanin.
3. Nakaka-emo ang kantang ‘Will You Ever Learn’ ng bandang Typecast. Sinasalamin nito ang
lahat ng bigat sa damdamin ng isang taong may pinagdaraanan sa buhay.
4. Ang Oblation na iskultura sa University of the Philippines ay nagpapakita ng kalayaan sa pag-
iisip, pagpapahayag ng opinyon, at kalayaang matuto ng isang tao.
5. Ang palabas na The Gift ni Alden Richards ay isang patunay na walang pinipiling kapansanan
upang maging kapakipakinabang na bahagi ng lipunan.

Tekstong Propesyonal
Ang uri naman ng tekstong ito ay isang komprehensibo at organisadong pagkakalahad ng mga
impormasyong isinulat ng isang may-akadang mayroong mahusay at sapat na kaalaman tungkol sa
isang paksa. Kumbaga, isang pagsasaliksik itong ginawa ng isang tao mula sa isang larangan at
inilimbag sa isang uri ng babasahin o dokumento. Hindi maligoy at direkta ang paglalahad ng mga
impormasyon sa tekstong propesyonal. Layon lamang nitong magbigay ng isang konkretong pag-
aaral at kaalaman tungkol sa isang paksa at hindi ang bigyan ng aliw ang mga mababasa. Kilala rin
ito bilang tekstong akademiko.

5 Halimbawa ng Tekstong Propesyonal


1. Ang sakit na dengue ay nakukuha mula sa mga lamok na aedes aegypti. Naisasalin ang virus
kapag nakagat ng lamok ang isang tao. Maaaring magkalagnat, magkapantal, o sumakit ang
tiyan kapag dinapuan ng dengue fever.
2. Ayon sa pag-aaral ng mga eskperto sa kalusugan mula sa United Kingdom mas mahaba raw
ang life expectancy ng mga taong mabibilis lumakad dahil mas aktibo raw ang mga ito kaysa sa
mga mababagal maglakad.
3. Isang senyales daw na mas matlino ang isang tao kapag mas makalat ang lamesa nito sa
trabaho. Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, mas lumalabas daw kasi na mas malikhain at mas
madiskarte ang mga magugulo ang lamesa kaysa sa mga organisado.
4. Mas alerto raw ang mga late gumising at matulog kaysa sa mga maaagang matulog dahil
lumabas sa pag-aaral na mas kaya nilang gumawa ng mga bagay nang mas matagal. Hindi raw
umano inaantok agad ang mga ito at kayang tumagal sa mga gawain.
5. Ipinahayag ng journalist na si Kara David na sa pagsusulat daw ng balita, kailangan ang
matinding pokus sa mga detalye at impormasyon. Kailangan daw malaman ang mga
mahahalagang detalye na dapat ilagay sa isang balita.

Mga Katangian ng Teksto

Binubuo ang katangian ng teksto ng mahahalagang elemento. Kabilang dito ang pagtataglay
ng mga mahahalagang impormasyon o datos. Katangian din nito ang maayos na pagkakasulat ng
mga impormasyon kabilang ang pagkakasunod-sunod nito. Mayroong diwa o kaisipan din ang mga
teksto at mayroong nais ipahiwatig.

You might also like