You are on page 1of 4

KABANATA 3

METAKOGNITIBO NG PAGBASA
SA PAGHAGAP NG RISERTS
Ang Metakognisyon at Pagbasa
Marami ang nagpapalagay na ang mabilisang pagbasa ng mahahabang teksto para sa
pangkalahatang impormasyon ay madaling naisasagawa sa sariling wika subalit may kahirapan
naman kung sa ibang lenggwahe. Karamihan ay gumagamit ng istratehiyang mabagal at may
pag-iingat na pagbasa ng teksto mula simula hanggang katapusan. Makikita natin rito ang
kahinaan sa mabilis at may pag-unawang pagbasa ng mahahabang artikulo sa paggamit ng mga
istratehiyang iskaning at iskiming para sa mga pangunahing kaisipan. Dito higit na makatutulong
ang mga istratehiyang metakognitibo.

May iba’t-ibang pakahulugan ang Metakognisyon:


• Carrell, Pharis, at Liberto (1989) - “pagkilala ng pagkilala”
• Bernhardt (1991) - “kamalayan sa prosesong kognitibo”
• Wenden (1998) - “kaalaman sa pagkatuto”

Ayon kay Flavell (1979), ang metakognisyon na kaugnay sa pagbasa ng may pag-unawa ay
ang kaalaman sa anumang bagay o paggamit ng anumang aspeto ng gawaing kognitibo.
Mungkahi sa pagpapakahulugang ito na ang metakognisyon ay hindi lamang pag-unawa sa
proseso ng sariling kaisipan kundi ng sariling pagkontrol ng proseso ng pagkilala o pag-unawa.

Para naman kina Williams at Burden (1997), kasama sa metakognisyon ang kakayanang
pamahalaan at kontrolin ang paggamit ng naaayong istratehiya ng pagkatuto sa iba’t-ibang
sitwasyon. Kabilang dito ang pag-alam ng abot ng sariling kaisipan at ang kakayanang alamin
kung paano matututo. Sa maikling salita, ito’y ang kakayanan nating umunlad o magtamo ng
mga karagdagang kaalaman. Hindi ito pagbasang basta na lamang dumaan ang ating mga mata
sa pahina ng mga materyales. Ginagamit sa metakognisyon ang pagbibigay ng mapiling atensyon
sa gawain, pagpaplano, pagmomonitor, at sariling ebalwasyon.

Ang metakognisyon sa ating pagbasa ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng ispesipikong


layunin, ang plano sa paraan ng isasagawang pagbasa, ang sariling pagmonitor ng mga kamalian
sa pag-unawa, at ang sariling ebalwasyon sa naging takbo ng pagbasa at pagtatamo ng layunin, at
ang kahandaang magbigay ng mga hakbang sa ikawawasto ng pagbasa at pagkatuto.
Istratehiyang Pansanay sa Metakognitibong Pagbasa
Katotohanan na maaaring mapaunlad ang ating kakayanan sa pagbasa kapag may bago at
naiibang paraan ng pagbasa tayong matuklasan at gamitin. Ayon naman sa pananaliksik, ang
pagbibigay ng mga pamamaraan at mga katwiran sa likod ng mga pamamaraang ito ng pagbasa
pati na ang talaan ng mga mungkahing materyales ay hindi garantiya na epektibong magagamit
ng mga estudyante sa pagbasa kapag may bago at naiibang paraan ng pagbasa tayong
matutuklasan at gamitin. Hindi lahat ng estudyanteng pumapasok sa loob ng klasrum ay may
mataas na kaalaman sa lenggwahe o mabilis na matuto sa lektura at tamang pagsunod sa
direksyon upang magkaroon ng sariling proseso ng pagkatuto.

Gayunpaman, sa mga istratehiyang pansanay makikita natin ang kongkretong pag-unlad


sa ating pagbasa. Ang mga pansanay na ito’y nararapat na may maliwanag na pagkakasunod-
sunod (Carrell: 1998) at may maliwanag na katwiran sa bawat ispesipikong istratehiya (Oxford:
1990).

Halimbawa, ang isang istratehiyang pansanay ay may kaakibat na maliwanag na panuto kung
kailan at paano gagamitin ang naturang istratehiya, kasama na rin dito ang mga elemento ng
metakognisyon tulad ng pagplano, monitoring at sariling ebalwasyon sa isasagawang gawain.
Kapag matamang naisagawa ang mga ito, nakakatiyak tayo na matatamo ang kaunlaran sa
pagbasa ng mga materyales na pampanaliksik na nangangailangan ng mabilis at mapiling
pagbasa gaya ng iskiming.

Pagsasagawa ng Layunin sa Pagbasa


Napatunayan sa mga pananaliksik na mahalaga ang paunang pagsasagawa ng layunin sa
anumang gawaing pagbasa dahil nakasalalay dito ang pagpili ng gagamiting istratehiya sa
pagbasa. Kailangan nating magkaroon ng maliwanag na layunin sa pagbasa lalo na kung
pagpapasiyahan nating basahin ang kabuuan ng teksto o piliin lamang ang bahaging babasahin,
at kung maghihiwalay ng mahahalagang impormasyon sa mga di mahalagang kabatiran.
Mahihinuha natin dito na ang matagumpay na paggamit ng istratehiya sa pagbasa ay hindi
nakakaangkla sa istratehiyang maaaring gamitin kundi sa ating kaalaman sa istratehiyang
aangkop sa isasagawang pagbasa o sa kinakaharap na suliraning bibigyang kalutasan. Ang iba’t-
ibang layunin ay maaaring mangailangan ng ibat-ibang lapit sa pagbasa. Magandang halimbawa
nito ang paggamit ng iskaning kapag magbabasa ng talaan ng mga nilalaman, ang mabilisang
pagbasa kung nais makuha ang unang impresyon sa materyales na balak basahin, ang paglaktaw
sa kalakihan ng bahagi ng teksto kabisado o pamilyar tayo sa hatid na impormasyon, at higit na
maingat na pagbasa kapag nadaanan ng ating mga mata ang mas mahalagang kabatiran.

Istratehiyang Metakognitibo sa Iskiming


Layunin natin dito na magkaroon ng pagsasanay sa pagbasa ng mga tekstong
pansiyentipiko. Bahagi ng ating pag-aaral ang paraan ng paggamit ng iskiming kapag nagbabasa
ng mga materyales na teknikal. Ang kasunod na presentasyon at talakayan ay maaaring umubos
ng ilang minuto gayundin ang pagsasanay na may matamang pagsubaybay.

Pagsasanay na may Pagsubaybay


Ang tatlong hakbang na balangkas na makatutulong sa atin sa paggamit ng iskiming sa
mga artikulong pampanaliksik:

1. Sa unang hakbang - inilalarawan ang pangkalahatang istrukturang makro ng artikulong


pampanaliksik sa pagbibigay-tuon sa iskemata ng nilalaman at katangiang pantalakayan.
Dito madali nating mauunawaan ang genre, organisasyong tekstwal, at ang istratehiyang
retorikal na ginamit sa artikulo sa tulong na rin ng ating naunang kaalaman at mga
inaasahan kaugnay ng teksto. Nakatutulong din ito sa pag-alaala ng mga katulad na
babasahin sa sariling wika at ang maaaring paglilipat ng istratehiya sa wikang banyaga.

Sa unang hakbang, maaari nating itanong sa sarili ang mga pang-unang katanungan tulad
ng mga sumusunod:
• Ano ang paksa?
• Ano ang pakay na mambabasa ng artikulo?
• Ano ang pinagmulan at petsa ng publikasyon ng artikulo?
• Ano ang suliraning pampanaliksik at layunin ng pag-aaral?
• May mga pamuhatan o pamulaan baa ng artikulo na pamilyar sa atin?
• Ang mga indiksyon bang ito’y nakatutulong sa pagiging aktibo ng ating naunang
kaalaman at karanasan?

Kasunod dito ang pagtalakay sa mga bagay na nakaaapekto sa paraan ng ating pagbasa.
Halimbawa, ang pagbasa ba natin ng pamuhatan (headings) at sab-pamuhatan (sab-headings) ay
nakatutulong bilang istratehiya sa pagbasa ng likhang pananaliksik gayung iisa lamang ang
paraan paghaharap- Introduksyon, Bakgrawnd, Metodo Resulta, Diskusyon at Kongklusyon.
Walang maitutulong ang pag-pokus ng pagbasa sa mga pamuhatan at sab-pamuhatan dahil wala
namang impormasyong makukuha mula rito. Ang mga ito’y mananatiling gabay lamang sa
nilalaman at kahihinatnan. Sa kalaunan, makatutulong ang mga ito sa pagiging malaya nating
mambabasa.

2. Sa ikalawang hakbang - isasagawa natin ang ebalwasyon ng mga pangangailangan ng


gawain o task. Dito isaalang-alang natin ang layunin sa pagbasa at ang iskiming ay
magandang gawain sa pag-determina ng kahulugan. Mababatid natin na ang
pangkalahatang ideya ng artikulong pampanaliksik ay matatagpuan sa pagbasa ng basal
(abstrak) at mapiling pagbasa ng mga bahagi hanggang sa kabuuan. Kabilang dito ang
tatlong likhaang papel (worksheets) na pagpipilian ng istratehiyang iskiming at mahalaga
sa pagbasa. Ang iba’t-ibang gol o sab-gol ay kinatawan sa likhaang papel ng tambalang
KUNG….SAKA na mapagpipilian bilang istratehiya ng iskiming.

Magagamit ang likhaang papel sa mga istratehiya ng iskiming ng artikulong pampanaliksik


para sa pangkalahatang ideya gaya ng pagbasa ng iba’t-ibang seksyon tulad ng abstrak,
introduksyon, kongklusyon, pagbasa ng pamagat at sab-pamagat, pagbasa ng una at huling
talata, at ang pagtingin sa mga di-berbal na impormasyon katulad ng mga pigura at grap, at
ang pagbasa ng kanilang kapsyon. Sa patuloy na pagsasanay, maaari nating pagsamahin ang
iba’t ibang pares ng KUNG….SAKA sa pagmomonitor at pag-aakma ng istratehiyang iskiming.

3. Sa ikatlong hakbang - matatagpuan ang ilang pagbabago ng desisyon kaugnay ng bilis


ng pagbasa at antas ng pagpoproseso ng impormasyon kaugnay pa rin ng napiling
istratehiya ng iskiming sa ikalawang hakbang. At bilang panghuli, kailangang alam natin
sa sarili kung umunlad ang ating kakayanan sa iskiming matapos ang sariling ebalwasyon
sa resulta ng pagbasa. Sakaling hindi tayo kontento, maaaring magsimulang muli sa
ikatlong hakbang para sa pagpili ng istratehiya; sa ikalawang hakbang para sa pagtaya ng
pangangailangan sa gawain o task; at sa unang hakbang para sa pagsisimula ng proseso
bilang paghahanda ng makro-istruktura ng teksto.

INIHANDA NI:

Bb. Lanz Alexis Beashamaine S. Paña ♥♥♥


GURO

You might also like