You are on page 1of 7

KABANATA 5

Pagpili ng Bahaging-Sipi
Para Sa Mabuting Pagbasa

Batayan sa Pagpili
Makikita sa talahanayan sa ibaba ang (7) pitong kadahilanan ayon sa kanilang
pagkakasunod na kumakatawan sa kanilang angking kahalagahan sa pagpili ng sipi.

Batayan sa Pagpili ng Babasahing-Sipi


I. Interes
II. Kapakinabang
III. Pagkamabasa
a. kaalamang leksikal
b. naunang kaalaman
c. kaangkupang sintaktika
d. organisasyon
e. penominong pantalakayan
f. haba
IV. Paksa
V. Kaangkupang Politikal
VI. Kaangkupang Kultural
VII. Kaanyuan
a. balangkas (layout)
b. tipo ng titik o font

I. INTERES
Pinakamahalagang dahilan sa pagpili natin ng artikulong babasahin ang interes.
Binigyang diin ni Williams (1986) na ang “kawalan ng kawili-wiling teksto, kaunti lang
ang maaaring matamo.” Para naman kay Carrell (1984) “kailangang gumamit ng
materyales na interesante sa mga estudyante kabilang na ang mga babasahing pinili ng
mga mag-aaral mismo.” Ang interes ayon kay Nutall (1982) ay “kaangkupan ng
nilalaman” at idinagdag niyang ang tekstong kawili-wili para sa mag-aaral ay higit na
mahalaga kaysa antas nitong linggwistika o kapakinabangan.
Mahalaga ang interes dahilan sa kaugnayan nito sa motibasyon. Kapag ang
paksa ng babasahing-sipi (passage) ay malayo sa interes ng mga estudyante,
nababawasan ang kanilang interes sa pagbasa. Kapag walang motibasyon, hindi tayo
makatutugon sa layunin ng programa sa pagbasa na magpatuloy sa pagbasa maging
sa labas ng klasrum.

May ilang lapit sa pag-alam ng interes ng mga mag-aaral kabilang na ang ayon
sa antas at luwag. Ang talatanungan ayon sa antas ay humiling na ihanay batay sa
pagkakasunod-sunod ang kanilang pinakagusto; ang maluwag na talahanayan ay
humihingi na tugunin ang mga tanong na “Anong uri ng babasahin sa sariling wika ang
inyong binabasa?” at “Ano ang inyong ginagawa kapag Sabado at Linggo?”
Nagmungkahi si Nutall (1986) na bigyang pansin ang mga pagbasa sa sariling wika.
Dagdag naman ni Williams (1986) ang pagsasagawa ng ebalwasyon sa mga
napapanahong materyales kung ang mga ito’y “kawili-wili”, “ayos lang”, o
“nakawawalang-gana”.

II. KAPAKINABANGAN
Binigyang pakahulugan natin dito ang kapakinabangan bilang kasangkapan sa
pagkatuto na isang mahalagang bagay sa pagpili ng bahaging-sinipi (passage). Sa
madaling salita, makatutulong ba ito sa pagtatamo ng layunin ng pagbasa?

Isang paraan sa pagtaya ng kapakinabangan ang pagsasagawa ng mga


pagsasanay at mga gawain na kasunod ng aralin. Halimbawa, kung ang layunin natin
ay tuklasin ang punto de vista ng may-akda, maaaring malaman ito sa mga gawain at
pagsasanay sa katapusan ng aralin. Mahirap namang isagawa ito kung ang artikulo ay
pawang paglalarawan.

III. PAGKAMABASA
Ang batayang pagkamabasa (readability) na kapantay ng interes at
kapakinabangan ay isa sa mahalagang konsiderasyon sa pagpili ng dagdag na
babasahin. Para kay Carrell (1987) ginagamit ang terminolohiya kapag tumugon ito sa
sumusunod na penomena: kaangkupang sintaktika; kaayusang retorikal o lohikal
ng mga ideya; penominang tekstwal para sa antas ng talakayan; kaangkupang
leksikal; at naunang kaalaman ng mambabasa. Kabilang na rin dito ang haba ng
bahaging sinipi.
a. Kaalamang Leksikal
 Pinakamahalagang elemento ng pagkamabasa ng teksto ang
kaalamang leksikal at naunang kaalaman. Katotohanan na habang
dumarami ang mga aytem na leksikal sa pahayag higit na nagiging
mahirap ang pagbasa nang may komprehensyon. Ganun pa man,
masasabing kontrobersyal sa pagpili ng babasahin ang kaalamang
leksikal dahil sa dalawang isyu: una, ang pagdetermina ng antas ng
kahirapan ng mga bokabularyong nakapaloob sa artikulo, at ikalawa, ang
bilang ng mga di-kilalang salita.

b. Naunang Kaalaman
 Kaalinsabay ng kaalamang leksikal, ang naunang kaalaman ay mahalaga
sa pagkamabasa ng teksto. Habang may kaalaman tayo sa paksa, mas
mabilis at tiyak ang ating pagbasa. Nakakatulong nang malaki ito sa
pagbasang may komprehensyon.
 Dalawang bagay ang maaaring mangyari kung walang kaalaman sa
paksa, balewalain ito ng mga estudyante o ipaalam muna ang nauukol sa
paksa. Kung isasagawa ang huli, higit na mas maraming oras ang
masasayang ukol sa paksa kaysa aktwal na layunin ng pagbasa-
pagkatuto ng mga istratehiya at kasanayan sa pagbasa.

c. Kaangkupang Sintaktika
 Apektado ang pagkamabasa ng isang pahayag ng kaayusang sintaktika.
Mahihirapang unawain ng mambabasa ang isang sipi na naglalaman ng
mga kaayusang gramatikal na hindi nila nauunawaan. Ang mga
pormularyo ng pagbasa ay karaniwang ginagamit sa pagbasa ng sariling
wika at hindi gaano sa mga wikang banyaga bilang pamamaraan sa
pagdetermina ng antas ng kahirapang sintaktika.
 Napaghinuha ni Carrell (1987) na di nagtatagumpay ang istratehiya sa
pagbasa sa maraming kadahilanan kabilang na ang di pagpapahalaga sa
“kaangkinang interaktibo ng proseso sa pagbasa” – ang interaksyon
ng mambabasa at ng teksto.

d. Organisasyon
 Tumutugon ang organisasyon sa lohikal na kaayusan at kaliwanagan
ng teksto. Pinatunayan sa riserts na ang mambabasang nakakilala ng
organisasyong retorikal ng teksto ay mabilis na nagtatamo ng
komprehensyon kaysa sa hindi. Dahil dito, makabubuting tingnan muna
ang organisasyon ng teksto bago ituloy ang pagbasa. Ang isang pahayag
na walang mainam na organisasyon ay magdudulot lamang ng problema
kaysa sa kasanayan sa pagbasa.

e. Penominong Pantalakayan
 Kabilang sa antas ng talakay ng penominong tekstwal ang kaayusan ng
mga paksa at komentaryo sa binasang pahayag, pagbibigay pansin
sa pagkakaugnay at kaisahan, at kung paano ito ginamit ng may-
akda sa paghahatid ng mensahe at paanong natanggap ito ng mga
mambabasa.
 Isang paraan sa pagtaya ng ating kaalaman sa penominong pantalakayan
ang simpleng pagsasanay sa pagkilala. Halimbawang ang siniping
babasahin ay nagtataglay ng iba’t-ibang panandang pang-ugnay at mga
kagamitang palipat, kailangang makilala natin ang lahat ng ito. Kasunod
na hakbang naman ang pagkilala sa kahalagahan ng pahayag. Maaaring
sundan din ito ng pagkilala ng mga panandang pang-ugnay at paglipat
kung ginamit na magkatulad o magkaiba.

f. Haba
 Panghuling konsiderasyon sa pagkamabasa ng siniping pahayag ang
haba. Karaniwang pagkakamali ng karamihan sa pagtaya ng
kakayahan sa pagbasa ang pagpili ng lubhang habang artikulo.
Kapag ang ilan sa ati’y hindi natapos basahin ito nang buo, sasabihing
hindi tagumpay ang programa. Ang ilan ay makadarama ng kabiguan,
sisihin ang sarili, at makadarama na hindi sila mabuting mambabasa.
 Ang layunin sa araling pagbasa ay naaayon sa haba ng dagdag na
babasahin. Kung ang pokus ng aralin ay sa iskiming, pinakamabisang
pamamaraan nito’y ang pagbibigay ng mahabang artikulo at may takdang
oras mulang simula hanggang katapusan. Kung ang fokus naman ng
pagbasa ay para sa pangunahing kaisipan, mas naaangkop dito ang
maikling artikulo.

IV. PAKSA
Mahalagang bahagi ng pagbasa ang paksa. Naniniwala ang karamihan ng mga
dalubguro na ang pagbibigay ng marami at malawak na paksa ay nakukuha ang ganap
na motibasyon at interes ng mga mag-aaral. Iba naman ang paniniwala ni Krashen
(1981) ukol sa “makitid na pagbasa” , para sa kanya ang makitid na pagbasa o ang
pagbasa para sa higit na lalim ng paksa ay angkop sa pagkatuto ng ibang wika na ang
mga bokabularyo at istruktura ay pawang paulit-ulit lamang.
Ganito rin ang kaisipan ni Dubin (1986) na nagmungkahing gamitin ang pagbasa
sa higit na lalim bilang lapit sa naunang kaalaman. Kung marami tayong mababasa ukol
sa isang paksa, higit na tataas ang ating komprehensyon sapagkat lalo tayong
magiging pamilyar sa istilo ng may-akda, ng bokabularyo, konsepto, at mga naunang
impormasyong mahalaga sa paksa.

Tatlong (3) Teknik Sa Pagbuo Ng Naunang Kaalaman (Dubin) :


1. paggamit ng antolohiya na nakapalibot sa partikular na paksa
2. paghahati ng mahabang seleksyon sa maliliit na bahagi, paghaharap ng paksa
mula sa iba’t-ibang pamuhatan
3. paggamit ng tuluyang kwento – ang serye ng mga kwento tungkol sa isang
paksa.

Maisasagawa ito sa paggamit ng kasalukuyan o napapanahong kwento ng mga


balita. Habang lumalaon at marami tayong nababasa ukol dito, higit tayong nagiging
pamilyar sa paksa at sa mga detalyeng nakapaloob dito.

V. KAANGKUPANG POLITIKAL
Makabubuting bigyan din ng konsiderasyon sa pagbasa ng pahayag ang
kaangkupang politikal nito. Maaaring sa ibang bansa ay malaking bagay na ang
nilalamang politikal ng mga artikulo, at maaari namang hindi sa iba. Ganun pa man,sa
pagpili ng dagdag na babasahin, kailangan nating harapin ang sari-sariling
paniniwalang politikal.

Anumang kulay ng politikal na pinaniniwalaan ay di-dapat makaapekto sa pagpili


natin ng artikulo lalo’t higit ang pagpigil basahin kung laban ito sa kanilang paniniwala.
Hindi rin dapat gamitin ang pagbasa ng mga pahayag sa pagsusulong ng kanilang
sariling ideolohiyang politikal.

VI. KAANGKUPANG KULTURAL


Nararapat ding isaalang-alang ang kaangkupan ng kultura sa pagpili ng mga
dagdag na babasahin. Ang mga artikulong tuwirang tumutuligsa sa mga kinagisnang
kaugalian ay maaaring magdulot lamang nang higit pang pagkakawatak-watak.
Mahalaga ang kultura ng anumang bansa o lipi para sa kanilang pagkakaisa at
kapakinabangan.
VII. KAANYUAN
Mahalagang dahilan sa pagpili ng babasahin ang panlabas na kaanyuan nito.
Kabilang dito ang balangkas (layout) at tipo ng titik o font.

a. Balangkas o Layout
 Magagamit nating batayan ang balangkas ng anumang artikulo kung ito’y
makasasama o makabubuti.
 Mahalaga ito lalo na kung kailangan nating sipiin o ireprodyus ang
artikulo. Ang magulo at mahirap basahing artikulo ay magdudulot lang ng
iritasyon sa mambabasa. Kung layunin ng araling pagbasa ay madala ito
hanggang sa labas ng klasrum, kailangan natin ng kaakit-akit at
magandang balangkas sa disenyo ng artikulo.

b. Tipo ng Titik o Font


 Para sa mga baguhang mambabasa, kailangang bigyang-pansin ang tipo
ng mga titik.
 Gumamit ng higit sa karaniwang laki ng titik para mga unang pagbasa
sapagkat makatutulong ito sa proseso ng decoding. Ang sobrang
malaking titik ay sagabal naman sa pag-unlad ng mabilisang pagbasa.
Gamitin ang tamang font na malinaw at hindi masakit sa mata.

REPRODUKSYON NG MGA ARTIKULONG MAY KARAPATANG ARI


Kapag nakapili na ng artikulo, kailangang ire-prodyus ito sa kahit na anong
paraan upang magamit sa loob ng klase. Dapat batid ng mga dalubguro na sa
pagrereprodyus o maging xerox ng artikulo ay may mga batas na nauukol sa
karapatang ari (copyright). Bagamat ang reproduksyon ng mga likhang may karapatang
ari ay nagbabagu-bago ayon sa bansa, lahat ay kumikilala sa limitasyon ng karapatan
tulad ng tamang gamit o fair use. Para sa mga aklat at peryodikal, pinahihintulutan ng
tamang gamit ang minsang pagsipi o xerox ng dalubguro upang magamit sa
akademikong pananaliksik, o pantulong na kagamitan sa loob ng klase.

Bilang karagdagan, pinapayagan sa fair use ang maramihang pagsipi (hindi


tataas sa isang sipi bawat estudyante) para sa klase at makatutugon sa kasunod na
patnubay:

1. Ang artikulo ay hindi lalagpas sa 2,500 salita, o hinalaw sa di hihigit na 1,000


salita o sampung bahagdan ng likha, alinman dito ang mababa, at nasa
minimum na salitang 500.
2. Isang tsart, grap, dayagram o anumang ilustrasyon lamang ang maaaring
sipiin kada aklat o peryodikal.

3. Kailangan ang pormal na kahilingan para sa pahintulot ng may-akda at di


naman maaasahan ang agarang pagtugon lalo na kung kapos sa oras at
mahigpit na ang pangangailangan.

4. Hindi hihigit sa isang artikulo o dalawang halaw ang maaaring gawin mula sa
isang manunulat, at hindi hihigit sa tatlo mula sa isang koleksyon o peryodikal
sa loob ng isang semester.

5. Hindi dapat humigit sa siyam na pagkakataon para sa maramihang pagsipi ng


isang klase sa loob ng taong panuruan.

 Mahigpit na ipinagbabawal sa tamang gamit o fair use ang pagsipi o xerox na


may layuning lumikha ng bago o pamalit kaysa sa pagbili ng aklat o peryodikal.
Hindi rin dapat ulit-ulitin ito bawat semester. At sa lahat ng pagkakataon,
kailangan ang pahintulot ng may karapatang ari.

INIHANDA NI:

Bb. Je Ann Gentallan Carido ♥♥♥


GURO

You might also like