You are on page 1of 4

LAKI SA LAYAW

Pedro S. Dandan

Hindi dapat kunin sa dahas ang pagtutumpak sa anak na napalayaw, kundi talino at hinahon
upang mapatuwid sa buhay.

Si Berto ay bugtong anak ng kilalang mariwasang pag- asawahang Ninay at Bindoy sa


nayon ng Pulang- Gubat. Mahal na mahal nila si Berto. Sapul sa pagkabata ay pinalayaw na nila
ito. Ipinagkaloob nila ang lahat na maibigan ni Berto, gaya ng mga laruan, mamahaling mga
damit, salapi, anumang sukat makalibang sa anak.
Nang tumuntong si Berto sa ikaanim na baitang ng mababang paaralan ay lalong
nasunod nito ang lahat ng mahiling sa mag-asawa. At lalong nagmalabis si Berto ng ito'y nasa
ikaapat na taon na ng haiskul. Hindi miminsang nasabi nila sa kapitbahay na si Berto ay
maagang makapag-aaral sa kolehiyo kung papalaring makasulit sa napipintong pagtatapos sa
klase.
Ngunit tila mabibigo ang kanilang pag-asang si Berto ay mapagtapos ng
pagkamanananggol. Isang araw ay nakatanggap si Mang Bindoy ng sulat buhat sa guro ni Berto,
na ganito ang isinasaad:

Mahal na G. Brigido Ramirez:


Huwag ninyong isiping isang panghihimasok ang pagliham kong ito hinggil sa inyong
anak. Manapa'y udyok po ito ng aking hangad na huwag masayang ang isang taong pag-aaral
niya kung maaagapan ninyong tulungan ako upang imulat siya sa wastong asal at kaugalian,
lalo na po ang natutungod sa kanyang mga gawain sa paaralan.
Si Berto po ay matalinong bata, ngunit bunga ng malabis na pagkahilig niya sa mga
kalayawan ng katawan, gaya ng paglilimayon o malimit na pagsala sa pagpasok, panonood ng
sine, paninigarilyo at kung minsan ay pakikipagsugal, napabayaan niya ang kanyang pag-aaral.
Dahil dito, maaaring ikabigo niya ang kanilang pagsusulit sa buwang papasok.
Inaasahan ko ang inyong tulong upang mapabuti ang inyong anak at magtagumpay
siya sa kanyang pag-aaral.
Namimitagan,
Luz Matimtiman
Matapos basahin ang liham, napagkuro ni Mang Bindoy na may dapat silang panagutan
sa pagiging malayaw ni Berto. Gayunman ay inakala niya na hindi pa huli sa panahon upang
mabago ang ugali nito. Ngunit hindi niya dapat kunin sa dahas si Berto. Ang lalong mabisa ay
gamitan niya ng talino at kahinahunan ang paraan ng pagtutumpak kay Berto.
Nang dumating si Berto sa kanilang bahay nang hapong iyon buhat sa paaralan,
masayang tinawag ito ni mang Bindoy at niyayang mamaril ng batu-bato. Sinabi pa ni Mnag
Bindoy na sila ay maliligo sa sapa. Malugod namang sumang-ayon si Berto, sapagkat sa kauna-
unahang pagkakataon ay noon lamang siya nayaya ng kanyang Tatang sa gayong uri ng
paglilibang.
Pasan ni Mang Bindoy ang baril at nakasakbat naman sa balikat ni Berto ang buslong
sisidlan ng kanilang magiging huli. Bago sila sumapit sa bulaos ng kabukiran, sinimulan ni Mang
Bindoy ang kanyang layon na mamulat ang kanyang anak.
Itinuro niya kay Berto ang dalawang malaking kiskisan ng bigas ni Don Sergio. Isinalaysay
niya sa anak kung paano natamo ng naturang Don ang gayong magandang kapalaran. Sinabi
niya kung paanong si Don Sergio ay nagsimula sa pagpapastol ng kalabaw sa kanyang
pagkabata, hanggang sa pamamagitan ng tiyaga, sikap at pagtitipid ay nakapag-ari ng isang
munting lupang masasaka at ng kabayo at karetelang maipaghahanapbuhay at nang malaunan
ay nakabili ng kiskisang siyang pinanggagalingan ng tuluyang paglago ng kanyang kabuhayan.
Itinuro rin ni Mang Bindoy sa kanyang anak ang kubong tinutuluyan ni Mang Seto na
siyang dating may-ari ng kiskisang nabili ni Don Sergio.
“Nalalaman mo ba, anak, na si Mang Seto ngayon ay tagasingil ni Don Sergio ng kanyang
mga pautang?” ang pangwakas na tanong ng matanda kay Berto.
"Bakit po nagkapalit ang kanilang lagay?" tanong ni Berto.
"Sadyang gayon ang dapat asahan. Si Don Sergio ay masipag, masikap at matipid ngunit
si Mang Seto ay naging marangya at mapaglimayon noong kanyang kasikatan," ang tugon ni
Mang Bindoy.
Natigil sa bahaging iyon ang kanilang pag-uusap sapagkat nakatanaw si Mang Bindoy ng
ibon, at iyon ay pinagbagsak niya sa lupa sa pamamagitan ng isang putok ng kanyang riple.
Ang ibon ay mainit pa ngunit patay na nang damputin ni Berto. Iniutos sa kanya ni Mang
Bindoy na himulmulan iyon. Pagkaraan ng ilang sandali, nakita ni Mang Bindoy na hubad na
hubad na ang katawan ng ibon. Sa gayon, iniutos ni Mang Bindoy sa kanyang anak na pulutin
ang mga balahibong pinutpot nito upang ibalik sa katawan ng ibon.
"Mahirap pong mangyari ang ipinagagawa ninyo sa akin, Tatang. Tinangay na po ng
hangin ang mga iyon!” Ang tugon ni Berto.
"Ganyan lamang, Berto, ang pag-aaksaya ng panahon. Bawat araw na magdaan sa ating
buhay ay tulad ng balahibo ng ibon na hindi maaaring magbalik, kaya hindi natin dapat
sayangin. Samantalang bata pa ang isang tao, kailangang siya ay magsikap upang makapagtamo
ng magandang kapalaran. Mararating ba ni Don Sergio ang kanyang kalagayan ngayon kung
inaksaya niya ang kanyang panahon?" ani ni Mang Bindoy sa kanyang anak.
"Sa palagay ko po ay maaaring maparis siya sa kay mang Seto kung nag-aksaya siya ng
panahon," ang tugon naman ni Berto.
"Kaya ang pangyayaring iyan ay dapat makapagturo sa iyo ng mabuti. Nabalitaan ko sa
iyong maestra na madalas kang magbulakbol at hindi ka nag-aaral ng iyong mga leksyon.
Diumano’y malamang na hindi ka makapasa sa iyong mga pagsusulit sa mga buwang papasok,"
ani Mang Bindoy.
Napakagat-labi si Berto. Nabigla siya sa sinabi ng kanyang Tatay. Natunugan naman ni
Mang Bindoy ang pagbabago sa kanyang anak, kaya siya ay nagturing.
"Hindi ka dapat mabahala, Berto. Hindi pa naman huli upang mabawi mo ang mga
pagkukulang sa nakaraan. Hayaan mo at ako ang bahalang umisip ng paraan.”
"Ano po ang dapat kong gawin?” Ang usisa ni Berto.
"Ganito ang masasabi ko sa iyo. Ang isa sa pinagmulan ng iyong mga kalayawan at
karangyaan ay ang pagkakaloob ko sa iyo ng labis na kuwalta. Sa araw-araw ay hindi kinukulang
sa tatlong piso ang iyong binabaon. Buhat ngayon ay bibigyan kita ng kaukulang panggastos sa
loob ng isang buwan. Iyan ay liliit nang malaki kaysa rating gugol mo. Gayunman, pag-aaralan
mong magtipid. Tandaan mo, ang halagang ipagkakaloob ko ay gagastusin mo sa loob ng isang
buwan, hindi sa ilang araw lamang. Kung maubos iyan nang wala sa takdang araw ay tahasan
kong sinasabi sa iyo na hindi ka makahihingi sa akin. Sa pamamagitan niyan ay maaaring
mabawasan ang iyong mga pagbubulakbol at mga walang kabuluhang karangyaan." Ang wika ni
Mang Bindoy.
Napansin ni Mang Bindoy na nagsawalang-kibo na naman si Berto. Sa halip na ukilkilin
ang ipinapayo sa kanyang anak, niyaya niya ito na maligo sa sapa.
Nang makapaghubad na si Mang Bindoy at makiisa kay Berto sa paglanguy-langoy at
pagsisid-sisid, naramdaman ng bata na naging malapit na lalo si Mang Bindoy sa kanyang
kalooban. Magkaakbay pa sila ng kanyang Tatang nang umuwi. Sa kanyang batang puso ay
nagtitibay ang pasya na tupdin ang ipinag-uutos ng ama.
Ang guguling ibinigay ni Mang Bindoy kay Berto ukol sa isang buwan ay tumagal lamang
ng labinlimang araw. Ngunit hindi nya idinaing ito sa kanyang tatang. Ipinagpatuloy niya ang
pagpasok sa paaralan kahit walang baon. Nagtiis siyang magutom at mabawasan ang pakikiisa
sa mga paglilibang ng kanyang mga kaklase. Nagtiis siyang huwag maglalabas ng bahay at
nilayuan ang dating kaibigang kasama niya sa paglilimayon. Sa halip ay iniukol niya ang kanyang
panahon sa pag-aaral.
Nang sumunod na buwan naman ay dalawampu't limang araw ang itinagal ng kanyang
kaukulang gugulin sa pag-aaral. Samantala, kinamalasan siya sa klase ng sikap at sigla sa
pagsagot sa mga tanong ng kanyang guro.
Nang sumapit ang araw ng pagtatapos ng mga mag-aaral sa mataas na paaralan sa
nayong Pulong-Gubat, gayon na lamang ang tuwa ng mag magulang at kapitbahay ni Berto.
Nasaksihan nila ang makulay na parangal sa pag-aabot ng diploma sa mga batang mag-aaral.
Kabilang si Berto sa mga nagtamo sa karangalang banggit.

You might also like