You are on page 1of 28

Batay sa katotohanan at ebidensya ang librong ito.

Naaayon sa kasaysayan ang mga


pangalan, tauhan, lugar, at pangyayari.

Ang larawan sa pabalat ay magagamit sa bisa ng Creative Commons License 3.

Reserbado ang lahat ng karapatan.


Inilathala sa Pilipinas ng
Komisyong Pang-alaala sa mga Biktima ng Paglabag sa mga Karapatang Pantao.

Orihinal na nailathala na softbound sa Pilipinas ng


Komisyong Pang-alaala sa mga Biktima ng Paglabag sa mga Karapatang Pantao,
isang ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas na nilikha ng Batas Republika Blg. 10368.

Para sa aming mga pinakabagong anunsyo, kaganapan, at lathalain,


bumisita sa: www.hrvvmemcom.gov.ph.

Mayroon din softcopy ang librong ito sa www.hrvvmemcom.gov.ph.


Maaaring humingi ng pisikal na kopya sa pamamagitan ng pagpapadala ng
email sa records@hrvvmemcom.gov.ph.

Buod: Mga Mahahalagang Katotohanan Tungkol sa Deklarasyon ng Batas Militar noong 1972.

Inilimbag sa Pilipinas.

Unang limbag ng unang salin 2023


i.

MGA MAHAHALAGANG KATOTOHANAN TUNGKOL SA

DEKLARASYON NG BATAS
MILITAR NI MARCOS
NOONG 1972
ii.

PAUNANG SALITA

Itinatag ang Komisyong Pang-alaala sa mga Biktima ng Paglabag sa


mga Karapatang Pantao o Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission
(MemCom) noong 2013 sa ilalim ng Batas Republika Blg. 10368:

“Isang Batas na Nagkakaloob ng Reparasyon at Rekognisyon ng mga


Biktima ng mga Paglabag sa Karapatang Pantao noong Rehimeng Marcos,
Dokumentasyon ng Nasabing mga Paglabag, Paglalaan ng mga Pondo
Para Doon at Para sa Ibang mga Layunin.”

Sa ilalim ng Batas Republika Blg. 10368, nilikha ang MemCom

“pangunahin para sa pagtatatag, pagbawi, pagpapanatili, at pag-iingat


ng Memoryal/Museo/Aklatan/Kalipunan bilang pagpaparangal sa mga
HRVV1 sa panahon ng rehimeng Marcos.”

Itinalaga rin ito para

“[ma]kipag-ugnayan at [maki]pagtulungan…sa DepEd at sa CHED2 upang


matiyak na ang pagtuturo ng mga karahasan ng Batas Militar, ang mga buhay
at mga sakripisyo ng mga HRVV sa ating kasaysayan ay kasama sa mga
kurikulum ng edukasyong batayan, sekundaryo, at tersiyaryo.”

Nilalayon ng seryeng Mga Mahahalagang Katotohanan Tungkol sa 1972–1986 Panahon


ng Batas Militar na makapagbigay sa mga guro at instruktor ng maigsing gabay na
sangguniang nakabatay sa ebisensya. Hinati ang seryeng ito batay sa mga pangunahing
paksa at ilalathala nang hiwa-hiwalay. Ang Mga Mahahalagang Katotohanan Tungkol sa
Deklarasyon ng Batas Militar ni Marcos noong 1972 ang una sa serye.

1
Human rights violations victim, o biktima ng paglabag sa karapatang pantao
2
Kagawaran ng Edukasyon (Department of Education) at Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (Commission on Higher Education)
iii.

Sumangguni ang MemCom sa iba’t-ibang batis upang matumpak ang


katotohanan. Maingat na sinuri ang mga katunayan ng mga eksperto mula sa iba’t-
ibang disiplinang sumasaklaw mula ekonomiks hanggang agham pampulitika. Ang
mga historikal na salaysay ay tinimbang at pumailalim sa paunang pagsusulit ng
mga guro at superbisor ng pagtuturo mula elementarya hanggang tersiyaryo.

Sa pamamagitan ng ganitong kahigpitan sa pananaliksik at pagsusulat,


maparaang pinabulaanan ang mga mito, kasinungalingan, at propaganda.
Mayroong mga talababa sa ibaba ng mga pahina upang magbigay ng karagdagang
impormasyon. Nakalista rin ang mga batis para sa mga nais pang magbasa ukol
sa paksa.

Umaasa kami na magkakaroon ang mga mambabasa ng higit na mas


malaking pagpapahalaga sa ating pambansang kasaysayan at magagawang ipamahagi
ang mga mahahalagang aral na itinutouro sa atin ng kasaysayan.

Para sa isang Makatarungan at Makataong Lipunan,

Carmelo Victor A. Crisanto


Punong Tagapamahala
Komisyong Pang-alaala sa mga Biktima
ng Paglabag sa mga Karapatang Pantao
1 MGA MAHAHALAGANG KATOTOHANAN

PANIMULA

Ano ang Batas Militar?


Ang Batas Militar ay ang pagpapatupad ng pamumuno ng militar
sa panahon ng digmaan o matinding kaguluhan ng mga mamamayan.
Batay sa 1935 Saligang Batas ng Pilipinas, ang Pangulo ay “...maaaring mag-
utos sa sandatahang lakas na pigilan o sugpuin ang anumang karahasang
walang kinikilalang batas, pagsalakay, insureksyon, o paghihimagsik, o
napipintong panganib ng mga nabanggit, kapag kinakailangan ito ng
pampublikong kaligtasan, maaari niyang suspindihin ang mga pribilehiyo
ng writ of habeas corpus, o ilagay ang Pilipinas o anumang bahagi nito sa
ilalim ng batas militar.”
ANG DEKLARASYON NG BATAS MILITAR NI MARCOS 2

MGA MAHAHALAGANG
KATOTOHANAN
tungkol sa deklarasyon ng Batas Militar ni Marcos
Sinabi ni Marcos na idineklara niya ang Batas Militar para iligtas ang
Republika mula sa kawalan ng batas at anarkiya na nagmumula sa malubhang
rebelyon ng mga komunista at mabagsik na karahasan sa Mindanao dulot ng
armadong sagupaan sa pagitan ng mga grupong Kristiyano at Muslim at isang
armadong kilusang separatista. Ang Mahalagang Katotohanan ay idineklara ni
Marcos ang Batas Militar para mapanatili siya sa kapangyarihan.

I. Ang Katwiran ni Marcos sa Pagdedeklara ng Batas Militar

Noong gabi ng ika-23 ng Setyembre 1972, inanunsyo ni Ferdinand Marcos


ang pagpapalabas ng Proklamasyon Blg. 1081 na may petsang Setyembre 21, 1972.
Inilagay nito ang buong bansa sa ilalim ng Batas Militar. Mahaba ang ibinigay na
katwiran ng naturang proklamasyon ukol sa deklarasyon ng Batas Militar.

Ipinakita ng Proklamasyon Blg. 10813 ang isang lipunang nalulugmok


sa anarkiya at kawalan ng kaayusan. Tinukoy nito ang planong pagpapatalsik
sa pamahalaan at pag-agaw sa kapangyarihan ng estado ng Communist Party of
the Philippines (CPP) at ng armadong grupo nitong Bagong Hukbong Bayan o
New People’s Army (NPA) bilang nagbabadyang banta sa Republika. Inilarawan
ng proklamasyon ang umanong banta gamit ang mga salitang nagdidiin sa
kalubhaan nito:

“...laganap sa kalupaan ang isang estado ng anarkiya at tahasang


paglabag sa batas, kaguluhan at kawalan ng kaayusan, pagkaligalig
at pagkawasak, na katumbas sa lakas ng isang totoong digmaan sa
pagitan ng pwersa ng pamahalaan at ng Bagong Hukbong Bayan at
mga maliliit na organisasyon nito…”

at

“...ang paghihimagsik at armadong gawain ng mga komunistang


walang kinikilalang batas at ng iba pang armadong grupo na binuo
upang patalsikin ang Republika ng Pilipinas sa pamamagitan ng
dahas at puwersa ay kasinglakas na ng isang aktuwal na digmaan
laban sa ating bayan at sa Republika ng Pilipinas.”
3
Ayon sa Brittanica Online, si Marcos ay miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan (1949-59) at ng Senado (1959-65), kung saan na-
glingkod din siya bilang pangulo ng Senado (1963-65). Noong 1965, si Marcos, isang tanyag na miyembro ng Partido Liberal na itinatag ni
Roxas, ay humiwalay sa naturang partido matapos bigo niyang masungkit ang nominasyon ng partido sa pagkapangulo. Kaya, tumakbo siya
sa pagkapangulo bilang kandidato ng Partido Nacionalista laban sa kandidato ng Partido Liberal na si Diosdado Macapagal.
3 MGA MAHAHALAGANG KATOTOHANAN
Ayon din sa proklamasyon, maraming bahagi raw ng Mindanao ang nasa
estado ng digmaan at:

“malubha ang kaguluhan sa Mindanao at Sulu, dulot ng hindi maayos-ayos


na gusot sa pagitan ng ilang Kristyano at Muslim sa Mindanao at Sulu,
sa pagitan ng mga Kristyanong ‘Ilaga’ at mga Muslim na ‘Barracuda’,
at sa pagitan ng hukbo ng pamahalaan at ng ilang organisasyong hindi
kumikilala sa batas tulad ng Mindanao Independence Movement
(MIM)…(na siyang)…nakikilahok sa tahasang pagtatangka na magtatag
sa pamamagitan ng dahas at puwersa ng isang hiwalay at nagsasariling
estadong politikal sa mga isla ng Mindanao at Sulu.”

Sa kabuuan, idinahilan ni Marcos sa pagdedeklara ng Batas Militar ang


laganap na anarkiya at kaguluhang linikha ng: (1) isang komunistang paghihimagsak
na naglalayong patalsikin ang pamahalaan at sugpuin ang kapangyarihan ng estado;
at (2) pangkating karahasan sa pagitan ng mga grupo ng armadong Muslim at
Kristyano, gayon din ng paghihimagsik sa Mindanao na nag aadhikang bumukod
ng estado. Ngayon ay ating suriin ang mga katunayan.

II. Konteksto

Bilang pagsasakonteksto, mainam na mabilisang balikan muna ang


pambansa at pandaigdigang sitwasyon bago ang deklarasyon ng Batas Militar noong
1972. Malaking bahagi ng populasyon ang lubog sa kahirapan dahil sa kawalan ng
panlipunang pagkakapantay-pantay dulot ng mga problemang istruktural sa lipunang
Pilipino. Laganap ang kahirapan sa mga nayon dahil sa hindi pantay na pamamahagi at
pangangasiwa sa mga lupang taniman. Nasa kamay pa rin ng iilan ang mga malalawak
na lupaing tinatawag na hacienda, samantalang wala pa ring lupang pagmamay-ari ang
marami sa mga taga-nayon at nanatili silang nakagapos sa pagkaalipin.

Umusbong din ang kapitalistang uri na kumontrol sa mga pangunahing


industriya sa Pilipinas, bagama’t nangibabaw pa rin ang mga kompanyang transnasyonal
sa mga mahahalagang sektor ng ekonomiya. Lumalago ang ekonomiya ng Pilipinas
subalit nanatili pa rin itong labis na nakaasa sa Estados Unidos

Nasa ilalim ang bansa ng isang demokrasyang halaw sa istilo ng Estados


Unidos. Dalawang partidong politikal ang nananaig na pwersa sa politika - ang Partido
Nacionalista o Nacionalista Party (NP) at ang Partido Liberal o Liberal Party (LP)4. Halos
magkahalintulad sa ideolohikal na pananaw ang dalawang partido. Kapwa sila umaayon
sa demokrasyang liberal at labis na nagpahalaga sa pagpapangangalaga ng status quo o
ng kung ano ang kasalukuyang kalagayan (Lande, 1967).
4
Ayon sa Brittanica Online, si Marcos ay miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan (1949-59) at ng Senado (1959-65), kung saan na-
glingkod din siya bilang pangulo ng Senado (1963-65). Noong 1965, si Marcos, isang tanyag na miyembro ng Partido Liberal na itinatag ni
Roxas, ay humiwalay sa naturang partido matapos bigo niyang masungkit ang nominasyon ng partido sa pagkapangulo. Kaya, tumakbo siya
sa pagkapangulo bilang kandidato ng Partido Nacionalista laban sa kandidato ng Partido Liberal na si Diosdado Macapagal.
ANG DEKLARASYON NG BATAS MILITAR NI MARCOS 4

Sa pandaigdigang sitwasyon, nagngangalit naman ang Cold War. Kilala


ang digmaang ito sa pagitan ng mga bansang komunista na pinangunahan ng
USSR5 (na tinawag din sa pangalang Unyong Sobyet o Soviet Union) at ng mga
bansang hindi komunista na pinangunahan naman ng Estados Unidos dahil
sa pagkakaroon ng matinding tunggalian at geopolitikal na agawan sa pagitan
ng dalawang pandaigdigang puwersa, karera sa pagkakamit ng mga nukleyar na
armas, at mga digmaan sa loob at pagitan ng mga bansang kumatawan sa dalawang
nagtututunggaliang pwersa. Upang maisulong ang sariling pambansang interes,
sinuportahan ng Estados Unidos ang mga rehimeng awtoritaryan sa Aprika, Timog
Amerika, at Asya.

Sa Asya, sinuportahan nito si Heneral Lon Nol sa Cambodia (Kierman,


2008), si Suharto sa Indonesia, si Heneral Mayor Park Chung-Hee sa South Korea,
at ang sunod-sunod na mga pamahalaang militar sa Timog Vietnam. Sinuportahan
naman nina Pangulong Johnson, Nixon, Ford, Carter, at Reagan ng Estados Unidos
ang rehimen ni Marcos.

Para sa Estados Unidos, mahalaga ang Pilipinas para sa kanilang


istratehiya noong kasagsagan ng Cold War. Pinanatili nito ang mga base militar nito
sa Pilipinas,6 at pinakamahalaga rito ay ang Baseng Panghimpapawid ng Clark at
ang Baseng Pandagat ng Subic.7 Pangunahing elemento ang mga base sa istratehiya
ng Estados Unidos sa pagpapadala ng mga tauhan sa Pilipinas (Kimlick, 1990).
Bukod dito, labis na nakadepende ang Pilipinas sa Estados Unidos para sa panlabas
na seguridad nito, maging sa pagkamit ng mga armas, ng tulong teknikal, at ng
tulong pinansyal para sa sariling seguridad panloob.

Mayroon ding matinding tunggalian sa pagitan ng USSR at ng Tsina para


sa pamumuno sa mga komunistang nasyon. Nakapanig ang Partido Komunista ng
Pilipinas (PKP)8 sa Unyong Sobyet samantalang ang bagong CPP ay mas umaayon
naman sa ideolohikal na pananaw ng Tsina at ipinahayag ang kanilang pagsunod sa
Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Noong panahong iyon, nararanasan
ng Tsina ang hirap na dulot ng tinatawag ni Mao Zedong9 na “Great Proletarian
Cultural Revolution”. Pinakilos ng naturang rebolusyon ang mga kabataang Tsino
(na kilala bilang Red Guards) upang labanan ang mga “revisionist” at “capitalist roader.”
5
Bunga ng Rebolusyong Ruso noong Oktubre 1917 ang Union of Soviet Socialist Republics (USSR) nang matagumpay na maagaw
ng mga Bolshevik na pinangunahan ni Vladimir Lenin ang pagkontrol sa rebolusyong nagpatalsik sa czar ng Russia na si Nicolas II.
Aktibong isinulong ng USSR ang Marxismo-Leninismo o mas kilala sa tawag na komunismo. Noong 1991, naglaho ang USSR dahil
sa panloob at panlabas na salik at nawala ang katayuan nito bilang isang superpower. Labindalawa sa mga republikang sobyet ang
humiwalay at nagtatag ng nagsasariling estado. Ang mga ito ay ang Russia, Georgia, Ukraine, Moldova, Belarus, Armenia, Azerbaijan,
Kazakhstan, Uzbekistan, Turkmenistan, Kyrgyzstan, Tajikistan.
6
Ang Baseng Panghimpapawid ng Clark sa Pampanga ang pinakamalaking base militar ng Estados Unidos sa labas ng kanilang bansa
at isa itong mahalagang base na mag-uugnay sa mga pwersang Amerikano sa South Korea at kalaunan sa Timog Silangang Asya.
Noong Vietnam War (1955-75), nagsilbi itong strategic supply base at fighter-squadron installation.
7
Isang malaking pasilidad ng US Navy sa Pasipiko ang Baseng Pandagat ng Subic sa Zambales na inilaan nila para sa pagkukumpuni
ng barko, pag-iimbak ng mga supply, at pamamahinga at paglilibang.
8
Itinatag ang PKP noong Nobyembre 1930 ni Crisanto Evangelista at iba pang pinunong manggagawa ng Congreso Obrero de
Filipinas. Nakabuo rin ang PKP na siyang nakabase sa lungsod ng suporta mula sa mga magsasaka nang nakipagkaisa ito sa Partido
Socialista ng Pilipinas o Socialist Party of the Philippines (SPP) ni Pedro Abad Santos. Tinawag din ang pinagsamang partido bilang
Partido Komunista ng Pilipinas.
9
Si Mao Zedong ay isa sa mga rebolusyonaryong pinuno ng People’s Republic of China. Namuno siya sa Tsina (bilang tagapangulo ng
Communist Party of China) mula 1949 hanggang mamatay siya noong 1976.
5 MGA MAHAHALAGANG KATOTOHANAN

Ang “Little Red Book” ni Mao ang naging mala-bibliyang gabay para sa
maraming aktibista bago ang panahon ng Batas Militar. Nanatili ang Marxismo-
Leninismo-Kaisipang Mao Zedong bilang pundasyon sa paniniwala ng CPP. Sa mga
bansang Third World o yaong mga neutral sa nagaganap na Cold War, litaw na litaw
sa panahong ito ang pakikibaka ng mga mamamayan para sa pambansang paglaya
at pagsugpo sa neo-kolonyalismo.10

Sa maraming panig ng mundo, tumungo ang mga mag-aaral sa mga


lansangan upang ipahayag ang kanilang protesta. Binuo nila ang isang malaki at
makabuluhang bahagi ng pandaigdigang alon ng protesta na nakita sa kalagitnaan
ng dekada ‘60 hanggang sa kalagitnaan ng dekada ‘70. Sa Estados Unidos at Europa,
naging pangkaraniwan ang aktibismo at radikal na politika sa mga kalupunan ng mga
mag-aaral. Naging pangkaraniwan na rin noong panahong iyon ang demonstrasyon
ng mga mag-aaral, sit-in, teach-in, piket, at pagmamartsa (Barker, 2008). Sa panahong
ito, umusbong din ang kilusang pangkababaihan at ang kilusang nagsusulong ng
karapatang sibil ay binigyan ng bagong sigla.

III. Mayroon nga bang malawakang anarkiya bago idineklara ang


Batas Militar?

Bagama’t mayroong kaguluhang panlipunan at lumalakas ang iba’t ibang


kilusang panlipunan bago ipataw ang Batas Militar, kakaunti ang patunay na
nagbibigay-katwiran sa deklarasyon ng Batas Militar noong Setyembre 1972.

Gaya ng sinabi ni Elumbre (2012), ang Pilipinas bago ang deklarasyon ay


hindi dumaranas ng malubhang panganib mula sa isang digmaang sibil. Maging
ang Punong Tauhan ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas noong panahong iyon
na si Heneral Manuel Yan ay hindi sumang-ayon na pambihira ang kalagayan ng
bansa at nangangailangan ito ng isang pambihirang panukala tulad ng Batas Militar
(sinipi sa Batas Militar, 1997, binanggit ni Elumbre, 2012).

Hindi maitatatwa na ang lipunang Pilipino, noong ikalawang termino ni


Marcos bilang pangulo, na nagsimula noong 1969, ay dumaranas ng matinding
kaguluhan. Ang labis na paggastos noong eleksyon ng 1969 ay nagdulot sa biglang
pagtaas ng presyo ng mga bilihin.11 Ito ay naging sanhi ng malawakang pagkabigo
sa mamamayan, na kalauna’y nag-udyok ng malakas na militansya sa uring-
manggagawa, magsasaka, at organisasyong pang-mag-aaral.

10
Ang neo-kolonyalismo ay tumutukoy sa hindi direktang pagkontrol sa mga hindi gaanong maunlad na bansa o sa mga dating
kolonya ng mga mauunlad na bansa o mga dating kolonisador. Tumutukoy din ito sa hindi direktang pagkontrol ng mga mauunlad na
bansa sa pamamagitan ng mga korporasyong transnasyonal o mga internasyonal na institusyong pinansyal. Kadalasang tinutukoy ng
mga Pilipinong nasyonalista at aktibistang mag-aaral ang bansa bilang neokolonya ng Amerika.
11
Mula 2% noong 1969, tumaas sa 14.9% ang inflation rate noong 1970 at tumaas pa lalo sa 21.4% noong 1971.
ANG DEKLARASYON NG BATAS MILITAR NI MARCOS 6

Sa huling bahagi ng dekada ‘60, ang aktibismo sa hanay ng mga mag-aaral ay


unti-unting umaabot na sa rurok nito. Ang mga demonstrasyon ay lumaki, dumalas,
at lalong naging militante. Ang mga aktibista ay nahahati sa dalawang uri na kung
tawagin ay mga “radical” at mga “moderate”. Pinakamalaki sa mga radikal na grupo ay ang
Kabataan Makabayan (KM)12 at ang Samahan ng Demokratikong Kabataan (SDK), na
naniniwala sa pagbabagong rebolusyonaryo at pambansang demokrasya.

Ang National Union of Students of the Philippines (NUSP), Lakasdiwa, at ang


Kapulungan ng mga Sandigang Pilipinas (KASAPI)13 naman ang mga tinaguriang
“moderate”. Sila naman ay naniniwala sa mapayapang pamamaraan sa pagkamit ng
pagbabagong panlipunan.

Dominante ng mga grupong “moderate” ang kilusan ng mga mag-aaral noong


una, at ang kanilang mga hinaing ay maka-repormista. Subalit kalaunan ay unti ring
nangibabaw ang mga radikal (Parsa, 2000). Sa anumang kaso, lumakas ang pagiging
militante ng dalawang panig. Sumaibayo rin mula sa mga pangangailangang pang-mag-
aaral ang kanilang mga hinaing tungo sa mas malawak at panlipunang mga adhikain.

Ilan sa mga demonstrasyon ay naging marahas dahil sa pagmamalabis ng


kapulisan, na nagdulot din sa pagkamatay ng ilang mga mag-aaral. Pinakamalakas
ang aktibismo sa mga mag-aaral noong Enero hanggang Marso ng taong 1970, isang
panahon na mas kilala ngayon sa katawagang Sigwa ng Unang Sangkapat.

Isang serye ng pambobomba ang gumambala sa Maynila at mga


komunidad nito noong unang bahagi ng dekada ‘70. Noong ika-21 ng Agosto 1971,
dalawang granada ang pinasabog sa miting de avance ng mga kumakandidato para
sa pagka-senador sa ilalim ng Partido Liberal. Mayroong ilang namatay at marami
ang nasugatan, kabilang na ang ilang prominenteng politiko ng nasabing partido.

Gamit ang pagbomba sa Plaza Miranda bilang dahilan,14 sinuspende ni


Marcos ang writ of habeas corpus15 noong ika-21 ng Agosto 1971 sa pamamagitan ng
Proklamasyon Blg. 889.

12
Ang mga naniniwala sa pambansang demokrasya o national democracy ay kilala bilang mga national democrat o natdem o ND.
Ang pambansang demokrasya ay isang programang rebolusyonaryo na minimithing pagkaisahin ang masa laban sa imperyalismo,
pyudalismo, at burukratikong kapitalismo. Ang mga ND ay hindi tutol sa paggamit ng marahas na pamamaraan upang makamit ang
panlipunang pagbabago. Ang mga prinsipyo ng pambansang demokrasya ay unang ikinatha ni Jose Ma. Sison at naging gabay-
patnubay ng KM, SDK at ng Communist Party of the Philippines (CPP).
13
Ang KASAPI, Lakasdiwa, at ang Katipunan (kalauna’y naging Partido) ng Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (KDSP) ay
mga organisasyon ng mga demokratikong sosyalista o social democrat (kilala rin bilang mga socdem o SD), ang pangunahing
kakumpetensyang ideyolohikal ng mga pambansang demokratiko.
14
Si Marcos ang inakusahang utak sa likod ng pambobomba sa Plaza Miranda. Ngunit, kalauna’y inugat ng ilang mananaliksik ang insidente
sa mga komunista (tingnan ang halimbawa ni Gregg Jones sa Red Revolution: Inside the Philippine Guerilla Movement (1989).
15
Ang writ of habeas corpus ay isang utos ng hukuman sa mga pampublikong opisyal na ihain ang isang bilanggo sa korte at bigyang-
katwiran at katibayan ang pagpapakulong sa kanya. Itong karapatang pinagkakaloob ng Konstitusyon ay nagbibigay-proteksyon sa
mga mamamayan mula sa pagkakakulong na walang kaso at walang takdang oras.
7 MGA MAHAHALAGANG KATOTOHANAN

Ang mga karagdagang proklamasyon (889-B, 889-C at 889-D) na inilabas


nang may ilang linggong pagitan ay unti-unting nag-alis sa suspensyon ng writ sa
ilang piling lugar. Sa wakas, inalis nang tuluyan ang suspensyon ng writ of habeas
corpus sa Proklamasyon Blg. 890 dahil

“...base sa patuloy na pagkikilatis ng sitwasyon, ang pribilehiyo ng writ of


habeas corpus ay maaari nang ibalik nang buo.”

Sa madaling salita, ang sitwasyong nag-udyok sa suspensyon ng writ of


habeas corpus ay tinugunan na.

Tinukoy ng Proklamasyon 1081 ang serye ng pambobomba bilang isa sa


mga hudyat ng pagkasira ng lipunang Pilipino. Subalit ang kaisa-isang inaresto noong
panahong iyon ay isang miyembro ng Philippine Constabulary na umano’y nagtanim ng
bomba sa isang pamilihan. Walang masinsinang imbestigasyon ang nangyari ukol sa
mga pambobombang ito (Brillantes, 1999, binanggit ni Elumbre, 2012).

Ayon kay Marcos ang insidenteng nag-udyok sa kanya na ideklara ang Batas
Militar ay ang di umanong “ambush” kay dating Kalihim ng Tanggulang Pambansa na
si Juan Ponce Enrile. Sa isang pahina sa kanyang talaarawan (litrato ay nasa susunod na
pahina) para sa 9:50 n.g. ng ika-22 ng Setyembre 1972, sinulat ni Marcos:

“Si Kal. Juan Ponce Enrile ay tinambangan malapit sa Wack-Wack nang


mga 8:00 ngayong gabi…nangangahulugan na ang deklarasyon ng Batas
Militar ay isang matinding pangangailangan.”

Mapapatanong tayo: Paano naging sanhi ang isang pagtambang na


nangyari noong ika-22 ng Setyembre 1972 ang deklarasyon ng Batas Militar, na
pinirmahan umano noong ika-21 ng Setyembre 1972?

Higit pa rito, noong ika-22 ng Pebrero 1986, inamin ni Enrile sa harap ng


pagtitipon sa EDSA para sa People Power Revolution na ang tinaguriang pagtambang
sa kanya na nag-udyok umano sa deklarasyon ng Batas Militar ay hindi totoo
(tingnan ang PDI, Pebrero 23, 1986 at The Age, Pebrero 24, 1986 na binanggit ng
Rappler, Setyembre 23, 2018).

Noong 2012, binago naman ni Enrile sa kanyang talambuhay ang kuwento,


at naghayag na isang mabilis na sasakayan ang lumampas sa kanyang convoy at
“nagsimulang barilin ang [kanyang] sasakyan…” (Enrile, 2012). Sa mga sumunod na
talata, isinulat niya rin na
ANG DEKLARASYON NG BATAS MILITAR NI MARCOS 8

“Tinambangan man ako o hindi, ang Batas Militar sa ating


bansa ay isa nang hindi mababagong katotohanan…hindi ko lang alam
kung bakit biglang pinili ni Marcos ang pananambang sa akin upang
ikatwiran ang deklarasyon ng batas militar…”

Ang Mahalagang Katotohanan ay hindi sapat ang ebidensya


na mayroong malawakang anarkiya at malubhang kaguluhan,
na umano’y sanhi ng pangangailangan sa pagdeklara ang
Batas Militar noong Setyembre 1972.
9 MGA MAHAHALAGANG KATOTOHANAN

IV. Mayroon bang nagbabadyang banta ng pagsakop ng


mga komunista?

Gamit ang mga akda ni Mao Zedong bilang inspirasyon, humiwalay ang
mga kabataang radikal sa mga nakatatandang miyembro ng lumang PKP at itinatag
ang CPP noong ika-26 ng Disyembre 1968 (bagama’t mas gusto nilang ginagamit
ang terminong “muling pagtatag” upang ilarawan ang kanilang aksyon). Si Jose Ma.
Sison ang nagsilbing unang Tagapangulo nito. Noong Marso 1969, naitayo naman
ang NPA sa pangunguna ni Bernabe Buscayno (Kumander Dante), at noon ay isa
pa lamang itong “hukbong disorganisado na binubuo ng 35 regular na mandirigma
at 10 riple lamang” (Datinguinoo, 2006).

Naglaan ang Proklamasyon Blg. 1081 ng mahahabang talata sa pagtalakay


sa banta ng komunismo. Inihayag nito na kontroladong mga komunista ang mga
kilusang pang-mag-aaral at iba pang grupo sa lipunan upang makapag-udyok ng
anarkiya. Ayon pa rito, nakabuo na ng isang hukbo ang mga komunista, ang NPA,
na siyang susulong ng himagsikan at magpapatalsik sa pamahalaan.

Subalit isinasaad din ng Proklamasyon Blg. 1081 mismo na ang bilang ng


mga miyembro ng NPA noong panahong iyon ay nasa 7,900 pa lamang, at pawang
nasa 1,028 lamang mula rito ang regular na mandirigma (habang ang natira sa
bilang ay sinasabing tagapagbigay lamang ng suporta sa sagupaan at suportang
panserbisyo). Sa panig naman ng pamahalaan, ang Hukbong Sandatahan ng
Pilipinas ay binubuo ng 57,100 regular na pangkat sundalo, at hindi pa kabilang
dito ang Philippine Constabulary at ang mga pwersang iregular tulad ng Civilian Home
Defense Force (IISS, 1971).16

Bilang paghahambing, ang mga Huk17 sa rurok ng kanilang lakas noong


dekada ‘50, ay mayroong hukbong binubuo ng 12,000 hanggang 13,000 regular
na mandirigma. Mayroon din itong mga kasapi sa masa na higit sa bilang na
100,000 sa Gitnang Luzon. Sa kalagitnaan ng dekada, nakontrol ng mga Huk ang
malalaking kapatagan ng Gitna at Timog Luzon (Azama, 1985). Sa lahat ng salik,
mas malubha ang bantang naibigay ng paghihimagsik ng mga Huk sa Republika
noong kasagsagan ng tugatog nito, subalit hindi nakita ni Pangulong Elpidio
Quirino ang pangangailangan na magdeklara ng Batas Militar.

Ang mahalagang katotohanan ay, subalit inilunsad ng CPP-


NPA ang digmaan ng bayan noong panahong idineklara ni
Marcos ang Batas Militar, hindi pa rin ito isang malaking
banta sa Republika.
16
Institute for Strategic Studies, The Military Balance, 1971-1972 (London: Institute of Strategic Studies, 1971), 30. Noong 1971,
naitala ng Institute of Strategic Studies sa London na ang pinagsamang lakas ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ay binubuo ng
57,100 na pwersang regular. Walang tala ang naturang database sa kung ilan ang katuwang nila na pwersang iregular (Philippine
Constabulary, Civilian Home Defense Forces, Integrated National Police, Reserves, etc.).
17
“Huk” ang tanyag na tawag sa mga mandirigma ng Hukbong Magpapalaya ng Bayan (HMB), ang nangungunang hukbong
pangmagsasaka ng lumang PKP. Ang Huk ay ang dating hukbong gerilya na lumaban sa mga Hapon noong panahon ng pananakop, at
dating nagngangalang Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP).
ANG DEKLARASYON NG BATAS MILITAR NI MARCOS 10

V. Mayroon bang napipintong panganib ng isang matagumpay na


separatistang rebelyon sa Mindanao?

Tinukoy din ng Proklamasyon Blg. 1081 ang marahas na sagupaan sa


Mindanao at ang banta ng “mga organisasyong walang kinikilalang batas tulad ng
Mindanao Independence Movement” bilang dahilan sa pagpapataw ng Batas Militar.
Subalit hindi suportado ng mga katunayang pangkasaysayan ang katwirang ito.
Totoong lumubha noong unang bahagi ng dekada ‘70 ang karahasan sa pagitan ng
mga armadong grupong Kristiyano at Muslim.

Karamihan sa mga insidente ng karahasan ay bunga ng mga kilos ng mga


armadong Kristiyano o mga armadong Muslim na lumulusob ng mga pamayanang
Muslim o Kristiyano (McKenna, 1998). Kilala sa pangalang Ilaga ang grupo ng mga
armadong Kristiyano. Kilala naman sa pangalang Barracuda ang mga armadong
Muslim na paramilitar sa Lanao, at Blackshirts ang mga grupo sa Cotabato.

Mababakas ang ugat ng tunggaliang ito sa pagsuporta ng pamahalaan sa


pagpasok ng mga Kristiyanong dayuhan mula Luzon at Visayas,18 na nagdulot ng
mga pagbabago sa populasyon ng lugar19 at nagresulta sa malalaking pagbabago sa
pagmamay-ari ng lupa sa Mindanao (McKenna, 1998, pp. 114-115).

Tuluyang nagbunga ng tunggalian at nagpasiklab ng galit laban sa mga


dayuhang Kristiyano at sa pamahalaan ang dislokasyon ng mga Muslim sa mga
lupaing produktibo at ang pagpapawalang-bahala ng pamahalaan sa mga lugar kung
saan nakararami ang mga Muslim. Simula noong 1968, binasag ng karahasang
sektaryan ang dating mapayapang pakikipamuhay ng mga Kristiyano at Muslim, at
umabot ito sa tugatog nito sa dalawang taon mula 1970 hanggang 1971, bunsod ng
mga paglusob ng mga Ilaga sa mga pamayanang Muslim.

Hindi binanggit ng Proklamasyon Blg. 1081 ang Moro National Liberation


Front (MNLF)20 bilang separatistang grupo ng mga Muslim. Mayroon nang Batas
Militar noong naging kilala ang MNLF, kasama si Nur Misuari bilang pinuno
nito. Ang MNLF din ang nanguna sa separatistang himagsikan ng mga Moro sa
Mindanao. Ang tanging binanggit ng Proklamasyon Blg. 1081 na separatistang
grupo ng mga rebelde ay ang Mindanao Independence Movement.20

18
Naganap noong 1935 sa panahon ng Komonwelt ang unang alon ng malawakang imigrasyon na suportado ng gobyerno at pinalakas
noong dekada ‘50 nang sinikap ng pamahalaan na talunin ang Rebelyong Huk at sugpuin ang kaguluhang agraryo sa Luzon at Visayas.
19
Sa Cotabato, halimbawa, binubuo ng mga Muslim ang 64.53% ng populasyon noong 1918. Noong 1970, binubuo na lamang nila
ang 37.37% ng populasyon sa Cotabato (O’Shaghnessy 1975, binanggit ni McKenna 1998).
20
Itinatag ang MNLF ni Nur Misuari, isang lider-kabataan ng MIM.
21
Itinatag ang MIM noong 1968 ng retiradong gobernador ng Cotabato, si Datu Udtug Matalam, sa layuning ihiwalay ang Muslim
Mindanao mula sa Republika ng Pilipinas. Gayunpaman, hindi kailanman aktibong sinikap ng MIM ang separasyon maliban sa
paglalathala ng manipesto na pumukaw sa atensyon ng pambansang midya. Nakahikayat ang MIM ng mga Muslim na kabataang
aktibista, tulad nina Nur Misuari (tagapagtatag ng MNLF) at Hashim Salamat (tagapagtatag ng Moro International Liberation Front o
MILF), na maglulunsad kalaunan ng isang armadong separatistang rebelyon.
11 MGA MAHAHALAGANG KATOTOHANAN

Ang unang malaking sagupaan sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan


at ng mga mandirigmang Moro ay naganap noong Oktubre 1972. Bunsod ang
tunggalian ng pagsisikap ng rehimeng Marcos na kumpiskahin ang mga armas
na pagmamay-ari ng mga sibilyan (Doral, n.d.). Batay sa ebidensya sa panahong
iyon, hindi binibigyang-katwiran ng sitwasyon sa Mindanao sa panahong iyon ang
deklarasyon ng Batas Militar. Isang taon nang hindi aktibo ang MIM bago ang
Setyembre 1972 at wala rinng separatistang hukbo sa ilalim nito.

Humupa na ang karahasang sektaryan at walang malubhang insidente na nangyari


sa loob ng anim na buwan bago ang deklarasyon ng Batas Militar (McKenna, 1998,
p. 156). Dagdag pa ni McKenna (1998):

“Ang pagpapataw ng batas militar, sa katunayan, ay ang dahilan, at


hindi ang resulta, ng isang armadong insurhensiyang Muslim laban sa
estado ng Pilipinas…”

Ang Mahalagang Katotohanan ay walang napipintong panganib


ng isang matagumpay na separatistang rebelyon noong
panahong iyon.

VI. Pinagplanuhan ba ang Batas Militar?

Noong Marso 1968 pa lamang, binuksan na nina Marcos at Imelda ang apat
na bank account sa Credit Suisse at nagdeposito ng kabuuang $950,000. Upang itago ang
kanilang pagkakakilanlan, ginamit nila ang mga alyas na William Saunders, para kay
Marcos, at Jane Ryan, para kay Imelda (tingnan ang susunod na dalawang pahina). Ito
ang una sa maraming lihim na Swiss bank account na kanilang binuksan pagkatapos ng
deklarasyon ng Batas Militar (The Guardian, 2016).

Pagsasalaysay ni Primitivo Mijares, dating propagandista ni Marcos, sa


kanyang librong The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos,

“[N]asimulan kong mapagtanto na ipinataw ni Marcos ang batas militar,


hindi upang iligtas ang bansa mula sa isang komunistang rebelyon at upang
ireporma ang lipunan, ngunit upang hawakan ang pagkapangulo habang
buhay—at bilang isang diktador” (Mijares, 1976).

Dagdag pa rito, isinalaysay ni Mijares na pinag-iisipan na nang mas maaga


ni Marcos ang pananatili sa kapangyarihan habang buhay at agad na nagpatupad ng
isang programa para maisagawa ito.
12

Dalawang dokumento ng Swiss Credit Bank, na may mga pangalan at lagda nina Ferdinand Marcos at Imelda Marcos sa tabi
ng kanilang mga alyas - William Saunders at Jane Ryan. Kinuha mula kay Ruben Carranza (naka-post sa kanyang social media)
na nagsilbi mula 2001–2004 bilang komisyoner at tagapamahala sa paglilitis at imbestigasyon sa ilalim ng isang komisyon ng
Pilipinas na matagumpay na bumawi sa $680 milyong nakaw na yaman ng pamilya ni Ferdinand Marcos. Ang yamang ito ay
nakatago sa mga banko sa Swizerland, Estados Unidos, at iba pang mga bansa.
13

Makikita si Imelda Marcos sa kanyang apartment sa Maynila noong ika-27 ng Hunyo 2007, habang binubuklat niya ang mga
bank statement at gold certificate na ayon sa kanya ay nagpapatunay na legal ang yaman ng mga Marcos. Dagdag pa niya na wala
siyang dapat ikahiya.
- Romeo Gacad, tagapagbalita para sa L’Agence France-Presse (AFP)
ANG DEKLARASYON NG BATAS MILITAR NI MARCOS 14

Dagdag pa ni Mijares,

“[s]a kanyang pag-upo sa pagkapangulo simula sa ika-30 ng Disyembre 1965,


naghanda si Ginoong Marcos na manatili sa pwesto nang mahabang panahon lampas sa
pinahihintulutan ng Konstitusyon na dalawang termino, na dapat natapos noong ika-30 ng
Disyembre 1973. Nilayon ng kanyang master plan ang pagkakahalal muli noong 1969 “sa
anumang paraan”; deklarasyon ng batas militar “isang taon man lamang” bago matapos
ang kanyang pangalawa at huling termino sa ika-30 ng Disyembre 1973; pagpupuno ng
Korte Suprema at militar ng kanyang mga piniling tagasunod, pagsunggab sa mga lokal na
pamahalaan; at pagpapakana ng sunod sunod na krisis upang bigyang-katwiran ang isang
militar na kudeta sa pamumuno ni Marcos” (Mijares, 1976).

Inamin ni Enrile sa kanyang talambuhay na hinanda niya ang mga


dokumento ng Batas Militar sa huling sangkapat ng 1970. Aniya,

“Bago ako lumisan papuntang Hong Kong (Bagong Taon ng 1972),


binisita ko si Pangulong Marcos sa Malacañang. Inihatid ko sa kanya
ang isang malaking sobre na kulay kayumanggi. Naglalaman ang sobre
ng labing-anim na dokumento: (1) ang borador ng isang proklamasyon na
magdedeklara ng batas militar, (2) ang borador ng pitong pangkalahatang
kautusan, (3) ang borador ng ilang liham na nagsasaad ng mga instruksyon,
(4) ang borador ng aking pagkatalaga bilang deputy commander-in-chief ng
Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Hiniling sa akin ni Pangulong Marcos
na itago ang mga ito pagkatapos kong ihanda ang mga ito noong huling
bahagi ng 1970. Itinago ko ang mga ito sa aking steel safe sa bahay…
Maliban kay Pangulong Marcos, walang nakaaalam sa mga dokumentong
iyon…” (Enriel, 2012, pp. 350-351).

Nililimitahan ng 1935 Konstitusyon ng Pilipinas ang termino ng kahit


sinong Pangulo sa walong (8) sunud-sunod na taon.22 Noong 1972, nalalapit na ang
katapusan ng ikalawang termino ni Marcos. Hindi na siya maaaring maihalal muli
para sa ikatlong termino23 maliban kung mabago ang Konstitusyon o mapahaba ng
Batas Militar ang kanyang termino.

Ginawa niya parehas.

Sa pagkapataw ng Batas Militar, itinanggal ni Marcos ang anumang


hadlang o hamon sa kanyang kapangyarihang mamuno at mag-utos.

Ipinataw ang curfew, ipinagbawal ang pagtitipon, at ipinasara ang mga


tanggapan ng midya na kritikal kay Marcos. Ipinag-utos ni Marcos ang pag-aresto sa
22
Ayon sa Artikulo VII, Seksyon 5 ng 1935 Konstitusyon: “Walang sinumang maaaring maglingkod bilang Pangulo nang higit sa
walong magkakasunod na taon.”
23
Inihalal si Ferdinand Marcos sa kanyang unang apat na taong termino noong 1965 at naihalal muli noong 1969.
15

Ito ang Sunday edition ng Daily Express na pag-aari ni Roberto S. Benedicto. Isa si Benedicto sa mga malalapit na kaibigan ni
Pangulong Marcos at kalaunan ay nakamit ang kontrol ng iba pang tanggapan ng midya sa panahong iyon.
ANG DEKLARASYON NG BATAS MILITAR NI MARCOS 16

kanyang mga katunggaling politikal at mga kritiko (kabilang sina dating Senador
Benigno Aquino Jr., Jose Diokno, at Soc Rodrigo, bukod sa iba pa), maraming
mamamahayag, aktibista, lider-manggagawa, at maging mga delegado sa
Kumbensyong Konstitusyonal.

Upang higit na gawing lehitimo ang kanyang awtoritaryan na pamamahala,


muling tinipon noong 1973 ang Kumbensyong Konstitusyonal. Sa epektibong
pagpapatahimik ng oposisyon, sinususugan ang Konstitusyon ng Transitory
Provision na ginawang institusyonal ang pamamahala ni Marcos.

Isinasaad ng mga Transitory Provision sa Artikulo XVII, Seksyon 3 ng


1973 Konstitusyon na:

Seksyon 3. (1) Ang nanunungkulang Pangulo ng Pilipinas ... ay patuloy


na gaganapin ang kanyang mga kapangyarihan at mga kaukulang
karapatan sa ilalim ng Konstitusyon ng taong labing siyam na raan at
tatlumpu’t limang (1935) at ang mga kapangyarihang ipinagkaloob sa
Pangulo at Punong Ministro sa ilalim ng Konstitusyong ito hanggang
manawagan siya sa pansamantalang Pambansang Asamblea na ihalal
ang pansamantalang Pangulo at ang pansamantalang Punong Ministro,
na pagkatapos ay magpapatupad sa kapangyarihang ipinagkaloob sa
kanila ng Konstitusyong ito.

(2) Lahat ng proklamasyon, kautusan, atas, tagubilin, at batas na ipinahayag,


inilabas, o isinagawa ng nanunungkulang Pangulo ay magiging bahagi ng
batas ng lupain, at mananatiling may bisa, legal, umiiral, at epektibo matapos
mang maalis ang batas militar o ang ratipikasyon ng Konstitusyong ito,
maliban kung binago, binawi, o pinalitan ng mga kasunod na proklamasyon,
mga kautusan, atas, tagubilin, o iba pang batas ng nanunungkulang Pangulo,
o maliban kung malinaw at tahasang binago o pinawalang-bisa ng regular na
Pambansang Asemblea.”

Ang Mahalagang Katotohanan ay maghahari si


Marcos bilang diktador sa susunod na 14 na taon
hanggang milyon-milyong Pilipino ang nagtipon sa
lansangan upang patalsikin siya, isang pangyayari
na kilala sa buong mundo sa ngalang People Power
Revolution.
17 MGA MAHAHALAGANG KATOTOHANAN

MGA SANGGUNIAN
Azama, Rodney S. 1985. The Huks and the New People’s Army: Comparing Two
Postwar Filipino Insurgencies. Virginia: Marine Corp Command and Staff
College. https://www.globalsecurity.org/military/library/report/1985/
ARS.htm.

Barker, Colin. 2008. “Some Reflections on Student Movements of the 1960s


and Early 1970s.” Revista Crítica de Ciências Sociais, 43-91. Inakses
noong ika-19 ng Pebrero 2019. https://journals.openedition.org/
rccs/646#bodyftn15.

Constantino, Renato. 1969. “The Reelected Duo.” Graphic Christmas Number,


ika-17 ng Disyembre: 18.

Datinguinoo, Vinia M. 2006. 20 Filipinos 20 Years after People Power. Web Article,
Philippine Center for Investigative Journalism. Inakses noong ika-21
ng Disyembre 2018. http://pcij.org/stories/bernabe-kumander-dante-
buscayno/.

Doral, S. Sothi Rachagan at Richard F. n.d. The Conflict in Mindanao: Perspective


from South of the Border. http://116.50.242.171/PSSC/index.php/
agt01/article/download/1692/1589.

Elumbre, Adonis. 2012. “Revisiting Histories, Reclaiming Memories: Narratives


on Dictatorship and Democracy During the Marcos Regime.” Sa For
Democracy and Human Rights: Rekindling Lessons from Martial Law &
People Power Revolt, pinamatnugutan ni Marlon Lara Cornelio and Alvin
Rabe Quintans, 8. Friedrich Ebert Stiftung.

Enrile, J. P., & Navarro, N. A. (2012). Juan Ponce Enrile: A Memoir. Quezon City:
ABS CBN Publishing.

Laquian, Aprodicio A. 1974. “Martial Law in the Philippines to Date.” Xth Annual
Meeting, Association of Asian Studies. Boston, Massachusetts. 32. Inakses
noong ika-12 ng Disyembre 2018. https://idl-bnc-idrc.dspacedirect.org/
bitstream/handle/10625/.1812/10380.pdf?sequence=1.
ANG DEKLARASYON NG BATAS MILITAR NI MARCOS 18

Leary, Virginia, A.A. Ellis, at Dr. Kurt Madlener. 1984. The Philippines: Human
Rights after Martial Law. Report of a Mission, Geneva: International
Commission of Jurists. Inakses noong ika-21 ng Disyembre 2018. https://
www.icj.org/wp-content/uploads/1984/01/Philippines-human-rights
mission-report-1984-eng.pdf.

McKenna, Thomas M. 1998. Muslim Rulers and Rebels: Everyday Politics and
Armed Separatism in the Southern Philippines. Berkely: University of
California Press. http://ark.cdlib.org/ark:/13030/ft0199n64c/.

Mijares, Primitivo. 1976. The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda


Marcos. May permiso ni Jobo Elizes.

Parsa, Misagh. 2000. States, Ideologies & Social Revolutions: A Comparative


Analysis of Iran, Nicaragua and the Philippines. Cambridge: Cambridge
University Press.

Wurfel, David. 1976. “Martial Law in the Philippines: The Methods of Regime
Change.” Pacific Affairs.

MGA LARAWAN
Litrato ni Imelda Marcos mula sa ABS-CBN News. https://news.abs-cbn.com
focus/09/21/17/marcos gold-bars-fact-or-fiction. Kinuha noong ika-19 ng
Mayo 2019.

Philippine Official Gazette sa pamamagitan ng Philippine Diary Project, litrato


ng isang pahina sa talaarawan ni Marcos https: https://www.
officialgazette.gov.ph/featured/declaration-of-martial-law. Kinuha noong
ika-19 ng Mayo 2019.

Philippine Official Gazette litrato ng pabalat ng Sunday Express.


https://www.officialgazette.gov.ph/featured/declaration-of-martial-law.
Kinuha noong ika-19 ng Mayo 2019.

Ruben Carranza Litrato ng mga dokumento ng Swiss Bank. Unang inilimbag


sa Facebook. Kinuha noong ika-19 Mayo 2019.
19 MGA MAHAHALAGANG KATOTOHANAN

PAGKILALA
Para sa paghahanda ng mga materyal para sa seryeng ito, pinasasalamatan
namin ang mga sumusunod:

• Sr. Marietta Banayo, M.A – Pangulo, Assumption College of Davao


• Neil Martial Santillan, PhD – Tagapangulo, Departamento ng Kasaysayan,
Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman
• Armando M. Mendoza, Jr., PhD – Propesor, Departamento ng Agham
Pampulitika, UP Diliman
• Meynardo P. Mendoza, PhD – Guro, Departamento ng Kasaysayan,
Ateneo de Manila University
• Jan Carlo Punongbayan – Summa Cum Laude; Kandidato para
sa Doktorado sa School of Economics, UP Diliman
• Michael Charleston “Xiao” Chua – Kandidato para sa Doktorado;
Katuwang na Propesor sa Departamento ng Kasaysayan,
De La Salle University
• John Ray Ramos, MPA – Guro, Departamento ng Kasaysayan,
Far Eastern University Diliman
• Atty. Fely Arroyo – Abogado ng karapatang pantao; producer ng
dokumentaryong “Batas Militar”
• Dr. Aurora Parong – Dating miyembro, Human Rights Victims’
Claims Board (HRVCB)
• Atty. Byron Bocar – Dating miyembro, HRVCB
• Ester Isberto – Dating miyembro ng Lupon ng mga Katiwala,
Bantayog ng mga Bayani
• Marian Pastor-Roces – Curator; tagapagtatag ng TAO, Inc.;
tagapangasiwa ng Bangsamoro Museum
• Jess Pasibe – Punong Tauhan at Komisyoner na Tagapamahala sa
Pananaliksik at Pag-unlad, Komisyon ng Pangulo sa Mabuting Pamamahala
(Presidential Commission on Good Government, PCGG) 2010-2015
• Rolando Librojo – Kasangguni sa Pananaliksik, Komisyong Pang-alaala
sa mga Biktima ng Paglabag sa mga Karapatang Pantao (Human Rights
Violations Victims’ Memorial Commission, MemCom)
• Joel Sarmenta – Kasangguni, Komisyon sa Karapatang Pantao
(Commission on Human Rights, CHR)

Binibigyan din ng natatanging pagbanggit si Jimmy dela Vega, ang Punong


Tagapamahala ng Davao Association of Catholic Schools (DACS), na siyang naging
daan upang maaprubahan ng Komisyon sa Regulasyon ng mga Propesyon ang
Essential Truths Course para sa mga guro bilang pandagdag sa kanilang puntos sa
Continuing Professional Development (CPD).

Ang aklat na ito ay salin ng Essential Truths about Marcos’ Declaration of


Martial Law in 1972 (Revised Second Printing 2022). Ang pagsasalin ay isinagawa
mula Marso hanggang Abril ng 2023 sa pamamagitan ng Project Salaysay nina
Ron Joshua Imperial, John Emmanuel Dinio, at Josh Velilla sa ilalim ng gabay ni
Gng. Gay Benueza at bilang pagpapatupad sa mga pangangailangan ng CWTS-2 sa
Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
MGA TALA
MGA MAHAHALAGANG
KATOTOHANAN TUNGKOL SA

1972-1986
PANAHON NG BATAS MILITAR

You might also like