You are on page 1of 2

Tumba tumba

1. Sa isang maaliwalas na umaga habang aking ninanamnam ang almusal na nilagang itlog
at piniritong isdang maya-maya, tanaw ko mula sa aking kinauupuan ang luntiang dagat,
kung saan nakaluklok rito ang isang mapayapang simbahan. Gawa ang simbahang ito sa
batong-korales at tila tanggulan ng mga mamamayan laban sa mga piratang Moro.
Mapuputing bula ang nabubuo ng mga alon sa dagat na animo'y naghahabulan papunta
sa likurang bahagi ng simbahan. Dumampi ang malamig at sariwang hangin sa aking
pisngi habang naririnig ko ang sigawan, hiyawan, at tili ng mga bata na naglalaro sa daan
sa may di-kalayuan.

2. Subalit biglang nabulabog ang panatag na mga sandaling iyon nang biglang umugoy ang
tumba-tumba na nasa labas lamang ng bintana na malapit sa hapag-kainan. Mga tatlong
metro lamang ang layo nito mula sa akin. Ako'y biglang nagtaka sapagkat wala namang
umupo sa tumba-tumbang iyon. Sa aking isipan, malamang ito'y epekto lamang ng
manaka-nakang hangin. Hindi nagtagal ay huminto na rin ang pag-ugoy ng tumba-
tumba.

3. Biglang bumalik ang aking pansin sa mga berdeng kabundukan sa ibabaw ng mga
mapuputing buhangin na tanaw ko rin sa may di-kalayuan. Maya't-maya'y napapadaan
naman ang mga makukulay na ibon na maliban sa nakagagaan sa paningin, nakapapawi
rin ang kanilang kaaya-ayang mga huni. Ang kanilang ingay ay nagbibigay katahimikan sa
aking mga tainga.

4. Kinagabihan, habang ako'y may binabasang aklat, napansin ko na naman ang biglang
paggalaw at pag-ugoy ng tumba-tumba na nasa labas ng bintana at ngayon ay katapat
na ng aking kinauupuan sa loob ng sala. Ako'y nagulat, tumindig ang aking mga balahibo
sa katawan at biglang kinilabutan sa aking nakita. Wala pa rin akong nakitang tao na
umupo o napadaan man lamang at sumagi sa tumba-tumba. Ako'y nag-aatubiling

Jeffrey Lloyd C. Pocong, SJ Page 1


sumilip sa bintana upang magsuri. Bahagyang binasag na naman ng pangyayaring iyon
ang aking pananahimik at pagpapahinga. Subalit sa kabila ng aking pagdadalawang isip,
naglakas-loob akong sumilip sa bintana upang makita na sa wakas ang sa tingin ko’y
kababalaghan na naglalaro sa aking isipan.

5. Isang kulay-abong pusa ang panatag na nakahiga sa upuan ng tumba-tumba. Hindi nito
pinansin ang aking pagsilip at tila walang pakialam sa kanyang paligid sa mga sandaling
iyon. Komportable ito sa kanyang kinalalalagyan at tinakpan pa niya ng kanyang buntot
ang kanyang mukha. Sa loob-loob ko'y biglang pumasok ang isang katahimikan na dulot
ng aking nakita. Pinawi nito ang pagkabalisang kanina lamang aking nadarama. Isang
pusa lang pala ang nasa tumba-tumba. Isang pusa na kailanman ay hindi nabulabog sa
mga kaganapan.

6. Bago ako matulog sa gabing iyon ay tumungo muna ako sa isang sulok upang
makapagmuni-muni. Isang tumba-tumba rin ang naroon. Kadalasan sa bukang-liwayway
ako umuupo sa tumba-tumbang iyon at nag-aabang, masilayan ko lamang ang
magandang pagsikat ng araw na inaasam-asam. Maging sa gabing makulimlim ako'y
madalas sa tumba-tumbang iyon. Sapagkat pagdating ng takip-silim ay hindi ako nito
bibiguin, makulay na kabilugan ng buwan ang masisilayan ko rin.

7. Sa sumunod na mga gabi ako'y naroon at tila nakatunganga. Mga mata ko ay


kumukurap-kurap habang ako'y manghang-mangha. Makikintab at maningning na mga
bituin aking binibilang. Sa mga gabing mapayapang ayaw ko nang matapos.

8. Kaya kung sino ka man na lumikha ng sanlibutan, ako'y nagpapasalamat dahil sa iyong
lubos na kabutihan. Sapagkat mga biyayang aking natanggap at naranasan ay hindi ko na
inasahan kailanman. Ako'y napapadasal na lamang mula sa aking kinauupuan. Tumba-
tumba na nagbigay kapanatagan sa dalawang magkaibang nilalang.

Jeffrey Lloyd C. Pocong, SJ Page 2

You might also like