You are on page 1of 3

IKAKLIT sa aming HARDIN

ni: Bernadette Neri

Dalawa ang aking nanay. Sina Nay Daisy at Nay Lilia. Maliit lang ang bahay namin pero mayroon
ditong munting halamanan na punong-puno ng mga bulaklak. Mahilig kasing magtanim ang aking
mga nanay. Mayroong rosas, daisy, zinnia, magnolia, chrysanthemum anthurium at iba pa.
Humahalimuyak ang mga ito lalo na kapag humahangin. Kaya parang Panagbenga palagi sa aming
hardin! Dito kami madalas tumatambay at nagkukwentuhan. Hindi ako nagsasawang pakinggan
ang istorya ng pagkakakilala ng aking mga magulang. Sabi nila, nag-umpisa ang lahat dahil sa
hilig nila sa mga bulaklak at halaman. Palagi rin kaming naglilibot. Namamangka kami sa lawa ng
Burnham Park sakay ng bangkang pato o kaya’y kabayong-dagat. Kung minsan naman, namimitas
kami ng strawberry sa Strawberry Farm. Dinadalaw rin naming ang mg museo sa Baguio. Naroon
kasi ang mga kalasag at ang matutulis na sibat, mga hikaw at kuwintas na gawa sa butyl ng kahoy
at bato, at iba’t ibang ukit at hinabing tela ng mga katutubo.

“Kailangan alam natin ang ating pinagmulan,” laging sabi ni Nay Lilia na tubong Bontoc. Sa lahat
ng aming pinuntahan, pinaka paborito ko ang Botanical Garden. Makikita kasi rito ang iba pang
klase ng bulaklak na maaaring itanim sa aming munting halamanan. Dito galling ang unang mga
butong ineregalo sa akin nina nanay. Binhi raw iyon ng isang napakagandang bulaklak. Hindi nila
sinabi ang pangalan ng halaman sapagkat isa raw itong sorpresa. “Maari na akong magtanim sa
hardin!,” sabi ko. Agad ko silang inayang umuwi noon. Sabik na kasi akong itanim ang kauna-
unahan kong halaman. Tinulungan ko ang aking mga magulang sa paghukay ng maliliit na butas
sa lupa. At dahil malamig daw ang aking mga kamay, ako ang marahang nagpunla ng mga buto sa
bawat uka. Dahan-dahan kong tinabunan ang mga ito at mahinay na diniligan.

“Maselan ang mga halaman lalo na ang mga bagong tanim,” paalala ni Nay Daisy. “Kaya dapat,
araw-araw mo itong bibigyan ng tubig.” “Kailangan ding tanggalin ang mga damong tutubo sa
paligid. Naagaw kasi ng mga ito ang
sustansya ng lupa,” payo naman ni Nay Lilia. “At higit sa lahat, dapat ay nasisikatan ng araw ang
mga ito,” dagdag pa nila. “KAilangan iyong upang lumaki silang malusog. Pero dapat ay
katamtaman lang dahil matutuyo naman ang mga
buto kung masosobrahan sa init.” Ginawa ko ang lahat nga kanilang mga paalala. At totoo nga!
Hindi nagtagal ay umusbong ang murang dahon ng aking mga tanim. Nakabaluktot ang mga
supang sa simula pero ilang araw
lang ay unti-unti na itong nagsiunat hanggang sa maging maliliit na sangang may mga talbos na
nakatiklop.
“Isa, dalawa tatlo,
Tatlong mga buto;
Apat, lima, anim,
Sa hardin itatanim;
Pito, walo, siyam,
Laging didiligan;
Sampu, labing-isa,
Tutubo na sila.”

Inaawit ko iyon sa aking mga halaman tuwing umaga. Turo ito ng dalawa kong nanay. Sabi kasi
nila, lumalaking mabuti ang mga tanim kapag laging kinakausap. Hindi na ako makapaghintay
para sa unang araw ko sa paaralan. Lagi kong sinusukat ang bago kong uniporme at sapatos.
Binibitbit ko rin ang ibinigay sa aking bag. Naglalaro kasi kami nina
nanay ng ekuwela-skuwelahan. Nagkukunwaring guro si Nay Lilia habang si Nay Daisy naman
ang makulit kong kaklase.

At dumating ang pinakaaabangan ko. Araw na ng pasukan! Ganoon pala ag itsura ng aming
paaralan. Puno ng makukulay na larawan ang mga dingding. May mga nakapintang nalalaking
bulaklak at puno, at mga batang naglalaro. Mayroon pang larawan ng isang bahay na may nanay,
tatay at isang batang mukhang masayang-masaya. Naghanap ako ng drowing ng bahay na may
dalawang nanay sa loob kasama ng kanilag anak. Wala akong nakita. Isa-isa kaming pinatayo sa
harap ng klase ng aming guro at pinagkuwento tungkol sa aming naging bakasyon. Ibinida ko ang
mga regalong buto ng aking mga magulang. Sinabi ko sa kanila kung paano ko itinanimang mga
ito at kung paano sila nagsitubo. “Hinihintay ko ngang mamulaklak e,” pagmamalaki ko sa kanila.
“Ibibigay ko kasi ang magiging bulaklak sa dalawa kong nanay.” Nagulat ako nang magtanong
ang mga kaklase ko.
“Bakit dalawa ang nanay mo?”
“’Di ba dapat isa lang ang nanay sa pamilya?”
“Wala ka bang tatay?”
Wala akong naisagot. Noon lang kasi ako napaisip kung bakit dalawang nanay ang aking mga
magulang. Hindi ko rin alam kung bakit wala akong tatay. At lalong hindi ko alam kung kailangan
ko pa bang magkaroon nito. Tinukso ako ng mga kaklase ko.
“Siguro tomboy ang nanay mo!”
“Baka kaya wala kang tatay!”
“E di putok ka lang sa buho!”
Sinaway sila ng aming guro pero hindi ko na napigilan ang mapaiyak. Sinundo ako ng dalawa
kong nanay. Dumaan muna kami sa palengke para bumili ng paborito kong diket. Pero tahimik
lang ako hanggang sa makauwi na kami. Inihanda nina Nay Daisy at Nay Lilia ang mga upuan sa
hardin. Nagmeryenda kami sa halamanang punong-puno ng mga bulaklak.

“Nay, ayoko na pong pumasok sa eskuwela.”


“Bakit naman, anak?” gulat na tanong ni Nay Lilia.
“May umaway ba sa iyo sa klase?” pag-aalala ni Nay Daisy. Gusto ko sana isumbong ang mga
panloloko sa akin ng mga kaklase ko. Gusto kong sabihing umiyak ako sa paaralan dahil sa mga
panunukso nila. Gusto kong itanong kung ano ang “tomboy” at kung bakit ayaw ito ng mga
nanunutil kong kaklase. Gusto ko ring malaman kung bakit ayon sa kanila ay alangan ang pamilya
ko dahil hindi raw ito kumpleto.

“Bakit po wala akong tatay? Hindi sila nabigla sa tanong ko. Tumingin lang sila sa akin at
hinawakan ang aking mga kamay. “Anak, ang pamilya ay parang isang halamanan,” malumanay
na sabi ni Nay Lilia. “Hindi mahalaga kung babae ba o lalaki ang nag-aalaga ng mga ito. Ang
importante ay kung paano ito inaarugang mabuti,” paliwanag niya. Tinignan ko ang aming hardin.
Matingkad ang mga kulay na taglay ng iba’t ibang bulaklak at mayayabong ang mga dahoon nito.
Malulusog sila at buhay na buhay. Napansin ko ang ilang piraso ng damong tumutubo sa paligid
ng aking mga tanim. Agad akong tumayo para bunutin ang mga ito. Noon ko nakita ang maliliit at
namimintog na usbong sa dulo ng sanga ng aking mga halaman.

“Nay, tignan n’yo po!” Agad na lumapit ang dalawa kong nanay. “Mga bulaklak iyan, anak,”
nakangiting sabi ni Nay Daisy. “Ilanga raw na lang at namumukadkad na ang mga ‘yan. Magaling
at matiyaga ka kasi sa pag-aalaga. Pumasok pa rin ako sa eskuwela ng sumunod na araw, at mga
sumunod pa. Inaral kong Mabuti ang aming mga aralin. At kapag may hindi ako naiintindihan ay
nagpapaturo ako sa aking mga magulang kaya laging mataas ang nakukuha kong marka.
Gustong gusto ko kasing nakikita ang malalaki nilang ngiti sa tuwing pasasalubungan ko sila ng
star na nakamarka sa aking kamay. Hindi pa rin humihinto sa panunukso ang iba kong mga kaklase.
Pero hindi nila ako napapaiyak
dahil hindi ako nainiwala sa mga sinasabi nila.

“Kung mahal kayo ng nanay at tatay ninyo, mahal din ako ng dalawa kong nanay,” sagot ko.
Ipinagmalaki ko sa kanilang ipinagluluto ako ng aking mga magulang, kinukuwentuhan bago
matulog, tinuturuan sa mga aralin at inililibot sa iba’t ibang lugar. “Kaya kahit wala akong tatay,
alam kong buo ang pamilya ko dahil sa dalawa kong nanay,” sabi ko. Hindi nagtagal at nalaman
kog hindi lang pala ako ang tinutukso sa aming paaralan. Putok din daw sa buho si Mikoy dahil
may mga kapatid siya sa hindi niya nanay. Gano’n din ang biro kay Tintin dahil hindi raw siya
tunay na anak. Si Sheryl naman, laging niloloko dahil hindi niya kilala ang kaniyang mga
magulang. At pareho pala kami ni Pati na walang tatay. Pero katulad ko, masaya rin siya sa piling
ng kaniyang ina kahit pa mag-isa lang ito. Lahat kami tinutukso. Pero ang hindi nila alam, masaya
at kuntento kami sa aming mga pamilya. Sabi nga ng aking mga nanay, tulad ng magagaling na
maghahalaman, may roon kaming mahuhusay na magulang na nagpunla sa aming ng pagmamahal.
Paris daw ng ginagawa kong pag-aaruga sa aking mga tanim. Kaya naman alam nina Tintin,
Mikoy, Sheryl at Pati na
magtitiyaga ang aming mga maghahalaman sa pagdidilig at pag-awit hanggang sa mamukadkad
kami bilang malulusog na mga bulaklak.

Isinama ko sina Tintin, Mikoy, Sheryl at Pati sa amin para magmeryenda. May sorpresa raw kasi
ang mga magulang ko. Ipinakita ko agad sa kanila ang aming halamanan. Ipinakilala ko rin ang
aking mga tanim. Laking gulat ko nang may mga dilaw nabulaklak na ang mga ito. Naisip kong
ito ang sorpresang sinasabi ng aking mga nanay. Manghang-mangha akong napatitig sa bulaklak
ng aking mga halaman. Parang mga araw s agita ng aming hardin!

“Ano ang tawag diyan, Ikaklit?” tanong ng mga kaklase ko sa akin.


Hindi ko rin alam ang sagot kaya tinanong ko sina Nay Lilia at Nay Daisy.
“Nay, ano po ang pangalan ng mga tanim ko?”
Ngumiti ang aking mga magulang. “Ikaklit,” sagot nila. “Tulad ng pangalan mo, anak.”

You might also like