You are on page 1of 29

FILIPINO

Baitang 7 Yunit 13
Ang Ningning at ang Liwanag
Talaan ng Nilalaman
Introduksyon 3
Basahin Natin 4
Sagutin Natin 5

Aralin 1: Mga Pangunahin at Pantulong na Kaisipan sa Sanaysay…………………. 6


Layunin Natin 6
Pag-aralan Natin 6
Sagutin Natin 8
Subukan Natin 9
Isaisip Natin 9
Pag-isipan Natin 9

Aralin 2: Kahulugan ng Salita: Nagbibigay ng Hinuha.……………………………… 10


Layunin Natin 10
Pag-aralan Natin 10
Sagutin Natin 12
Subukan Natin 12
Isaisip Natin 13
Pag-isipan Natin 13

Aralin 3: Mga Pahayag sa Paghihinuha ng Pangyayari……………………………... 14


Layunin Natin 14
Pag-aralan Natin 14
Sagutin Natin 16
Subukan Natin 16
Isaisip Natin 16
Pag-isipan Natin 16

Aralin 4: Pagsulat ng Talatang Naghihinuha………….……………………………… 18


Layunin Natin 18
Pag-aralan Natin 18
1
Sagutin Natin 22
Subukan Natin 22
Isaisip Natin 22
Pag-isipan Natin 23

Gawin Natin 24
Rubrik sa Pagtataya 24
Paglalagom 25
Dapat Tandaan 26
Pagyamanin Natin 27
Susi sa Pagwawasto 27
Sanggunian 29

2
Pindutin ang Home icon para
BAITANG 7│YUNIT 13 bumalik sa Talaan ng Nilalaman

Ang Ningning at ang Liwanag


Mahalagang bahagi sa pag-aaral ng mga akdang pampanitikan ang maunawaan nang husto ang punto-
de-bistang ipinababatid ng may-akda, at damdaming nais niyang palawigin tungo sa sensibilidad ng
mga mambabasa, sa pamamagitan ng kaniyang panulat. Kaugnay nito, kritikal na kasanayan ang
pagbabasa tungo sa tumpak na pagkaunawa sa kabuuan ng nilalaman ng bawat isang akda, partikular
na ang gaya ng sanaysay.

Nangangailangan ng puspos na interes ang pag-unawa sa mga akdang pampanitikang tulad ng


sanaysay. Dahil ito ay naglalaman ng mahahalagang impormasyon, kaalaman, at kaisipang ibinatay
ng may-akda sa mga aktuwal na karanasan at bunga ng pananaliksik, inaasahang tutumbasan ito ng
kaniyang mga mambabasa ng karampatang atensiyon upang unawain ang mga pananaw at kaisipang
nailatag sa daloy ng akda.

Sa kabilang dako, bukod na kasanayan pa ang


pagsulat ng isang mabisang pamamahayag na tulad
ng isang sanaysay. Malaya ang paraan ng paglalahad
ng kaisipan, kuro-kuro, at paghihinuha, maaaring
upang magbigay-aliw at/o magbigay-kaalaman,
bagama’t hindi basta-basta naisasagawa.
Kritikal na proseso ito ng masinsing pagpili ng
paksa, pagtatakda ng paninindigan hinggil sa
mga kaugnay na isyu ng paksa, pagsasaliksik ng
makatotohanang impormasyon at pangyayaring
susuporta sa paninindigan, at pagsasaad ng
konklusyon at payo kaugnay ng paksa.

Kaya naman sa yunit na ito, ating aalamin kung


paano maibubuod ang isang teksto sa tulong ng
pangunahing kaisipan at mga pantulong na detalye. Pag-aaralan natin ang
pagpapakahulugan sa mga salitang nagbibigay ng hinuha, at susuriin ang mga pahayag na ginagamit
sa paghihinuha ng pangyayari. Sa huli, gamit ang mga kasanayan at kaalaman mula sa mga naunang
aralin ay susundin na tin ang mga gabay sa pagsulat ng talatang naghihinuha ng ilang pangyayari
batay sa tekstong ginamit sa yunit na ito.

3
Basahin Natin
Ang Ningning at ang Liwanag
Ni Emilio Jacinto

Ang ningning ay nakasisilaw at


nakasisira sa paningin. Ang liwanag ay
kinakailangan ng mata upang
mapagwari ang buong katunayan ng
mga bagay-bagay.

Ang bubog kung tinatamaan ng nag-aapoy


na sikat ng araw ay nagniningning; ngunit
sumusugat sa kamay ng nagaganyak na
dumampot. Ang ningning ay madaya.

Ating hanapin ang liwanag, tayo’y huwag mabighani sa ningning. Sa katunayan ng masamang
nakaugalian: Nagdaraan ang isang karuwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y
nagpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapuwa’y marahil naman ay isang
magnanakaw; marahil sa ilalim ng kaniyang ipinagtatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay
ay natatago ang isang pusong sukaban.

Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan. Tayo’y mapangingiti at isasaloob:


Saan kaya ninakaw? Datapuwa’y maliwanag nating nakikita sa pawis ng kaniyang noo at sa hapo ng
kaniyang katawan na siya’y nabubuhay sa sipag at kapagalang tunay.

Ay! Sa ating pang-uga-ugali ay lubhang nangapit ang pagsamba sa ningning at pagtakwil sa liwanag.

Ito na nga ang dahilang isa pa na kung kaya ang tao at ang mga bayan ay namumuhay sa hinagpis at
dalita.

Ito na nga ang dahilan na kung kaya ang mga loob na inaakay ng kapalaluan at ng kasakiman ay
nagpupumilit na lumitaw na maningning, lalong-lalo na nga ang mga hari at mga pinuno na
pinagkatiwalaan ng sa ikagiginhawa ng kanilang mga kampon, at walang ibang nasa kundi ang
mamalagi sa kapangyarihan sukdulang ikainis at ikamatay ng bayan na nagbigay sa kanila ng
kapangyarihang ito.

Tayo’y mapagsampalataya sa ningning; huwag nating pagtakhan na ang ibig mabuhay sa dugo ng
ating mga ugat ay magbalatkayo ng maningning. 4
Ay! Kung ang ating dinudulugan at hinahainan ng puspos na galang ay ang maliwanag at
magandang-asal at matapat na loob, ang kahit sino ay walang mapaningning pagkat di natin
pahahalagahan, at ang mga isip at akalang ano pa man ay hindi hihiwalay sa maliwanag na banal na
landas ng katuwiran.

Ang kaliluhan at katampalasan ay humahanap ng ningning upang huwag mapagmalas ng mga matang
tumatanghal ang kanilang kapangitan; ngunit ang kagalinagn at ang pag-ibig na dalisay ay hubad,
mahinhin, at maliwanag na napatatanaw sa paningin.

Mapalad ang araw ng liwanag!

Ay! Ang anak ng bayan, ang kapatid ko, ay matututo kayang kumuha ng halimbawa at lakas sa
pinagdaanang mga hirap at binatang mga kaapihan?

Sagutin Natin
1. Ano ang ipinaghahambing ng may-akda sa loob ng sanaysay?
2. Ano ang mangyayari kung ang liwanag ang pagtutulutan ng pansin ng isang tao, batay sa
akda?
3. Bakit kaningningan ang nais ng mga lilo at tampalasan, ayon sa may-akda?

5
Aralin 1
Mga Pangunahin at Pantulong na Kaisipan sa Sanaysay

Layunin Natin
Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang naibubuod ang tekstong binasa sa
tulong ng pangunahin at mga pantulong na kaisipan.

Pag-aralan Natin
Ang sanaysay ay
“nakasulat na
Bilang isang maiksing komposisyong karaniwang naglalaman karanasan ng isang
ng mga personal na pagkukuro-kuro ng may-akda tungkol sa sanay sa
isang napapanahon o kaya’y mahalagang usaping pampubliko, pagsasalaysay.”
ang paglalahad ng matalinong opinyon ay marapat na nakabatay
sa damdamin, karanasan, kaalaman, pagsusuri, at pananaliksik.

Mahalaga ang mga gawain ng pagsusulat at pagbabasa ng sanaysay dahil


natututo ang mga mambabasa mula sa inilahad na mga kaisipan ng isang
manunulat. Ang mga kaisipang ito ay nasusuportahan ng impormasyon,
pantulong na kaisipan, at mga katunayan upang paigtingin ang paninindigan
ng may-akda. Sa ganitong paraan, nakikilala rin ng mambabasa ang manunulat sa
paraan nito ng pagsasalaysay, sa paggamit nito ng salita, at sa lawak ng
kaalaman hinggil sa paksa.

Mula sa dalawang salitang sanay at salaysay, mauugat ang


pagpapakahulugan ng batikang makata, kritiko, at manunulat na si
Alejandro G. Abadilla. Samantala, maiuugnay naman ito sa
pagpapakahulugang sang-ayon kay Dr. Samuel Johnson, kilalang
mananaysay mula sa Europa, na nagsabing “Ang sanaysay ay
isang malayang igpaw ng pag-iisip.”
6
Kaugnay nito, kung ang sanaysay ay malayang pagpapahayag ng may-akda sa kaniyang
paghihinuhang sa tingin niya’y wasto at dapat na mabatid ng nakararami, katumbas naman ito ng
hamon para sa mga mambabasa ng mga sanaysay na tuklasin ang tumpak na kaisipang nais iparating
ng may-akda.

Ang kaisipan ay tumutukoy sa mensaheng nais ipagbigay-alam ng may-akda sa loob ng


kaniyang sanaysay.

Upang higit na maunawaan ang mahahalagang impormasyong mayroon sa loob ng isang sanaysay,
mainam na tukuyin ang pangunahing kaisipang nakapaloob dito kasama ang mga pantulong na
kaisipan. Kabilang ang prosesong ito sa pagbubuod ng isang tekstong tulad ng sanaysay.

Ayon sa Manwal sa Pagsasanay sa Pilipino (1991), ang pangunahing kaisipan ay makikita sa isang
seleksiyong maaaring matagpuan sa unahan o hulihan ng akdang binasa. Ang pangungusap na
nagsasaad nito ay tinatawag namang pamaksang pangungusap na naglalahat at nagbubuod sa
mensahe ng seleksiyon. Dagdag pa rito, ang pagtukoy ng pangunahing kaisipan ay isang kasanayan
sa pagbasang kailangang malinang ng bawat isang mag-aaral.

Gayundin naman, ang pantulong na kaisipan ang sumusuporta sa ideya ng pangunahing kaisipan.
Nagbibigay ito ng karagdagang detalye at kaalaman hinggil sa paksa upang mailinaw at mapagtibay
ang pangunahing kaisipan.

Mula sa tekstong ating binasa bago ang simula ng aralin, Ang Ningning at ang Liwanag, narito ang
pagbubuod. Halina at aralin.

Pangunahing kaisipan
Ang ningning ay nakasisilaw at nakasisira sa
paningin samantalang ang liwanag ay
kinakailangan ng mata upang mapagwari ang
buong katunayan ng mga bagay-bagay.

7
Madaya ang ningning sapagkat ang
isang bubog kung tinatamaan ng nag-
aapoy na sikat ng araw ay
nagniningning ngunit nakasusugat sa
kamay.

Kung ang ating dinudulugan


May nagagawa ang
at hinahainan ng puspos na
ningning sa ating pag-
galang ay ang maliwanag at
uugali dahilan upang
magandang-asal at matapat
itakwil natin ang liwanag,
Mga Pantulong na Kaisipan na loob, hindi tayo
ito ang dahilan kung kaya
mahihiwalay sa maliwanag
ang mga tao ay namumuhay
na landas ng katuwiran.
sa hinagpis at dalita.

Ang kaliluhan at katampalasan ay


humahanap ng ningning; ang
kagalingan at ang pag-ibig na dalisay
ay hubad, mahinhin, at maliwanag ay
napatatanaw naman sa paningin.

Sagutin Natin
1. Ano ang sanaysay?
2. Ano ang pangunahing kaisipan?
3. Ano ang pantulong na kaisipan?

8
Subukan Natin
1. Paano nagagamit ang pangunahing kaisipan at mga pantulong na kaisipan sa pagbubuod
ng isang sanaysay?
2. Bakit mahalaga ang kasanayan sa pagtukoy ng pangunahing kaisipan ng isang akda?

Isaisip Natin
Bilang isang mag-aaral, paano mo magagamit ang kaalaman sa pangunahing kaisipan at mga
pantulong na kaisipan sa iyong mga aralin?

Pag-isipan Natin
Punan ang bawat patlang nang mabuo ang diwa ng buong talata.

Ayon kay ___________________, ang sanaysay ay ang pagsasama ng dalawang salitang


____________ at ________________ upang mapakahuluganan ito bilang isang naisulat na
_____________ ng isang sanay sa pagsasalaysay. Kaugnay nito, ang sanaysay ay malayang
pagpapahayag ng may-akda ng kaniyang paghihinuha. Upang higit na maunawaan ang
kaniyang mensaheng nais iparating, mahalagang matukoy ang ______________
____________ nakapaloob sa akda, kasama ang mga ______________ na kaisipan. Kritikal
na bahagi ito sa proseso ng _____________ ng isang teksto. Samantala, tandaan na ang
pangungusap na nagsasaad ng pangkalahatang mensahe ng akda ay tinatawag na
______________ _________________.

9
Aralin 2
Kahulugan ng Salita: Nagbibigay ng Hinuha

Layunin Natin
Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang naipaliliwanag ang mga
kahulugan ng salitang nagbibigay ng hinuha.

Pag-aralan Natin
Bilang mag-aaral na tampok sa maraming gawain ng pagbasa sa loob at labas ng paaralan, mahalaga
ang malawak na talasalitaan at malalim na kasanayan upang ito ay lalong mapagyaman. Mainam na
taglayin ang kasanayang ito ng bawat isang mambabasa sapagkat malaking tulong ito upang hustong
makuha ang mensaheng ipinararating ng may-akda sa bawat akdang binabasa. Nakababawas din ito
ng panahong igugugol sa pag-unawa sa akda, gayundin ay nakadaragdag ng pananabik sa
mambabasang suriin ang akdang binasa, tulad ng sanaysay.

Ang pagbibigay ng hinuha ay


nangangahulugang pagpapalagay hinggil sa
nabasang teksto, na nakasalig sa
makatuwirang pagkilatis sa mga detalye o
pangyayaring nakapaloob sa isinasalaysay.

Naipapahayag ang paghihinuha sa pamamagitan ng


paggamit ng mga susing salita upang maging hudyat na
ang isang pahayag ay bunga ng paghihinuha ng isang tao.
Mabuting makapaghinuha kung ito ay bunga ng isang
pananaliksik, malalim na pagsusuri sa paksa, o matalinong
pag-alam sa mahahalagang detalyeng kaugnay ng usapin.

10
Tila nag-iiba na ang Sa tingin ko, dapat
konsepto ng kasalukuyang Mga Halimbawa lamang na kumilos na ang
kabataan kung alin-alin pamahalaan upang
ang dapat na pahalagahan tuluyan nang masugpo
sa kanilang buhay. ang talamak na paggamit
ng droga sa ating bayan.

Sa aking pagpapalagay,
mahalaga ang sama-
samang pagkilos ng
mamamayan upang igiit
ang karapatang-pantaong
nayuyurakan ng
kasalukuyang sistetmang
pinaiiral ng pamahalaan.

Ang pagbibigay ng hinuha o haka-haka ay maaaring maging positibo o negatibo. Kailangang maging
maingat ang bawat isa sa pagbibigay ng kani-kaniyang personal na paghihinuha upang hindi
magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa kapuwa. Isa ang pagiging sensitibo sa kalagayan ng iba
upang makaiwas sa gulo, at maging matalino sa paghihinuha. Tandaan, ang pangunahing layunin ng
pagbabahaginan ng hinuha ay upang magkaroon ng malusog na talakayan at mapagyaman pa ang
mga kaalaman, katotohanan, o pananaw ng bawat isang sangkot sa talakayan hinggil sa kanilang
paksa.

Samantala, pansinin ang mga halimbawang pangungusap sa ibaba:

Ang kapalaluan at kaliluhan ay tila mga bagay na hindi mawawala sa


mundo ngunit mahalagang iwaksi ng bawat isa sa atin.

11
Marahil kung magiging epektibo nang muli ang batas sa Reproductive
Health ay marami sa Pilipinas ay makababawas sa bilang ng hindi
inaasahang pagkamatay ng mga ina at sanggol kada taon.

Ang pagiging mayabang ay isang ugaling kinaaayawan ng marami sa


atin.

Pansinin ang unang pangungusap, kapupunahan ito ng unibersal na pagsang-ayon para sa higit na
marami sa atin sapagkat bata pa lamang tayo ay tinuturuan na tayong magpakabuti. Kung gayon, ibig
ipakahulugan ng unang pangungusap na ang kasamaan o kabuktutan ay hindi dapat pahintulutang
maghari sa ating buhay. Kapansin-pansin namang kontrobersiyal ang pangalawang pangungusap
dahil ang pagpapalagay ng pangungusap na ito ay makatatanggap ng ilang di pagsang-ayon. Tulad ng
unang pangungusap, ang ikatlong pangungusap ay sasang-ayunan din ng marami.

Sagutin Natin
1. Ano ang ibig sabihin ng paghihinuha?
2. Kailan maaaring magbigay ng hinuha ang isang tao?
3. Paano makapagpapahayag ng isang hinuha ang isang tao?

Subukan Natin
1. Bakit kailangang maging maingat sa pagbibigay ng hinuha?
2. Bakit mahalagang nakapaghihinuha ang isang tao?

12
Isaisip Natin
Sa iyong karanasan, magbigay ng isang pangyayari na ikaw ay nakasakit ng kapuwa dahil sa
iyong paghihinuha, o kaya ay ikaw ang nasaktan dulot naman ng hinuhang ibinigay ng kapuwa.
Punan ng detalye ang pagtalakay sa iyong karanasan.

Pag-isipan Natin
Tukuyin kung ang sumusunod na salita ay naghihinuha o hindi. Isulat ang NH kung ito ay
nagbibigay-hinuha at H kung hindi.

1. Si Andres Bonifacio ay isang bayaning Pilipino.


2. Parang uulan maya-maya lamang gawa ng madilim na kalangitan.
3. Sinabi sa balitang maraming bayan at lalawigan sa Gitnang Luzon ang nalubog sa
baha dulot ng walang tigil na ulan sa nakalipas na dalawang araw.
4. Sa tingin ko, sapat na ang paliwanag na ibinigay ng ating guro upang malaman
natin ang aralin sa araw na ito.
5. Naku, sa aking palagay, dapat ka nang magpatingin sa doktor. Ilang araw na rin
ang iyong pabalik-balik na lagnat.
6. Ang pagmamahal sa ina ay katumbas ng pagpapahalaga sa buhay.
7. Tila hindi mga tao kung ituring ang basta mga pinapatay na lamang sa lansangan.
8. Ang araw sa Pilipinas ay sumisikat sa Silangan.
9. Marahil ay masaya si Nena ngayon sa dami ng mga natanggap niyang regalo sa
kaniyang kaarawan.
10. Mag-aalas diyes na nang magsimula ang klase nina Kael sa ikalawang baitang.

13
Aralin 3
Mga Pahayag sa Paghihinuha ng Pangyayari

Layunin Natin
Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang nasusuri ang mga pahayag na
ginamit sa paghihinuha ng pangyayari.

Pag-aralan Natin

Nagawi ka na ba sa mga lugar na tulad ng sa Quiapo na


sunod-sunod ang mga nakalatag na mesang may bolang
Kristal at mga baraha? Pamilyar ka ba sa sikat na
manghuhulang si Madam Awring? Iyong mga horoscope ni
Master Hanz Cua sa telebisyon, alam mo rin ba? Kung ang
sagot mo ay oo, nangangahulugan itong hindi kaila sa iyo
ang mga gawaing may kinalaman sa panghuhula. Sa ating
aralin ngayon hinggil sa paghihinuha, isang bagay ang
kaparis nito sa panghuhula: kapuwa tinutukoy ng dalawa
ang maaaring mangyari sa hinaharap.

14
Ayon sa UP Diksyunaryo Filipino ang salitang hinuha ay nangangahulugang isang hatol, pasya,
opinyon, o palagay na ginawa batay sa mga katibayan at pangangatuwiran.

Kung gayon, ang paghihinuha ay isang gawain ng pagpapalagay. Bagama’t may malaking kaibahan
ito sa panghuhula; ang lahat ng tao ay maaaring manghula nang walang kahit anong batayan hinggil
sa isang bagay na hinuhulaan, sa paghihinuha ay hindi. Ang paghihinuha ay nangangailangang
makabuo ng isang matalinong pagpapalagay buhat sa isang pangyayari sa pamamagitan ng sapat na
kaalaman tungkol sa paksa, pagsusuri, at pagsasaalang-alang sa mga detalye o pangyayari. May mga
pagkakataong maaaring magamit dito ang kasanayan sa context clues.

Sa pagpapahayag ng hinuha, gumagamit tayo ng mga susing salitang nagiging hudyat na ang isang
pahayag na ating ipinababatid ay bunga ng paghihinuha.

 Tila
 Tila isang malaking sampal ang sanaysay ni Gat. Emilio Jacinto sa mga politikong ganid sa
kapangyarihan at bulag sa abang kalagayan ng lipunang Pilipino.

 Marahil
 Marahil, kung magpapabulag tayo sa ningning ay hindi natin makikita ang tunay na liwanag
na higit na mahalaga para sa pagsulong ng bayan.

 Siguro
 Siguro kung matalas lamang tayo sa pagkilatis ng maningning at maliwanag, higit nating
mapabubuti an gating mga sarili at makalalayo tayo sa masasamang gawi.

 Sa/ang tingin ko…


 Sa tingin ko, ang sanaysay na Ang Ningning at ang Liwanag ni Emiliio Jacinto ay bunga ng
kaniyang malalim na pagsusuri sa masamang pamamalakad ng mga Espanyol sa ating mga
kababayan noon.

 Sa palagay ko…
 Sa palagay ko, inuudyok tayo ni Emilio Jacinto na maging mapanuri sa ating mga nakikita at
natutunghayan sa ating kapuwa.

 Baka
 Baka naman kaya tayo nasisilaw sa maniningning na bagay ay dahil mababaw ang ating mga
pagpapahalaga sa buhay.

 Yata
 Kung pagbabatayan ang sanaysay ni Emilio Jacinto, marami yata noon sa mga Pilipino ang
madaling nasilaw ng ningning na ibinandera ng mga dayuhan at iilan lamang nakakita sa
busilak na liwanag.
15
Sagutin Natin
1. Ano ang paghihinuha?
2. Ano ang pagkakatulad at pagkakaiba ng paghihinuha at panghuhula?
3. Ano-anong salita ang ginagamit sa pagpapahayag ng hinuha?

Subukan Natin
1. Paano makapagpapahayag ng hinuha ang isang tao?
2. Bakit mahalagang mabatid ang iba’t ibang mga pahayag sa paghihinuha?

Isaisip Natin
Gamit ang mga pahayag sa paghihinuha, ano sa iyong palagay ang kahihinatnan ng kabataang
Pilipino limang taon mula ngayon?

Pag-isipan Natin
Punan ng angkop na pahayag ng paghihinuha ang sumusunod na pangungusap.

1. Ang ____________ nga, e, talagang mahihirapan tayong ibalik ang kapayapaan sa ating
bayan kung naglipana ang mamamatay-tao sa paligid.

2. Wala na ______________ siyang ina kaya gayon na lamang ang pananabik niya sa
kaniyang mga tiyahin tuwing dumadalaw ang mga ito sa kanila. 16
3. ___________ naman kaya ka nagkakaganyan ay dahil hindi mo pa napatatawad ang iyong
sarili.

4. Wala na ____________ puwang ang paggalang sa karapatang-pantao sa kasalukuyang


panahon, kahit sanggol ay nakukuha nang pagsamantalahan.

5. ___________, kung marunong akong umawit, ako na lamang siguro ang kumanta sa
pagdiriwang ng kasal nina Tiya Clara at Tiyo Homer.

6. ___________, itinadhana ang ating pagtatagpo-tagpo upang matutuhan sa bawat isa kung
paano ang wagas na pagmamahal ng magkakaibigan.

7. ________ hindi napapagod ang mga mambabatas sa kanilang pagdedebate kung panahon
na nga bang palitan ang konstitusyon n gating bansa.

8. Aba, ___________________, wala nang makatatalo pang muli kay Manny Pacquiao sa
susunod niyang mga laban ng boksing.

9. Hindi na nga _________ ako makadadalo sa pagdiriwang ng kasalanan ni lola Merced,


sobrang sakit talaga ng tiyan ko.

10. Bakit kahit anong higpit ng sinturon ang aking gawin, _______ hindi ako nakapag-impok
ng salapi para sa aking sarili?

17
Aralin 4
Pagsulat ng Talatang Naghihinuha

Layunin Natin
Pagkatapos ng araling ito, ang mga mag-aaral ay inaasahang naisusulat ang isang talatang
naghihinuha ng ilang pangyayari sa teksto.

Pag-aralan Natin
Ang mga tekstong nagsasalaysay, tulad ng akdang
pampanitikang sanaysay, ay naglalaman ng
magkakaugnay na kaisipan, pananaw, detalye,
katotohanan, at pagsusuri ng may-akda na inilahad sa
malinaw at maayos na paraan. Ang isang sanaysay ay
maaaring binubuo ng isa o higit pang talata, komporme
sa kahingian ng akdang maipaliwanag ang lahat ng
puntong nais iparating ng nag-akda. Madalas, ang isang
sanaysay ay nakapaglalaan ng isang buong talata upang
ilahad ng may-akda ang kaniyang mga paghihinuha
hinggil sa mga danas, suliranin, o isyung nakaugnay sa
paksang tinatalakay ng kaniyang akda. Tandaan, ang
mga hinuhang inilalahad sa bawat akdang sulatin ay
dapat na may batayan at matalinong napag-aralan
sapagkat malaki ang epekto nito sa magiging
mambabasa, gayundin ay sumasalamin ito sa paraan ng
pag-iisp ng may-akda na maaaring matasa ng kaniyang
mambabasa.

Sa ating mga naunang aralin, tinukoy nating ang


paghihinuha ay isang gawain ng pagpapalagay nang
nakabatay sa ebidensiya o katotohanang ating nakalap
hinggil sa paksang bibigyan ng hinuha. Ngayon naman, 18
sa pagsulat ng talatang naghihinuha, mahalagang taglayin sa ating mga pahayag ang mga salitang
ginagamit sa paghihinuha. Magagamit ang mga ito sa pagpapadaloy ng mga ideya sa pagsulat ng
talatang naghihinuha.

Ang talata ay bahagi ng isang


nakasulat o nakalimbag na tekstong
kadalasan ay tumatalakay sa isang
tiyak na ideya.

Itinuturing na isang maikling katha ang talata, na


binubuo ng mga pangungusap na magkakaugnay, may
balangkas, may layunin, at may pag-unlad ang kaisipang
nakasaad tungkol sa pamaksang pangungusap, na maaaring lantad o di-lantad. Nilalayon ng isang
talatang ipakita ang isang ganap na kaisipan sa tulong ng mga pangungusap na magkakaugnay.

Narito ang isang halimbawa:

Mayaman ang poklorikong Filipino na kinabibilangan ng ating mga mito,


alamat, at kuwentong-bayan. Sinasalamin ng mga pasalitang tradisyong ito ang
pamumuhay at paniniwala ng ating mga ninuno, na bumabalangkas sa kanilang mga
paniniwala, kaugalian, at kultura. Hindi lamang libangan at pampalipas ng oras, ginamit
din ito ng ating mga ninuno para magturo ng mahahalagang aral at magkintal ng
kanilang mga tradisyon at paniniwala sa mga susunod na salinlahi. Sa panahon ng
umaabanteng karunungan ng siyensya, totoong sa kasalukuyan, ang mga ito ay nagiging
kathang-isip na lamang at itinuturing na mga simpleng kuwentong pambata na lamang,
ngunit mahalagang masuri ang mahahalagang ambag nito sa ating pagkakakilanlan
bilang isang bansa. Karaniwang maiiksi at may payak na banghay, ang mga mito,
alamat, at kuwentong-bayan ay pawang madaling basahin at maikuwento sa iba.

19
Mga Katangian ng Isang Mabisang Talata

Upang maging mabisa ang paglalahad o pagsasalaysay ng isang teksto, kailangang maging mahusay
rin ang pagkakabuo at pagkakasulat ng talata. Kinakailangang taglay ng isang talata ang sumusunod
na katangian upang ito ay maging maayos at epektibo.

Ito ay mapupuna sa talatang malinaw na


nailahad ang layunin sa pagsulat ng talata.
Halimbawa, kung ang layunin ng talata ay
makapagbigay ng impormasyon, marapat na
sumasagot ito sa tanong na “nakapagbigay ba
Kaganapan ito ng sapat na impormasyon tungkol sa
kaisipang paksa?” Samantala, ang talatang may
layuning maghinuha ay dapat na sumasagot sa
tanong na “malinaw bang nabuo ang
pahihinuha sa talata?”

Ang talata ay binubuo ng mga pangungusap na


magkakatuwang ang bawat bahagi para
Kaisahan magpahayag ng iisang diwa at sumuporta sa
kaisipang paksa ng talata.

20
Ang mga pangungusap sa talata ay may
wastong pagkakasunod-sunod at ang mga
Kaayusan pantulong na kaisipan at patunay ay may
lohikal na pagkakaayos.

Dapat na magkakaugnay ang mga


pangungusap na bumubuo sa isang talata.
Ang pagkakaugnay-ugnay na ito ang
magsusuma ng isang diwa, ideya, o
kaisipang ipinababatid ng talata. Madulas
Pagkakaugnay- ang transisyon ng mga ideya kung wastong
ugnay nagagamit ang angkop na mga salitang
pang-ugnay sa pagtatahi ng mga
pangungusap. Nagiging gabay ito sa mga
mambabasa para sa hustong pagkaunawa sa
talata.

Sa kabuuan, ang pagsulat ng talatang naghihinuha ay tulad ng


pagsulat ng talatang naglalahad ng matalinong pagpapalagay, na
nakabatay sa katuwiran, kaalaman, pagsusuri, at pagsasaalang-
alang sa mga detalye o pangyayari sa isang nabasang akda,
napakinggang ulat, o napanaood.

21
Sagutin Natin
1. Ano ang talata?
2. Ano-ano ang katangian ng isang mabisang talata?
3. Paano masasabing may kaisahan ang isang talata?

Subukan Natin
1. Maaari bang maging mabisa ang isang talatang hindi nagtataglay ng lahat ng mga
katangiang nabanggit sa aralin?
2. Bakit mahalaga ang pagkakaroon ng mabisang talata sa loob ng isang teksto?

Isaisip Natin
Paano kaya makatutulong ang mabisang pagsulat ng talatang naghihinuha sa
iyong mga aralin?

22
Pag-isipan Natin
Hanapin at bilugan ang sampung susing salitang may kaugnayan sa naging aralin.

K K I P A M I L Y A R D G G J I N R J V Z D X
A A R K O P F G C X H B A E G A F A Z B D I E
N I D F E B I D A K A I S A H A N L L G N G B
G S N G K O B I L O B A S A K A N A A E I E I
H I R S A C H E L S O N N M E D I A W F I L D
E P R A H U K A G A N A P A N I T A I F K S E
L A Y N U B E E L D R X Z I P Q U R A I K S N
S N N A L L P Y N A E R R O R S G H U G A A S
A D U Y U L I U K O N O T A S Y P N P Y S I I
L E F S G H P A G K A K A U G N A Y U G N A Y
U N D A A R I H A R M A K E R A K I N S L O A
K A A Y U S A N A L L E S T A C S E B L U R R
A E M D P H Y E A R N I N Y S A A I K O N G A
K L A U P A G H I H I N U H A G Q M N G G R Y
S U Y I R E N J N M C X F H L N W Q R J A D V
K O N T E K S T A L A T A A P A H I W A T I G

23
Gawin Natin
Sumulat ng isang talatang naghihinuha hinggil sa maaaring kahinatnan ng Oplan Tokhang na
patakaran ng kasalukuyang pamahalaan. Gumamit nang wastong mga pahayag o salitang naghihinuha
sa loob ng talata. Gawin ito nang computerized sa isang malinis na bond paper.

Rubrik sa Pagtataya
Lagyan ng tsek ang talaan nang angkop na marka batay sa nakasaad na mga pamantayan. Ang 1
bilang pinakamababa at ang 6 bilang pinakamataas na punto.

Pamantayan sa Gawain 1 2 3 4 5
1. Maayos ang pagkakagamit ng mga pahayag
na naghihinuha
2. Mailalahad ang daloy ng ideya nang may
kaayusan
3. Wasto ang pagkakabuo ng pangungusao at
paggamit ng pang-ugnay
4. Nailalahad ang kaisipan at katuwiran
Kabuuang puntos

Interpretasyon:

16 – 20 : Napakahusay
11 – 15 : Mahusay
6 – 10 : Katamtaman
1–5 : Nangangailangan pa ng pagsasanay

24
Paglalagom

Pangunahing Mga pantulong


kaisipan na kaisipan

Sanaysay

Mga pahayag sa
paghihinuha

Talata ng Pagbibigay ng
paghihinuha Paghihinuha hinuha

25
Dapat Tandaan
 Ang sanaysay ay akdang pampanitikang naglalaman ng personal na kuro-
kuro ng may-akda tungkol sa isang usapin, na kaniyang ibinabatay sa
damdamin, karanasan, kaalaman, pagsusuri, at pananaliksik. Ito rin ay isang
“nakasulat na karanasan ng isang sanay sa pagsasalaysay” ayon kay
Alejandro Abadilla. Habang ayon naman kay Dr. Samuel Johnson, ito ay
“isang malayang igpaw ng pag-iisip.”

 Ang pangunahing kaisipan ay ang pangkalahatang mensaheng ipinababatid


ng isang akda, na karaniwang matatagpuan sa unahan o hulihang bahagi ng
akdang binasa. Samantalang ang pantulong na kaisipan naman ang
pansuportang mga ideya, karagdagang detalye, at kaalamang nagpapatibay at
nagbibigay-linaw sa pangunahing kaisipan.

 Ang paghihinuha ay ang pagbibigay ng palagay hinggil sa nabasang teksto


na nakasalig sa makatuwirang pagkilatis sa mga detalyeng nakapaloob sa
salaysay.

 Upang makapaghinuha, kinakailangang gumamit ng mga salitang


nagpapahayag ng paghihinuha gaya ng ang/sa tingin ko, marahil, siguro,
yata, baka, sa palagay ko, at tila.

 Upang maging mabisa ang paglalahad o pagsasalaysay ng isang teksto,


kailangang maging mahusay din ang pagkakabuo at pagkakasulat ng talata na
nakasalig sa katangian ng isang mabisang talata gaya ng kaganapan, kaisahan,
pagkakaugnay-ugnay at kaayusan.

26
Pagyamanin Natin
Ang sumusunod na mga linsk ay maaaring basahin para sa karagdagang impormasyon sa mga aralin.

 Paghihinuha at Paghula sa Kalalabasan ng Pangyayari


https://thesilentlearner2014.blogspot.com/2014/06/filipino-2-paghihinuha-at-paghula-sa.html

 Pagsasalaysay at Paghihinuha
https://www.scribd.com/doc/28500035/Aralin-3-Pagsasalaysay-at-Paghihinuha-i-panimula-
Magandang-Araw

Susi sa Pagwawasto

Aralin 1: Mga Pangunahin at Pantulong na Kaisipan sa Sanaysay

Subukan Natin
1. Ang pagtukoy sa pangunahin at mga pantulong na kaisipan ay katumbas ng pag-iisa-isa sa
mahahalagang puntong inilatag ng may-akda sa loob ng kaniyang sanaysay. Ito ang
magsisilbing katawang pagtatahi-tahiin upang mailagom o mabuod nang husto ang akda.
2. Mahalaga ang kasanayan sa pagtukoy ng pangunahng kaisipan sapagkat dito nakasalalay ang
tumpak na pagkaunawa ng isang mambabasa sa kaniyang binabasa o binasang teksto. Kritikal
ito sa proseso ng pagkuha ng pangkalahatang mensaheng nais ipaabot ng manunulat sa
pamamagitan ng kaniyang sanaysay, gayundin para sa proseso ng pagsusuri sa akda at
paglalagom.

Isaisip Natin

Maaaring magkaiba-iba ang sagot ng mga mag-aaral. Mahalagang bigyang-pansin ang paggamit
nila sa araling ito para sa kanilang pagpapabuti ng kasanayan sa pagsulat at pagbasa. Bigyang
puna rin ang kawastuhang balarila ng daloy ng kanilang paliwanag.

27
Aralin 2: Kahulugan ng Salita: Nagbibigay ng Hinuha

Subukan Natin
1. Malayang ipinahahayag ang hinuha ng kahit sino, bagama’t may kaakibat itong
responsibilidad sa kinauukulan ng paghihinuha, o sa taong katalakayan ng naghihinuha.
Sapagkat ang paghihinuha’y maaaring maging positibo o negatibo, mahalagang maging
sensitibo sa mararamdaman at rasyonaleng opinyon ng iba upang hindi makasakit o
makalikha ng hidwaan dito.
2. Mahalaga ang paghihinuha ng bawat isa sa atin sapagkat nagiging batayan natin ito ng lawak
ng ating interes at/o kaalaman hinggil sa mga tiyak na paksang pinag-uusapan sa mga
publikong talakayan, sa loob ng klase, at maging sa ating mga tahanan. Sa pamamagitan din
ng paghihinuha, nakapagbibigay tayo ng sariling pananaw sa isang talakayan, nakapagsasanay
na makapagbulalas ng ating saloobin tungkol sa mga nakasanayan na sa ating pang-araw-araw
na buhay, at napagyayaman an gating kasanayan sa pakikipagtalastasan sa kapuwa.

Isaisip Natin
Maaaring magkaiba-iba ang sagot ng mga mag-aaral. Mahalagang bigyang-pansin ang kabuuan ng
detalyeng inilatag ng mag-aaral. Bigyang-puna rin ang kawastuhang balarila ng daloy ng kanilang
paliwanag.

Aralin 3: Mga Pahayag sa Paghihinuha ng Pangyayari

Subukan Natin
1. Makapagpapahayag ang isang tao ng kaniyang hinuha matapos niyang masuri ang paksang
kaniyang tatalakayin o bibigyan ng paghihinuha. Maaari rin namang magsaliksik siya nang
mas malalim, o maaaring maghinuha siya nang batay sa kaniyang napagdaanan nang mga
karanasang may kaugnayan sa paksang pagpapalagayin. Mahalagang maipahayag ang hinuha
sa pamamagitan ng mga susing pahayag o salita bilang hudyat ng akto ng pagpapalagay.
2. Mahalagang mabatid ang iba’t ibang pahayag na ginagamit sa pagpapahayag upang maging
tiyak ang pagpapaabot ng mensaheng eksakto sa iyong nais na maipabatid sa kausap, sa
kinauukulan, o sa iyong sulatin. Mahalaga rin ito upang mapagyaman ang iyong kaalaman sa
balarila, na kalaunan ay masasalamin sa iyong kasanayan sa mas hustong pagsusuri ng mga
babasahin at napapakinggan at pagsulat ng iyong sariling sulatin.

Isaisip Natin
Maaaring magkaiba-iba ang sagot ng mga mag-aaral. Mahalagang bigyang-pansin ang kabuuan ng
detalyeng inilatag ng mag-aaral nang may wastong paggamit sa mga pahayag ng paghihinuha.
Bigyang-puna rin ang kawastuhang balarila ng daloy ng kanilang maikling sulatin.

28
Aralin 4: Pagsulat ng Talatang Naghihinuha

Subukan Natin
1. Hindi, sapagkat ang lahat ng katangiang nabanggit sa aralin ay magkakaugnay sa isa’t isa.
Kung mapapansin, halos magkakapareho ang diwa ng mga katangiang ito, nagkakaiba-iba
lamang kung paano sila isagawa at mapuna o masuri sa isang talata.
2. Unang-una, ang talata ay bahaging komposisyon ng isang sulatin na naglalaman ng tiyak na
kaisipan at layunin sa sarili nitong kabuuan. Ikalawa, inaasahan ang bawat talatang maging
mabisa upang madaling makuha ng mambabasa ang wasto at tiyak na kaisipang nais iparating
ng bahaging ito ng isang teksto. Kaya naman, sa kabuuan, mahalaga ang pagkakaroon ng
mabisang talata sa loob ng isang teksto upang maging susi ito sa tumpak na pagkaunawa ng
mambabasa sa pangkalahatang mensaheng nais iparating ng may-akda.

Isaisip Natin
Maaaring magkaiba-iba ang sagot ng mga mag-aaral. Mahalagang bigyang-pansin ang kabuuan ng
detalyeng inilatag ng mag-aaral nang may wastong pag-uugnay ng aralin sa kaniyang pang-araw-
araw na danas bilang mag-aaral. Bigyang-puna rin ang kawastuhang balarila ng daloy ng kanilang
maikling sulatin.

Sanggunian
Correa, Ramilito. Baybayin 7: Paglalayag sa Wika at Panitikan (Batayan at Sanayang Aklat sa
Filipino). Recto, Manila: Rex Book Store, Inc., 2015.

Dayag, Alma M. Pinagyamang Pluma 7. Unang Edisyon. Lungsod ng Quezon: Phoenix Publishing
House, Inc., 2017.

Dela Cruz- Oracion, Leonora. Gantimpala 7: Pinagsanib na Wika at Panitikan. Sta. Ana Manila:
Innovative Educational Materials, Inc., 2015.

29

You might also like