You are on page 1of 2

Pagpupunyagi (Kuwento ng buhay ni Elmer Festin)

Ang landas ng buhay na ating binabagtas


Mahirap tahakin lalo na kung tayo’y nakayapak –
Mga lubak na hindi mapansin ay ating natitisod
Matatalas na batong di maiwasan ay nayayapakan
Pati tinik ng dahong mariang sumusugat sa ating talampakan.

Ang taong hindi handa sa pagtahak nitong landas


Sa ilang hakbang pa lamang niyang magawa –
Kahihinaan na ng loob at pangangatugan na ng mga tuhod
Hindi malayong babalik sa pinanggalingan
Di kaya’y mangingipuspos at sasalampak na lamang sa daan.

May isang taong sa murang gulang ay naglakas-loob


Nagpakatatag at taimtim na nagdasal sa Panginoon
Na harinawa sa paglisan sa sinilangang Bantoon, isla ng Rombon
Patnubayan siya sa kanyang paglayag at tatahaking landas
Bigyan din ng malinaw na pag-iisip at katawang malakas.

Masakit iwanan ang isang bayang tulad ng Bantoon


Islang animo’y tuldok sa mapa ng Romblon
Di man pansinin, ito’y mahalagang itinuring
Ng mga Kastilang dumating noong unang panahon sa ating bansa
Kaya’t sa aklat ng ating kasaysayan siya’y naitala.

Ito ang kuwento ng buhay ni Elmer Festin


Isang taong may ngiting agad mapapansin
Napadpad sa Cebu kung saan siya’y nahikayat
Suungin ng buong tapang, masalimuot na buhay –
Na wala namang pag-atubili at matatag niyang hinarap.

Ilang taon din siyang dito ay nagturo


Naglinang ng dunong ng mga kabataan
Hanggang sa siya ay kawayan ng kapalaran
Na nangako sa kanyang sa dakong katimugan
Siya ay makakatamo ng pinapangarap na kasaganaan.

Dala ay kakaunting pera na sa bulsa ay kakalog-kalog


Pilit winaglit ang pag-aalala at takot sa dibdib na kakabog-kabog
Hindi rin alintana ang mga tuhod na nangangatog
Siya ay naglakas-loob na pumalaot at tumango’ sa tawag ng kapalaran –
Ipinasa-Diyos na lamang, magiging bunga ng kapangahasan.

Sa Notre Dame, sa Tacurong siya ay napadpad


Paaralang sa bayang ito ay pinagkakapitagan
Limang mga gusali nang panahong iyon ang kanyang nadatnan
Pinangangasiwaan ng mga pare at madre na Oblates of Mary kung tawagin
At katulad ni Elmer, pagtulong sa kapwa ang sinusunod na adhikain.

Nakitaan siya ng kakaibang sigla sa pagturo


Dahil hindi lang sa mga aklat, mga estudyante niya ay natuto
Naibahagi rin niya ang kaunti niyang kaalaman
Pati sa gymnastics na para sa mga estudyante’y bagong larangan
Kaya napasigla niya ang dati’y matamlay na kapaligiran.

Anupa’t si Elmer ay nakilala hindi lang sa loob ng Notre Dame


Dahil ang galing niya sa pagturo, sa iba ay nakatawag pansin
Kaya nang magkaroon ng Polytechnic Institute sa bayang ito
Binuksan nila para sa kanya ang kanilang pinto
Upang makibahagi sa kagalingan ng kanyang pagturo.

Sa bago niyang malawak na kapaligiran at hitik sa iba’t ibang halaman


Lalo pang sumidhi ang kanyang hangad na makahubog ng kabataan
Hindi naman nasayang ang marangal niyang adhikain
Dahil taos-pusong pasasalamat ay kanyang naramdaman at natanggap
Mula sa mga estudyanteng binigyan niya ng pag-asa ang mga hinaharap.

Natupad ang pangarap ni Elmer na maibahagi ang kanyang kaalaman


Napatunayan niya na kakapusan sa pera ay hindi hadlang
Hindi rin nasayang ang kanyang pagpunyagi magmula pa sa kanyang kabataan
Kahi’t sa pagtahak niya sa landas ng buhay siya’y nakayapak lamang
Dahil alam niyang sa dulo nito’y mayroong walang hanggang kapayapaan.

(Si Mr. Festin ang nagbigay ng pagkakataon sa may-akda upang mahasa niya ang kanyang kakayahan sa pagsulat. Hinirang siya
ni Mr. Festin bilang patnugot ng “The Green Ember”, pahayagan ng high school department ng Notre of Tacurong noong 1966,
kahi’t siya ay nasa first year pa lamang. Ang tiwala at dagdag kaalaman sa pagsulat na ibinigay sa kanya ni Mr. Festin ang
naging kasangkapan niya sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay. Kulang ang mga kataga ng tula upang maipadama ng may-
akda ang taos-pusong pasasalamat.)

You might also like