You are on page 1of 5

Aralin 4

Tekstong Prosidyural

"Isang hamon sa kalakaran ng makabagong pamumuhay


Umunawa, sumulat, at sumunod sa prosesong pumapatnubay."

Sa panahon ngayon na ang karamihan sa mga produkto ay tinatawag na do-it-yourself, at


ang ilang serbisyo ay nangangailangan ng self service, napipilitan tayong gumawa ng mga bagay
na dati-rati ay iniaasa natin sa iba. Ngunit hindi naman ganoon kahirap gawin ang mga ito dahil
may mga gumagabay sa ating mga instructional booklet at ilang mga paalala.

Alam Mo Ba?
Ang DoltYourself.com ay isa sa mga nangungunang website na tumutulong sa mga nais
magkumpuni at magpaganda ng sariling bahay. Ang mga taong ito ay hindi na kumukuha ng
mga ekspertong susuwelduhan. Pinarangalan ang website na ito ng Time Magazine bilang "One
of the Top 50 Sites in the World." Maliban sa napakarami at napakalawak na paksa at iba't ibang
bagay na matututuhan mula sa site na ito, ay mayroon din itong mga forum na nagbibigay-daan
upang makipag-ugnayan ang mga bumibisita sa website sa kapwa nilang nagnanais ding gamitin
ang website upang matutong magkumpuni at magpaganda ng sariling bahay. Binibigyan din silá
ng pagkakataong humingi ng payo sa mga eksperto.
Ang site na ito ay sinimulan noong 1995 na naglalayong tumulong sa mga mamimili na
makakuha ng mga impormasyon sa pagkukumpuni ng bahay. Sa kasalukuyan, ang DoltYourself
site ay binibisita bawat buwan ng limang milyong tao mula sa iba'ibang bansa. Dito,
nakapupulot sila ng mga prosidyur kung paano gawin ang mga bagay na kailangan nilang
malamnan sa pagkukumpuni. Pinadadali nito ang kanilang buhay dahil sa isang klik lang ay
mababasa at kung minsan ay mapapanood pa ang mga paraan kung paano gawin ang isang
bagay.

Sanggunian: http://www.doityourself.com/aboutus

Ang Tekstong Prosidчural


Isang espesyal na uri ng tekstong ekspositori ang tekstong prosidyural. Inilalahad nito ang
serye o mga hakbang sa pagbuo ng isang gawain upang matamo ang inaasahan.
Nagpapaliwanag ito kung paano ginagawa ang isang bagay. Layunin nitong maipabatid ang mga
wastong hakbang na dapat isagawa. Sa panahon ngayong maraming mga bagay ang sinasabi
nilang do-it-yourself o 'yong mga bagay na sa halip na kumuha ng iba pang gagawa ay ikaw na
mismo ang gagawa, nararapat lamang na marunong tayong umunawa sa mga prosidyur na
nakalakip dito. Ang wastong pag-unawa sa mga prosidyur ang gagabay sa atin upang
matagumpay na maisagawa ang isang bagay.
Hindi sapat na marunong tayong umunawa sa mga tekstong prosidyural, dapat ding
magkaroon tayo ng kakayahang sumulat ng isang prosidyur na mauunawaan ng lahat. Sa
pagsulat ng tekstong prosidyural, kailangang malawak ang kaalaman sa paksang tatalakayin.
Nararapat ding malinaw at tama ang pagkakasunod-sunod ng dapat gawin upang hindi malito o
magkamali ang gagawa nito. Ang isa pang dapat tandaan ay ang paggamit ng mga payak ngunit
angkop na salitang madaling maunawaan ng sinumang gagawa. Nakatutulong din ang
paglalakip ng larawan o ilustrasyon kasama ng mga paliwanag upang higit na maging malinaw
ang pagsasagawa sa mga hakbang. Dapat pakaisiping layunin ng tekstong prosidyural na
maipaliwanag nang mabuti ang isang gawain upang maisagawa ito nang maayos at tumpak, kaya
nararapat lamang na maisulat ito sa paraang mauunawaan ng lahat.
Tingnan sa ibaba at sa susunod na pahina ang mga halimbawa ng tekstong prosidyural.
Ating suriin kung madali bang unawain ang mga ito.

Mga Halimbawa ng Tekstong Prosidyural

Ang Paggawa ng Parol

Mga Kakailanganin:

10 patpat ng kawayan, 4 pulgada ang lapad at 10 pulgada ang haba


4 na patpat ng kawayan, ¼ pulgada lapad at 3½ pulgada ang haba
papel de hapon o cellophane
tali

Unang Hakbang:

Bumuo ng dalawang bituin gamit ang mga patpat ng kawayan.

Ikalawang Hakbang:

Pagkabitin ang mga dulo ng kawayan gamit ang mga inihandang tali.

Ikatlong Hakbang:

Ilagay sa gitna ng pinagkabit na kawayan ang apat na patpat ng kawayan para lumobo ang
balangkas ng iyong parol. Gayahin ang nasa larawan.
Ikaapat na Hakbang:

Balutin ng papel de hapon o cellophane ang balangkas ng parol. Kung nais mong gumamit ng
iba't ibang kulay ay puwede. Maaari mong gamitin ang pagiging malikhain mo.

Ikalimang Hakbang:

Maaari mong palamutian ang iyong parol ng mga palara. Maganda rin kung lagyan ito ng buntot
na gawa sa papel de hapon.

Resipi ng Kare-Kare

Mga Sangkap:

1 buntot ng baka
2 pata ng baka
1 taling sitaw
1 taling petsay
2 talong
½ tasang mani
½ tasang bigas
atsuwete
asin
bawang
sibuyas

Paraan ng Pagluluto:
Ihanda ang sumusunod na mga sangkap:

 Dikdikin ang bawang.


 Hiwain ang sibuyas, panggisa.
 Putol-putolin ang sitaw.
 Hiwain ang petsay.
 Hiwain nang pahalang ang talong.
 Isangag ang mani at ang bigas. Dikdikin ito nang pinong-pino.
 Sa isang mangkok, lagyan ng isang kutsarang lihiya ang atsuwete.
 Hiwain ang buntot at pata ng baka sa tamang laki. Palambutin.
Igisa ang bawang at ang sibuyas. Pagkatapos ay ihalo ang pinalambot na buntot at pata ng
baka. Isunod naman ang sabaw na pinaglagaan ng buntot at pata ng báka. Timplahan ng asin.
Pagkulo, ihalo ang pinong bigas at mani. Isunod ang mga hiniwang gulay. Pagkatapos ay
kulayan ng atsuwete upang pumula. Ngayong tapos na ang kare-kare ay maaari na itong ihain.
Gamiting sawsawan ang bagoong.

Paraan ng Pag-aaplay ng Lisensiya sa Pagmamaneho


Kung nais mong magkaroon ng lisensiya sa pagmamaneho, ang una mong itatanong sa
iyong sarili ay kung anong uri ng lisensiya ang iyong kukunin. May dalawang uri ng lisensiya,
ang professional at ang nonprofessional. Professional driver's license ang kukunin kung
kakailanganin mo ito sa iyong hanapbuhay. Ito ang mga lisensiya ng mga family, jeepney, bus,
taxi, trak, o tricycle driver. Nonprofessional driver's license naman kung gagamitin mo ito sa
pribadong pagmamaneho.
Mga kailangang tandaan bago mag-aplay ng lisensiya sa pagmamaneho Sagutin mo ang mga
tanong ng oo o hindi.
 Ikaw ba ay 18 taong gulang na o higit pa?
 Mayroon ka na bang student permit mula sa Land Transportation Office (LTO)? Kung
mayroon na, ang iyong student permit ba ay isang buwan na o mahigit pa?
 Marunong ka na bang magmaneho?
 Mayroon ka na bang medical certificate na nagpapatunay na ikaw ay may malusog na
pangangatawan at maaaring makapagmaneho? Ang iyong medical certificate ba ay
nagmula sa isang klinika na accredited ng LTO?

Kung ang sagot mo sa lahat ng katanungan sa itaas ay oo, maaari ka nang pumunta sa
anumang opisina ng LTO.

Unang Hakbang: Pumunta sa customer service center at kumuha ng application form.


Bibigyan ka rin ng bilang para alam mo kung pang-ilan ka sa pila ng ipo-prosesong aplikasyon.
Ang larawan sa kanan ay ang application form para sa lisensiya. Kompletuhin ang mga
hinihinging detalye sa form.

Ikalawang Hakbang: Ipasa sa evaluation counter ang nakompletong application form. Dito ay
titingnan ng evaluator kung kompleto at wasto ang mga datos na isinulat mo sa application form.

Ikatlong Hakbang: Hintaying tawagin ka para sa pagkuha ng larawan at pirma.

Ikaapat na Hakbang: Kapag muling tinawag ang pangalan ay magbayad na ng application fee.

Ikalimang Hakbang: Pumunta sa examination room upang sagutan ang pasulat na pagsusulit.
Hintayin ang resulta ng pagsusulit. Kung ikaw ay pumasa, maghintay na tawagin ka para sa
ikaanim na hakbang.
Ikaanim na Hakbang: Pagsusulit na aktuwal. Kasama ng isang opisyal ng LTO, ikaw ay
aktuwal na magmamaneho upang matiyak kung karapat-dapat kang bigyan ng lisensiya sa
pagmamaneho. Kapag nakapasa ka ay pupunta kang muli sa kahera upang bayaran ang iba pang
dapat bayaran.

Huling Hakbang: Hintaying tawagin ka para sa pagkuha ng iyong bagong lisensiya. Ipakita ang
resibo upang makuha ito.

Naunawaan mo ba ang mga tekstong iyong binasa? Kaya mo bang gawin ang mga bagay na
ipinagagawa sa tulong ng mga binasa mo? Ano-anong salita ang naging hudyat upang malaman
natin ang susunod na mga dapat gawin?
Ang tawag sa mga salitang ito ay mga panandang pandiskurso na naghuhudyat ng
pagkakasunod-sunod. Ang ilan pang halimbawa na naghuhudyat ng pagkakasunod-sunod ay
pagkatapos, sa huli, ang susunod, kasunod.

You might also like