You are on page 1of 3

MODULE 2: MGA ISYU SA KASARIAN AT LIPUNAN

Ano ang diskriminasyon?

Ang diskriminasyon ay tumutukoy sa anumang pag-uuri, eksklusyon, o restriksyon batay sa kasarian na


naglalayon o nagiging sanhi ng hindi pagkilala, paggalang, at pagtamasa ng lahat ng kasarian ng kanilang mga karapatan
o kalayaan.

Diskriminasyon sa Kalalakihan

Marahil ang Pilipinas ay isang patriyarkal na bansa kaya mataas ang pagtingin sa kalalakihan sa lipunan. Subalit
may mga pagkakataon ding sila ay nakararanas ng diskriminasyon. Ginagawang paksang biro ang pagtawag ng ‘House
husband’ sa mga kalalakihan na naiiwan at gumaganap ng mga gawaing pantahanan.

Diskriminasyon sa Kababaihan

Ang Labor Force Participation Rate (LFPR) ng mga kababaihan ay nanatiling mas mababa kaysa sa mga
kalalakihan na maaaring maiugnay sa paglaganap ng diskriminasyon batay sa kasarian sa lugar ng trabaho partikular na
ang diskriminasyon sa pagpasok sa trabaho, pagpapanatili at pagsulong ng mga manggagawang kababaihan, sexual
harassment, agwat sa sahod at limitadong kakayahang umangkop sa trabaho.

Ang limitado at hindi pantay na pakikilahok ng mga kababaihan sa gawaing pang-ekonomiya ay may direktang
epekto sa paglago at pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Ang Labor Force Participation Rate ng mga kababaihan ay
halos 48% habang ang mga kalalakihan ay humigit-kumulang na 77% na mas mababa sa 29% kaysa sa mga kalalakihan.

Diskriminasyon sa LGBTQIA+

Ayon sa pag-aaral na inilabas ng United Nations Development Programme (UNDP) at ng United States Agency for
International Development (USAID) na may titulong Being LGBT in Asia: The Philippines Country Report, ang mga
LGBTQIA+ ay may kakaunting oportunidad sa trabaho, bias sa serbisyong medikal, pabahay at maging sa edukasyon.
Ilan sa mga halimbawa nito ay may mga kurso, propesyon, at hanapbuhay na para lamang sa babae o lalaki.

MGA KILALANG PERSONALIDAD SA IBA’T IBANG LARANGAN

ELLEN DEGENERES (lesbian)

Isang artista, manunulat, stand-up comedian at host ng isa sa pinakamatagumpay na talk- show sa Amerika, ang
“The Ellen Degeneres Show”. Binigyang pagkilala rin niya ang ilang Pilipinong mang-aawit gaya ni Charice Pempengco.
Noong Nobyembre 2011, ang Kalihim ng Estado na si Hillary Clinton ay ginawaran siya ng isang importanteng sugo para
sa Global AIDS Awareness.

TIM COOK (gay)

Ang CEO ng Apple Inc. na gumagawa ng iPhone, iPad, at iba pang Apple products. Siya ay pumasok sa
kompanyang ito noong Marso 1998. Bago mapunta sa Apple Corporation nagtrabaho rin si Cook sa Compaq at IBM, at
mga kompanyang may kinalaman sa computers.

DANTON REMOTO (gay)

Isang propesor sa kilalang pamantasan, kolumnista, manunulat, at mamamahayag. Siya ay tumanggap ng unang
gantimpala sa ASEAN Letter-Writing Contest for Young People na naging dahilan kung bakit naging iskolar siya sa
Ateneo de Manila University. Nakilala siya sa pagtatag ng Ang Ladlad, isang pamayanan na binubuo ng mga miyembro
ng LGBT.

MARILLYN A. HEWSON (babae)

Chair, Presidente, at CEO ng Lockheed Martin Corporation, na kilala sa paggawa ng mga armas pandigma at
panseguridad, at iba pang mga makabagong teknolohiya. Sa mahigit 30 taon niyang pananatili sa kompanya, naitalaga
siya sa iba’t ibang matataas na posisyon. Noong taong 2015, siya ay pinangalanang ika-20 pinakamalakas na babae sa
mundo ni Forbes. Taong 2017 siya ay napabilang sa Manufacturing Jobs Initiative sa Amerika.

CHARICE PEMPENGCO (lesbian)

Isang Pilipinang mang-aawit na nakilala hindi lamang sa bansa maging sa ibang panig ng mundo. Tinawag ni
Oprah Winfrey na “the talented girl in the world.” Isa sa sumikat na awit niya ay ang Pyramid. Noong 2010, inilabas ang
kanyang unang internasyunal na studio album na Charice at pumasok ito sa ika-pitong pwesto sa Billboard 200 na naging
dahilan upang si Charice ang kauna-unahang Asyanong solong mang-aawit na nakapasok sa kasaysayan ng Top 10 ng
tsart ng Billboard 200.

ANDERSON COOPER (gay)

Isang mamamahayag at tinawag ng New York Time na “the most prominent open gay on American television.”
Nakilala si Cooper sa Pilipinas sa kanyang coverage sa relief operations noong bagyong Yolanda noong 2013. Kilala siya
bilang host at reporter ng Cable News Network o CNN. PARKER GUNDERSEN (lalaki) Siya ang Chief Executive Officer
ng ZALORA, isang kilalang online fashion retailer na may sangay sa Singapore, Indonesia, Malaysia, Brunei, the
Philippines, Hong Kong, at Taiwan.
GERALDINE ROMAN (transgender)

Kauna-unahang transgender na miyembro ng Kongreso. Siya ang kinatawan ng lalawigan ng Bataan. Siya ang
pangunahing tagapagsulong ng Anti-Discrimination Bill sa Kongreso. Siya ay nakapagtapos ng kursong European
Languages major in Spanish and French sa Unibersidad ng Pilipinas at kumuha ng Master’s Degree in Journalism sa
Unibersidad del Pais Vasco sa Northern Spain.

KARAHASAN SA KALALAKIHAN, KABABAIHAN AT LGBTQIA+

Karahasan sa Kalalakihan

Maging ang kalalakihan ay biktima rin ng karahasan. Maaaring magsimula ito sa kanilang pamilya at maging sa
trabaho. Wala itong pinipiling edad, maging bata man o matanda. Ang pang-aabuso sa kalalakihan ay hindi
kinakailangang maging pisikal, ngunit maaaring emosyonal at seksuwal. Marami pa ring mga lalaking biktima ng
karahasan ang nahihiyang lumantad at magbahagi ng kanilang karanasan kaya walang malinaw na bilang kung ilan sa
kanila ang naging biktima ng pang-aabuso. May kalalakihang nakararanas ng seksuwal na pang-aabuso mula sa kanilang
pamilya o mga taong pinagkakatiwalaan nila na maaaring makaapekto sa kanilang damdamin o emosyon. May mga
pagkakataon na sila rin ay biktima ng pisikal na pananakit mula sa kanilang asawa o partner.

Karahasan sa Kababaihan

Ayon sa United Nations (UN), ang karahasan sa kababaihan (violence against women) ay anumang karahasang
nauugat sa kasarian na humahantong sa pisikal, seksuwal o mental na pananakit o pagpapahirap sa kababaihan,
kasama na ang mga pagbabanta at pagsikil sa kanilang kalayaan. Hindi lamang limitado sa pisikal na pang-aabuso ang
violence against women. Maaari rin itong sa paraang berbal, seksuwal, sikolohikal, at ekonomikal. Maraming paraan ang
mga kalalakihan upang maipamalas ang kanilang kapangyarihan sa mga kababaihan. Ang pananakit na pisikal ay isang
halimbawa nito. Mula sa berbal na pang-aabuso ay nauuwi sa abusong pisikal. Ang lahat ng kababaihang nakaranas ng
pisikal na pananakit ay biktima rin ng iba pang anyo ng pang-aabuso.

Ang General Assembly Binding Women for Reforms, Integrity, Equality, Leadership, and Action (GABRIELA), ay
isang samahan sa Pilipinas na laban sa iba’t ibang anyo ng karahasang nararanasan ng kababaihan na tinagurian nilang

Seven Deadly Sins Against Women. Ang mga ito ay ang:

1. pambubugbog/pananakit,
2. panggagahasa,
3. incest at iba pang seksuwal na pang-aabuso,
4. sexual harassment,
5. sexual discrimination at exploitation,
6. limitadong access sa reproductive health, at
7. sex trafficking at prostitusyon.

Istatistika ng Karahasan sa Kababaihan 2017 National Demographic and Health Survey (NDHS)

A. Isa sa bawat apat (26%) na babaeng may edad 15-49 ang nakaranas ng pananakit na pisikal, seksuwal, at emosyonal.
Karamihan sa mga nananakit ay ang mga kasalukuyang asawang lalaki o partner.
B. Limang porsyento (5%) na babae ang nakaranas ng seksuwal na pananakit.
C. Labing-apat na porsyento (14%) na mga babae ang nakaranas ng pisikal na pananakit.
D. Isa sa bawat lima (20%) na babaeng may-asawa ang nakaranas ng emosyonal na pananakit mula sa kanilang mga
asawa o partner.

Ang breast ironing o breast flattening ay isang kaugalian sa bansang Cameroon sa kontinente ng Africa. Ito ay ang
pagbabayo o pagmamasahe ng dibdib ng batang nagdadalaga sa pamamagitan ng bato, martilyo o spatula na pinainit sa
apoy. May pananaliksik noong 2006 na nagsasabing 24% ng mga batang babaeng may edad siyam ay apektado nito.
Ipinaliliwanag ng ina sa anak na ang pagsasagawa nito ay normal lamang at ang mga dahilan nito ay upang maiwasan
ang: (1) maagang pagbubuntis ng anak, (2) paghinto sa pag-aaral, at (3) pagkagahasa. Ang maaaring maging epekto nito
sa kalusugan ng mga biktima — mga cyst, cancer sa suso, at mga isyu sa pagpapasuso.

Ang foot binding ay isinasagawa sa mga babae noong sinaunang panahon sa China. Ito ay ang mahabang proseso ng
pagbabali ng arko ng paa ng mga babae upang hindi ito lumaki nang normal. Ang kanilang mga paa ay mahigpit na
nakagapos gamit ang pagbalot ng isang pirasong bakal o bubog sa talampakan. Ang perpektong paa ng babaeng may
sapat na gulang ay tatlo hanggang apat na pulgada ang haba. Ang mga deformed feet ay kilala bilang ‘lotus feet o lily
feet’. Ang pagkakaroon ng ganitong klase ng paa sa simula ay kinikilala bilang simbolo ng yaman, ganda, at pagiging
karapat-dapat sa pagpapakasal. Subalit dahil sa ang kababaihang ito ay may bound feet, nalimitahan ang kanilang
pagkilos, pakikilahok sa politika, at ang kanilang pakikisalamuha. Noong 1911, sa pamumuno ni Sun Yat Sen tinanggal
ang ganitong sistema sa China.

Karahasan sa LGBTQIA+

Patuloy ang pagpatay sa mga miyembro ng LGBTQIA+ sa kabila ng panawagan sa pagkakapantay- pantay at
kalayaan sa lahat ng uri ng diskriminasyon at pang-aabuso. Ayon sa ulat ng Transgender Europe noong 2015 mahigit
1,700 LGBTQIA+ ang biktima ng pagpatay mula 2008-2015. Ang United Nations Human Rights Council ay nagkaroon ng
ulat noong 2011 tungkol sa mga ebidensya at kaso ng mga diskriminasiyon at karahasan laban sa mga LGBTQIA+. Ang
bansang Uganda ay nagpasa ng batas na AntiHomosexuality Act of 2014 na nagsasaad na ang same-sex relations at
marriages ay maaaring parusahan ng panghabambuhay na pagkabilanggo. Hindi lamang kababaihan ang biktima ng
karahasang nagaganap sa isang relasyon o ang tinatawag na domestic violence, maging ang kalalakihan ay biktima rin.
Ang ganitong uri ng karahasan sa mga kalalakihan ay hindi madaling makita o kilalanin. Ang karahasan ay may iba’t
ibang uri: emosyonal, seksuwal, pisikal, at banta ng pang-aabuso. Ito ay maaari ring maganap sa heterosexual at
homosexual na relasyon.

Ikaw ay nakararanas ng domestic violence kung ang iyong kapareha ay:

1. tinatawag ka sa ibang pangalang hindi maganda (name calling) para sa iyo at sa ibang tao, iniinsulto ka;

2. pinipigilan ka sa pagpasok sa trabaho o paaralan;

3. pinipigilan kang makipagkita sa iyong pamilya o mga kaibigan, sinusubukan kang kontrolin sa paggastos sa pera, saan
ka pupunta at kung ano ang iyong mga isusuot;

4. nagseselos at palagi kang pinagdududahan na nanloloko;

5. nagagalit kung umiinom ng alak, o gumagamit ng droga;

6. pinagbabantaan ka na sasaktan;

7. sinisipa, sinasampal, sinasakal o sinasaktan ang iyong mga anak o mga alagang hayop;

8. pinipilit kang makipagtalik kahit labag sa iyong kalooban; at

9. sinisisi ka sa kaniyang pananakit o sinasabi na nararapat lamang ang ginawa sa iyo.

Ito naman ay para sa mga gay, bisexual at transgender:

1. pinagbabantaan kang sasabihin sa iyong pamilya, mga kaibigan, at mga kakilala ang iyong oryentasyong seksuwal at
pagkakakilanlang pangkasarian;

2. sinasabi sa iyo na hindi tutulungan ng pamahalaan ang mga gay, bisexual at transgender; at

3. sinasabi sa iyo na ang mga lalaki ay natural na bayolente.

Maari mong malamang inaabuso ka na kung napapansin mo ang ganitong pangyayari:

1. pinagbabantaan ka ng karahasan;

2. sinasaktan ka na (emosyonal o pisikal);

3. humihingi ng tawad, nangangakong magbabago, at nagbibigay ng suhol;

4. paulit-ulit ang ganitong pangyayari; at

5. mas dumadalas ang pananakit at karahasan at mas tumitindi sa paglipas ng panahon.

You might also like