You are on page 1of 1

SAVE RALPH

Spencer Susser

Buod at Tugon
ni: Kryzzl Joie R. Lastimosa

Ang maikling pelikulang Save Ralph ay nakatuon kay Ralph na isang kuneho.
Nakikipag-usap siya sa Humane Society International para sa isang dokumentaryo patungkol
sa kaniyang buhay at pagtatrabaho bilang isang animal “tester" para sa mga produktong
kosmetiks. Sa simula ay sinabi na niyang siya ay bulag na sa isang mata at di na nakakarining
nang maayos. Habang nag-aayos para sa kaniyang trabaho ay ipinahayag niya na hindi
mahalaga ang kaniyang sariling buhay at pakiramdam niya lamang na lahat ng sakripisyong
kaniyang ginagawa ay naaayon para sa ikabubuti ng kabuhayan ng mga tao. Sa laboratoryo,
nagmakaawa ang mga kapwa kunehong animal tester ni Ralph na kausapin ang crew ng
dokumentaryo na iligtas sila sa mga mangyayaring eksperimento habang nilalagyan ng
kemikal ang natitirang nakakakitang mata ni Ralph. Ngayong bulag na at nahihirapan nang
gumalaw dahil sa matinding sakit na nararamdaman, igniit niya na kung walang pag-
eeksperimento sa mga hayop na tulad niya ay wala siyang trabaho at kung ganoon ay
mananatili lamang siya sa mga malalawak na parangna tulad ng isang normal na kuneho.
Isa ang Humane Society International sa mga organisasyong nagsusulong sa
pangangalaga ng mga hayop, kabilang na ang pagsasaayos sa kapakanan ng mga farm
animals, proteksyon sa wildlife, paglaban sa mga pananaliksik at eksperimentong ginagawa
gamit ang mga hayop o animal-free testing, at pag-responde sa mga kaso ng pang-aabuso ng
mga hayop. Bilang mga indibidwal, mahalaga ring maisakatuparan at maisapuso natin ang
mga panawagang ito. Ang iba’t ibang hayop sa mundo ay mahalaga sa pag-balanse at
pagpapanatili sa kalusugan ng ekosistema at planeta. Bilang parte ng ating natural na mundo,
sila ay may karapatang mabuhay at mapangalagaan.
Dala ng globalisasyon ay ang kagustuhan ng komunidad at mga bansa na umunlad pa
gamit ang siyensa at teknolohiya. Alam natin ang importansya ng pagkakaroon ng mga
produktong ligtas kung gamitin. Ngunit, hindi ito kailanman magiging sapat na rason upang
magkaroon ng kawalang-bahala sa mga kapwa nating nilalang. Ang paggamit ng mga hayop
sa mga eksperimento para lamang sa pag-unlad ng industriyang kosmetiks na
napapakinabangan ng mga tao ay imoral at kailangan itong pigilan. Masisimulan ito sa pag
hinto ng pagbibili ng mga produktong resulta ng animal testing at pagturo sa mga
mamamayan tungkol sa isyung ito at paghihikayat sa kanila na maging parte sa paggawa ng
aksyon. Ang mga pelikula tulad ng Save Ralph ay nagbibigay sa atin ng leksyon at pananaw
sa totoong mga pangyayari na sanhi sa mapang-abusong katangian ng tao na nararapat na
bigyang-pansin. Dapat ay maipagpatuloy ang adbokasiya laban sa pang-aabuso, hindi lamang
ng mga kuneho kundi iba’t ibang hayop na ginagamit para makamit ng tao ang kanilang
pansariling interes. Kailangan na palaging maaalala na tulad ng tao, ang hayop, at iba pang
mga nilalang sa mundo, ay may buhay na kailangang respetuhin, unawain, at protektahan. Sa
pamamagitan nito, maibabalik natin ang mga hayop na tulad ni Ralph sa kanilang totoong
mga tahanan upang mabuhay nang mapayapa.

You might also like