You are on page 1of 22

10

Filipino
Ikaapat na Markahan
Modyul 5
(Linggo 6)
Mga Teorya: Pananaw sa Pagsusuri ng mga
Akdang Pampanitikan
(Paghahambing/Pakikipagkapwa-teksto)

0
[Type here]

Panimula
Ang ikalawang nobela ni Dr. Jose Rizal na pinamagatang “El Filibusterismo” ay
nabuo upang maibahagi ang layunin na maging daan ang edukasyon sa pagkakamit ng
kalayaan at mapamahalaang mabuti ang bansang Pilipinas. Ayon nga sa ating pambansang
bayani, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”. Nais niyang maging mabuting kasangkapan
at halimbawa ang mga kabataang nagsisikhay sa pag-aaral upang makamit ang edukasyon.

Sa pag-aaral ng mga kabataang Pilipino sa nobelang ito ay hindi lamang nila


mauunawaan ang literal na kahulugan nito kundi higit sa lahat ay maiuugnay nila ang bawat
pangyayari sa nobela sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa at ng mga Pilipino.

Tatalakayin sa modyul na ito ang mga kaisipang napapaloob patungkol sa tanging


teoryang pampanitikan na:

▪ Pagka-eksistensiyalismo ng El Filibusterismo na patungkol sa naganap kay


Kabesang Tales. Natutukoy dito ang paninindigang taglay ng tauhan bilang isang
makapangyarihang nilalang;
▪ Pagka-realismo ng El Filibusterismo na patungkol sa mga kasawian. Naiisa-isa dito
ang mga pangyayaring angkop sa tunay na buhay;
▪ Pagka-klasismo ng El Filibusterismo na patungkol sa kapangyarihan ng Diyos.
Napipili ang mga bahaging nagpapakita ng pagkamakapangyarihan ng Diyos; at
▪ Pagka-romantisismo ng El Filibusterismo na patungkol sa pokus ng damdamin.
Nabibigyang halaga ang iba’t ibang damdaming nakapaloob sa akda.

MGA PINAKAMAHALAGANG KASANAYANG PAMPAGKATUTO:

|F10WG-IVg-h-81| Nasusuri ang nobela batay sa pananaw/ teoryang: romantisismo,


humanismo, naturalistiko at iba pa.
|F10PT-IVg-h-85| Naipaliliwanag ang kahulugan ng mga salitang hiram sa wikang
Espanyol.
|F10PU-IVg-h-88| Naisusulat ang maayos na paghahambing ng binuong akda sa iba pang
katulad na akdang binasa.
|F10PU-IVg-h-88| Nasusuri ang tauhan na may kaugnayan sa mga hilig o interes,
kawilihan/ kagalakan/ kasiglahan/ pagkainip/ pagkayamot; pagkatakot;
pagkapoot; pagkaaliw/ pagkalibang at iba pa.
|F10PB-IVh-i-92| Naisasaad ang pagkamakatotohanan ng akda sa pamamagitan ng
pag-uugnay ng ilang pangyayari sa kasalukuyan.

1
[Type here]

SUBUKIN

Bago mo simulang pag-aralan ang paksa ngayong linggo, sagutin mo muna ang
paunang pagtataya.

Panuto: Basahin at unawain ang bawat tanong. Isulat ang titik ng iyong sagot sa isang
buong papel.
1. Ito ay tumutukoy sa simulain o prinsipyo ng mga tiyak na kaisipang kailangan sa
paglikha ng malinaw at sistematikong paraan ng paglalarawan o pagpapaliwanag sa
isang bagay.
A. pakikipagkapwa-teksto C. pananaw
B. pagsusuri D. teorya
2. Ito ay tumutukoy sa paniniwala o persepsyon ng isang indibidwal o isang pangkat.
A. pakikipagkapwa-teksto C. pananaw
B. pagsusuri D. teorya
3. May malapit na pagkakahawig ang nobelang El Filibusterismo at La Loba Negra. May
ilang nakapaloob sa unang nobela na makikita at mapapansin sa ikalawa. Ang una ay
isinulat ni Dr. Jose Rizal at ang huli naman ay isinulat ni __________.
A. Jose Burgos C. Julian Cruz Balmaseda
B. Jose Corazon de Jesus D. Juan Dela Cruz
4. Layunin ng teoryang ito na ipakita na ang tao ay may kalayaang pumili o magdesisyon
para sa kapakanan ng marami. Kalayaan at awtentiko ang tanging nais kilalanin ng
teoryang ito.
A. eksistensiyalismo C. humanismo
B. klasismo D. naturalismo
5. Ang pokus sa teoryang ito ay ang tao, binibigyang diin ang tungkol sa pagiging
marangal ng tauhan. Tao ang sukatan ng lahat ng bagay kung kaya’t mahalagang
maipagkaloob sa kanya ang kalayaan sa pagpapasya.
A. eksistensiyalismo C. humanismo
B. klasismo D. naturalismo
6. Binibigyang diin sa teoryang ito ang mga saloobin, damdamin, kilos at gawi ng karakter
at ang kaugnayan nito sa kapaligiran. Pinapahatid ng awtor sa pamamagitan ng mga
pangyayari sa buhay ng tauhan na ang kapalaran ay bunga ng kultura at heredity at
hindi sa pamamagitan ng kaniyang sariling pagpili.
A. eksistensiyalismo C. humanismo
B. klasismo D. naturalismo
7. Ang layunin ng teoryang ito ay maglahad ng mga pangyayaring payak ukol sa
pagkakaiba ng estado ng buhay ng isang tao, karaniwan ang daloy ng pangyayari,
matipid at piling-pili sa paggamit ng mga salita at laging nagtatapos ng may kaayusan.
A. eksistensiyalismo C. humanismo
B. klasismo D. naturalismo
8. Katotohanan kaysa kagandahan ang ipinaglalaban ng teoryang ito. Layon din nitong
ipakita ang karanasan ng tao at lipunan sa makatotohanang paraan.
A. humanismo C. realismo
B. naturalismo D. romantisismo

2
[Type here]

9. Ang layunin ng teoryang ito ay ipamalas ang iba’t ibang paraan ng tao o sumasagisag
sa tao sa pag-aalay ng kaniyang pag-ibig sa kapwa, bansa, at mundong kinalakhan.
Binibigyang pansin din dito ang pagtakas sa katotohanan.
A. humanismo C. realismo
B. naturalismo D. romantisismo
10. Sinasabing ang mga pangyayari sa nobelang Noli Me Tanghere at El Filibusterismo
ay bagamat naganap may ilang daang taon na ang nakalipas ay patuloy pa rin itong
nararanasan sa kasalukuyan ngunit sa iba nga lang panahon at tao. Ang ganitong uri
ng akda ay uri ng anong teoryang pampanitikan?
A. humanismo C. naturalismo
B. klasiko D. romantisismo
11. Pag-ibig ang naging dahilan kung bakit di natuloy ang unang himagsikang inihanda ni
Simoun. Sa anong uri ng teoryang pampanitikan maiuugnay ito?
A. humanismo C. naturalismo
B. klasiko D. romantisismo
12. Pinalubha ni Simoun ang kasamaam sa pamahalaan dahil ibig niyang _______.
A. mabagsik na lumaban ang mga inalipusta
B. makapaghiganti sa maling paraan
C. maghiganti ang mga ito sa mga Kastila
D. mawala ang pag-aatubili ng mga Kastila

Para sa bilang 13

“Ang mga tapat na loob at ang mga karapat-dapat ay kailangang magtiis upang
ang kanilang adhikai’y makilala, lumaganap! Kailangang alugin o basagin ang
sisidlan upang humalimuyak ang bango, kailangang pingkiin ang bato upang
magbigay-ningas!

-Padre Florentino

13. Ano ang ibig sabihin ng sinalungguhitang matalinghagang pahayag ni Padre


Florentino?
A. kailangang hikayatin o sanayin upang lumabas o maipakita ang kakayahan o
katangian
B. kailangan maghintay na lamang hanggang sa ang kalayaan ay makamtan
C. kailangan magtiis upang ang pag-unlad ay matamasa
D. kailangang putulin o pigilin ang pag-unlad o pagyabong ng isipan o kakayahan

Para sa bilang 14

“Ang magdusa at gumawa’y kalooban ng Diyos. Magtiis at gumawa! Anong Diyos


iyan?” “Isang Diyos na makatarungan, G. Simoun,” sagot ni Padre Florentino.
“Isang Diyos na nagpaparusa sa ating kawalan ng pananalig, sa ating mga
masasamang hilig, at di gaanong pagpapahalaga sa kabutihan.”

14. Ano ang mahihinuha mo kay Simoun batay sa kanyang pananalita?


A. hindi siya naniniwala sa Diyos
B. nawalan na ng pag-asa sa buhay
C. sinisisi niya ang Diyos sa nangyari
D. sobra-sobra na ang kanyang pagdurusa

3
[Type here]

Para sa bilang 15

“Nagkamali ako. Ngunit dahil ba riyan, kung kaya ng Diyos ninyong ito’y ipagkakait
ang kalayaan sa isang bayan at ililigtas ang iba na lalong imbi kaysa sa akin? Ano
ang pagkakasala ko kung ihahambing sa mga kasamaan ng mga namamahala?
Bakit pinahahalagahan pa ng Diyos na iyan ang aking kabuktutan kaysa daing ng
maraming walang sala?”

-Simoun

15. Alin sa mga sumusunusod ang hindi kabilang sa nais ipahiwatig ni Simoun sa kanyang
pahayag?
A. Ang hindi pagparusa ng Diyos sa kanya.
B. Ang pagkakait ng Diyos ng kalayaan sa bayan
C. Ang pagpapala ng Diyos sa kanya.
D. Ang pagparusa sa kanya ng Diyos.

4
[Type here]

Aralin
Mga Teorya: Pananaw sa Pagsusuri ng
5 mga Akdang Pampanitikan
(Paghahambing/Pakikipagkapwa-teksto)
Linggo 6

ALAMIN

Pagtutuonan ng modyul na ito ang mga teorya o pananaw sa pagsusuri ng nobela at


ang paghahambing o pakikipagkapwa-teksto ng ikalawang nobela ni Dr. Jose Rizal na El
Filibusterismo sa nobela na na pinamagatang “La Loba Negra” ni Padre Jose Burgos.

Sa pag-unawa sa mga teksto, mga teorya o pananaw sa pagsusuri at paghahambing


o pakikipagkapwa-tekstong ilalahad ng modyul na ito ay isaalang-alang mo ang sumusunod
na kasanayang pampagkatuto.

Pagkatapos ng araling ito, ikaw ay inaasahang:

1. nakasusuri sa nobela batay sa sumusunod na teorya o pananaw: humanismo,


naturalismo, eksistensiyalismo, realismo, klasismo, romantisismo at iba pa;
2. nakapagpapaliwanag sa kahulugan ng mga salitang hiram sa wikang Espanyol;
3. nakasusulat ng maayos na paghahambing ng binuong akda sa iba pang katulad na
akdang binasa;
4. nakasusuri sa mga tauhan na may kaugnayan sa mga hilig o interes, kawilihan/
kagalakan/ kasiglahan/ pagkainip/ pagkayamot; pagkatakot; pagkapoot; pagkaaliw;
pagkalibang at iba pa; at
5. nakapagsasaad ng makatotohanang akda sa pamamagitan ng pag-uugnay ng ilang
pangyayari sa kasalukuyan.

BALIKAN/ PAGGANYAK

GAWAIN 1: TAUHANG INSPIRASYON KO


Panuto: Bilang pagpapahalaga, ilahad ang mga gintong aral na iyong nakuha mula sa buhay
o papel na ginampanan sa mga piling tauhan ng El Filibusterismo. Ilahad ang
inspirasyong iyong natutuhan sa papel na kanilang ginampanan at magtala ng
paliwanag kung paano mo ito magagamit sa ating lipunan sa kasalukuyan. Sagutin
mo rin ang mga kaugnay na tanong sa ibaba.

5
[Type here]

Mga Piling Tauhan ng El Filibusterismo na Nagdulot ng


Inspirasyon sa Aking Buhay

SIMOUN BASILIO KABESANG PADRE


TALES FLORENTINO

Mga Aral/Inspirasyong Aking Natutuhan Mula sa Buhay ng mga Piling Tauhan sa El


Filibusterismo na Magagamit Ko sa Paglikha ng mga Pagbabago

Mga Paliwanag Kung Paano Ko Magagamit sa Kasalukuyan ang mga Aral na Aking
Natutuhan sa Kanilang Buhay sa Paglikha ng Pagbabago sa Ating Lipunan

1. Mula sa iyong mga naitalang sagot, ano para sa iyo ang pinakamahalagang aral na iyong
natutuhan sa nobela? Bakit?
______________________________________________________________________
______________________________________________________________________
______________________________________________________________________

2. Masasabi na bang mahalagang matutuhan ng bawat kabataang Pilipinong katulad mo ang


mga mensaheng taglay ng nobelang ito? Bakit?
______________________________________________________________________
______________________________________________________________________
______________________________________________________________________

6
[Type here]

TUKLASIN
Bago mo basahin ang nilalaman ng modyul na ito pag-aralan mo muna ang patungkol
sa mga teorya o pananaw sa pagsusuri ng mga akdang pampanitikan.

ALAM MO BA NA…
Ang teorya ay tumutukoy sa simulain o prinsipyo ng mga tiyak na kaisipang
kailangan sa paglikha ng malinaw at sistematikong paraan ng paglalarawan o
pagpapaliwanag sa isang bagay. Ang pananaw naman ay tumutukoy sa paniniwala o
persepsyon ng isang indibidwal o isang pangkat. Sa kabuoan, ang mga teorya o
pananaw sa pagsusuri ng mga akdang pampanitikan ay isang sistema ng mga kaisipan
at kahalagahan ng pag-aaral na naglalarawan sa tungkulin ng panitikan. Kabilang na rito
ang layunin ng may-akda sa pagsulat at ang layunin ng tekstong panitikan na ating
binabasa.
Mas nagiging mabisa ang isang katha o nobela kung ang mga mambabasa ay
may malalim na pag-unawa sa panitikan. Narito ang ilan sa mga teoryang pampanitikan
na maaaring lumutang sa anumang akda.
MGA TEORYA/ PANANAW SA PAGSUSURI NG MGA AKDANG PAMPANITIKAN
a. Realismo- matapat na pagsasalamin ng realidad ang ginagawa ng panitikan para
higit nitong mapaunlad ang lipunan. Katotohanan kaysa kagandahan ang
ipinaglalaban ng teoryang ito. Layon din nitong ipakita ang karanasan ng tao at
lipunan sa makatotohanang pamamaraan.
b. Humanismo- ang pokus sa teoryang ito ay ang tao, binibigyang diin ang tungkol
sa pagiging marangal ng tauhan. Tao ang sukatan ng lahat ng bagay kung kaya’t
mahalagang maipagkaloob sa kanya ang kalayaan sa pagpapasya.
c. Naturalismo- binibigyang-diin dito ang mga saloobin, damdamin, kilos at gawi ng
karakter at ang kaugnayan nito sa kapaligiran. Pinapahatid ng awtor sa
pamamagitan ng mga pangyayari sa buhay ng tauhan na ang kapalaran ay
bunga ng kultura at heredity at hindi sa pamamagitan ng kaniyang sariling pagpili.
d. Eksistensiyalismo- layuning ipakita na ang tao ay may kalayaang pumili o
magdesisyon para sa kapakanan ng marami. Kalayaan at awtentiko ang tanging
nais kilalanin ng teoryang ito. Kung ipinakita at mas lumutang na ang naganap sa
buhay ng tauhan, mga pangyayari ay bunga ng kaniyang sariling pagpili dahil
naniniwala siya na ang isa sa dahilan ng existence ng tao sa mundo ay hubugin
ang sarili niyang kapalaran.
e. Klasismo- ang layunin ng teoryang ito ay maglahad ng mga pangyayaring payak
ukol sa pagkakaiba ng estado ng buhay ng isang tao, karaniwan ang daloy ng
pangyayari matipid at piling-pili sa paggamit ng mga salita at laging nagtatapos
ng may kaayusan.
f. Romantisismo- binibigyang pansin ang pagtakas sa katotohanan. Ang layunin
ng teoryang ito ay ipamalas ang iba’t ibang paraan ng tao o sumsagisag sa tao
sa pag-aalay ng kaniyang pag-ibig sa kapwa, bansa, at mundong kinalakhan.

Sa tulong ng mga impormasyong nalaman mo patungkol sa mga teorya o pananaw sa


pagsusuri ng mga akdang pampanitikan at paghahaming o pakikipagkapwa-teksto,
naniniwala ako na nadagdagan ang iyong kaalaman sa aralin. Ngayon tunghayan mo ang
susunod na bahagi ng modyul na ito. Basahin at palalimin ang iyong kaalaman sa paksa sa
tulong ng sumusunod na teksto.

7
[Type here]

EKSISTENSYALISMO SA EL FILIBUSTERISMO
“NAGANAP KAY KABESANG TALES”

Nananalig ang mga eksistensyalista na makapangyarihan ang tao. Hawak niya


ang kanyang sarili. Pananagutan niya ang anumang bagay na kanyang gagawin batay
sa sariling pagpapasya.
Dala ng kasawian, nagpasya si Kabsang Tales na umiba sa kalakaran. Dito
maaaring tingnan ang pagka-eksistensiyalista ng nobela.
Hiramin natin ang bahagi ng salin ni Gng. Maria Odulio Guzman Laksamana.

Datapwa’t ang tutol naman ni Kabesang Tales ay, “Kung sa araw-araw ay naglilimos
ako sa isang pulubi upang huwag akong yamutin, sino ang makapipilit sa akin na ako’y
magpatuloy sa paglilimos kung nagpapakalabis man?”
Wala ni isa mang makapagbago sa kanyang pasiya at wala namang pagbabantang
makatakot sa kanyang katigasan. Walang nangyari sa Gobernador na naglakbay at nagsadya
sa kanya upang siya’y takutin. Ang lahat ay sinasagot niya ng, “Magagawa ninyo ang ibig
gawin Ginoong Gobernador, ako’y isang mangmang at walang maipangangahas na lakas.
Ngunit pinaghirapan ko ang bukiring ito, ang asawa ko’t anak ay namatay sa pagtulong sa
akin sa paglilinis, kaya’t hindi ito maipagkakaloob sa sinumang hindi makagawa nang higit sa
ginawa ko. Diligin muna niya ito ng dugo at ilibing dito ang kanyang asawa’t anak!”
Ang naging dulo ng pagmamatigas na ito ay ang bigyan ng katuwiran ang mga pari ng
matapat na mga hukom. Pinagtawanan siya ng balana at pinagsabihan siyang hindi
naipananalo ang mga usapin dahil sa katuwiran. Gayon man patuloy pa rin siya sa
paghahabol, nilagyan ng bala ang kanyang baril at naliligid na mahinahon ang kanyang lupain.
Sa panahong iyon tila isang kahibangan ang kanyang kabuhayan. Ang kanyang anak
na si Tano, binatang kasintaas ng ama at mabuting katulad din ng kapatid na babae ay
nahirang na magsundalo, ngunit pinabayaan niyang lumakad at hindi ibinayad ng kapalit.
“Magbabayad ako sa mga abogado”, ang sabi niya sa anak na babaeng umiiyak.
“Kung manalo ako sa usapin ay mapababalik ko siya, ngunit kung ako’y matalo ay hindi ko
kailangan ang anak”.
Lumakad ang anak at ang tanging balitang natanggap ay pinutlan siya ng buhok at
natutulog siya sa ilalim ng isang kareta. Nang makaraan ang anim na buwan ay may
nagsabing nakita raw si Tano na isinakay sa bapor patungong Carolinas. May nag-aakala
namang tila nakita siyang nakasuot guwardiya sibil na.
“Guardia cibil na si Tano! Susmaryosep!”, ang pamangha ng ilan, sabay ang
pagtatalukop ng mga kamay. “Si Tano napakabuti at napakabait!” Requiem aeternam!”
May ilang araw na hindi binati ng ingkong ang ama. Si Huli ay nagkasakit ngunit hindi
tumulo ang isang patak mang luha ni Kabesang Tales, gayong dalawang araw na hindi siya
umalis ng bahay, at tila nangangamba masisi siya ng kanyang mga kanayon, o natatakot kaya
siyang masabi na siya ang pumatay sa kanyang anak. Ngunit nang ikatlong araw ay muli
siyang lumabas na pasan din ang kanyang baril.
May naghihinalang nais niyang pumatay ng tao at bulung-bulungan pang ibig daw
ibaon nang buhay ang uldog sa mga tudling ng kanyang lupain, at sa gayo’y natakot ang pari.
Dahil diya’y nanaog ang isang utos ng Kapitan Heneral na nagbabawal ng paggamit ng baril
kaya’t pinasamsam na lahat. Ibinigay ni Kabesang Tales ang kanyang baril ngunit patuloy pa
rin siya sa pagbabantay at dala-dala’y isang gulok. “Ano ang gagawin mo sa gulok na iyan,
ay sa mga tulisan ay may mga baril”, ang sabi sa kanya ni Matandang Selo.
“Dapat kong bantayan ang aking mga pananim sapagka’t ang bawat tubo roon ay
isang buto ng aking asawa”.
Inalisan siya ng gulok dahil sa napakahaba. Ang ginawa naman ay kinuha ang
matandang palakol ng kanyang ama at pasan-pasan na nagpatuloy sa nakapangingilabot na
paglalakad.

8
[Type here]

PAGSASANAY 1: PAGPAPATUNAY
Panuto: Sumipi ng mga tiyak na bahagi na nagpapakita sa paninindigan ni Kabesang Tales.
Sundin ang pormat sa ibaba at isulat ang iyong sagot sa isang buong papel.

_________________________ _________________________
_________________________ KABESANG TALES _________________________
_________________________ _________________________

_________________________ _________________________
_________________________ _________________________
_________________________ _________________________
https://read.cash/@Vanz23/ang-magsasakang-si-tuan-70e23d38

PAGSASANNAY 2: PAGBIBIGAY-KAHULUGAN
Panuto: Bigyan ng kahulugan ang pahayag sa kahon. Sundin ang pormat sa ibaba at isulat
ang iyong sagot sa isang buong papel.

Eksistensiyalismo ang mga


pahayag sapagkat…

“Kung sa araw-araw ay naglilimos ako sa isang


pulubi upang huwag akong yamutin, sino ang
makapipilit sa akin na huwag akong magpatuloy sa
paglilimos kung nagpakalabis naman?”

“Magbabayad ako sa abogado. Kung manalo ako sa


usapin ay mapababalik ko siya, kung ako ay
matatalo ay hindi ko na kailangan ang anak”.

REALISMO SA EL FILIBUSTERISMO
“Sa Mga Kasawian”

Pagbabago sa pagtingin sa mga akdang pampanitikan ang hatid ng pananaw


realismo sa panitikan. Bunga ito ng rebolusyong industriyal na nagbunga ng
dehumanisasyon sa daigdig. Sa ganitong pagtingin, inihanay ang akda sa aktwal na mga
pangyayari bilang sukatan ng pagkamakabuluhan.
Silipin natin ang pagka-realismo ng El Filibusterismo sa isang hiram na bahagi pa
rin mula sa salin ni Gng. Maria Odulio Guzman Laksamana.

Si Matanlawin ay siyang kilabot sa Luzon. Ang kanyang pangkat ay walang kaabug-abog na


lamang kung sumipot sa isang lalawigang hindi inaasahang lulusubin niya, kagaya rin naman
ng biglang paglitaw na lamang sa ibang lalawigang nakahandang makipagharap sa kanya.
Sinunog ang isang kabyawan sa Batangas, sinira ang mga pananim, kinabukasan ay pinatay
ang Hukom Pamayapa sa Tiani at kinabukasan pa ay nilooban ang isang bayan sa Cavite

9
[Type here]

at sinamsam ang mga armas sa tribunal. Ang mga lalawigang panggitna mula sa Tayabas
hanggang sa Pangasinan ay nagtiis ng kanyang pandarambong at ang kanyang bantog na
pangalan ay umabot hanggang Albay at Timog at sa Hilaga’y hanggang sa Cagayan. Dahil
sa inalisan ng sandata ang mga bayan-bayan gawa ng kakulangan ng tiwala sa isang
mahinang Pamahalaan, ay nangahulog sa kanyang mga kamay ang mga yaon, na tila
walang kabuluhang bihag. Paglapit niya ay nagsisialis ang mga magsasaka sa kanilang
bukid, ang hayop ay napupuksa, at isang bakas ng dugo at apoy ang naiiwan sa kanyang
dinaraanan. Si Matanlawin ay nagtatawa lamang sa mahihigpit na kautusan laban sa mga
tulisan. Sa kautusang iyan ay walang napaparusahan kundi ang mga naninirahan sa mga
nayon, na binibihag kapag lumalaban o kung nakikipagsundo sa kanya ay ipinabubugbog o
ipinatatapon ng pamahalaan sakaling hindi datnin ng anumang malulubhang sakuna sa
daan. Salamat sa ganitong nakapangingilabot na pangyayari ay marami sa mga tagabukid
ang napaiilalim sa kanyang kapangyarihan.
Dahil sa ganitong kakila-kilabot na kaparaanang umiiral, ang naghihingalo nang
pangangalakal ng mga bayan ay nagpatuloy na namatay nang lubusan. Ang mga
mayayaman ay hindi makapangahas maglakbay, at ang mahihirap ay natatakot mahuli ng
Guwardiya Sibil, na dahil sa nauutusang umusig sa mga tulisan ay madalas na hinuhuli ang
unang masumpungan at pinahihirapan ng katakot-takot. Sa kanyang kawalang-kaya, ang
pamahalaan ay nagpapamalas ng kalakasan sa mga taong kanyang pinaghihinalaan upang
sa kapapahirap ay huwag mahalata ng mga bayan ang kanyang kahinaan, ang takot na
nagtatakda ng mga gayong kautusan.
Isang hanay ng mga kawawang ito na pinaghihinalaan, anim o pito na abot-siko
ang pagkagapos at nakataling mahigpit, ang isang tanghali’y lumalakad sa isang daan na
namamaybay sa isang bundok, na hatid ng sampu o labindalawang tanod na sandatahan.
Napakatindi noon ang sikat ng araw. Ang mga armas ay kumikislap sa tama ng araw, ang
kanyon ng mga baril ay nag-iinit, at ang mga dahon ng sambong na nakalagay sa mga
kapasete ay bahagya nang makabawas sa matinding init ng araw sa buwan ng Mayo.
Dahil sa hindi maigalaw ang mga bisig, palibhasa’y pinagdidikit-dikit sa pagkakatali
upang makatipid ng lubid, ang mga bilanggo ay lumakad na halos walang takip sa ulo at
walang sapin sa mga paa, mabuti na ang isang may pugong ng panyo sa ulo. Hapung-hapo,
hirap na hirap, punong-puno ng alikabok ang katawang nagpuputik dahil sa pawis,
mararamdaman nilang parang natutunaw ang kanilang mga utak, may lumilipanang apoy sa
kaitaasan, mga batik na pula sa hangin. Ang panlalata at tamlay ng katawan ay nagbabakas
sa kanilang mukha, ang kawalang pag-asa, ang ngitngit na hindi mawari, ang tingin ng isang
naghihingalong may tinutungayaw ng taong naiinip sa buhay at sa kanyang sarili na lumalait
sa Diyos. Ang mga lalong may tagal ay nagyuyuko na lamang ng ulo, ikinukuskos ang mukha
sa maruruming likod ng nauuna upang punasan ang pawis na nakahihilam sa kanila, ang
marami ay papilay-pilay. Kung sakali’t sa panghihina ay maparapa’t makaabala sa lakad ay
maririnig na agad ng tungayaw at lalapit ang isang kawal na nagwawasiwas ng isang
sangang binaltak sa isang punongkahoy at pinipilit siyang patayuin habang pinapalo ng
papikitmata. Sa gayon ay tumatakbo ang hanay at nahihila ang nabuwal na ngugumon sa
alikabok at umuungol na hinihingi na ang kamatayan. Sa isang pagkakataon ay minsang
mapatindig na lamang, at sa gayon ay magpapatuloy sa paglakad na umiiyak na parang bata
at isinusumpa ang oras ng kanilang pagiging tao.

PAGSASANAY 3: PAGLALARAWAN
Panuto: Ilarawan ang hinihingi sa bawat bilang. Sundin ang pormat sa ibaba at isulat ang
iyong sagot sa isang buong papel.

SITWASYONG UMIIRAL SA
BAYAN AYON NA RIN SA
TEKSTO

10
[Type here]

ANG BUNGA NG
PAGKAKAROON NG MGA
TULISAN

KALAGAYAN NG MGA
PINAGHIHINALAANG
TULISAN

KLASISMO SA EL FILIBUSTERISMO
“Pagkamakapangyarihan ng Diyos”

Pinakamatandang pananaw sa panitikan ang klasismo. Ang mga


tagapagpalaganap nito ay nananalig na ang lahat ng bagay ay maganda sapagkat ito ay
gawa ng Diyos. Lahat ng maganda ay maayos at tama. Sa ganitong paniniwala,
ipinamansag din ng teorya ang kapangyarihang taglay ng Diyos. Nakita rin ito sa nobela
ni Dr. Jose Rizal. Sa bahagi sa ibaba mula pa rin sa salin ni Gng. Maria Odulio Guzman
Laksamana suriin natin ang pagka-klasismo ng El Filibusterismo.

“Isang Diyos na lubhang matapat Ginoong Simoun”, ang sagot ng pari. “Isang Diyos
na nagpaparusa sa kakulangan natin sa pananalig sa ating masasamang hilig, sa munting
pagpapahalaga natin sa karangalan, sa ating pagkamamamayan. Pinababayaan natin at
tayo’y nagiging katulong ng masasamang hilig kung minsan pa’y ating pinupuri ang gayon,
kaya’t nararapat na bathin natin ang ibubunga ng gayon at bathin din ng ating mga anak.
Siya ang Diyos ng Kalayaan, Ginoong Simoun, Siya ang nag-utos sa ating ibigin ito, at
ginagawang mabigat sa atin ang pasanin, isang Diyos ng kaawaan ng pagpapantay-pantay
na sabay sa pagpaparusa sa atin ay pinabubuti tayo at ang binibigyan lamang ng mabuting
kalagayan ay yaong nararapat bigyan dahilan sa kanyang pagsusumikap. Ang paaralan ng
pagtitiis ay nakapagpapatibay, ang larangan ng tunggalian ay nakapagpapalakas sa mga
kaluluwa. Hindi ko ibig sabihin na ang ating kalayaan ay tuklasin sa talas ng sandata, espada
ay di gaanong kagamitan sa mga bagong kabuhayan ngunit oo, ating tuklasin sa
pamamagitan ng karapatan, sa pamamagitan ng pagpapataas ng uri at ang karangalan ng
tao na ibigin ang tapat. Ang mabuti ang dakila hanggang sa mamatay nang dahil dito at
kapag ang isang bayan ay nakasapot na sa gayong kalagayan, ang Diyos ay nagbibigay ng
sandata at lumalagpak ang mga diyos-diyosan, lumalagpak ang mga maniniil na wari’y mga
kastilyong baraha at kumikinang ang kalagayang kasabay ng bukang-liwayway! Ang ating
kasamaan ay sa atin din buhat, huwag nating sisihin kahit sino. Kung nakikita ng Espanya
na tayo ay hindi yumuyuko sa pandarahas at handa sa pakikipagtunggali at pagtitiis ng dahil
sa ating karapatan, ang Espanya ay siya nang unang-unang magbibigay sa atin ng kalayaan.
Sapagkat ‘pag ang bunga ng paglilihi ay dumating na sa pagkahinog ay kahabag-habag ang
inang magtangkang doo’y lumunod! Subalit samantalang ang bayang Pilipino ay wala pang
sapat na katigasang-loob upang ipahayag nang taas ang noo at lantad ang dibdib, ang
kanyang karapatan sa pamamayan at patibayin ito sa pamamagitan ng mga paghihirap na
kanyang sariling dugo, sa sariling kalooban nakakarinig ng sigaw ng kanyang budhi na
nagbabalikwas at tumututol at sa lantarang pamumuhay ay hindi umiimik at nakikisama sa
pumapaslang upang kutyain ang pinaslang, samantalang nagkakasiya sa labis na paglingap
dahil sa masasamang hilig at pagkakasala hindi sa paraang pasamain ang kanyang mga
anak, dayain ang ilan at bilhin ng salapi ang iba. Ang kaligtasan ay may kahulugang kabaitan,
ang kabaitan ay pagpapakasakit, ang pagpapakasakit ay pag-ibig!”
“Siya, tinatanggap ko ang inyong sabi”, ang tugon ng maysakit makaraan ng ilang

11
[Type here]

sandali. “Ako’y nagkamali ngunit dahil sa ako’y namali ay ipagkakait na baga ng Diyos na
iyan ang kalayaan sa ating bayan at ililigtas ang marami pang lalong salarin kaysa akin? Ano
na lamang ang kamalian ko sa piling ng malaking pagkakasala ng mga namamahala? Bakit
papahalagahan pa ng Diyos na iyan ang aking kabuktutan kaysa mga dating ng
napakaraming walang sala? Bakit hindi ako sinugatan at pinagpatagumpay pagkatapos ang
bayan? Bakit binayaang magtiis ang gayon karaming mga karapatdapat at mga dapat na
loob at nasisiyahang lubos sa kanilang mga paghihirap!”
“Ang mga tapat na loob at ang mga karapat-dapat ay kailangang magtiis upang ang
kanilang adhikai’y makilala, lumaganap! Kailangang alugin o basagin ang sisidlan upang
humalimuyak ang bango, kailangang pingkiin ang bato upang magbigay-ningas!
Mayroon din pasiya ng kalangitan sa mga pag-uusig ng mga maniniil, Ginoong Simoun!”

PAGSASANAY 4: PAGHALAW
Panuto: Pumili ng mga tiyak na bahagi mula sa teksto. Sundin ang pormat sa ibaba at
isulat ang iyong sagot sa isang buong papel.

PANINIWALA TUNGKOL SA DIYOS

SIMOUN PADRE FLORENTINO

PAGSASANAY 5: PAGPAPALIWANAG
Panuto: Ipaliwanag ang kaugnayan ng dalawang salita na: “PARUSA” at
“DIYOS”. Sundin ang pormat sa ibaba at isulat ang iyong sagot sa isang buong
papel.

PARUSA AT DIYOS

PANANAW NI SIMOUN

PANANAW NI PADRE
FLORENTINO

PANANAW MO

12
[Type here]

ROMANTESISMO SA El FILIBUSTERISMO
“Pokus ng Damdamin”

Madamdamin ang isang akda. Ang damdaming naghahari rito ay sangkap tungo
sa kasiningan. Ito ang pananaw ng mga tagapamansag ng teoryang romantisismo sa
panitikan.
Kung titingnan ang mga nobela ni Dr. Jose Rizal, masasabing siya ay
romantisista. Sa maikling bahaging nasa araling ito ay pipilitin nating silipin ang pagka-
romantisista ni Dr. Jose Rizal.

“Sa isang taong ipinalalagay kong napakadakila”, ang tugon ni Basiliong


kinikilabutan at naniniwalang dumating na ang kanyang huling sandali, “sa isang taong
ipinalalagay ng lahat, ngunit hindi ako naniniwala na namatay na at ang kanyang mga
kasawian ay dinaramdam ko rin”.
Isang katahimikan ang sumunod sa mga pananalitang ito. Katahimikang para sa
binata ay waring hindi na matatapos. Ngunit si Simoun, pagkatapos ng pag-aalinlangan ay
lumapit sa kanya, ipinatong ang kamay sa balikat at nagsalita ng ganito sa nanginginig na
tinig: “Basilio, nakababatid ka ng isang lihim na maaaring ikasawi ko, at ngayo’y nakatuklas
ng isa pa, na kung mabunyag ay makasisira ng aking layunin, kaya’t ang buo kong buhay ay
nasa kamay mo. Upang ako’y matahimik at alang-alang sa kadakilaan ng bagay na inaakala
kong gawin ay dapat sanang ipinid ko ng lubusan ang iyong mga labi, sapagkat ano ang
halaga ng buhay ng isang tao sa kalakhan ng bagay kong isinasagawa? Mainam na
pagkakataon ito, walang nakakaalam ng aking pagparito, ako’y may sandata, ikaw ay hindi
makapagtatanggol. Ang iyong kamatayan ay maaaring ipaghinala sa mga tulisang naglisaw
dito, kung hindi man sa ibang sanhing hindi maluwag mangyari, subalit pababayaan kitang
mabuhay at maniniwalang hindi ko ito pagsisisihan. Ikaw ay nagtiyaga, nagsikap ng buong
kasipagang-loob at katulad ko rin ay mayroon kang mga pautang na dapat singilin sa lipunan,
pinatay ang iyong kapatid, nabaliw ang iyong ina, ngunit hindi inusig ng lipunan ang salarin
ni ang berdugo. Ikaw at ako ay kapwa nauuhaw sa katarungan kaya’t sa halip na tayo’y
magpatayan ay kailangan tayong magtulungan”.
Naghinto sandali si Simoun sa pagsasalita, nagbuntong-hininga sa malumanay na
nagpatuloy. “Tunay ngang ako ang may labintatlong taon na ngayong naparito, maysakit at
kahabag-habag ang anyo, upang dulutan ng handog ang napakadaling kaluluwa na
humandang magpakamatay ng dahil sa akin. Biktima ng isang pamahalaang masama,
naglagalag ako at nagtiyagang makaipon ng maraming salapi upang maisagawa ang aking
layon. Ngayo’y nagbalik ako upang gibain ang masamang pamahalaang iyan, padaliin ang
kanyang pagkabulok, ibulid sa banging kinauumangan kahit gumamit sa layuning ito ng
maraming luha at dugo. Hinatulan ang kanyang sarili, tapos na, at ayokong mamatay ng
hindi ko muna siya makitang lasug-lasog sa ilalim ng bangin”.
Iniunat ni Simoun ang kanyang mga bisig sa bandang lupa na para bagang sa
gayong anyo ay ibig manumpa sa mga durog na kalansay na doo’y natatabunan. Naging
kakila-kilabot ang kanyang tinig na nakapanginig sa estudyante.
“Sa anyaya ng kasamaan ng mga nagsisipamahala ay nagbalik ako sa kapuluan at
sa ilalim ng balatkayong mangangalakal, lahat ng bayan ay aking nalibot. Salamat sa aking
salapi at nabuksan sa akin ang landas, saan man ako pumaroon ay kasakimang iba-ibang
anyo ang aking nakikita, kung minsa’y lantaran, kung minsa’y pabalatkayo anupa’t kung
minsa’y nagtitila ganid na isang lawing nagpapakasawa sa isang bangkay. At sa sarili’y
naitatanong ang: “Bakit hindi sumisidhi sa mga bituka ng patay-gutom na hayop na iyan ang
kamandag, ang tomaina, at ang lasong nagtatago sa mga libingan? Binayaan ng bangkay
na siya’y gutayin, nasandat ang ibon, at sapagkat hindi ko maaaring ibalik ang buhay noon
upang lumaban sa kumakain sa kanya, at sa dahilang mabagal ang pagkabulok, ay pinalala
ko ang kasakiman, sinang-ayunan ko, kaya’t ang pang-aapi at kasagwaan ay dumami at
nag-ibayo. Pinasigla ko ang kabuhungan at ang mga malulupit na gawain upang masanay
ang bayan sa anino ng kamatayan, pinalagi ko ang ligalig upang sa pag-iwas dito ay
humanap ng kahit na anong kaparaanan; hadlang ko ang pangangalakal upang mahirap at
pulubi na ang bayan ay walang sukat ipanganib; inudyukan ko ang pangangamkam upang

13
[Type here]

magsalat sa kayamanan ang bayan, at dahil sa hindi pa ako nasisiyahan dito upang gisingin
ko sa paghihimagsik ay sinugatan ko ang bayan sa bahaging lalong daramdamin, ginawa ko
na ang ibon na ang lumait sa bangkay na nagbibigay buhay sa kanya at siyang bumukol”.
“Ngunit nang akin nang magagawang sa lubos na kabulukan ng panay na yagit,
nang sa pagkakahalo-halo ng maraming bagay na nakaririmarim, ay tumindi ang lason, nang
ang kasakiman ay hayuk na hayok at nakanggagahol sa pagsunggab ng kahit na anong
maabot ng kamay katulad ng isang matandang babaeng nagigipit sa sunog, ay siya naman
ninyong paglitaw na sumisigaw ng pagpuri sa mga Kastila ng pag-awit ng pagtitiwala sa
pamahalaan, at sa isang bagay na hindi darating; hayan kayo ngayon na parang sariwang
laman ng kumikilos, may buhay at dugo, malinis, malusog, masigla na biglang tumayo at
humandog na tila bagong pagkain”.
“A, ang mga kabataan nga ay walang karanasan at mapangarapin, laging
sumusunod sa mga paruparo at mga bulaklak! Nagsama-sama kayo upang sa inyong
pagsisikap mapakatnig ang inyong tinubuan sa Espanya sa pamamagitan ng pambukod ng
mga bulaklak gayong ang katotohanang inyong magagawa’y tinatalian ng tanikalang matigas
pa sa diyamante. Hinihingi ninyo ang pagkakapantay-pantay ng karapatan, ang pagtutulad
sa Kastila ng inyong pag-uugali, at hindi ninyo napapansing ang hinihingi ninyo’y kamatayan,
ang pagkagiba ng inyong lahi, ang pagkawasak ng inyong tinubuan at ang pagpapadakila
sa pambubusabos. Ano naman kayo sa hinaharap? Bayang walang lakas loob, bansang
walang kalayaan! Hinihingi ninyo ang ugaling Kastila, ngunit hindi man lamang kayo
pamutlaan kung iyan ay ipagkakait! At kung sakaling ibigay man ang gayon sa inyo ano ang
inyong ninanasa? Ano ang inyong mapapala sa ganyan? Maligaya na kayo kapag naging
bayan ng pag-aalsa, lupain ng digmaan ng mga magkakababayan din, isang republika ng
mga mababangis at walang kasiyahang katulad ng ilang republika sa Timog Amerika. Ano
ang kahulugan ng inyong nilalakad na pagtuturo ng wikang Kastila, isang hangaring kung
hindi man nakatatawa ay maaaring magbunga ng masama. Ibig ba ninyong idagdag pa ang
isang wika sa may mahigit nang apatnapung ginagamit sa lupaing ito? Upang lalo nang hindi
kayo magkaintindihan?”

PAGSASANAY 6: PAG-UUGNAY SA PAHAYAG AT DAMDAMIN


Panuto: Tukuyin kung anong damdamin ang napapaloob sa mga pahayag na nasa ibaba.
Sundin ang pormat sa ibaba at isulat ang iyong sagot sa isang buong papel.

“Sa isang taong ipinalalagay ng lahat


ngunit hindi ako naniniwala…”

“Ang kanyang mga kasawian ay


dinaramdam ko rin…”

“Maysakit at kahabag-habag ang


anyo…”

“Biktima ng isang pamahalaang


masama, naglagalag ako…”

“At ayokong mamatay na hindi ko


muna siya makitang lasug-lasog…”

“Naging kakila-kilabot ang kanyang


tinig…”

14
[Type here]

SURIIN/TALAKAYIN

PAKIKIPAGKAPWA-TEKSTO
“La Loba Negra” ni Padre Jose Burgos at “E Filibusterismo” ni Dr. Jose Rizal

Kung malapitang titignan o babasahin ang dalawang nobela, mapapansin nating


ito ay may pagkakatulad. Ang pagkakatulad ay maaaring sa banghay, sa tauhan, sa
paniniwala sa mensahe, sa tunggalian at iba pa. Ito ay patunay lamang na ang akda ay
nakikipagkapwa-teksto.

May malapit na pagkakahawig ang nobelang La Loba Negra at El Filibusterismo.


Ang una ay isinulat ni Padre Jose Burgos at ang huli ay isinulat ni Dr. Jose Rizal. May
ilang nakapaloob sa unang nobela na makikita at mapapansin sa ikalawa. Sa ganitong
sitwasyon, ang El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal ay nakikipagkapwa-teksto sa akda ni
Padre Jose Burgos.

Upang higit na maging malinaw sa atin ang binabanggit na pakikipagkapwa-


teksto sa tulong ng hiram na kaisipan mula sa pagsusuring isinagawa ni. Prop. Petronillo
Bn. Daroy.

Ilang tala tungkol sa “La Loba Negra” ni Padre Jose Burgos


1. Napatay ang Gobernadora-Heneral na si Bustamante. Labis iyong dinamdam ng
kanyang asawang si Donya Luisa. Inibig nitong maghiganti kaya naipasyang
magbalatkayo.
2. Matapos ang maraming panahon ng pakikibaka tungo sa paghihiganti, namatay si
Donya Luisa. Nakaiwan ito ng isang anak na babae.
3. Nagkaroon ng asawa ang anak ni Donya Luisa. Si Sandugo, isang lalaking kalaban
ng pamahalaan na mula sa Imus, Cavite. Nanirahan silang dalawa sa Maynila upang
masubaybayan ng malapitan ang kilos ng puwersa ng pamahalaan.
4. Si Sandugo ay nagbalatkayo, isang mangangalakal at nakilala sa tawag na Emilio
Melgar.
5. Walang nakakaalam kung saan nagmula si Emilio Melgar. May nagsabing siya ay
galing Mexico. Ayon naman sa iba ay naniniwalang siya ay galing sa British West
Indies dala na rin ng kanyang pagiging maitim.

Ilang tala tungkol sa El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal.


1. Nagbalik si Ibarra sa Pilipinas upang maghiganti. Nagtago siya sa katauhan ni
Simoun, isang mayamang mangangalakal.
2. Ninais niyang magkaroon ng rebolusyon upang mapaghiganti niya ang kanyang
kaapihan.
3. Naging palaisipan para sa mga nakakakilala ang tunay na katauhan ni Simoun. Ang
lahat ay may kanya-kanyang interpretasyon kung saan siya nagmula.
4. Ang buong Maynila ay nagbibigay ng kani-kanilang sariling haka. Si Simoun daw ay
nagmula sa Latin America. Ang iba ay nagsasabi na siya ay isang espiya mula sa
Alemanya at may nagsasabi namang siya ay tusong tagapayo ng Gobernador-
Heneral.

15
[Type here]

PAGSASANAY 7: PAGHAHANAY
Panuto: Ihanay ang pagkakatulad ng “La Loba Negra” ni Padre Jose Burgos at “El
Filibusterismo” ni Dr. Jose Rizal. Sundin ang pormat sa ibaba at isulat ang iyong
sagot sa isang buong papel.

LA LOBA NEGRA EL FILIBUSTERISMO

PANGYAYARI

TAUHAN

BANGHAY

PAGSASANAY 8: PAGBIBIGAY-OPINYON
Panuto: Ipahayag ang sariling palagay. Sundin ang pormat sa ibaba at isulat ang iyong sagot
sa isang buong papel.

Naniniwala ako… Hindi ako naniniwala…

POSIBLENG
MAGKATULAD ANG
DALAWANG AKDA

ISAISIP

Pahalagahan ang buhay at harapin ang mga pagsubok sa dumating.


Iwasan ang paghihiganti at higit sa lahat isipin na ang buhay ay sagrado at ang
Diyos lamang ang siyang may karapatang bawiin ito.
Dapat nating isipin na kahit anong oras ay hindi nakatutulong ang
paggawa ng paghihiganti sa pagkamit ng hustisya o katarungan. Bagkus, palagi
nating isapuso at isabuhay ang mga aral na itinuro ng Panginoong Diyos sa atin
sapagkat kung may tiwala tayo sa kanya tiyak makakamit natin ang katarungang
pinapangarap.

16
[Type here]

ISAGAWA

GAWAIN 2: PAGPLALAHAD NG DAMDAMIN


Panuto: Ilahad ang tiyak na bahagi sa teksto na nagpapahayag ng mga sumusunod na
damdamin. Sundin ang pormat sa ibaba at isulat ang iyong sagot sa isang buong
papel.

PAGKABIGLA

PAGTATAKA

PAGKAGALIT

PAG-IIMBOT

PAGDARAMAM

PANGUNGUTYA

PAGSISISI

PAGKALUNGKOT

PANGHIHINAYANG

PAGMAMALABIS

PAGTATANGI

17
[Type here]

PAGYAMANIN/ KARAGDAGANG GAWAIN

Panuto: Ipagpalagay natin na isa kang taga-ulat ng radyo sa inyong lugar. Ikaw ay
inatasang gumawa ng ulat kaugnay sa mga napapanahong isyu na nakatala sa
ibaba. Pumili ng isang kategorya at gawan ng ulat batay sa mga nangyayari sa
inyong lugar. Isulat ang iyong sagot sa isang buong papel.

Mga Kategorya:
▪ Kabayanihan
▪ Kawanggawa
▪ Paggamit ng kapangyarihan
▪ Kahirapan at karapatang pantao
▪ Paninindigan sa sariling prinsipyo
▪ Kapangyarihan ng salapi, kalupitan, at pagsasamantala sa kapwa

Pamantayan:
• Maayos ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari - 15 puntos
• Wasto ang pag-uugnay ng mga pangungusap at talata - 15 puntos
• May tamang baybay o ispeling - 10 puntos
• May tamang gamit ng mga bantas - 10 puntos

Kabuuan - 50 puntos

18
[Type here]

TAYAHIN

Panuto: Basahin at unawain ang bawat tanong. Isulat ang titik ng iyong sagot sa isang
buong papel.

1. May malapit na pagkakahawig ang nobelang El Filibusterismo at La Loba Negra. May ilang
nakapaloob sa unang nobela na makikita at mapapansin sa ikalawa. Ang una ay isinulat ni
Dr. Jose Rizal at ang huli naman ay isinulat ni __________.
A. Jose Burgos C. Julian Cruz Balmaseda
B. Jose Corazon de Jesus D. Juan Dela Cruz
2. Layunin ng teoryang ito na ipakita na ang tao ay may kalayaang pumili o magdesisyon para
sa kapakanan ng marami. Kalayaan at awtentiko ang tanging nais kilalanin ng teoryang ito.
A. eksistensiyalismo C. humanismo
B. klasismo D. naturalism
3. Ito ay tumutukoy sa simulain o prinsipyo ng mga tiyak na kaisipang kailangan sa paglikha
ng malinaw at sistematikong paraan ng paglalarawan o pagpapaliwanag sa isang bagay.
A. pakikipagkapwa-teksto C. pananaw
B. pagsusuri D. teorya
4. Ang layunin ng teoryang ito ay ipamalas ang iba’t ibang paraan ng tao o sumasagisag sa
tao sa pag-aalay ng kaniyang pag-ibig sa kapwa, bansa, at mundong kinalakhan.
Binibigyang pansin din dito ang pagtakas sa katotohanan.
A. humanismo C. realismo
B. naturalismo D. romantisismo
5. Ito ay tumutukoy sa paniniwala o persepsyon ng isang indibidwal o isang pangkat.
A. pakikipagkapwa-teksto C. pananaw
B. pagsusuri D. teorya
6. Katotohanan kaysa kagandahan ang ipinaglalaban ng teoryang ito. Layon din nitong
ipakita ang karanasan ng tao at lipunan sa makatotohanang paraan.
A. humanismo C. realismo
B. naturalismo D. romantisismo
7. Ang pokus sa teoryang ito ay ang tao, binibigyang diin ang tungkol sa pagiging marangal
ng tauhan. Tao ang sukatan ng lahat ng bagay kung kaya’t mahalagang maipagkaloob sa
kanya ang kalayaan sa pagpapasya.
A. eksistensiyalismo C. humanismo
B. klasismo D. naturalismo
8. Binibigyang diin sa teoryang ito ang mga saloobin, damdamin, kilos at gawi ng karakter at
ang kaugnayan nito sa kapaligiran. Pinapahatid ng awtor sa pamamagitan ng mga
pangyayari sa buhay ng tauhan na ang kapalaran ay bunga ng kultura at heredity at hindi
sa pamamagitan ng kaniyang sariling pagpili.
A. eksistensiyalismo C. humanismo
B. klasismo D. naturalismo
9. Ang layunin ng teoryang ito ay maglahad ng mga pangyayaring payak ukol sa pagkakaiba
ng estado ng buhay ng isang tao, karaniwan ang daloy ng pangyayari, matipid at piling-
pili sa paggamit ng mga salita at laging nagtatapos ng may kaayusan.
A. eksistensiyalismo C. humanism
B. klasismo D. naturalismo

19
[Type here]

10. Sinasabing ang mga pangyayari sa nobelang Noli Me Tanghere at El Filibusterismo ay


bagamat naganap may ilang daang taon na ang nakalipas ay patuloy pa rin itong
nararanasan sa kasalukuyan ngunit sa iba nga lang panahon at tao. Ang ganitong uri ng
akda ay uri ng anong teoryang pampanitikan?
A. humanismo C. naturalismo
B. klasiko D. romantisismo
11. Pag-ibig ang naging dahilan kung bakit di natuloy ang unang himagsikang inihanda ni
Simoun. Sa anong uri ng teoryang pampanitikan maiuugnay ito?
A. humanismo C. naturalismo
B. klasiko D. romantisismo
12. Pinalubha ni Simoun ang kasamaam sa pamahalaan dahil ibig niyang _______.
A. mabagsik na lumaban ang mga inalipusta
B. makapaghiganti sa maling paraan
C. maghiganti ang mga ito sa mga Kastila
D. mawala ang pag-aatubili ng mga Kastila

Para sa bilang 13

“Ang mga tapat na loob at ang mga karapat-dapat ay kailangang magtiis upang
ang kanilang adhikai’y makilala, lumaganap! Kailangang alugin o basagin ang
sisidlan upang humalimuyak ang bango, kailangang pingkiin ang bato upang
magbigay-ningas!

-Padre Florentino

13. Ano ang ibig sabihin ng sinalungguhitang matalinghagang pahayag ni Padre


Florentino?
A. kailangang hikayatin o sanayin upang lumabas o maipakita ang kakayahan o
katangian
B. kailangan maghintay na lamang hanggang sa ang kalayaan ay makamtan
C. kailangan magtiis upang ang pag-unlad ay matamasa
D. kailangang putulin o pigilin ang pag-unlad o pagyabong ng isipan o kakayahan

Para sa bilang 14

“Ang magdusa at gumawa’y kalooban ng Diyos. Magtiis at gumawa! Anong Diyos


iyan?” “Isang Diyos na makatarungan, G. Simoun,” sagot ni Padre Florentino.
“Isang Diyos na nagpaparusa sa ating kawalan ng pananalig, sa ating mga
masasamang hilig, at di gaanong pagpapahalaga sa kabutihan.”

14. Ano ang mahihinuha mo kay Simoun batay sa kanyang pananalita?


A. hindi siya naniniwala sa Diyos
B. nawalan na ng pag-asa sa buhay
C. sinisisi niya ang Diyos sa nangyari
D. sobra-sobra na ang kanyang pagdurusa

20
[Type here]

Para sa bilang 15

“Nagkamali ako. Ngunit dahil ba riyan, kung kaya ng Diyos ninyong ito’y ipagkakait
ang kalayaan sa isang bayan at ililigtas ang iba na lalong imbi kaysa sa akin? Ano
ang pagkakasala ko kung ihahambing sa mga kasamaan ng mga namamahala?
Bakit pinahahalagahan pa ng Diyos na iyan ang aking kabuktutan kaysa daing ng
maraming walang sala?”

-Simoun

15. Alin sa mga sumusunusod ang hindi kabilang sa nais ipahiwatig ni Simoun sa kanyang
pahayag?
A. Ang hindi pagparusa ng Diyos sa kanya.
B. Ang pagkakait ng Diyos ng kalayaan sa bayan
C. Ang pagpapala ng Diyos sa kanya.
D. Ang pagparusa sa kanya ng Diyos.

Sanggunian:
Pinagyamang Pluma 10 Aklat 2
Awtor: Emily V. Marasigan
Koordineytor: Alma M. Dayag
El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal
Pampanitikang Talakay ni Arturo Sebastian Cabuhat
Ang “El Filibusterismo” ni Maria Odulio de Guzman

21

You might also like