You are on page 1of 10

Mga Ingay Na Nakapupunit Ng Dibdib

“Papa, ingay niyo! Ingay-ingay!” Papungas-pungas na lumabas si Jude sa kanilang

kuwarto. Tumambad sa kaniya ang amang nakaluhod at ang inang may dala ng

napakaraming gamit. Umiiyak sila pareho. Hindi niya naiintindihan. Tumakbo siya

papalapit sa kaniyang ama. Umiyak na rin siya. “Ingay niyo, Mama, Papa!” Pumalahaw

siya ngunit hindi ito sapat para tingnan siya ng kaniyang ina. Kitang-kita niya kung

papaano ito lumabas ng pinto ng kanilang tahanan. Sinubukan niyang habulin ito.

Hinawakan niya ang laylayan ng bulaklaking daster nito ngunit hindi niya nagawang

pigilan ang paghakbang ng kaniyang ina. Naiwan sila ng kaniyang amang nakatanghod

sa nakangangang pinto.

“Sa’n punta, Mama?” Umiiyak na tanong ni Jude sa kaniyang ama. Nakaluhod ang

kaniyang ama. Sinusuntok ang sahig. Sinilip ni Jude ang kaniyang amang nakayuko.

“Papa, gutom na ‘ko, papa, sa’n gatas?” Isang mahigpit na yakap ang naging tugon ng

kaniyang ama. Isang napakahabang gabi ang bumalot sa kanilang mag-ama.

Palaging maingay sa loob ng tahanan nila Jude. Mula sa masasayang ingay dahil

sa inuwing lechong manok ng ama niyang si Teo mula sa factory na pinagtratrabauhan

nito hanggang sa pakikipaglaro nito kung minsan ng tagu-taguan sa kanilang bakuran.

“Pagbilang ko ng sampu, nakatago na kayo!” Isisigaw ni Jude ang lahat ng mga

salitang ito sa tuwing sila ay maglalaro ng kaniyang ama. Magtatago ang kaniyang ama

sa mga puno, sa likod ng bahay, o di kaya ay uuwian si Jude. Lilipas ang oras sa
paghahanap ni Jude nang makikita niya ang amang natutulog na pala sa kuwarto. Kaya

sa kuwarto mag-iingay si Jude, iiyak siya nang iiyak. “Daya, Papa, daya!” Magigising ang

kaniyang amang pangiti-ngiti na naisahan muli ang anak. “Ang anak ko talaga. Ang anak

ko.” Yayakapin niya ito at hihintayin nila sa labas ang asawang galing sa palengke.

Ngunit may mga ingay sa loob ng kanilang tahanan na hindi maintindihan ni Jude.

Pauwi silang mag-ina noon kasama ang kaniyang Tiya Sabel galing sa pamamalengke

nang naabutan nila ang kaniyang amang nasa labas ng kanilang bahay. Nanghihina at

namumula ang mga mata. Nang makita nito ang kaniyang ina ay agad itong tumayo at

niyakap ito. “Mahal kita!” Nakangiti at paulit-ulit niya itong sinasabi.

Minsan naman ay naabutan ng kaniyang ina ang amang umiiyak sa mismong pinto

ng kanilang bahay.

“Teo, bakit ka ba nandiyan sa labas? Pumasok ka na nga.” Binaling nito sa kanila

ang kaniyang tingin. Namumula ang mga mata nito. Nakangisi sa kanila.

Nangyari ang mga bagay na ito simula nang magtrabaho ang kaniyang ama bilang

tagahatid ng mga kinampay. Inisip ng Tiya Sabel niya na baka nahihirapan ito sa

pagbibiyahe kaya’t parang laging pagod at kung ano-ano ang nakikita at naririnig. Noong

minsang dumalaw si Tiya Sabel sa bahay nila, bigla na lang napatulala ito sa nakanganga

nilang pinto.

“Teo! Teo!” Muntik nang masampal ni Tiya Sabel ang kaniyang ama. “Ano bang

tinitingnan mo diyan?”

Biglang umiyak si Teo, “may nakatingin sa akin, may nakatingin sa akin, nanlilisik

ang mga mata, Sabel!”


“Tumigil ka nga, Teo, tanghaling tapat! Anong may nakatingin, katanghaling tapat,

Teo! Uminom ka na ng kape mo, kumain at babalik ka pa sa trabaho!”

Umalis din kaagad si Tiya Sabel nang kumalma na si Teo sa nakita. Nag-ayos na

siya ng kaniyang sarili. Humingang malalim. Sinampal-sampal ang sariling pisngi nang

magising. Palabas na siya ng pinto nang maalalang si Jude lang ang nasa kuwarto at

ang asawa niya’y bumalik na sa palengke para magbantay ng tindahan. Sinuyod ng mga

mata ni Teo ang kakahuyan sa labas ng kanilang bakuran. Lumakas ang hihip ng hangin.

May naririnig siyang ugong sa kung saan. Papalakas nang papalakas. Masakit sa tainga.

Nagmamadali siyang pumasok sa kuwarto, ginising si Jude.

“Sa’n tayo punta, Papa?”

“Sa trabaho. Dali. Dali!”

Mabilis nilang nilisan ang kanilang tahanan noong tanghaling iyon.

Masaya si Jude sa tuwing sinasama siya ng kaniyang ama dahil inaakala niyang

pagmamay-ari nila ang truck na gamit nito. At ang mga pamilihan ay binibigyan lamang

nila ng mga kinampay dahil masyado na silang maraming pinagkakakitaan. Nilalaro niya

sa kaniyang murang isipan ang mga detalyeng ito habang nakadungaw sa bintana ng

truck sa paghihintay sa pagbabalik ng kaniyang ama o habang tumatakbo ang sasakyan.

Iniisip kung makabibili kaya sila ng kotse-kotsehan mamaya. Iniisip na kung mayaman

ang kaniyang ama ay baka hindi na umalis ang kaniyang ina.

“Papa!”
Sumigaw si Jude mula sa bintana ng truck nang makita ang pabalik na ama mula

sa paghahatid ng kinampay sa isa sa mga pamilihan sa kanila.

“Papa!”

Inulit ni Jude nang may nakasalubong ang kaniyang ama habang naglalakad. May

iniabot ito sa kaniya.

Nang pumasok ang kaniyang ama sa truck, iniabot nito sa kaniya ang maliit na

laruang kotse. Tuwang-tuwa si Jude. “Salamat, Papa!” Ngumiti lang ang kaniyang ama

saka hinaplos ang kaniyang buhok. “Sa susunod, malaking truck naman, anak!”

Namumula ang mga mata nito. Niyakap siya ni Jude. Nanginginig ang mga kamay nito.

Siguro iyon din ang dahilan kaya’t napabilis ang pagmamaneho nito, kay bilis na hindi

nito napansin na muntikan na silang mahulog sa bangin.

Nang mabalitaan ito ng Tiya Sabel at ng kaniyang asawa, mabilis na nagkaroon

ng ingay sa kanilang tahanan. Sunod-sunod ang mga sinabi nila sa kaniyang ama,

nawawala ka ba sa sarili mo, ayusin mo ang sarili mo, ano bang nangyayari sa iyo, Teo!

Nakayuko lamang ang kaniyang ama habang tinatanggap ang mga pangaral ng

dalawang babaeng tanging kasama niya. Hindi niya makuwento na habang

nagmamaneho siya ay may nakita siya sa daan. Hindi niya mailarawan. Ang alam niya,

nanlilisik ang mga mata nito at payat na payat. Sa totoo lang, iniwasan niya ito, kaya sila

muntik nang maaksidente ng anak.

“Teo,” marahang banggit ng kaniyang pangalan ng nag-iisa niyang kapatid. “Ano

bang nangyayari? Ayos ka lang ba? Nahihirapan ka ba sa trabaho? Ang payat-payat mo


na. P’wede ka namang maghanap na lang ng ibang pagkakakitaan. Alagaan mo ang

mag-ina mo.”

“Kaya ko. Saka mabilis ho ang pera rito. Kailangan ko lang magpahinga.”

“Papa, bili ka manok.” Biglang sumingit sa usapan si Jude nang marinig niya ang

salitang pera. Napatawa ang magkapatid. Hinaplos ni Teo ang anak saka niyakap.

Tatlong araw bago umalis ang kaniyang ina sa kanilang tahanan, naabutan nito

ang amang nasa loob ng kanilang kuwarto. May hawak-hawak na dahong nakatapal din

sa kaniyang dibdib. Tumatawa. At nagsasalita, “Mahal kita!”

“Ano ang ginagawa mo, Teo? Bakit ka tumatawa? Ano ‘yang hawak mo?”

Bumaling sa kaniya sa Teo. Nawala ang tawa nito sa kaniyang mukha. Napalitan ito ng

hilakbot.

“Huwag kang lalapit! Huwag kang lalapit!”

“Teo!”

“Si Jude, si Jude, ang anak ko, bitawan mo!”

“Ano ba nangyayari sa iyo? Wala si Jude rito, naglalaro kina Tiya!”

Tinakpan niya ang kaniyang tainga. Mabilis na ginalugad ni Teo ang kuwarto:

unan, kumot, ilaw. Naghahanap siya ng maaaring ibato sa asawa.

“Teo!”

Muling sumigaw ang kaniyang asawa. Umiyak si Teo at niyakap ang unan.
Pagkatapos ng sandaling iyon, tumahimik ang tahanan. Parang dinaanan ng

bagyo. Para silang nasa mata ng bagyo. Tahimik na tahimik. Saka umalis ang kaniyang

ina at hindi na bumalik.

Noong umalis na ang kaniyang ina sa kanilang tahanan, hindi nakapasok ang

kaniyang ama sa trabaho. Dumaraan sa kanilang bahay si Tiya Sabel nang umaga para

paghandaan sila ng pagkain. Nakatulala lang ang kaniyang ama sa pinto. Kung minsan

ay dumaraan ang lalaking nakita niyang may iniabot sa kaniyang ama sa pamilihan.

Pagkatapos nito, isa o dalawang oras ang lilipas, magiging masigla ang kaniyang ama,

minsan naman ay halos hindi makatayo. Hinang-hina. Malungkot. At takot na takot.

“Jude! Ba’t ang ingay-ingay mo!”

Napatulala si Jude sa ama. Hindi siya maingay. Walang maingay. Walang

nagsasalita sa tanghaling tapat.

“Ssh! Sabi kong huwag maingay!”

Nanlalaki na ang mata ng kaniyang ama. Pulang-pula ito. Lumabas ito ng pinto.

“Sino ka? Anong gusto mo?” Malakas ang boses ng kaniyang ama sa kausap nito. Umikot

siya sa kanilang bahay na para bang may hinahanap. Ilang saglit pa, kumaripas ito ng

takbo. Sinarado ang pinto. Nilagyan ng harang ang pinto. Sinarado ang bintana. Pawis

na pawis na ang kaniyang ama.

“Jude! Magtago ka. Andito na siya!”


Sumunod si Jude nang hindi naiintindihan ang mga nangyayari. Nagtago siya sa

ilalim ng mesa. Tinakpan niya ang kaniyang mga tainga. “Ingay.” Bulong niya sa kaniyang

sarili. Sumisigaw ang kaniyang ama. “Hindi niyo kami makukuha! Ang anak ko. Ang anak

ko!”

Malakas ang kabog sa bintana ng mag-ama. Kawayan lang ito kaya’t natitiyak ni

Teo na ilang minuto lang ang itatagal nito at tiyak na masisira. Mapapasok sila ng nilalang

na nakatingin sa kaniya. Nanlilisik na mga mata. Payat na payat na katawan. Ngunit

nakakapanghilakbot. Kailangan niyang kumilos para kay Jude. Kailangan niyang kumuha

ng p’wedeng panlaban. Unti-unti nang bumubuka ang bintana. Gumagapang na sa

katawan ni Teo ang takot. Pero hindi siya makakilos. Hindi siya makalakad. Hindi siya

makaalis sa kinatatayuan niya. Nasa harap lamang siya ng salamin. Kitang-kita niya ang

sarili niya kung papaanong hindi makakilos. Nakita niya si Jude sa ilalim ng mesa. Nakita

niya ang kamay ng nilalang na unti-unting pumapasok sa bintana. Kinagat niya ang mga

labi niya. Umiyak siya. Nahagip ng kaniyang isip na kailangan niyang magdasal kapag

hindi na niya alam ang gagawin. Iyon ang turo ni Tiya Sabel na baka kung ano-ano ang

nakikita niya dahil hindi siya nagdarasal. Ama namin, sumasalangit ka, sambahahin ang

ngalan Mo, mapasaamin ang kaharian Mo… Hindi lumalabas sa mga labi niya ang mga

salita. Inulit niya ito. Ama namin, sumasalangit ka, sambahin ang ngalan Mo,

mapasaamin ang kaharian Mo… Nawasak ang bintana. Papalapit na ang nilalang kay

Jude. Napakaingay ng mga yabag. Nanlilisik ang mga mata.

“Papa!”

Nilakasan ni Teo ang mga dasal.


“Papa!”

Sundin ang loob Mo, dito sa lupa, para nang sa langit. Hinugot ni Teo ang kaniyang

buong lakas para masigaw ang bawat salita ng panalangin hanggang sa nagalaw na niya

ang kaniyang mga kamay at paa.

Sakal-sakal na si Jude ng nilalang sa kanilang bahay. Sa kanang kamay nito,

hawak-hawak ang litrato ng kaniyang asawa. Itinuturo nito sa kaniya ang larawan ng

kaniyang asawa. Hindi maintindihan ng ama ni Jude ang nangyayari. “Ang anak ko, ang

anak ko!” Nanginginig na ang kaniyang boses. Umiiyak na si Jude at namumutla. Mabilis

na ginalugad ng kaniyang ama ang maaaring makuhang bagay: kaldero, kawali, walis,

palanggana, alin sa mga ito ang sapat na pamhampas sa mga nilalang na ito. Kinuha

niya ang palanggana, yumupi ito. Sinundan niya ng ano mang maaari niyang ibato.

Kaldero, kawali, pinaghahampas niya ng walis ang mga kamay nito para bitawan si Jude.

“Jude, anak ko! Anak ko!” Tuloy-tuloy niyang sinasabi. Galit na galit ang bawat hampas

niya. Nanlilisik ang kaniyang mga mata. Pulang-pula ito. Binitawan ng nilalang si Jude.

Saka nito binaling ang malalaki nitong kamay sa kaniyang papa. Hinampas siya. Tumama

ang payat niyang katawan sa salamin. Nabasag. Itinuro ng nilalang sa kaniyang

pagkakasalampak ang larawan ng kaniyang asawa. Hawak-hawak niya ang kaniyang

dibdib. Sumisikip ito. Kinuha ng nilalang ang piraso ng basag na salamin.

Tumitig ang ama ni Jude sa kaniya. Nakaupo lamang sa sulok si Jude. Mabagal

at mahina niyang sinasabi, “Ingay, Papa. Ingay.” Tinarak ng nilalang ang kapirasong

basag ng salamin sa kaniyang dibdib. Saka hiniwa. Mabagal na hiniwa sa dibdib.

Mabagal at malalim na hiniwa sa dibdib. Pinararamdaman ng nilalang ang tibok ng


kaniyang puso sa loob. Kung gaano kalakas ay ganoon din kalalim ang ginagawa niyang

paghiwa sa dibdib. Hanggang sa humina nang humina ang tibok.

Sa ilang saglit, tumahimik na sa kanilang tahanan.

***

IN LOVING MEMORY

TEO S. CRUZ

August 1, 1964 – December 13, 2004

Nakatulala si Jude sa kaniyang sopas habang katabi si Tiya Sabel at bumabati sa

mga nakikiramay sa kanila. Hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ni Tiya Sabel ang

nangyari sa mag-ama nang maabutan niyang kay raming hiwa sa dibdib nito. Hindi pa rin

nagsasalita si Jude sa nangyari, maliban kanina nang pagdiskitahan nito ang sisiw na

nakuha niya sa ibabaw ng kabaong ng ama.

“Masyado silang maingay! Natutulog si papa! Kain pa nang kain!” Galit na sinagot

ni Jude nang tanungin siya kung bakit niya iyon ginawa sa sisiw. Hindi siya mapakali sa

mga tumutukang sisiw sa kabaong ng tatay niya.

Sa paligid nila ay samu’t saring bulong ang ginagawa ng kanilang mga kamag-

anak, Sino ba kasi ang naglagay ng sisiw? Nakakatakot! Ano kayang iniisip ng batang

‘yon! Kawawa naman! Kailangan kasi ng mga sisiw para makonsensya ang mga taong

may gawa nito sa tatay niya! Wala bang p’wedeng magbantay muna kay Jude? Baka

maging katulad lang din siya ng kaniyang ama! Eh, ano ba talagang nangyari sa tatay

niya?
“Jude? Gusto mong matulog muna sa loob?”

Hindi siya sumagot sa kaniyang Tiya Sabel. Nagpaakay lamang siya sa kuwarto

ng kaniyang mga magulang. “Diyan ka lang muna ha.” Sinenyasan ng Tiya Sabel ang

mga pulis na kararating lamang.

Nakaupo sa papag si Jude. Hindi siya humiga. Hindi dapat siya makatulog. Ayaw

niyang makatulog at paggising niya ay makikita niyang muli ang amang nakaharap sa

kanilang salamin. Galit na galit na nakikipagtalo sa kaniyang sariling repleksiyon at paulit-

ulit na sinasabi ang “Jude, Ang anak ko, ang anak ko.”

Hindi siya naririnig nito kahit ilang beses pa siyang sumisigaw ng “Papa!” Nanlilisik

ang mata ng kaniyang ama. Binato nito ang salamin ng mga gamit nila sa bahay. Galit

na galit hanggang sa nabasag na ito. Sumalampak ito sa sulok. Umiiyak. Tumitig ito kay

Jude, sumenyas na tumahan na si Jude. “Tatahimik na sila, rito.” Saka nito dahan-dahang

hiniwa ang kaniyang sariling dibdib.

Paulit-ulit na naririnig ni Jude ang pagsigaw ng kaniyang ama. Inilabas niya sa

kaniyang bulsa ang laruang kotse. “Papa, ingay, papa.”

You might also like