You are on page 1of 17

ANG PANAGINIP NG

HARI
Ngunit itong ating buhay
Talinghagang di malaman
matulog ka nang mahusay
Magigising nang may lumbay
Ganito ang napagsapit
Ng haring kaibig-ibig
Nang siya’y managinip
Isang gabing naidlip
Di umano’y si Don Juang
Bunso niyang minamahl
Ay nililo at pinatay
Ng dalawang talampasan
Nang patay na’y inihulog
Sa balong di matarok
Ang hari sa kanyang tulog
Nagising na nalulunos
Sa laki ng kalumbayan
Di na siya napahimlay
Nalimbag sa gunam-gunam
Ang buong napanagimpan.
Mula noo’y nahapis na
Kumain man ay ano pa!
Luha at buntonghininga
Ang aliw sa pag-iisa.
Dahil dito’y nangayayat
Nanging parang buto’t balat
Naratay na’t nababakas
ang dating ng huling oras.
Nagpatawag nang mediko
Yaong marunong sa reyno
Di nahulaan kung ano
Ang sakit ni Don Fernando.
Kaya ba ang mga anak
Katulad ang reynang liyag
Dalamhati’y di masukat
Araw-gabi’y may bagabag.
Sa kalooban ng Diyos
May nakuhang manggagamot
Ito nga ang nakatalos
Sa sakit ng haring bantog.
“Sakit mo po, haring mahal
Ay bunga ng panagimpan
Mabigat man at maselan
May mabisang kagamutan.
“May isang ibong maganda
Ang pangalan ay Adarna
Pag narinig mong kumanta
Sa sakit ay giginhawa.
“Ibong ito’y tumatahan
Sa Tabor na kabundukan
Kahoy na hinahapuna’y
Piedras Platas na makinang.
Kung araw ay wala roo’t
Sa malayong mga burol
Kasama ng ibang ibong
Nangagpapawi ng gutom.
Gabi ng katahimika’t
Payapa sa kabundukan
Kung umuwi ay humimlay
Sa kahoy na kanyang bahay.
“Kaya mahal na Monarka,
Iyan po ang ipakuha’t
Gagaling na walang sala
Ang sakit mong dinadala.

You might also like