You are on page 1of 24

SI Haring Fernando

at ang Tatlong
Prinsipe
Noong mga unang araw
Sang-ayon sa kasaysayan
Sa Berbanyang Kaharian
Ay may haring hinahangaan
Sa kanyang pamamahala
Kaharia’y nanagana,
Maginoo man at dukha
Tanggap na wastong pala.
Bawat utos ay balakin
Kaya lamang pairalin
Nasangguni’t napaglining
Na sa bayan ay magaling
Kaya sa bawat kamalian
Na sa kanya’y ipagsakdal
Bago bigyang kahatula’y
Nililimi sa katwiran
Pangalan ng haring ito
Ay mabunying Don Fernando
Sa iba mang mga reyno
Tinitingnang maginoo.
Kabiyak ng puso niya
Ay si Donya Valeriana
Ganda’y walang pangalawa
Sa bait ay uliran pa
Sila ay may tatlong anak
Tatlong bunga ng pagliyag
Binata na’t magigilas
Sa reyno ay siyang lakas.
Si Don Pedro ang panganay
May tindig na pagkainam
Gulang nito ay sinundan
Ni Don Diegong malumanay.
Ang pangatlo’y siyang bunso
Si Don Juan na ang puso
Sutlang kahit na mapugto
Ay puso ring may pagsuyo
Anak na kung palayawa’y
Sumikat sa isang araw
Kaya higit kaninuman
Sa ama ay siyang mahal
Salang mawalay sa mata
Ng butihing ama’t ina
Sa sandaling di makita
Ang akala’y nawala na.
Sa pag-ibig ng magulang
Mga anak ay dumangal
Maagang pinaturuan
Ng dunong na kailangan.
May paniwala ang ama
Na di ngayo’t hari siya
Maging mangmang man ang bunga
Sa kutya ay ligtas na
Alam niyang itong tao
Kahit puno’t maginoo
Kapag hungkag din ang ulo
Batong agnas sa palasyo.
Kaya’t anong kagalakan
Ng sa hari ay kinamtan
Nang ang tatlong minamahal
Marurunong na tinanghal.
Tinawag na’t ang pahayag
“Kayong tatlo’y mapapalad,
Angkin ninyo ang mataas
Na pangalang mga pantas.”
Yamang ngayo’y panahon nang
Kayong tatlo’y tumalaga
Mili kayo sa dalawa:
Magpari o magkorona?
Tugon nilang malumanay
Sa magandang katanungan:
“humawak ng kaharian
Bayan nati’y paglingkuran.”
Sa gayon ay minagaling
Nitong amang may paggiliw
Tatlong anak ay sanayin
Sa paghawak ng patalim.
Taglay ng malaking hilig
Sa sanaya’y nakasulit
Ang sandata’y parang lintik
Espadang nakakasakit.
Natupad nang lahat-lahat
Ang sa haring mga hangad
Ito namang tatlong anak
Sa ama’y nagpasalamat.
Ang kanilang kaharian
Ay lalo pang nagtumibay
Walang gulong dumadalaw
Umunlad ang kabuhayan.
Kasayaha’y walang oras
Sa palasyo’y may halakhak
Pati ibon nagagalak
Ang lahat na ay pangarap.

You might also like