7- Einstein Pagkatapos malaman kung ano ang magiging lunas sa sakit ng hari, ay mabilis na sumunod si Don Pedro sa utos na hanapin ito. Sakay ang kanyang kabayo, naglakbay siya ng mahigit sa tatlong buwan. Sa kasamaang palad ay hindi natagalan ng kabayo ang paglalakbay at ito ay namatay. Kaya mag-isang nagtungo si Don Pedro papunta sa Bundok Tabor. Nang marating niya ang bundok, napansin niya ang isang mayabong na punong kahoy at ito ay tila kakaiba sa lahat ng puno na naroon. Napakaganda ng puno na kapag natatamaan ng sinag ng araw, ito ay kumikinang. Napagpasyahan niya na doon magpahinga sa ilalim ng napakagandang puno. Habang pinagmamasadan niya ito, naisip niya na ito na marahil ang Puno ng Piedras Platas kung saan naninirahan ang Ibong Adarna na makapagpapagaling sa kanyang amang may sakit. Habang pinagmamasdan niya ang puno napansin niya ang napakaraming ibon na lumilipad at paikot ikot lamang sa puno. Wala ni isa man ang dumadapo sa sanga nito para magpahinga. Wala kahit isa man lang ang naakit sa ganda nito. Matyaga siyang nagmasid sa mga ibon at umaasa na may isang dadapo sa sanga ng puno na marahil ay ang Ibong Adarna. Subalit nabalot na ng dilim ang buong kagubatan. Nabigo siya sa pag- asa na may isang ibon na dadapo sa sanga ng puno. Nakaramdam na din siya ng kalungkutan at pagkainip kaya nagpasya siya na matulog muna para makapagpahinga at ipagpapatuloy niya kinabukasan ang paghahanap sa Ibong Adarana. Subalit ang Ibong Adarna ay tila sadyang napakahiwaga. Kung kailan nakatulog si Don Pedro ay saka siya dumating at marahang dumapo sa sanga ng Puno ng Piedras Platas at hindi ito namalayan ni Don Pedro. Nagpagpag ng balahibo ang Ibong Adarna at pagkatapos ay nagpalit ang kulay ng kanyang mga balahibo. Nagsimula siyang kumanta at napakaganda ng kanyang kanta. Sa bawat pagkanta niya ay siya ring pagpapalit ng kulay ng kanyang balahibo. Pitong kanta ang kanyang ginawa at nakapitong bihis din siya ng kanyang balahibo. Ang Puno ng Piedras Platas ay lalong nagningning na para bang apoy. Ang lahat ng nangyayari sa puno ay hindi namamalayan ng himbing na himbing na si Don Pedro. Samantala, nakaugalian na ng Ibong Adarana ang magbawas pagkatapos niyang kumanta. Sa kasamaang palad, ang himbing na himbing na si Don Pedro ay napatakan at siya ay naging bato. Sa Berbanya naman ay nagkakagulo at nag-aalala na ang mga tao dahil hindi pa bumabalik si Don Pedro.